Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Eugene Aug 2017
"Hoy! Bata! Magpapakamatay ka ba?"

"Magpapakamatay ka nga e. Buhay nga naman o!"

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, bata? May maghahahanap ba sa iyo kapag nawala ka? May magluluksa ba sa bangkay mo kapag namatay ka?"

"Bata ka pa. Alam kong marami ka pang pangarap sa buhay mo. Kung may magulang ka pa at mga kapatid, sana naiisip mo rin sila. Sana mararamdaman mo rin ang mararamdaman nila kapag nalaman nilang magtatangka kang magpakamatay. Isipin mo bata."

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay wala ng nagmamahal sa iyo, sige.. ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Sige, bata. Mauna na ako. Advance rest in peace."

Dinig na dinig ko pa ang paghampas ng malalakas na alon sa baybayin nang mga sandaling iyon. Naalala ko pang nababasa na rin ang aking mukha sa bawat tubig-alat na dumadampi sa akin noong mga panahong tinangka kong magpakamatay.

Gusto kong wakasan ang aking buhay.
Gusto kong malunod.
Gusto kong tangayin ng mga alon ang aking katawan.
Gusto kong mapuno ng tubig-alat ang aking ilong at bunganga hanggang sa mawalan na ako ng hininga at unti-unting bumulusok pailalim sa kailaliman ng dagat.

Ngunit... ang salitang binitiwan ng isang taong iyon ang nagsilbing leksiyon sa akin na pahalagahan pa ang aking buhay at ang mga taong nagmahal sa akin.

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay walang nagmamahal sa iyo, sige, ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal."

Noon, akala ko ang pagpapakamatay ang solusyon upang takasan ko ang dagok sa aking buhay. Nawalan ako ng tunay na ina. Namatayan ako ng ama. Pinagmalupitan ako ng aking madrasta. Hindi ako minahal ng mga kapatid ko sa ama. Kaya naglayas ako at napadpad sa baybaying dagat at doon ay naisipan ko na lamang na magpatiwakal.

Nawalan man ako ng magulang pero alam kung may nagmamahal pa rin sa akin. Hindi ko sila kadugo pero lagi silang nariyan para palakasin ang loob ko. Sila ang mga tinatawag kong mga kaibigan.
Pagkatapos ng nangyari noong pagtatangka ko ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay nagtagumpay akong maging masaya.

Hindi ako nag-iisa. Tinulungan din nila akong magbalik-loob sa Diyos. Ang mga nagawa nila ay isang napakalaking biyaya sa akin.

"Kung sa tingin mo ay hindi mo na kaya, magsabi ka lang. Kaming bahala sa iyo," naalala kong sabi ni Jem.

"Kaibigan mo kami. Huwag kang mahiyang magkuwento sa amin. Promise, makikinig kami," pag-aalo sa akin noon ni Jinky.

"Hindi lang ikaw ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo, Igan. May mas mabigat pa sa pinagdaraanan mo. Tiwala lang na makakayanan mo ang lahat," kumpiyansa namang wika ni Kuya Ryan.

"Kalimutan mo ang mga bagay na nagpapadagdag lang ng kalungkutan diyan sa puso mo. Tandaan mo, ang Diyos ay laging nakaakbay sa iyo. Nandito ako. Narito kaming mga kaibigan mo. Tutulungan ka naming bumangon," nakangiting saad ni Charm.

"Huwag ka na ulit magtangkang magpakalunod sa dagat ha? Kapag ginawa mo ulit iyon, kami na ang lulunod sa iyo. Ha-ha. Biro lang. Lakasan mo ang loob mo. Hindi ka nag-iisa," ang loko-lokong wika ni Otep.

Sa tuwing maalala ko ang mga kataga at salitang galing sa mga tunay kong kaibigan, panatag palagi ang loob ko na hindi ko na uulitin ang nangyaring iyon sa buhay ko. Papahalagahan ko ang hiram na buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Gagawin ko ang lahat upang maging masaya.

Narito ako ngayon sa Manila Bay at naglalakad-lakad. Gusto ko lang sariwain ang mga alaalang naging tulay noon upang pahalagahan ang buhay ko ngayon. Hindi man lamang ako nakapagpasalamat sa taong sumaway sa akin noon. Kung may pagkakataong makita ko man siya ay taos-puso akong magpapasalamat sa kaniya.

