Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
Para sa’yo ito, Mahal ko.

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Nagising ka sa karagatan ng luha na nanggaling mismo sa iyong mga mata
Mga luha na tila itinakda para sa iyong pagdurusa
Kasama ang mga salitang “Kaya ko pa ba?”

“Kaya ko pa ba?”
Ang mga salitang itinatanong mo sa sarili mo noong ikaw ay umiiyak dahil sa ilang beses ka na niyang nabigo sa mga pangakong napako.
Sa iyong pagbangon ay iniisip mo siya.
Hanggang sa iyong pagtulog ay baon mo siya hanggang sa panaginip
At pinangalanan mo siyang “Pag-ibig”

Pag-ibig na itinuring **** totoo
Na pumuno ng kanyang pangalan sa likod ng iyong kuwaderno
Umaasang nakalimbag ang pangalan niyong dalawa sa palad ng isa’t isa

Pag-ibig na akala mo ay kukumpleto sa’yo
Ngunit siyang naging daan ng pagkawask mo

Pag-ibig na sumira sa paniniwala mo
Ang naging sanhi ng pagsabi mo ng mga salitang “Walang forever.”
At pinaniniwalaang ang pagmahal ay tila isang laro na maaaring may manalo ngunit laging may talo

Ngunit ito nga ba ang tunay na pag-ibig? Kung hindi, ano nga ba ito? Ano nga ba ang hugis ng pag-ibig?

Ang PAG-IBIG ay isang TATSULOK

Magsisimulang tumaas at umakyat sa tuwa
Ngunit pagkatapos ng ilang pagsubok
Ay magsisimula muli sa ibaba

Katulad na lamang ng isang pagbati na laging magtatapos sa paalam
Na tila kayo’y nagtagpo sa tuktok pagkat sa dulo kayo’y tinakda upang mawalay sa piling ng isa’t isa
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan ay narating niyo parin ang dulo.

Ang pag-ibig ay hindi tatsulok.

Ang PAG-IBIG ay isang PARISUKAT

Naroon ang pagmamahal sa bawat dalisdis
Ngunit sa bawat dulo ay magtatapos at maghahanap muli
At sa dami na ng pag-ibig na lumipas ay maaari mo nang iangkat ang pangalan nila sa isang malaking kahon na hugis parisukat

Ang pag-ibig ay hindi parisukat

Ang PAG-IBIG ay isang BILOG

Patuloy na umiikot sa sariling aksis at tila walang katapusan
Ngunit pag tinignan **** mabuti sa gitna ay ang landuyan nito ang sarili mo.
Na nagsasabing
“Mahal kita dahil maganda ka…”
Paano kapag tumanda ka na’t kumulubot ang iyong muka’t nawala ang kagandahan?
“Mahal kita dahil mabait ka..”
Paano kapag ang bait ay tila nawala sa mga pagsubok na inaasahang dumaan
Laging magkakaroon ng dahilan
Laging magkakaroon ng kondisyon

Ang pag-ibig ay hindi bilog

Ang PAG-IBIG ay isang PUSO

Patuloy na tumitibok para sa binabaybay niyang pagmamahal
Nagsasabi ng mga salitang matatamis at mabubulaklak
Pag-ibig na nakilala mo sa mundo at akala mo ay bibigyan ka na ng lahat ng iyong ninanais

Pero nagkamali ka. Ang puso ay napuno ng kiro’t biglang tumigil sa pagtibok. At tulad ng minsan nang umiinit na kape ay nanlamig. Ang iniwan nito ay mga sugat na hindi mo kayang pagalingin ng mag-isa. Ang pag-ibig ay hindi isang emosyon. Hindi ganito ang pag-ibig!

Ang PAG-IBIG ay isang KRUS

Ang Krus kung saan naganap ang pag-ibig. Pag-ibig kung saan ang pangako’y hindi napako pero ipinako. Pag-ibig na nagpakita ng sakripisyo upang maligtas ka lang sa kamatayan. Sabay ng aking pagkapako ay ang kapatawaran mo. Na kahit na ikaw dapat ang nasa posisyon ko ay ipinagdamot ko ang krus upang hindi ka na magdusa pa. Ito ang tunay na pag-ibig.

Ako ang una **** mangingibig na kahit na habang nililikha ko ang mga tala’t bitwin ay nasa isip kita.

