Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kiko Aug 2016
Kung binigyan mo lang ako ng isa pang sandali
maaring ngayon ay may bukas na
ngunit tila ang araw ay naging gabi
at ang gabi ay ikaw

ang nota ay ang paulit-ulit **** paglisan
sa gitna ng tahimik na alingawngaw ng dilim
nang malapit na ang araw sa madali
at nang ang tiwala ay natutulog pa sa kuna

umalis ka.

pagkatapos ng iyong mga nagsusumamong halinghing
ng mga umiiyak na “mahal kita”
at ng mga bulong ng pangangailangan

umalis ka.

kasabay ng aking pagsuko sa iyong mga iyak
at kung kailan ang pagtangis ng puso ko ay mahal na din kita

umalis ka.

Sa gitna ng gabi
kung kailan paparating pa lang ang araw

umalis ka.

kung binigyan mo lang ako ng isa pang sandali
at inantay mo ang umaga,
sana ngayon
sa akin ay may bukas na.
ESP Nov 2020
Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Sa gitna ng hatinggabi at umaga

Mga aninong dumaraan
Hihigupin ang kamalayan

Maiiwan ka sa dilim
Malulunod sa kawalan

Susubukang tumayo, iiwas sa demonyo ng kahapon,
ng ngayon,
at kung darating man;
ng bukas

Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Sa gitna ng hatinggabi at umaga

Basang basa sa hinagpis at pag-iiyak
sa lahat ng mga bagay na hindi tiyak

Tatakbo palayo't susubukang lumisan sa kaibuturan,
sa kalungkutan,
at sana dumating pa:
ang kaliwanagan

Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Palagi nang inu-umaga
May pait na dulot
ang lubos na pag-iisa
From a prompt, "may pait na dulot ang lubos na pag-iisa".
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Eugene Aug 2017
Saglit lang ang ligawang nangyari.
Wala ngang isang buwan nang puso ko ay nadali.
Magkagayunpaman, nakaramdam ako ng sigla kahit na sandali,
Pintig nitong aking puso ay hindi kailanman nagkamali.

Dama ko ang bawat silakbo at mga pighating iyong hinabi,
Nang magkuwento ka kahit pa umabot tayo ng hatinggabi.
Tuwang tuwa ako dahil tiyan ko ay napuno yata ng tutubi,
Para kang mahalimuyak na nektar na sa akin ay kumikiliti.

Pagmamahal ko sa iyo ay tumindi nang tumindi,
Para kang apoy na kapag sinindihan ay lumalaki,
Kagandahan at talino mo ay labis kong ipinagmamalaki,
Katulad mo para sa akin ay karespe-respeto, aking Binibini.

Mahigit isang taon din akong iyong napapangiti,
Pero bakit ngayon ang puso ko ay nagdadalamhati?
Wala bang saysay ang lahat ng aking mga sinabi,
Na higit kailanman ay minahal kita kahit may gatas ka pa sa labi.

Kahit labis akong nagdamdam at nasaktan ay nagagawa ko pa ring ngumiti.
Kahit hindi mo na ako pinapansin, pilit pa rin kitang iniintindi.
Kahit ang layo ng agwat natin sa isa't isa, ikaw pa rin ang aking pinili.
Kahit ramdam kong ang pagmamahal mo sa akin ay umiiksi, tiniis ko ang pighati.

Kaya, ako na ang magtatapos sa pag-ibig nating hindi na puputi.
Ibabaon ko na lamang sa limot ang lahat ng alaalang namutawi,
Kahit madurog pa ang puso at isipan ko sa kakahikbi,
Hindi na maibabalik pa ang tamis ng kahapong tayong dalawa ang humabi.
kiko Mar 2017
Iilan nang estrangherong labi
ang dumampi
at alam na din kung paano humaplos ang iba't ibang tela
marahil
kabisado na din ang bawat indayog na walang musika

ngunit bakit

na sa tuwing pipikit
at sinusubukang sabayan ang korong hindi kilala
sumasagi pa din sa isip
na nakakulong ma'y sa hindi mo bisig
at hindi sa iyong unan namamahinga.

simula noong pagtalikod mo'y
pakiwari kong milyong beses nang umikot ang oras
ang sabi ko pa noo'y
nakalimot at malaya na
sa mga panahong inaantay ang paghimlay ng araw
dahil sa pagsilang ng gabi ka lang din naman masisilayan.

mahina pa din bang aamining
na pagkatapos ng linggong itong sinasakdal ang sarili
napagtantong baka siguro
hindi pa pala lumalagpas sa hatinggabi ang awit.

mahal,
baka siguro
sa susunod na gabi, nais pa ding sa iyo umuwi.
梅香 May 2020
sa magandang bukang-liwayway
isa na namang bagong paglalakbay,
ang naghihintay upang mas maging matapang
ang bukal na pusong naghihinayang.

sa pagsikat ng araw
bagong pag-asa ang lumilitaw,
para gumawa ng mga desisyon
upang buhay ay may direksiyon.

sa pagdating ng dapit-hapon
at nakuha na ang lahat ng pagkakataon
hindi alintanang nagawa kung anong tama,
ngunit walang malay rin sa nagawang masama.

at sa pagsapit ng hatinggabi,
wala ka nang ibang katabi
kundi ang iyong sarili,
at konsensyang naghuhunos-dili.
prosesong araw-araw na nauulit,
dito sa mundong puno ng "bakit?".
"...Pilit ko man itago, ngunit
isipan ko'y nasa iyo.
Hindi ko maiwasan,
hindi kaya ako sa iyo
ay tinamaan?🎯🥰

Maitatanong lamang,
bigkis mo kaya ang
aking kasiyahan?
Tuwing ikaw ay aking nakaka-usap,
damdamin ko'y nahahagip
sa mga ulap ng isang iglap. 🌬☁️

Hatinggabi nang muli,
payapa ang mundo,
may awit na bumubulong
at sa puso pumapanhik.

Bumangon at sa langit ako'y
tumatanaw na may ngiti,
libo-libong mga tala, iisa ang
pumukaw ng aking tanglaw...
Yun ay ikaw... 🙈🙈🙈

Iniisip-isip, sana'y masilayan
kita sa aking panaginip.
****-usap sa tadhana
na sana ang lahat ng ito
ay maging takda
at magkaroon ng
mabubuting gunita
at huwag sana mauwi
sa isang kisapmata
at maling akala..." ❤❤❤
Faye Feb 2020
Nagsimula sa isang hapunan
Hanggang umabot sa masarap na kwentuhan
Hindi namalayan ang oras
Hatinggabi na't tuloy parin ang tawanan.

Pagkikita ay nadugtungan
Muli ay nagkayayaan
Kain dito, gala doon
Ikaw at ako magkasamang nagbibiruan.

Kasama ka sa pag-uwi
Kasabay ng musika paulit ulit naririnig
Hindi namalayan ang oras
Makasama ka lg walang lungkot sa labi.

Labis ang lungkot sa iyong pag-alis
Mga boses at ngiti **** nakakasabik
Mga matang mapungay at labing mapula
Sa isip ko ay laging nakapinta.

Pero mahal, ako'y nasasaktan
Nasasaktan sa maling pagmamahalan
Pagmamahalan sa maling panahon
Panahon na sinusubok ng pagkakataon.

Sa iyong pag-alis ika'y may hiling
Ika'y huwag kalimutan at ang mga alaala natin
Natulala at hindi na alam ang ibibigkas
Pero pangako mahal, ako'y andito lang hanggang wakas.

— The End —