Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Allan Pangilinan Dec 2015
Disoras na naman ng gabi,
At ‘di ko alam kung saan ako aabutin ng kahangalang ito.
Andaming sabi-sabi sa mga tabi-tabi,
At naisipan kong isulat ang ilan sa mga ‘to.

Kung mabasa ito ng iba kong kakilala,
Siguradong pagti-tripan ako ng mga tangina.
Pero ayos lang, ano pa bang mawawala?
Sanay na ako’t sobrang kapal na ng aking mukha.

Nais ko lamang ibahagi ang isang kwento,
At marining kung ito’y naranasan na din ba ng iba.
Pagkat sa ikot ng ating mundo,
Ang kwentong magkapareho’y anong ginhawa.

Hayskul ako noon nang una kong masabi na, “Shet, gusto kita.”
Ano pang mga ka-kornihan ang ginawa ko’t sumulat ng tula.
Napainom pa ako ng energy drink para lang masabi,
Na sa tuwing nakikita kita’y abot langit naang aking ngiti.

Ngunit ayun lamang at ako’y ‘di pinalad.
Sa mga rasong tila dapat ay batid ko naman.
Paano nga ba ang sarili’y mailalakad,
Kung sa mga simpleng salop ako’y walang mailaman.

Naging mabuti naman pagkat ika’y minahal ng isang tunay na kaibigan,
‘Wag niyo na lamang akong imbitahan sa inyong kasal.
Sa ngayo’y ang alaala na ito’y dumaraan na lamang,
Tuwing napag-iisa’t ubod ng pagal.

Limang taon ang nalipas at muli kong sinubukan,
Sa ibang babae naman binuksan ang kalooban.
Akala ko ay pwede na,
Ngunit, puta, ‘di rin pala.

Ang hirap mo maging kaibigan,
Lahat ng tao sa paligid mo’y ako’y sinisiraan.
Batid kong may pagkakaiba ang ikot ng ating kaisipan,
Ngunit inakala kong posible ang pagkakasunduan.

‘Di ako ng tipo ng madalas magkagusto,
Lalo na din siguro sa mga pangyayaring nasulat rito.
Tingin man ng iba’y dapat maataas ang aking tiwala sa sarili,
Mga taong ‘may kaya niyan’ ay sadiyang pili.

Sa totoo lang, marami akong ayaw sa sarili ko,
Kaya’t malalim na takot ang nararamdaman ko.
Kahit na sabihin ng iba noon na gusto nila ako,
Dagli kong iisiping, “Sino niloloko mo?”

Nanay ko lang tumawag sa aking gwapo,
At sa mga manininda at drayber ko lang narinig ang, “Uy, pogi!”
Ngunit sa katotohanan pala’y iba-iba talaga ang pagtingin ng tao,
At minsa’y may mga tunay sa magkakagusto sa’yong mga ngiti.

May mga lumapit na rin,
Babae at lalaki, nagparamdam ng pagtingin.
Ngunit ayaw ko ring lokohin sila at ang aking sarili,
Kung ‘di naman tunay ang magiging pagpili.

Kaya siguro ako tumatandang ganito,
Malakas ang loob at mukhang masungit,
Dahil sa loob ng 20 taon ay kinaya ko ang sarili ko,
Mag-isa akong bumabangon at pumipikit.

Kinaya kong mamuhay ng mag-isa,
Kaya mahirap hanapan ng lugar ang para pa sa iba.
Ngunit ‘di tayo nawawalan ng pag-asa,
Na merong ‘siya’ na darating nga.

Andami nating hinarap na mga problema,
Iniyakan ‘to, uminom dahil dun at kung anu-ano pa.
Ngunit kung iisipin, masa madali **** malalampasan yan,
Kung may isang taong tunay kang pakikinggan.

Sa lahat ng ‘di buong nabiktima ni kupido,
Na sa’yo lamang lumipad ang palaso,
‘Wag kang bibitiw kapatid ko,
Ang araw ng iyong kasiyahan at ligaya’y pinapangako ko.