Pag-ibig na lumikha sa’yo
Na kahit na itabi kita sa mga bulalakaw o alingawngaw ng mga nag-iingayan na kuliglig o sa bawat kariktan na madadaanan ay ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng kariktan

Pag-ibig na talagang totoo
Na kahit na hindi ang pangalan ko ang pumuno sa likod ng iyong kwaderno ay minahal kita
At tuwing gumuguho ka na’y pinilit kong iangat ka sa iyong pagkabagsak

Pag-ibig na kukumpleto sa’yo
Tinanggal ko nga ang kasalanan mo, paano pa kaya ang mga puwang natititra sa loob ng iyong puso?

Ito ang hugis ng pag-ibig

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Ginisng kita sa katotohanan na ang mundo ay magsasabi sa’yo ng napakaraming salita
Pero mahal, ang salita ako ang pinakatotoo
Dahil kahit na ilang beses mo akong biguin, ang pangako ko ay kailanma’y hindi mapapako dahil ipinako na ito para sa’yo dalawang libong taon na ang nakalipas.
Ilang beses nang natanggihan ang pagkatok ko sa puso mo
Pero hindi parin ako sumuko, inaraw-araw ko ang pagkatok dito
Umaasang maiisipan **** bumalik sa ating tagpuan
Kaya kumakatok ako muli, Ang tanging katanungan ko lamang ngayon ay; Mahal, handa ka bang tanggapin ako?

Iyong iyo, Ang manlilikha mo
This piece is meant to be spoken.
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
Eugene Dec 2018
Nakakubling Lungkot Sa Puso

Pilitin ko mang itago ang nararamdaman kong saya,
Nangingibabaw pa rin nang malaki ang nakakubling pangungulila.
Kahit sumilay man ang mga ngiti sa aking mukha,
Nakikita pa rin sa aking mga mata ang labis na pag-aalala.

Ano mang pilit kong magpakatatag at huwag pansinin ang bawat sumbat,
Muli pa ring nadarama sa puso ang pighati, pait, pagtitiis at sakit.
Naitatago man ng aking mga ngiti ang lahat ng pagdurusa't bigat,
Dadaloy pa rin ang mga luha at muling maaalala ang nakaraang mabibigat na habagat.

Kahit anong iwas ko, tinatangay pa rin ako ng isipan kung kamustahin sila.
Hindi ko kayang magsinungaling dahil sa puso ko ay mahal na mahal ko sila.
Ipagsawalang-bahala man ang bawat mga letrang nasa mensahe nila,
Mabubuo pa rin ito at mararamdaman ko ang nakaukit na mga salitang hinihintay ng puso sa tuwi-tuwina.

Sana ang lahat ng mga letrang naging salita ay totoo.
Sana ang lahat ng mga katagang nababasa ko ay galing sa kanilang mga puso.
Sana ang lahat ng mga litratong nakikita ko ay tunay at totoong-totoo.
At sana... mapanghawakan ng puso ko ang katotohanang hindi ko kayang mawalay pagkat sila ay naging bahagi ng bawat nakakubling lungkot sa aking puso.
Taltoy Jun 2017
Ang buhay nga naman,
Puno ng lungkot at kaligayahan,
Subalit wala tayong magagawa,
Tiisin nalang kung ano ang mapapala.

Diyos ko, ako'y tulungan nyo,
Sa aking landas na tinutungo,
Landas na puno ng sagabal,
Mga sagabal na susubok kung ako'y mapapagal.

Dahil ang katotohanan ay di ko maitatanggi,
Katotohanang ikinubli sa mga tawat mga ngiti,
Ang katotohanang ako rin ay nasasaktan,
Dahil sa damdamin kong nanlalaban.

Minsan di ko maiwasan,
Na masabi ang tunay na nilalaman,
Ng puso at di ng isipan,
Kaya minsan, ginagawang katatwanan.

Ika'y kasapakat ko sa gawaing ito,
Ang sinasabihan ko ng mga naturang biro,
Ang nakikisabay sa aking mga kalokohan,
Kalokohang minsang ginusto kong maging katotohanan.

Sa kasamaang palad, ito ang katotohanan,
Ang minsang inisip matapos magtawanan,
Ang di ko naman maipagkakailang nakakatawa nga,
Ngunit di ko inaasahang puso ko pala'y mapipiga.

