Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
Tinatamad ako hindi ko magawang tipahin ang tiklado ng aking computer.
Inaantok ako malamang kinakapos ng oxygen ang utak ko kaya ganito.
Pero ang diwa ko’y gising at gustong sumulat ng tula hindi ito nakatulala.
Anong tula ang susulatin ko? Tungkol ba sa’yo at sa pagsinta nating tuyo?
O patungkol sa bayan kong minamahal na walang utang na loob sa malasakit ng iba?
Ang bayan o ang aking pag-ibig sa’yo alin sa dalawa? Ewan ko nalilito ako.
Pareho kayong mahalaga, pareho ko kayong mahal, pero alam ko na pareho din kayong mawawala. Bakit ko sasayangin ang aking mga salita? Bakit kailangan ko pang ialay ang bunga ng aking kaisipan kung sa bandang huli ito ay mawawalan lang ng saysay?

Hayaan **** mag-diskurso ako kahit sandali lang mahal ko.

Ilan tula na ba ng aking sinulat para sa bayan kong sawi at laging alipin ng mga walang turing at pakundangan, may nangyari ba? Wala naman diba? Walang saysay ang pagliyag ko sa bayang ito na laging lumuluhod at sumusunod sa mga dayuhan. Itong bayan na sa kabila ng kanyang paghihirap at dalita ay laging nangangamuhan at humahalik sa paa ng mga kapitalistang ganid. Ang bayan ng mga taong mahirap paniwalain sa totoo pero madaling bolahin ng mga pulitikong hunghang. Ito ba ang bayan na aking iibigin?

at ikaw naman mahal ko

Batid mo'ng iniibig kita alam mo yan pero para saan ang aking pagliyag sa’yo kung mawawala ka rin sa akin? Oo naman nasasabik ako lagi sa’yo, gusto kitang yakapin, halikan at makasiping sa buong magdamag hanggang sa bukang-liwayway. Pero hanggang kailan ako mananaginip ng gising at mananabik saiyong piling gayong alam ko na hindi ka naman talaga magiging akin sa habang panahon?

Marami ba akong tanong? Pasensya kana ganun talaga ang isang makata, nabubuhay s’ya gamit ang mga salita at tandang pananong.

Pero sige magsusulat ako ng isang tula para sa’yo at para sa bayan ko. Magsusulat ako kahit alam kong walang magbabasa nito. Magsusulat ako at aasa na parang hangal, aasa na may babasa at maniniwala sa aking mga salita. Ipapahid ko ang utak at damdamin ko sa papel na tulad sa isang nababaliw. Magsusulat ako dahil tungkulin ko ito, magsusulat ako dahil alipin ako nito, magsusulat ako dahil ito lang ang alam ko at higit sa lahat magsusulat ako dahil ito ang buhay ko.

Iaalay ko sa’yo mahal kong marupok at sa’yo bayan kong walang utang na loob ang aking tula kahit inaantok at tinatamad ako.
Elle Manabat Jan 2016
Iyak.
Iyak ng isang kobrang nakadikit sa dingding na kaya kong patahanin unti-unti sa bawat pihit.
Sa bawat patak ng luha nitong humahalik sa aking noo na dahan-dahang dumadausdos papunta sa aking mga pisngi.
Sa aking mga pisnging halos magkapasa na sa madalas **** pagpapaligo rito ng mga kurot.
Ang iyong mga kurot na siya namang nagpapahiwatig na hinding hindi ka magsasawa sa pagmumukhang ito.

Noon.
Hindi na ngayon.

Patuloy ang paggapang ng mga patak na maligamgam papunta sa aking mga labi na hindi pinalagpas ang pagkakataong ipaalala sa akin na
ang mga labi ito ay minsan nang nabigyan ng pagkakataong iwika ang kung ano mang hindi kayang maipahiwatig nang sapat ng aking mga haplos.
Ang mga labi kong minsan nang natikman ang tamis ng iyong gayuma.
Ni hindi pinatawad ang lasa ng tsisburger o ng kung ano man ang iyong kinain sa araw na iyon.

Ang mga patak na ngayo’y lumalakad na nang tahimik sa kahabaan ng aking leeg na siyang nagdurugtong ng aking ulo na kumukulong sa aking utak sa aking dibdib na naglalaman ng aking puso.
Ang puso kong bumulong nang paulit-ulit na para bang sirang plaka at nagsabing may pag-asa pa. Ang kumulit sa akin na maniwala sa tibay ng ating pagmamahalan.
Ang aking utak na nagsabing wala itong patutunguhan na tila’y totoo sapagkat ang ating mga kamay ay hindi makapagkokomunika nang mahabang panahon at may posibilidad pang hindi na muling magkatampo kahit pa ang mga ito’y kulu-kulubot na.
Ang karibal ng aking puso na aking pinakinggan.

Sayang.

