Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
w  Dec 2016
26
w Dec 2016
26
Ilang oras na akong nagsusulat
Ilang tinta at papel na ang nasayang
Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko malabas ang nais iparating ng puso
Wala akong magawa kung hindi titigan ang mga nasayang papel na nasa gilid ng aking mga kamay
Ilang ulit na akong nagpalit nang kulay ng tinta ng bolpen, nagbabakasaling kung kulay pula ang gamiting pangsulat, mawawala ang lungkot na nadarama na may mahal kang iba
Baka kung kulay dilaw ang bolpeng gagamitin mawawala ang sakit na nagpapaala-ala na hindi ako ang dahilan ng mga ngiti sa iyong labi
Baka kung kulay berde ang bolpeng gagamitin maglalaho ang mga luhang hindi maubos-ubos tuwing nakikita kitang kapiling siya
Ano pa ba ang dapat gawin?
Ilang papel pa ba ang masasayang para sayo?
Ilang kulay pa ba ng bolpen ang kailangan masayang para malaman ang nais sabihin
Hindi ko alam kung ano at paano
Ano ba ang dapat gawin para mawala ka sa isipan?
Paano ba kita bibitawan kung alam kong sa pagtawid sa kulay pula ramdam kong ako lang nakakapit?
Paano ko hihigpitan ang paghawak sa daming tumatawid sa dilaw na dahilan para bitawan ka kung alam kong malayo ka na para abutin pa
Paano kita hahanapin sa huling kulay berde kung alam kong wala na, tapos na
Wala ng dahilan para magpatuloy
Dahil alam kong hindi tamang ipagpatuloy itong bugso ng damdaming na kahit saang anggulo, hindi tama, hindi nararapat
Kaya hayaan mo kong sayangin ang mga papel, bahala na kung magalit ang kalikasan
Hayaan mo akong maubos ang lahat ng kulay ng ballpen dahil dito ko nalamang masasabi ang mga salitang dapat iparinig sayo
Wala na akong magagawa kung hindi hayaan ang panahon
Hayaan ang sariling humilom
Hindi ko alam kung gaano katagal
Pero hayaan mo, makakapagsulat ulit din ako gamit ang isang papel at kulay itim na bolpen balang araw para sa tunay na nakalaan nito
Pero sa ngayon hayaan mo lang muna akong titigan ka sa malayo habang nakatuon ang iyong mata sakanya
Hayaan mo lang muna akong iyakan ka habang hindi mo mapigilan ang ngiti sa iyong labi kasama siya
Hayaan mo lang akong masanay sa sakit, baka sakaling magsawa ako at hayaan ang sariling sumaya ulit...kapiling ang iba
Heto na naman ako
Nag iisa sa silid
Na binubuo ng apat na pader

Naisipan kong umakyat
Masdan ang alapaap na binubuo ng tala
Kasama ang dalawa kong matalik na kaibigan;
Isang bote ng alak,
At isang bote ng gamot na walang mabuting maidudulot

Ang kamay ko ay napuno ng marka
Hindi itim
O asul
Pero pula

Sunod sunod na linya at paulit ulit
Ang mga marka ay nagsimulang dumugo

Napatingin ako sa ibaba
Ang mga halaman at lupa ay naghihintay sa aking pagbagsak
Sa buong buhay ko
Ngayon lang nagmukang malambot ang aspalto
Tumibok ang puso ko
Hindi dahil sa may hinihinga pa
Ngunit bunsod sa kaba.

Tumayo ako't humakbang
Narating ko ang entablado;
Hindi ko lubos maisip
Na ito na ang pangalawang beses
Na tutuntong ako't haharap sa madla.

Isang pribilehiyo
Salamat sa grasya ng Panginoon.

Panimula ko'y winaksi na sa isipan
Bagkus ang bibig ay kusang niluluwalhati Siya
Maging ang pangwakas ay nakatuon lamang sa Kanya.

Ang buhay ko'y minsang naging sakal
Akala ko noon, kaya kong walang sinasandalan
Ngunit ako'y minsang naupo sa silya-elektrika
At tinawag na nasasakdal.

