Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Para sa’yo ito, Mahal ko.

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Nagising ka sa karagatan ng luha na nanggaling mismo sa iyong mga mata
Mga luha na tila itinakda para sa iyong pagdurusa
Kasama ang mga salitang “Kaya ko pa ba?”

“Kaya ko pa ba?”
Ang mga salitang itinatanong mo sa sarili mo noong ikaw ay umiiyak dahil sa ilang beses ka na niyang nabigo sa mga pangakong napako.
Sa iyong pagbangon ay iniisip mo siya.
Hanggang sa iyong pagtulog ay baon mo siya hanggang sa panaginip
At pinangalanan mo siyang “Pag-ibig”

Pag-ibig na itinuring **** totoo
Na pumuno ng kanyang pangalan sa likod ng iyong kuwaderno
Umaasang nakalimbag ang pangalan niyong dalawa sa palad ng isa’t isa

Pag-ibig na akala mo ay kukumpleto sa’yo
Ngunit siyang naging daan ng pagkawask mo

Pag-ibig na sumira sa paniniwala mo
Ang naging sanhi ng pagsabi mo ng mga salitang “Walang forever.”
At pinaniniwalaang ang pagmahal ay tila isang laro na maaaring may manalo ngunit laging may talo

Ngunit ito nga ba ang tunay na pag-ibig? Kung hindi, ano nga ba ito? Ano nga ba ang hugis ng pag-ibig?

Ang PAG-IBIG ay isang TATSULOK

Magsisimulang tumaas at umakyat sa tuwa
Ngunit pagkatapos ng ilang pagsubok
Ay magsisimula muli sa ibaba

Katulad na lamang ng isang pagbati na laging magtatapos sa paalam
Na tila kayo’y nagtagpo sa tuktok pagkat sa dulo kayo’y tinakda upang mawalay sa piling ng isa’t isa
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan ay narating niyo parin ang dulo.

Ang pag-ibig ay hindi tatsulok.

Ang PAG-IBIG ay isang PARISUKAT

Naroon ang pagmamahal sa bawat dalisdis
Ngunit sa bawat dulo ay magtatapos at maghahanap muli
At sa dami na ng pag-ibig na lumipas ay maaari mo nang iangkat ang pangalan nila sa isang malaking kahon na hugis parisukat

Ang pag-ibig ay hindi parisukat

Ang PAG-IBIG ay isang BILOG

Patuloy na umiikot sa sariling aksis at tila walang katapusan
Ngunit pag tinignan **** mabuti sa gitna ay ang landuyan nito ang sarili mo.
Na nagsasabing
“Mahal kita dahil maganda ka…”
Paano kapag tumanda ka na’t kumulubot ang iyong muka’t nawala ang kagandahan?
“Mahal kita dahil mabait ka..”
Paano kapag ang bait ay tila nawala sa mga pagsubok na inaasahang dumaan
Laging magkakaroon ng dahilan
Laging magkakaroon ng kondisyon

Ang pag-ibig ay hindi bilog

Ang PAG-IBIG ay isang PUSO

Patuloy na tumitibok para sa binabaybay niyang pagmamahal
Nagsasabi ng mga salitang matatamis at mabubulaklak
Pag-ibig na nakilala mo sa mundo at akala mo ay bibigyan ka na ng lahat ng iyong ninanais

Pero nagkamali ka. Ang puso ay napuno ng kiro’t biglang tumigil sa pagtibok. At tulad ng minsan nang umiinit na kape ay nanlamig. Ang iniwan nito ay mga sugat na hindi mo kayang pagalingin ng mag-isa. Ang pag-ibig ay hindi isang emosyon. Hindi ganito ang pag-ibig!

Ang PAG-IBIG ay isang KRUS

Ang Krus kung saan naganap ang pag-ibig. Pag-ibig kung saan ang pangako’y hindi napako pero ipinako. Pag-ibig na nagpakita ng sakripisyo upang maligtas ka lang sa kamatayan. Sabay ng aking pagkapako ay ang kapatawaran mo. Na kahit na ikaw dapat ang nasa posisyon ko ay ipinagdamot ko ang krus upang hindi ka na magdusa pa. Ito ang tunay na pag-ibig.

