Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Glen Castillo Jul 2018
Zet
Ang iyong mga mata’y lagusan ng liwayway
Sa kulimlim na bagtasin ng aba kong buhay
At ang iyong labi na sintingkad ng rosas
Ay ang tanghali ko sa mga gabing ayaw mag wakas

Ang durado **** buhok ay ang gintuang palay
Sa kaparangan ng puso kong hindi mapalagay
Ang ngiti mo ay binhi ng halaman sa kalangitan
Na sumisibol unti-unti sa mundo kong ‘di  na nadidiligan

Sa piling mo sana ang pinapangarap kong daigdig
Ituturing kong alapaap ang mahimlay ka sa aking bisig
Ngunit tulad din ng mga kwentong itinago ng kasaysayan
Maaaring ikaw at ako,
Ay kwentong ako na lang ang makaka-alam

Mapaglarong tadhana ay dito ako inilagay
Sa digmaang hindi ko kayang magtagumpay
Sa tunggaliang ang kalaban ko’y ako
Sa pag-ibig na hindi ko maipag tapat sa'yo

Palihim kitang sinusuyo
Kaya’t palihim din akong nabibigo
Patago akong lumalaban
Kaya’t patago din akong nasasaktan


Kung iadya man ng panahon na dito ka maligaw
Sa tulang habang panahon na ang laman ay laging ikaw
Ito pa rin ang mga sandaling ako'y alipin mo
Ito pa rin ang mga sandaling hawak mo ang aking mundo




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Ito ang ating kwento,ang kwentong ako lang ang nakaka-alam.
HAN Oct 2017
"Mahal na mahal kita" yan  ang sabi mo ng minsang yakap mo ako.
Ako'y ngingiti ng malaki higit pa sa buwang naka ukit sa gabi.
Pero bat ganito ang nararamdaman ko?
May halong takot at pangamba.
Oo mahal kita, mahal na makal kita.
Ang kinakatakot ko ay ako ay masaya,
ngunit baka ako'y iwan mo rin at hayaang lumuha mag-isa.

Natatakot ako na tuwing tinititigan kita
na bukas ay wala ka na
o baka, baka may mahal ka ng iba.
Natatakot ako.
Bakit ganito? Pagmamahal na napalitan ng pangamba.
Pagmamahal na napalitan ng luha galing sa aking mga mata.
na sa tuwing yakap kita, ako'y nangangamba.
Ayoko na...
Gusto kitang yakapin at sabihing---
"Mahal wag mo akong iwan"
Ngunit sasabihin mo
"Mahal, ano nanaman ba yan?"

Akala mo biro-biruan lang
ang pag sabi ko nyan,
pero isang matinik na takot ang nararamdaman.
Na sa tuwing aalis ka baka hindi na bumalik pa.
Na sa tuwing hindi mo pag-yakap sa akin sa gabi
ako'y nag-aalala sa lipi.
Na sa tuwing paghalik mo sa aking labi
baka... baka unti-unti mo nang nararamdaman ang pighati.

Mahal, pasensya na
kung ganito ang aking nadarama
sa pang araw araw na kasama ka.
Mahal hindi ko rin alam kung bat ganto ang nadarama.
Kaya siguro... ika'y pinapalaya ko na.
Mahal na mahal kita...
Na kaya kitang palayain at ika'y maging masaya.
Hindi dahil sa may mahal ng iba.
Kundi ako'y na tatakot na.
Hindi ko alam ngunit
sa tuwing kapiling ka, ako'y hindi makahinga.
Puro pag-aalala ang nadarama.
Daladala sa mga minutong kasama ka
sa gabing malamig,
sa mga tanghaling mainit.
sa muling pag-luhat pag-iyak.
Sa pananabik sa iyong mga halik.

Ito lang ang kaya kong gawin para sayo't sa akin.
Ang hayaan kang maging masaya kapiling ang iba.
Dahil aking nadarama may mas mahigit pa.
Sa kaya kong alay sayo at ibigay
sa pusong na nanamlay
at nadudurog na kasing liit ng palay
At ang tanging kayang sabihin sa mga bagay na aking nagawang kamalia'y
Mayala ka na aking mahal,
Tandaan mo, ika'y aking mahal na mahal higit pa sa aking buhay.
Have you ever  really really loved someone that you can set them free?
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
Eunoia Sep 2017
Isa, dalawa, tatlong yapak sa putik.
Isa, dalawa, tatlong lubog sa tubig.
Isa, dalawa, tatlong pugpog ng alikabok sa aking mga paa.

