Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Aug 2018
Para sa Pusong Iniwan
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Umuulan na naman pala
Basa na naman ang kalsada
Malamig na naman ang dampi ng hanging nagmumula sa bukas na bintana
Gabi na rin pala, nalipasan na nang gutom,
Nakapatay ang ilaw sa kwarto, pero maya’t mayang binibisita ng liwanag ng kidlat
ang malungkot na gabi
Ang hirap pala ngumiti kung may luhang dumadampi sa mga pisngi
Nakakatawa kasi eh. Buti pa ang kidlat bumibisita
Buti pa ang kidlat, may hatid na liwanag, tapos yayakapin ka ng kakaibang lamig ng haplos ng hanging dala nito
Mabuti pa ang ulan, bumubuhos na parang malayang-malaya
Bumubuhos kasama ng mga luha
Bumubuhos kasama ng mga sakit na iniwan
Bumubuhos kasabay ng pagluha ng pusong iniwan.

Umaga na naman pala
Buti nalang nagising ng maaga
Haharap sa mesa, at kagaya ng nakasanayan, magtitimpla ng mainit na kape
Tatangkaing gisingin ang diwa, susubukang palitan ng init ang hatid na lamig ng gabi
Iba talaga ‘pag hinahatid ka ng sariling paghikbi sa kapayapaan ng mundo ng mga panaginip
Doon kung saan walang sakit, yung bang walang imposible
Heto na naman, panibagong araw
Araw-araw kong nasisilayan ang sigla ng sikat ng araw pero bakit dama pa rin yung dilim kinagabihan
Hindi pa rin matanaw ang liwanag
Tinangay mo kasi
Sinama mo sa pag-alis
Bakit naman kasi ang bilis? Hindi man lang ako nakapagpaalam

Tanghali na pala
Oras na ng kain.
At tulad ng dati, inaaya pa rin nila ko kumain
At tulad ng dati, tumatanggi pa rin
Kasi alam ko pupuntahan mo ko tapos sabay tayong kakain
Dun sa dati, sa paborito natin
Tanghalian na pala
Pero imbis na sa pagkain ay sa telepono ako nakatingin
Hindi man aminin pero sa loob loob ko’y naghihintay pa rin
Para sa iyong “kumain ka na ba?” o “Puntahan kita, kain tayo”
Hingang malalim, yung may kasamang matinding damdamin

Ilang tanghalian pa at malilimutan rin kita

Malilimutan ko rin yung ningning sa’yong mga mata kapag kausap kita
Yung mga biro **** corny pero tatawanan ko pa rin kasi habang binabanggit mo yun, natutuwa  ako
Natutuwa ako na kasama kita
Natutuwa ako na kausap kita
Natutuwa ako kasi akin ka
Natutuwa ako kasi ang cute mo, para kang batang masayahin
Natutuwa ako kasi magkasama tayo
Natutuwa ako kasi solo natin ang bawat sandali
Natutuwa ako kasi ikaw yan at mahal kita

Yun. Tumpak! Mahal pa rin kita.


Matagal na rin pala.
At hindi na tulad ng dati
Memoryado ko na lahat ng pasikot-sikot ng pagkatao mo
Ginawa kasi kitang mundo ko
Mahirap.
Masakit.
At para lang malaman mo, hindi kita kinabisado na tila mga salita sa paborito nating kanta para lang limutin
Mahirap.
Masakit.
Hindi naman kasi kita ginawang mundo para lang lisanin
Pero hindi naman talaga kita nilisan, mahal.
Ikaw yung nang-iwan
Ikaw yung sumuko
Ikaw yung bumitaw
At matagal na rin pala
Nung sinabi mo sakin na “Malaya ka na” alalang-ala ko pa. Yun yung panahon kung kalian ayaw kong lumaya. Ayaw kong lumaya sa pag-ibig mo. Gusto ko masintensyahan ng habang-buhay na pagkakulong dyan sa puso mo, sa buhay mo.