Pinagmasdan ko ang karagatan. Wala pang isang minuto akong naroon ay may nahagip ng mga mata ako ang isang babae na dumaan sa harapan ko. Patungo siya sa mabatong bahagi. Tila wala siya sa kaniyang sarili.

Nilingon ko ang paligid. Wala man lamang nakapansin sa kaniya. At wala ngang masyadong tao na naroon nang mga oras na iyon.

Mukhang magpapakamatay yata siya. Alam ko ang eksenang ito. Kung dati ako ang nasa posisyon niya, ngayon naman ay ang babaeng ito. At dahil ayokong may mangyaring masama sa kaniya, ako naman ngayon ang gagawa ng paraan para matulungan siya.

"Miss, magpapakamatay ka ba?" hindi niya ako nilingon.

"Magpapakamatay ka nga. Sigurado ka na ba sa gagawin mo?" lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang luhaan niyang mukha.

"Alam ba ng pamilya mo ang gagawin mo? Alam mo ba ang mararamdaman ng ina at ama mo kapag nawala ka? Sa tingin mo ba ay tama ang gagawin mo?" nakita kong napabuntong-hininga siya na tila nag-iisip sa mga ibinabatong tanong ko.

"Napagdaanan ko na rin iyan at diyan din mismo sa mga batong iyan ako dapat na magpapakamatay. Pero... hindi ko itinuloy. Alam mo ba kung bakit?" tumingin siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Parehong nangungusap.

"Ba-bakit?" nauutal niyang tanong sa akin.

"Bakit? Dahil wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Ang buhay natin ay mahalaga. Sana maisip mo iyon. Hindi pa huli ang lahat para itama ang mga bagay na sa tingin mo ay mali o nagawa mo. Hiram lamang ang buhay natin. Magtiwala ka, Miss. Mahal tayo ng Panginoon. Mahal niya ang buhay natin. At alam kong mahal mo rin ang buhay mo," iyon ang mga huling katagang binitiwan ko saka ako tumalikod sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig kong tinawag niya ako. At nang lumingon ako ay bigla na lamang niya akong niyakap.

**

Ang pangalan niya ay Yssa at siya lang naman ang babaeng tinulungan ko tatlong buwan na ang nakararaan. Siya lang naman ngayon ang kasintahan ko. Pareho kaming nagtangkang wakasan ang aming buhay, ngunit pareho din naming napagtantong hiram lamang ito at dapat na mahalin namin. Sinong mag-aakala na kami ang magkakatuluyan sa huli?
AtMidCode Nov 2017
Tinanong ako ni Annah
Kung maayos na tayo
Ang sabi ko
Ayon, normal naman.

Normal
Kelan pa tayo nauwi sa normal nalang?
Ah. Naaalala ko na.

Nagsimula tayong maging normal
Nang isang araw hindi mo ko matingnan sa mata
Ni hindi mo ko makausap kung hindi ka titingin sa baba
At kapag naman kailangang ikaw
Ang unang magsisimula ng usapan
Dinaig pa ng kapal ng usok sa kalakhang Maynila
Ang nakaiilang na atmospera
Sa pagitan nating dalawa.

Nagsimula tayong maging normal
Nang hindi na tayo nagsasabay umuwi sa hapon
Nang simulan **** isipin na ayos lang na umuwi nang walang paalam
May kasabay ka kasing iba.

Nagsimula tayong maging normal
Nang nahihirapan na kong
Magsimula ng usapan sa pagitan nating dalawa
Sa kung paanong sinasalamin ng Messenger sa pamamagitan ng ellipses
Ang mga katagang nais ko sayang itanong sa iyo
Ay sandali, online naman si Annah, siya nalang ang tatanungin ko
(Pwede kaya kong sumabay sa kanya?)
Wag na nga. Alam ko naman ang patungo doon.

Nagsimula tayong maging normal
Nang tanungin mo ang kagrupo natin sa kung ano ang gagawin
Gayong ako na kagrupo mo rin ang nasa iyong harapan
Pumunta ka pa talaga sa kanya
Ganyan ka kailang?

Normal naman sa atin ang hindi mag-usap nang madalas, hindi ba?
Normal lang naman kung makakalimutan **** may katulad ko
Na bukas palad na tinanggap ka
Noong mga panahong durog na durog ka na, hindi ba?
At bahagi din ng pagiging normal natin
Kung mas pipiliin **** burahin nalang ang mga nakaraan natin, hindi ba?

