nang iwan mo ako
isa lang ang tangi kong natandaan
'yon ay ang poste sa daan
hindi ko natandaan ang 'yong mga titig
ang 'yong mga salita
ang 'yong mga hawak
o ang 'yong tinig
isa lang ang tangi kong natandaan
'yon ay ang poste sa daan
kulay dilaw ang ilaw nito
sakto sa halik n'ya sa labi mo
sakto sa luhang pumapatak sa mga mata ko
kaya hindi ko na natandaan kung paanong titigan mo ako
pagtapos mo s'yang hagkan
at hindi ko na rin matandaan kung paanong ang buka ng bibig mo ay
"patawad"
kaya't hindi ko na rin matandaan kung paanong ang dalawang magkahiwalay na poste sa daan
ay mistulang lugmok sa kalungkutan
dahil sila ang saksi sa pagmamahalang magpapaalam
ilang araw man ang lumipas, o buwan, o taon,
paulit-ulit na sinasaksak ang puso ko
sa tuwing dadaan sa poste sa daan
dahil yun lang ang tangi kong natatandaan
dahil sila ang saksi sa pagmamahalang nagpaalam.