Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
qnn Oct 2021
21,600

apat na taon akong nanahimik
dinampot ang pira-pirasong sarili
nagbabakasakaling sa pangalawang pagkakataon ay mabuo muli
di man kagaya ng noon na walang bahid ng basag
umaasang mabuo at makatayo sa kabila ng mga lamat
at nang dumating ang araw
na naisip kong kaya ko nang muling tumayo
sinubukan ko namang lumakad
dahan dahan at papalayo
kanang paa..kaliwang paa..
at nakaurong ng kaunti
kanang paa..kaliwang paa..
at natututo na muli
sa marahang paglakad ko
hindi ko inaasahan na mapapadaan ako sayo
di mo ako kilala at ganun din ako sayo
pero pinili kong manatili
dahil ano nga bang mali?
pinili mo din manatili
dahil ano nga bang mali?
lumagpas ng minuto, oras, araw, linggo
nandito padin tayo

pero bakit parang gusto ko nang tumakbo
hawak ang kamay mo at tumakbong papalayo

tumakbo at sabay na kikilalanin ang hinaharap
tumakbo at sabay na abutin ang mga pangarap
tumakbo magkahawak ang kamay, sa hirap man o sa sarap

gusto kong tumakbo

sa aking pananabik ay nabanggit ko to sa iyo

at humakbang ka ng isa palayo..

sinabi ko muli sayo
kanang paa..kaliwang paa..palayo

sinabi mo sa akin na di mo kayang sumabay
na ang nais ko ay di maibibigay

at doon naalala ko

oo nga pala napadaan lang ako.
Pusang Tahimik Oct 2021
Ako'y tila papel na madaling tangayin
Dinadala sa kung saan ang ihip ng hangin
Ako'y tila pangarap na nais abutin
Sapagkat mula sa lupa ako'y titingalain

Ako'y nandidilim sa ibabaw ng lupa
At pinipigil ko ang pag patak ng aking luha
Ang aking ngitngit ay kulog na nakabibigla
At kidlat ang lumalabas sa tuwing magsasalita

Dumating ang panahong hindi ko na kaya
Ang bigat ng hirap ay sukdulan na
At ang aking luha ay pumapatak na
Ang lahat ay ibubuhos ko na!

Sa bigat ng paghihirap na pinapasan ko
Ay dilim na tila tinakluban ang pag-asa mo
At kapag naibuhos at umaliwalas na ako
Ang araw ay sisilip na tila pag-asa mo

Riyan sa malayo ako na lamang ay masdan
Sapagkat ako'y di mahahawakan kahit sa malapitan
Ngunit pumarito ka't ipararamdam ko ang kaginhawaan
Dito sa alapaap ng walang hanggang kalayaan

- JGA
070221

Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran
Ay gayundin nya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.

Para sa mga taong akala nilang mag isa silang lumalaban
Sa mga taong tumatakbo’t napapatid ng kadiliman
Sa mga taong naghahagilap ng katotohan.

Sino nga ang ba ang tunay na saksi ng ating mga kamalian?
Tayo ba’y tinutulak ng mundo papalayo sa liwanag?
O tayo yung nananatiling tapat sa kabila ng mga kaguluhan?

Marahan ang pag ihip ng hangin kung saan tayo’y patungo sa mga bituin
Ngunit ang araw ay sasapit na ang Liwanag ay bubulag
Sa harapan at walang pasabi na Sya ay darating.

At kahit pa anong gawin natin sa mundong patikim lamang,
Sana alam natin kung saan nga ba tayo nakatingin
Pagkat tumatakbo tayo papalayo, naghihilaan pababa at pataas.

Kailan ba tayo mananahimik at kusang magpaubaya ng lakas?
Nang ang lahat ng ating alinlangan, sana’y makaya nating mawaksian
Pagkat sa nalalabing mga oras, tayo ri’y mahuhusgahan.
100921

Ilang beses pa ba tayong magpapaliguy-ligoy?
Pagkat sa pagitan ng paghahasik ng dilim
At sa pagsilang ng araw ay doon tayo magsisipag-sulpotan?

Hindi ba tayo mapapagod?
At hanggang kailan ba natin ito kayang ipagpatuloy?
Ganitong estado ng pamumuhay rin ba
Ang nais nating ipagmalaki't ipasa sa ating mga anak?