Isarado natin sa siyam na taon
Ako'y nasa rehas pa ng kadiliman
Na tanging sariling latay ang nasasaksihan
Kilala ko Siya na may lalang sa akin
Ang tingin nga lang ay ambulansya Siya:
Na 'pag kailanga'y, panay hikbi't nanlilimos ng grasya
Ngunit 'pag ayos ang lahat,
Iniiwan ang sarili't umiindayog sa dilim.

Sa siyam na taon
Ako'y binahiran ng itim na blusa
Akala ko'y hindi ko na matatakasan ang rehas;
Ang sekswal na kasalanang bumalot sa pagkatao
At naging mitsa nang paghinto ng nararapat na pagpapala.

Ngunit ang lahat pala'y kayang limutin ng Ama
At ang maling relasyo'y kinitil sa tamang panahon
Na ang pag-ibig ay magkaroon ng katuturan
At doon nalaman na 'pag para sa kapwa'y
Sunod lamang sa mas rurok
Ng saktong timpla ng pagmamahal.

Umaagos ang luha ko nang walang nakakakita
Ang puso'y hinihele ng Kanyang mga anghel
At ang Kanyang sakripisyo'y tagos sa kamoogan.

Hindi ko lubos na maintindihan noon ang pag-ibig Niya
Na kayang akayin ang buo kong pagkatao
At buburahin ang kamalian ng nakaraan
At maging ng ngayon at ng bukas.

Hindi ko alam kung saan paparoon
Kaya't pilit kong sinuot ang maling maskara noon
Ang puso'y mali rin ang naging direksyon
Maling galaw at mali ang naging layon.

Ibinaling ko ang lahat sa sariling persona
Nag-aral nang mabuti't hindi nalulong sa anumang droga
Maraming organisasyon ang kinabilangan
Sa pag-aakalang matatakpan ang bawat butas
At masisilayan lamang ang magandang antas ng sarili.

Sa madaling salita, binuo ko ang sarili kong pagkatao
At nalimot at nakaligtaan na may nag-iisa lamang na Manghuhulma
Ngunit salamat at naarok ko ang tamang landas
Na ang minsang batong sinantabi't itinapon
Ang siyang tutuwid sa baku-bako kong daan.

Hindi pala ako magiging masaya
Kung ang sentro ko'y ang aking sarili
At nang ako'y palayain Niya,
Masasabi kong ganap na ang aking pagkatao
Na nakilala ko ang sarili --
Kung sino ako't kung para kanino.

Wala na akong mahihiling pa
Mahirap man sa sansinukob na ito'y
Patuloy pa ring maghihitay sa Kanyang pagbabalik.

Hindi ko kinalilimutan ang mundo
Ang labindalawang disipolo na Kanyang regalo sa akin
Ang kanilang mga buhay na tangan ko hanggang sa huli
At hindi sapat na sumuko lamang
Hindi ko kaya, ngunit kaya Niya.

Ang pag-ibig ko sa pamilya ko'y hindi maaawat
May mga tanong sa isipan ngunit hindi ko ito ginising
Hindi ko abot ang Kanyang kaalaman
Kaya't inilapag at inihain na lamang sa Kanyang paanan.

Muli, hindi ko kayang mag-isa --
Mag-isang nag-aarok ng pansamantalang tagumpay
Ngunit ang paniniwalang may pag-asa pa
Ay patuloy ang pag-usbong gaya ng mga malalagong dahon;
Ang bawat kaluskos ay maririnig ng Ama
At ang pugad na kinatitirikan ko ngayo'y
Haplos ng Kanyang banal na mga kamay.

(6/28/14 @xirlleelang)
Sinasalipadpad* ang mga *kalat sa pulitika
Umaalingasaw ang baho ng iilang kandidato
Sa modernong botohan
Tila may iilang selyo,
May mga balotang sanay
Sa may agnas na kandado.

Binaha ang pila ng nanghihingi ng boto
Istratehiya ng isa'y musika sa mga bingi
At may mga bulag na nabibili ang dangal
Iisa lang sana ang daan
Pero may nagwawagayway ng limang daan.

