Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
kha Jun 2018
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.

salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.

salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.

salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.

salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.

salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
j.s.
Tumibok ang puso ko
Hindi dahil sa may hinihinga pa
Ngunit bunsod sa kaba.

Tumayo ako't humakbang
Narating ko ang entablado;
Hindi ko lubos maisip
Na ito na ang pangalawang beses
Na tutuntong ako't haharap sa madla.

Isang pribilehiyo
Salamat sa grasya ng Panginoon.

Panimula ko'y winaksi na sa isipan
Bagkus ang bibig ay kusang niluluwalhati Siya
Maging ang pangwakas ay nakatuon lamang sa Kanya.

Ang buhay ko'y minsang naging sakal
Akala ko noon, kaya kong walang sinasandalan
Ngunit ako'y minsang naupo sa silya-elektrika
At tinawag na nasasakdal.

Isarado natin sa siyam na taon
Ako'y nasa rehas pa ng kadiliman
Na tanging sariling latay ang nasasaksihan
Kilala ko Siya na may lalang sa akin
Ang tingin nga lang ay ambulansya Siya:
Na 'pag kailanga'y, panay hikbi't nanlilimos ng grasya
Ngunit 'pag ayos ang lahat,
Iniiwan ang sarili't umiindayog sa dilim.

Sa siyam na taon
Ako'y binahiran ng itim na blusa
Akala ko'y hindi ko na matatakasan ang rehas;
Ang sekswal na kasalanang bumalot sa pagkatao
At naging mitsa nang paghinto ng nararapat na pagpapala.

Ngunit ang lahat pala'y kayang limutin ng Ama
At ang maling relasyo'y kinitil sa tamang panahon
Na ang pag-ibig ay magkaroon ng katuturan
At doon nalaman na 'pag para sa kapwa'y
Sunod lamang sa mas rurok
Ng saktong timpla ng pagmamahal.

Umaagos ang luha ko nang walang nakakakita
Ang puso'y hinihele ng Kanyang mga anghel
At ang Kanyang sakripisyo'y tagos sa kamoogan.

Hindi ko lubos na maintindihan noon ang pag-ibig Niya
Na kayang akayin ang buo kong pagkatao
At buburahin ang kamalian ng nakaraan
At maging ng ngayon at ng bukas.

Hindi ko alam kung saan paparoon
Kaya't pilit kong sinuot ang maling maskara noon
Ang puso'y mali rin ang naging direksyon
Maling galaw at mali ang naging layon.

Ibinaling ko ang lahat sa sariling persona
Nag-aral nang mabuti't hindi nalulong sa anumang droga
Maraming organisasyon ang kinabilangan
Sa pag-aakalang matatakpan ang bawat butas
At masisilayan lamang ang magandang antas ng sarili.

Sa madaling salita, binuo ko ang sarili kong pagkatao
At nalimot at nakaligtaan na may nag-iisa lamang na Manghuhulma
Ngunit salamat at naarok ko ang tamang landas
Na ang minsang batong sinantabi't itinapon
Ang siyang tutuwid sa baku-bako kong daan.

Hindi pala ako magiging masaya
Kung ang sentro ko'y ang aking sarili
At nang ako'y palayain Niya,
Masasabi kong ganap na ang aking pagkatao
Na nakilala ko ang sarili --
Kung sino ako't kung para kanino.

Wala na akong mahihiling pa
Mahirap man sa sansinukob na ito'y
Patuloy pa ring maghihitay sa Kanyang pagbabalik.

Hindi ko kinalilimutan ang mundo
Ang labindalawang disipolo na Kanyang regalo sa akin
Ang kanilang mga buhay na tangan ko hanggang sa huli
At hindi sapat na sumuko lamang
Hindi ko kaya, ngunit kaya Niya.

Ang pag-ibig ko sa pamilya ko'y hindi maaawat
May mga tanong sa isipan ngunit hindi ko ito ginising
Hindi ko abot ang Kanyang kaalaman
Kaya't inilapag at inihain na lamang sa Kanyang paanan.