Nilalamon ka ng kalungkutan. Nasasaktan.
At isa akong napawalang kwentang kaibigan
Kasi hindi kita napatahan
Sa mga panahong tahimik **** isinisigaw
Ang mga bagay na sa tingin mo ay walang makauunawa
Wala akong karapatang masaktan
Kasi hindi ako naglakas-loob na tanungin
Kung anu-ano ang mga bumabagabag sayo
Hindi ko dapat indahin ang sakit ng pang-iiwan mo sa akin
Gayong para na rin kitang iniwan
Nang hayaan kitang unti-unting kumalas sa pagkakaibigan natin
Wala akong karapatang manumbat
Kasi hindi ko man lang sinubukang tanungin
Kung ano nang nangyayari sa iyo
Kaya mo pa ba?
At hinding hindi ko rin aangkinin
Ang karapatang sa una'y wala na sa akin
Na maging sandalan mo
Sapagkat hindi ko man lang nasabi
Na ayos lang na ikaw ay humugot ng lakas sa akin
Ayaw mo, oo
Kasi sa tingin mo pabigat
Ayaw mo, oo
Kasi sanay ka na sa demonyong kalungkutan
Na paulit-ulit lumalamon sayo
Minsan nawawala, ngunit laging bumabalik

Pagbalik-baliktarin ko man ang sitwasyon
Hindi lang ikaw ang nang-iwan
Iniwan din kita
Iniwan kita
Patawad
Patawad
Pakiusap, patawarin mo ko.

Madaling makalimutan ang mga magagandang bagay
Ngunit mahirap iwaksi mula sa makulit na isipan
Ang idinadaing ng pusong nasugatan at patuloy na nahihirapan

Kaya bilang pakunswelo sa tulad kong nagmahal sayo
Iniisip ko na lamang na isa ako sa mga magagandang bagay sa buhay mo
Kaya madali mo 'kong nakalimutan.

Huli kong bulong sa sarili
'Ayos lang 'yan. Makakausad ka rin. Magtiwala ka.'

Uusad at uusad ka rin.

Kaibigan, patawad ulit.
madrid Mar 2016
ito

ang sasabihin mo

sa mga taong iniwan ka

ito ang mga salitang binibitawan
sa panahong niloko ka niya, sa oras
na ang inihain sa iyong hapagkainan
ay ang sarili **** pusong naghihingalo
sumisigaw at sugatan, durog at duguan,
eto na


ang sarap ng tiwala




lasang PUTANGINA.




dahil tangina ng mga taong walang respeto sa tiwala
tangina  ng mga taong sinabihan na ng kanan pero nangangaliwa
tangina ng mga taong walang pagpapahalaga sa nararamdaman ng iba
kaya ang sarap ng tiwala

nabudburan ng isang kutsarang 'tarantado ka pala'
nasangkapan ng limang tasang pagpapakatanga

kaya siguro lasang putangina

sabi nila walang aasa kung walang paasa
walang masasaktan kung walang mananakit
walang mafafall kung wala namang,
pafall
pero hindi ito paninisi sa mga kupal ng mundo
dahil sa gitna ng lahat
ikaw parin ang nandidikta sa tibok ng puso mo
nasa huli ang pagsisisi
at walang ibang maituturo ang iyong mga daliri
kundi ang iyong saliri
na iiyak iyak matapos malaglag
mula sa ika-sandaan apat na pu't tatlong palapag

sino ang sasalo sayo?

na pinaasa, nasaktan at nagpakagago
nauto ng makukulay na salitang umagos mula sa kanyang bibig

sino ang sasalo sayo?

ikaw at ikaw rin ang susubok magtagpi
sa mga tingi-tinging bahagi ng iyong sarili
na ibinigay mo ng buong buo
at ngayon ay ibinabalik sayo ng

pira-piraso

sino ang sasalo sayo?

pero tangina talaga eh

bakit mahirap tanggapin
ang hirap ilapat sa ngipin, kainin at lamunin ang ideya
na sadyang may mga indibidwal na ang tanging ninanais sa buhay
ang tanging hangarin bago sila mamatay
ay ang mangolekta ng mga pangalan, listahan
ng mga napanaan ng simpleng katangahan

Eh sino ka nga ba?
Para maging mahalaga sa isang taong sa simula palang
ay alam **** sasaktan ka na
Tanga ka rin eh.
Ganyan talaga
Mahal mo eh.
Ang tanong,
Mahal ka ba?