Sa Pula at sa Dilaw
Andaming banderitas.

Alam nyo, kapwa ko
Magising tayo
Mamulat na tayo
Tama na ang bawian-buhay.

Itong Hari ng mga Pula
May tandem na Itim
Dugo't budhi ma'y kayrumi
Hindi kasi pinapansin
Ang Itim ang Hari ng Droga
Panay ang kalat sa Puerto Princesa
Ang Pula ang taga-walis
Tila anghel sa bawat sigaw ng masa
Naglipana kasi ang salapi
Mula sa bulsa niyang binulsa lang din
Nagkabaun-baon sa utang
Itong siyudad na wala noong bahid.

Binayaran pati ang dangal
Hindi lamang ng mga naturingang mangmang
Eh kasi pati yung may rango
Nagpatiwakal na rin
Nanlimos ng barya ng bayan.

Buhay mga kinitil
Kung ang salita ay bibitiwan,
Barilin nyo kami nang talikuran
Habang may hinagpis
Kaming Inang Bayan.

Magwagi ka man Pula
Hindi papayag ang Hari ng Sanlibutan
Patas siyang lalaban sa Bayan
Pagkat siyudad niya ito,
Kaya nga "City of the Living God."

Marami mang pakulo ang partidong Pula
Sana'y Ama, dinggin mo ang mga Anak
Kami'y maralita
Palimos ng pag-asa
Lalaban para sa hustisya.

Mga kamay Mo ang yumapos sa bayan
At basbas Mo'y sa Dilaw
Pagkat ang puso ang Iyong tinitingnan
Hindi ang pagkilos nang walang pagtingala Sayo.

Ikaw ang Maghari Ama
Arya  Nov 2016
Pula at Itim
Arya Nov 2016
Gumawa ako ng tula dahil gusto ko
Kagaya ng pagkagusto ko sayo
Noong inakala kong kaibigan lang
Ngunit ang damdamin ko'y nalinlang
Na hindi ko man lang namalayan
Ako'y nabighani sa ipinakita **** kaugalian
Na kahit hindi man lang kagandahan
Ay wala parin akong pakialam
Dahil sadyang ako'y nagmamahal lamang.
Kaya salamat dahil nakilala kita
Sa mga araw na ako'y naging masaya
Dahil sa mga kabaliwan **** dinala
Subalit akin ng tataposin ang salaysay dito sa aking damdamin
Na gaya ng mga sigarilyong mauubos din
Sapagkat nalaman kong ika'y pula, at ako'y itim
Pero hindi lang yan ang mga rason
Kung bakit ititigil ko na ang aking ilusyon.
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Ako’y modernong karpintero
Sa henerasyong baon sa utang,
Hindi pa man isilang,
Ang kamalaya’y limot at simot na.

Puros kalyo ang latay
Sa pares na kamay
Na ang sigaw ay pagbabago
Diktahan man kahit demokrasya pa,
Lahat tila may mantsa’t tatak pulitika.

May direksyon ang pagdisenyo
Pahalang sa kapwa-tao,
Samantalang ang kabila’y
Ang labi’y eksperto sa pagsayad sa lupa
Patungo sa ulap at bituin
Kung saan naroon raw ang Maykapal.

Narito ako sa kanilang tagpuan
Tatawid sa kalyeng hindi masilayan
Bingi sa sanlibutan
Minsang pinaligua’t sinabunan ng kadiliman.

Narito ako,
Sa sentro’y may hanap-hanap
Kilabot ng pagtahi sa sugat ay titiisin.
Pagkat ang latay, hindi man nasaksihan
Ramdam maging sa tadyang
Na akin daw ay pinagmulan.

Kung mararapatin lamang
Ng lupang minsa’y naging gintong bayan
Na pang-habambuhay siya’y lisanin
At sa pagbukang-liwayway, tatakbo sa Liwanag.

