Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
astrid Feb 2019
6th of december, 2018.

“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana.” Madalas kong naririnig ‘yan, palagay ko’y ikaw rin. Pero kung iisipin, napakarami nating mga taong natatagpuan na nakatakda ring umalis. Ang ilan ay babalik, ang ilan ay maglalaho na lang. Hindi ko alam kung saan ka riyan nabibilang. Walang pakiramdaman, walang pakialamanan, walang pakundangang naghahanap ng mga bagay para pilit kang makalimutan. Gigising ako nang nakangiti, masaya, at ang nasa isip ay
“kakalimutan na kita,” ngunit kahit kailan ay hindi ‘yan nagkatotoo. Ang pag-asang makaahon sa ‘yo ay palabo nang palabo. Sa bawat gabing nagdaan, napapatanong ako kung saan na naman ako nagkamali. Saan na naman ako nagkulang? Saan na naman ako kinapos? O baka naman sumobra? Paikot-ikot ang mga mata sa lugar kung saan tayo huling nagkita. Saan mo ako iniwan? Pareho tayo ng pinupuntahan, pero hindi ko na alam kung paano pa babalik. Hindi kita mahagilap; ang tanging palatandaan ko para makabalik ay hindi ko na mahagilap. Dahil naglaho ka sa isang iglap. Hindi ko na alam kung paano pa babalik. Dahil hindi pa kita nakikita.

Ilang eskinita lang naman ang pagitan nating dalawa. Nariyan ang mga tricycle para mahatid akong muli sa bahay ko. Nariyan ang mga dyip na pupwede kong masakyan para lang mapalayo sa ‘yo. Tayo’y palaging nasa ilalim ng parehong langit, aalis at uuwi sa iisang lugar ngunit hindi man lang kita makamit. Pareho ng sinasakyan, pareho ng mga dinadaanan. Iisa lang naman ang mga pinupuntahan natin, ngunit ang araw-araw kong biyahe ay naging ikaw na ang destinasyon. Nagbabakasakali lang naman akong baka matupad mo ang aking imahinasyong hindi ko na batid pa ang limitasyon. Sa bawat pag-alis ko ay nananalanging magkita tayo sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi ko pa rin alam kung paano babalik. Alam ko ang ruta, alam ko ang sasakyan. Ngunit ako mismo ang nagpupumigil. Dahil hindi mo ako tinutulak palayo. Hindi pa man tayo nagkikita, mas gugustuhin ko nang hilain mo ako paalis sa kung saan mo ako iniwan. O baka ang presensya mo lang ang hiling kong masilayan, para tuluyan na akong makalakad paalis sa piling mo. Hindi ko naman mapapantayan ang babaeng nagdala sa ‘yo sa tahanan mo— ni hindi ko nga alam kung paano umuwi sa dapat kong uwian. At sa bawat biyaheng sinusulong ko, hindi ko man lang naisip na baka mali ang daan na tinatahak ko. Iba pala ang langit na pinagmamasdan mo sa umaga, kahit ang mga bituing nais **** titigan sa gabi. Iba pala ang sinasakyan **** dyip sa bawat pag-uwi. Iba pala ang eskinitang napapadparan mo. Iba pala ang langit na sinisigawan mo ng pangalan niyang kaakibat na ng apilyedo mo. Iba pala ang inuuwian mo.

Pasensya na, tanga ang kasama mo. Mali, hindi mo pala ako “kasama” dahil kahit kailan ay hindi ka naman sumama. Hinayaan ko ang sariling maligaw sa mga mata mo. Hinayaan kong mawala ang isip sa mga salita **** nadadala ako sa ibang dimensyon ng mundo. Hinayaan kong magwala ang pusong binuhay mo— na bibitawan mo lang din pala, dahil masyado itong magulo. Ngayon lang ako nakalabas at hindi na muli pang magtatago, ngunit niligaw mo ako. Pasensya na, gagapangin ko pa ang sarili ko palayo sa ‘yo.

