Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Elaiza Banasig Jul 2016
Nakabibinging katahimikan
Nakaririnding paninindigan

Ikaw
aking Ulan
Mabanggit nino man
Hindi masilayan

Pag-ibig hanggang laylayan
Hinati ng kasalanan
Ala-ala nating tangan
Tangan-tangan ng nagmamahalan

Ikaw, aking Mahal
Nawa'y magpagal.
073016

Alkansya ko'y panalangin --
Taimtim na pananampalatayang ikaw nga.
Hindi mo marahil masaklaw ang estado ng puso
O ang lalim ng determinasyon ko sa paghihintay.

Saludo ako sa katatagan mo.
Kahit na hindi natin nasisilayan ang bawat isa
Sa tuntungan ng saya at pighati.
Hindi ko mawari ang pag-ibig na laan ng Ama
Pagkat kahit hindi magtagpo sa ngayon,
Alam kong ang pagku-krus natin noo'y
Iba ang pahiwatig sa pusong malayang naghihintay.

Walang alaalang masakit,
Kahit pa may mga katanungang hindi nasagot.
Walang sakit na hindi mabubura
Nang pag-ibig Niyang walang kaltas.
Kaya't may galak ang paghihintay.

Araw-araw, mag-iipon ako ng mga panalangin,
Higit pa sa mga salitang laylayan ay tugma;
Higit pa sa mga talatang balot ay emosyon.

At sa aking pag-iipon,
Alam kong kahit tunog-lata ang iila'y,
Tutubo ang mga ito para sa'ting kinabukasan.
Pagkat alam ko kung kanino ako unang nagtanim --
Hindi sayo, hindi sa akin
Bagkus **sa Kanyang Siyang may pandilig.
Minsan, naiisip kong bitiwan nalag ang paghihintay; kasi baka wala naman. Pero hindi ko maintindihan kung paanong binalot ng pag-ibig Niya ang sarili patungo sayo. Alam kong ikaw. Basta, nagtitiwala ako sa Kanyang ikaw ang laan Niya.
Eunoia Sep 2017
Isa, dalawa, tatlong yapak sa putik.
Isa, dalawa, tatlong lubog sa tubig.
Isa, dalawa, tatlong pugpog ng alikabok sa aking mga paa.

Hindi ako marunong magsalita ng Tagalog.

"Roel! Bilisan mo naman maglakad, patay tayo kay Ginang Cruz." Sambit ni rey.

"Oo sandali lang natumba ako sa putikan."

"Ang lampa mo kasi." Nagtawanan kaming lahat pagkwa'y tumakbo nang ubod bilis.

Mga kamag-aral ko sila. Palagi kaming magkakasabay sa paglakad sa umaga patungo sa eskwela. Natutuwa ako sapagkat masaya silang nag-aasaran kahit hindi ko naman maintindihan ang sinasabi nila. Nahihiya ako kaya nag-eensayo ako sa bahay o habang kami ay naglalakad, pabulong-bulong, ginagaya ang pagbikas ng bibig; ang pagsara, ang pagbukas.

Mga kamag-aral ko sila. Isang buong grupo kami na wari ba'y batalyon ng mga sundalo na handang sumabak sa giyera; may putik ang laylayan ng pantalon at basa ang mga paa.

Uy malapit na kami sa eskwela, ilang hakbang na lang; tumakbo sila, gayundin ako, mabilis. Nagpatuloy sila ngunit ako'y biglang huminto.

"Oo nga pala, hanggang dito na lamang ako", mahinang sambit sa sarili. Natigilan ako, lumiwanag ang mukha at sumilay ang tuwa. Tumakbo ako papalayo sa eskwela't papalapit sa palayan kung saan tutulong ako sa anihan. "Marunong na ako magsalita ng Tagalog!" Sigaw ko sabay yakap sa mga aanihing palay. Salamat sa mga kasabay kong maglakad tuwing umaga, salamat sa mga kamag-aral ko sa kalsada.
Dagli
042522

Sasapit na naman ang pinakahihintay na araw,
At hindi ito mananatiling sagrado magpakailanman.
Lahat ay mabibigyan ng patas na paghuhusga
At mismong lipunan ang syang magpapasya.

Naririnig ko na ang sigawan sa bawat dako ng gintong kompas
Kung saan ang kanilang hiyawa'y pagkakawatak-watak.
Iba't ibang ideolohiya sa demokratikong bansa
Kailan nga ba matatamasa ang tunay na pagkakaisa?