Walang karapatan ang takipsilim na uminda
Pagkat ang Haring Araw
Sisikat at yuyupakan ang kanyang dangal,
Siyang isang pobre’t salat sa Katotohanan.

Niyapos ko ang buhok
At pinahid sa mansanas, sa mangga’t
Maging sa dagat na sagisag ng kalayaan.

Ako’y tumakas
Tangan ang sandata ng buhay;
Pakuwari ko’y walang himagsikan
Ang siyang muling sisiklab
Pagkat ang laban ay tapos na noon pa man.

Puting papel at plumang walang tinta
Ang iniwan sa akin ng Ama
Hindi ko mawari sa paanong paraan ba
Maililimbag ang isusulat nitong pluma.

Ngunit ang tukso
Na madungisan ang pahinang puti
Ang puro’t walang bahid ng itim at kulay bahaghari,
Alam ko, balang araw
Mapupunan ito, hindi ng salita
Bagkus ng larawang sa sansinukob
Ay hahagkan ang bawat nilalang
Itatas muli ang bandila -
Silang puro ang tiwala sa Pintor ng Pagbabago.

(5/23/14 @xirlleelang)
JOJO C PINCA Nov 2017
"bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? sapagkat ang paglisan sa sariling ina upang sumuso sa bukal na buhay ng ibang dibdib ay isang pailalim na pamimirata. at sa daigdig, ang mga limahong ay matatagpuan sa lahat ng lahi at sa lahat ng kulay. kapag pinag-usapan si Limahong, bawat kinapal na nakatapak sa lupang hindi niya kakulay ay dapat paghinalaan"  - Edgardo M. Reyes, SA MGA KUKO NG LIWANAG



bakit ang piratang tsino na si Limahong at hindi ang rebolusyunaryong si Komrad Mao ang napadpad dito sa ating dalampasigan? bakit ang mga piratang tulad ni Limahong ang dumami at lumaganap sa bansang Pilipinas?
oo, laganap ang mga pirata sa ating bayan, pinirata nila ang ating kabuhayan. matagal na nilang hawak ang ating ekonomiya. kahit saan mo ibaling ang iyong paningin ang mukha ng mga kapitalistang tsino ang lagi **** makikita. lahat sila kamukha ni Limahong. sila ang mga bagong pirata.

kung si Komrad Mao sana ang dito ay sumalta, malamang mga Sosyalista tayo ngayon. hindi sana tayo inaalipin ng mga ganid na Kapitalista. siguro sinlakas na rin tayo ngayon ng tsina. malamang walang tiwaling pulitiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan. walang mga gunggong na pinagsasamantalahan ang taong bayan. walang mayaman na mang-aapi sa masang naghihirap. walang kolonyal na kaisipan na iiral, hindi sana tayo lumuluhod sa mga dayuhan. walang magtatatwa ng sariling wika at manghahamak ng sariling kultura. wala sanang maka-dayuhan na paghanga. wala sanang taksil sa sariling lipi. sapagkat lahat ng mga duming ito ay lilinisin at gagawing dalisay ng Cultural Revolution.

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit si Henry Sy, Lucio Tan, John Gokongwei, Andrew Tan ang mga panginoon at naghahari sa bansang ito? bakit tayo inaalipin ng mga dayuhang ito? putang ina, inaalipin at inaapi tayo dito sa loob ng sarili nating bayan. bakit sila ang nagpapatakbo sa buhay at bansa natin?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit ang diwang pirata at hindi ang binhi ng kalayaan ang lumaganap dito sa atin? bakit kapitalismo at hindi sosyalismo ang namayani? bakit tayo mga alipin at hindi malaya?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? nakakalungkot isipin na natulad tayo sa South Africa kung saan inalipin ng mga puting dayuhan ang mga katutubong itim. ang Pilipinas ba ang katumbas ng Gaza Strip dito sa South East Asia?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit tayo pumapayag na ginaganito tayo? wala silang karapatan na babuyin tayo at hindi sila ang dapat na nakikinabang sa yaman natin.
Jeremiah Ramos Feb 2016
Tayo ay magkasalungat
Magkaiba, hindi tugma
At kahit baliktarin mo ang mundo
Tayo ay dalawang taong
Hindi maipagsasama,
Hindi maipapares, hindi din maitutugma
Pero mahal pa rin kita

