Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ron Padilla Jan 2017
hindi mo yata napansin
dahil ang bilis,
ang bilis ng pagtibok ng puso ko
ang bilis ng mga dumarating na alaala
na nakalimutan na natin kung anong mayroon tayo

ang bilis,
ang bilis lang ng mahabang panahon
na kung saan ibinigay ko na ang sarili ko
sa iyo
na kung saan wala na akong natira
para sa sarili ko

hindi ko inakala na parang kahapon lang
pilit ko sabihin na mahal kita sa kahit anong paraan
pero ngayon ay pinipilit na kitang huwag  ako pakawalan

ang bilis.
pero ang bagal

ang bagal ng sakit na idinulot nang iyong pag lisan
ang bagal ng panahon nang pag hilom ng sugat na
iniwan mo

sobrang bagal na halos nawala na ako sa kakabilang
ng oras dahil alam ko sa sarili ko na hindi ko
kakalimutan ang araw na iyon.

sana sa susunod
magpapaalam ka muna bago
mo bigyan ng ulap
ang takipsilim
na sa iilang oras na lang
ay mag gagabi na.  

sa tingin ko, dapat ko munang pigilan ang
pagiisip sa mga bagay na to,
dahil alam ko naman
ni kahit isang salita ko hindi mo bibigyan ng pansin.
Sobrang daya mo naman
dahil lahat ng sinabi mo binigyan ko ng diin.
lahat ng drama mo,
lahat ng kalokohan mo
lahat ng nagmamahal sayo
lahat ng gusto mo
lahat yun alam ko.
hindi ko naman pwede ipagmayabang yun
wala lang din
dahil ang pwede malaman ng lahat
iniwan mo na ako.


wag na natin patagalin pa
dahil alam na nila
alam mo na
alam ko na rin sa sarili ko.

wag na natin ipilit yung mga bagay na wala na
ang nais ko lang naman ay ang iyong paalam
at sana marinig mo rin ang akin.

paalam na sa munting
pahayag na isinulat natin
noong tayo pa ay masaya,
madami akong natutunan
sa'yo at madami ka rin natutunan sa akin, at biglaan,
biglaan na muli nating
bingyan ng magandang pag
salubong ang pagwawakas na
kung anong mayroon tayo dahil
gusto mo na ako magsulat sa pahina ng iba ngunit
naiwan ko ang lapis na kung
saan nandoon pa sa iyong tabi

paalam na sa mga umaga na sa pag gising
ay halos ngiti agad ang nakadapi sa ating mukha
na inuunahan pa natin ang pagsikat ng araw
bago pa tayo magpaalam sa isat isa.

paalam na rin sa saya
na tayong dalawa lang ang nakaka alam

paalam na.

ang bilis lang diba?
sana kung gaano kabilis rin ang pag paalam ko
ay ganoon rin kabilis sa'yo.
paalam.
032317

Saan ka na?
Mahal mo pa ba ko?
Ano bang nangyari?
Galit ka ba?
May nagawa ba ako?
Nagbago ba?
Wala na ba?

Sa dami kong tanong,
Tila sumuko ka nang magbigay ng kasagutan.
Ang agang nawala yung sabi nating
Sana'y pangmatagalan.

Paalam, pero biglaan
Hindi ko naman inasahan
Na sa ikaapat na pagkakataon
Bibitaw ka, mauuna ka na naman.

Paalam, pero akala ko nagpapalipas ka lang ng sandali
Akala ko kakayanin ko pang maghintay
Sa bawat oras na walang pagkukunwari.
Heto na naman, ba't ba ako yung natatalo palagi?
Ba't palaging luha't sakit na lang sa huli?

Yung "mahal kita" na sabi **** hindi nakakasawa
Ayun, nawala na lang nga ba nang kusa?
Tinanong kita, kung may iba na ba?
Ang sabi mo, magtiwala ako, pero bakit nga ba?
Bakit nga ba nawala ka?
Iniwan mo na ba talaga ako?

Naghintay ako ng paliwanag mo
Pero kahit isang mensahe, may natanggap ba ako?
Isa lang naman yung hinihintay kong sagot,
Pero wala at ba't pag sa akin na'y tila ika'y nababagot?

Tumatakbo na lang akong mag-isa;
wala ka na kahit sa anino man lang.
Hindi ka na nagparamdam pa,
Ganun naman lagi, sana'y kahit paalam na lang.

Iniisip ko sasalubungin mo pa ba ako
Iniisip ko kung may babalikan pa nga ba ako
Meron pa nga ba? Yan ang tanong ko.
Parang lahat nagbago na,
Pati ako, tila limot mo na.

