Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniel Dec 2017
Gusto ko ng panibagong balat.
Iyong maputi at makinis.
Mala porselana,
Na halos kuminang tuwing masisinagan ng araw.
Kabisado ko ang bilang ng araw,
Na ginugugol sa ilalim ng araw kakabanat.

Ngunit,
Ang panibagong balat,
Hindi nito ako kayang protektahan, alam ko.
Lilimitahan lamang nito ang mga nalalaman ko.
Ngunit,
Sa panibagong balat, nais ko magsimula.
Kilalanin at kalimutan ng halos magkasabay,
Ang imahe ng nakakadiri kong balat.

Bilang ang peklat.
Sukat ko kung gaano kalalim ito,
Noong sugat pa lamang.
Kaya ko gusto ng bagong balat para pagtakpan ito.
Baka sakaling iwasto ng bago kong balat,
Ang mga naimali ko.

Makikilala kaya ako ng ibang tao,
Sa bagong balat na suot ko?

Marahil hindi,
sana hindi,
panigurado hindi.

Nais kong magtago,
Sa paraan kung paano ako lulutang ng hubo't hubad.
Nang hindi ko na itatakip,
Ang aking palad sa aking dibdib,
Dahon sa ibaba ng puson.

Isisigaw ko ang salitang "PUTA!" ng napakalakas,
Halos magsisilabas
Ang mga putang mismong makakarinig,
At yayakapin ko sila.

Dahil bago ang balat ko, ito'y mainit.
Kumpara sa nahamugan kong balat kagabi.
Malinis,
Kumpara sa balat kong may dampi ng mabahong laway.
Mabango,
Kumpara sa mumurahing aficionado na nahaluan
Ng pawis ni Ricardo kagabi.

Bagong balat.
Ibebenta ko ang luma kong balat,
Sa gabing ito.
Bilhin mo ang aking balat.

May panibago bukas,
Pag-asa, hamon,
Mantikilya sa loob ng pandesal.

Gamit ang luma kong balat,
Makakabili pa ba ako ng bago?

Magkaiba ang bagong uri sa bagong palit.
Ang balat ko, nalaspag na.
Tulad ng puti kong damit,
Hindi na ito puti.

Marumi ang titig ko.
Marumihin ang aking naisuot.
Ang balat ko ay puno ng mantsa,
Ngunit bago ang aking suot ngayon, bagamat,
Iisa parin ng uri.

Balat na nakalaan para ulitin ang pagrumi at
Yurak sa puti kong suot.
Bagong balat, kulay puti.
Wala na akong maisuot.

Hubad na ang aking puri.
Hindi ko masuot ang salapi.
Magkano pera mo? Tara?
Nais mo bang makita ang aking balat?
Itong tulang ito ay patungkol sa prostitusyon. / This poem tackles prostitution.
Brent Sep 2016
Halina kayong lahat at makinig!
Magdikit-dikit at magkapit-bisig!
At sabay pakiramdaman ang tahimik na unos
ng isang dakilang puting kandilang upos.

Dito sa ating liblib na barrio
Nakatago ang isang kandilang puti
Labis na mahaba;
ang pasensya
na tila kayang hintayin
ang walang hanggan.
Ngunit labis na manipis;
na kaybilis tablan at lapitan ng hinagpis.

Dumating ang araw na kinailangang sindihan
ang dakilang puting kandila
sapagkat nawala at napundi na
ang ilaw ng tahanan.

Nang idinikit ang posporo sa kanyang mitsa
ay hindi sadyang nakapaso ang kandila
subalit ang nagsindi
ay 'di napigilang magalit,
pilit na pinutol ang kandilang puti
sa gitna at ito'y nangalahati.

Walang nagawa ang kandilang mayumi
kundi iiyak ang mainit nitong pagkit
ngunit ang tanglaw nito ay kayliwanag
buong barrio'y mararamdaman ang kanyang sinag.

Ilang araw nangyaring muli
ang pagpasong hindi minimithi
ang kandilang puti'y
patuloy pa ring nangangalahati
ngunit ang liwanag sa barrio'y
sa kanya pa rin nanggagaling.

Dumating ang araw ng kandila
na hindi na maaring kalahatiin.
Unti-unting sumuko na rin
ang mahaba nitong mitsa.