Patuloy na managarap at managinip,
Tadhana’y nariyan at unti-unting sisilip.
Malay mo bukas paggising mo,
Kayakap mo na ang taong pinapangarap mo.
Nasa banyo ako nang maisip ko ang ilang mga taludtod para sa likhang 'to.
JOJO C PINCA Dec 2017
“Mahirap na daw turuan ng bagong laro ang matandang aso”, siguro nga totoo ito. Pero may mga bagay na nalalaman ang matandang aso na hindi alam ng mga kabataan ngayon. Alam ng matandang aso ang sagot sa maraming talinghaga at hiwaga na taglay ng buhay. Nakita n’ya ang mga paliwanag na nagbibigay ng liwanag; nakita n’ya ang mga katotohanan at kasinungalingan na nasa pagitan ng mga sulok-sulok ng buhay. Alam n’ya na hindi lahat ng kumikinang ay ginto, na hindi porke kalmada ang dagat ay wala nang darating na unos. Hindi ibig sabihin na kapag komokak ang palaka ay tag-ulan na. Alam n’ya na ang kamatayan ay hindi talaga kasawian kundi isang bagong yugto, isang bagong pagsisimula at isang bagong anyo ng buhay.

Alam ng matandang aso ang pagkakaiba nang tunay na umiibig sa nalilibugan lang. kaya natatawa s’ya kapag nakikita ang mga kabataan na inaabuso ang salitang “pagibig”. Mahina na ang katawan ng matandang aso subalit nananatiling malakas ang kanyang isip; malabo na ang kanyang mga mata pero malinaw parin ang kanyang puso at pandama. Marami na s’yang naisulat at marami na s’yang binigkas na mga talumpati, alam n’yang hindi lahat ng nagbabasa at nakikinig ay natututo. Marami sa kanila ay nananatiling mga ungas at gago. Alam n’ya na ang karunungan ay hindi agad-agad na tinatanggap ng mga hanagal na nakikinig, na hindi ang talumpati at panulat ang talagang nagmumulat kundi ang mga karanasan at mga pinagdadaanan.

Malalim na ang gabi pagod at inaantok na ang matandang aso pero hindi s’ya makatulog. Dahil alam n’ya na sa bawat pagkahimbing ay laging may naka-abang na bangungot. Na ang bawat bukang-liwayway ay hindi laging may dalang pag-asa. Na, ang maghapon madalas ay isang tanikala na iyong kailangan na hatakin. Hindi naging masaya subalit hindi rin naman naging malungkot ang buhay ng matandang aso, pero hindi s’ya nanghihinayang sapagkat alam n’ya ang ibig sabihin ng kasabihan na “ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka”.
k e i Jul 2020
“minahal mo ba talaga ako?”

pakawala ko sa buntong-hiningang tanong. higit isang taon ding namalagi sa isipan ko.

“minahal mo man lang ba ako?”

pag-ulet kong tanong nang manatili siyang tahimik. iniangat ko ang mga mata ko para tignan siya. isang taon na mula ng huli naming pagkikita. iba na ang gupit ng buhok niya ngayon. mas nagmukha siyang seryoso dahil don.

ilang minuto pa ang lumipas bago siya sumagot. nanatili ang tingin niya sa labas.

“minahal kita. higit pa sa alam mo. marahil, higit pa sa naparamdam ko.”

“pero bakit ganon? ikaw yung huli kong inisip na manghuhusga, pero sayo pala mismo manggagaling.”

“ikaw yung higit na pinagkakatiwalaan ko sa lahat, pero ikaw rin yung bumali” matipid siyang ngumiti. ramdam ko yung pait. walang emosyon sa kaniyang mga mata.

napailing ako. eto nanaman. mga salitang pinakawalan namin nungg gabing natapos kami-ang kaibahan lang, sa personal ngayon at hindi sa tinig lang.

“mali ka. hindi mo ko minahal. hindi ako, kundi yung bersyon ko sa isip mo. hindi ako, kundi yung ako na nabuo mo sa imahinasyon mo.”

“minahal kita. sobra-sobra. kaya lang, nagbago ka. nung una, paunti-unti, hanggang sa pakiramdam ko, ibang tao na yung nasa harap ko. siguro dahil, nalingat ako, dahil di ko binuhos lahat ng atensyon ko.” saglit niya kong binigyan ng tingin na parang nahihirapan.

“dahil di naman siya nawala talaga diba? sabi mo noon, may mga pagkakataong magkasama tayo pero siya yung iniisip mo.”

hindi siya makasagot, pero bakas sa mata niya na tama ako. nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko. matagal na yon. ayos na rin ako. sadyang iba pa rin pala kapag harap-harapang sabihin sa’yo.

“pero hindi naman ganun ang pagmamahal. hindi naman porket nagbago, dapat nang sukuan. kase lahat naman nagbabago. kahit ikaw, narasan ko ang ilang beses **** pagbabago. pero kahit ganun, pinili ko pa ring manatili. para sa’yo. para sa’tin”

“patawad. alam kong ako yung naging dahilan kung bakit umalis ka noon, alam kong napagod ka. pero hindi ko inakalang ganun-ganun mo lang ipagpapalit. na ganun ka kabilis magkakaroon ng bago.”