Ikaw,
Ikaw, na nagmamahal ng iba
Ikaw, na mayroon mga mata
Na para bang sila ang dahilan kung bakit may mga tala
Ikaw, na mayroong bibig
Para ngumiti o sumimangot
Sa tamis at pait ng buhay
Ikaw, na mayroong kamay
Para mahawakan ang kamay ng taong mahal mo
Ikaw, na mayroong puso,
Na naghahanap ng kasabay sa pagtibok nito

Ako,
Ako, na nagmamahal sa'yo
Ako, na mayroon ding mga mata
Na nakakakita sa'yo kahit ang kwarto ay punong-puno ng libu-libong tao
Ako, na mayroon ding bibig
Para ngumiti, tumawa, humalakhak
Kahit wala ka sa tabi ko
Ako, na mayroon ding mga kamay
Na dapat hawak ang iyo
Ako, na mayroon ding puso
Na hindi pala tutugma ng tibok ng iyo
Kasi pabilis ito ng pabilis habang ikaw ay papalapit ng papalapit
Pero pakinggan mo sana sa ingay ng 'di tugmang tibok ng puso natin
May nagsasabing
Mahal kita, gusto kita, ako na lang, sana tayo
Pero nandiyan pala siya.

Siya, na minamahal mo
Siya, na parang buwan kasama ang mga tala
Siya, na laging hawak ang kamay mo
Siya, ang dahilan kung bakit hindi ko kayang sabihin lahat ng 'to sa harap mo.

Tayo,
Tayo ay parang tubig at langis,
Liwanag at dilim, langit at lupa
Mapait at matamis, madumi at malinis
Maingay at tahimik, itim at puti
Tayo ang perpektong kahulugan ng salitang 'salungat'

Sana,
Sana magising ako sa katotohanan na mali ang konsepto ng pag-ibig na nalaman ko
Na ang pag-ibig pala hindi lagi inaantay,
At hindi din lagi naghahanap ng kapalit
Sana nagkakilala tayong may lihim na nararamdaman sa isa't-isa
Sana kayanin **** magmahal ng higit pa sa kaibigan
Sana hindi na lang kayo nagkakilala
Sana ikaw ang pangalan na nawawalan ng saysay pag paulit ulit ko itong sinasabi
Sana hindi na lang ako lagi kumakapit sa sana.

Pangako,
Pinangako ko sa sarili ko
Na pagkatapos ng tulang 'to
Titigil na akong isipin ka
Titigil na akong alalahanin ang ngiti mo, ang paggalaw ng iyong bibig tuwing sasabihin mo ang pangalan ko
Titigilan na kita sulatan ng tula
Titigil na akong mahalin ka
At ang huling sana na aasahan kong matupad
Na sana tandaan mo,
Minahal kita, Ginusto kita,
Kahit siya na lang
At sana masaya ka.
Para kay A.
Taltoy  Jan 2018
Itim
Taltoy Jan 2018
Isang araw na napakaganda,
Malamig na klima pagmulat ng mga mata,
Pagpatak ng ulan na tila musika,
Mistulang himig na kay tamis sa tenga.

Ano pa ba ang kukumpleto?
Sa umagang matatawag kong "perpekto",
Ano pa ba ang pupuna?
Kung wala namang pagkukulang na nakita.

Isang dilag na may kasuotang itim,
Ang nasagi sa aking paningin,
Kagandahang hindi ko mawari,
Ang sa utak ko nanatili.

Hindi maalis sa aking isipan,
Ang katauhan sa likod ng kasuotan,
Kulay na itim at iyong kagandahan,
Timplang sakto, tapos ang usapan.