Oo - masakit.
Pinaglaban mo eh.
Oo - mahirap.
May pinagsamahan na kayo eh.
Oo - mapait.
Dahil sa bawat minuto na hindi mo siya kasama
mapapatanong ka nalang ng
"Bakit, hindi ba'ko naging sapat?
Hindi ko ba binigay ang lahat?
Ang oras, dugo,
Pawis at puso
Para lang maparamdam sayo
na ikaw lang ang gusto ko.
Na ikaw lang ang pinagdadasal ko.
Ikaw lang ang akala ko iba
sa kanilang lahat.
Uulitin ko hindi ba'ko naging sapat?"

Siguro nga hindi.
Pero tatandaan **** hindi lang ako ang nagkamali.
Hindi ako ang nanakit.
Hindi ako ang nagpaasa.
Hindi ako ang nanggago.
At mas lalong hindi ako ang nagsabi ng mga salitang.
"Mahal kita"
Pero hindi naman talaga.
Ako ang naging tanga.
Pero putangina mo.

Dahil sayo,
hindi nako naniniwala
sa salitang tiwala.
Hindi na ko naniniwala
sa mga katagang "namiss kita".
Hindi na ko naniniwala
sa anumang hugis ng pag-ibig.
Nang dahil sayo,
Natuto na ako.

Ito na ang huling beses na lolokohin ako ng tadhana
Ito na ang huling pagkakataon na ibibigay ko lahat
sa iisang tao lang.
Ito na ang huling mga salita.
Kaya makinig ka.
Hindi na ako magpapakatanga
Para sa isang taong walang karapatang tawagin
akong pagmamayari niya.

Tama na.

para sa mga taong walang lakas ng loob magsalita
para sa mga nagpakatanga, nagpapakatanga at may balak na magmukhang tanga
para sa mga pinaasa ng salitang tiwala

pasensya na sa mararahas na salita
sa pagsabog ng aking dibdib
at pag agos ng mga bala
kailangan ko lang talagang ibahagi sa iba
ang pait ng isang taong binulag ang sariling mga mata
ang kasinungalingan sa likod ng pagiging masaya
ang pinagmumulan ng punyetang duda
ang sarap ng pagiging malaya
ang lasa
ng putanginang tiwala
Eugene Feb 2016
Lumaki akong namulat na may pagkakaisa,
Pagkakaisang hindi dapat ipinagsasawalang bahala.
Kahit mailap man noong pagbubuklurin ang kapwa,
Nananaig pa rin ito kasama ang pagkakawang-gawa.


Isang simpleng salita, malalim naman ang kahulugan.
Maihahalintulad sa bigkis ng laksa ng magigiting na sandatahan.
Sama-samang lumalaban para sa kapakanan ng bayan,
Upang maisulong ang kabutihan, hatid ay kapayapaan.


Ngunit bakit ngayon, pagkakaisa ay kay ilap?
Parang ilaw sa kabaret, bihira **** mahapuhap.
Takot na ang iba, kinalimutan pang mahagilap,
Dahil nakaharang ang mga buwaya, tinakpan ang pangarap.


Huwag nating hayaang ito ay tuluyang maglaho.
Alisin ang pangamba, buhayin ang karapatang pantao.
Magkaisa sa isang diwa ng maka-masang pagbabago,
Nang mailigtas pati ang mga inosenteng bilanggo.
George Andres Jul 2016
Preso ang Ikinukulong, Hindi Salita

Huwag mo kong ikulong sa mga salitang nais **** makitang taglay ko
Huwag mo kong sikilin ng kalayaan kong ipahayag ang nais ko

O bilangin ang metrong sumasaklaw sa mga katha ko
O mga tugmang umaabot na gayon na lamang ang paglantad na siya nga ay isang presong
Minsang kinulong sa iyong isipan at binigyan mo ng huwad na kalayaan

Huwag mo akong pigilan tulad ng mga letrang
iyong binitiwan kung sa'n ubos na ang oras na siyang dahilan
Upang matigilan ang mga salitang dumadaloy sa ugat na tila nagpipilahan
Sa isang lugar na napigilan ng kaguluhan at ingay ang malalayang sugnay
Ngayon ay dumadaloy na parang isang rumagasang ilog
Sa dulo ng dila ko ay laging naririyan

Isa akong salitang walang kahulugan ni patutunguhan
Salita ako ngunit hindi sinasalita
Ako ay kamatayan sa iilan
At buhay sa karamihan