Iniisip ko kung paano yung mga plano natin,
Paano na? Eh balewala na ako sayong paningin.
Makakasama pa ba kita ulit?
Parte pa ba ko ng buhay mo?
O nasabi mo na lang na "tama na."

Pasensya, kasi hindi ko ata kaya
Ilang beses ka na kasing nawala
Ilang beses na kasi akong lumagapak sa kawalan
Bumangon naman ako pero lagi **** binabalikan.

Tinanggap naman kita, nagtiwala naman ako sayo
Pero ba't ngayon nasaan na ba tayo?
Gusto ko nang umuwi at makita ka
Pero wala ka na eh,
Wala na pati yung pagmamahal mo.

Babalik ka ba? May hinihintay ba ako?
Wala ka kasing sagot, kahit ano pang gawin ko.
Gusto kong sabihin sayong, wag mo kong iwan
Na sana manatili ka naman
Na sana kahit ngayon lang naman.

Pero wala, naubos na ako
Wala na akong laban at talo na ako.
Oo, hindi ko tanggap lahat
Oo, ngayon lang to kaya ibabagsak ko na rin lahat
Ibabagsak ko na kasi di ko na kaya
Di ko naman maayos yung puso mo kung wala na talaga
Kulang pa rin yung pagmamahal ko sayo
Kulang pa rin, kaya natalo na naman ako.

Nakakapagod na kasing iyakan ka
Nakakapagod na kasing isiping may "tayo" pa.
Na ikaw na yung pinapangarap ko,
Pero hindi pa rin pala kita maabot.

Hindi naman kita pinakawalan,
Pero ba't mo ko binitawan?
Sana sinabi mo agad
Sana pinaliwanag mo
Kasi di ko maintindihan
Di kita maintindihan.

Pero kung may ibang sana akong hiling:
Kung aalis ka man uli,
Sana'y magpaalam ka man lang
*Sana sabihin mo, *para bumitaw na rin ako.
k e i Jul 2020
“minahal mo ba talaga ako?”

pakawala ko sa buntong-hiningang tanong. higit isang taon ding namalagi sa isipan ko.

“minahal mo man lang ba ako?”

pag-ulet kong tanong nang manatili siyang tahimik. iniangat ko ang mga mata ko para tignan siya. isang taon na mula ng huli naming pagkikita. iba na ang gupit ng buhok niya ngayon. mas nagmukha siyang seryoso dahil don.

ilang minuto pa ang lumipas bago siya sumagot. nanatili ang tingin niya sa labas.

“minahal kita. higit pa sa alam mo. marahil, higit pa sa naparamdam ko.”

“pero bakit ganon? ikaw yung huli kong inisip na manghuhusga, pero sayo pala mismo manggagaling.”

“ikaw yung higit na pinagkakatiwalaan ko sa lahat, pero ikaw rin yung bumali” matipid siyang ngumiti. ramdam ko yung pait. walang emosyon sa kaniyang mga mata.

napailing ako. eto nanaman. mga salitang pinakawalan namin nungg gabing natapos kami-ang kaibahan lang, sa personal ngayon at hindi sa tinig lang.

“mali ka. hindi mo ko minahal. hindi ako, kundi yung bersyon ko sa isip mo. hindi ako, kundi yung ako na nabuo mo sa imahinasyon mo.”

“minahal kita. sobra-sobra. kaya lang, nagbago ka. nung una, paunti-unti, hanggang sa pakiramdam ko, ibang tao na yung nasa harap ko. siguro dahil, nalingat ako, dahil di ko binuhos lahat ng atensyon ko.” saglit niya kong binigyan ng tingin na parang nahihirapan.

“dahil di naman siya nawala talaga diba? sabi mo noon, may mga pagkakataong magkasama tayo pero siya yung iniisip mo.”

hindi siya makasagot, pero bakas sa mata niya na tama ako. nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko. matagal na yon. ayos na rin ako. sadyang iba pa rin pala kapag harap-harapang sabihin sa’yo.

“pero hindi naman ganun ang pagmamahal. hindi naman porket nagbago, dapat nang sukuan. kase lahat naman nagbabago. kahit ikaw, narasan ko ang ilang beses **** pagbabago. pero kahit ganun, pinili ko pa ring manatili. para sa’yo. para sa’tin”

“patawad. alam kong ako yung naging dahilan kung bakit umalis ka noon, alam kong napagod ka. pero hindi ko inakalang ganun-ganun mo lang ipagpapalit. na ganun ka kabilis magkakaroon ng bago.”

