Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Lyka Adlawan May 2018
Tagu-taguan,
Maliwanag ang buwan
Munti kong tula,
Inyong pakinggan

Ito'y patungkol
Sa kabataan
Na inaakalang
Pag-asa ng bayan

Wala sa likod,
Wala sa harap
Ano ang kabataan
Sa hinaharap?

Handa na ba kayong
Malaman ang totoo?
Pagbilang ng sampu,
Malalaman na ninyo

Isa, dalawa, tatlo
"Tara, pre! Dota tayo!"
Isa, dalawa, tatlo
"Kyah, pa-like ng DP ko"

Isa, dalawa, tatlo
"Naka-hithit na ako"
Isa, dalawa, tatlo
"Tara, shot na tayo"

Mga kabataang nakikiuso
Mga kabataang lulong sa bisyo
Kabataang imbis na ang dala'y libro
Ang palaging hawak ay sigarilyo

Apat, lima, anim
Wala nang ibang alam gawin
Apat, lima, anim
Kung hindi gadgets ay pindutin

Apat, lima, anim
"Babe, walang tao sa'min"
Apat, lima, anim
"Babe, pwede na nating gawin"

Mga kabataang napapariwara
Mga kabataang sa tukso'y nadadala
Kabataang tinuturing na Maria Clara
Na ngayo'y mas kilala na sa Maria Ozawa

Pito, walo, siyam
Nasirang kinabukasan
Pito, walo, siyam
"Aking pinagsisisihan"

Pito, walo, siyam
"Ako'y nanghihinayang"
Pito, walo, siyam
"Ibalik niyo 'ko sa nakaraan"

Totoo nga ang kasabihan
Ang pag-sisisi'y nasa hulihan
Ang ating nakaraan
Ang siyang madidikta ng kinabukasan

Ngunit hindi ko naman nilalahat
Ang nais ko lang, kabataa'y mamulat
Ang buhay natin ay parang aklat
Tayo ang gumagawa ng sarili nating kwento at pamagat

Hindi ko tatapusin ang bilang sa sampu
Dahil hindi ako ang magdidikta ng kinabukasan niyo
Ngunit sa pagtatapos ng munting tula ko
Sana'y makapagsimula kayo ng panibagong kwento

Kwento na kung saan kayo ang bida
Kwento na kung saan kayo ang pag-asa
Salamat sa pakikinig mula umpisa
Ngayon ang tulang ito'y tinatapos ko na
M e l l o  Jul 2019
Tagu-taguan
M e l l o Jul 2019
noong bata ako
mahilig ako maglaro
nang taguan
sa ilalim ng buwan
sa harap ng bahay
nagkakasama kami'ng
magkakaibigan
pagpipilian
kung sino ang matataya
magbibilang ng sampu
hanggang sa lahat
ay nagsipagtago
at sa bawat laro  
may madayang
biglang maglalaho
pero sa taguan
kung sino yung
maunang makita
ay siya ang matataya
kaya naman
kung sino yung nangdaya
tiyak sa susunod
na kabilugan ng
buwan
ay hindi na kabilang
Poem of the day.
lovestargirl  May 2015
TAGUAN
lovestargirl May 2015
TAGUAN:
Sa ilalim ng nakakapasong init ng araw,
Tumatakbo tayong magkahawak ang kamay,
Nagbibilang hanggang isang daan,
papalayo sa tayang kalaro.

Sabi niya’y tagu-taguan,
at tayo nama’y nagbilang.
Ng isa, ng dalawa, hanggang tatlo.
At hangggang doo’y nanatili sa likod ng puno.

Ngumiti ka, at ako din. Tumawa ka, at ako din.
Saka napuno ng tawanan ang buong mundo ko.
Napuno ng ikaw at ako ang buong maghapon.
Hanggang sa bumaba na ang araw.

Rinig ko na ang tawag ni inay,
At naramdaman ang pagbitaw sa kapit ko.
Hindi mo man pansin ito,
pero para itong isang malagim na pagtatagpo.

Ngayo’y paalam muna,
Hanggang sa muling pagtatago, at pagtatagpo
Ng ating sabik na mga puso sa larong tayo’y tinago.
Sa mundong ating binuo, na tayong bumubuo.
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
zee  Sep 2019
tagu-taguan
zee Sep 2019
isa, dalawa, tatlo
ako'y tatakbo papalayo
'di ko alam kung saan ako tutungo
ang nais ko lang ay makalayo sa'yo

apat, lima, anim
itong damdaming aking kinikimkim
dapat ko ba itong sabihin
o hayaan na lang maglaho sa hangin?