Ang binansagan nating pinakamagandang biro,
Ang sa mga luha ko'y nagpatulo,
Tumulo dahil sa kakatawa,
Tawang may kasunod na pagdurusa.

Pagdrusa dahil masakit,
Tawa't halakhak nga ba'y sapat na kapalit?
Ngunit masasabi ito'y panandalian,
Dahil pagkatapos nitoy masasaktan,

Para bang ang gusto ko'y ibinigay,
Na para bang nagkusa at di na ako pinahintay,
Ngunit alam ko sa sarili ko na ito'y huwad,
Ako na mismo ang unang naglahad.

Subalit nakakatawa naman talaga,
Sabihan ba naman kita ng "mahal kita",
Tono palang kalokohan na,
Masasai **** baligho ang ideya.

Aminado akong iyo'y kabilaghuan,
Ngunit wala na akong magagawa dyan,
Kasalanan ko na kung ako'y nasaktan,
Dahil alam kong ako'y nagkamali at may kakulangan.
Wala masyadong rason bakit ko to sinulat, basta sinulat ko lang. ***
Eugene Nov 2016
Ilang buwan na lang at ako'y lilisan na.
Lilisanin ko na ang mapapait na alaala.
Alaalang nagdulot sa akin ng pighati at pagdurusa.
Pagdurusang hiling ko ay malimot-limot na.

Sa aking paglisan, magagandang alaala ay hindi ko kakalimutan.
Kakalimutan ang mapait na karanasan,
Pero hindi ang taong naging bahagi ng aking nakaraan.
Makakakilala man ako ng ibang tao sa kasalukuyan,
Hinding-hindi ko naman ipagpapalit ang pagmamahal mula sa inyo na aking naramdaman.


Sana ay ako'y inyong ipanalangin,
Na maging matatag sa darating pang pangarap na aabutin,
Maging masaya sa bago kong buhay na tatahakin,
At maghilom sa puso ang sugat sa nakaraan kong masakit sa damdamin.


Magiging malayo man tayo sa isa't isa,
Napakalapit pa rin ninyo sa aking alaala.
Matagal man bago tayo ay muling magkikita-kita,
Asahan ninyong sa pagbabalik ko ay ako'y maligayang-maligaya na!
kingjay Jan 2019
Umulan ng mga talulot sa simbahan
May palakpakan, palirit
Sapagkat pumunta sa kasiyahan
Daig pa ang fiesta at bagong taon sa lakas ng bulyawan

Katabi ng lalaki ang mahal
Puro halakhak at wala nang pag ngiti
Sa mga ka-nayon na bumabati
Inuman maghapon sa magarbong pagdiriwang
Paanyaya na natanggap na siyang pinaunlakan

Bago matapos ang selebrasyon ay
lumapit sa asawa ng maharlika
Ang pagbati ay ibinulong
sabay nakaw-halik sa pisngi niya
Tumalikod at di lumingon
Bigla na lang pumatak ang mga luha

Sa itinanim na pagsinta, ang naani'y pagdurusa
Sapat na ang hilahil upang magpatiwakal
Sapagkat di matanggap-tanggap ang pag-iisang dibdib
Tibok ng puso'y lumikat

Lumakad nang papalayo
Kahit mga paa'y mabigat iangat
Nanginig nang lumisan
Dumanas ng kulimlim ng pag-ibig
Nag-iisa sa Cariñosa sa putikan
Jor May 2016
I.
Ang bilis ng panahon!
Parang kailan lang nagkakahiyaan pa noon.
Pero tignan mo naman,
Para na tayong magkakapatid magturingan ngayon.

II.
Sandalan ang isa't-isa 'pag may problema.
'Pag magkakasama oras ay hindi alintana.
Ako 'yung taong mabilis pang-hinaan,
Pero dahil sa inyo, natutunan kong lumaban.

III.
Ang bilis ng panahon!
Hindi ko pansin na lumipas na pala ang apat na taon.
At sa apat na taon na 'yun, naramdaman ko lahat ng emosyon:
Saya, lungkot, takot, kaba, pagdurusa, kilig at matinding ligaya.

IV.
At kahit lumipas pa ang sunod na apat na taon (o higit pa)
Sana 'wag kayong magbago,
At ganun din ako.
Kung paano ko kayo nakilala, sana 'yun pa rin kayo.