Para bang ako ang paboritong manika ng kapalaran. Ang kanyang manikang paulitulit na pinaiikot sa isang tugtog na di ko kayang sabayan. Siya na tuwang-tuwa na makita akong naghihikahos sa pagbugbog ng bawat pagsubok.

Awat na.

Pihit.
Ayoko nang maalala pa ang pait na ipinapaalala ng bawat patak.

Pihit pa.
Tila'y isang patak na lamang ang ibubuga. Ang bawat halik ng tubig sa baldosadong sahig na lumilikha ng malungkot na tunog na “tik… tik… tik…”

Isang pihit nalang.
Isang pihit nalang at titigil na ang tila duet na paghugulgol ng ahas na nakadikit sa dingding na baldosa rin at ng ngayon ko lang napansin na umaapaw kong mga mata na kanina pa pala sumasabay sa agos ng tubig na dumadaloy sa aking mukha.

Tama na.
Tahan na.

/e.m/
Jose Remillan Sep 2013
Hindi ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib ngayong gabi. Tangay ng
Daluyong na pumapaindayog sa bawat
Paghagod, pagkumpas sa ritmo at ritwal

Ng pagsamba sa dambana ng laman,
Katas at dahas ng magdamag, sabay
Tayong lumalaya sa hangganan ng
Pag-ibig ng mortal nating katawan.

Hindi ang pag-ungol o ang malalim
Na pagbaon ng mga kuko sa talim
Ng bawat lihim ng silid na ito ang
Hahadlang sa atin patungo sa wagas na

Pag-ibig. Pakatandaan mo, lilipas ang
Alindog at handog na kagandahan ng
Katawang lupang kusang bumabalik,
Humahalik sa paanan ni Kamatayan,

Ngunit hindi kailanman ang wagas
Na katotohanang sa gabing ito, hindi
Ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib, kundi tayo,

Bilang mga kaluluwa.
Bacoor City, Philippines
August 2013
KRRW Aug 2017
Putik
na nabuo
mula sa luha
at alikabok.



Bulaklak
ng damo
na tumubo
sa puntod.



Isang  munting
uod.



Isang butil
ng
pulang buhangin.



Bato
sa kabundukan
na tinutunaw
ng hangin.



Pulubi
sa daan
na namamalimos
sa mga
matang piniringan.




Asin
sa basong
walang takip.



Panyo
sa upuan
na pinakupas
ng tubig-ulan.




Munting ilaw
na sumisilip
sa silid-piitan.




Isang sulat
ng pamamaalam
na nakaipit
sa pintuan.



Pahina
ng kalendaryo
na nakaligtaang
pihitin.



Kandila
sa dilim
na nakikipaglaro
sa mga
anino.


Kabibe
sa tabing-dagat
na walang
laman.




Mga tunog
na walang
huni
at nagsisilbing
musika
para sa
mga bingi.



Hibla
ng buhok
sa ibabaw
ng gitara.



Antipara
na nakapatong
sa lamesa.




Pakpak
ng tutubi
na tinupok
ng gasera.



Isang tuyong
dahon
na sumabit
sa bintana.


Langaw
na nabitag
sa sapot
ng gagamba.



Kutsara
sa tabi
ng basag
na pinggan.



Mga basang
uling
sa hulmahan.



Katahimikan.



Usok
na humahalik
sa kalawakan.
Written
27 December 2014


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Meynard Ilagan Jun 2017
Sa kabila ng ngiti ay ang pusong sugatan at umiiyak
‘Di mawala sa isip ang bangungot na halos gabi-gabing kumakatok sa pinto ng ala-ala
Paggising ay panibagong umaga na nababalot ng liwanag at dilim
Pinipilit kalimutan… Ngumingiti kahit nasasaktan.

Ayaw maalala ang sumpa ng salitang kailanma’y di na magagamot
Sa isipan ay mga bunganga ng taong nagagalit at sumisigaw
Nais malimutan ngunit patuloy pa rin ang pagbalik
Iwaksi man ng paulit-ulit ngunit para ng pilat sa katawan dulot ng malalim na taga.

Lumayo para makalimot ngunit sa tuwing pumipikit ay naandoon ang nakakatakot na anino
Anino na nakasakay sa likod habang ang mga kamay ay nakasakal sa leeg
Hindi na makahinga parang mapuputulan na ng buhay
Tumawag sa Kanya… Ipinakita ang halaga at kulay ng mundo