“hindi kita pinagpalit! hindi ko tinapon yung isang taon!”

mabilis kong kinalma ang sarili ko. ganitong ganito rin yung mga sinabi niya noon. ganun pa rin pala ang tingin niya. na binasura ko lang lahat. na parang mas mabigat pa yung naramdaman niya sa isang beses na pinili ko ang sarili ko kaysa sa kung paano niya pinaramdam na kahit ako yung naroon para sa kanya, kahit kailan di magiging sapat.

“bago ako umalis, sinabi ko sayo kung bakit. umasa akong ipapaintindi mo kung bakit nagbago yung pakikitungo mo, umasa ‘kong mapapansin **** nasasaktan na ako. umasa akong pipigilan mo ko, na sasabihin **** 𝘢𝘺𝘶𝘴𝘪𝘯 𝘯𝘢𝘵𝘪𝘯 ‘𝘵𝘰. pero niisang salita, wala akong narinig. malamang iisipin ko, wala lang lahat nang ‘yon. kase hinihintay mo lang naman talaga kong umalis diba? ayos lang sayo kung manatili ako o hindi. ako kase yung nasa tabi mo. sanay ka na kamong iniiwan. sinubukan ko naman eh. sinubukan kong maging iba sa kanya base sa mga kwento mo tungkol sa kanya. kahit ang hirap. pero kahit ano namang gawin ko, ganun pa rin iniisip mo. na mawawala ako. kaya wala na rin akong ibang magawa kundi lumisan. kase sa pananatili ko, naubos ako. naubos na ata lahat ng isasakit bago pa man ako magpaalam. kahit nung nasa tabi mo pa ko, wala na akong maramdaman. kaya hindi mo ako masisisi kung mabilis. gusto ko lang namang mawala yung pagkamanhid. kasi kung may nakuha akong explanasyon o kahit isang salita galing sayo, alam **** hindi na ko tumuloy sa kabilang dako ng pinto, na mas pipiliin kita ulet-handa akong isantabing muli yung sakit.”

may ilang luhang nagpumilit na tumakas sa gilid ng mga mata ko. agad ko ring pinunasan ang mga ito. bigla nanaman bumalik ang mga ala-ala na akala mo hindi taon ang lumipas, parang kahapon lang. kasabay nito ang panandaling panunumbalik ng sakit.

“naniwala ako sayo nung sinabi **** ako lang. na walang iba. pero ang sakit nung ilang linggo lang pagtapos natin, may iba na agad sa tabi mo. may iba ka na agad kasama’t kayakap. may iba nang nagpapangiti sayo.”

kita ko ang pagkuyom niya sa kaliwa niyang kamay gaya ng ginagawa niya dati sa tuwing may bumabagabag sa kanya.

“tapos na tayo nun. gaano katagal ba dapat akong magluksa? kahit naman nung nasayo pa ako, mabilis mo ring binawi yung sayang pinaramdam mo nung una. na una pa lang, kahit ako na yung naroon, kasama mo pa rin siya sa isip mo. minahal mo lang ako kase ako yung nasa tabi mo. kaya wag mo akong sisihin kung ginusto kong sumaya ulet.”

“sana binungad mo na agad yun nung humingi ulet ako ng isa pang pagkakataon. hahayaan naman kita. kung nalaman ko lang ‘yon, hindi na kita ginulo pa. pinatay ko na dapat lahat ng naipong pag-asa sa utak ko, na pwede pa.”

“ang malas ko lang talaga, pagdating sayo, kaya kong itigil lahat. nung ginusto **** bumalik ako, umaahon na ko paunti-unti eh. kahit paano, nakakahinga na ko ulet. lahat sila sinabing wag na kitang pansinin, na sarili ko naman muna sa pagkakataong ‘to. akala ko mali lang sila ng paghusga, kase hindi ka nila kilala katulad ng pagkakakilala ko sayo. wala eh, nagparamdam ka lang, naapektuhan nanaman ako. pagdating sayo, ang tanga-tanga ko. ganun na lang kita kamahal. hindi lang isang beses; umulet pa ko. ayun lang naman kase yung kailangan ko, yung marinig na gusto mo pa, na gusto **** ayusin.”

