Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
051022

At sumapit na nga araw ng paghuhusga
Kung saan hindi na pulso ng taumbayan
Ang ating sisiyasatin
Kundi ang puso ng bawat Pilipinong
Sumasambit ng “Mahal ko ang Pilipinas.”

Sabi ng iilan,
“Mahirap raw mahalin ang Pilipinas”
Iniisip ko nga paminsan,
Sapat na nga ba ang pagiging makabayan?

Sapat ba?
Ang panunumpa ng bawat Juan sa watawat
Na ayaw sana nating dungisan
Ngunit tayu-tayo rin ang nagwawasto
Sa paningin nating madayang pagpili
Ng lipunang ating ilang beses nang sinumpaan.

Kung hindi ako naniniwala sa Poong Maykapal,
Ay baka hindi ko rin maititikom ang talas ng aking dila
At walang himpil ding tatalak na walang pinipiling katauhan
Buhat sa makamandag na bugso ng aking damdamin.
At marahil ay sasabihin ko na lamang
Na ito ay isang paraan ng pagtindig para sa saking Bansa
Na may demokratikong pamamalakad.

Ngunit sa kabilang banda’y
Binabaling ko na lamang ang paghuhusga
Sa tunay ngang nasa tronong
Hindi na kailangang luklukin pa.

At naniniwala pa rin akong
Ang pag-asa ay hindi natin maaaring itaya
Sa sarili nating mga palad
Na kalauna’y mapupuno rin ng mga kalyo’t
Babalik din lamang sa alikabok.

Ano pa nga ba ang ating ipinaglalaban?
Sino nga ba ang tunay nating kalaban?
At para kanino nga ba tayo naninindigan?

Baka sa kasisigaw nati’y
Hindi lamang boses ang mawala sa atin,
Maaring nakawin din ang ating mga lakas at oras
Na sana’y ibinabaling natin
Sa pagpapalaganap ng natatanging katotohanang
Buhay ang ating Panginoong Hesus
At ang magandang balita’y
Nakadikit sa kanyang Ngalan.

Sinasabi kasi nating naghihinagpis ang ating mga kababayan
Kaya tayo na lamang ang magsisilbing mga boses para sa kanila.
Minsan nga'y nananatili na tayong hangal
Pagkat sa sariling dunong, doon lamang tayo nakaangkla.
Ngunit hanggang kailan ba matatapos
Ang sinasabi nating pakikibaka para sa mga nasa laylayan?
At ano nga ba ang dulo ng bawat hiningang napapagal na?

Sana hindi tayo tumigil sa paraang alam lamang natin,
Sana mahanap natin ang ating mga sariling
Nananatiling may pananampalataya
Sa Diyos na Syang may lalang sa sanlibutan.

Sana wag na tayong mag-alinlangan pang lumukso
Sa kung saan nga ba tayo pinasusuong ng Maykapal
At sana mahanap natin ang halaga natin
Sa presensya Nyang kayang pumuno ng bawat kakulangan.

At dito na rin ako pansamantalang magtatapos —
Pilipinas, gumising nang may pag-asa
Pagkat hindi natutulog ang ating Diyos!
Pilipinas, mahal kita at mas mamahalin pa
At patuloy kitang ipaglalaban
Hindi gamit ang mga armas
Na syang panukso't patibong ng mundo,
Titindig ako sa kadahilanang hindi lamang ako isang Pilipino —
Titindig ako para kay Hesus na aking pinaniniwalaan!
Salamat Ama, Sa'yo pa rin ang aming Bayan.
Louise Apr 2022
I want to open my ports like never before
I want to welcome you into my shores
I spent months bending my trees
I spent weeks without sun or sleep
Until you came, my summer sky
I forgot about the heavy rains of December
I forgot about all the damages from November
I feel like I could even grow mountains
Like I'm brand new
I feel like an unnamed island again
Because of you

My new season
My summer sun
My rebirth
My new earth
Imagining Siargao Island as a living, feeling and walking being... like Te Fiti. She wakes up every once in a while just to write poems and hum songs.

Siargao is recovering and open again ❤🇵🇭
John AD Apr 2022
Ama
Nakakasawa din pala magpanggap maging masaya,
Nakakulong sa kasinungalingan , Marami na rin ang nagtataka,
Diyos-diyosan ka ba ama ? bakit hindi kita makita o madama,
Walang ginawang paraan nakinig sa mga hindi kilala.