Sa huling sandali,
ay hindi na nakapagpigil
ang mapanghimok na nagsindi.
Buong lakas na nag-ipon nang hangin
Buong pwersang sumigaw sa kandila.
Ang kandila'y 'di na nanlaban
at nagtuloy nang manghina.
At sa huling bulong ng nagsindi,
ang liwanag ng kandilang puti ay napundi.

Halina kayong lahat at makinig
Magdikit-dikit at magkapit-bisig
sabay pakiramdaman sa walang kibong katahimikan
ang umaalulong na hagulgol ng dakilang kandila.
trying out a literary style for a contest. 3rd work that's in Filipino. Kinda deep and shallow at the same time.
Nakasisilaw* sa Kapitolyo
Sa sentro ng siyudad
Tatak ng probinsyang pabo.

Sari't sari ang trayanggulong baligtad
Nasa ere silang kumukumpas
At tila ba may spotlight sa norte paroon
"City of the Living God,"
Inukit sa tabla ng di kilalang manlililok.

Minsan ding naging "City in the Forest,"
Sabi pa sa balita'y "Safest place in the Philippines"
Bagkus ang pagmimina'y tuloy pa rin
Lalo na sa Rio Tuba na ramdam ang Climate Change.

Dagdagan pa ng pamimihasa ng PALECO
Hihiramin nang saglit ang kakaunting ilaw at hangin
Nang di maglao'y mapa-"OO" ang lahat
Sa mungkahi nilang planta ng pagbabago.

Bulag sila't barado ang isip
Kikitilin ang hanapbuhay ng mga residente
Walang kamalay-malay ang iilan
Ito'y mitsa na pala ng pagdarahop.

Hahalayin ang tigang na lupa
Bubungkalin raw ang kinabukasan
Bagkus ang pawis ay sa atin
Tayo'y alila ng karatig-bansa
Dayuhan sa sariling bayan.

Titirik sila sa espasyo
Bisig ng tabing-dagat na buhangi'y sutla
Inosente nga sa Salvage Zone
Paano pa kaya pag naimplementa na?

Likido ang bawat anino sa semento
Tumatakbo't tumatagpo sa iba't ibang direksyon
Hindi makapuswit ang mga sasakyan
Maging ang simpleng harurot
Ng munting bisekleta ni Juan.

Doon ko nasilayan ang magigiting na pulis
Taas-noong suot ang uniporme
At iilang traffic enforcer
Na wala sa linyang puti.

Tila bawat uri ng katauha'y nasa parada
Kung hindi man,
Sa iilang personang lumalabas-pasok sa eksena
Kukuha ng larawan, akala mo eksperto
Hindi naman pala
Ayos, selfie pala ang gusto
Dekorasyon ang mga artistang Netibo.

Bawat munisipyo'y may nagsisilbing pambato
Makukulay ang mga sasakya't pudpod ng disenyo
Na sa kahit sa palamuti'y maitaas ang munisipyo
Buhat sa pagkabiktima ng gobyernong manloloko.

Highlight nga ang Street Dancing
Aba't ang layo ng kanilang lakarin
At sa bawat kanto'y sasabay
Sa saliw ng Remix na musikang inihain.

Nalugmok ang puso ko
Bagamat ito'y nararapat na saya ang dulot
Ito'y nagsisilbing maskara na lamang
Nakasanayan, naging tradisyon
Ang kulturang laging may bahid ng eleksyon.

Nakaririmarim ang iilang nasa trono
Pinalibutan ng berdeng hardin ang sentro
Bulong ng Supplier doble pala ang presyo
Aba't sige nga, saan nila ibubulsa?
Kung ang kanila'y umaapaw pa.

Bagamat ang lahat ay nasa bilog
Paikut-ikot tayo sa animong sitwasyon
Tanging takbuhan nati'y ang Maykapal
Na hanggang sa huli'y magwawasto ng bawat kamalian.

Sa probinsyang kinalalagyan
Ito'y nag-aalab na espada ng lipunan
Bawat isa'y responsable't may pananagutan
Tamang dedikasyon sa sandigang bayan.