pito,walo, siyam
'di mo pa rin alam;
wala ka bang pakiramdam?
o sadyang wala kang pakialam

matatapos na lang ang bilang
pero ang tagu-taguan ng aking nararamdaman
ay tila wala na atang katapusan

ngunit pagbilang ko ng sampu
nasilayan sa aking pag dilat
ang katotohanang ikaw pala'y
may ninanais nang iba
https://open.spotify.com/track/0FOYt3VRWweAWgN1relGqN
Mister J Jan 2019
Umpisa pa lamang
Alam ko nang gusto kita
Nakita ka pa lamang
Atensyon ko'y nadukot mo na

(From the beginning
I knew I like you
The moment I saw you
You already captured my attention)

Paghawak ng iyong kamay
Pintig ng damdamin ay bumilis
Mga emosyong itinago nuon
Pilit nagpaparamdam muli ngayon

(When I held your hands
Heartbeats in overdrive
Buried emotions in the past
Making themselves felt in the present)

Sa pagpungay ng mga mata
Ako unti-unting nabibighani
At nung akapin sa'yong mga bisig
Tuluyan na kong nahulog

(The way your eyes look at me
Makes me intrigued by the second
And when you wrapped me in your arms
I completely fell, then and there)

Ngunit pag-sinta'y parang walang halaga
Sigla ng unang pagkikita'y unti-unting nawala
Di malaman at mawari ang mga dahilan
Na nang dahil sa nadarama ay pinipilit maintindihan

(But it seemed these feelings hold no value
The passion from our first meeting dwindling
I can't comprehend and identify the reasons why
But because of this love I feel, I still try)

Pilit tinitiis ang mga pighati
Kahit unti-unting nadudurog ang puso
Aanhin ang dignidad na patapon
Kung puso'y hindi marunong umibig

(Enduring the searing pain
Even if my heart is crushed
Setting aside my meaningless pride
If I don't know how to love right)

Siguro'y nagiging makasarili
Ngunit lahat ay binago at binigay
Lahat ay tinitiis damhin
Kahit na lungkot ay di mapawi

(Maybe I'm being selfish
But I changed and gave my everything
I endured all the ill feelings
Even if the loneliness doesn't go away)

Bakit hindi pa yun sapat?
Para ika'y sumugal sa akin?
Nangako ng pag-ibig na di magbabago
Kahit ang mundo natin ay tuluyang maglaho

(Why is it not enough?
For you to take a chance with me?
I promised you a constant, stable love
Even if our world crumbles to dust)

Naghihintay sa iyong pagbalik
Mula sa malayong dako kung san naroon
Ang puso **** labis nang nasasaktan
At takot nang umibig muli

(Waiting for your fateful return
From that far, hidden place where
Your broken and beaten heart is
That lost all hope in love)

Ialay ang pusong nagdurugo
Kapalit ng puso kong gusto kang mahalin
At nang lahat ng sakit ay aking akuin
At nang maibalik natin ang ngiting mailap

(Exchange with me your bleeding heart
With mine that anticipates to love yours
To share with me the burden of your pain
And bring back the elusive smile on your face)

Mahal kita umpisa pa lamang
Mamahalin kita kahit masakit
Lulunukin ang dangal at dignidad
Sa pagsusumamong ikaw ay maging akin

(I loved you from the very beginning
And I will love you still amidst the pain
I will swallow my pride and dignity
In this arduous quest to make you mine)

Sana matapos na ang ating paglalaro
Ang tagu-taguang walang patutunguhan
Panalangin kay Bathala sana'y marinig
Ang pusong nagsusumamo'y sana yakapin muli

(I pray for the little games to end soon
This hide-and-seek that seems meaningless
Dear God, hear my prayers and pleas
Of the heart that yearns be embraced again)
Originally a Tagalog poem
But I made an English translation for the foreigners

I hope everybody likes it!
Happy Reading! Thanks!

-J
John AD  Oct 2018
Taguan
John AD Oct 2018
Kay tagal kong hinahanap ang sarili,patuloy parin ang lungkot at nananatili
Ang isip ko'y gulong gulo , Akala ko'y kalmado na ang lahat , subalit meron parin akong lagnat
Sakit na habang buhay ng nasa aking katawan , kinakain paunti-unti hanggang ako'y magpaalam,
Utak ko'y sirang sira na pinagsama ko kasi ang lungkot at saya