Pinilit ko kumapit pero kinalagan mo ako, pangako, pinilit ko pero pinalaya mo ako

Matagal na rin pala
Mahirap pa rin.
Masakit pa rin.
Ako nalang ang hinihintay. Siguro’y panahon na.
Para sarili ko naman yung palayain ko
Hindi naman siguro kailangang pilitin
Hindi naman kasi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging parte na rin ng pagkatao ko
Pero para sa ikalalaya ng pusong iniwan
Para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan
Sisimulan ko na…..                makalimot.

Pero teka…


Umuulan na naman pala.
Wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala


Maaalala na naman kita.
I just have every pain and smiles enough to write this piece, not necessarily the experiences. Perhaps, with all my heart
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
poetnamasakit  Oct 2015
ALAK
poetnamasakit Oct 2015
Simula sa unang pagupo ng puwet ko sa tagayan
Nakita ko sa mga mata mo ang saya ng isang misteryosong lalaki
Mga mata **** nakatitig sakin
Habang sinasabi mo sakin na “baka may magalit na iba?”
Ang sabi ko’y “wala”
Tinuloy mo ang usapan sa salitang “okay ka lang ba?”
Ang sabi ko’y “oo, basta kasama kita.”

Natataranta ako tuwing ika’y mananahimik pagkatapos **** magsalita
Nangangamba ako na baka may nasabi akong kakaiba na hindi ko natantsa
Nagpaliwanag kang “hindi ganto lang talaga ko”
Naisip ko na baka kasi lasing ka na
Ang sabi mo nama’y “hindi, kaya ko pa.”

Ako din.. Kaya ko pa.
Kaya ko pa….
Alam mo ang hindi ko kaya?
Yang mga mata **** nakatitig sa mga mata ko
Na parang ayaw mo kong mawala sa tabi mo
Yung mga kamay mo na naglalaro sa balikat ko
Yung mga haplos mo na tila sinasabing “ikaw ang gusto ko”

Hanggang sa ikinagulat ko na nagmula mismo sa bibig  mo
“Gusto kita.”
Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko
Napatingin nalang ako sa malayo habang sinasabi sa isip kong
“Tangina! Tangina! Tangina!”
Napamura nalang ako kasi ngayon ko nalang ulit naramdaman 'to
Natutuwa ako pero natatakot ako na baka kasi ngayon lang 'to
Na baka lasing ka lang kaya yan ang nasasabi mo
Natatakot akong masaktan muli kaya kasunod non ay pagpigil nalang sa hininga ko at sinabi ko sayong “okay ka lang ba?”
Ang sabi mo’y “oo, kaya ko pa.”

Ayoko nang ituloy ang kuwento ko tungkol sayo
Wala din nga akong balak sanang sabihin to sa mga kaibigan ko
Kaya nga eto, sinusulat ko nalang ang mga pangyayari gamit ang mga piling letra para lang sayo
Sa dulo ng kuwentong ito, ipapahayag ko na iniwan mo nalang ako
Hindi sa paraang ikakasama mo..
Kundi sa paraang ikinalulungkot ko kasi hindi na nasundan ang pagkikita nating dal'wa
Ayoko  ng umasa..
Pagod na kong umasa..
Napagod nalang akong umasa..

Nasaktan na ko noon kaya inaalalayan ko lang ang sarili ko
Ayokong magpadalos dalos kasi alam kong nasasaktan padin ang nobya mo noon sa paghihiwalay niyo
At ako eto ngayon.. Sa sarili kong bersyon, ako yung nobya, na tila parehas ang nararamdaman namin ng nobya mo
Parehas kaming nanghihingi ng atensyon sa mga mahal namin

Ayokong agawin ka sakanya, kasi sabi mo nga sakin mahal ka pa niya
Hindi kita kukunin sakanya
Dahil alam ko ang pakiramdam ng kinukuha nalang basta-basta

Para matapos lang tong salaysay ko
Magiiwan ako ng mga salita na para sayo
Mga salitang sana maintindihan mo at wag **** tignan bilang mababaw
Gusto ko lang malaman mo 'to
Dahil pagod na kong itago lahat ng to dito sa puso ko