Ako'y nagulantang nang nakasalubong ka,
Nabigla sa aking nakita,
Nakalimutan paano magsalita,
Pag-iisip ay di na maitama,

Ang talang matagal ko nang tinitingala,
Ngayon ay kumikinang, di ko na makita,
Talang nais kong maabot,
Pina-igting na damdamin ang naging dulot.
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Sona-sonahan, madilim na naman.
Pagbilang kong tatlo, nakatago na kayo
Mapagod man kayo, tuloy pa rin ang laban ko
Isa.. dalawa.. tatlo.. Game?"*

Pag si Juan ang nagsalita,
Nag-aalitan ang madla.
Pag tikom ang bibig,
Siya'y bulag raw sa maralita.

Pag nilatag ang naplantsa,
Lalatiguhin ng administrasyon.
Pag walang plataporma,
Ihahagis sa bangin ng suhestisyon.

Kalaban pala nati'y ang sariling atin,
Demokrasya nga'y may sapin pa rin sa bibig
Mga bolang itim, saang lupalop ang padpad
Mapait ang kapayapaan,
Dakila ma'y kanilang binabagsak din.

Walang nakatitiis sa bayang nagpapapansin
Masakit nga naman sa bulsa ang tunay na bayanihan
Dugo'y dumanak makamtan lamang ang demokrasya
Sobra-sobra nga lang ang danak ng iilang raleyista.

Sadsad sa suliranin ang Inang tinakwil
Mga anak sa lama'y namasyal pa sa ibang bayan
Hindi na matapus-tapos ito'y pagdadamayan,
Damay sa kurapsyon, damay sa pagtitwakal ng mga Inakay.
Yuyuko na lang ang nasa langit
Pagkat nagapi ang mga tunay na Anak --
Ang lipunang ginahasa ng iilang ganid,
Paulit-ulit na, ang hapdi ng kamusmusan.

May iilang nagtatanong,
May iilang walang pagtataka,
Musmos sa bayan, wala namang pag-usbong
Kaya't iba na lang ang nakikinabang
Puspos sa distansya
Ng kamalian ng nakaraan.

Hugas-kamay ang iilan,
Simpleng hindi batian,
Wika nga ba ng pagkakalimutan?
Parang away-kalye, away-bata
Aso't pusa, sa lipunang
ang hepe'y sila-sila lang din.

Batu-bato pik, naglalaro ang iilan
Bukas tataya na naman sa lotto
At pag natalo'y iiyak na lang,
Bibigyan ng tsokolate,
Pangako para sa matamis na pag-iibigan
Ngunit balat lang pala,
Mapagbalatkayong himagsikan
Tapos, hahanap ng Darna
Pagkalunok ng bato ng kamanhidan.
Engineer Mikay Jan 2016
Higit isang taon na rin ang nakalipas
Nang lisanin ang bansang Pilipinas
Upang subukan ang buhay
Sa lugar na kung tawagin ay Dubai

Naalala ang galak ng pagpunta dito  
Nang sa kalaunay puro na reklamo
Paano naman kasi ang mga Arabo
Minsan lang maligo sa isang linggo

Dagdag pa ng klima na sobrang init
Pawis mo'y abot hanggang singit  
At kung taglamig naman ay pumasok
Gusto mo na lng mamaluktot sa isang sulok  

Pagkain na amoy pa lang aayaw ka na  
Kahit gutom mawawalan ka rin ng gana
Babae nila'y nakasuot ng itim na bestida
Pati lalake rin ay nagsusuot ng palda  

Pero kahit ganun ang katulad nila
Gusto ko ang kanilang pananampalataya
Sa diyos na tinatawag nilang Allah
May oras talaga pag nagdarasal sila  

Akala ng marami buhay dito ay maganda
Di lng nila alam kami'y nangungulila
Sa pagmamahal na ipinabaon  
Ng mahal na makikita lng pagkatapos ng ilang taon

Tila ang bilis ng mga pangyayari
May mabuting resulta kaya sa bandang huli
Lahat ng sakit, pagod at pighati  
Mapagsilbihan lang ang mga ibang lahi

Kung lahat ng ito'y isang panaginip
Ayoko na talagang maidlip
Hay... buhay Dubai nga naman
Sana nga may patutunguhan...

— The End —