Muli, hindi ko kayang mag-isa --
Mag-isang nag-aarok ng pansamantalang tagumpay
Ngunit ang paniniwalang may pag-asa pa
Ay patuloy ang pag-usbong gaya ng mga malalagong dahon;
Ang bawat kaluskos ay maririnig ng Ama
At ang pugad na kinatitirikan ko ngayo'y
Haplos ng Kanyang banal na mga kamay.

(6/28/14 @xirlleelang)
marrion Sep 2019
Kung may bayad lang ang bawat pag-silay sa'yo
Malaki na siguro ang aking
pagkakautang
Pag-ibig ko'y parang bangkay sa karagatan
Hindi maitatago
pagkat kusang lumulutang
Nahulog na ang loob ko sa'yo
Wala ng matatakasan na lagusan
Humihingi ng pag-ibig mo
Wag sana akong mapagdamutan
.....
kahel Oct 2016
CPR
Nangako ako sayo na poprotektahan kita kahit anong mangyari
Nagsinungaling ako
Dahil noong araw na pinulikat ka habang nasa gitna ng dagat
Na sobrang lalim na hindi mo na makita ang ilalim
Hindi kita nasagip

Nangako ako sayo na iingatan kita ng di nagdadalawang-isip
Nagsinungaling ako
Habang naghihingalo ka at humihingi ng saklolo
Wala akong nagawa kundi tignan ang paghampas ng mga alon
Pinapamukha na bakit ba kasi hindi ako marunong lumangoy

Nangako ako sayo na hindi kita papabayaan mag-isa
Nagsinungaling ako
Hinayaan kita malunod at hatakin pababa ng iba't ibang lamang dagat
Hinayaan maubos ang hangin hanggang sa huling hininga
Pinanood lumubog ang mga matang kasing ganda ng mga perlas

Pasensya ka na at nagsinungaling ako
Dahil akala ko matatakasan ko ang sariling anino
Pasensya ka na at hindi kita nailigtas
Hinayaan ko na may ibang sumagip sayo dahil kung ako 'yon
Baka pareho lang tayong lumubog at malagay ka lalo sa panganib

Pasensya ka na at lumutang ang mga pangako
Na sabay lalanguyin ang lawak ng buhay
Sisisirin ang lalim ng ating mga pangarap
Sasalubungin ang mga problemang dadaong
Iiwasan ang mga dikya na dulot ng nakaraan

Kaya patawad dahil ngayon lang napupuno ang pagkukulang
Wag ka mag-alala,matututunan ko din tumalon ng walang alinlangan
Susubukan maabot ang dagat na tinatahak mo kahit gaano pa ito kaalat
Pero sa ngayon, pasensya muna unang nagpakilala ang takot kaysa sa lakas ng loob
Pasensya dahil tinangay tayo ng alon palayo sa isa't isa
Abby Elbambo Jul 2016
Ang unang pahina:

Para sa kauna-unahang nilalang na mabubuo sa aking sinapupunan
Sinasabi ko na sayo ngayon pa lang na ika’y aking papangalanang “tao”
Dahil alam kong dadating ang panahon na iyong susubukang alamin ang kahulugan ng itinatawag sa iyo
At nais ko na sa iyong paghahanap ay iyong maungkat ang balde-baldeng mga salitang nakalimutan na ng ating lipunan
Sabay nating tutuklasin kung sino ka nga ba sa isang mundong mapangdikta
Na sa bawat pagsabi ng “Magpakalalaki ka nga!”
Alam mo na upang maging isa ay kailangan **** maging tao muna
At sa unang araw na ika’y magpapaiyak ng sinuman sa ngalan ng “pagiging lalaki”,
Ay sisimulan ko ang pag-uukit ng mga linya sa iyong mga palad
Upang sa tuwing padadapuin ang kamay sa sinuman sa ngalan ng karahasan ay una kang masasaktan