“inaayos naman na natin nu’n diba? nagiging masaya na tayo ulet. nakikita ko kung pa’no mo sinusubukang bumawi. kaso wala, nung malaman **** sinubukan kong kumilala ng iba hindi mo matanggap. traydor ako, sabi mo. at sa pagkakatong yun, ikaw naman yung nang-iwan. akala ko wala na akong mararamdaman. na ayos lang, nangyare na ‘to, naulet lang, nalampasan ko na ‘to. pero hindi, mas masakit pa pala. tangina sobrang sakit. kase ayun na yung hinihingi ko, tapos binawi nanaman kung kelan hinding-hindi ko inaasahan. tangina.”

“siguro nga kaya hindi naging maayos ‘to kase hindi ko inayos yung nakaraan. hinayaan kong sundan ako ng multo niya, hinayaan kong saniban ng nakaraan yung kung anong meron tayo. na hanggang ngayon hindi pa rin ako tuluyang makalaya.” mahinang sabi niya. ramdam ko yung pagsisisi sa boses niya.

“sana naiayos mo na yun ngayon. sana mas maayos ka na ngayon. sana mapatahimik mo na yung mga memoryang patuloy na humahabol sa’yo. sana naghihilom ka na. sana, hindi na maranasan ng mahal mo ngayon yung naranasan ko.”  

sa loob ng isang taon, natutunan kong tanggapin lahat-mula sa mga memorya hanggang sa pa’no kami nawakasan, kung pa’nong di naman siya talaga naging akin lang. hindi naging madali pero kinailangan. sa huli, wala naman talaga akong magagawa. nangyari na yung mga pangyayari. nagkapalitan na ng mga masasakit na salita. naubos na namin ang isa’t-isa.

“nung tuluyan nang nawala yung tayo, wala akong naging iba at wala nang susunod pa. mas gugustuhin ko na lang na mag-isa. kase yung sakit na dala-dala ko bago pa man kita nakilala, hindi ko namalayang naipasa sayo. sobra sobra na yung pinsalang nadulot ko. tama na. ayos na yung ako na lang yung nagdurusa.”

“-alam kong kahit ga’no ko pa gustuhing ibalik yung oras para itama lahat ng nagawa kong mali, hindi na pwede. said na. siguro hanggang doon lang talaga tayo. sa ganito siguro talaga tayo maiuuwi. tama na.” pagpapatuloy niya.

sa puntong ‘to, naiyak na rin siya. kumuha siya ng panyo at pinunas sa kanyang mukha.

“baka nga. baka hindi talaga pwede.” bulong ko.

tinignan ko ulet siya, sa kahuli-huling beses. ilang minuto kaming nabalot ng katahimikan, nakatingin pareho sa kawalan. siya ang naunang tumayo sa kinauupuan.

“alam kong hindi mabubura ng ilan mang ‘patawad’ kung ganito kita sobrang nasaktan. pero gusto ko lang ulit humingi ng patawad.”

pinanood ko ang palayo niyang pigura hanggang isa na lang siyang maliit na tuldok at tuluyang nawala. pinakiramdaman ko ang sarili ko. humingang malalim.

isang taon na yung lumipas. halos ganito rin yung nangyari noong gabing iyon. ang pagkakaiba lang, noon, mas pinapangunahan kami ng emosyon. isang taon na pero ngayon ko pa lang talaga patuloy na maibabaon. kinailangan kong marinig ulet. ngayon, totoo ngang tapos na. wala na. natuldukan na.
George Andres Jan 2017
kailan ba nabuhay ang mga manunulat?

sa lahat pagkakataon, kumukuha lang sila ng materyal, ng inspirasyon, ng hangin sa baga ng apoy.

kung iniisip **** ibinigay na nila ang lahat sa'yo, pakaisipin mo ring marami silang nakuha mula sa'yo: ang alon ng buhok mo, ang tsokolate **** mata, pantay na mga ngipin, nakakaakit **** ngiti

ngunit higit sa lahat nang 'yon, ikaw pa rin ang talo, bakit?
dahil minahal ka nila upang iguhit nang tulad nang sa mga pintor: delikado, misteryoso at orihinal.

kahit pa ilang tauhan na ang nagdaan, makikita mo ang pagkakaiba ng oras, panahon at lugar; pagkapusyaw at pagkalamlam, katingkaran o putla ng kulay mo sa tuwing magkahawak kayo ng kamay.