Pandemya nga lang ba?
O kahit hindi naman gipit
Ay ito na ang pamamaraan natin?
Kaninang madaling araw, may pumasok sa aming bakuran. Malakas ang buhos ng ulan kaya hindi ata namin namalayan. Wala man kayong nakuha ngayon, sana dumating kayo sa puntong hindi na maging madilim ang inyong mga paningin. Sana hindi mangyari sa inyo ang mga bagay na inyong kinasanayang gawin. Sana matuto rin kayong maging patas sa kabila ng hindi pagiging patas ng panahon. At tandan n'yo, hindi lang kayo ang hirap sa buhay.
Pusang Tahimik Oct 2021
Lilisan na muna sandali
Iidlip lang ng maikli
Para sa bukas na papakli
Makayanan ko muli

Ayos lang ang aking lagay
Heto't sabay sa tangay
Sa mga nakabibinging ingay
Sa mundong patay na ang kulay

Umiiwas na mag alala
Nagpapanggap na abala
At kahit walang napapala
Gagawin upang makawala

Magaling na mandaraya
Sarili ang dinadaya
At sa tuwing tinutuya
Buhay ang tinataya

Tumawa ng malakas
Na waring wala ng bukas
Hala! piliting pumiglas
At sa sarili ay tumakas

Ang araw ay natapos na muli
Paalam muna sandali
At ang aking minimithi
Ang bukas ay di na papakli

-JGA
100521

Humihikab na naman ang kalawakan,
Natutulog ang mga bituing
Patay-sindi kung magparamdam.
At ang bagong-gising na buwan ay sumisigaw
Na parang mga pinag-samasamang alikabok
At syang isinaboy sa garapon ng buhay.

Kusang nagtutuklapan ang mga nakahilerang pader
Na pinino na parang mga buhangin sa dalampasigan.
Habang paisa-isang nagbabato ng galit
Ang mitikolosong likido na tumataboy
Sa mga ekstranghero ng sanlibutan.

Nagsisimula na ring gumapang ang pananim
Na ang binhi'y hiningahan ng kariktan.
At sa malalambot na mga ulap
Ay magtatapat ito ng kanyang paghanga.

Hinahawi na parang mga bagong pitas na rosas sa hardin
Ang bawat bungang muling ihahasik sa pagsapit ng dilim.
At sa ikalawang pagbangon ng binhing pinagmulan ng lahat
Ay masasaksihan ng bawat nilalang
Ang sinasabi nitong liwanag na bubulag sa lahat.
Umiikot ang mundo sa'yo
pero aking napagtanto
hindi dapat ganito

May sarili dapat akong mundo
at gawing parte ka lamang nito

Hindi dapat ginawang mundo ang tao lamang
Isipin ang sariling nararamdaman
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
Pusang Tahimik Sep 2021
Waring bihag na nais makawala
Sa gapos ng isang tanikala
At kahit walang mga salita
Ang tinig sa isip ay nagwawala

Ganap mo akong pinapatay
Unti-unti sa iyong mga kamay
Sa tuwing ako'y nasasanay
Sa aking ngiting hindi naman tunay

Marahil isa akong magaling na artista
Ikaw ang derektor sa pelikula
Ibibihis ang nais **** maskara
At ang puso ko ang iyong obra maestra

Hahayaan na lamang na ako ay hiramin
Waring manikang lalaruin
At kung magsawa na sa akin
Maaari mo na ba akong palayain?

-JGA
082121

O giliw at ginintuan kong bayan,
Sa mga galamay ng may burdang hinagpis
Ay ‘di patitinag ang katapatan kong sayo’y itinatangis
Panaghoy ko’y ‘wag sanang lisanin
Ang pangako nating hanggang sa dulo’y mananatili.

Hindi man sa ngayon
Ang paggawad ng medalyang kailanma’y hindi mangangalawang,
Ako’y magtitiis sa muling paglipad
Ng kalapating pilit na itinatali’t ikinakahon
Sa mga islang tanging anino na lamang ang kasarinlan.

Kung mamarapatin lang ng may Likha
Na ako’y tupukin na lamang ng apoy na hindi nakasusunog
At ako’y ayain sa hardin nang walang kamalayan
Kundi pagpuri sa Kanyang kagandahan.
Ngunit kailanma’y hindi ako mangingimasok
Sa kung anumang inilatag sa aking harapan.

Gustong lumuha ng dugo
Ng aking mga matang may iisang tinitingnan.
Sa mga kamay Niya’y
Hahayaan ko na lamang na dumungis ang mga butil
At ang Kanyang pagkalinga’y
Magsilbing panlaman-tiyan.

Kung makararating man sa lahat ng mga pinili
Na ang aking pananatili’y hindi pansarili lamang
Kundi ito’y aking pagpasyang piliin pa rin
Ang tahanan bagamat ito’y pinagtaksilan ng karamihan.

Sa mga pulong walang kapanatagan
At walang kapaliwanagan ang may kapangyarihan,
Ay naniniwala akong hindi paglisan ang solusyon.
At kung takot at pangamba ang kanilang mga naging dahilan,
Ay hindi ko kokonsintihin
Ang puso kong anumang oras
Ay kayang piliin na rin ang paglisan.
Next page