“hindi kita pinagpalit! hindi ko tinapon yung isang taon!”

mabilis kong kinalma ang sarili ko. ganitong ganito rin yung mga sinabi niya noon. ganun pa rin pala ang tingin niya. na binasura ko lang lahat. na parang mas mabigat pa yung naramdaman niya sa isang beses na pinili ko ang sarili ko kaysa sa kung paano niya pinaramdam na kahit ako yung naroon para sa kanya, kahit kailan di magiging sapat.

“bago ako umalis, sinabi ko sayo kung bakit. umasa akong ipapaintindi mo kung bakit nagbago yung pakikitungo mo, umasa ‘kong mapapansin **** nasasaktan na ako. umasa akong pipigilan mo ko, na sasabihin **** 𝘢𝘺𝘶𝘴𝘪𝘯 𝘯𝘢𝘵𝘪𝘯 ‘𝘵𝘰. pero niisang salita, wala akong narinig. malamang iisipin ko, wala lang lahat nang ‘yon. kase hinihintay mo lang naman talaga kong umalis diba? ayos lang sayo kung manatili ako o hindi. ako kase yung nasa tabi mo. sanay ka na kamong iniiwan. sinubukan ko naman eh. sinubukan kong maging iba sa kanya base sa mga kwento mo tungkol sa kanya. kahit ang hirap. pero kahit ano namang gawin ko, ganun pa rin iniisip mo. na mawawala ako. kaya wala na rin akong ibang magawa kundi lumisan. kase sa pananatili ko, naubos ako. naubos na ata lahat ng isasakit bago pa man ako magpaalam. kahit nung nasa tabi mo pa ko, wala na akong maramdaman. kaya hindi mo ako masisisi kung mabilis. gusto ko lang namang mawala yung pagkamanhid. kasi kung may nakuha akong explanasyon o kahit isang salita galing sayo, alam **** hindi na ko tumuloy sa kabilang dako ng pinto, na mas pipiliin kita ulet-handa akong isantabing muli yung sakit.”

may ilang luhang nagpumilit na tumakas sa gilid ng mga mata ko. agad ko ring pinunasan ang mga ito. bigla nanaman bumalik ang mga ala-ala na akala mo hindi taon ang lumipas, parang kahapon lang. kasabay nito ang panandaling panunumbalik ng sakit.

“naniwala ako sayo nung sinabi **** ako lang. na walang iba. pero ang sakit nung ilang linggo lang pagtapos natin, may iba na agad sa tabi mo. may iba ka na agad kasama’t kayakap. may iba nang nagpapangiti sayo.”

kita ko ang pagkuyom niya sa kaliwa niyang kamay gaya ng ginagawa niya dati sa tuwing may bumabagabag sa kanya.

“tapos na tayo nun. gaano katagal ba dapat akong magluksa? kahit naman nung nasayo pa ako, mabilis mo ring binawi yung sayang pinaramdam mo nung una. na una pa lang, kahit ako na yung naroon, kasama mo pa rin siya sa isip mo. minahal mo lang ako kase ako yung nasa tabi mo. kaya wag mo akong sisihin kung ginusto kong sumaya ulet.”

“sana binungad mo na agad yun nung humingi ulet ako ng isa pang pagkakataon. hahayaan naman kita. kung nalaman ko lang ‘yon, hindi na kita ginulo pa. pinatay ko na dapat lahat ng naipong pag-asa sa utak ko, na pwede pa.”

“ang malas ko lang talaga, pagdating sayo, kaya kong itigil lahat. nung ginusto **** bumalik ako, umaahon na ko paunti-unti eh. kahit paano, nakakahinga na ko ulet. lahat sila sinabing wag na kitang pansinin, na sarili ko naman muna sa pagkakataong ‘to. akala ko mali lang sila ng paghusga, kase hindi ka nila kilala katulad ng pagkakakilala ko sayo. wala eh, nagparamdam ka lang, naapektuhan nanaman ako. pagdating sayo, ang tanga-tanga ko. ganun na lang kita kamahal. hindi lang isang beses; umulet pa ko. ayun lang naman kase yung kailangan ko, yung marinig na gusto mo pa, na gusto **** ayusin.”

“inaayos naman na natin nu’n diba? nagiging masaya na tayo ulet. nakikita ko kung pa’no mo sinusubukang bumawi. kaso wala, nung malaman **** sinubukan kong kumilala ng iba hindi mo matanggap. traydor ako, sabi mo. at sa pagkakatong yun, ikaw naman yung nang-iwan. akala ko wala na akong mararamdaman. na ayos lang, nangyare na ‘to, naulet lang, nalampasan ko na ‘to. pero hindi, mas masakit pa pala. tangina sobrang sakit. kase ayun na yung hinihingi ko, tapos binawi nanaman kung kelan hinding-hindi ko inaasahan. tangina.”