Ang alak na ngayo'y aking muling tinikman ganun parin ang lasa , lasa ng kalungkutan,
Mga taong aking nakilala , aking iniwanan para lang mahanap ang kaligayahang inaasam-asam
Bumuti lang ako ng ilang porsyento , bagkus may mga bagay na hindi perpekto
Dahil ang ugat ng ito ay nakatanim sa aking pagkatao , kaya't hanggang ngayon ako'y isang Preso.
Sy Lilang  Jan 2017
Buwan
Sy Lilang Jan 2017
011717
(Para sa lahat ng mga tumatakbo, mga napilayan at napaltusan. Para sa mga gusto nang huminto pero may humihila sayo pabalik na hindi mabuo-buo ang loob **** lumisan kasi pagod ka na rin sa katatakbo. Oo, ayos lang maging totoo't amining pagod ka na. Natakot kang humarap sa mundo pagkat napuno ka ng sari't saring mga isyu sa buhay mo, kaya akala mo walang saysay ang bawat salaysay. Akala mo, wala nang nais makinig sa bawat kwento **** tila paulit-ulit na lang. Akala mo, tuldok na at wala nang kasunod pa. Wala kang matakbuhan at lagi ka na lang tumatakas. Oo, nasanay ka na at akala mo ayos lang at tama yun. Nagtatago ka sa dilim at ayaw **** lumantad, natakot kang makita yung totoong ikaw kasi ayaw **** mahusgahan o makaani ng masasakit na salita. Natakot kang magtiwala ulit pero pag lumantad ka, doon ka lang pala makalalaya. Saksi ang lahat ng nilikha sayong pag-amin na hindi mo kayang mag-isa, na ayaw mo nang mamuhay nang may paglihim. Na gusto mo nang magbago at patuloy na lumaban -- lumaban nang patas at ayaw mo nang talikuran ang nakaraan. Na gusto mo nang harapin ang mga hindi matapus-tapos na mga isyu sa buhay mo -- mga isyung tila mga sundalong kalansay buhat sa nakaraang kailangan mo nang sugpuin. Oo, kaya mo. Oo, kaya Niya sa buhay mo. Buhay ka pa, humihinga ka pa. Kaya mo yan!)

Ayokong palipasin ang sandali nang pagpikit -- habang nakasandal ka sa kalangitan. Habang iniisip **** hindi mo Ako kayang abutin. Iniisip mo sigurong kinaligtaan Kita, na hindi na Kita tinitingnan pagkat mas pinili **** magtago sa dilim. Akala mo siguro'y hindi ko alam kung nasaan ka -- kung saan at paano mo isinantabi ang sarili mo kaya't hindi Ko maibuhos ang pagpapala Ko sayo. Oo, kasi umiiwas ka, umiilag ka at nilalayuan mo Ako.

Hindi Ako nakikipaglaro ng Tagu-taguan sayo kung saan ay ihahatak mo ang iyong sarili palayo sa Akin at itatatak sa puso't isipang hindi ka na pupuwedeng lumantad hangga't wala pa ang liwanag. Naghihintay lang Ako, naghihintay Ako kung saan mo Ako pinasandal at sa bawat melodiya't pag-indak ng mga ulap na wari mo'y nagtatago rin Ako, noon pa ma'y inilantad Ko na ang Aking sarili sayo. Hinihintay Kitang magpasakop sa Ilaw Ko, nang magkusa kang magpataya sa Akin gamit ang Aking mga yakap. Pagkat hindi mo na kailangan pang magtago -- hindi mo na kailangang maghintay nang napakatagal para lamang masabi **** nahilom ka na. Ang paglantad mo ay siyang pagsuko mo at bagamat ito'y pagsuko, makinig ka: naging matapang ka na. Hindi mo na kailangang yumukong tangan-tangan ang hiya pagkat sa iyong pagpapakumbaba'y itataas Kita gamit ang aking Ngalan at titingala ka na. Matititigan Mo na rin Ako, makikilala mo na rin Ako. Iba't iba man ang anyo Ko'y Ako pa rin ito. May ipinapaabot lamang Ako sayo nang mas maging malapit tayo sa isa't isa. Igagawad Ko sayo ang aking lakas kasabay nang pagbitaw Ko ng mga Salita. At kahit gabi na'y mag-iilaw at mag-aapoy ka pa rin pagkat ikaw na ang magiging taya. Ikaw na ang maghahanap sa mga nawawala't magbubukas ng pintuan para sa mga nagtatago't nagpabaon na sa dilim.
Wag **** tulugan ang dilim pagkat parating na ang Umaga kung kailan at kung saa'y mas magiging lantad na ang lahat. Babangon Ako hindi bilang Buwan na may pakislap na liwanag ngunit bilang Haring Araw at susugpuin ang dilim. Wala nang makapagtatago pa pagkat magiging hayag na ang lahat.

Kaya Anak, wag kang matakot at ngayon pa lang ay ihayag mo ang iyong sarili sa Aking liwanag -- sa Aking liwanag na papandong sayo at uutos sa dilim nang tuluyan mo nang masilayan ang iyong sarili -- ang iyong sariling may pagpupunyagi. Maghanda ka, malapit na ang pagdating Ko. Maghanda ka, magkakasama na rin Tayo.
Donward Bughaw Apr 2019
Sino ka para limitahan ako
sa making kalayaan sa murang edad
na kung tutuusin ay
batbat pa ng pakikipagsapalaran?
Maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.