“Siguro masyadong mabilis ang mga pangyayari
Dumating ka nalang bigla na tila binagyo mo ang isip ko
Mga salitang binitawan mo na hindi maalis sa isipan ko
Para kong tanga na mabilis masawi
Nakakahiya..
Pero totoo to
“Gusto rin kita”
Hindi dahil sa alak o lakas lang ng loob
Hindi dahil malungkot ka at gusto kitang pasayahin

Yung mga titig mo
Yung mga titig mo

Yung mga mata **** nakatitig sa mata ko
Yung mga haplos **** namimiss ko
Yung mga salitang lumabas sa bibig mo

Yung ikaw

Yung ako

Pero…
Yung akala kong may “tayo”

Bigla ka nalang naglaho..
Bakit?
Anong problema?

Kulang pa ba yung alak na laman ng tiyan mo para sabihin mo saking…… “ikaw talaga ang gusto ko.””
w  Nov 2016
21
w Nov 2016
21
Duwag ka pero salamat
Salamat dahil hindi mo ako hinayaang mahulog sa isang panandaliang saya
Hindi mo ko hinayaang mahulog sa isang panaginip lang
Sa mga matatamis na salita na hanggang salita lamang
Sa mga makahulugang tingin na hanggang tingin lang
Sa mga masasayang kwentuhan na hanggang ala-ala na lang
Mga salita, tingin at kwentuhan na hindi kayang ipadama ng mga yakap at haplos
Dahil duwag ka
Dahil andyan ka at andito ako
Pinagdugtong lang ng isang pisong tumatawid sa libo-libong distansyang mahirap sundan
Dahil hindi natin kayang tawirin dahil duwag ka...at duwag ako
Oo, duwag din ako
Duwag ako katulad mo
Nakakahilo ang pagitan nating di natin kayang bitawan ng pangakong baka balang-araw ay magdikit din ang daliri at mabatid kung may kuryente bang dadantay sa umaasam na puso...dahil duwag ka at duwag ako
Duwag tayong dalawang pumaroon sa espayong walang kasiguraduhan
Pero napakatapang nating hinarap ang katotohanang nakakabit sa dalawa nating mga paa
Na andyan ka at nandito ako
Malayong-malayo
Itong paang nagpipigil sa ating lumutang sa ligayang hatid ng mapangahas na damdamin;
Hatid ng masarap na pantasyang hawak ko ang mga pisngi mo o na malaya kong natititigan ang mga mata mo
Lagi tayong nakamulat at hindi kayang pumikit ng matagalan
Dahil duwag ka at duwag ako
At ito ay isang pekeng pangarap
Cal Ashiq  Feb 2017
Pag-ibig
Cal Ashiq Feb 2017
Pag-ibig na parang pagsikat ng araw
Damdaming tila umaapaw
Ito'y simoy ng hangin sa bukang liwayway
Pag-ibig na sadyang walang kapantay

Ito'y haplos sa dalampasigan ng mga alon
Kasing ganda ng paghuni ng ibon
Sadyang nakakabighani na parang bahaghari
Ito'y walang sinumang pinipili

Ito'y sinang ng tala sa gabing madilim
Liwanag ng buwan sa kalangitang kulimlim
Pagmamahal na sadyang kay tamis
Damdaming hindi mo matitiis

Ito'y rosas na bumubukadkad
Wari mo'y ibon na lumilipad
Sadyang kay ganda magmahal
Pag-ibig na kailanmay magtatagal
Tumibok ang puso ko
Hindi dahil sa may hinihinga pa
Ngunit bunsod sa kaba.

Tumayo ako't humakbang
Narating ko ang entablado;
Hindi ko lubos maisip
Na ito na ang pangalawang beses
Na tutuntong ako't haharap sa madla.

Isang pribilehiyo
Salamat sa grasya ng Panginoon.

Panimula ko'y winaksi na sa isipan
Bagkus ang bibig ay kusang niluluwalhati Siya
Maging ang pangwakas ay nakatuon lamang sa Kanya.

Ang buhay ko'y minsang naging sakal
Akala ko noon, kaya kong walang sinasandalan
Ngunit ako'y minsang naupo sa silya-elektrika
At tinawag na nasasakdal.