Walang masama sa pagiging alarma
Maging aktibo ka, kabataan
Ikaw ang pag-asa ng Perlas ng Silanganan
Abutin mo yaong pangarap at manindigan
Hindi pansarili, bagkus pag sa tuktok na'y
Gawin ang tanging tama
Na naaayon sa batas ng higit na Nakatataas.

(6/29/14 @xirlleelang)
Hindi kulay ang pawang panig
Walang lulusong sa anumalya
Wala ring nararapat na makiniig.

Sa sirkulasyong may kaltas
Mananatiling may lamat
Bawat pahina'y puti
May punit, may dungis
At pagka gabi'y
Nasa kalye ang dilim.

Ang tinig ay patas
Walang sumasanib
Kung walang manghihikayat
Mananatili ang kamalian
Ng lipunang hindi nilisan ang kwadra
Ang sinulid ay rorolyo
At hindi na muling masisilayan pa.

Kung ang puti at itim ay kulay
Ito'y hindi nararapat na pinagninilay-nilayan
Salungat ang daan
Patungo sa **liwanag at kadiliman

Bagkus ito'y pawang
Lalang para sa iisang sanlibutan.

(7/2/14 @xirlleelang)
Gat-Usig Oct 2013
Aniversari ng Mag-jowa
Mansari ng Mag-jowa,
Valentayns Dey
Sa loob ng bartolina.


May wan en onli,

Kahapon kaututan ko si Bebot,
Nakaposas ang mga kamay at 'di makakilos
Nakatali ang mga paa sa kadenang
May bolang bakal,
Si Bebot ay matitigok na.
Nagkaututan kami sa gawing madilim,
Tangan ang Gud Morning,
Pamunas ng luha.
Humahagulhol dahil kay Dok Puti,
Hinahanda na nito
Ang kanyang kahahantungan,
Said na said ang mga hikbi;
Pinid na pinid ang mga kagalakan,
Gustong pahintuin ang bawat saglit.
Di mapigil ang hatol,
Nasa dulo ng karayom
Nakasalalay ang lahat;
Unti-unting naniningkit si Bebot,
Ginagapos na siya ni Dok Puti sa katre;
Walang sinuman ang makakaampat
Sa naturang likido.
Kahapon, kaututan ni Dok Puti si Bebot.
"Lav, sapitin mo nawa ang iyong katahimikan."


Sa Valentayns Dey,
kahit sinong mag-jowa.
-  Juan Dela Cruz, M.D.


P.S.
Alay sa bawat magkasintahang pinagtagpo't
pinaglayo ng pagkakataon.
Ako’y modernong karpintero
Sa henerasyong baon sa utang,
Hindi pa man isilang,
Ang kamalaya’y limot at simot na.

Puros kalyo ang latay
Sa pares na kamay
Na ang sigaw ay pagbabago
Diktahan man kahit demokrasya pa,
Lahat tila may mantsa’t tatak pulitika.

May direksyon ang pagdisenyo
Pahalang sa kapwa-tao,
Samantalang ang kabila’y
Ang labi’y eksperto sa pagsayad sa lupa
Patungo sa ulap at bituin
Kung saan naroon raw ang Maykapal.

Narito ako sa kanilang tagpuan
Tatawid sa kalyeng hindi masilayan
Bingi sa sanlibutan
Minsang pinaligua’t sinabunan ng kadiliman.

Narito ako,
Sa sentro’y may hanap-hanap
Kilabot ng pagtahi sa sugat ay titiisin.
Pagkat ang latay, hindi man nasaksihan
Ramdam maging sa tadyang
Na akin daw ay pinagmulan.

Kung mararapatin lamang
Ng lupang minsa’y naging gintong bayan
Na pang-habambuhay siya’y lisanin
At sa pagbukang-liwayway, tatakbo sa Liwanag.

Walang karapatan ang takipsilim na uminda
Pagkat ang Haring Araw
Sisikat at yuyupakan ang kanyang dangal,
Siyang isang pobre’t salat sa Katotohanan.

Niyapos ko ang buhok
At pinahid sa mansanas, sa mangga’t
Maging sa dagat na sagisag ng kalayaan.

Ako’y tumakas
Tangan ang sandata ng buhay;
Pakuwari ko’y walang himagsikan
Ang siyang muling sisiklab
Pagkat ang laban ay tapos na noon pa man.