“siguro nga kaya hindi naging maayos ‘to kase hindi ko inayos yung nakaraan. hinayaan kong sundan ako ng multo niya, hinayaan kong saniban ng nakaraan yung kung anong meron tayo. na hanggang ngayon hindi pa rin ako tuluyang makalaya.” mahinang sabi niya. ramdam ko yung pagsisisi sa boses niya.

“sana naiayos mo na yun ngayon. sana mas maayos ka na ngayon. sana mapatahimik mo na yung mga memoryang patuloy na humahabol sa’yo. sana naghihilom ka na. sana, hindi na maranasan ng mahal mo ngayon yung naranasan ko.”  

sa loob ng isang taon, natutunan kong tanggapin lahat-mula sa mga memorya hanggang sa pa’no kami nawakasan, kung pa’nong di naman siya talaga naging akin lang. hindi naging madali pero kinailangan. sa huli, wala naman talaga akong magagawa. nangyari na yung mga pangyayari. nagkapalitan na ng mga masasakit na salita. naubos na namin ang isa’t-isa.

“nung tuluyan nang nawala yung tayo, wala akong naging iba at wala nang susunod pa. mas gugustuhin ko na lang na mag-isa. kase yung sakit na dala-dala ko bago pa man kita nakilala, hindi ko namalayang naipasa sayo. sobra sobra na yung pinsalang nadulot ko. tama na. ayos na yung ako na lang yung nagdurusa.”

“-alam kong kahit ga’no ko pa gustuhing ibalik yung oras para itama lahat ng nagawa kong mali, hindi na pwede. said na. siguro hanggang doon lang talaga tayo. sa ganito siguro talaga tayo maiuuwi. tama na.” pagpapatuloy niya.

sa puntong ‘to, naiyak na rin siya. kumuha siya ng panyo at pinunas sa kanyang mukha.

“baka nga. baka hindi talaga pwede.” bulong ko.

tinignan ko ulet siya, sa kahuli-huling beses. ilang minuto kaming nabalot ng katahimikan, nakatingin pareho sa kawalan. siya ang naunang tumayo sa kinauupuan.

“alam kong hindi mabubura ng ilan mang ‘patawad’ kung ganito kita sobrang nasaktan. pero gusto ko lang ulit humingi ng patawad.”

pinanood ko ang palayo niyang pigura hanggang isa na lang siyang maliit na tuldok at tuluyang nawala. pinakiramdaman ko ang sarili ko. humingang malalim.

isang taon na yung lumipas. halos ganito rin yung nangyari noong gabing iyon. ang pagkakaiba lang, noon, mas pinapangunahan kami ng emosyon. isang taon na pero ngayon ko pa lang talaga patuloy na maibabaon. kinailangan kong marinig ulet. ngayon, totoo ngang tapos na. wala na. natuldukan na.
John AD Oct 2018
Kay tagal kong hinahanap ang sarili,patuloy parin ang lungkot at nananatili
Ang isip ko'y gulong gulo , Akala ko'y kalmado na ang lahat , subalit meron parin akong lagnat
Sakit na habang buhay ng nasa aking katawan , kinakain paunti-unti hanggang ako'y magpaalam,
Utak ko'y sirang sira na pinagsama ko kasi ang lungkot at saya

Ang alak na ngayo'y aking muling tinikman ganun parin ang lasa , lasa ng kalungkutan,
Mga taong aking nakilala , aking iniwanan para lang mahanap ang kaligayahang inaasam-asam
Bumuti lang ako ng ilang porsyento , bagkus may mga bagay na hindi perpekto
Dahil ang ugat ng ito ay nakatanim sa aking pagkatao , kaya't hanggang ngayon ako'y isang Preso.
Katryna Mar 2018
Walang salitang “sayang”

Hindi tayo sayang,
Dahil may mga panahon na tayo lang ang nakakaintindi sa isat-isa.
Hindi alintana ang alingawngaw na dala ng lipunan,
Mga bibig na hindi magkamayan sa pagtutol.

Hindi sayang ang mga panahong sabay nating tinahak ang mundo
imbes pakanan ang ikot ay mas pinili natin ang pakaliwa.

Hindi natin nasayang ang mga oras ng katahimikan,
dahil sabay natin itong sinalin sa musika at sabay nating sinayaw ang tugtog ng ating mga puso.

Sabay nating niyakap ang kahinaan ng bawat isa,
nagsilbi tayong lakas na kayang pumawi ng panghihinang hatid ng mga mapangahas na hamon.

Walang lakad na nasayang,
dahil sabay nating hinakbang ang ating mga paa patungo sa di malamang dito, doon, d’yan at kung saan man.