Hindi ako marunong magsalita ng Tagalog.

"Roel! Bilisan mo naman maglakad, patay tayo kay Ginang Cruz." Sambit ni rey.

"Oo sandali lang natumba ako sa putikan."

"Ang lampa mo kasi." Nagtawanan kaming lahat pagkwa'y tumakbo nang ubod bilis.

Mga kamag-aral ko sila. Palagi kaming magkakasabay sa paglakad sa umaga patungo sa eskwela. Natutuwa ako sapagkat masaya silang nag-aasaran kahit hindi ko naman maintindihan ang sinasabi nila. Nahihiya ako kaya nag-eensayo ako sa bahay o habang kami ay naglalakad, pabulong-bulong, ginagaya ang pagbikas ng bibig; ang pagsara, ang pagbukas.

Mga kamag-aral ko sila. Isang buong grupo kami na wari ba'y batalyon ng mga sundalo na handang sumabak sa giyera; may putik ang laylayan ng pantalon at basa ang mga paa.

Uy malapit na kami sa eskwela, ilang hakbang na lang; tumakbo sila, gayundin ako, mabilis. Nagpatuloy sila ngunit ako'y biglang huminto.

"Oo nga pala, hanggang dito na lamang ako", mahinang sambit sa sarili. Natigilan ako, lumiwanag ang mukha at sumilay ang tuwa. Tumakbo ako papalayo sa eskwela't papalapit sa palayan kung saan tutulong ako sa anihan. "Marunong na ako magsalita ng Tagalog!" Sigaw ko sabay yakap sa mga aanihing palay. Salamat sa mga kasabay kong maglakad tuwing umaga, salamat sa mga kamag-aral ko sa kalsada.
Dagli
Maria Navea Mar 2019
Naaawa ako saiyo, Binibini
Karumaldumal ang pamamaslang na iyong sinapit
Luha mo’y nagpaparamdam ng hapdi
sa pag tulo nito sa iyong mga pisngi.

Ginahasa ka ng sarili **** pinuno
Minulestya ka at pinagsamantalahan
Ibinenta ka sa banyaga na parang isang bayaring babaeng matatagpuan mo sa daan.

Ninakawan ka ng sarili **** tagapaglingkod
Binigyan mo na ng palay at lupain
Ngunit ang hindi na para sakanila’y nagawa pang angkinin.

Pamilya mo’y nagawa kang saksakin sa iyong likod
Sa kanilang pananahimik at hindi pagkinig
Sigaw **** “tulong”, sa lakas ika’y nawawalan na ng tinig; at
Sa pananatili nilang pagpikit sa mga karumaldumal na katotohanang sa harapan nila’y nakahain.

Ipagpaumanhin mo ang mamamayan mo, Binibini
Tao mo’y masyadong nasilaw sa kayamanang iyong binahagi
Pasensya ka na at sila ay naging makasarili
Hindi nila inisip ang dulot nilang hinagpis.

Binibini,
Sa kahit anong gamot ang iyong ipahid sa mga sugat **** natamo
Malinaw na hustisya ang sigaw ng puso at isipan mo
Hustisyang malabo mo nang maabot
Sapagkat tunay kang hindi inibig ng tao
Kundi ginawa ka lang instrumento sa pagkamit ng kanilang makasariling plano.
Pia Montalban Aug 2015
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang mga butil ng bigas
Ay mula sa mga butil ng binhi ng palay
Na bago pa man maitundos sa lupa
May paghahandang dapat na maisagawa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang kailangang palipasin
Ilang mga araw at linggong magdamag
Bago simulan bawat umaga ng pag-aararo
Bawat umaga ng pagpapalambot sa lupa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang pagkatapos ng pagpupunla’y
Mahabang takipsilim ng pag-aabang
At pagdidilig. Hindi lamang ng tubig,
Kundi pati pawis at dugo, higit na pag-ibig
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may panahon ng paghahasa
Ng mga gulok, sundang at karit
May panahon ng paghahawan
May panahon ng paggapas at pag-aani
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may aangkin ng lupang kanila
Batid nilang may panahon ng paniningil
May panahon ng pag-ani ng karapatan
May panahon ng pagkapatas
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Hindi sila nahihimbing sa kanilang paghihintay
Mababaw ang tulog, tiyak nila ang oras ng paggising
Ang oras ng pagtindig
Ang oras ng paghawak ng kanilang mga karit.
derek Jan 2016
Hindi ko alam kung mababasa mo ito.
Pero kailangan kong sabihin ang tibok ng puso ko.
Wala rin namang mapapala dahil wala na ring pag-asa
Kaya kung sasabihin ko ito, sa akin ba'y may mawawala pa?