Ako ang una **** mangingibig na kahit na habang nililikha ko ang mga tala’t bitwin ay nasa isip kita.

Pag-ibig na lumikha sa’yo
Na kahit na itabi kita sa mga bulalakaw o alingawngaw ng mga nag-iingayan na kuliglig o sa bawat kariktan na madadaanan ay ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng kariktan

Pag-ibig na talagang totoo
Na kahit na hindi ang pangalan ko ang pumuno sa likod ng iyong kwaderno ay minahal kita
At tuwing gumuguho ka na’y pinilit kong iangat ka sa iyong pagkabagsak

Pag-ibig na kukumpleto sa’yo
Tinanggal ko nga ang kasalanan mo, paano pa kaya ang mga puwang natititra sa loob ng iyong puso?

Ito ang hugis ng pag-ibig

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Ginisng kita sa katotohanan na ang mundo ay magsasabi sa’yo ng napakaraming salita
Pero mahal, ang salita ako ang pinakatotoo
Dahil kahit na ilang beses mo akong biguin, ang pangako ko ay kailanma’y hindi mapapako dahil ipinako na ito para sa’yo dalawang libong taon na ang nakalipas.
Ilang beses nang natanggihan ang pagkatok ko sa puso mo
Pero hindi parin ako sumuko, inaraw-araw ko ang pagkatok dito
Umaasang maiisipan **** bumalik sa ating tagpuan
Kaya kumakatok ako muli, Ang tanging katanungan ko lamang ngayon ay; Mahal, handa ka bang tanggapin ako?

Iyong iyo, Ang manlilikha mo
This piece is meant to be spoken.
Mimi V Mar 2016
AKO’Y**  ISANG  KAIBIGAN
Kumakatok sa iyong puso
Pinto nito’y iyong buksan
At ako’y hayaang makapasok


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Tapat at Mapagkakatiwalaan
Masasandalan sa ano mang oras
Karamay sa bawat pagsubok


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Lumalapit sa isang katulad mo
Nagsasabing “wag kang matakot”
Ako’y laging nakabantay sayo


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Di nanghuhusga, Di Namimili,
Di nang-iiwan, Di nakakalimut,
Pagkat ika’y mahalaga sa akin


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
handang ibigay ang lahat
Pati buhay ko’y ibibigay
Makasama ka lamang sa walang hanggan


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Higit pa kanino man
Halika’t ako’y kilalanin
Tiyak di mo pagsisisihan


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Nagmamahal ng tapat,
Pagmamahal na mas malalim pa sa Dagat, mas mataas pa sa kalangitan
Mas malawak pa sa mundong iyong kinagigisnan


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Luhang pumapatak aking pupunasan
lahat ng iyong hinanakit aking gagamutin
heto ang aking mga bisig at ikay yayakapin,
yayakapin ng kay higpit.


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Nagsasabing, Taha na…  
Ako’y narito lamang
Hinding Hindi ka iiwanan
#JesusIsMyBestfriend #YouAreLoved&Secured; #HEWontLetYouDown :D
Kara Subido Nov 2015
Dis oras na ng gabi ngunit ikaw pa din
Ang bukod tanging laman ng aking isipan
Patawad na kung puro siya na lang lagi ang alam
Ng aking mga kwento.
Hindi ko kasi mapigilan mag buhos ng aking hinaing
Dahil alam mo hanggang ngayon kasi tandang-tanda ko pa din
Ang araw at oras kung kailan mo ako iniwan.

Anong gagawin ko sa mga salitang iniwan mo
Isa nga lang ba akong pangalan sa buhay mo?
Ano ba ang naging parte ko sa'yo?
Iba’t ibang tanong ang bumabagabag sa akin
Pero kung alam ko lang na sa ganito tayo hahantong;
Matagal ko nang pinatay ang natitirang posibilidad
Sa akin isipan na may mundo para lang sa ating dalawa.

