Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Bakit hangang ngayon?!? ...
Bakit hanggang ngayon.
Ang pangalan mo pa rin ang pinuputak ng bunganga ko
Napapagod na ang mga taengang nakikinig
Nangangawit na ang dilang ikaw pa rin ang hinihiling
Pag kalipas ng isang taon---
Bakit hanggang ngayon?

Ang puso ko’y tumatalon, kumikirot, natatakot, nalulungot
Marinig lang ang pangalan mo.
Makita lang ang anino mo---
At  oo. Nakikita pa rin kita.
Sa bawat matang aking pinagmamasdan---
Sa bawat kamay na aking hinahawakan
Sa bawat lalaking aking sinubukan ibigin nung tayo’y natapos
Hinahanap-hanap ang iyong mahihigpit na yakap
Ang iyong bisig na pumulupot sa aking bewang, leeg--- buong katawan
Ang matatamis na salita na iyong inaawit at inaawit… at inaawit ng paunti-unti…
Paunti-unting lumalapit. Sumusuyo sa pusong nakatago, nakakulong.

Bakit hanggang ngayon?
Kung saan man ako tumingin.
Nandyan ka pa din sa malapit---

Nakiki-usap ako, o aking multo, layuan mo na ako.
Tama na.
Ayoko na.
Pagod na ako sa parati **** pagdating sa hating gabi, ang iyong pagbisita sa aking mahimbing na panaginip
Nilulunod ako ng iyong mga huling salita
Nag-mamakaawa at humihiling ng kakarampot na pagmamahal
At alam ko’y ako  na rin ang syang pumatay
Sa iyo---
nung pinag-kait ko ang iyong ninanais na pag-ibig.

Dahil ako’y naunahan ng pangamba, ng pag-duda.
Eto ba ang iyong parusa? O SIGE NA! IKAW NANG PANALO!
Sasabihin ko na ang gusto **** marinig—mga salitang dapat dati ko pa sinabi:
          Minahal kita.

Mahal na mahal pa rin kita---
Patawad sa aking pag-tangi,
Patawad sa sakit at pait.
Patawad.
I haven't performed in a year and there was an open mic thing so I impromptu made a #hugot poem :)))
wizmorrison Jul 2019
Wika ko ay siya ring wika mo
Tayo ay mga kapwa katutubo,
Pilipino ang ating sinisimbolo
Ano man ang ating kulay at anyo.

Wika ay pagkakaisa ng bawat isa
Pinagbuklod-buklod ang puso’t diwa,
Bukambibig ng maraming dila
Sa pagkakaintindihan siya’y itinakda.

Wika natin ay dapat na mahalin
Hindi natin dapat alipustahin,
Ito ay karapat-dapat na galangin
Ating ipagmalaki at ating tangkilikin.

Wika ay siyang sagisag ng ating bansa
Na binuo ng mga  mamamayang bihasa,
Dilang bihasa sa paggamit ng wika
At mahilig sa mabulaklaking salita.

Wika ko ay siya ring wika mo
Bumubuhay sa ating pagka Pilipino,
Pinapatatag ang ating hukbo
‘Yan ang tibay ng Filipino!
040816

Tulang nakatulala,
Tulang lutang sa mga salita.
Tulang may pag-aalinlangan,
Tulang tumatawid sa kawalan.

Sinubukan kong maghimay ng mga letra,
Pero lahat sila'y mawawalan ng saysay.
Hinabi ko ang bawat parirala,
Pero may mga saknong na puno ng mga tanong.

Umaatras abante ang mga kuwit at tuldok,
Mga damdaming may padamdam,
Mga nagugulat na pananda,
Tila nakasalamin buhat sa panahon ng pagkatanda.

Iluluto ko ang mga salitang walang tugma,
Sa kalan at kawali nang walang sandok ng damdamin.
Titikman ko ang sabaw na pag-ibig
Na siya palang papaso sa dilang malambing.
Poot kanyang madarama
Sa mapait na tadhanang may konting kaanghangan.

Isasantabi ko ang hinain,
Saka na lang, pag malamig na ito
Saka ko na lamang titikman.
Nakakapaso kasi, hindi ko malasahan.