Kagagaling ko lang sa isang bagyo
Pero nakagugulat na hindi ako sinipon, kahit basang-basa ako.
Nagsumikap magbihis, para makapasyal uli
nang makita ko ang matamis **** mga ngiti.

Hindi na ako nagpigil, wala nang mawawala sa akin
Kailangan kitang makilala, kailangan kong magpapansin.
Pangalan mo lang ang mayroon ako, pero nahanap agad kita
Akalain **** nasa iisang gusali lang pala tayong dalawa?

Hindi ako gwapo at hindi rin malakas ang loob ko
Nakakaawang kombinasyon sa mga panahong ito
Mas gugustuhin ko pang magpasensya at maghintay
Pero paano lalapit sa pagkapangit na manok ang pagkagandang palay?

Inalis ko na sa utak ko ang pag-aalinlangan
Alam mo na ito, dahil may bulaklak ka na kinaumagahan.
Ayoko nang secret admirer, dahil hindi na tayo bata.
Pinaalam ko kung sino ako, para makipagkilala.

Sinulatan kita, makailang ulit
Para alam mo na ako yung nangungulit.
Kaso hindi ko alam kung bakit
Ni isang sagot, wala kang binalik.

Hindi ko na kaya maghintay pa ng matagal
Kailangan ko itanong, kailangan ko malaman.
Hindi ako magwawala kung hindi ka interesado
pero sana sumagot ka, para hindi na ako manggulo.

Ilang sandali pa, tumunog na ang telepono ko
Lumukso ang aking puso ng makita ko ang pangalan mo!

"Salamat sa bulaklak, pero mali ang pagkakaintindi mo
"hindi ako naghahanap ng lalaking iibigin ko
"Pagkat may iniibig na itong aking puso
"Pasensya ka na, patawarin mo na ako".

Matagal akong natulala sa aking nabasa
Biglang lumiit ang mundo ko, hindi na ako makahinga.
Naglakas loob akong sumagot at sinabing "naiintindihan ko
"salamat sa pagsagot, at magandang gabi sa iyo".

Gusto ko lang sabihin, sa mga makakabasa nito,
walang ginawang mali ang dalaga sa kwento ko.
Hindi ko man siya nakilala ng lubos ay nakatitiyak ako
Nang inihulog siya ng langit, sobrang swerte nang nakasalo.

Hindi ko gugustuhing agawin ka.
Kasi kung maaagaw man kita, maaagaw ka rin ng iba.
Kung mabasa mo man ito, okay lang bang hilingin ko
kapag niloko ka nya, pwede bang sabihan mo agad ako?
Madelle Calayag Jan 2020
Maaga kong nilisan
ang lupang sakahan
Tinahak ang lugar
na maingay at magara,
ito pala ang Maynila.

‘di napigilan ng tirik na araw
ang aming pagkukumpulan.

Nagkamayan
kaming magkakabrad,
Simula na ng himagsikan.

Sariwa pa sa alala
kung pa’no
kami inagrabyado.
Itinulak.
Binugbog.
Tinakot.
Ginamitan ng dahas.

Sa plano ng gobyerno
kami pa rin pala ang talo.

Paano pa kami mabubuhay
kung wala ng lupang mapagtatamnan?

Akala ko sa bundok
o gubat lang may ahas
-yun ay sa akala ko lang pala.

Sa’ming magsasaka’y
Kumukulapot ang putik
Ngunit
sa inyong mga nakabarong,
animoy
walang duming nakabahid.

Sa inakala kong
tubig lang ang maaaring
idilig,
Dugo
pala nami’y pwede ring
pumatik.
Tila ba ang gobyerno’y namamanhid.

Nasaan na
ang pinangako nyong
libreng abono?

Ginawa nyo na bang pataba
sa mga bulsa nyo!?