ikaw ang talo, dahil kahit sinong gagawa ng sariling istorya, ikaw; na tinutukoy niya ay ang laging kontrabida. 'hanggat hindi natututong magsulat ang leon, palaging papupurihan ng mga istorya ang mandirigma.'
ikaw ang nang-iwan, unang nilapitan, unang bumitaw sa magpakailanman,
ang hindi lumingon

sa bawat pagtawag sa pangalan **** kirot na ngayon ang katumbas
para bang kalamansing piniga sa sugat na kailanma'y di naghilom at naglaho.
pero sa panahong bumakat na sa papiro ang mga letra, hindi na lamang siya ang luluha sa pagkawala mo, ni maiihi sa kwentong una kayong nagkatagpo

kailan ba nagkaroon ng pagkakataong inisip lamang ng manunulat ang ngayon at hindi ang bukas na isusulat niya ang mga nangyari nang araw na 'yon?

ang unang beses mo siyang halikan sa pisngi, ang panay na pagdantay mo sa kanyang balikat at pagkahawak sa kanyang braso?

kailan ba niya malilimutan at ilang beses pa niyang pauulit-ulitin ang gunita ng pagpatak ng mga luha mo sa harapan niya nang walang dahilan kundi dahil masaya kang kasama siya?

kailan ba nabuhay ang isang eskribo?

sa simula pa lamang ng panahon, kasiping niya gabi-gabi ay ang tinta ng pluma at papel sa harap ng init ng gasera at nagbabagang puso.

mamahalin ka niya gamit ang buhay na mga salita
papatayin ka niya hangga't di ka na makaahon sa lalim ng bangin kung saan inimbak ang pagtingin niya sa'yo
nabuhay siya nang dumating ka
nang mga panahong ang mga oras ng kabataan ay itinatapon na, ikaw ang naging gasolina
upang magliyab siya
oo ikaw na irog niya

nabuhay siya upang buhayin ka magpakailanman
PoemsFor....
1916
Kate Burton Dec 2016
Pinaiyak, hindi napaiyak
Sinaktan, hindi nasaktan
Pinaasa, hindi napaasa
Naiwan? Baka iniwan

Hindi maaring sabihing napaasa mo kung
Ni minsan hindi mo ginustong saluhin
Hindi tamang sabihin na naiwan mo siya
Dahil hindi niya ginusto sumama sa landas na alam **** ayaw niya
Hindi katanggap tanggap ang sabihin **** "pasensya at nasaktan kita" habang wala siya sa isip mo nung mga panahong nagsasaya ka sa mga bagay na ika-lulungkot niya
Hindi tama

Mali
May pagkakaiba sa dalawa
Hindi ito isang aksidente
Sinadya mo, ginusto mo

Ngayon
Sinanay niya ang sarili na wala ka
Pinili niyang maging masaya ng hindi ka kasama
Ngunit wala kang magawa, hindi mo sinasadya, diba?
Crissel Famorcan Oct 2017
Lumaki ako sa paniniwalang ang buhay ay isang kompetisyon,
Na dapat angat ka sa lahat sa anumang sitwasyon  
At sa anumang pagkakataon
Pagkat yun ang sukatan ng tinatawag na tagumpay
Isang bagay na hindi naman sa iyo habangbuhay
Pinalaki ako sa paniniwalang masama ang magkamali
Sa paniniwalang Hindi lahat ng  bagay dapat minamadali
Kaya magpahanggang ngayon ang mundong ginagalawan ko
Malaki ang pagkakaiba sa mundong mayroon kayo
Pagkat nabubuhay ako sa takot
Takot sa pagkakamaling maari Kong magawa
Takot na baka isang araw, mahila ako pababa
Takot na isang araw,  lahat ng meron ako,  Bigla na lang mawala
Na baka isang araw, magising na lang akong nakatulala
Hindi ko na alam ang gagawin  
Lakbayin ko ba'y makakaya ko pang tapusin?
Sa labing anim na taon ng aking  pamumuhay
Ang pinakamahirap kong ginawa: sa mundo'y makibagay
Pagkat sa bawat pagbabagong aking  nasasaksihan  
Kaakibat ang panibagong bigat sa kalooban  
Dahil takot akong bitiwan ang nakasanayang paniniwala
At ang takot na'to ang nagsisilbi kong tanikala
Tanikalang pumipigil sa aking paglago
At sa pag-angat ko'y pilit na nagpapahinto.
Alam kong balang araw,darating ang oras Mahahanap ko ang natatanging lunas
Para sa nagtatagong takot sa loob ko
At darating ang araw na makakalag ko rin ang tanikalang 'to!
Nagtago ang mga parilya sa kalupaan
Habang sila'y kusang nagpahimlay sa pagsisilbing lakas t tuntungan
Siguro, naisip din nilang ayos lang mapasailalim
Kung ito nama'y marangal at bubuo sa bukas at ngayon.

