Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Glen Castillo Jul 2018
Umaga na pala,
Subalit tila umpisa pa lang ito ng dilim
Dito sa bayan kong nasa sinapupunan ng mga sakim
Pagpagan ang mga baro't saya habang hawak ang sedula
Nilang mga uhaw sa tronong ipinangako sa kanila

Naluklok na bagong puno,sa pagdaka’y nagpaulan
Ng mga balang hindi man tingga ay tumatagos sa kaibuturan
Sa dati niyang ka giyera na s'yang mga tunay na anak ng bayan
Iginapos sila’t ipiniit sa sandipang karapatan

Yaong mga bago niyang kawal ay matatayog pa sa kalabaw
‘Pagkat kasama niyang magkakamal ng salaping umaapaw
Mag kaka-ututang labi ay iisa ang kaliskis at balagat
Sila na mag kaibigang dila at ngipin sa pilak din mag-papangagat

Habang ang mga dating sadyang tapat sa gampanin
Ay mistulang mga bayani na lang sa hangin
Ang pagka dalisay nila sa maka-kapwang  tungkulin
Parang sa tubig na isulat at hindi na basahin

Kawawang Sta. Teresita bayan kong dinusta
Ng mga ganid sa kapangyarihan at mapang-alipusta
Akong anak mo’y nasa daluyong ng kapanglawan
Kabiyak mo sa balsang itinali sa nagluluksang pampang

Kawawang Sta. Teresita ginahasa ng mga mapag-samantala
Hinubaran ng dangal at piniringan ng telang mapula pa sa pula
Binusalan ang bibig hanggang sigaw mo’y hindi na marinig
Mga araw mo ngayo’y mamumugto sa haharapin **** pag-liligalig

Tahan na Sta. Teresita,Tahan na,
Bayan kong sakdal iniibig
Matatapos din ang sigwa,
Tutulay muli ang lunday sa sapa.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Mahal kong Bayan ng Sta. Teresita sa kasalukuyang panahon
7/31/2018
020917

Heto, magsisimula na naman ako sa dulo
Sa dulo kung saan ako mismo ang nagbigay katapusan
Nagbigay katapusan sa sanang "tayo."

Ako naman yung bumitaw
Sa akin naman nanggaling yung mga katagang
"Wag muna, huminto muna tayo."

Pero gaya ng ulan, di ko kayang pahintuin ang lahat
Gaya ng buhangin sa tabing-dagat,
Di ko kayang buohing muli ang sanang "tayo"
Kung ito'y gumuho na sa mismong mga kamay ko.

Parang mas di ko ata kaya --
Di ko kayang wala ka
Di ko kayang mag-isa
Na alam ko namang isa ka sa kalakasan ko.

Gusto kong ibaon ang sarili ko sa buhanginan
Sa buhanginan at magpatangay sa tubig ng dagat
At baka sakaling makabuo tayo ng "tayo"
Baka sakaling maging matatag ang "tayo"
Baka sakaling hindi na tayo sumuko sa isa't isa.

Paulit-ulit kong iniisip kung ba't ko nasambit ang lahat
Akala ko, namanhid ako sayo
Pero yung totoo, di ko man lang masabi sayo
Di ko masabi sayong ayokong bitiwan ka
Na ayokong pakawalan ka.

Gusto kong ihagis ang sarili ko sa dagat
At magpalunod hanggang sa sagipin mo ako
At buhatin mo ako sa pampang
At saka mo muling sabihing di mo ko iiwan
At saka mo sabihing mahal mo pa rin ako.

Gusto kong maggising sa mga bisig mo
Masilayan ka, makita ka, mayakap ka
Kasi di ko alam kung kaya ko pa
Kung kaya ko pang mawala ka ulit.

Pasensya kung nasasaktan kita
Kung nanghihina ako kapag wala ka
Na lagi ko sayong ibinubuhos ang bawat daing ko
Na halos manghina ka na rin dahil sakin.

Pasensya kasi sobrang mahal kita
Na sa halos tatlong taon,
Hindi kita binitawan
Pero ngayon, nagtataka ako
Nagtataka ako sa sarili ko
Ba't ba kita pinakawalan?
Ba't ba hinayaan kong maglaho na lang ang lahat?
Ba't ba pinahihirapan ko pa ang sarili ko?
Ba't ba di ko masabi sayong kailangan kita?

Oo, kailangan kita at oo, mahal kita
Hindi naman ako nagbibiro
At wala sa bukabularyo kong iwan ka at paasahin ka lang.