Anak,
Gusto kong malaman mo na kahit di ko pa alam kung ano ang iyong paboritong kulay
Alam ko na ang nasa kaibuturan mo
Dahil tulad ko, ika’y isa rin lamang nilalang

Pupunuin ko ang kwarto mo ng libu-libong salamin
Dahil alam kong darating ang panahon na bubulungan ka ng kung anu-anong mga korporasyon na nagsasabing ika’y kulang pa
Kinukutsya ang bawat aspeto ng katawan **** di sakto sa kanilang imahe sayo
At nais ko na sa iyong pagising at pag-uwi ay di matatakasan ang tignan ang sarili sa salamin
Umaasang maaalala ang ipinangalan sa iyo ng nanay **** nakatayo rito ngayon

Tao,
Isang araw ay itatapon kita sa mundo
Hindi iiwan pero hahayaang mamili para sa sarili
Tandaan ang pangalan mo at unawain na hindi lahat ng likha ng tao ay tama

Balikan mo ako sa iyong unang galos.
This is a piece I wrote for my Theology class that tackled the distorted view of men in alcohol advertisments. It's also in Filipino--which is my native language.
Ako'y humakbang, bitbit ang damdaming puno ng kalituhan
Nilakbay ko ito kasama ng aking mga paang nabibigatan
Binibilang kung ilang tao ang nadaratnan
Kagaya ko rin kaya sila?

Mahirap tumakas sa mga bagay na pilit na humahabol sa'yo
Mahirap maghanap sa mga bagay na nakatago
Hindi ko nga alam kung ano na tong ginagawa ko
Tatakas ba ako? O mananatili sa di mawaring yugto.

Tumahak uli ang aking mga paa
Rinig ang bawat tunog na likha
Ngunit hindi ito tulad ng dati
Hindi ko na kabisado ang mga tandaan
Tinatapakan ko na rin ang mga nadaraanang linya sa daan

Oo, hindi ito tulad ng dati
Pero eto na, nandito na ako
Sa wakas nakarating na rin ako

Humanap ako ng angkop na puwesto
Ako'y umupo at minasdan ang paligid na gulong-gulo
Hinanap ko ang bakas sa mga silid
Ikaw pa rin ang naiisip
Litong-litong-lito na ako.

Pilit kong tinatakasan ang gulo
Pumunta ako sa ibang lugar, nag ibayo
Ngunit isang malaking kamalian pala ang lahat
Hindi ko pala to matatakasan sa simpleng pag ibayo lamang
Dahil ito'y kasama ko
Kasama ko ang aking tinatakasan
Ang sarili ko
Dahil ika'y nakatira pa rin sa aking puso

At ngayon ako'y nasa kawalan, pilit pa ring kinakalimutan ang nakaraan
Virgel T Zantua Aug 2020
Sino ang magpapatuloy sa paglaban... Kung ang bawat pangako ay walang laman... Laging pamamaalam ang katapusan... Kung wala na ang magagandang dahilan... Ang katotohana'y walang kabuluhan... Di maitatama kahit pagsisihan.

Ang pagmamahal ay walang pupuntahan... Sa gitna ng liwanag at kadiliman... Kupas na ang kulay ng bawat larawan... Kung kasawian ang dulot ng nakaraan... Saan makikita ang katahimikan... Kung ang damdamin ay walang kalayaan.

Tunay na mapaglaro ang kapalaran... Ang nakatakda ay di matatakasan... Sa bawat hinanakit at kasawian... Ang pagluha'y hindi maiiwasan... Tulad ng kwento ito'y may katapusan... Ang pag-ibig at galit ay may hangganan.

Ano nga ba ang kulay ng kamatayan... Kung puti ang para sa kapayapaan... Itim ang kulay ng hangin sa kawalan... Alin nga ba ang tunay na mas magaan... Ang tibok ng puso na may kasiyahan... O ang katotohanang may kalungkutan.
KI Sep 2017
Di ko alam pano ko sasabihin
Kung mismo, ako di alam itong ibig-sabihin
Matatakasan pa ba tung damdamin?
Aamin na lang ba kahit alanganin?

— The End —