Hindi ko maintindihan kung paanong ako’y napadpad sa ‘yo kung hindi ko pa nasisilayan ang mga mata **** mapanlinlang, na kung saan ay nagpahatak pa rin ako— delikado, at muntik pa akong mabaldado. Huwag na sanang pahintulutan ng mundo na pagtagpuin pa tayo, dahil kung sakali ay baka hindi na ako umalis. At baka samahan pa kita kahit saan ka man papunta, kahit sa piling niya pa. At lalong hindi tayo isang halimbawa ng “Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”. Inaantay ko pa lang ang matagpuan kita, upang makaalis na ako.
m.r.
meliza Mar 2017
kamusta, mahal? malungkot ka na naman.
alam kong nahihirapan ka ngayon, at mas nasasaktan ako dahil alam kong wala akong magagawa para lang mapasaya ka sa kahit anong paraan.
mahal na mahal kita.
pero ang bersyon na minahal ko, ang ikaw na minahal ko, ay ang ikaw na ginawa niya - ang ikaw na nagmahal sa kanya, ang ikaw na sinaktan niya. ang mga bagay na kinagugustuhan mo ngayon ay mga bagay na kinagustuhan rin niya.
at mahal, ang tanging hiling ko lang ay makilala ka kung sino ka bago siya. kung ano nga ba talaga ang nagpapasaya sa 'yo na hindi naman siya ang gumawa. kung paano ka ngumiti at tumawa ng hindi dahil sa kanya. dahil mahal, mahal na mahal mo siya kahit sinaktan ka niya, kaya't binago mo ng lubos ang sarili mo para mahalin ka.
pero nandito ako para mahalin ka kung sino ka, at hindi kung sino ang ginawa niya.
isa lang akong babaeng may papel at panulat. isang babaeng umaasang ang mga salita kong ito balang araw ay magiging sapat.
para lang maging masaya ka.
marahil ay malabong mangyari na maging masaya ka pa kahit na wala siya. marahil ay hindi na maibabalik ang ikaw bago mo siya makilala.
gusto lang kitang makitang tunay na masaya.
kahit hindi na ako ang maging rason pa.
kahit hindi ako ang dahilan ng mga tawa **** malakas. kahit hindi na ako ang makakita ng ngiti mo na walang lungkot na bumabakas.
kahit alam kong kung wala ka, mahirap harapin ang bukas.
nakatakda siguro talagang hindi ako ang taong magmamahal sa 'yo at mamahalin mo sa buhay. nakatakda sigurong hindi ko mahahawakan ang iyong kamay. kahit sabihin mo ngayong mahal mo rin ako, alam kong hindi iyon tunay. ngunit mahal, ayos lang. basta lang makita kitang masaya.
dahil mahal na mahal kita.
I know that there's others that deserve you / but my darling, I am still in love with you
AgerMCab Jan 2019
Dumating ka sa buhay ko ng hindi ako nakahanda
Ni hindi ko inaasahang  mayroon pang nakatakda
Akala kong wala na, ngunit humabol pa ang tadhana
Pag ibig mo'y wagas, ang wika mo sa harap ni bathala

Nagagalak ang aking puso na may halong pagkagulat
Ang iyong tagong pag ibig sa wakas iyong siniwalat
Pagmamahal na tila sa mundong ito hindi nagmula
Pag ibig na wari ko nga ay galing sa ibang planeta

Ang kagulat gulat, kaya ko palang magmahal higit sa akala ko
Pagmamahal na magagawa kong ihinto ang lahat, para lang sa iyo
Gusto ko sanang ipaalam, ipagsigawan at ihiyaw sa buong mundo
Na ikaw ay akin at akin lang sana, ngunit maaaring dulot ay gulo

Natuto tuloy akong sumigaw ng pabulong
Hanggang kelan ko kaya kakayaning bumulong
Ang pag ibig ko ngayon tila ay hindi makasulong
Ang katagang "mahal kita", tila presong nakakulong

Sa ngayon, ang alam ko, NGAYON ang mayroon ako
Hindi ko nga alam kung anung bukas mayroon tayo
Sa ngayon, ang ngayon lamang ang pinanghahawakan ko
Yung ngayong minamahal kita at mahal mo rin ako

Yung ngayon na naririto ka sa buhay, sa puso, at isip ko
Yung ngayon na sa iyo lamang umiikot ang buong buhay ko
Kumikislap ang mga mata at ngumingiti ang mga labi
Na para bang sa mga pangarap ay may bukas na hinahabi

Sa aking pangarap ang lahat lahat sa iyo'y akin
Mula anino, pati iyong diwa'y aking angkin
Ngunit paano kung ako'y magising na, lahat magwawakas
Ikaw rin ba'y nangarap na para bang tayo'y mayroong bukas?