Walang takot na naramdaman dahil sabay nating sinilip ang kung anong merong hatid ang kabilang daigdig.

Walang sayang,
Kahit sabay nating kinumpas ang ating mga kamay upang magpaalam.

Walang sayang.

Dahil sa mga oras na iyon alam natin,
ang kabilang mundo ay pansamantala lamang.

Alam natin na ang mundo ay iikot muli sa atin,
at sa pangalawang pagkakataon.

Magtatagpo tayong muli,

Hanggang sa susunod nating pagkikita.

Paalam. ­­­­
2 months from now, your getting married. With this, Our time will no longer be timeless. - Kimi No Nawa
Jeremiah Ramos Nov 2016
-
Sinabi ko sa sarili ko
Na huwag ka nang hanapin sa unang pagkakataong mapansin ko na nawala ka.
Ngunit nahanap pa rin kita.

Nahanap kita sa katahimikan,
Ang bulong **** nagpagulo sa minsang kalmadong isip,
Dahil sa'yo nalaman ko hindi lang pala multo ang puwedeng nagpaparamdam sa dilim.
Naroon ka rin sa likod ng mga masasayang alaala.
Nahanap pa rin kita kahit ilang beses na akong nangakong magiging masaya muna ako.

May kanya-kanyang paglalarawan sa'yo ang iba't-ibang tao,
Maaring sa iba, isa kang demonyo, kathang-isip, salita, o isang panandaliang bisita.
Pero sa lahat ng bagay na inilarawan sa'yo, hindi ko alam kung bakit itinuring kitang kaibigan.

Dahil siguro tuwing pag-uwi ko, 'pag wala ng mga tao
kahit gaano man ako kasaya o kapagod,
nandiyan ka.

Nag-aabang, nag-aantay, naiinip
Hinihintay akong mag-kwento.

Ikaw ang tipo ng kaibigan na hinahanap-hanap din pagkatapos bitawan.
May mga araw na napagtatagumpayan kong huwag kang isipin ngunit may mga araw din na nagbabalik nanaman ako sa simula.
Dahil sa huli, ay uuwi din ako at hahanapin kang muli sa katahimikan.
At sa bawat paalam mo, muli nanaman kita maaalala

Minsan, napakahilig **** magtago tuwing kasama ko na ang mga kaibigan ko,
Pakiramdam ko rin naman wala silang balak na kilalanin o pakinggan tayo
Kaya patuloy ka lang magtago,
Hindi nila kailangan malaman na buhay ka,
Hindi nila kailangan malaman na nandiyan ka,
Hindi nila kailangan malaman na totoo ka.

Hindi ko alam kung kailan ka aalis,
Hindi ko alam kung gusto ba kitang umalis,
Pero kung sakaling dumating man ang araw na 'yon,
Huwag ka nang magpaalam pa.
Tula tungkol sa depresyon.
Anton Jun 2020
-Binibining_Enilra

nakatulala sa kawalan
malayang naglalakbay ang isipan
luha ay nagsisimula nang mag unahan
di alam kung dapat na bang punasan

bakit akoy lubusang nasasaktan?
di alam kung  ang hahantungan
tanging ikaw lang ang laman
kahit damdamin ko'y nahihirapan

Mahal,patawad ng ika'y aking nilisan
lubos ko itong pinagsisihan
di kona inisip kung ikaw ba'y masasaktan
basta't ang alam ko lang ito ang tanging paraan

simula ng umalis ka't di na nagparamdam
lubos akong nag nakakaramdam ng agam-agam
kung bakit hindi mo man lang nakuhang magpaalam

nahihirapan nakong unawain ka
lalo na yung mga panahong sayo'y balewala na
kinukulit kita ; sinusuyo
bakit tila mas lalo kang lumalayo

araw araw akong naghihintay iyong mensahe
na baka mabigyan moko ng oras na walang bayad at libre
kase alam ko hindi sayo pwede
subalit di na bale

Mahal naman kita,kaya
kaya kung magtiis para sating dalawa
kaya kung maghintay kahit gaano pa katagal
lahat ay kaya kung isugal

dahil mahal kita!