Isarado natin sa siyam na taon
Ako'y nasa rehas pa ng kadiliman
Na tanging sariling latay ang nasasaksihan
Kilala ko Siya na may lalang sa akin
Ang tingin nga lang ay ambulansya Siya:
Na 'pag kailanga'y, panay hikbi't nanlilimos ng grasya
Ngunit 'pag ayos ang lahat,
Iniiwan ang sarili't umiindayog sa dilim.

Sa siyam na taon
Ako'y binahiran ng itim na blusa
Akala ko'y hindi ko na matatakasan ang rehas;
Ang sekswal na kasalanang bumalot sa pagkatao
At naging mitsa nang paghinto ng nararapat na pagpapala.

Ngunit ang lahat pala'y kayang limutin ng Ama
At ang maling relasyo'y kinitil sa tamang panahon
Na ang pag-ibig ay magkaroon ng katuturan
At doon nalaman na 'pag para sa kapwa'y
Sunod lamang sa mas rurok
Ng saktong timpla ng pagmamahal.

Umaagos ang luha ko nang walang nakakakita
Ang puso'y hinihele ng Kanyang mga anghel
At ang Kanyang sakripisyo'y tagos sa kamoogan.

Hindi ko lubos na maintindihan noon ang pag-ibig Niya
Na kayang akayin ang buo kong pagkatao
At buburahin ang kamalian ng nakaraan
At maging ng ngayon at ng bukas.

Hindi ko alam kung saan paparoon
Kaya't pilit kong sinuot ang maling maskara noon
Ang puso'y mali rin ang naging direksyon
Maling galaw at mali ang naging layon.

Ibinaling ko ang lahat sa sariling persona
Nag-aral nang mabuti't hindi nalulong sa anumang droga
Maraming organisasyon ang kinabilangan
Sa pag-aakalang matatakpan ang bawat butas
At masisilayan lamang ang magandang antas ng sarili.

Sa madaling salita, binuo ko ang sarili kong pagkatao
At nalimot at nakaligtaan na may nag-iisa lamang na Manghuhulma
Ngunit salamat at naarok ko ang tamang landas
Na ang minsang batong sinantabi't itinapon
Ang siyang tutuwid sa baku-bako kong daan.

Hindi pala ako magiging masaya
Kung ang sentro ko'y ang aking sarili
At nang ako'y palayain Niya,
Masasabi kong ganap na ang aking pagkatao
Na nakilala ko ang sarili --
Kung sino ako't kung para kanino.

Wala na akong mahihiling pa
Mahirap man sa sansinukob na ito'y
Patuloy pa ring maghihitay sa Kanyang pagbabalik.

Hindi ko kinalilimutan ang mundo
Ang labindalawang disipolo na Kanyang regalo sa akin
Ang kanilang mga buhay na tangan ko hanggang sa huli
At hindi sapat na sumuko lamang
Hindi ko kaya, ngunit kaya Niya.

Ang pag-ibig ko sa pamilya ko'y hindi maaawat
May mga tanong sa isipan ngunit hindi ko ito ginising
Hindi ko abot ang Kanyang kaalaman
Kaya't inilapag at inihain na lamang sa Kanyang paanan.

Muli, hindi ko kayang mag-isa --
Mag-isang nag-aarok ng pansamantalang tagumpay
Ngunit ang paniniwalang may pag-asa pa
Ay patuloy ang pag-usbong gaya ng mga malalagong dahon;
Ang bawat kaluskos ay maririnig ng Ama
At ang pugad na kinatitirikan ko ngayo'y
Haplos ng Kanyang banal na mga kamay.

(6/28/14 @xirlleelang)
ZT Oct 2015
Bakit ba
Ganito sa pinas
Kung saan masyado tayong tutok sa tamang landas

Landas na di naman natatahak
Pagkat lahat ng pangako ng mga naging pangulo ay puro palpak

Ano nga ba ang tamang landas
Palagi na lamang itong bukambibig ng mga taong malalaki ang bibig ngunit maliliit at malalamig naman ang mga puso.