Di ko mabilang kung ilang beses kong hindi nasalo ang bawat luha
Ang bawat luha sa mga mata kong parang pawis
Parang pawis na dumidilig sa tigang na lupa
Hanggang sa masaksihan kong iba na ang ruta ko --
Na tila ba ang layo mo na
Na tila ba ang layo ko na sayo.

Siguro nga, natuto ka kaagad
Natuto ka kaagad na bitiwan ako
At sobrang sakit
Eh akala ko namanhid na talaga ako sayo
Pero alam mo, ngayong wala ka na
Ngayong wala ka na sa mga kamay ko
Parang mas di ko na kaya.

Ewan ko, basta
Basta lang --
Sana bumalik ka na
Balikan mo naman ako.
solEmn oaSis Apr 2017
hindi siya isang pintor
at ni hindi rin isang iskultor
ngunit nais na niyang maipinta
sa tulong ng mahiwagang tinta
yaong sa kanya'y humihimok
:mga kulay at puno sa diwa niya'y nakalilok!
Maging ang napakatayog na bundok
aakyatin niya hanggang mayapakan iyong rurok
at muli doon sa ibabaw
kanya pa ring isisigaw
ang mga pasaring ng kanyang abot-tanaw
bukam-bibig niyang imemensahe ang lihim sa liham nitong Tanglaw at Panglaw!
Bagamat minsan na niyang pinailanlang
yaring tagumpay na sa kabiguan ay sumalansang
at kung ating susuriin,di lahat ng kabalisaan ay gaya ng tubig sa pampang
sapagkat mayroong kapayapaan sa gitna ng kagulohang humahadlang.

Sa tuwinang pagmamasdan niya
ang walang pakpak na mga anghel sa lupa,
sa mga sandaling ramdam niya
ang mapanganib na mga lobong nag-aanyong tupa.
Iisa lamang ang katanongan na sa kanya'y sumasagupa
"ano nga ba ang kasagotan sa mata-pobre upang ito ay magpatirapa?"
nang sa gayo'y matutong manikluhod sa Dakilang Lumikha
Maiwaksi ang pang-aalipusta sa mga dusta
Huwag nang malunod pa sa yaman sa halip tumulong sa aba at dukha
sabi nga niya... ITAGA MO SA BATO AT SA TUBIG AY ILISTA
"hindi lang bilog ang kaya kong paikotin"
Ayon pa sa kanya--aking uulitin
"magagawa kong iluklok
ang magnasang maging nasa tuktok
basta't may kalakip na pag-ibig sa nasasakopang sulok"

hindi siya isang pintor
at ni hindi rin isang iskultor
ngunit nais na niyang maipinta
sa tulong ng mahiwagang tinta
yaong sa kanya'y humihimok
:mga kulay at puno sa diwa niya'y nakalilok!
learn to move
move to learn

*April 9 Araw ng Kagitingan sa Pinas
Christien Ramos May 2020
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ang naging pampakalma.
Bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa
ay seryoso.
Walang pagkukubli ang puso
Ang hindi mapirming mga yapak
ay katumbas ng pagkasabik sa’yong yakap.
Gabi, muli akong tumingala
Walang palya ang ihambing ka sa mga tala.
Kinukwento sa’kin ng mga kuliglig
kung paano tatahakin ang ‘yong pag-ibig.
Hindi ko kabisado;
‘Di alam kung pa’no babagtasin ang dagat na ito.
Wari nila’y diyan matatagpuan ang pagmamahal mo
ngunit, paano?
Sinasamahan akong maglakbay ng inggit at takot
Hindi madaling pamamangka ang sa aki’y bumabalot.
Ang bigat ng pag-aalala ang maaaring magpalubog
at malunod
sa luha at panaghoy.
Paano mapapanatili ang ningas ng apoy?
Ano’ng solusyon sa pagkabahala upang magpatuloy?
Hanggang sa itulak ako ng sapat na panahon.
Muling humakbang ang hindi mapirming mga paa
Humina panandalian ang ihip ng hangin
Marahan ang pagkulbit ng mga buhangin.
Matapang kong nilisan ang pampang
Lakas ng loob, isang bangka’t panagwan
Sabay naming idinawdaw ang aming mga sarili sa karagatan.
Hayagang ibinubulalas ng langit na ako’y maging handa
Malayo na ako sa pampang ngunit tanaw ko pa rin ang kaba.