Alam mo ba gabi gabi kong binabalikan ang
Matatamis nating alaala pero pilit ko din
Pinapaalala sa aking sarili na
‘’Itigil mo na ‘to’’
''Tama na 'to''
Gumising kana sa totoong estado ng buhay mo.
Maawa ka naman sa sarili mo.
Ikaw ang naging punot dulot nang gabi gabi kong
Pag-pupuyat hindi mo ma-itatanong pero walang araw
Na lumipas na hindi ako nagiging tambay sa'yong mga
Social media accounts.
Nagmamasid sa bawat post at update mo at tinatanong
Sa aking sarili ''Bakit nga ba ang manhid mo?''

Dahil hanggang ngayon
May kumakatok pa din sa puso ko umaasa na
Pwede pa.
Pwede pang ipiglaban.
Kahit matagal man ang abutin natin.
Ako'y handang maghintay.
Kahit mag muka na tayong gurang.
Okay lang.
Handa akong tiisin.

Pero alam mo ba nakakapagod din palang
Makipaglaro sa taong ayaw magpaawat
Handa na akong sumuko kahit noon pa naman
Alam kong malabo na maging tayo;
Malabo mapasa-akin ang puso mo.

Ayoko ng makipagsiksikan sa Evacuation Center
Pilit ka magbubuwis ng buhay mo para sa taong ‘yon
Panahon na para lisanin ang delubyo na ito
Hindi na ako dapat mag tagal baka
Pati ang aking sarili ay iwanan din ako.
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
Salome Sep 2015
Sa bawat paggalaw ng iyong kamay
Sa bawat paghampas ng kulay mula sa iyong kaluluwa
Tila nilalason ang isipan ko
Sinasabing kay ganda ng lahat ng mayroon sa’yo

Hindi maikukubli sa aking mga salita
Ang paghanga sa lahat ng kung sino ka
Nangingislap ito mula sa ilaw
Na nanggagaling mula sa pagkatao na pagmamay-ari mo

Umaalab ka ngunit hindi mo pansin
Mapapaso ang sinomang lalapit sa’yo
Ngunit pipilitin nilang mahagkan ka
Sapagkat ikaw ang katuparan ng pangarap nila

Pinutol mo ang sarili **** mga pakpak
Kaya naman hindi mo naaatim
Ang yaring tayog na iyong taglay
Kung makakalipad ka lamang sana

Likas sa’yo ang nais mo
Kumakatok ako’t nakikiusap
Gumising ka, marikit na binibini
At kamtan mo ang matagal nang nasa iyo
Written in Filipino, my Mother Language.
Basically tells you that what you want is already innate in you. You just have to realize it.
070616 #12:27PM #ElNido

MAKATA ang lenggwahe ng pusong umiibig,
MAKATA ang katauhang ikinubli ang malasakit,
MAKATA ang kasarinlang may dalisay na panalangin.

Patungo sa may lalang na may misteryong grasya,
Kanyang isasakatuparan ang mistulang imposibleng eskima --
MAKA-DIYOS ang MAKATA.

Para sa pahalang na pakikitungo
Sa madlang baluti'y maskarang may bahid na kayumanggi --
MAKATAO, siyang daing ng MAKATA.

Sa Perlas ng Silanganang winawagayway ang bandila,
At sa udyok ng romantikong lupaing sinilangan --
MAKABAYAN ang pagpili ng MAKATA.

Heto ako't kumakatok sayong pintuang walang susi,
Pagkat kandado mo'y makasarili sa'king galak na pagbati.
Ikaw ang simbolo ng kabuuan ng pag-ibig na hinaharana,
Habang ako ang pariwarang napuno ng "baka sakali," o Sinta --
MAKA-TAYO ang MAKATAng may puso.
Elizabeth Oct 2015
Araw araw ako'y naglalakbay
Sa jeepney at tryk, nakasakay
Madalas naglalakad sa tulay
Nakasilong sa dahong makukulay

Nang dumilat ang ulap at nagmasid
Aral sa buhay ko'y dumarami
Bilang ng tao at hilaw na kapatid
Ako'y saksi sa kanilang pasanin