ngunit isang araw nagising ang aking diwa
nagising na may luha na saaking mga mata
naisip na baka wala na talaga
walang nang pag-asang muling magbalik ka
kung paano tayo nagsimula tulad  nung umpisa

kaya mahal , patawad!
ako na yung unang sumuko
dahil hindi kona alam kung kakayanin ko pang labanan
ang tukso
di ko na alam kung may puwang paba ako dyan sa puso mo

ngunit ng dahil sa pinaggagawa ko
mas lalo lang palang naagaw ang aking trono
mas lalo ko lang palang sinasaktan ang sarili ko
umiiyak;lumuluha
labis akong nagdurusa

dahil kasalanan konaman
kung bakit pako nag desisyon ng hindi ka kasama
labis akong nagsisi kung bakit
iniwan kita

pasensya!
pasensya kung makapal ang aking mukha
nakuha ko pang humiling
na bumalik ka sa aking piling
na baka sakaling muli kitang mahagkan
kahit sa panaginip lamang

sana'y muli **** pakinggan ang aking panalangin
bumalik ka sana sakin
at muli akong tanggapin
dahil diko na alam ang gagawin
hindi ko na alam kung paano kakayanin
kung tuluyan na nga natin itong tatapusin.

mahal patawad kung ako'y naging makasarili
inisip na baka hindi talaga tayo sa huli
patawad kung lagi akong wala sa iyong tabi
patawad kung di kona kinayang manatili

sana'y palagi **** tatandaan na mahal kita..
kahit wala na tayong dalawa

#ManunulatPH
#Repost
Caryl Oct 2015
"Maaari ka nang maging malaya"

Eto ang mga salita
Na pilit ko mang ulit ulitin pa
Sa aking sarili, ay hindi narin naman
Magkakaroon ng bisa, sa ngayon

"Maaari ka nang maging malaya
O aking sarili, pakinggan sana
Huwag nang bumalik sa naparam
Lumakad na palayo at magpaalam"
G Oct 2020
• • •
Bigo, yan ako labing-limang araw bago ka dumating
Pinaasa sa mga susunod na araw na hindi naman pala makakamit
Niloko sa hindi malamang kadahilanan kung bakit
Panay ang tanong sa isipan kung bakit ako pa ang napili
Na nananahimik at wala namang balak manakit

Sabi ko tama na't huwag nang umasa pang muli
Dahil sa henerasyon at ikot ng mundo ngayon,
Ang makatagpo ng taong kayang suklian ang pag-ibig na meron ako
Ay parang inaabot ang langit sa liit kong ito

Pero mahirap nga naman talagang pigilan [minsan] ang nararamdaman
Na kahit ilang araw pa lamang ang nagdaan
Umaga, tanghali, hapon, gabi habang naghahapunan
Ay laman ka na lagi nang aking isipan

Hep hep hep!
Sinabi nang saglit!
Masyado kang makulit
Hindi ka na bata na dapat pang paluin sa puwit!

Pero eto, seryoso na ulit. . .
Bakit ba kasi umaasa pa nang paulit-ulit?
Eh nasa harapan na nga yung sagot na wala ka naman ngang ****
Kahit sa totoo lang may konti nang sakit

Nakakatawa lang din minsan, ano?
Hindi ko lang sigurado kung yung tadhana lang o pati ako
Na alam namang mapaglaro
Pero sinasabayan yung agos kahit alam na hindi sigurado't [minsan] delikado

Risk taker nga ako, hindi ba?
Pero may kaduwagan sa aking kalooban at ayaw ko pang bumigay
Kasi hindi ko pa kayang mapalayo ka't baka magpaalam na nang tuluyan
Kaya dito na muna ako sa isang tabi,
Na muli nalang maghihintay sa iyong susunod na mensahe.
• • •
Franz Jan 2017
‘Para **’.
‘Yan ang sambit ng mga pasahero
sa t’wing sila’y magpapaalam.

Magpapaalam sa tapat na tsuper,
na sila’y nalalapit nang magpaalam.

Ngunit sa kaso ko, ipapaalam ko sa’yo,
Na ako’y magpapaalam na.

Sa tinagal ng aking pagsabit sa dunggot nitong hawakan,
Sa likod nitong pampasaherong dyip na sa kasagutan mo’y
pupunta,

Mas pipiliin kong bumitaw na lamang at masugatan.
Kaysa patuloy na mangawit sa dulo ng dyip na iyong minamaneho,

Tangay ang daan-daang mangingibig.
Bawat isa, sabik sa patutunguhang destinasyon mo.

Walang kaalam-alam na isa lamang ang maaring
parangalan,
Ng banayad at matamis **** ‘Oo.’

Ngunit sa bawat pagtapak sa silinyador ng jeep,
Sa bawat pagpihit ng kambyo,

Ang aking kamay, katawan, binti, at kaluluwa,
ay unti-unting nawawalan ng sigla,

Hanggang sa mabatid ng aking makitid na pag-unawa,
Na ito na ang hangganan, at wala na akong kawala.

Kaya bago ako bumitaw sa aking kinakapitang pulungan,
Nais kong ipa-alam, na ako’y magpapaalam.