Habang sila'y sama-samang ipinagbibigkis
Ay mas lalo silang nakatatamo ng sugat mula sa isa't isa
Hindi nila ininda ang dumi o kahit na ang agos
Na posibleng yumurak sa kanilang mga pagkatao.

Sa aking pagtingala mula sa pagkasisid sa kalaliman ng kanilang mga adhikain
Ay nasasaksihan ko ang pag-usad ng mas matitibay pang haligi
Na dito sa ating baya'y may iilan ding tunay na tatayo
At nanaising maging tuntungan ng iba para sa higit na pagsulyap sa araw
Sila'y kapit-bisig sa pag-aalay ng dugo't pawis
Para sa ikuunlad ng kabuuan.

At unti-unting mahuhulog na tila nagkakalansingang mga barya
Ang mga may buo ang loob.
At sa pagbibilang ko ng mga araw ay walang pakundangan silang magiging isa
At malilimot na rin ng iilan na minsan, sila'y may pagkakaiba --
Na minsan, sila'y pinulot at hinugasan
At ngayon sila'y nagbago mula sa pagiging kupas na larawan.
Terry S Cabrera Jun 2020
Binubuhay ng pag-iisa ang iba't ibang pakiramdam.
Nalalaman mo na may mga bagay na 'di mo kayang gawin nang ikaw lang.
Nailalabas ang kalungkutang ikaw lang ang nakakaalam.
Nailuluha ang pighati na sa sarili mo lamang ipinapakita.
Lumalakas ang pag-iyak na mumunting hikbi lang sa tuwing may kasama.

Nauunawan mo na minsan kailangan mo lang din mapag-isa.
Nagagawa **** maging matapang -
Na kahit hindi mo kaya ay iyong sinusubukan.
Nagagawa **** pasayahin ang iyong sarili.
Hindi mo na kailangan pang magpanggap na hindi ka sawi.
Dumadagsa ang mga kaisipan na sa pag-iisa mo lamang namamalayan.

Ngunit sa lahat ng iyan,
Napagtatanto mo na ang pinakamasakit na pag-iisa ay iyong may kasama ka.
Wala naman kasing pagkakaiba 'yong pag-iisa na ikaw lang
Sa pakikisama mo sa karamihan
O sa tuwing napaliligiran ka ng tinatawag **** kaibigan.
Pareho lang ang ibinibigay nilang pakiramdam.
Pareho lang ang inuukit sa iyong isipan
Na mag-isa ka -
Kahit ikaw lang o kahit na mayroong kasama.

© Tres
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019
Kalakip ka ng dagundong ng hangin ngayong tanghali:
    Bago ang lahat, kakapahin ko ang natitirang
    init sa upuan. Iyon ang aking galit. Inukit ng iyong bigat
ang paglubog ng buwan, dito sa aking gabi,
tumatambad sa silid na walang durungawan,
  isang batang namumugad,
gumagapang sa walang-malay na gulugod
  ng pagdaralita. Bulahaw ng radyo at ang binulatlat
  na pagkakataon – matapos ang lahat ng ito,

ang tulog ay may angkop na bigat,
panaginip ay kulata, dala ng hangin ang bukas
  na walang pagkakaiba: Dinaanan mo na rin ito

kahapon ng hindi man lamang dumungaw
para kumaway.
majsrivas Jan 2023
Nitong nakaraan, naging nostalgic ako sa mga new year na nagdaan, mga new year nung bata kami, and sa new year na dadating pa.

Oo sobrang saya ngayon, hindi rin naman mapapantayan ang saya! Pero alam ko na iba na siya. Ibang-iba na siya―kasi noon, kumpleto pa kami at wala pang nawawala samin. Kumpleto pa ang mga lolo at lola namin. May mga fireworks display, sinturon ni hudas mula sa kanto hanggang kabilang kanto. Isinasampay pa ung sinturon ni hudas sa katawan namin tapos magppicture kami, may trumpilyo, luces tapos isusulat ang pangalan sa daan, maging yung ray-gun na paputok meron din. May mga pagkain pang nakalagay sa la mesa dahil naghahanda ang mga lola. May ham, tinapay, hot choco, at kung ano-ano pa na pati mga kapitbahay namin doon din kumakain salo-salo ang lahat! Meron din sayawan sa kalsada mga 90's na tugtugan "don't cry" sa gitna ng kalsada.