Ang pagkulog ay nagsimula na.
Biglang pumatak ang ulan ng pagbabanta
Dinig ko ang bulungan ng mga isda.
Sambit nila’y masasayang ang pagbabakasakali
Hantungan ng pakikipagsapalara’y wala.
Galit na sumasayaw ang alon
Ang kidlat ng kawalan ng pag-asa’y sa aki’y humahabol
Pataas nang pataas ang sumasalubong na alon.
Ang ‘di mawalang pagdududa ay nakikipag-unahan
Umaakyat ang mga tanong sa’king isipan
Kailan ko ba matatagpuan?
Sabik na akong salubungin ang pag-ibig mo…
… ang pag-ibig **** nasaan?
Subalit, naghintay ako;
Walang humpay ang paghampas ng mga alon
Hindi natatapos ang pagtaas.
Bawat pulgadang nadadagdag ay ang mga sagot sa’king katanungan
At bigla ang pagtaob;
Tama ang bilin ng mga kuliglig
Ito nga ang natatangi **** pag-ibig
Mapanghamon;
ngunit presko sa pakiramdam.
Ang sarap palang makamit ang matagal mo nang inaasam
Pipiliin ko ritong manatili hanggang
ako ri’y iyong matagpuan
papagingdapatin **** ako rito’y manahan
‘pagkat kahit sa daluyong, kalmado akong magsasagwan.
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ay naging pampakalma.
Seryoso ang bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa.
Walang pagkukubli ang aking puso
‘pagkat dito pa lang sinta, mahal na kita.
raquezha Aug 2020
Nagpadagat kami kan saróng aldáw
Ta ako pirmi na sana bagang ribaráw
Gusto ko man sanang malingáw
Kaya uni nagbabaláw-bagáw
Kaibahan si Papa naglangoy sa taháw
Kan dagat asin pagkatapos mabalnáw
Maugmahon lang ngunyan na aldáw
Makakan kan dara ni Mama maski na bahaw
Itong inihaw na manok tapos sabaw
Igwa pang masiramon na lugaw
Si tugang yaon sa pampang naglalakaw-lakaw
Garo may balak na magpalataw-lataw
Aram kong masakit makakuha nin ilaw
Na mataong kusog buot na mapukaw
Sa satuyang kalag na nakatúkaw
Garo baga bagong mata, mungaw-mungáw
Mabagsak man an bulalákaw
An masinggayang pagmati ma-ibábaw
Sa kinaban, Dawa pa an inaaagihan ta halangkaw
Udók sa buot asin bakong karáw
An makaibahan kamo, Dai malilingaw
Na mapadagat ulit kita sa masuronod na aldáw.

—𝐔𝐝𝐨𝐤 𝐬𝐚 𝐁𝐮𝐨𝐭,  a Bikol poetry
1. Udók sa buot, wholehearted, from the
bottom of the heart
2.
https://www.instagram.com/p/CEE4RqFHlaz/
K Nov 2018
pag apak ko pa lang sa pampang,
lunod na ka agad.
tubig na pumapasok sa baga,
hinahayaan lang.

pero bakit ganoon?
pilit ka paring sinisisid,
kahit ang tubig hanggang talampakan,
kahit abot kamay lang ang buhangin.

hindi ako aahon, hindi ako hihinga,
mas gugustuhin kong malunod,
kesa umahon sa mundong wala ka.
sisisirin hanggang may perlas na makuha.
dahil mas lunod pa ako sa hangin na binibigay ng mundo kesa sa tubig alat na inaasam asam ko.
051922

Sa loob ng ilang taong paghabi ng mga tula’y
Nagsilbi pala itong aking pahingahan.
At sa pagpili kong isantabi nang pansamantala
Ang pag-ibig ko sa pluma’t papel
Ay unti-unti rin palang gumuho
Ang mga pader na naging proteksyon ko
Laban sa mga kumunoy ng aking damdamin.

Sabi ng iilan,
Gusto nila ng kalayaan —
Ngunit naiiba ata ang aking kagustuhan.
Pagkat mas ninanais ko pang
Punuan nang matataas na pader ang sarili kong bakuran.

Siguro nga, tama sila
Na takot akong buksan ang aking pintuan.
Siguro nga, ayokong sinu-sino lamang
Ang daraan sa aking paningin.
At baka sila mismo ang magtirik ng kandila
Para sa paghimlay ng aking mga pangarap
Na nais ko pang makamit at maibahagi.