Wagas kung makapagsabi ng tamang landas
Kailan ba magwawakas ang pagpapatag sa tamang landas
Tila masyado nang nabigyang importansya ang paghahanda sa tamang landas
Na naaaksya na ang pera ng ating mga probinsya


Ang mga pangakong napako
Ang mga pulitkong napako na sa pagtahak sa landas na ito
Na tila nakakalimutan na nilang isama ang sambayanan sa pagtahak nito
Ang mga mamamayang pilipino na naubusan na ng lakas
Pagkat wala na halos mailagay sa hapagkainan na bigas
Sa walang katapusang pag taas ng tax upang mabuo at mapatag lang ang sinasabing tamang landas

Mga pukitikong
Masyado nang naging overly attached sa tamang landas
Na tila konting lubak lang kuha agad sa kaban ng bayan... Sa pera ng mga mamamayan.. Upang magpagawa ng bagong daan. Mas matuwid na daan. Wow. Gusto nyo ba ng sapak?


Bakit hindi nalang hayaan ang malubak na daan?
Bakit hindi nalang hayaan ang konting baluktot sa daan?

Basta siguraduhin lang natin na tama ang ating pupuntahan.
Na pagdating natin sa ating paroroonan, paglingon natin ay wala na tayong babalikan dahil wala na tayong naiwan.
Magkaroon man ng galos sa paglalakbay, ang sakit ay kayang pawiin ng haplos ng kapwa pilipinong naging kasama mo sa pagtahak ng daan na tnahak ng bawat pilipino.

Ang kailangan namin ay isang pinuno
Hindi pangulo na ituturo lamang ang tamang daan habang nakasakay sa kanyang mamahaling sasakyan at hindi na namamalayan na kanya na palang naiwan ang mga mamamayan.
Ewan ko ba kung bakit ganito sa pinas. Sana sa darating na eleksyon ay makapili na tayo ng isang pinuno hindi lang basta pangulo
w  Oct 2017
80
w Oct 2017
80
Minsan kahit anong ingat mo na hindi matisod at magalusan
Darating ka sa puntong babasagin ka ng mundo
Hindi mo man malugod na matanggap
Kalaunan magpapasalamat ka nalang sa pagkabasag
Sa pira-pirasong sariling kelangang pagtyagaang pulutin para mabuo ulit
May mga parteng hindi mo na mahahanap dahil hindi mo na makita
Iba na kasi ang hugis
Hindi ka na tulad ng dati
Paniguradong iiyakan mo ang pagkamatay ng sarili **** may makulay na pananaw sa mundong akala mo'y hindi ka kayang saktan
Na tila ba'y nakatira ka sa isang palasyong may masugid na taga-silbi
At may isang magiting na prinsipe o prinsesang kukumpleto sa kwento mo
Sino ba naman ang hindi tatangis kung ang ganitong pangarap ay mawawasak lamang sa isang pitik ng mapanlinlang na pagkakataon o ng isang maling sirkumstansya?
May iyak na pisikal
May iyak na hindi kayang ihayag ng luha
Isang tapang na paimbabaw
Pero sa totoo lang, isang kaduwagan
Kailangan **** ilabas yan
Isigaw mo kung kinakailangan
Maglupasay kang parang bata
Suntukin mo ang unan
Magtapon ka
Magbasag ka ng pinggan
Ilabas mo
Ubusin mo ang lakas mo hanggang ang tanging kaya mo na lang ay umiyak
Hanggang ang kaya mo na lang ay ang isang tahimik na pag-iyak
Ang pisikal na pagkapagod ang tutulong sayo na magpahinga ng panandalian
Ipikit ang pagal na isip
Kailangan mo ng katahimikan o ng karamay na may nakatikom na bibig
Hindi gagana ang mga pinakamatamis na salita sapagkat manhid ka
Bagkus, kailangan mo ng kamay na mag-aampat ng umaalwak na dugo mula sa pagkabasag
Banayad na haplos ng pagpapayapa na ang sakit ay lilipas din ngunit sa totoo lang, matagal pa
Malayo pa ang tatahakin mo upang makaalpas ka sa sitwasyong ito Ngunit kailangan **** maniwala at dayain ang sarili
Para makaligtas sa delubyo ng kalungkutang may kakayahang pumatay ng paunti-unti kung hahayaan mo lang
Sa huli, pagkatapos **** malampasan ang mga sandamakmak na sagabal
Ang mga dating sugat ay magiging pilat at kalimitan ay nagiging kalyo na lamang
Mas titibay ang sikmura **** magtiis at mas tataas ang sukatan mo ng tapang
Magtataka ka kung bakit ang mga bagay na dati **** ihinihikbi ay mawawalan na ng epekto sayo
Hindi ka naman naging manhid, naging mas matatag ka lang sa pagkabasag na iyon
Hindi ka magiging ganap kung hindi mo ito mararanasan
Ang katotohanan ay walang taong hindi nabasag ng mundo Dalawa nga lang ang hantungan niyan
Ang mabasag ka't itapon o ang mabasag ka't buuin muli?
Michael Joseph Nov 2018
Sa tag-init tayo nagkatagpo dala ang uhaw
nais mapawi ang pagkatuyot sa tag-araw
mga lalamunang di nadadaluyan
hanap ay tubig, mga umiibig sa lamig
sa daloy ng awit ng mga Ipil
at sa mga aalalang nabuo
sa bawat paglagok, sa bawat isa
mga alaalang nabuo sa tag-araw.