Ang daming balita , Nasagap ng aking dalawang tenga,
Nanatiling Pipi , ngunit matalas ang aking mga mata,
Puno ng galit inggit sa sarili ang aking mga nadarama,
Hindi nyo ko tinutulungan , hinayaan nyo lang akong mag-isa.

Kailangan ko bang saktan ang sarili ko para sa atensyon at simpatya?
O Mamamatay muna ba ako para lang mabuo muli ang aking pamilya?
Iiwan ko na ba kayo para lang tayo ay mag kanya-kanya?
O Baka may paraan , para ibalik ang masaya.
Sayang ang Panahon
042522

Sasapit na naman ang pinakahihintay na araw,
At hindi ito mananatiling sagrado magpakailanman.
Lahat ay mabibigyan ng patas na paghuhusga
At mismong lipunan ang syang magpapasya.

Naririnig ko na ang sigawan sa bawat dako ng gintong kompas
Kung saan ang kanilang hiyawa'y pagkakawatak-watak.
Iba't ibang ideolohiya sa demokratikong bansa
Kailan nga ba matatamasa ang tunay na pagkakaisa?

Sa bawat kulay na sinasabi nilang ito raw ang bukas
Ay ito rin ang gumuguhit sa kasaysayang tayo na't makibaka.
Kaya nga nating kulayan ang ating pagdikta
Ngunit sa ganitong paraan nga lang ba tayo kakalma?

Sa tuwing may mauupo sa trono na kataas-taasan,
Paano nga ba ang ating pagtindig
Para sa sinasabing mahal na bayan?

Pilipinas nga ba ang ating pinipili?
O kung saan lamang tayo kampante
Habang nananatiling namamaypay
At abala sa kabi-kabilang pag-uusig.

Iniisip nating tayo'y tunay ngang nasa laylayan na,
Ngunit ito nga ba ang kapeng gumigising
Sa dugo nating makabayan?
At sapat ba ang ating paghiyaw
Na walang hinihinging basbas mula sa Itaas?
Mga bibig natin, paminsan nga'y
Puno lamang ng mga palatastas.

Sapat ba na tayo-tayo na lamang
Ang naghihilaan pababa't paitaas?
Pagkat mismong pananampalataya'y
Nadudungisan ng walang katapusang pagkawatak-watak.

Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan --
Ikaw ang bansang hinirang ng Pagkataas-taasan.
Panatang makabayan, iniibig ko ang Pilipinas --
Sana'y mapaninidigan kita't
Hanggang sa huli'y maipaglaban
Pagkat maging aking hininga'y
Pansamantalata't pahiram lamang.

At hindi ito lotto o binggo,
Hindi tayo nagtataya nang kung sinu-sino.
Ngunit kung sinuman
Ang maging huling sigaw ng bawat Pilipino
Sana tayo pa ri'y magkaisa
Para sa dangal na nais nating isulong.

Ating pagkatandaan na kahit noon pa ma'y
May iisang hindi tayo tinalikuran,
Iisang Pangalan na may hawak ng bawat kapalaran
Higit pa sa bawat kulay na ating tinatayaan --
At Hesus ang Kanyang Ngalan!
Bangon Pilipinas!
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
Napuno ng tsokolate ang kanilang mga pisnging walang pakiramdam,
At ang awit sa tabing estero’y maingay pa sa pag-iri ng mga metal na may susi.
Unti-unti na rin silang naglabasan
Na tila mga gagambang handa nang pagpiyestahan
Ang mga bihag sa kahon ng posporo.

Narinig ko ang malulutong na mga papel
Na sabay-sabay ang pagpaubaya sa hanging umiihip ngunit mahiyain.
Ang mga palad na kanina’y nakatikom sa mga tela’y
Agarang nagsilikas at humalik sa mga lukot-lukot na papel.

Narinig ko rin ang mga latang may mukha
Buhat sa kani-kanilang sisidlan na kanina’y may makukunat na goma.
Ngayo’y isa-isa silang ipinatumba
Na para bang sa mga napapanood kong pelikula ni FPJ.