Habang sinasalubong ang taon, we played this game na "thankful for 2022, and looking forward in 2023" with cousins and titos and titas while drinking wine and alcohol til we drop. Ang saya mapakinggan yung mga bagay na pinagpapasalamat nila at mga bagay na nilo-look forward nila lalo yung mga things they share about our family. It means so much na pare-parehas kami na support sa isa't-isa at ramdam yung pagmamahal sa bawat isa.

Sabi ng isa kong tita, darating daw yung time na baka maiba na dahil siyempre magkakapamilya, career, ibang paths to take, na baka yung iba di na mag new year sa Clemente. Pero sabi niya sila ay nandiyan pa din dahil yun ang gusto nila. Oo alam ko pwedeng mangyari dahil na-experience ko na sa mga kaibigan ko. Dati palagi kaming magkakasama tuwing new year at pasko. Mahal namin ang isa't-isa na kung pwede nga lang palagi kaming magkakasama. Pero siyempre iba-iba kami ng mundong ginagalawan at tinatahak, may lumipat ng bahay, may mga pamilya na din kaya bihira na lang din kami magkasama sama. Nakakamiss!

Hindi ko alam ang future, pero sana lahat kami nandito pa din magkakasama, isang buong pamilya na magkakasamang haharap sa panibagong taon habang nabubuhay kaming lahat!

Masaya ako na na-experience ko ang pasko at new year sa Tondo! Marami akong ipinagpapasalamat hindi lang sa 2022, kundi magmula 1992! Alam ng puso ko kung ano yung mga bagay na yun hindi ko maisa-isa, basta alam ko masaya lahat at grateful ako sa family na ibinigay sa akin ni Lord. Hindi man kami mayaman, madami man kaming pagkakaiba-iba, pero solid mahal namin ang isa't-isa. Looking forward to 2023 and more! **
George Andres Nov 2017
Maaari na ba 'kong magsulat muli?
Wala nang pagkakaiba ang pula at puti
Sa dilim na bumabalot unti-unti
Lalamunin ng dagat ang buhanginan
at tatapyasin ng hangin magulo kong isipan
Maghihimutok ang buwan sa araw na nagdaan
na hindi ka sinuyo o kinausap man lang
Aaraw na sa mga susunod pang oras
Tutuyuin ang pag-agos ng ilog na marahas
Walang direksyon ang kamay kong nanginginig
Nagniniig, sumisikip, kumakapit sa malamig na ukit
ng paghaplos ng mga mata sa larawan mo
Nagtatalo, nagpupumiglas, ang hawlang banat at butas
Lilimutin ko ang kapayapaan ng iyong mga labi
na walang sinambit na salitang ihahabi
Ang oras na hinintay upang masabi
na darating din ang huli at takipsilim
Babalutin ka't kakanlungin sa aking lambing
Hindi ka na mag-iisa't lalasapin ang ligaya
Katulad **** nalulumbay mag-isa ako dito sa'king hukay
Hawakan mo naman ako sa aking pagkakahimlay
Sa bituin **** kumikislap ako'y natatangay
Nawawalan ng malay kumakaway sa ngiti
Nawawala ang pighati't lumalaya ang mga berso
Kumakawag sa lalim ng karagatang inilimlim
Ako sa hangin na para bang inakay na naghihintay
Naghihintay pa rin at nalulumbay kung wala ka
Para bang hindi nauubusan ng salita
Lumalamang ang hiya na kahit kailan Mayroon bang sapat upang mahalin ka't hangaan ang iyong bawat galaw
Bawat perpeksyong hindi alintana ang mali
Sa inpatuwasyon ng pagkabulag ko
Hindi nakita ang pagbagsak
ng luha ng tuhod ng balikat sa kaba
Sa isang iglap naglaho ka na akala ko ba
Ako ang nang-iwan sa ginaw kong aba
10117
Denise Sinahon Sep 2020
Mga bagay na gustong gawin
Mabibigyan oras upang tuparin
Ngunit wag muna itong unahin
Dahil alam **** marami ka pang gawain
Nakaabang mga takdang aralin
Naghihintay na gawin
Ikaw man ay malaya
Dapat alam mo pa rin ang kahalagahan ng iba
Iba tulad ng iyong pag aaral na nangangailangn ng pagpapahalaga
Sa pag gawa ng mga bagay na iyong ikasasaya
Wag kalimutan ang nararamdaman ng iba
Baka ikaw ay may nasasaktan na
Mas magiging masaya ka
Kung alam **** wala kang nasasaktang iba
Ang pagiging malaya
Sa paggawa ng mga bagay na iyong ikatutuwa
Ay nakapag papa aliawalas sa iyong mukha
Dahil ito ang dahilan kung bat ang ngiti mo ay masisilayan sa iyong mukha
At sa iyong mata makikita ang kinang na dulot ng kalayaang natatamasa
Pero wag kakalimutan ang pagkakaiba  Ng pagpili sa mali at tama
Ikaw man ay naturingang malaya
Dapat alam mo pa rin ang makabubuti at makasasama
Bigyan ng limitation ang sarili, tama naman dba?
Dahil baka sa sobrang saya na iyong madarama
Ikaw ay maging pabaya
Buhay moy malagay sa isang sitwasyon na ndi kaaya aya
At pagsisisi lamang ang makikita sa mukha
Freedom
Jun Lit Jan 2020
Tinuruan po ninyo kami
kung paano magsalita at sumulat nang taas-noó
sa isang wikang inampon,
na hindi naman namin Ina.
Ang balumbon ng panuntunan
at talaan ng mga tanggap na kataliwasan
kabisadung-kabisado po ninyo
at ipinagpakasanay po ninyo sa amin,
buung-tiyagang inalagaan
ang mahiyaing mga buko
masikap na hinamon kami
araw-araw, at ang iyong tinig
hanggang ngayon sa diwa’y naririnig –
“Correct practice makes perfect!”
Higit pa sa mga tugmaan ng simuno at panaguri
Ang inyo pong mga aralin sa balarila, na tila gintong may-uri
Ay tinuruan ang mga batang puso, bata sa puso,
Ang mga malambot pang isip:
the malleable minds:
Bawat lalaki o bawat babae ay – “Every man or every woman is”
Pero
Lahat ng lalaki at lahat ng babae ay – “Men or women are”
Anuman – “regardless or irrespective”
Ng pinagmulan – “of beginnings”
Ay kailangang malaman:
1. May mga panuntunang dapat sundin.
          - at isinabuhay namin ang bawat sinabi mo,
          At hindi lang sa aming mga saknong at pangungusap
2. May mga taliwas o eksepsyon na dapat isa-alang-alang.
          - di-tuwirang tinuruan po ninyo kami,
          Kilalanin ang mga pagkakaiba-iba
          At ang mga hirap sa pag-aaral at pagsasalita ng Ingles
          Ay katulad lamang ng mga kahinaan ng mga tao
          At mga katangi-tanging pag-uugali ng aming mga kaibigan
3. Mabuting magpakadalubhasa sa balarila
          - Pero katapatan sa sarili at sa kapwa ang pinakadakila!