alaala pa ang pagpalakpak ng mga dahon
minsan lang masiyahan sa pagpapalit-panaog
ng tag-araw at tag-ulan
panga-pangakong binuo sa ilalim ng araw
pinagdarasal ng mga kahapon
di pa rin nalilimot,
mga tuyong ugat ng mga pusong sawi
sa pag-ibig na tubig sa tag-init
minsan lang magkaniig

dahil ikaw at ako ay minsan ng nanirahan dito
bumuo ng mga alaaalang impit na itinago
sa ilalim ng mga punong saksi sa mga uhaw na puso,
sa marahang pag-indayog ng mga dahong maririkit
sa bawat pag-ihip ng hanging mainit
sa katawang binalot ng mga sala
at sa bawat pagbabalik sa alaala
ikaw pa rin ang tanging nakikita
sa bawat paglampas ng liwanag
sa maririkit na butas ng kahapong
sa ilalim ng ipil nakatago

Heto na naman ang tag-init
hudyat ay muling pag-udyok
sa uhaw na pusong may pangangailangan
tuyot ang daloy sa bawat paghinga
sa bawat pag-ihip  kulang ang haplos
bawat hagod ay paos.


Alaala ka sa mga sinag ng araw
umaalpas sa mga dahon ng ipil
mga hapong napawi ang init ng tag-araw
nakakulong pa rin sa mga alaala
sa ilalim ng punong puno ng pagmamahal
sa kahapon at ako na di pa rin nagsasawa

sa ilalim ng mga Ipil
maghihintay sayo

Sa Ilalim ng mga Ipil
Michael Joseph Aguilar Tapit

04/11/2016
Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong natikman
ang sarap ng mga putaheng
hinahanda niya sa hapag-kainan

Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong nasilayan
ang ngiti niyang nakapapawi
ng pagod at kalungkutan


Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong narinig
ang mga salitang mahal kita
mula sa ina kong tangan

Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong naramdaman
ang higpit ng kanyang yakap
at haplos na kinagigiliwan

Sampung taon...
kay tagal na panahong nagdaan
wala na muling natikman, nasilayan, narinig at naramdaman,
pagmamahal ng isang ina na kinasasabikan.

Happy Mother's Day Mama. Mahal na mahal kita.
Jor Sep 2016
I. Kilig
Unang kita ko palang sa'yo—
Gusto na kita maging parte ng buhay ko
Sinong hindi kikiligin sa tuwing
Ngumingiti ka rin,
Sa tuwing ngumingiti ako sa'yo.

II. Kaba
Sa tuwing kakausapin kita,
Nauutal ako.
Nagbubuhol-buhol ang mga salita—
Na enensayo ko pa kaninang umaga.
Kasi araw na ‘to ipagtatapat ko na—
Ang tunay kong nadarama.