Ang tunay daw na pag ibig ay hindi mapag ari
Paano ang gusto kong ika'y aking gawing hari?
Nais ko'y akin lang, ang iyong ngayo't iyong bukas
Sana'y akin ka hangga't ako'y mayroon pang lakas

Darating ang panahon, tayo'y magwawalay
Sa oras na yan mundo ko'y malulumbay
Sadyang kailangan ko nga lang tanggapin
Ika'y hindi kayang tuluyang maangkin

Ganap ang dusang nasa akin
Dahil ikaw ang aking hangin
Ang aking araw, aking langit
Aking tala at buwan sa dilim

Oo't may dahilan kung bakit ngayon tayo pinagtagpo
Kung anumang dahilan isipin pa ay nakakahapo
Ni hindi nga natin alam kung hanggang kailan ito
Ano kaya bukas? Ikaw pa kaya ay naririto?

Alam kong kahit kailan, hindi mangyayari
Na sa aking pagtanda, ikaw ang aking hari
Ikaw ang kapiling, kamay mo ang aking hawak
Aalalay s'aking tungkod, lalakad ng malawak

Pakinggan na lamang sana ang aking pangako
Kasal-kasalang pauso ay aking inako
Wala man tayong mga saksi
Basbas ng simbahan o pari

Di man nakasuot ng damit pangkasal, wala rin ako pati mga abay
Galak ay lubos parin kung ikaw ang kaagapay
Ako'y handang maging sa iyo, sa abot ng aking gunita
Maging kalaban ko man ang lahat, dahil sa aking panata

Akoy gagawa ng altar na aking sarili
Upang sa aking bibig sumpa ay mamutawi
Pangakong ikaw lang ang mahal sa habang buhay
Hanggang sa dumating aking araw ng paghimlay

At kung sakaling akoy mabigyan, ng pagkakataong muling mabuhay
Kahit sa ibang panahon, hahanapin ka ng puso ko ng walang humpay
Upang taimtim na panatang binitawan, ay maisakatuparan
Pag-ibig na walang hangganan, pagmamahal na walang katapusan
#tagalogpoetry #tagalogpoem #tulangfilipino
Eugene Jan 2016
Kung nakalimutan **** ibigin ako,
Bubuhayin ko ang puso ko sa ibang tao.
Kung hihilingin **** muli ay maging tayo,
Maipapangako mo bang mahalin ako ng buong-buo?

Kung nagkamali ako at ika'y nasaktan,
Buong puso akong hihingi sa iyo ng kapatawaran.
Kung may pagkukulang ako at ika'y lumisan,
Kausapin mo ako nang maiwasan ang iyong pag-alsa balutan.




Ano mang mayroon ako'y ibabahagi ko,
Kung talagang mahal mo ako, ika'y magbabago.
Mamahalin kita ng higit pa sa inakala mo,
Dahil ang puso ko'y sadyang laan lamang sa iyo.

Magsimula tayo sa bagong taong ito.
Liligawan pa kita kung ito ang nais mo,
Basta't mangangako kang IKAW lang at AKO,
Sa mata ng Diyos, ang nakatakda ay TAYO.
solEmn oaSis Dec 2015
mula sa bintana ng mga katotong tahanan
may pinaghuhugutan balitang pinagkainan
merong budbod di-umano ang bibingka sa bilao
madalas di-ginugusto,,minsan nama'y napapa-tipo.

bihira man ang daloy sa hiwa ng pagkakataon
nariyan pa rin ang kuro at haka sa loob ng kahon
sa tulong ng walang patumanggang bulong na hindi naririnig ang tunog
sa likod ng pulang bilang matatanaw may abiso sa kidlat na walang kulog.