Sino ka?
Sino ka, at naisipang unti-unting kitlan ako ng buhay;
Akong sinasabing
'pag-asa ng' inyong 'bayan'
ngayon ba'y magiging
kalaban ng estado't pamahalaan,
nang batas ng taong
tutugis at pipiit sa akin
sa loob ng kulungang nakahandang pumatay
ng kinabukasan?
Ako dapat ay malaya,
malayang maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.
Ang tulang ito ay base sa isyung pagbaba ng edad ng liyabilidad mula 15 hanggang 9 na taong gulang.
Nagsimula na ang bilang mo,
Isa, dalawa, tatlo,
Nagsimula na ang aking pagtakbo,
Apat, lima, anim,
Nagtago na ako mula sayo,
Pito,walo,siyam,
Napakadami na ng aking hinakbang papunta sa dilim,
Takot man ako sa mga nilalang ng kadiliman,
Handa akong tumakbo papunta rito,
Basta’t makalayo lamang sayo.

Hindi ko na narinig ang pagtatapos ng iyong pagbibilang,
Hindi ko alam kung sino na sa atin ang nagtatago’t naghahanap,
Patapos na ba ang ating laro?
Kaya’t uuwi ka na lamang, at magpapahinga sa bahay niyo?
Lumalalim na ang gabi,
Natatanglawan na tayo ng mga bituin,
At mga alitaptap na tila kumikislap ang mga pakpak,
Ikaw ba’y naglalakad palayo sa akin?
O ako ba ay tumatakbo lamang paalis?

Gabing gabi na,
Tayo pa rin ay nagtataguan sa ilalim ng buwan,
Maglalakad na ako mula dito sa aking taguan,
Papunta sa iyong tahanan,
Wala na akong pakialam,
Kung ako man ay mataya o di kaya’y madapa,
Basta’t matapos na ang ating taguan,
At pagkakita ko sayo,
Sa dati **** pwesto,
Natapos ang iyong pagbibilang,
Sampu, narito na ako, nahanap na kita,
Hindi pala ikaw ang taya,
Aking mga mata lamang pala ay dinadaya,
Natapos din ang ating taguan,
Nahanap na kita, nahanap mo na ba ako?
Sy Lilang  Jul 2015
SONA-sonahan
Sy Lilang Jul 2015
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Sona-sonahan, madilim na naman.
Pagbilang kong tatlo, nakatago na kayo
Mapagod man kayo, tuloy pa rin ang laban ko
Isa.. dalawa.. tatlo.. Game?"*

Pag si Juan ang nagsalita,
Nag-aalitan ang madla.
Pag tikom ang bibig,
Siya'y bulag raw sa maralita.

Pag nilatag ang naplantsa,
Lalatiguhin ng administrasyon.
Pag walang plataporma,
Ihahagis sa bangin ng suhestisyon.

Kalaban pala nati'y ang sariling atin,
Demokrasya nga'y may sapin pa rin sa bibig
Mga bolang itim, saang lupalop ang padpad
Mapait ang kapayapaan,
Dakila ma'y kanilang binabagsak din.

Walang nakatitiis sa bayang nagpapapansin
Masakit nga naman sa bulsa ang tunay na bayanihan
Dugo'y dumanak makamtan lamang ang demokrasya
Sobra-sobra nga lang ang danak ng iilang raleyista.

Sadsad sa suliranin ang Inang tinakwil
Mga anak sa lama'y namasyal pa sa ibang bayan
Hindi na matapus-tapos ito'y pagdadamayan,
Damay sa kurapsyon, damay sa pagtitwakal ng mga Inakay.
Yuyuko na lang ang nasa langit
Pagkat nagapi ang mga tunay na Anak --
Ang lipunang ginahasa ng iilang ganid,
Paulit-ulit na, ang hapdi ng kamusmusan.

May iilang nagtatanong,
May iilang walang pagtataka,
Musmos sa bayan, wala namang pag-usbong
Kaya't iba na lang ang nakikinabang
Puspos sa distansya
Ng kamalian ng nakaraan.

Hugas-kamay ang iilan,
Simpleng hindi batian,
Wika nga ba ng pagkakalimutan?
Parang away-kalye, away-bata
Aso't pusa, sa lipunang
ang hepe'y sila-sila lang din.

Batu-bato pik, naglalaro ang iilan
Bukas tataya na naman sa lotto
At pag natalo'y iiyak na lang,
Bibigyan ng tsokolate,
Pangako para sa matamis na pag-iibigan
Ngunit balat lang pala,
Mapagbalatkayong himagsikan
Tapos, hahanap ng Darna
Pagkalunok ng bato ng kamanhidan.

— The End —