Kung kaya, ang mga aralin **** pinakamahalaga
higit pa sa maayos at pusturang pananamit at sapin sa paa
at mga ebanghelyo ng tamang paggamit ng mga salita, syntax,
at ibang hiyas lingguwistika
ay naghatid ng mabuting pagkamamamayan
at butil ng paano maging mabuting kaibigan
Ang mahusay ng pag-i-Ingles na aming natutunan
ay mga aral ng araw-araw na pamumuhay
Mga kayamanang walang katapat na perang kabayaran.
Translation into Filipino (Tagalog) of a poem I wrote last year entitled "Beyond Grammar [https://hellopoetry.com/poem/2958926/beyond-grammar/], in memory of our teacher in English Grammar, Ms. Araceli M. Katigbak, in The Mabini Academy, Lipa City (Batangas Province, Philippines).
Louise Jan 10
Minsan may maririnig kang
mga tunog o hiyaw,
na mapapatanong ka;
“pusa ba ‘yon o bata?”
Minsan may makikita kang
dalawang taong magkasama,
na magtataka ka;
“mag-ama ba ‘yon o mag-jowa?”
At kung minsan din may madarama kang
mapapatigil ka na lang
at mapapatulala sa tuwina;
“pag-ibig na ba ‘to o pagkakaibigan lang?”

Ngunit sa lahat ng mga tanong na ito,
sa ingay ng mga tunog,
sa dilim ng pagtataka,
sa gitna ng tahimik na mga hiyaw,
sa liwanag ng pagtulala,
sa nakakabinging nadarama...
Ano bang pagkakaiba?
ano bang pagkakaiba?
Sa lahat ng ito, pag-ibig ay mapapakinggan.
Sa lahat ng ito, pag-ibig ay maaaring makita.
Sa lahat ng ito, pag-ibig ay mararamdaman.
Ano nga bang pagkakaiba?
Maybe the reason why I'm not desperate to have a boyfriend is because the love of my friends for me are more than sufficient 🥹

— The End —