III. Saya
Dahil sa wakas nasabi ko na!
Hindi ko akalain na pareho ating nadarama.
Sinong hindi sasaya?
Kapag nabigyan ka ng perbilehiyong—
Magkaroon ng “tayo” sa pagitan ng
Dating “ikaw” at “ako” lamang.

IV. Galak
Alam ng Diyos kung gaano nagagalak
Sa tuwing magtatagpo ang mga mata.
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Sa tuwing hahawakan ko ang kamay mo.
Sa tuwing magkausap tayo magdamag
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Nung simula kang maging parte ng mundo ko.

V. Inis
Naramdaman ko rin ang inis
Sa tuwing binabalewala mo ako,
Sa tuwing iba ang kasama mo,
At hindi ko namamalayang
Nagseselos na pala ako.

VI. Pangamba
Nangangamba ako,
Sa tuwing aalis ka ng walang permiso.
Sa tuwing hindi ko alam kung sino kasama mo.
Nangangamba ako,
Sa anong pwedeng gawin mo—
Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pagtatalo.

VII. Takot
Takot ako na magsawa ka sa gaya ko.
Takot ako na baka makahanap ka ng iba
Yung kayang higitan ang isang tulad ko.
Takot na baka isang araw—
Hindi na ako ang iyong mahal mo.

VIII. Lungkot
Madalas malumbay na gabi ko.
Sabik na sabik ako —
Sa mga yakap mo,
Sa mga dampi ng mga halik mo,
Sa mga magagaan na haplos sa ulo ko.
At sa mga gabing natatakot ako.
Gusto ko lang na nandirito ka sa tabi ko.

IX. Pangungulila
Dumaraan ang mga araw, linggo at buwan
Na wala ka nang oras sa akin,
Gusto sana kitang puntahan
Ngunit alam kong—
Na mas importante ka pang gagawin.
Naiintindihan ko naman
Pero anong magagawa ko?
Nangungulila ako sa’yo.
Jame  Aug 2016
Noon at Ngayon
Jame Aug 2016
Paano ko ba sisimulan ang sulat na ito na iginagawa ko na naman para sa’yo?
Marami na akong naipon na mga sulat, sulat na punong-puno ng mga walang kwentang kasaysayan at letra na hindi ‘ko maigunita sa iyo
Bakit? Ewan ko, hindi ko alam, putangina may pakialam ka ba?
Hindi ko alam kung ibibigay ko sa’yo ang mga sulat na hindi ko natuluyang ibigay sa’yo dahil Una, hindi ko alam kung may pakialam ka pa sa mga salita ko
Ang aking mga salita na punong-puno ng galit, ng damdamin at pagmamahal
Kasi Pangalawa, noon, kahit walang kwenta ang aking mga sinasabi, ito’y tuluyan **** binibigyan ng halaga
Noon, kahit ako’y galit sa iyo at ika’y galit sa akin, nauubos ang iyong salita at hininga sa mga bagay na gusto kong marinig para lang tayo’y magkaayos
Noon, nakuntento tayo sa isa’t-isa kahit tayo’y naliligaw at nabubulag pa sa mundong ito na punong-puno ng kasinungalingan
Noon, ginagawa mo ang lahat para lang tayo ay magkita
Noon, pinupuno ko ang iyong mga araw nang ligaya at mga ngiting hanggang tenga
Noon, hinahayaan mo lang tayo’y maging masaya
Noon, ako’y sa iyo at ika’y akin
Noon, ika’y andito at wala doon
Noon, ako’y mahal mo at ika’y mahal ko
Naghahanap ng mga dahilan kung saan ako nagkulang, o kung saan ako nagkamali
Kung ito ba’y dahil sa aking pananamit o sa aking pananalita
Kung ito ba’y dahil hindi ako kagaya niya o sadyang nawala na lang talaga ang iyong mga nararamdaman bigla
Kaya inuulit ko, saan ako nagkulang? Saan ako nagkamali?
Nagkulang ba ako sa higpit nang yakap at haplos?
Nagkulang ba ang aking mga boses sa pagsigaw sa mundo na mahal kita?
Nagkulang ba ako sa pagsuyo at sa aking pagamin ng mga kasalanan?
Nagkulang ba ako sa pagbuhos ng aking mga damdamin?
Nagkulang ba ako sa paglaban?
Nagkulang ba ako sa bilang ng araw na mawawala ka na?
Nagkulang ba ako sa halik?
Dahil sinta, kung alam ko lang ng mas maaga pa na ika’y hindi magtatagal, sana’y tinagalan ko ang aking mga halik at inagahan ang aking pagbitaw
Pero hindi,
Kaya ang nagbunga ngayo’y isang babae na katulad ko na
Ngayo’y nasasaktan at nalulunod sa sariling mga luha
Natatapilok sa sariling mga paa, dahil sa sariling katangahan
Ngayon, isang tanga na natalo at nakanganga
Ngayon, umaasa na lang ako sa isang idlap ng iyong mga mata
Ngayon, naghihintay na lang ako sa iyong pagpansin o pagtawag sa aking pangalan
Ngayon, nagbabakasakaling may halaga pa rin ako sa’yo
Ngayon, umaasang iniisip mo pa rin ako
Ngayon, nagbabakasakali na masaya ka na.
Masaya ka na sa kanya.
Masaya ka na sa piling ng iba.
Mas masaya ka na kesa aking nagawa.
Ngayon, nangangarap na lang na maging masaya
Ngayon, sinusubukang kalimutan ka
Pangatlo, dahil ngayon,
Mahal pa rin kita,
at wala ka na.
#tagalog #past #noon #ngayon #pagmamahal #love #filipinopoem
Bato sa balat,

