Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
061217

Hayaan **** makisabay ang iyong kagaanan sa himpapawid
Nang ang bawat hibla'y makatikim ng tagumpay.
Pagkat ang iyong baluti'y sagisag ng pagkakaisa
At ika'y titingalain sa iyong pagliyad
Patungo sa pinakataas-taasang bughaw naming kalangitan.

Balutin mo ng dunong ang moog na salinlahi
At ika'y gumayak
Kasabay ng pagkurap ng haring araw.
Wag **** itikom ang panaghoy sa katotohanan
Habang ang bulong mo noo'y
Maging hayag na sa pitong libong pinagmanahan
At maraang mapagyaman ang Perlas ng Silanganan.

Ipag-isa mo ang tatlong bituing ipinaglihis ng kadiliman
Hindi bilang isang taksil sa lipunang mapanghasik ng lagim.
Igapos mo ang kabuuan na tila isang dalisay na karagatan
At iyong tabunan ang mga patak ng dugo
Sa tigang at umaalingasaw na sistema ng bayan.

Sa iyong lubid, kami'y kakapit
Habang ang himagsika'y sing-bagsik ng leong
May matalim na pangil sa pakikipaglaban.
Ang kamandag mo'y tagos sa puso't kaluluwa,
Dugtong sa bituka ng kasaysayang may bantog na pag-alala.

At sa bawat pintig at pag-indayog ng iyong himig,
Ang lahat ay magpakumbaba.
Gisingin mo ang diwang nahimbing sa kababalaghan
Siyang dulot ng sakim na mekanismo't maitim na pamamaraan.

Lapag sa puso at sa sahig ay papagpag ng paninindigan
Taas-noo ang aming pagpapatirapa para sa nag-iisang sandigan.
Ikaw ang bakas ng aming pinagmulan,
Ang ugat ng lakas, dunong at prinsipyo
Ng mga supling mo, o Inang Bayan.
012917

Mag-aalas kwatro ng umaga nang aking maramdaman
Hindi lang lumalim ang gabi ngunit umaga'y malapit nang madatnan
Pinipilit akong balutin ng lungkot -- nais na ako'y matalo
Kaya naisip ko gumawa ng talata na babasahin ko para sayo.

Hindi man malalim ang mga salitang ginagamit ko
Huwag mo sanang isiping pagmamahal ko'y hindi abot hanggang langit
Alam kong baguhan pa lang ako pagdating sa larangan ng pagsusulat.

Hindi man kita mapangiti, hindi ko man mabigyan ito ng pamagat
Gusto ko lang na kahit papaano -- kahit papaano'y maipaabot ang lubusan kong pangungulila
Sa babaeng ilang buwan ko pang hihintayin, manggagaling pa sa Maynila.

Alas kwatro pasado na, antok sakin ay nagbabadya
Kaya sa aking paggising, sagutin mo rin ako gamit ang iyong talata.
(C) JS

Unang piyesa. Not bad hindi ba?
kiko Jan 2017
taksil ang mga labing naghahangad ng higit sa dampi
katulad ng buwan sa duyog,
na kung sa madalas
ay hinahayaan ang pagsisiping ng araw at mga bundok sa umaga
may mga minsang hindi mapigilan ang alibuyboy
at pilit isisingit ang sarili sa pagitan ng dapat at hindi,
kapalit ng panandaliang saya; balutin man ng dilim.

ngunit isa pa nga bang kataksilan ang humiling,
kahit na pakiwari ko’y isa kang hiningang hindi mauulit,
na sana kinabukasang paggising ay hindi ka na umalis,
na hayaan mo namang masilayan ko kung paano ka ipipinta ng araw
para naman din makita mo sa liwanag kung paano ka aaralin.

bigyan mo lang ako ng isang sandali
dahil katulad ng buwan, miminsan ding makasarili
baka sa susunod na kinabukasan
kahit ikaw ang tinatangi, sa iba na maghahain.
J Nov 2020
Sa panandaliang pagtigil ng mundo,
Hindi mapigilan ang mga tanong sa isipan,
Na para bang mga sasakyan sa EDSA,
Buhol buhol at walang kaayusan.

Ang mapait na naranasan ay iiwan na sa nakaraan,
Akapin ang kasalukuyan at kinabukasan,
Patawarin ang sarili sa nagawang kasalanan,
Bitawan ang sakit na nararamdaman,

Hindi para sakanya at hindi rin para sa iba,
Para sa'yo; Para tuluyan ka nang sumaya,
Mga gabing puro luha at kalungkutan,
Balutin sana ng umagang puno ng kasiyahan.

Nawalan ka man ng kaibigan o kasintahan,
Mga memoryang hanggang isipan nalamang,
Pulutin at dalhin sa susunod na kwento,
Dahil sadyang may mga kabanata na hindi para sa'yo.
Huminga ka kaibigan.
japheth Jun 2018
nanghihikayat
nanaman
ang mga ulap
na sabayan ko siya
sa kanyang pagluha;

dahil
sa lakas
ng patak ng ulan
kaya niyang balutin
ang aking pagiyak
sa pighati
na aking nararanasan.
this one’s written in my language, Tagalog
for those who want to understand it,
here’s a rough translation:

the clouds beckon me
to join his sorrow;

because
the loud sound
of the rain,
can mute
my cries
because of the pain
i’m experiencing.
pauline May 2019
Hawakan mo ang kamay ko
Sasama ako kahit saan patungo
Sa piling mo labis ang kaligayahan
Susugal paulit ulit at handang lagyan ng kuwit ang ating kwento
Huwag lang tutuldukan
Huwag muna
Dudugtungan pa natin ng madaming masasayang alaala
Magkwentuhan tayo at magtawanan sa sarili nating mundo
Balutin mo ako ng iyong mga bisig kung saan mas ramdam ko na ligtas ako
Magtitigan tayo may malisya man o wala
At sa mga sandaling tayo ay tahimik
Ibulong natin ang mga salitang "mahal kita"
Hayaan ang mga puso  natin ang mag-usap.

— The End —