Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Itaas ang iyong noong aliwalas,
Mutyang Kabataan, sa iyong paglakad;
Ang bigay ng Diyos sa tanging liwanag
Ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas.

Ikaw ay bumaba, O katalinuhan,
Mga puso namin ay nangaghihintay;
Magsahangin ka nga't ang aming isipa'y
Ilipad mo roon sa kaitaasan.

Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na ang silahis ng dunong at sining;
Kilos, Kabataan, at iyong lagutin,
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan mo ang putong na nakasisilaw,
Sa gitna ng dilim ay dakilang alay,
Ang putong na yaon ay dakilang alay,
Sa nalulugaming iyong Inang Bayan.

O, ikaw na iyang may pakpak ng nais
At handang lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo'y yamang nagsisikip.

Ikaw na ang tinig ay lubhang mairog,
Awit ni Pilomel na sa dusa'y gamot
Lunas na mabisa sa dusa't himutok
Ng kaluluwang luksa't alipin ng lungkot.

Ikaw na ang diwa'y nagbibigay-buhay,
Sa marmol na batong tigas ay sukdulan,
At ang alaalang wagas at dalisay
Sa iyo'y nagiging walang-kamatayan.

At ikaw, O Diwang mahal kay Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid
Nagsalin ng kulay at ganda ng langit.

Hayo na ngayon dito papag-alabin mo,
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala'y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.

O dakilang araw ng tuwa at galak,
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo'y lumingap,
Umakay sa iyo sa magandang palad.
Jose P. Rizal
Nakasisilaw* sa Kapitolyo
Sa sentro ng siyudad
Tatak ng probinsyang pabo.

Sari't sari ang trayanggulong baligtad
Nasa ere silang kumukumpas
At tila ba may spotlight sa norte paroon
"City of the Living God,"
Inukit sa tabla ng di kilalang manlililok.

Minsan ding naging "City in the Forest,"
Sabi pa sa balita'y "Safest place in the Philippines"
Bagkus ang pagmimina'y tuloy pa rin
Lalo na sa Rio Tuba na ramdam ang Climate Change.

Dagdagan pa ng pamimihasa ng PALECO
Hihiramin nang saglit ang kakaunting ilaw at hangin
Nang di maglao'y mapa-"OO" ang lahat
Sa mungkahi nilang planta ng pagbabago.

Bulag sila't barado ang isip
Kikitilin ang hanapbuhay ng mga residente
Walang kamalay-malay ang iilan
Ito'y mitsa na pala ng pagdarahop.

Hahalayin ang tigang na lupa
Bubungkalin raw ang kinabukasan
Bagkus ang pawis ay sa atin
Tayo'y alila ng karatig-bansa
Dayuhan sa sariling bayan.

Titirik sila sa espasyo
Bisig ng tabing-dagat na buhangi'y sutla
Inosente nga sa Salvage Zone
Paano pa kaya pag naimplementa na?

Likido ang bawat anino sa semento
Tumatakbo't tumatagpo sa iba't ibang direksyon
Hindi makapuswit ang mga sasakyan
Maging ang simpleng harurot
Ng munting bisekleta ni Juan.

Doon ko nasilayan ang magigiting na pulis
Taas-noong suot ang uniporme
At iilang traffic enforcer
Na wala sa linyang puti.

Tila bawat uri ng katauha'y nasa parada
Kung hindi man,
Sa iilang personang lumalabas-pasok sa eksena
Kukuha ng larawan, akala mo eksperto
Hindi naman pala
Ayos, selfie pala ang gusto
Dekorasyon ang mga artistang Netibo.

Bawat munisipyo'y may nagsisilbing pambato
Makukulay ang mga sasakya't pudpod ng disenyo
Na sa kahit sa palamuti'y maitaas ang munisipyo
Buhat sa pagkabiktima ng gobyernong manloloko.

Highlight nga ang Street Dancing
Aba't ang layo ng kanilang lakarin
At sa bawat kanto'y sasabay
Sa saliw ng Remix na musikang inihain.

Nalugmok ang puso ko
Bagamat ito'y nararapat na saya ang dulot
Ito'y nagsisilbing maskara na lamang
Nakasanayan, naging tradisyon
Ang kulturang laging may bahid ng eleksyon.

