Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Louise Oct 2016
Ang gabi ay hindi dapat maging kaibigan ng delubyo. Nangangambang baka sa isang sulok ay may nag-aabang na demonyo. O baka sa likod pa natin mismo.
Saksi ang dagat at bundok sa pananaghoy ng bagong umaga.
At sino ang hindi makakaamoy sa pagsabog ng mga tala?
At nasaan ang gabi, ang inaakalang tanging katuwang?
Kasiping ba ng mga pangarap para sa bayan na siya nang nilamon ng digmaan?
Lumuluha ang bawat lawa at nagtatanong ang mga talon; makakaahon pa ba ang nalunod na tuwa't pag-asa ng kahapon?
O baka ang tuwa ay siya na'ng hinigop ng langit. Pinagtatawanan na tayo ng langit!
Sa mga dugong dumanak at ang naglalakasang pagtatangis na tila ba isang bulong sa bingi, tama nga't hindi ko kaibigan ang gabi.
Ganid ang gabi, palaging uhaw at nasisidhi sa kasawian.
Ang ngalan ng may akda ng munting tula na ito ay "delubyo".
Paminsan minsan maaari nyo ring tawaging demonyo.
Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, sa sulok ay hindi na magtatago. Haharap ako para tingnan ang bawat isa sa inyo sa mata. Sa dangal. Sa diwa. Sa puso. Sa dasal. At kakalabanin nyo dapat ako gamit ang mga ito... hanggang sa pag-usbong ng bagong umaga.

Pula, bughaw at dilaw laban sa kadiliman.
Nationalista
Marge Redelicia Mar 2015
isang musmos na lahi
isang munting nasyon
parang itinanim na buto
itinakdang
sumibol at lumago
sa paglaon ng panahon

nag-aabang, naghihintay
puno nang sabik
pero kay tagal dumating
tayo ay nainip
tadhana nating tagumpay
kailan kaya makakamit
kasi

apat na raang taon
hanggang ngayon
lulong pa rin sa putik
nangangapa, nadadapa sa dilim
mga butong nanginginig sa lamig

mga isla
pitong libong isang daan at pito
ito
ang ating lupang sinilagan,
tahanan ng ating lahi
pero nga bahay ba ito o burol?

mga pangarap na
masilayan ang mga sinag ng araw at
mahagkan ang malayang langit
mananatili lang bang panaginip dito
sa bayang natutulog
o kaya namang natutulog lang kunwari

tanggapin mo na lang na
humikbi, humagulgol,
ibuhos mo man ang iyong luha
walang darating
kumayod ka man at magdamag magsikap
diligan mo man ang lupa ng pawis
wala
pa ring mangyayari

kasi
dugo
dugo lamang na dumaloy
mula sa mga palad ni Hesukristo
kung ang Kanyang pag-ibig ay
babaha sa lupa
ng parang delubyo
ito ang nag-iisang paraan
ang nag-iisang sagot:

dugo
dugo lamang na ibinuhos
ang tanging
makakatubos
makakaahon
makakaligtas
sa atin
Performed this as spoken word in Creative Faith's Doxa.
kate Apr 2022
habang naglalakad ako sa lupain ng mga sirang pangarap, mayroon akong pangitain sa napakaraming bagay. ang mga paghihinagpis tila baga'y tumutulong upang madagdagan ang aking pasan sa mundo. aking napagtanto na ang kaligayahan ay isang kalinlangan lamang. sa aking pagkalumbay at pakiramdam ng disorientasyon, buong buhay ko'y nabuhay sa takot. ang mundo'y pinamumunuan ng mga batas ng poot na matatagpuan sa iba't ibang dako. kaya naman ay ang mga nakararanas ng dalisay na kaligayahan ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari.

sa bawat araw ng aking paghihirap, umaasang makakaahon sa ilang butil ng kasaklaman ngunit sa kaibuturan ko, wala akong ibang makikita kungdi ang kasuklaman ng buhay. patuloy akong naglalakad sa mga anino upang maghanap ng liwanag ngunit aking napagtanto'y malinaw kong nakikita na wala nang ibang paraan upang makalabas pa sa suliraning ito.