Naisip ko biglang —
Wala naman palang masama
Sa pagtakip natin sa ating mga sarili.
Pagkat kung ang sinasabi nilang pagtago
Ay palatandaan ng kaduwagan at pagiging makasarili'y
Baka araw-araw na rin tayong nagugulantang
Sa mga nakahanay na mga kalansay at mga bangkay
Sa ating mga pintuang pinangangalagaan.

Ang bawat nilalang
Ay may sari-sariling paraan
Sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap.
At ang bawat katauhan di’y
May iba’t ibang paksang ipinaglalaban
At patuloy na pinaninindigan.

Kung ang mga pader nati’y
Hahayaan na lamang nating matibag nang basta-basta’y
Tila ba tinalikuran na rin natin ang ating mga sarili.
Pagkat ito’y hayagang kataksilan
Sa ating mga mga sinusungkit pa lamang
Na pangarap na mga bituin.

At kung minsang mapadpad na tayo
Sa pampang ng ating paglisan,
Ay tayo na rin sana ang kusang maging taya
At patuloy na lumaban at manindigan.
Para rin ito sa atin,
Para sa sariling kaligtasan
Laban sa walang pasintabing pagkukutya
Ng mga dayuhan sa ating mga balintataw.

Sana'y kusang-loob tayong magsisipagbalikan
Kung saan natin naiwan at naisantabi
Ang apoy ng ating pag-irog sa ating mga adhikain.
At kung pluma’t papel muli ang magsisilbing armas
Para sa muli nating pagkabuhay,
Ay patuloy rin tayong makikiindak
Sa bawat letra’t magpapatangay sa mga ideolohiyang
Kusang nagtitilamsikan buhat sa ating mga pagkatao.

At hindi tayo magpapadaig at magpapatalo
Sa mga ekstrangherong walang ibang ninais
Kundi yurakan ang ating pagtingin sa ating mga sarili’t
Sila mismo ang gagapos sa ating mga kamay
Upang hindi na muling  makapagpahinga
Sa piling ng ating mga pluma’t papel.
Kimiko Jan 2021
Isang Lugar
Kung saan
Walang Katungkulan

Wala ni isang
dapat gampanan
o dapat tularan

Malaya kang humakbang
sa pampang ng pinagmulan
Ng walang iniisip
o pagaalinlangan

Huminga ka ng malalim
At wag ng ipagkait
ang pangarap **** minsang Inukit
Na Tila ba'y ika'y naging malupit

Tama na, Tahan na
karapatan mo ang kumalma
ibigay mo sa sarili mo
ang dati'y wala na

ang maging masaya..
ang maging malaya..
sa sariling pagakakulong
ng wala ni isang
nakakaunawa
...
Be kind to yourself
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
Luna Mar 2020
Saksi ako
Sa wagas na pagsuyo
At sa tuwing pagdating mo sinta
Panglaw sa puso’y dagling naglalaho

Wala man katiyakan,
Muling pagsasama
Natutuhan ko nang mahalin
Ang pangamba.
🤍
AnxiousOcean Jun 2019
Sa isang patak,
Ito ay bubuhay;
Sa isang dagat,
Ito'y pumapatay.

Mamutawi man ang takot
Sa bawat pag-agos,
Mamumutawi naman ang saya
Sa bawat pagbuhos.

O kay gandang pagmasdan
Mula sa pampang.
Ngunit sa taglay nitong lalim,
Mananatiling mangmang.

Sa bawat pagbuhos ng ulan,
Sa pagbukas ng gripo,
Magbuhat man ng sakit o sustansya,
Mananatiling tubig ito.
****: Ikumpara ang iyong sarili sa isang bagay at gawin itong isang tula.
wizmorrison Jul 2019
Ako ngayon ay nalugmok
Sa sulok nagmumokmok,
Malalim na mga sugat
Sa kahapo’y idinulot.

Ako ngayon ay lumuha
Ngunit hindi ako kawawa,
Tumulo lamang ang luha
Babangon rin ng kusa.

Ako man ay nadapa
Iginapos sa tanikala,
Araw man ay mawala
Sisikat pa rin sa umaga.

Ako ngayon ay gagapang
Papalayo sa pampang,
Lilisanin ang hinanakit
Sa dibdib na kay sakit.

Ako ay magpapaalam na
Sa mga sugat na alibugha,
Magpapatuloy na ako
Kakayanin ko ang mga ito.

— The End —