Tulang kulang sa rekado,
Tulang mangmang at kabado.
Tulang maraming halo,
Tulang **sana'y hindi talo.
Brent Feb 2016
hindi ako bubble gum
na iyong hahanapin
kapag ika'y nababagot sa kahihintay
na matapos ang iyong klase.

hindi ako bubble gum
na iyong pampalipas-gutom
sa kumakalam **** tiyan
na naghahangad na makatikim
ng pagkaing bubuhay sa iyong kalam'nan.

hindi ako bubble gum
na kaya **** paikut-ikutin
gamit ang iyong dilang mapanlinlang
na nagsasabing ako'y iyong minahal.

hindi ako bubble gum
na iyong iluluwa
matapos **** simutin ang lasang
iyong ninanais na makamtan.

at higit sa lahat,
hindi ako bubble gum
na iyong hahanapin
kapag ika'y naghahanap ng panandaliang tamis
sa mapait nating mundo.
first filipino poem i'll be posting here. trying myself if this works out as spoken word but it's kinda too short.
para sa Kidapawan*

Diktador ang makinarya.
Maringal ang langit. Walang ulan para
sa pasasalamat. Ang ating tanging pagkakakilanlan
ay pumapaimbulog sa bawat sugat na nagsara.
Muli nila itong bubulatlatin.
Hindi paham ang gatilyo.

Mabilis na matutuyo ang pangako
kung pawawalan ito sa katanghaliang tapat.
Tanaw ng nakabiting ulo ng araw
ang lahat ng nangamatay. Kasabay ng hangin
ang pagpapaluka. Hudyat ng ulan galing
sa ibaba – gigibain ang makapal na barikada
  ng katawan atsaka muling uuwi sa asawa’t anak
na may bahid ng pula ang kamay. Dulo ng kuko’y
kapiraso ng mundo. Itim. Hugis buwan. Ang pagputok
    ay isang rekoridang laging gumagapang patungo sa tugatog
     ng isang alala.

Dadalhin nila sa bingit ng pagpaparam
ang babasaging boses – ang mga bubog ay
isasaboy na lamang sa lansangan.
Lumalaon ay dumidiin ang bulahaw. Inutil
lamang ang pagtatalik ng kamay at bakal.
   Umusal na lamang ng dasal sa likod
ng kakahuyan at baka dinggin ng bathala
ang panayam. Walang iisang dilang tumatabas
  sa dahas.

kung saan sisimulang hanapin
ng mga mata ang isang lugar kung saan ang lahat
ay iwinawasto ng nakaraan ay lingid
lamang sa kaalaman.

bago mangapal ang dilim ay nilusong ng mga kalalakihan
ang nalalapit na katedral. Naghahabol ang papauwing liwanag
na masaksihan ang kabalintunaan.

wala silang nakita,
katawan lamang sa lansangan,
tinutubos ng kasaysayan.
Minsan nang naging utal
Ang dilang
Pait lang ang nalalasap
At isang kalansay
Sa malamig na sansinukob.

Dumi ng iba’y
Singkong duling
Heto ako’t
Isang krikitiko
Sa mapanglait kong titig.

Minsan nang
Naging kasapi
Ng pagluray sa bayan
matatas ang pananalita
Tangan ko pala ang madla.

Saksi ako
Pati silang kapwang
Panay bulag
Lahat sila
Minsan ding nanibugho
Sa taglay kong kagalingan.

Ibinandera ang sarili
Sa mga lapastangang dayuhan
Ngayo’y sila na
Ang yumuyurak
Ang pumapalakpak
Sa pagsalipadpad
Ng mga letrang
Ibig isuka’t ilabas.

Mapusyaw ang kulay
Ng aking pagbubunyi
Pagkat bibig nila’y
Kandadong mga
Walang susi
Walang kusang palo
Talusira sa katotohanan.

(11/29/13 @xirlleelang)
AstralPotato Jul 2019
Isang pagkakamali biglang nabura
Nabura lahat ng tamang ginawa
Isang pagkakataon ang ipinusta
Ipinusta ang akala niya ay tama

Tama ba na sabihing umalis ka?
Umalis sa kadenang kinasusuplutan?
Tama ba na sabihing lumipad ka?
Kung putol na ang pakpak at wala ng liliparan?

Humayo ka, lumaban ka, yan ang sabi nila
O kay daling sabihin ng dilang matalinhaga
Ngunit sa parehas na dilang iyon ka nalugmok
Makalilipad pa ba ang napilayang lamok?
I'm just so stressed af
aL Jan 2019
Ang pagtuyot ng dilang hindi makapagsabi ng ninanais
Saradong bibig sa maghapon habang ang tulala nama'y mga mata

Hawak ang hiram na pagasang kay nipis
Walang nang gustong bumuhay sa natutulog na diwa

Tahimik na nakikipagusap sa sarili
Ngayon lang nagawa marahil sa reyalidad ay takot

Magbulaybulay na walang kasama
Taon ring iniwasan bago tinanggap ang tunay na sagot

Siguro ay una pa lamang ay alam na talaga ang nilalaman ng puso

Pinipilit lang sa pagtanggi at pagisip upang hindi magsisi at makasiguro
More on head than heart

— The End —