ilako ang lakbay ng himay sa mga nagdidilang anghel
para mahumpay ang tamlay mula sa pader na papel
ibahagi ang natatanging kuwento sa oras ng hanay ng kasarinlan
mag-manman sa likuran bago dumating at gumawa sa tambayan

matabunan man sa araw-araw ang pag-apaw ng dalaw sa estado
wag mag atubili,hataw lang sa paggalaw muling ibangis ang talento
bagamat ano mang bulwak meron ang katha sa salamin,matapos na
maisulat
sa ere man hanggang sa paglapag ng tuyong dahon,may mangha na ipamu-mulagat

sapagkat hinde mababanaag sa mga nilakaran
ang iniwang bakas sa pinanggalingang upuan
dahil ang dati nang puting kulay sa loob na 'ala pang bahid
magkukulay dilaw sa pagkakaroon ng matimtimang masid

at kung ang inaasahan ay taliwas sa nakatakda,,alin lang yan sa dalawa :
bumilis ang pagbagal ng patak kaya manunumbalik ang dati nang sigla
o malamang na mangamba sa pakiwaring hindi daratnan dahil sa
pagkaantala?
kung magkagayo'y ituloy lang ang pagkasabik sa pagtatapos pagkat
*magkakabunga!
Ang bawat simbolo ay sagisag....
palatandaan ng makabuluhang kahulugan!
At ano mang uri ng bantas ay marka,,,
na tatak sa ating utak patungo sa isang palaisipan.
Hindi ko alam kung bakit pa nagtataka,
Kung bakit pa nagtatanong kung may pag-asa pa,
Bakit pa nga ba aasa pa?
Kung ang pag-asa ay sa simula pa lang ay wala talaga.

Ilang taong  nagsikap para makita mo na ang pagmamahal ko ay hindi katulad ng kaniya,
Para kapag sinabing “nag-iibigan” ay tayo ang magiging kahulugan at hindi ang halimbawa,
Na hindi na mananatiling konsepto ang “magkasama tayong tatanda”,
At hindi na mananatiling pangako ang “hindi ka na mag-iisa”.

Pero ang tayo’y parang ningas na hindi man lang naglagablab ay namatay na,
Parang apoy na hindi pa man nagbaga ay agad inapula,
Na hanggang ngayon tinatanong kung bakit nagpipilit umalab para sa iba,
Kung kaya namang huwag upusin ang mga sarili sa piling ng isa’t isa.

Ako’y nakagapos sa iyong pagmamahal na hindi naman talaga naging akin,
Kinukulong sa hawla ng kahibangan na baka sakali mag-iba ang ihip ng hangin,
At sa wakas ay ako’y iyong pakakawalan sa kadena ng pag-iilusyon,
Baka sakaling ang tayo’y magiging bahagi ng kasaysayan at hindi na piksyon.

Pero ang kasaysayan nating hindi pa man nagsisimula ay nais nang isulat ng iba,
Isang taong nagsusumikap maging bayani sa bawat yugto, naghihintay na mabigyang halaga,
Na sa akin ay nagtatanong, “magiging tayo kaya?”
At bago siya masagot, ay kailangan pang magtanong sa’yo, “magiging tayo kaya?”

Kasi kung hindi, hindi ko na ipipilit ang sarili ko at tatanggapin ko na,
Na sa pagtupad ng pangarap kong pagpapalaya mo sa’kin sa kadena ay iba ang nakatakda,
At  sa piling niya, baka sakaling makuha kong maging lubusang masaya,
At ako naman, hindi na ikaw, hindi na ang damdamin mo ang nakataya.

Kasi kung hindi, hahayaan ko siyang apulahin ang aking apoy na nag-aalab para sa’yo,
At gisingin ako sa katotohanang nauupos na ako, nauubos na ako,
Na kaya ang tayo ay parang ningas na hindi lumalagablab kasi hindi pala ikaw ang baga,
Hindi pala dapat ako umasa.
Xian Obrero Mar 2020
Ano nga ba ang “IKAW” sa ako?
Ikaw ba ‘yung taong pag-aalayan ko?
—pag-aalayan ko ng saya, tuwa, oras,
puso at buhay ko?
O ikaw ba ‘yung taong magpapaluha,
maninira o guguho sa aking mundo?

Sino nga ba ang “IKAW” sa akin?
siguro ikaw na ‘yung matagal ko nang-
pinapanalangin,
siguro ikaw na ‘yung may mukha at
may mga matang mahinhin,
ikaw na siguro ang nakatakda kong
mahalin.