Nakaririmarim ang iilang nasa trono
Pinalibutan ng berdeng hardin ang sentro
Bulong ng Supplier doble pala ang presyo
Aba't sige nga, saan nila ibubulsa?
Kung ang kanila'y umaapaw pa.

Bagamat ang lahat ay nasa bilog
Paikut-ikot tayo sa animong sitwasyon
Tanging takbuhan nati'y ang Maykapal
Na hanggang sa huli'y magwawasto ng bawat kamalian.

Sa probinsyang kinalalagyan
Ito'y nag-aalab na espada ng lipunan
Bawat isa'y responsable't may pananagutan
Tamang dedikasyon sa sandigang bayan.

Walang masama sa pagiging alarma
Maging aktibo ka, kabataan
Ikaw ang pag-asa ng Perlas ng Silanganan
Abutin mo yaong pangarap at manindigan
Hindi pansarili, bagkus pag sa tuktok na'y
Gawin ang tanging tama
Na naaayon sa batas ng higit na Nakatataas.

(6/29/14 @xirlleelang)
08:18AM #ToSite

Bagamat ako'y bulag
Sa mundong puno ng sawing imahinasyon,
Patuloy Kitang titingalain.
Ihahagis ko sa Langit ang mga kamay
At bahagyang tatakpan ang paningin
Nang masilayan ang iyong kariktan.

Nakasisilaw ang Iyong Liwanag,
Sabayan pa ng nagbagong-bihis na liriko
Ng mapang-akit na sansinukob.
Bagkus, ako'y mananatiling walang kibo
Kahit nahihingal pati ang puso
Sa paghihintay Sa'yo.

Muli akong aalukin
Ng mala-piyestang pangarap,
Siyang babandila sa espasyong
Puno ng takot sa kinabukasan.

Ang mga banderitas sa Kalye,
Walang sawang tumatakip sa Iyong katanyagan.
Ngunit hindi Ka kumukupas,
Di gaya ng laos na musikang
Hindi na tipo ng makabagong henerasyon.

Hinuha ko ang lente
Makuha lamang ang matatamis **** ngiti.
At sa bawat eksena'y hindi ako pakukurap
Sa mga alikabok na namumuwing,
Silang nililok para ako'y patirin.

Naglantad ang klimsa
Ng kakaiba nitong anyo.
Kaya't sumanib ang sining
Na tila iba ang maestro.
Puso ko'y kinatok
Pagkat ito'y tumitirapa
Sa bawat lasong kumikislap,
Siyang sinasaboy
Ng mahiwagang mga kamay.

Ako'y nagpahele sa Iyong misteryo
Hanggang sa naging kalmado
Buhat sa likas **** pag-irog.

Bumungad sa akin
Ang Liwanag na gaya ng dati.
Nakasisilaw, bagkus suot ko na ang pananggalang
Masilayan ka lamang
Kahit saglit lamang.
Sutla ang iyong kutis,
Ilang inches na heels
iPad ang hawak
Ayan pa’t naka-Rayban
Kahit taglamig –
Ganyan dito sa abroad
Pasyal dito
pasyal doon
Higit sa lahat
Hindi barya ang sahod.

Padala sa Pinas,
Lahat ay winaldas
Dami pang pasakalye
Datong din pala
Palaman ng inyong mensahe.

Aba’t bida pala si bunso
Sa tropa’t sa eskwela
Hindi ba’t astig?
Pang-party nila’y
Siya ang laging taya!

Ang binata ko’y
Malaki na talaga
Kapapanganak lang daw
Ng bespren nya
Anak, tanong lang
ba’t sa handa nila’y
Ikaw ang itinoka?

Ang ilaw ng tahanan
Na siyang aking iniirog
Sabay sa uso
Nakasisilaw ang alahas
Inubos ata ang bawat perlas
Buti’t nakaahon pa’t
Ayan, kay kumpare pa
Siya’y nakakapit!
At ang nararapat
Na panglamang-tiyan
Kulang pa pala
Kanyang sinapupunan
May bagong buhay
Mahal, saan siya nanggaling?