Kaya't huwag mo akong pigilan ng mga pinili **** letrang
dapat ako, dapat ay tagalayin ko
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya
Parang ako  
Ang tula ay malayang di tulad ng tao dahil dito
Walang batas na maaring pumuna
at saglit na mawaglit sa tunay na eksistensya
dahil ang tula ay tula na wala kang karapatang
Yurakan o ismiran o saktan man
Ang tula ay tula na mga anak  ng manunula
Hinabi ng emosyon ng puso
ng pawis na nararamdaman ang
bawat patak bawat tibok at bawat sigaw
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya

Ako ang pag-ibig ako ang tula
Ang tula ng pag-ibig
Ang pag-ibig na mapagpalaya
Akong pag-ibig na hindi malaya

Kaya 'wag mo kong siilin ng mga salita
na nais **** makita na nasasa aking tula
Dahil ng tula ay tula
Ang tula ay malaya
Ang mundo ng tula kung sa'n malaya
Mundong nais ko sana
Isang mundong di ko kailanman matatamasa
Sa isang mundong kaaya-aya
7816
It'smeAlona Jun 2018
Sa aking lupang tinubuan
Na sinakop ng mga dayuhan noon pa man
Ang una'y mga espanyol na mananakop
Dala daw nila'y kristiyanismo
Upang ipakilala sa ating mga katutubo
Ngunit ang tanging hangarin pala'y manakop at gawing kolonyanismo
Kaya ilang daan taon tayong hawak ng mga ito
Ating mga katutubo walang nagawa kundi ang sumunod at magsawalang-kibo
May ilan ding nagsisipag aklas upang makalaya
Ngunit sa kalauna'y sila'y bigo sapagkat pawang malalakas at makapangyarihan silang mga nilalang
Nariyang si Gat. Jose Rizal na kinulong at binaril sa bagong-bayan
Na tinatawag na natin ngayong (LUNETA/RIZAL PARK)
At si Gat. Andres Bonifacio na hanggang ngayo'y hindi alam kung sino ang pumatay
Ang tanging alam natin sa kanya'y siya ang "Ang Ama ng himagsikan"
Sa kabilang banda'y hindi nagpatinag ang ating mga katutubo
Nagbuo ng mga samahan upang mapag-aralan kung kailan ang tamang panahon para lumaban
Kaya nung dumating na ang tamang panahon upang sila'y magsipag-aklas
Marami ang sa kanila'y naghimaksik upang ang kalayaa'y makamtan
Kaya noong taong Hunyo labing dalawa, isang libo't walong daan, siyam na pu't walo
Nakamtan ng ating mga katutubo ang kalayaan na kanilang pinaglalaban
Sa bahay ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Kabite
Kanyang iwinagayway ang ating watawat
Sagisag ito ng ating kalayaan sa kamay ng mga mananakop na espanyol
Sa mga nakalipas na taon, tayo'y naging malaya na
Ngunit, ano ba ang kahulugan ng isang malaya?
''Ito ay ang pag-gawa sa isang partikular na bagay ng walang humahadlang o kumokontra sayo at may kakayahan kang kumilos batay sa kung ano ang iyong gusto o nais''
Oo nga't malaya kang gawin ang iyong gusto
Subalit, labag naman ito sa karapatang pantao
At nakapapanakit ka na ng kapwa mo
Marami ang sa ati'y nakakalimot na sa mga paglapastangang ginawa sa ating mga katutubo
Marapat nating pagkatandaan na ang ating kalayaa'y utang natin sa ating mga bayaning nakipaglaban
At ang kalayaa'y dapat igawad sa lahat
Magkaroon ng pantay-pantay na karapatan ang bawat nilalang
Mapa mayaman o mahirap man
Mapa babae o lalaki man
Mapa bata o matanda man
Maging tunay sanang malaya tayong mga pilipino
Hindi lamang sa salita, kundi sa isip at sa ating mga gawa.
011521

Iaalay ko ang aking katha
Sa mga sumusubok sa landas na kayhirap pasukin
At ang sigaw nila'y kalayaan sa pagpili
Kung saan ba ang kani-kanilang tatahakin.

Malayang pagpili --
Pagpili sa hindi lamang gusto,
Ngunit pagpili sa kung ano nga ba
Ang tunay na nararapat.