Ibinuka ko ang aking nag-aatubiling bibig,
at ang mga salitang nakulong sa aking lalamunan,
tumakas at nagpaalam.


"Para, para sa inyo…
Ay hindi. Para sa’yo."
Ilang oras na akong nag-iisip para sa tamang salitang bibigkasin,Marami ng salita sa isipan ay dumaan ngunit ni isa ay wala ditong nagustuhan.
Ilang pahina na rin ng papel sa basurahan ay natapon at ilang tinta na rin ang nasayang,Pero hangang ngayon hindi ko parin mailabas ang nais ipahiwatig at nais iparating nitong puso't isipan.
At sa wakas palad ko'y kusa ng gumalaw at mga salita sa isip ay akin ng bibitawan,mga salitang  sana sa puso't isipan mo ay manirahan.
Tula ang aking daan para sinasaloob sayo ay iyong matunghayan,.
Mahal,Sana...
Mahal,Sana wag piliin na puso ko ay gawing Libangan lang.
Mahal,Sana sa araw na sinabi kong Oo,Pahalagahan natin yung Tayo.
Mahal,Sana pag naramdaman **** Napapabitiw ako,Pakihigpitan ang kapit sa palad ko.
Mahal,Sana kung mapadulas man ang palad ko at mapabitiw sayo,pakihatak naman ako pabalik sa piling mo.
Mahal,Sana kung sakaling isa satin maligaw ng landas ay mahanap parin nadin ang daan sa kung paanong naging Tayo.
At ang dalangin sa Maykapal..
Mahal,Sana wag tayong dumating sa tinatawag ng karamihan na "Patawad mahal,ngunit sayo ay kailangan ng Magpaalam".
twenty-six Nov 2018
ang mga larawan **** aking paboritong pagmasdan
ang mga ngiti **** umaabot sa buwan
ang sakit isipin na hindi pala ako ang dahilan
ng mga ngiti sa labi **** kay sarap halikan

puso't isip ko'y nagtatalo
ako ba'y kakapit pa sa mga binitawan **** pangako
hindi ko alam saan ako nagkulang, mahal ko
ipinagpalit mo ako nang panandalian para sa ibang tao

ngunit hindi ko alam paano ko nagagawa
ang patawarin ka kahit ako'y lumuluha
bawat umaga'y unti unting nanghihina
bawat gabi'y unti unting hindi makahinga

gustuhin ko man kumapit para sa ating dalawa
ngunit oras na para ako'y magpaalam na
huwag ka na mag-alala
malalampasan ko rin ito at kakayanin ko rin mag-isa

hinihiling ko'y maging malaya ka at masaya
sa huling linya na ito
paalam na,
aking sinta.
oras na siguro.
Meynard Ilagan Feb 2020
Dumating na ang araw na kailangan na nating magpaalam sa isa't isa
Na bukas pagmulat ng mata ay di na kita masisilayan.
Yung ngiting sa pagbukas nito ikaw agad ang makikita.
Ayaw ko na ring isipin na ang landas kong tatahakin ay iba ng sa iyo, sapagkat sa lahat ang pinakamasakit ay umasa.
Sana kung dumating ang araw na muli kitang makita ay matandaan **** minsan sa iisang bayan tayo ay naghuntahan.
Tinawanan natin ang maraming bagay at nagpalitan tayo ng kwento ng buhay.
Noong panahong naiinitan ay sumilong tayo sa kubong bahay-bahayan.
Naglalakad tayo ng magkasabay habang ang puso'y mabilis na tumitibok.
Pusong di alam kung bibitaw o mananatili na lang.
Ngunit, kailangan nating maghiwalay at magpaalam.
Unti-unti dumulas ang malambot **** kamay sa akin.
Kasabay ng patak ng iyong luhang lalong nagpasakit sa damdamin.
Hanggang sa muli.
Paalam.
Jazex Apr 2020
"Sakit"


SAKIT, limang letra ngunit pag naramdaman mo parang mawawasak ang mundo.

Limang letra ngunit pag naramdaman mo parang ayaw mo ng kumain ng husto.

Bakit ba kasi nararamdaman to?
Bakit ba kasi naimbinto ang salitang ito?
At huli sa lahat, bakit ba kasi nararamdaman ko to?

Nakakatawa lang dahil noon ikaw ang nagpapasaya sa sistema ko ngunit bakit ngayon ikaw na ang nagdudulot ng sakit na nararamdaman ko?

Ba't kasi lumisan?
Ba't kasi nangaliwa?
Ba't kasi hindi nakuntento?

Hindi ba ako sapat para sa iyo? O sadyang hindi ka lang nakuntento?

Nagkulang ba ang pagmamahal sa iyo? O gusto mo lang talaga ng malaking suso?