Hindi ko matantya kung ano ba ang ibig sabihin
Ng kakaibang sining sa mga mata nilang tila ba santelmo.
Maghuhulaan ba kami sa kanilang mga bolang kristal
O huhubarin na rin nang paisa-isa
Ang mga alagad nito’t maibubunyag ang aking pamato.
Xian Obrero May 2021
Sa dami ng mga taon na lumipas
Alaala mo’y wala pa ring kupas
Milyong luha na rin ang tumagas
Sa sakit hindi pa rin makatakas

Pangalan mo’y sigaw pa rin ng aking puso
Dama at dinig mo ba kahit ika’y malayo?

Dama mo ba ang bawat hinagpis?
Dinig mo ba ang aking pagtangis?
Bakit ka lumisang sobrang bilis?
Sa kirot at sakit, hanggang kailan magtitiis?

Sa dami na ng taon na lumipas
Ang pagmamahal ay wala pa rin kupas
Milyong luha man ay patuloy pa rin sa pagtagas
Mahal pa rin kita sa bawat darating na bukas.

Buhay mo man ay biglang binawi
Pag-ibig ko sa iyo ay hindi kailanman mahahawi

Ang buhay man ng tao ay may wakas
Mananatili ang pag-ibig na wagas
Hanggang sa dulo man ng wakas
Pag-ibig na wagas ay mag-iiwan ng bakas.
Ten Mercado Mar 2021
sayaw, Eriko

isayaw mo lahat ng
sinabi niyang “mahal kita”
na pakiramdam mo’y totoo
nung mga panahong
umaalis kayo ng
isang araw kada-linggo
kasi dinadayo ka pa niya
sa Maynila

sayaw, Eriko

iindak mo at
isigaw mo sa mikropono
ang pabulong niya pa
noong unang sinabi,
“ako na lang,
iingatan naman kita”
sa maulan na gabi na ‘yun
noong iniiyakan mo
pa ang mga pangyayari
na kinagigitnaan mo

isayaw mo, Eriko

itawa mo lang ang sinayaw
niya sa sala mo
noong gabi na ‘yun
mashed-potato lang kuno
‘di ba?

halakhak, napamahal
ka sa mukha niyang
parang pinigang tuwalya noon
hindi naman siya guwapo
gaya ng lagi niyang sinasabi

umaray ka, Eriko

nasipa ka ng katabi mo,
pero naalala mo lamang
ang mga oras na nagsisipa
ka ng bato sa Makati
habang naglalakad kayo,
at kinukwento niya
ang pamumuhay niya noon
sa malayong lugar,
pawis na pawis kayo
pero ngiti niyo’y abot langit

talon, Eriko
palakpak

ilang buwan na rin ang lumipas
noong huli kayo nagkausap
binati mo siya ng
maligayang kaarawan,
kahit ang araw mo nun ay
malayong-malayo sa maligaya,
kapos sa saya,
kapayapaa’y nahahanap
mo lamang pag nandiyan ang
barkada

kalma,
inom ng tubig,
Eriko, kawayan ang bote ng alak,
pero huwag kang lalaklak

hinga,

ipanalangin mo na lang na siya’y
maging masaya,
dahil alam mo naman na
iyon ang tama.
10/8/18
Random Guy Mar 2021
bibilis at babagal

ang oras at ang tempo
ang paghinga at ang paggalaw
ang tibok ng aking puso

bibilis at babagal

maging ang mga salita
maging ang mga hakbang

papalapit ng papalapit
ang ating mga tadhana
ang ating mga landas

dalawang bagyong magtatagpo
upang bumuo ng isang kalmadong relasyon
mapanuya
na hindi kailanman nila makuha

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng busina ng sasakyan
ilang metro ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng nagkukwentuhang lasing
ilang hakbang lang ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng sipol ng hangin
nagbabanta ng paparating na ulan

sasayaw sa kabila
ng mapanirang tadhana
na posibleng isa sa ating ang mapilay
o mapahiya
dahil hindi na makasabay
sa ritmo at giling
sa musikang dala ng tadhana

patayin ang musika
kagaya ng pagpatay sa nararamdaman
hindi na ulit ako sasayaw
kung hindi ikaw ang kasama
Next page