Puso ko’y nalurak
Ako’y inahas na
Pinagsamantalahan pa
Akala nila’y ok lang
Akala ko’y may babalikan pa
Yung totoo,
Lata’y hiyang-hiya na
Humihikbi ito
Makatikim lamang ng barya
Wala na ang sahod,
Awitin ko’y “Palimos.”

(12/2/13 @xirlleelang)
Ito ang umagang
Nanaisin kong huminto muna ang Araw nang saglit.
Kung pwede bang manatili muna Sya
At ako'y hayaang pagmasdan
Ang kanyang kariktan.

Nais kong bumilad sa sinag ng Araw
At magpasakop sa Liwanag Nyang taglay.
Nais kong malusaw ang bawat kamalian,
Ang bawat pagkukunwari.

Pagkat ayoko na..
Ayoko nang magpanggap pa..
Na kaya kong mag-isa
Mag-isa na wala ang mga kamay Nya --
Ang mga gabay Nya.
Na maging sa gabi'y
Nasisilayan ko pa rin
Ang kanyang anino sa aking pagpikit,
Ang nakasisilaw Niyang Liwanag
Na nagiging mitsa ng aking pagluhod.

Gusto kong huminto ang Araw,
At ako'y makita Nya..
Kahit isang iglap..
Kahit isang saglit lang..

Kung pwede lang,
Wag Mo akong iwan
Na sa gabi'y
Ikaw ang magbigay Ilaw sa aking landas
At ako'y Iyong yakapin
Habang ang Iyong sinag
Ang magsisilbing lakas
Sa bawat pagbangon ko sa Umaga.

Sayo ako magsisimula,
At ayokong ito'y magwakas
Na para bang hinahayaan ko lamang
Na malimot ko ang lahat --
Ang lahat ng mga misteryong
Iyong ipinakita na,
Iyong ipanaranas na.

Ayokong dumating sa katapusan
Na ako'y walang muang
Na Ikaw ang aking Simula..

Ayokong magtagpo tayo
Sa gitna ng aking mga kamalian --
Mga kamaliang hindi ko itinama
Kahit na pinagbuksan Mo na ako
Sa panibagong Umaga.

Kung ang bawat araw na lumilipas
Ay siya ring mga pahina ng aking buhay,
Bakit pa..
Bakit ko pa hahayaang
Dilim ang magsilbing umaga?
Kung Ikaw naman ang tunay na Simula ng lahat..
Kung landas ko nama'y
Kayang-kaya **** bigyang liwanag
At lahat ng masasaklawan ng aking mga mata
Ay simbolo ng Iyong paghahari.

Lilikumin Mo ang lahat
Gamit ang Iyong Liwanag.
Ang Iyong mga Salita'y
Hindi na mangungusap pa,
Ngunit Ikaw na mismo ang darating.

At buhat sa Iyong bibig,
Ang lahat ay handa nang makinig..
Nang buong puso..
Na may tunay na pagpapasakop.

At ang lahat ng mga naggising
Buhat sa pagkakahimbing
At mga bangungot na tila walang katapusan
Ay sabay-sabay na babangon
At lalakad sa Liwanag na Iyong hain.

Masisilayan ko rin ang mga ngiti
Ng pagpupunyagi at tagumpay
Na walang balot ng anumang pagkukunwari,
Walang tampo't galit.
Kung saan hubad ang lahat
Ngunit tanggap Mo
Ang bawat kamalian.

Ang Iyong paghuhusga ay darating --
Darating nang patas;
Patas at pawang katotohanan.
Ang lahat ay darating sa katapusan,
At Sayo ay handang magpaubaya.

Ang lahat ng mga nabago ng Iyong Liwanag
Ay kusang sisibol at uusbong
Nang may papuri
At hindi parang mga paupos na kandila
Na nauubusan rin ng lakas.
Ngunit sila'y tila mga tanim
Na Iyong dinidiligan sa bawat araw --
Mga ginintuang araw
Na hindi gaya ngayong kukupas din..

Balang araw, ang lahat ng salitang
Mamumutawi sa bawat labi'y
May iisang sigaw
May iisang palamuti na ibabandera
At susuko sa Iyong kabutihan.

Ang bawat nilalang
Ay mabinihag sa Iyong kaluwalhatian
At hindi na..
Hindi na mauubusan pa ng Liwanag,
Ikaw mismo ang magkukusang
Punasan ang mga matang lumuluha,
Lumuluha buhat sa paghihintay..
Pagkat nariyan ka na..
Nariyan na ang Iyong kaligtasan.