V.
Kung may mga problema kayo, pwede niyo akong lapitan.
Basta wag lang tungkol sa Math at pera, may sakit ako niyan.
Sabi nila hayskul ang pinakamasaya sa eskwela,
Pero para sa akin, kolehiyo pa rin talaga!

VI.
Natutuwa ako dahil magtatapos tayo ng sama-sama,
Kahit na 'yung iba, may alanganin pa.
Kaya niyo 'yan, nasa inyo ang aming suporta!
Kaya sa katapusan sana sabay-sabay tayong magma-martsa!
inggo Oct 2015
Kumapit ka sa isang patalim
Paano mo ito naaatim?
Sadyang di napansin sa katagalan
Ang humuhupa kong kaligayahan

Sa patalim ng pagmamahal ako ang nasa hawakan
Sobra na ang pagdurusa mo kaya ito'y binitawan
Mga isinakripisyo mo'y di na kayang pantayan
Kaya ako'y humiwalay nang makalipat ka sa hawakan
4th collaboration with my friend Angge and Taki.
sequel of "Bakit" (http://hellopoetry.com/poem/1406975/bakit/)
ramon cayangyang Nov 2016
Bago ako magsimula , Gusto kulang sabihin sayong “kamusta?”
Parang kay tagal na simula nang huling tayo ay magkita
Hanggang ngayon hindi ko masabe kayat dadaanin kita sa
Maikli kong tula ….

Sa tulang halos buhay ko ang nilalaman , buong buhay na aking
Minahal at pinaglaban ng hindi man lang niya nalalaman . ..
Kahit na alam ko na sayo ay may nagmamahal at kayong dalawa
Ay nagmamahalan patuloy pa rin ako sa aking pakikipaglaban

Nakikipaglaban sa aking nararamdamang hindi ko alam kung bakit
Kinakailangan , bakit kailangan kong pagdaanan kasi hindi ko kayang
Iwaksi sa aking isipan at sa tuwing tatalikod ako sayo hindi ko
Mapigilang ilabas ang tunay kong nararamdaman …

Nararamdamang kalungkutan ngunit napapalitan ng kasiyahan sa
Tuwing ikay aking masisilayan , masilayan ang nagiisang dahilan ng
Tuwa at pasakit na aking nararamdaman

Pero kahit punong puno ng pasakit at pagdurusa ang dulot mo sa
Akin wala akong pakielam …
Kahit na sabihin ng iba na “TANGA KA BA ? MAHAL MO PERO MAHAL
KABA ?

Wala akong pakielam sa sabihin ng kahit na sino man , isa lang naman
Ang laman ng aking isipan

Ang oo at pero , OO ngat alam ko na sa puso niya ay hindi ako bagkus
Iba ang siyang nanahan ,
Pero sa puso ko , ikaw ang siyang nagturong magmahal ng totoo kahit
Na alam na walang dapat asahan

Na ang salitang “TAYO” sa panaginip kulang makakamtam

Pero kahit ganon paman ang kinalabasan , Masaya parin ako sa nagging resulta nang aking ginawa na tinatawag ng karamihan na “KATANGAHAN”

Kase hindi kuman nagawang makamtan ang taong laman ng aking isipan ,at kahit Alam Kong sa panaginip kalang mahahagkan

Atleast natutunan ko at nagawa kong lumaban at ipaglaban siya
Kahit na hindi man lang niya nalalaman
#hugot#filipino#tagalog
JOJO C PINCA Dec 2017
May nag-aalab na damdamin sa loob ng aking dibdib.
Isang galit na hindi humuhupa parang sugat na lumalala.
May tanong na hanggang ngayon ay hindi mahanapan ng sagot.
Napapagod ang diwa ko pero walang makitang kapahingahan.
Nauuhaw ako subalit tila hindi sasapat ang tubig.
(mabuti na lang at may serbesa at alak na masasandalan)
May sapot sa isipan ko kaya hindi makita ang hantungan.
Wala akong magawa kundi harapin kung ano ang meron ako,
Hindi naging mabait ang kapalaran at naging maramot ang buhay.
Ang kaligayahan ay parang mailap na ibon ,
mahirap mahuli at hindi madaling mahawakan.
Lungko’t at pagdurusa ang matalik ko’ng kaibigan.
May mga magdamag na ayaw ko nang magwakas,
Mga pagkahimbing na ayaw ko nang magising,
Mga umagang ayaw ko nang tanawin.
Ito ang palad kong hatid na kailangan ko’ng harapin.
Haharapin kahit may hinanakit at panghihinayang,
Haharapin dahil kailangang gawin,
Tulad ng ginawa ni Sisyphu ang lahat ng lungkot at hirap ay aking haharapin.
mac azanes Sep 2017
Hindi ka nag iisa*.
Kataga na nais ko na malaman mo,
Sa bawat araw na naisip mo ang salitang,
Bakit?