Teka lang, eh, “AKO”?
Ano nga ba ang “AKO” para sa’yo?
Siguro naman mayroong “AKO” diyan -
sa puso mo?
Siguro naman may “AKO” na siya ring
ipinagpanalangin mo?
Siguro naman may “AKO” rin diyan
sa buhay mo ?

May “IKAW” at “AKO”, ibig sabihin
– mayroong “TAYO”.
Ang mahalaga may “TAYO” kahit hindi ito klaro. Hindi man itinadhana, minsan pa ring
namuhay sa iisang mundo.
Hindi man pinagtagpo, magkarugtong
pa rin naman ang mga puso.
solEmn oaSis Mar 2022
Malamyos,Mabini Ni-walang Hampas
Hindi Habagat O Amihan Ang Siyang Dumadampi
Bagkos Masuyong Hinahaplos Ng Alimuom
Ang Nagdadalamhating ilog ng kalaliman.
samantala may ibig ipabatid Ang liwanag ng sinag
mula sa bibig ng Mahiwagang bilog na buwan...
at ang wika "ikaw at ang repleksyon ko sa ibabaw mo
Maging Sa Karagatan Na Iyong Pinapakitungohan
Ay Naroroon Ako Sa Tuwinang Nakatakda Ang Aking Pag-agapay.
Sa Kabilang Banda,di Man Dalawin Ng Antok Ang Haring Araw
Mismong Mga Ulap Ng Alapaap Ang Magkukubli Sa Silaw.
Magbibigay Lilim Sa Walang Silong **** Kalagayan.
Umaaraw Umuulan,umaapaw O Lilit Ang Lulan

Nasasamsam Man Ang Ilan Sa Mga Taglay **** Nilalaman,
Kailan man Ang Paraluman **** inaangkin Ay Di Makakamkam !
Nagdaramdam Ang Matabang Kalupaan Kapag Ito Ay Tigang
Sapagkat Kapos Sa Pakikiramay Na Taos.
Hiyang Lamang Sa Kapatagan Ng Paratang At Pakinabang...
Lupang Hinirang Minsan Nang Nalinlang Talang Makinang,
Na Sinagisag Ang Kalasag At Baluti Ng Banyaga..
Sa Ngayon Pahupa Na Ang Tubig Sa Ilog
Sukdol Nga Ba O Sakdal
Kung Dumatal At Kumintal
Ang Alimpuyo't Tagtuyot
Sa Panahon Ng Tagdahon

At Sa Di Kalayoan
Akin Ngang Naulinigan
Ang Payo Ng Dayo Sa Bulwagan
Kung Saan Ang Aking Katayoan
Nagugulumihanan Sa Kanyang Pinamagitan...
Ito Ay Kung Ano Din Po Yung Aking Pinamagatan !!!
biyayang hangin man ay di nakikita
sa tulong ng tinta ito ay kayang ipinta
AgerMCab Jun 2019
Yung akala **** itinakda
Akala mo'y importante
Hindi naman permanente
Yung akala **** itinadhana
Wari mo'y mahalaga
Bakit naging pansamantala?
Hindi ba dapat ay pang habang buhay at hangang sa kabilang buhay?

Ang pagmamahal kapag nakatakda
Ang pag ibig kapag nakatadhana
Hindi  mababawasan
Hindi mawawala
Hindi na lamang akala
Hindi na rin pakiwari
Dahil hindi mangungupas
Virgel T Zantua Aug 2020
Sa dilim ng aking pag-iisa
Halos gumuho na ang pag-asa