Kaakibat ng pagpili,
Ay ang pagtimbang sa kung ano bang
Makabuluhan sa panglahat na kapakanan.
Hindi tayo pipili dahil tayo'y makasarili,
Bagkus tayo'y pipili dahil ito'y ating pinag-isipan.

Bakit ba gusto nating tahakin kung nasaan
Naroon na ang lahat?
At ang lipon ng bawat kulay ng bahaghari
Ay sama-samang pumoprotesta
Sa kani-kanilang adhikain.

Minsan, gusto nating matahimik..
Tahimik na lumalaban
Hindi gaya ng mga nasa lansangan
At itinatali ang sarili
Sa kanilang nasanayang batas.

Tayo'y hahalili sa kahapong nagtapos na henerasyon,
O baka nalimot mo na ring
tayo'y demokrasya na ngayon
Ngunit mga alipin ng baluktot na administrasyon noon..

Ano nga ba ang malinis na konsensya
Sa bayan kong dinungisan na ng pawis
Ng iba'ibang ganid na mga bansa?
O minsan nga'y masakit pa pala ang malaman
Na tayo rin mismo ang sumira
At lumaspangan sa bandila nating
Noo'y dugo ang nasa itaas.

Sakim ang ating mga sarili
Pagkat tayo'y nauuhaw pa
Sa pansarili nating kalayaan.
Tayo'y walang ipinag-iba
Sa mga pailalim na bigayan
At pagsalo sa kaso ng iba,
Pagtalikod sa karapatang ipinaglalaban
Ng mga naging bihag sa selda.

Habang ang iba'y naghahalakhakan
At pawang mga hangal
Sa kanilang pagbalot sa sarili
Patungo sa bukas
Na hihimlay sa kani-kanilang mga hukay.

Susuong ka pa ba?
Kaya mo pa bang magbulag-bulagan?
Pero sa buhay na iyong pipiliin,
Piliin mo sana ang daang matuwid.
At paano mo nga malalaman
Ang mas higit sa timbangan
Kung ang iyong pamantayan
Ay sirang orasan at papel na ginintuan..

Nasayo ang hatol
Ang hatol kung saan ka lulusong
Kung saan ka makikiuso..
George Andres Jul 2016
Ewan ko ba kung bakit
Sa pag-ibig may politika
Kung sinong mas may kapangyarihan sa puso mo
Kung sinong kayang bayaran yang mga ngiti mo
Kung sinong may kakayahang patahanin yang luha mo
O paagusin nang walang patumangga
Ano nga bang kapangyarihan ko?
Kundi makinig at makisimpatya-simpatyahan
Punasan ng mahimulmol na panyo ang mga pisngi mo
O ngitian at kulitin ka para di mo naman maisip ang mga problema mo
Ano nga bang kakayahan ko kumpara sa kanya
Kung binigay ko na lahat ng karapatang ari para sa'yo
Ano bang laban ko kung siya ang may hawak ng property rights mo?
Hindi ba krimen na ang tawag kung magnanakaw ako ng tingin sa'yo?
Pero bakit di ka pa nakukulong sa puso ko kung ilang beses mo na akong pinapatay?
Bakit ba wala akong lakas na gumanti sa tuwing sinasaktan ka niya?
Dahil ba sa nakapanghihinang pakiusap mo?
Sa malakas na pagtutol ng mga mata mo?
Maraming dahilan yan kaibigan.
Pero dahil politika ang pag-ibig, siya ang binoto mo at hindi ako
Siguro dahil siya nga ng napusuan **** kandidato.
O sadyang walang dating ang pagpapapansin ko
O dahil masyado mo na akong kilala na di mo nais na maging isa ako sa tatakbo
Nais **** siya naman ang maglingkod sa'yo
Kasi hindi ko alam, ang sabi mo kasi mahal mo siya
Alam mo ba ang salitang yan?
Sapat upang magpaguho ng mga buhay at kinabukasan
Hindi ko, ngunit mo
Pinalampas mo ang pagkakataong
Paglilingkuran kita na parang isang prinsesa
Kung ano ka naman talaga
Naiinis ako sa tuwing pinagmumukha ka niyang pulubi at walang silbi
Ikaw naman nililito mo siya
Binabato ng mga paratang
Tama na
Mahalin mo rin siya ah
Kasi di naman siya maluloklok kung di mo pinili
Pinili mo yan
Magdusa ka
Kahit pa mahal kita
Eh kung sa di mo ko nakikita
Ni binilugan sa balota
Paano ko pa ba ipakikilala ang sarili ko?
Kailangan bang masabing kayo upang mabigyan siya ng kapangyarihan sa'yo?
Pwede naman kitang paglingkuran kahit di ako pinili mo
Pwede naman kitang mahalin kahit kelan ko gusto
Kaya kong gawin lahat 'yon