Puting papel at plumang walang tinta
Ang iniwan sa akin ng Ama
Hindi ko mawari sa paanong paraan ba
Maililimbag ang isusulat nitong pluma.

Ngunit ang tukso
Na madungisan ang pahinang puti
Ang puro’t walang bahid ng itim at kulay bahaghari,
Alam ko, balang araw
Mapupunan ito, hindi ng salita
Bagkus ng larawang sa sansinukob
Ay hahagkan ang bawat nilalang
Itatas muli ang bandila -
Silang puro ang tiwala sa Pintor ng Pagbabago.

(5/23/14 @xirlleelang)
Jeremiah Ramos Feb 2016
Tayo ay magkasalungat
Magkaiba, hindi tugma
At kahit baliktarin mo ang mundo
Tayo ay dalawang taong
Hindi maipagsasama,
Hindi maipapares, hindi din maitutugma
Pero mahal pa rin kita

Ikaw,
Ikaw, na nagmamahal ng iba
Ikaw, na mayroon mga mata
Na para bang sila ang dahilan kung bakit may mga tala
Ikaw, na mayroong bibig
Para ngumiti o sumimangot
Sa tamis at pait ng buhay
Ikaw, na mayroong kamay
Para mahawakan ang kamay ng taong mahal mo
Ikaw, na mayroong puso,
Na naghahanap ng kasabay sa pagtibok nito

Ako,
Ako, na nagmamahal sa'yo
Ako, na mayroon ding mga mata
Na nakakakita sa'yo kahit ang kwarto ay punong-puno ng libu-libong tao
Ako, na mayroon ding bibig
Para ngumiti, tumawa, humalakhak
Kahit wala ka sa tabi ko
Ako, na mayroon ding mga kamay
Na dapat hawak ang iyo
Ako, na mayroon ding puso
Na hindi pala tutugma ng tibok ng iyo
Kasi pabilis ito ng pabilis habang ikaw ay papalapit ng papalapit
Pero pakinggan mo sana sa ingay ng 'di tugmang tibok ng puso natin
May nagsasabing
Mahal kita, gusto kita, ako na lang, sana tayo
Pero nandiyan pala siya.

Siya, na minamahal mo
Siya, na parang buwan kasama ang mga tala
Siya, na laging hawak ang kamay mo
Siya, ang dahilan kung bakit hindi ko kayang sabihin lahat ng 'to sa harap mo.

Tayo,
Tayo ay parang tubig at langis,
Liwanag at dilim, langit at lupa
Mapait at matamis, madumi at malinis
Maingay at tahimik, itim at puti
Tayo ang perpektong kahulugan ng salitang 'salungat'

Sana,
Sana magising ako sa katotohanan na mali ang konsepto ng pag-ibig na nalaman ko
Na ang pag-ibig pala hindi lagi inaantay,
At hindi din lagi naghahanap ng kapalit
Sana nagkakilala tayong may lihim na nararamdaman sa isa't-isa
Sana kayanin **** magmahal ng higit pa sa kaibigan
Sana hindi na lang kayo nagkakilala
Sana ikaw ang pangalan na nawawalan ng saysay pag paulit ulit ko itong sinasabi
Sana hindi na lang ako lagi kumakapit sa sana.

Pangako,
Pinangako ko sa sarili ko
Na pagkatapos ng tulang 'to
Titigil na akong isipin ka
Titigil na akong alalahanin ang ngiti mo, ang paggalaw ng iyong bibig tuwing sasabihin mo ang pangalan ko
Titigilan na kita sulatan ng tula
Titigil na akong mahalin ka
At ang huling sana na aasahan kong matupad
Na sana tandaan mo,
Minahal kita, Ginusto kita,
Kahit siya na lang
At sana masaya ka.
Para kay A.
Minsa’y nadako ako sa Kalye Pag-ibig
Marahil walang karatula
Ang mayroon lamang ay iilang linyang puti
Salungat sa kalsada
Siya rin palang tulay sa’ting tagpuan.

Bawat butil ng Kanyang mukha’y
Kumakapit at humihilik sa balat
Sa’king palad, umaapaw ang mga ito
Hihinto pa ba?
Pagkat hindi handa
Ang yerong gawa sa plastik
Na syang bihis-bihis ng kabilang palad.