Ikaw, sa bawat oras
Sa bawat sandali'y
Ikaw pa rin ang maging dahilan
Ng pagtibok ng aking puso
Ang magiging sigaw
Ng aking napapaos na lalamunan.

Ikaw ang maging dahilan..
Ng aking pagtaas ng kamay
At sa ere'y hindi Mo ako iiwan,
Ni hindi Mo ako kinalimutan..
Ikaw, ang Araw at Gabi..
Sayo ang aking papuri!
kingjay Feb 2019
Unang pagtingin ay hindi lang paghanga
Sa nag-uumpisang ganda ni Dessa
Nangingimi pa na ngumiti
Kapag maglalakad ay kailangan akayin

Diwata sa katauhan ng dalagang-bukid
Karaagan na nais iguhit
Ipagdasal sa mga patron at santo nang hapit
Sana'y makarating ang dinadaing

Tanglaw ng bituin sa umaga
Nakasisilaw na silab
Nang nag-aalinlangan na sa nadarama
bakit inaalala pa ang larawan niya

Pakawalan ang salarin
nang nadakip ng tinatakasang damdamin
Aniban sana ng Reyna-
Abogado na magdedepensa

Kung mangyari na masiil
at wala na makapagtataguan
ipagtatapat sa hukuman-
sa pusong hukom
na nagkasala sa pag-iibigan
Lance Cecilia Jul 2016
hindi na kita ipaglalaban,
sawang-sawa na ako mula nang 'yong iwanan na ang puso'y nagdurugo

hindi na kita ipaglalaban,
hindi na tulad ng dati
na pipiliting ibuklat ang mga mata
para lang makausap ka pa

hindi na kita gagambalain
sa pagtatanong sa'yo ng anong maaari kong gawin
upang mapangiti ka at makita ang nakasisilaw **** ngipin,
ang 'yong ngiting nakapanlalambot,
ang 'yong mga matang natutuhan nang ako'y malimot

hindi na kita guguluhin
sa pagpilit kong kumain ka na,
matulog nang maaga,
para ika'y titigan ko habang ika'y nahihimbing
sa aking piling

hindi na kita ipaglalaban,
dahil kahit kailan
ay hindi mo man lang ako sinubukang mahalin
kahit na ako'y naghihirap man din,
hindi mo pinansin
ang pagpupuyat ko gabi-gabi sa aking tahanan,
ang pagpilit kong payagan tayo ng tadhana na magmahalan,
at pagmamahal ko sa'yo
sa lahat ng posibleng paraan

at ngayo'y bahagi ka na lamang ng aking nakaraan
100121

Parang ang lahat ng ilaw ay may kakumpitensya.
Habang ang lahat ng nagliliwanag
At kumikinang sa gabing mahiwaga’y
Nagtatagisan kung sino ba ang pinaka-nakasisilaw –
Kung sino ang pinakamaganda.

Ni isa sa kanila'y ayaw matabunan,
Ni ayaw nilang sila'y mahigitan
Kaya naman maging sa kanilang pagtulog,
Ay dinadalaw pa rin sila ng kani-kanilang kagustuhan.

Ni hindi makahimbing ang mga alitaptap
Na nagpapalamon sa nanunuksong alab.
At tila ba walang katapusan ang paglikha
Pagkat sa pagsapit ng panibagong umaga'y
Iba na naman ang isasabit
At magpapakitang gilas ng kanyang ningning.

Ngunit ang lahat sa kanila’y
May mga aninong umaakap patungo sa dilim.
Nagtatago sa lilim ng kani-kanilang lihim,
Walang mukhang maiguhit
Kundi tanging pangalang minsang naiukit
Upang panandaliang magbigay-kulay at magbigay-buhay.

At sabay-sabay silang manghihina;
Maghihikahos na daig pa ang nanlilimos ng lakas –
Ng liwanag, ng kasiguraduhang maari pa silang bumangon.
At mahahandugan pa ng pangalawang pagkakataon.

Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos,
Ay kusang mamamatay ang kanilang mga apoy
Na minsang sinindihan ngunit niyurakan
Ng sarili nilang mga apoy.
Eugene Aug 2017
Tirik na tirik ang araw nang mga sandaling iyon. Nakatingin ka lamang sa isang direksyon. Hindi ka lumilingon. Ni ayaw **** tumingin sa kaliwa o sa kanan habang naglalakad.

Lutang na lutang ang iyong isipan. Nakatingala ka pa sa nakasisilaw na kalangitan habang binabagtas ang bawat sementado at konkretong daan sa iyong harapan.

Hindi mo rin pansin ang mga taong nakakasabay mo sa iyong harapan, likuran, at tagiliran.

Wala ka na sa wisyo.

Manhid.

Walang pakiramdam.

Hindi mo man lamang narinig ang sipol ng nakatokang alagad ng batas trapiko. Hindi mo rin naririnig ang mga sigawan ng mga taong sumisigaw sa iyo na tumigil ka sa paglalakad maging ang mga busina ng mga sasakyang iniiwasan kang mabangga.

Nakatuon pa rin sa isang direksyon ang isipan at mga mata mo. Hindi mo na napansin ang isang itim na kotseng sumalubong sa iyo, Sa gitna ng kalsada, doon ay tumilapon ang iyong katawan.

Tirik ang mata.

Duguan ang noo at mukha.

Bago ka panawan ng ulirat ay tumulo pa ang mga luha sa magkabilang pisngi mo at nag-usal ng mga kataga sa iyong isipan ng...


"Mahal na mahal ko kayo, mga kapatid ko."
Eyji Noblesmith Dec 2019
Siyang nagsisilbing tahanan at ilaw
At buhay nitong sangkalangitang bughaw
Ay s'yang sa pag-ibig ng anak ay uhaw
'Pagkat kasaysayan ng bandila't araw
Ay 'di na singtingkad at nakasisilaw

Mayroong bayani't magiliw na supling
Mandirigmang hahayo at magigiting
Ngunit mga lilong anak ay mayr'on din
Banyaga ang dila't hindi sasambitin
Ang panata sa inang dapat mahalin

Awit ng puso ni Inang Maralita
Na mula sa luha, pag-irog, salita
Ay hindi kaylanmang dininig ng madla
Na nukal sa bayan subalit ang sutla
Ng kasuota'y kay Ina'y 'di nagmula

Ang inang mayaman sa ganda ng ngiti
Ay nagkukubli sa likod ng pighati
Palibhasa ay dalita sa pagbati
At pagmamahal ng anak na lumaki
Sa yakap ni Pilipinas hanggang huli
A Tagalog poem
solEmn oaSis Nov 2020
Nakabibingi ang tunog ng katahimikan
Katahimikang pumapaimbulog sa karimlan
BinaLi ang sungay... buntot ay nabahag....
NakasisiLaw na tila maLiyab na sunog etong Liwanag
Liwanag na magbibigay linaw sa iniwang bakas ng alingawngaw
Puwing na hinipan... Hagip pati ang tahip na tinalupan !


©Pag-ibig, Pag-asa at Pananampalataya
if we truly can see what was good in the bad,
we surely could learned our lesson behind and beyond  !
Jasmin May 2020
Sa maliit na awang na mayroon ang bintana
Tila ba naging labada ang puting kurtina
Kanina’y hinahangin pa ito nang bahagya
Ngunit nang dahil sa ulan, bahagi ng tela’y nabasa

Ampiyas lang naman kung tutuusin
Madaling matuyo, isampay lang sa mahabang salamin
Pagkatapos pagpagan maisasabit din
Balik pangharang sa malamig na hangin

Malapit na rin pala ang paglubog ng araw
Kanina lamang ang langit ay kulay bughaw
Repleksyon sa munting bintana’y nakasisilaw
Mayumi sa paningin, kay gandang matanaw

Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang paglalim ng gabi
Gayunpama’y nanatili ang awang ng bintanang katabi
Tubig ulan sa dalawang kamay ay dumadampi
Marahang sinasalo ng ilang sandali

Lumipas ang oras at ang ulan ay tumila na
Ganoon din ang pag-asang matunghayan ka
Aking bituin, nagkamali ako ng hiniling—
Hanggang sa huli, ampiyas lang ang sa’kin.

— The End —