Sa pagpunta
ng mga imperyalistang bansa,
Matutulugan
pa ba kaming mga dukha?
Makatatayo ako
sa aking pagkakadapa
Ngunit
ang bayan
kong nakalugmok ,
makakaahon pa kaya?
I wrote this four years ago for the Filipino farmers
kingjay Jan 2019
Sa malayong baryo ng lalawigan ng Antigo, ng bayan ng San Arden
Nakatira kapiling ng ama
Sa murang edad, sanay magtrabaho
Magpukpok ng pako sa tabla

Sapagkat naulila sa inang nagluwal
Ikinapahamak ang matagal na pagpapakasakit
upang mailabas lang kapagdaka
bilang anak niya
sa kamalig ng kanyang ama

Kinalong ng lolo
Mga kamag-anak ay humingi ng saklolo
Bumugalwak ang dugo sa patadyong
May pag-asa pa bang mailigtas
kung dadalhin pa sa bayan nang gamutin ng pantas

Sa daraanan sa palayan, kay lakas ng ulan
Pumapagaspas ang dahon ng palay
Kakaunti lang ang hininga sa di magkamayaw na hangin
Talagang binawian na
Nautas ang ilaw ng pamilya

Sapagkat iisa lang ang bunso't panganay
Kailangan sundin ang utos at patnubay
Kung nabagot sa kahihintay,
sa pag-uwi may sasalubong-
hampas ng latigo na maglalatay
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
JOJO C PINCA Nov 2017
“Uncle **” utang sa’yo ng Vietnam ang kanyang kalayaan,
Ikaw ang amang mapagpalaya na sa kanila ay gumabay.
Ikaw ang dakilang liwanag na sa kanila’y pumatnubay,
Kahit sa gitna ng laksang lumbay hindi mo sila pinabayaan.
Wala kang katulad sa buong Vietnam, ikaw ang bayaning tunay.

Sa ilalim ng iyong pamumuno walong taon ninyong nilabanan
Ang mga Pranses sa mga palayan, bundok at lansangan. At
Matapos ang walong taon ng nakakapagod na pakikibaka sa
Wakas ay napasuko ninyo ang mga kaaway.

Subalit di-naglaon lumitaw ang isang bagong kaaway,
Ang Estados Unidos na s’yang bagong halimaw na gustong
Humalili sa mga kolonyalistang Pranses. Lahat ng kalupitan
Sa inyo ay ipinadanas subalit sa udyok at impluwensya mo
Hindi kayo sumuko. Matapos ang labing-anim na taon ng
Madugong pakikipag-tuos natalo din ang dambuhalang kaaway.
Isa kang tunay na rebolusyunaryo na karapat-dapat na mamuno.

Subalit isa rin palang makata na sumusulat ng mga tula,
Mga tulang gumigising sa puso’t kaluluwa ng bayan.
Sumusulat ka ng mga tula habang nakahimpil sa gubat,
Habang pinapanood ang pag-aani ng palay at nung ikaw ay
Nabilanggo dun sa Tsina sa loob ng labing-apat na buwan.
Wala kang ibang kapiling kundi ang iyong mga tula.

Binasa ko kahapon ang mga tula mo, ramdam ko ang
Bawat mensahe nito. Alam ko na sa bawat paghalik ng pluma
Sa papel ay kasama nito ang kaluluwa mo at ang sigaw ng puso
Mo. Mga tulang rebolusyunaryo ang tema at dating.

Ang dahon at bulaklak ay tiyak na malalanta pero hindi ang iyong mga tula; mananatili itong buhay at naka-kintal sa puso ng Vietnam. Wala kana nga Uncle ** pero lalagi kang buhay sa puso ng mga kababayan mo at sa bawat puso ng makatang rebolusyunaryo na tulad mo.
Del Maximo Jul 2014
our part of Guintarcan
where family and relatives resided
was called, Li-og Li-og 1
a very large boulder at area’s end
resembled a disembodied head
lending the name, “small neck” 1

before the war
a peaceful private paradise
miles from town
beautiful birds
coconut trees
all sorts of seaside foliage

young married women
walked barefoot and *******
wearing only a sarong
wound at the waist
they carried round, flat baskets
atop their heads
full of food and other things

early morning, noon or just before dusk
men would be out fishing with nets
sometimes signaling each other
by blowing into conch shells
Father would come home with large conch
baby conch called bucawil
scallops and oysters in their season
he kept a jar of large black pearls
and small white ones

harvest time gathered us all together
Father would go fishing
to bring home a good catch
Mother, aunts and Grandmother
would prepare the treats
sweet potato, cassava and other goodies
men would bring chicken
and pigs to roast
and plenty of tuba to drink

they would build a big bonfire
by the shore
to light up the festivities
women would roast newly harvested palay 2
men would take turns pounding it
in a large mortar and pestal
starting slow then faster and faster
till they had to rest
and let someone else take over
onlookers cheered them
hooting and clapping
it would get so noisy
as the children watched in awe

after the pounding the women took over
shaking and shaking palay in flat oval baskets
tossing husks to wind with movements like artwork
what remained was placed in earthenware bowls
for all to enjoy this delicious 'pilipig'

singing and dancing into night
revelers went home drunk and happy
supporting each other as they staggered
waving goodbye to host and hostess
with a heartfelt and hardy
“Salamat!”