Sa bawat kulay na sinasabi nilang ito raw ang bukas
Ay ito rin ang gumuguhit sa kasaysayang tayo na't makibaka.
Kaya nga nating kulayan ang ating pagdikta
Ngunit sa ganitong paraan nga lang ba tayo kakalma?

Sa tuwing may mauupo sa trono na kataas-taasan,
Paano nga ba ang ating pagtindig
Para sa sinasabing mahal na bayan?

Pilipinas nga ba ang ating pinipili?
O kung saan lamang tayo kampante
Habang nananatiling namamaypay
At abala sa kabi-kabilang pag-uusig.

Iniisip nating tayo'y tunay ngang nasa laylayan na,
Ngunit ito nga ba ang kapeng gumigising
Sa dugo nating makabayan?
At sapat ba ang ating paghiyaw
Na walang hinihinging basbas mula sa Itaas?
Mga bibig natin, paminsan nga'y
Puno lamang ng mga palatastas.

Sapat ba na tayo-tayo na lamang
Ang naghihilaan pababa't paitaas?
Pagkat mismong pananampalataya'y
Nadudungisan ng walang katapusang pagkawatak-watak.

Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan --
Ikaw ang bansang hinirang ng Pagkataas-taasan.
Panatang makabayan, iniibig ko ang Pilipinas --
Sana'y mapaninidigan kita't
Hanggang sa huli'y maipaglaban
Pagkat maging aking hininga'y
Pansamantalata't pahiram lamang.

At hindi ito lotto o binggo,
Hindi tayo nagtataya nang kung sinu-sino.
Ngunit kung sinuman
Ang maging huling sigaw ng bawat Pilipino
Sana tayo pa ri'y magkaisa
Para sa dangal na nais nating isulong.

Ating pagkatandaan na kahit noon pa ma'y
May iisang hindi tayo tinalikuran,
Iisang Pangalan na may hawak ng bawat kapalaran
Higit pa sa bawat kulay na ating tinatayaan --
At Hesus ang Kanyang Ngalan!
Bangon Pilipinas!
Nauubos na ang katas ng mga bulaklak sa hardin,
Gayundin ang mga dahong tila nagsasayawan sa bawat pagsipol ng hangin.
Unti-unting ring nanamlay ang mga iwinawagayway sa bawat pulong ipinagbigkis.
At maging ang bahaghari'y waring sanggol na nahihiyang magpakita't piniling magtitiis.

Sa pagtikom ng bibig ng tinuturing na demokrasya
Ay nasaan nga ba ang tunay na pagkalinga?
Na sa tuwing gumagayak ang mga nakapilang ekstranghero
Ay magsusulputan ang mga buwayang masahol pa sa nakawala sa hawla.

Sinisipat ang mga bulsang walang laman,
Para bang mga santo silang naghihintay sa alay na hindi naman nila pinaghirapan.
May iilan pa ngang susukli ng lason buhat sa kanilang mga bibig.
Matindi pa sa hagupit ng kidlat, kung sila ay magmalupit.

Doon sa kasuluk-sulukan ng kurtina sa entablado'y
Nagsitikom ang mga buwelta ng mga may puting kapa.
Sila sana ang pinakamakapangyarihan
Na hindi kung anong elemento ang pinagmumulan.
Sila sana ang pinapalakpakan,
Ngunit ang suporta'y wala naman palagi sa laylayan.

Taas-noo sila para sa bandilang pinilay ng sistema.
Bayani kung ituring ngunit sila'y napapagod din.
Nakakaawa, pagkat sila'y pinamahayan na rin ng mga gagamba
At kung anu-ano pang mga insektong noo'y itinataboy naman sa kanila.

Tangay nila ang armas na posibleng lunas sa kamandag,
Sila na rin mismo ang dedepensa't aawat
Sa paparating na mga kalabang hindi naman nila nakikita.
Ano nga ba ang laban nila?
Ano nga ba ang tagumpay na maituturing
Sa labang tanong din ang katapusan?

Samu't saring lahi na may iisang kalaban
Ngunit ang tanong ko'y, may iisa rin bang patutunguhan?
May iisang sigaw ngunit ang tinig ay wasak sa kalawakan.
May iisang mithiin ngunit ito'y panandalian lamang.
Pagkat sa oras na ang giyera'y mawaksian na rin,
Ang medalya't parangal ay tila isasaboy pa rin sa hangin.
051022

At sumapit na nga araw ng paghuhusga
Kung saan hindi na pulso ng taumbayan
Ang ating sisiyasatin
Kundi ang puso ng bawat Pilipinong
Sumasambit ng “Mahal ko ang Pilipinas.”