Sa bawat pagdurusa na nilamon ka ng iyong isip,
At mga guni guni na naglalaro sa mga gabi,
Na akala mo ay walang nakaka alala sa iyo,
Mag isip ka.

Ikaw ay pinagpala,
na dumidilat sa umaga.
At makita ang liwanag ng mudo,
At marinig ang awit ng mga ibon.

Wag kang matakot na harapin ang umaga,
wag kang matakot sa sasabihin ng iba.
May sarili kang buhay,
Tulad ng isang ibon na malaya.

Malaya kang gawin ang sisnisigaw ng iyong puso,
damhin ang bawat yakap ng hangin.
At pag masdan ang pag bukadkad ng mga bulakak,
Na tulad mo ay may buhay din.

Wag kang papatanagay sa iyong isip,
At lunurin ka ng mga imahenasyon.
Patuloy kang maglakad,
At sundin ang bawat tibok ng iyong puso.

Maraming nagmamahal sayo,
Wag **** hayaan na makulong ka,
Sa mga pagkabigo,
Dahil ito ang magpapatatag sa iyo.

Lumaban ka,
Dahil inuulit ko.
Sa mundong ito.
Hindi ka nag iisa.
Danica Mar 2020
Ako’y isang hamak na manunulat
Kung ako’y tatanungin sa yaman ako’y salat
Pagdurusa’t hirap nakaukit sa aking balat
Gutom at pighati aking dinadaan sa masinsinang pagsulat

Mensahe ng aking tula paghihirap ang paksa
Pluma at papel luha ang siyang tinta
Galak at tuwa iguhit mo at ipinta
Pangakong aliw at ligaya iaalay sa’yo sinta
Tula ng isang manulalat na sa hirap ay lusak
Eugene Aug 2017
Mata: Nakikita nila akong masaya kasi sa tuwing tititigan ako ay nangungusap na. Pero hindi nila alam na sa kasuluksulukan nito ay madilim na ang aking nakikita.

Ilong: Amoy na amoy ko pa ang masasayang alaala ng kaligayahang noon ay aking nadarama. Ngunit, ngayon ay unti-unti nang bumabara ang mga sakit at pighating dulot ng aking pagdurusa.

Tainga: Kay sarap pakinggan ang mga nanari-saring tiyempo, ritmo, at tonong iyong napapakinggan. Ikaw ay napapaindak pa at napapasayaw sa mga natamong kasiyahan. Subalit, binging-bingi ka na sa mga masasakit na salita sa iyo na tila wala ka ng kwenta.

Bibig: Puring-puri mo ang mga nagawa mo para sa kanila at doon ay napagtanto **** may saysay ang bawat **** ginagawa. Ngunit, pilit mo na lamang ikinukubli ang mga masasakit na katagang nais **** ipabatid sa kanila dahil alam **** kapag ikaw ang nagsalita, mali pa rin sa pagkakaunawa nila.
Ksh May 2020
Kay sarap sigurong matulog ng mahimbing,
Na para bang naiiwan ang mga problema
Sa simpleng pagpikit lamang ng mga mata;
Na paunti-unting naiibsan ang sakit at hapdi
sa bawat hinga, sa bawat saglit;
Na dahan-dahang nawawala ang mga
lamig-lamig ng katawan, mga kalamnan
na ang alam lang ay pagod at paninigas.