Oh kadenang nakatali sa mga paa, sana ito’y mawala na
Pagod na ang isip at ang puso ay umaayaw na
Umaayaw sapagkat parang wala ng pag-asa
Humahalik sa pangarap na kung minsan ay parang malabo  nang matupad.
06/07/2017
Eternal Envy Nov 2015
Nakita kita na naka-ngiti
Tumatakbo papunta sakin para yapusin ako ng mahigpit habang humahalik sa aking labi. Masaya tayong dalawa, sabay na kumakain sa umaga, sabay matulog sa gabi, sabay tumingin sa mga bituin sa langit. Pero may naririnig akong sumisigaw. Nagising ako sa katotohanan, panaginip lang pala.
Epal kasi yung kapatid ko eh naputol yung panaginip ko hahaha :)
JOJO C PINCA Dec 2017
Hindi ako kumakain ng tae o umiinom ng ihi,
Lalo namang hindi ako humahalik sa tumbong.
Lumaki ako’ng mahirap at naranasan ko’ng maapi,
Pero kahit kelan hindi sumuko ang diwa ko,
Laging nakikipaglaban ang puso’t isipan ko.
Nakabilanggo ako sa sistema na kinasusuklaman ko,
Oo bilanggo ang katawan ko ng pangangailangan para
Mabuhay pero mulat ang isipan ko. Ang hampas-lupa
Ko lang na katawan ang nakabilanggo subalit ang puso at
Isip ko kailanman hindi mapipiit.

Nakikinig ako pero hindi ibig sabihin na naniniwala ako,
Nagbabasa ako pero hindi nangangahulogan na tinatanggap ko ito.
Ang malayang isipan ang pinaka-mataas na antas ng pakikipaglaban,
Kailanman hindi ito masusupil, apoy ito ng kaluluwang hindi kailanman
Mapapatay; mananatili itong nagliliyab.

Hindi ako sumisigaw sa kalsada o nag-aarmas habang
Nakakanlong sa mga gubat pero patuloy ako’ng tumututol.
Ginagamit ko ang aking panulat sa paglaban. Rebelde ako’ng
Lagalag na hindi matatahimik. Maangas ang aking panulat at
Nagliliyab ang aking mga letra.  

Rebelde, aktibista, radikal, militante, sosyalista, komunista,
Ateista, anarkista – oo lahat ng yan ay ako. All in one ika nga,
Kung saan ang dehado dun ako pumapanig ayaw ko sa mga liyamado
Sapagkat karamihan sa kanila ay tarantado. Pro-labor, pro-masa
Pro-poor siguro nga ganyan ako. Kaya marahil pro-Bonifacio ako at
Hindi pro-Rizal. Kaya siguro idolo ko si Nelson Mandela, Gandhi,
Malcolm X, Amado V. Hernandez at iba pang radikal
kasi tulad nila meron akong Malayang Isipan.
JOJO C PINCA Nov 2017
kanina habang
hinihigop ko
ang kapeng mainit
at hinihithit
ang mapait
na sigarilyo
habang nakaupo
sa may beranda
ng aming opisina
napanood ko
kung paano
sumayaw
ang mga kawayan
sa saliw ng malamig
na hangan
humahapay ito at
humahalik sa beranda at
nangingiliti ang luntiang
mga dahon
dito humahapon
ang mga ibon
at dito rin gumagapang
ang dagang sugapa
sa basura at tira-tirang ulam
habang nag-aabang
ang itim na pusa
na saksakan ng tahimik
sa sayaw ng kawayan
sa awit ng hangin
sa huni ng mga ibon
sa labis na pagkadiri
sa dagang nuknukan ng dugyot
at sa tulong ng kape at sigarilyo
pinalilipas ko ang
nakakainis na pagkabagot.
Madelle Calayag Jan 2020
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers
Hinawan niya ang sarili
Buhat sa duguang mga kamay.
Ang amang pinipitaga’y
N-a-p-a-t-i-r-a-p-a!
Humahalik sa balkonaheng may agiw.

Siya’y nangingilak ng barya sa lansangan
May retasong kasuotan
At latang kumakalansing pagka nagkalaman.
Siya’y may mapungaw na mata,
Musmos na kaawa-awa.

Ang relikyang isinusumpong sa salamin,
Panghilamos niya sa umaga’t
Pampunas sa sugat
Na hindi mahilum-hilom sa selda.

Kinitil niya ang pagtutungyayaw
At ang laso’y sinipat sa pagkatao.
May ilaw na nakabubulag –
Yapak ay sa entablado,
Naroon ang susunod na paghuhukom.
reyftamayo Aug 2020
Pabulusok na ang ginintuang hari
sa dulong kanluran.
rumuronda na ang mga paniki,
nakadapo na ang mga ibon.
tumitili ang mga kuliglig
kasabay ng walang patid na
sagutan ng mga palaka.
ang mga butiki naman ay
humahalik na sa lupa.
malamig na hangin
ang madaramang sumisipol sa pandinig
at pumupukol ng mumunting alikabok
upang ipaalam
ang malambing nitong dampi.
maya-maya lang ay sisibol na
ang nagkikintabang kurap
ng mga mumunting kulisap
sa kalangitan
upang ito'y ilawan hanggang umaga.
cleann98 Jul 2018
masaya na akong
pinangingiti
ang labi
na ibang tao
ang humahalik.
in english, I'm content with putting a smile on the lips that aren't mine to kiss.

— The End —