Hayaan **** lumapat ang ‘yong kahinaan sa mahinahong baldosa

Payagang lamig ay yumanig sa bawat panig ng iyong katawan

Mula sa kalamlaman ng iyong talampakan hanggang umabot sa–

Pagitan ng iyong mga hita, paakyat sa kalamnan, patungo sa dibdib

Hanggang maramdaman nginig na dala ng iyong pag-iisa.



Ipagpaliban mo muna ang mundo

Ilaw sa paningin,

Hayaan **** angkinin ka ng daang-daang mukhang nasasalamin sa bawat tisa

Tignan ang iyong mga nakikita, ikaw ngayon ay nakakahon sa bato–

At mga multo na iisa lang ang mga mukha’t hinaing

Payagang ika’y ariin ng kanilang mga nanlilisik na titig,

Huminga ng malalim at iyong sabihing

Ginusto mo ang linggatong na ‘to

Mata sa dutsa,

Tumingala hanggang kadahilanan ay magunita

Ang iyong katwiran kung bakit pinili mo ang kapangahasan

Hamakin ang sarili’t magnilay-nilay sa nagbabadyang kasalanan

‘Di hamak naman na mas ikakasaya mo ang pait–

Ng paglalapastangan sa sarili nang ilang makamundong saglit

Pagbigayang mabasa ang sarili



Silakbo sa kawalan,

Ipikit ang mga mata’t pakiramdaman ang daloy ng tubig sa’yong balat

Ipaanod sa agos ang haplos ng pighati’t pagtitimpi

Sa mahigpit na bisig ng isang mapanghusgang mundo

Tikman ang hagod ng malamig na pelus sa iyong mga labi

Sumidhi sana ang pagdanak ng init ng pagnanasa sa bawat bena

Mahalin mo ang iyong pagkatao

Makipagtalik sa sarili,

Ibigin **** maibigan ang pagiging makamundo’t makasalanan

Ibaling ang pansin sa pagpapalabas ng himutok

Muling sabihin na hindi makasarili ang pagnanasa sa sarili’t

Ulit-ulitin ang pagbaluktot ng diwa’t isipan hanggang ito’y tumatak,

Hanggang sa mabulalas mo ang iyong mga suliranin

At matapos ang lahat ng iyon hindi mo maiiwasan–



Pagkamuhi sa sarili.

— The End —