Minahal naman kita ng higit pa sa sarili ko ha? Kaya nga ako naghihirap at nasasaktan na hindi dapat nararapat sa pagkatao ko.

Napakawalang hiya mo din ano?
Minahal lang naman kita pero ang isinukli mo ay sakit na panghabang buhay na paghihirapan ko.

Siguro ganon nga talaga.
Siguro hindi ka lang talaga para sa tulad ko'ng higit kung magmahal.
Siguro hindi lang talaga tayo para sa isa't isa.

Masakit mang aminin pero kailangang tanggapin.
Masakit mang sabihin pero kailangan kang mawala sa akin.

Hindi mamadaliin puso'ng umiiyak at humihiling na sana'y maging akin pagmamahal mo'ng hindi matutumbasan ni'no man.

Ngunit sa ngayon, puso'y papahingahin dahil nasaktan ng husto ng ikaw ay aking mahalin.

Hindi ko man gusto'ng magpaalam ngunit kailangan dahil may masasaktan at patuloy na masasaktan.

Sa ngayon, paalam aking mahal.
Nawa'y maging masaya ang puso mo sa taong pinili mo.

Ngayon ko sasabihin ang mga katagang 'Mahal kita ngunit pagod na ang puso ko'ng masaktan at umasa kung ikaw ba'y babalik pa.'
To the boy I loved
Neerethak Calina May 2018
Kung susuko ka man
Magpaalam ka naman
Mahirap mapag-iwanan
Lalo na pag walang dahilan

Sabihin mo kung sawa ka na
Hindi yung magpapahula ka pa
Hindi ako matalinong bata
Tao lang akong nagmamaganda

Ihanda mo ako
Sa sakit na gusto
**** ilapat sa puso ko
Mahirap umasa lalo na't hindi na ako
Ihanda mo ako, mahirap masaktan
Flap Jun 2020
Oh buwan na ilaw sa madilim na daanan
Oh sulat at larawan na pwedeng balik balikan
Hiling ko lang na ang puso niya'y muli akong lingunan

Sana sa iyong paglingon
Hindi lang ako ang iyong matanaw
kundi  sana makita mo rin ang aking nararamdaman,
na ang pag asa ko sayo ay mas malabo pa sa patak ng ulan.

Sa bawat ihip ng hangin
Sa bawat awit ng tugtuging
Kahit hindi na ako ang iyong ninanais
Patuloy mo sanang ipakita ang pinaka matis **** ngiti

Ngiti na kahit hindi ako ang dahilan ay araw araw kong babaunin
Ipapasalamat kay Bathala na inilikha ka nya kahit hindi man para sakin
Ay nagpatanto na hindi lahat ng ikaw at ako,
ay pwedeng pagdugtungin

Oh buwan na ilaw sa madilim na daanan
Oh sulat at larawan na pwedeng balik balikan
Ang aking huling huling kahit isang segundo lang
Ay magkita ang mga mata namin sa aming huling paalam

Paalam kahit di naman talaga kailangan.
  
Pero kailangang magpaalam kasi wala namang dapat panghawakan
Salamat, Santos S.J. sa tulong at supporta sa paggagawa nito!
Kurtlopez Aug 2023
Dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.

Nasanay na rin akong umupo sa tabi nila; makinig sa kanilang mga istorya, tumawa nang tumawa dahil posibleng hindi na ito maulit pa, gumamot ng mga sugat, at kasabay ng mga ito ay ihanda ang sarili sa salitang "paalam".

Nasanay na ako—pero nakakapagod din pala.

Nakakapagod palang maglaan ng oras sa isang taong alam **** anumang segundo ay maaaring magpaalam na.

Nakakapagod palang makinig sa mga kuwento niya habang hinahanap ang lugar mo sa kanyang kasaysayan, habang napapaisip kung babanggitin ka rin kaya niya pagkatapos ninyong maghiwalay ng landas.

Nakakapagod palang buksan ang buhay mo para sa isang tao kung sa simula pa lamang ay batid **** bubuksan mo rin ulit ang pinto, sasamahan siya palabas, ihahatid sa sa tarangkahan, at tatanawin hanggang mawala sa iyong paningin.

Iniisip ko palagi kung bakit hindi sila nagtatagal. Bakit palagi akong iniiwan? Bakit paulit-ulit lamang ang itinatakbo ng bawat kuwento? Iba't ibang tao, iisa lamang ang nagiging dulo. Sa katagalan ay nasanay na ako sa pagtatapos, iyong tipong nagsisimula pa lamang ay tinatanggap ko na ang pagwawakas nito.

Dahil dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.

Kailan kaya ako magiging destinasyon?

— The End —