Kung ako ma'y tuluyan nang matulog,
Pakiusap -- wag mo na akong gisingin;
Pagka't ako'y masaya na sa kawalan --
ng kahirapan, ng pagdurusa sa mundo.
M e l l o Jan 2020
oras ko na inilaan
kay daling nalimutan
panahon na isinugal
sa pagmamahal na
wala palang katiyakan
ngayo'y nanagnaghoy na
sana'y wag **** iwan

oras ko na inilaan
mga bagay na
kay dali kong binitawan
na walang pag alinlangan
para mapasaya ka lang
huli na nang malaman
pinaglaruan mo lang

para sana sayo to
pero ang dali **** tumalikod
naglakbay ka sa kabilang daan
at bigla na lang naglaho
na parang bula
hindi man lang nagbabala
sana nagpasabi ka
nang ako mismo naghatid sayo

hindi na sana ako
nagbigay ng labis
ngayon ako'y naghihinagpis
sa pag ibig na ipinilit
kong ihandog
sa taong hindi naman
ako ang kailangan

sana nagpasabi ka
nang mabawasan man lang
ang pagtitiis
sa panahon na halos
buong buhay ko
akalain **** kay dali kong
ibigay para sayo
kung sana man lang
umalis ka ng mas maaga
nang hindi pa gaano kalalim
ang nadarama
nang maagapan ko pa
ang sugat na ngayo'y
hanggang buto
tagos sa kaluluwa
ang pagdurusa

sana matapos na ang
araw gusto ko na
magpahinga
Jan. 4
Gamaliel Sep 2019
puso ko'y umaasa
na ating pagkikita
ay maging lunas sana
sa iyong pagdurusa
Lance Cecilia Feb 2019
Sa aming pagsilip sa buhay ng mag-ina
Nasilayan ang mga matang puno ng pag-asa.
Malapit na raw matapos ang matagal na pagdurusa,
Pagka’t ang kalagayan ni ina’y bumubuti na.

Sa ilang minutong kuwentuha’y tila ba kami’y pamilya,
Nagtawanan, nag-asaran, at nagbahagi ng nadarama,
Subalit biglang dumating ang kakila-kilabot na balita,
Kailangan ng malaking pera kapalit ng buhay ni ina.

Ako’y napatda at kumirot ang puso,
Biglang napaisip at kumunot ang noo,
Kung nabibili ng pera ang buhay ng tao,
Mura lang pala ang buhay ng Filipino.
Twelve Mar 2018
Sa huling araw ng taon
Na wala ka ng panahon
Para sa taong nagpasaya sayo noon

Ngayon ang araw na iyon
Para tayo’y maglaho
Sa mundong dating atin
Na ikaw at ako’y tayo
At ngayon ay bibitawan mo na
sa pamamagitan ng isang salita
na paalam na

pero mahal ko iyong dinggin
ang aking huling hiling
sa natitirang oras pa
na kasama kita
bigyan natin ng halakhak at ngiti
ang bawat sandali
bago wakasan ang istorya
at isulat na sa huling pahina
lahat ng masayang ala-ala

Mahal ko tapos na
Ang iyong pagdurusa
Isa, dalawa, Tatlo
Bibitaw na tayo
Sa mundong ito
Wala ka na.
Mahal kita
Paalam na.
112522

Sabihin Sa'kin ang tangan **** pangamba,
Mga alinlangan o maging pagdurusa.
At sa bawat patak ng luhang walang salita’y
Ako mismo ang marahang hahagkan Sayo —

Lalapit nang kusa’t aagapay
Kahit ako mismo ang naghihingalo.
Ihipan man ng Sandali
Ang apoy **** patay-sindi
Ay hindi magmamaliw ang pagtingin ko’t pagkabighani.

At walang ibang nanaisin
Kundi masilip ang Iyong mga ngiti —
Mga ngiti **** simula’t sapul ay nakakakiliti.
Lulan ng iyong mapupungay na mga mata
Ay ligaya sa puso Kong
Tanging ikaw ang pagsinta.

Kaya maging sa pagbilad mo sa araw ay kumikinang ka—
Nag-uumapaw ang kagandahang hindi masakit sa mata.
Sa bawat pitik ay umiindak Ka
Musika ng kahapon ay nasasapawan na
Ngunit ang sining Sayong mukha’y
Namumutawi pa rin sa pagningning.

Ikaw ata ay Bituin
At maging sa umaga’y kumikislap pa rin.
Ligaya ang makapiling Ka
Lalo pa’t ako ang napiling maging Katipan.
Ngunit sa pagkumpas nang paulit-ulit
Ng kamay ng orasan,
Paminsan ay ayaw ko nang lisanin
Ang larawan ng nakaraan.

Unti-unti akong namumulat
Buhat sa pananaginip ng gising.
Pira-pirasong alaala’y
Kusa na namang nababahiran ng dilim —
Dilim sa paningin,
Dilim na walang katapusan ang mithiin.

— The End —