2 - rice with husks
© July 6, 2014
Madelle Calayag Jan 2020
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers
solEmn oaSis Jan 2022
Sintas Man Ay Kalas
Luma Na At Pigtas
Sapatos At Medyas
Dibaleng May Pintas

Kamisetang Butas
At Maong Na Kupas
Pigtal Na Tsinelas
Hindi Pa Parehas

Tinotonong Kwerdas
karakrus ang kwintas
sa sugal ay utas
pati pato hulas

bahala na bukas
tawagin mang takas
hihiram ng lakas
tatagay ng wagas

nalango sa wakas
kamay lang may hugas
bahid, patak, tagas
palay naging bigas

kahapon ay bakas
sing-linaw ng habas
nahinog ang prutas
ngunit di pinitas

bagsak mula taas
sabik na pumatas
kahit pa lumabas
tinatagong Katas

Tinukso Ng Ahas
Yinapos Ang Angas
Kinapos Sa Alas
Nilukso Yung Dahas

Natisod, Nadulas
Kasi Nga Nangahas
Kung Dati Minalas
Nadapang May Bangas

Babangong Matikas
Sa Mali iiwas
panata kong tagos
dalangin ay lubos

payak man ang lapis
yakap Di Pa labis
sugat na may hapis
ginamot ng kapis

Tila Tala Lihis
Kutitap Sa Bilis
Araw May Silahis
kidlat ang hagibis

mukha na manipis
nagpalit ng bihis
hahakbang sa libis
Layon Ay Malinis

Patama Ay Daplis
Ngunit May Hinagpis
Pinawi Ng Haplos
Animan na agos

Timplang Nalamukos
Animo Ay Musmos
Siglang Dinaraos
Biyaya Ay Puspos !!!
Coming 🔜...
" Pakay ng Yapak "
Jun Lit Dec 2021
Tila namanhid na ang babahaang landas
walang patid ang agos ng luha, habang walang habas
ang malupit na lilik-panggamas -
patuloy ang tila nag-aamok na pagwasiwas.

Kahit mura pa ang uhay
ng nagbubuntis na palay
Namúti na ang katiwala ng mga bunso't panganay:
Walang sinanto ang pakay
ng aninong sumalakay.
Sinimot pati ipa. Ang imbakang burnay
tuyung-tuyô, tila balóng patáy.

Ubos na ang mga ninuno sa Purok
Ang mga inanak at inapo, tila mga but-o ng kapok
nangalat na sa malalayong pook
Hindi na tumalab ang mga erihiyang tampok
Ang lamping ibinalot, balót na ng usok.
Ang binalot na kapirasong pusod, bakas na lamang ng balok.

Karipas na ang binatilyong habol ang mutyang pailaya.
May baon pang pagkain, pagsasaluhan pag nagkita
Ngunit mabilis na napawi ang tanawing kasiya-siya
Ang natapong lomi, natabunan na ng aspalto’t palitada
kasama ng mga bakas nina Utoy at mga kabarkada
sa ilang dekadang araw-araw na pagbagtas, nakasipit at gura
mula sa Baryo Balintawak hanggang Lumang Baraka.
Di na makilala. Wangis ay mistisong pilipit. Ay! Ay! Lipa!
This is the 17th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly  on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years. Change is indeed inevitable. However, forgetting the past and/or revising history, will eventually prove quite costly for a country or people, culturally and in many other ways.
solEmn oaSis Sep 2024
Ganito Ang talento ng tinaguriang gagamba,
Ang Sabi ng iba Sila ay kakaiba
dahil nga sadyang
Ganyan Sila kahit
Hindi nasa manila.
Nag - aabang lang ng bibisita
Kahit nga ba bibihira
Ang may maggala
ay tiyak maaantala
Kapag napadpad sa animo'y ala bang tahanan na tahasang walang hagdan
Ngunit kabit-kabit eh
Ang kawit ng madidikit na bahagdan ng bawat hiblang malagu na.
Ni Ang hari ng kagubatan ay di siya nais magambala