---

Kahit walang pondo kundi ang puso ko
Kasi independent party ako
At ang katotohanang walang tayo
Di magiging tayo
Na sinampal mo sa aking mukha noon pa mang naging magkaibigan tayo
Tanggap ko
Wala naman akong hinihinging kapalit
Gusto ko lang masaya ka sa napili mo
At sana panindigan niya ng pagpapahirap sa damdamin mo
Kasi tangina kinuha niya lahat ng binigay **** buwis at pawis
Di man lang nagtira upang mabigyan ako

Pero sige na
Tama na'to
Wala nakong maramdaman
Isang kasinungalingan
Paalam na
Sana magtagal pa ang termino
Administrasyong binuo ng pag-ibig niyo
52916
zee Aug 2019
hindi ba't nagpaalam na sa isa't isa
aking tinanggap kahit 'di alam ang dahilan
kung bakit at paano nagawa; ika'y hinayaan na lang lumisan
nais mang tutulan ngunit ayaw tanggaling ang karapatang piliin ang daan
na iyong napagdesisyunan

naging mahirap sa umpisa—tanggaping
tayong dalawa ay dumating na sa katapusan
at hindi na kailaman pang mababalikan ang nakaraan
parte na lang ako ng mga alaala na kung saan masaya tayo sa piling ng bawat isa; gumawa ng sariling mundo ngunit tulad ng lahat ng kwento, lahat ay nagbago;
nandito na tayo sa huling pahina ng libro

ngunit bakit nandito pa rin yung
sakit?
sa t'wing naaalala kang paminsan-minsan
marahang napapapikit na tila bang ngayon lang naramdaman lahat ng pait;
nasisiraan na ata ako ng bait
naitanong na naman sarili kung bakit
sa puso ko'y ikaw pa rin ang
nakaukit?
George Andres Jul 2016
Ihain kaso
Sa mga akusado
Buksan ang lente
At maging responsable
Hiling sa presidente

Bangkay na patong-patong
Placard na nagsasabing
Sila ay lulong
Karapatang pantao
Ba't di isulong?

Dapat ibulong
Sila ay mali
Ng gawaing napili
Mabuti pang isuplong
Di ba dapat ikulong?

Dugong dumanak
Kailan katanggap-tanggap?
Dulot ng panganganak
Sumpa o tulong?
Bara ba sa pagsulong?

Lumobong bilang
Mga napagbintangan
Pagbilog ng b'wan
Supling na nanakawan
Walang kinabukasan
71716
aL Feb 2019
Malaya ang iyong kaluluwa na makasama ang mga naturing **** bahaghari ng iyong buhay, magpakasagana ka sa katuwaan, ngunit huwag palilinlang.

Mga mata **** huwag sana paaalipin sa hindi makatarungang kanilang nakikita. Higit pa sa makikita mo sa salamin ng iyong pagkatao, ang unang hakbang ay iyong pagkilala sa iyong sarili. Ngunit huwag palilinlang.


Kamay mo nawa ang siyang unang magaakay saiyo sa paggawa ng tama, magtatapon rin nawa ng lahat ng bakas ng kasamaan, at huwag kang palilinlang

Ang iyong isip ay gawing mapanalig sa pawang makatarungan lamang, ilayo ang iyong sarili at bigyan ka nito ng kasarilan nang hindi ka malinlang.

Kapwa, isa ka sa kaunting dahilan ng ating pagsibol. Magsisimula sa iyo ang pagbabago. Huwag nang hanapin pa ang katotohanan, sapagkat nariyan na sa iyong harapan.

Huwag itapon ang biyaya at karapatang maka-kita ng tama, maka-tutol sa kamalian, maka-pigil sa nangaapi at maka-gawa ng mabuti.
Jun Lit Dec 2019
Ha?!
Ano nga uli
'yong tanong mo?
Pakiulit . . .
Ahh . . .
ummm . . .
In commemoration of World Human Rights Day
English version:
How's the Human Rights Situation in the Philippines? (10w)

Huh!?
Come again!?
What were you
asking me?
Ahh . . .
ummm . . .

— The End —