Matatandang panot, hayop na pilay
Batang walang saplot, naka-bitay
Babaeng may sanggol na alay
Kumakatok, nanlilimos ng karamay

Binuksan nila ang mga mata ko
Sa katotohanang pilit tinatago
Mga bangungot sa bawat kanto
Nabubulunan sa hiram na piso

Sa bawa't yapak ng aking lakbay
Dama ang kayamanan ng tao
Higit pa sa laman ng aking bulsa
Ang gintong binuo sa katauhan ko

*Taya!
Meynard Ilagan Jun 2017
Sa kabila ng ngiti ay ang pusong sugatan at umiiyak
‘Di mawala sa isip ang bangungot na halos gabi-gabing kumakatok sa pinto ng ala-ala
Paggising ay panibagong umaga na nababalot ng liwanag at dilim
Pinipilit kalimutan… Ngumingiti kahit nasasaktan.

Ayaw maalala ang sumpa ng salitang kailanma’y di na magagamot
Sa isipan ay mga bunganga ng taong nagagalit at sumisigaw
Nais malimutan ngunit patuloy pa rin ang pagbalik
Iwaksi man ng paulit-ulit ngunit para ng pilat sa katawan dulot ng malalim na taga.

Lumayo para makalimot ngunit sa tuwing pumipikit ay naandoon ang nakakatakot na anino
Anino na nakasakay sa likod habang ang mga kamay ay nakasakal sa leeg
Hindi na makahinga parang mapuputulan na ng buhay
Tumawag sa Kanya… Ipinakita ang halaga at kulay ng mundo

Oh kadenang nakatali sa mga paa, sana ito’y mawala na
Pagod na ang isip at ang puso ay umaayaw na
Umaayaw sapagkat parang wala ng pag-asa
Humahalik sa pangarap na kung minsan ay parang malabo  nang matupad.
06/07/2017
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
080416

Para akong sumusuntok sa hangin noon,
Noong bigla kang nagpadaig sa ihip nito.
Sana tinangay na rin pati ang damdamin,
Mas masakit pala kasi iniwan **** may pait.

Para akong sumusuntok sa pader ngayon,
Ngayong sabi **** hindi naman nagbago
Pero ang sakit na ng mga kamao ko,
Nasusugatan ako
Pero pilit akong kumakatok
Sa puso **** malaki ang pader.

Para akong sumusuntok sa punching bag,
Pinipilit kong husayan kahit dumadaplis ako.
Kapag  nangangatog ang tuhod ko't napapaluhod,
Sabay ang luha sa tagaktak ng pawis.
Pero muli akong bumabangon.

Para akong sumusuntok sa unan,
Gusto kong mamahinga
Pagkat pagod na ang puso.
Masakit na ang mga kamao
Naaawa na ako sa sarili ko,
Kaya't pipilitin kong pumikit.

Kailangan ko ng tulog na mahimbing
Oo, iiyak na naman ako
Sinusuntok kita
Hindi dahil galit ako;
Sinusuntok kita
Kasi kahit pagod na
Sayo nais mamahinga.
Pusang Tahimik Feb 2019
Ang araw ay pumapatak na parang orasan
Mga sandali'y hahantong sa ganap katapusan
Halina't sulitin bakit hindi mo pa simulan?
Dahil ako'y darating na kakatok sa iyong pintuan

Teka sandali hanggang dito ka na lang
Pasya ko sa lalaking tiyak na kulang-kulang
Akala niya ay wala nang hahadlang
Sa mga sandali ng kanyang pagsasayang

Ako'y bisitang kumakatok ng hindi inaasahan
Sana'y handa ka at walang pinagsisisihan
Sapagkat ako' y bingi sa mga kahilingan
At ang aking pasya ay siyang makapangyarihan

Sa karit ko nagdaraan ang mabuti at hangal
Ako'y di nabibili nang iyong mga pagpapagal
Ngunit ang kalaban ko ay syang mararangal
Sapagkat di ko maaari ang kanilang mga dangal

JGA
JOJO C PINCA Nov 2017
Kahapon pagdaan ko sa Angeles City sa Mabalacat, Pampangga nakita ko sila. Sandali kong pinagmasdan ang kanilang pangkat na nagpapahinga sa may gasolinahan. Hindi ko maiwasan na malungkot.