Malaglag man sa Muntinlupa
Kagyat Silang ia-Angat Dami man ng hadlang,
tutulay lamang
Ang gagamba gamit Ang
sapot at mga galamay...
Ganon pa man Bigte man Ang  pagtanaw ng Leon at tigre sa maliit na nilalang ...
Naka- Tungko lamang Ang kanilang matalim na pangil at angil
pagkat sa loob-loob nitong mababangis at hayok sa laman
ay mapag aalaman---
Ano nga naman
Ang kanilang mahihita
na Karne sa naglalambiting mga galamay
Wika nga sa payo ng dayo
Tinawag Silang Gagamba
sapagkat Ang sino Mang tao
sa kanya'y gagambala
Walang dudang mapapatingala
muna bago yumuko

Mabuti pa daw Ang mangilag
na Lang Sila sa maliliit na nilalang
O di kaya'y maige pa mangilog at magbaka sakali dun sa may Sapang Palay magawi at nang mapawi Ang Kalam at uhaw sa may kawayan .

Sabi naman ng iilan mabuti pa Ang dalanghita mula pa sa pagkabubot nito Hanggang sa maubod na nga sa pagkahinog ay masasabi na talaga namang may asim pa .
Lalo na para sa mga nagda
dalang-tao na minamatamis
ang pangangasim ay iyon ang prutas na ipanlulutas sa kanilang pananaghili .

Sa madaling salita
Ang magaling na Balita
Kakailanganin pa Ang pakpak
Kahit pa mag taingang-
kawali Ang lupa...
Dahil Ang tinutukoy ko sa aking pamagat ay walang iba kundi Ako !
At Ang munting Gagamba Ang siyang maituturing Kong Dambuhala

Kaya nga Ang paniniwalang imbes
trabaho Ang siyang lalapit sa akin...
Yaong mga sapot na bahay Ang
siyang dapat Kong hagilapin...
Kasi nga Ang mga spider web kung tawagin sa ingles...
Ay Ang siyang Lunas na walang dahas upang maging Isa sa kanila !
Silang mga empleyado na dati rin namang Isang sawi
Hanggang Ang mga hain na pain
sa magiging bitag na hayag
ay may kaakibat na kabalikat
Upang mapagtagumpayan Ang mapusok na pagsubok...
Nang sa gayon ay matupad Ang layon niya sa kaniyang mga kanayon na ...
Maging Isang sakdal
sa pagiging kambal
ng papremyo at Tropeyo !
Habang ninamnam
nang mainam
Ang pakiramdam
ng Isang uhaw at Kalam
kahit lumabag pang magpaalam
sa lahat ng nais niyang mahiram
...ay daglian namang mapaparam
Itong Nag-Alab Kong liyab
Mula pa sa dating pasaring
Hanggang mahirang
na Isang....
wagi
Jun Lit Sep 2024
Tila namanhid na ang babahaang landas
walang patid ang agos ng luha, habang walang habas
ang malupit na lilik-panggamas -
patuloy ang tila nag-aamok na pagwasiwas.

Kahit mura pa ang uhay
ng nagbubuntis na palay
Namúti na ang katiwala ng mga bunso't panganay:
Walang sinanto ang pakay
ng aninong sumalakay.
Sinimot pati ipa. Ang imbakang burnay
tuyung-tuyô, tila balóng patáy.

Ubos na ang mga ninuno sa Purok
Ang mga inanak at inapo, tila mga but-o ng kapok
nangalat na sa malalayong pook
Hindi na tumalab ang mga erihiyang tampok
Ang lamping ibinalot, balót na ng usok.
Ang binalot na kapirasong pusod, bakas na lamang ng balok.

Karipas na ang binatilyong habol ang mutyang pailaya.
May baon pang pagkain, pagsasaluhan pag nagkita
Ngunit mabilis na napawi ang tanawing kasiya-siya
Ang natapong lomi, natabunan na ng aspalto’t palitada
kasama ng mga bakas nina Utoy at mga kabarkada
sa ilang dekadang araw-araw na pagbagtas, nakasipit at gura
mula sa Baryo Balintawak hanggang Lumang Baraka sa Lipa -
Di na makilala. Wangis ay mistisong pilipit. Ay! Pilpinas pala!
The original version was the 17th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly  on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
This year, I reviewed those of my poems that mention or discuss history. While the original poem actually refers to the forgotten massacres and related events during the latter part of the Japanese occupation (World War II), I came to realize that the events of the Martial Law years seem to have been forgotten also by our people, especially with the recent attempts at historical revisionism.
Change is indeed inevitable. However, forgetting the past and/or revising history, will eventually prove quite costly for a country or people, culturally and in many other ways.

— The End —