Tila nagtatanong, tanang mga muthâ
“Saan ba nagpunta ang payat na mamà?”
“Ilang buwan na bang hindi gumagalà
dito sa ‘ming parang na kanyang tumanà?”
Baguhin ang mundo’y dakilang pangarap
Subali’t mailap mga alapaap
Kung kaya’t bumangon kahit na mahirap
Dal’wampung ektarya’y pinagyamang ganap
Mahabang panahong masugid na nagmamahal
Sa katuwang sa puso at kasintahang walang pagal
Pati na sa gagamba at lahat halos na nilalang
Pati na butiking naghatid ng liham
Henyong ermitanyo ba o maestro pilosopo?
Iba ang pananaw, sa buhay, sa mundo
Lahat ay magkakaugnay at ang tao
ay tuldok lang at di panginoong sentro.
Pag-ibig sa bayan at kapaligiran
Ay di sagabal sa mithing kaunlaran
Basta’t angkop sa kaya ng pamayanan
Sadyang sustenable at di pangdayuhan
Bakas sa landas na kanyang nilakaran
Larawan ng diwang tunay, makabayan
Puso at isipang makakalikasan
Karapat-dapat na pagbalik-aralan
Sa Araw ni Ninoy, araw ng pagpanaw,
Sa Araw ng mga Bayani hihimlay
Bayani ng Lupa, may basbas ng araw,
ng ulan. Binuo ang ikot ng buhay.
Written on 21-28 August 2016; Alay sa Ala-ala ni Ka Romy S. Raros, 1939-2016, - ****, siyentista, entomolohista, ekolohista, aktibista, magsasaka [Dedicated to the memory of Dr. Romeo S. Raros, 1939-2016, - teacher, scientist, entomologist, ecologist, activist, farmer]; Read during the necrological services in his honor and again during the first anniversary of his passing away. The last two line have been added belatedly.