Mahirap talagang maging mahirap, alam mo yung buhay ng isang kahig, isang-tuka, yung kakalam-kalam ang sikmura tapos hampas lupa? Yung hindi nakaka pag-almusal dahil walang pambili ng pandesal, na madalas ay nililipasan ng pananghalian at malimit na nakakatulog sa gabi ng walang hapunan.

Yung dalagitang nanggigitata may sanggol sa tagiliran, nagpapalimos sa gitna ng kalsada, kumakatok sa mga kotse, tinitiis ang nakakapasong init ng tanghaling-tapat. Nakaka-awa ang sanggol walang malay, walang muang, hindi n’ya pa naiintindihan ang kalupitan na kanyang dinaranas.

Ang maka-diyos na lipunan at makabayang mga pulitiko alam kaya nila ito? Ramdam kaya nila ang hapdi ng sikmura ng mga pulubi? Bakit ganito? Ewan ko, hindi ko rin alam ang puno’t dulo, hindi ko rin maintindihan ang lahat. Ang alam ko lang hindi sila nababawasan sa halip lalo silang dumadami habang sinasabi ng mga pulitiko na mahal nila at handang tulungan ang mga mahihirap.
05222021

Hindi ko mapigilan ang himig na humihele kasabay ng Iyong tinig.
Kumakatok ang Iyong presensya sa puso kong walang laman kundi ang pagkauhaw --
Nauuhaw buhat sa mundong mapagbalatkayo.
Sa mundong sapat na ang musika ng mga palamuting may hangganan.

Sa aking pagpikit ay umuusad ang Iyong mga pangungusap,
Bagamat walang tinig sa paligid
Ay namumuo pa rin ang habilin **** tangay ng hangin.
Maging mga kulisap ay walang naggawa't nanahimik na lamang.

Batid ko ang Iyong alok na ako'y tuluyang lumapit sa Iyong paanan,
Ang trono **** ni minsa'y hindi pa nasilayan
Bagkus hanap-hanap ng puso kong pagal sa paghihintay.
At kung ito ma'y panaginip, hayaan **** ako'y manatili.

Kinabig ko nang saglit ang parteng kaliwa ng aking dibdib,
Baka sakaling ang sarili'y natuluyan nang mahiwalay sa aking katawan.
At baka ako'y hinagip na rin kung saanmang lupalop --
Kung saan sa Iyong presensya'y mananatili akong akap.

Nais ko pa ring abutin ang pangarap **** inilaan
Ang sinasabi nilang imposible
Bagkus Sayo'y natagpuan ko ang katuturan.
Ang hiwaga na hindi maipaliwanag,
Ang hiwaga na tanging Sayo lamang nahanap.

Sa bawat pahinang hindi ko kayang tapusing maisulat
Ay nais kong habiin ang aking nararamdaman,
Itong pakiramdam na hindi ko masukat;
Pagkat Ikaw ang aking Pahinga, Sayo ang paghinga.
kate Feb 9
ala-singko ng umaga. nakakabingi ang katahimikan ng pagsikat ng araw. walang tigil ang pagtakbo ng oras at tulad ng araw, nagsimula nanaman ang pangkaraniwang siklo ng buhay. patungo sa sintang paaralan na ang bawat yapak ay parang timbang ng daigdig na nakalubog sa aking mga balikat. hindi kayang buhatin kahit pa ng buong mundo sapagkat ako'y nag-iisa sa paglalakbay patungong españa.

sa bawat sulok ng maynila at mga kwento sa mga kalsadang ito, may mga paalala ng mga biyaheng hindi pa nararating at mga pangarap na patuloy hinahanap. sa kanto ng españa't lacson, sa kabila ng paghahanap at pag-asa, hindi natagpuan ang isa't isa. sa magkabilang sulok ng noval at dapitan, ang iyong mga imahe ay tila mga alaala na nakaukit sa pinakaloob ng aking isipan, kumakatok nang palaging handang buksan ang pintuan. bawat hakbang ko ay may kabigha-bighani **** presensya, subalit ang hinahanap kong pagtatagpo ay patuloy na umiwas sa akin, nag-iwan ng hinagpis at naglakbay nang walang direksyon.