Hinuhusgahan at kinukutya
Tinatawanan at minumura

Mga salitang lason ang dala
Sa pagkakamaling naging sumpa

Na kumakain sa pang-unawa
At kaisipan na nagwawala

Nanlalamig ang puso't gunita
Hindi maibigkas ang salita

Sino nga ba ang maniniwala
Sa sinasabi at ginagawa

Sa dami ng mga kumokontra
Na sa pagkatao'y sumisira

Mga pagkakamaling nagawa
Ipinipilit ko na itama

Ngunit kinukulang ng unawa
Ang damdamin nilang natutuwa

Ilaban ma'y walang magagawa
Mali pa rin ang ginawang tama

Lumalalim ang sugat na dala
Lumalatim ang sinasalita

Pinipilit nito na magiba
Ang natitirang paniniwala

Gabay ng pananampalataya
Ang nagpapatibay na gumawa

Upang pagkakamali'y itama
At maging ganap ang nakatakda

Ang pagsibol ng bagong simula
Umpisa ng isang kabanata ...
Virgel T Zantua Aug 2020
Sino ang magpapatuloy sa paglaban... Kung ang bawat pangako ay walang laman... Laging pamamaalam ang katapusan... Kung wala na ang magagandang dahilan... Ang katotohana'y walang kabuluhan... Di maitatama kahit pagsisihan.

Ang pagmamahal ay walang pupuntahan... Sa gitna ng liwanag at kadiliman... Kupas na ang kulay ng bawat larawan... Kung kasawian ang dulot ng nakaraan... Saan makikita ang katahimikan... Kung ang damdamin ay walang kalayaan.

Tunay na mapaglaro ang kapalaran... Ang nakatakda ay di matatakasan... Sa bawat hinanakit at kasawian... Ang pagluha'y hindi maiiwasan... Tulad ng kwento ito'y may katapusan... Ang pag-ibig at galit ay may hangganan.

Ano nga ba ang kulay ng kamatayan... Kung puti ang para sa kapayapaan... Itim ang kulay ng hangin sa kawalan... Alin nga ba ang tunay na mas magaan... Ang tibok ng puso na may kasiyahan... O ang katotohanang may kalungkutan.
JL Nov 2020
Para Sa Mga Umasa..... TAMA NA!!
By: Lovely Joy / September 2020

Ilang araw at buwan na rin ang dumaan
Mga araw na pinagdaanan at naranasan
Na nagbigay ng aral, pasakit, kalungkutan
Pero nangibabaw pa rin ang kasiyahan
Salamat sa alaala at nakaraan, kaibigan.

Kalahati ng aking tula'y naabot na rin
Ilang piyesa, ilang titik, ilang salita na ang nabitawan
Pakiramdam ko mauubusan na ako ng letra
Pero handa naman akong maubusan
Kung ang paglalaanan ng aking pagiging makata ay IKAW.

Naalala mo pa noong huling tinanong kita ng "Ayaw mo na maayos?"
Ni isang salita wala akong narinig mula sa'yo.
Sabi natin noon, laban lang tayo hanggang dulo
Siguro nga eto na yung dulo.
Siguro oras na... oras na...
Susubukan kong kalimutan ka na
Kahit sobrang sakit sa akin ang talikuran ka.
Bibitawan ko na ang natitirang "sana"
At pakakawalan ko na ang paniniwalang "baka.”

Dapat ko ng tanggapin na hindi tayo para sa isa’t-isa
Sabi nga sa isang kanta, pinagtagpo pero hindi itinadhana
Natatagpuan pero nakatakda ring umalis.
Merong babalik, at meron din na maglalaho na lang.
Oo nga't mahal kita..... mahal...pa... kita...
Mahal kita, pero siguro tama na.
Love your self. ♥♥♥
Lucy Rodeo Mar 2021
Minsa'y gumawa ng himig ang langit,
Mga notang hinabi ng pulang sinulid,
Sa kumpas ng hangin at sayaw ng tubig,
Lumipad, lumaya ang awit ng pag-ibig.

Ngunit may sariling ritmo ang tadhana,
Banayad na himig sandaling nag-iba,
Umakyat, bumaba, bumilis at humina,
Makulay, mabigat ang awit ay kumawala
At unti-unting narinig mga lirikong nakatakda.
KI Feb 2018
Sarili ay sa wakas napagbigyan
Ngunit ang natanggap ay malamig na katahimikan
Isang pagtanggi, na di makakalimutan, na itatatak, na tatandaan
Meron talagang mga bagay na napakatamis parin kahit man masaktan

Tanggap ko na ang nakatakda
Tanggap na ang katapusan na di kayang palitan kahit pa ng pinakamagaling na may-akda
Tanggap na pero pilit paring nagpapakatanga
Pilit paring linulunod ang sarili sa damdamin na parang na wawala
Ako nalang sasagot sa sarili
(before receiving the true rejection kay di man niya dayun gi hambal )

— The End —