Sabi ng iilan,
“Mahirap raw mahalin ang Pilipinas”
Iniisip ko nga paminsan,
Sapat na nga ba ang pagiging makabayan?

Sapat ba?
Ang panunumpa ng bawat Juan sa watawat
Na ayaw sana nating dungisan
Ngunit tayu-tayo rin ang nagwawasto
Sa paningin nating madayang pagpili
Ng lipunang ating ilang beses nang sinumpaan.

Kung hindi ako naniniwala sa Poong Maykapal,
Ay baka hindi ko rin maititikom ang talas ng aking dila
At walang himpil ding tatalak na walang pinipiling katauhan
Buhat sa makamandag na bugso ng aking damdamin.
At marahil ay sasabihin ko na lamang
Na ito ay isang paraan ng pagtindig para sa saking Bansa
Na may demokratikong pamamalakad.

Ngunit sa kabilang banda’y
Binabaling ko na lamang ang paghuhusga
Sa tunay ngang nasa tronong
Hindi na kailangang luklukin pa.

At naniniwala pa rin akong
Ang pag-asa ay hindi natin maaaring itaya
Sa sarili nating mga palad
Na kalauna’y mapupuno rin ng mga kalyo’t
Babalik din lamang sa alikabok.

Ano pa nga ba ang ating ipinaglalaban?
Sino nga ba ang tunay nating kalaban?
At para kanino nga ba tayo naninindigan?

Baka sa kasisigaw nati’y
Hindi lamang boses ang mawala sa atin,
Maaring nakawin din ang ating mga lakas at oras
Na sana’y ibinabaling natin
Sa pagpapalaganap ng natatanging katotohanang
Buhay ang ating Panginoong Hesus
At ang magandang balita’y
Nakadikit sa kanyang Ngalan.

Sinasabi kasi nating naghihinagpis ang ating mga kababayan
Kaya tayo na lamang ang magsisilbing mga boses para sa kanila.
Minsan nga'y nananatili na tayong hangal
Pagkat sa sariling dunong, doon lamang tayo nakaangkla.
Ngunit hanggang kailan ba matatapos
Ang sinasabi nating pakikibaka para sa mga nasa laylayan?
At ano nga ba ang dulo ng bawat hiningang napapagal na?

Sana hindi tayo tumigil sa paraang alam lamang natin,
Sana mahanap natin ang ating mga sariling
Nananatiling may pananampalataya
Sa Diyos na Syang may lalang sa sanlibutan.

Sana wag na tayong mag-alinlangan pang lumukso
Sa kung saan nga ba tayo pinasusuong ng Maykapal
At sana mahanap natin ang halaga natin
Sa presensya Nyang kayang pumuno ng bawat kakulangan.

At dito na rin ako pansamantalang magtatapos —
Pilipinas, gumising nang may pag-asa
Pagkat hindi natutulog ang ating Diyos!
Pilipinas, mahal kita at mas mamahalin pa
At patuloy kitang ipaglalaban
Hindi gamit ang mga armas
Na syang panukso't patibong ng mundo,
Titindig ako sa kadahilanang hindi lamang ako isang Pilipino —
Titindig ako para kay Hesus na aking pinaniniwalaan!
Salamat Ama, Sa'yo pa rin ang aming Bayan.
110621

Noong bata pa ako'y
Saba-sabay kaming mag-uunahan
Sa pagsalubong kay Inay.
Yayakap at magmamano sa kanya,
Sabay uupo ang nauna sa laylayan ng kanyang palda
Habang syang namamahinga sa lumang upuang
Yari pa sa Narra.

Ni minsa'y hindi ko naisip
Na ang pagkalong ni Inay
Ay may katumbas pala sa aking paglaki.
Marahil bata pa nga talaga kami noon,
At wala kaming ibang inatupag
Kundi ang pag-aaral at paglalaro.

Ilang taon na ang lumipas
At malapit na rin ang araw
Na ako mismo'y lalayag sa sarili kong bangka.
At hindi na ito laru-laro lamang,
Pagkat sa bawat pasyang aking susuungin
Ay iba na ang aking kasama.

Sabi nya nga sa akin,
Handa na syang akayin ako.
Hindi lamang sa kanyang mga bisig
Pero maging mga responsibilidad
Na itatangan ng panahon at tadhana sa kanya.

Ganito pala ang pag-ibig,
Kung saan handa tayong humakbang nang humakbang pa.
Hindi tayo maaaring huminto dahil tayo'y pagod na.
At alam ko, sa tamang panaho'y
Handa na naming kalungin ang isa't isa.

— The End —