"manong para po" ang aking bulong sa jeepney drayber na parang tinik na dumadaloy sa aking lalamunan, humihila at humihila sa mga alaala na tila mga bagyong dumaraan sa aking isipan. bawat sinag ng araw, bawat hagupit ng hampas ng hangin, ay parang himagsik ng damdamin na hindi ko maitago.

sa bawat kanto paikot ng españa, naroon ang mga multo ng ating nakaraan. mga anino ng mga alaala na hindi ko matakasan at sa bawat pagtatanong mo kung may pag-asa pa ba, ang bawat sagot ko ay tila mga punyal na tumatagos sa aking kalooban, nagsasabing wala nang dahilan para muling mangarap.ayaw ko nang lumakad sa landas ng nakaraan, na puno ng  mga bakas na minsan tayo'y nagtahup na patuloy na bumabalik at sumisira sa isipan.

at sa wakas, narito na ako sa dulo ng aking paglalakbay, ngunit ang landas na tinahak ay tila isang malawak na dagat, hindi alintana kung gaano karaming bagyo at baha ang dinaanan. at kung tatanungin mo ako kung pu-puwede pa ba, ang hihilingin ko sa iyo ay mga barya papalayo sa'yo. ayaw ko nang malunod sa unang daan na puno ng kahapon at mga alaalang tila multong ayaw umahon.

at sa bawat paghakbang ko patungo sa hinaharap, ang iyong alaala ay parang banta na nagbubulag-bulagan sa akin tuwing naglalakbay ako. nakakapangilabot. mahal pa rin kita. mahal pa rin pala kita.

hindi na kasingpait ng dati.
pero mahal, masakit pa.
i just love the streets of manila and the feeling of grief and longness without wanting the person back (hindi ako broken HAHAHAHA)
keneth Feb 1
Itim, malambing. Mga matang aking hambing
Nakatuon, nakatingin sa kanilang nakaw na sining
Isang ako, taimtim, mas tahimik pa sa gitling
Suot ang ngiting tila hiling akong ilibing

Ako't ako, nakatingin sa akin.
Takot akong tumingin sa akin.
Sangkot ako sa kaniyang adhikain
Kumakatok sa'king damdamin

Ilog ng luha, rumaragasa
ba't nga ba 'di mo na 'ko kilala?
Akong kasama mo mula simula
Ako't ako'y di ko na kilala.
Alexander Ochoa Nov 2020
Nakakapagtaka o nakapagtataka
Maaaraw na ulan at
Diwata sa bundok
Sa mga pintong siguradong sasara, bakit tayo kumakatok?
Bakit natin binubuklat
ang mga aklat na putol ang istorya?
May mga araw na ayaw dumating
at may mga saglit na pilit patagalin
Siguro nga'y may uri ng kasiyahan
na di mapapanatili ng anumang kapit
pero sapat nang maramdaman
oo kahit sandali
salamat parin na dumaan
Ang buhay nga naman
palaging tungkol sa mga taong dumadating
kung paiyakin ka nila sa sakit
o pasayahin ka nang walang kapalit
Pusang Tahimik Dec 2021
Sa salita **** isang kahulugan
Sa akin ay labinisang kabuluhan
Ang lima'y malungkot na hangganan
At ang pito'y masayang katapusan

Nariyan ka nanaman at kumakatok
Pumapasok at hinahagilap ang sulok
Sa dakong saan ako nakamukmok
Paliwanag mo'y nakapapawi ng lahat ng usok

Sa paglipas ng panahong waring nagtatanim
Ganap na sumisibol ang damdamin
At sa tuwing pinagmamasdan ng mataimtim
Lalo lamang nahuhumaling

Handa na bang magtiwala muli
At magpahinga na muna sandali
Sa isip na laging may tunggali
Ngayon ako na ba ay magwawagi?


JGA
Handa na nga bang magtiwala muli?

— The End —