sa aking buong pagkabuhay, dala-dala ko ang mga basag na pag-asa't mga tipak na salamin. ang tanging sinag ng araw ang natitirang kislap ng aking mga masidhing lunggati sa rurok ng tagumpay. kung iyong titignan ang marikit na lilim ng gintong apoy na nagngangalit sa kanluran, ito ay ang aking mga minimithi na nakalilim sa puwang ng kalangitang asul. nais kong lumipad nang malaya tulad ng isang ibon sa kalawakan. sa mga kislap ng mga tala'y nakatingin, hinihiling na sana ang panagimpan ko'y dinggin. lahat ng iya'y hindi makakamtan sapagkat ako'y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible. pinapanood malunod ang aking sariling mundo mula sa aking bintana'y natatanto, mga pangarap ko'y dahan-dahang inaanod.
sa araw-araw na aking paglalakbay sa mga repleksyon ng kadiliman, isa lang ang aking katanungan, isang ilusyon lamang ba ang kapayapaang aking matagal nang inaasam?
may mga pangarap talaga tayong mahirap makamit at ito'y hanggang ilusyon na lamang.
Madelle Calayag Jan 2020
Maaga kong nilisan
ang lupang sakahan
Tinahak ang lugar
na maingay at magara,
ito pala ang Maynila.

‘di napigilan ng tirik na araw
ang aming pagkukumpulan.

Nagkamayan
kaming magkakabrad,
Simula na ng himagsikan.

Sariwa pa sa alala
kung pa’no
kami inagrabyado.
Itinulak.
Binugbog.
Tinakot.
Ginamitan ng dahas.

Sa plano ng gobyerno
kami pa rin pala ang talo.

Paano pa kami mabubuhay
kung wala ng lupang mapagtatamnan?

Akala ko sa bundok
o gubat lang may ahas
-yun ay sa akala ko lang pala.

Sa’ming magsasaka’y
Kumukulapot ang putik
Ngunit
sa inyong mga nakabarong,
animoy
walang duming nakabahid.

Sa inakala kong
tubig lang ang maaaring
idilig,
Dugo
pala nami’y pwede ring
pumatik.
Tila ba ang gobyerno’y namamanhid.

Nasaan na
ang pinangako nyong
libreng abono?

Ginawa nyo na bang pataba
sa mga bulsa nyo!?

Sa pagpunta
ng mga imperyalistang bansa,
Matutulugan
pa ba kaming mga dukha?
Makatatayo ako
sa aking pagkakadapa
Ngunit
ang bayan
kong nakalugmok ,
makakaahon pa kaya?
I wrote this four years ago for the Filipino farmers
Hanggang dito na lang ako
Kung tatawid pa'y malulunod ng todo
Sa pagkalunod, di makakaahon panigurado
Batid namang iba gusto

Hanggang tingin na lamang sa malayo
Kung lalapit pa'y, tiyak di makukuntento
Magiging makasarili hanggang dulo
Ipilit at masasaktan ng husto
Stephanie Aug 2023
hinarangan na ng duda,
mga alinlangan at pangamba
ang mga matang lumuluha
hapo at balisa

halika, sinta, ihakbang ang mga paa
kahit puno nang takot pa,
patungong pag-asa, makakaahon,
makakausad, makakabangon

ang mga hapdi ay may hangganan
kung di pa handa, hindi kailangan tumahan
may kapanalunan kahit humihikbi
may tagumpay kahit ang puso'y sawi

sa dulo may naghihintay na liwanag,
may mga sagot na sisinag,
sa mga tanong **** bakit,
darating ang ginhawa kapalit ng sakit
You'll get there, even with eyes full of tears and heart full of scars. Rest will be with you.
G A Lopez Oct 2019
Mahirap maglakbay
Sa mundo ng sanlibutan
'Di maiiwasang mahirapan
Ihanda pa rin ang sandata
Ika'y lumaban.

Tutuksuin ka ng sanlibutan
Ngunit hindi iyan ang dahilan
Upang pagsamba'y iwanan
Manalig ka
At ng 'di na muling maagaw pa.
Sa Kaniya mo idulog iyong mga panalangin
Ika'y tiyak na didinggin
Hinagpis mo'y papawiin
'Wag kakalimutang siya'y pasalamatan
Kung ang saya'y muli **** nakamtan

Marami mang tiisin
Hindi ka niya bibiguin
Bagkus ika'y iibigin
Magtiwala ka sa Kaniya
Mahal ka ng Ama

Kapatid, asahan **** pangako Niya'y kakamtin
'Wag kakalimutan ang tungkulin
Mahirap malunod sa baybayin
Ngunit ika'y makakaahon din
Sa tulong ng may likha sa atin.
Axl Rose Oct 2021
Pagbangon ko sa umaga
Nakita ko ang iyong mga matang
Nakapikit pa sapagkat mahaba ang ating naging gabi
Puno ng pagmamahal at mangilan-ngilang pagbusisi
Kung gigising ako araw-araw sa piling mo
Mahal, magiging sapat ang lakas kong
Lumaban sa ano mang unos at pighati
Totoo, sigurado at nagbabakasakaling
Mabigyan ng pinakamatagal na panahong
Makasama ka, ako'y makakaahon

— The End —