Maraming yapak, aking naririnig
Ngunit alam kong ang berdeng kulay
Pawang hindi para sakin at sayo.
Ang bawat kasuotan nila’y
Tila pustura lang, ako’y nanatiling walang kibo.

Unti-unti kong binagtas ang eskinita
Makitid doon ngunit alam kong ito’y tama
Tila kayrami pa ring paninda
Ngunit ang lahat, hindi naman kabili-bili
Pagkat minsanan lang ang pag-ibig na totoo
Ni hindi ito kinakalakal.

Hindi ko man mabili ang nais ko ngayon
Masilayan man kita, bagkus likod lamang
Ni hindi ko nga matanto ang itsura
Basta’t sigurado ako
Sa paglingon mo’y parehas na tayong handa.

Malayo pa ang lalakbayin
Ng pawang minanhid na mga paa
Pagkat ang direksyon nati’y
Sa ngayo’y alam kong
Hindi pa para sa isa’t isa.

Ikaw na siyang iniirog
Aking hihintayin
Hanggang ang oras ay tumiklop
At umusbong ang panibagong bulaklak
Saka natin pagmasdan
Mga paru paro’t iilang kulisap, maging alitaptap.

Tatandaan ko ang ating tagpuan
Kung saan ihihimlay natin ang kinabukasan
Buksan mo ang pusong minsang winarak
Bubuuohin muna iyan ng Nasa Itaas
At saka na natin isulat ang makabagong alamat.

Sa Kalye Pag-ibig, tandaan mo, irog
Tayo’y babalik at muling mangangarap
Bubuo na panibagong larawan
Na may tunay na ngiting
Hahalimuyak sa mas Nakatataas.

Sa Kalye Pag-ibig,
Doon tayo magkita.
Dahil kahit saan ay Kalye ng Pag-ibig.
Pabalik-balik ka
Hahakbang nang pakaliwa ,
Hahakbang nang pakanan.

Yapus-yapos ako ng aking kinahihimlayan
Balakid nati'y salaming
Bahagdan lamang ang kinalalagyan.

Puti ang daan patungo sa iyong tuntungan
Sumusulyap ka nga't
Mensahe'y kusang tanong
Tinipon at binahagi sa pagkatao.

Malabo ang salamin sa harap
Dito sa amin at sa kalye sa looban
Kung saan dinudumog ito
Ng mga kliyenteng
Buht sa iba't ibang pintuan.

Takipsilim na
Tangan-tangan ko ang susi palabas
Nang tumambad ka't
Ilang metro lamang ang distansya.

Nagtagpo ang pawang paningin
Bagkus kailangan na ring pigilan ng sandali
Nauna ka
Pagbaba ko'y hindi na muling nasilayan
Anumang aninag ng iyong *lihim na pagkatao.


Mayroong kumaway sa akin
Isang pamilyar na tauhan sa sarili kong kwento
Dati ko palang **** sa asignaturang Ekonomiks.

Tinugon ko ang pagtawag niya sa akin
Aba't ang oras ang huminto
Ninakaw ng kanyang katabi
Ang pagtingin buhat sa tumanggap ng pagtugon.

Naroon ka, hawak ang manibela
Ako'y nauupos na kandila
Ako'y hinahanging saranggola
Isang bulang hinihele ng musikang walang liriko.

Hindi ako naging epektibo sa kausap
Doon ang pasimula ng kwento
Hihintayin ko ang muling pagsirit
ng nanlilisik na araw
At ang lahat ay kapwa
Pausbong na ala ala na lamang.
Para sayo na sumisilip sa office ng firm namin.
Carl  Nov 2018
Sa Ating Pagtanda
Carl Nov 2018
Yayakapin ka nang mahigpit
Pinagkainan mo'y ako ang magliligpit
Tititigan ko pa rin ang mga mata mo
Kahit na malabo na ang paningin ko rito

Iintindihin kita sa pagiging makakalimutin mo
Habang ipapaalala ko ang pagmamahal sa iyo
Madali na rin siguro ako makalimot
Ngunit pag-ibig ko sayo'y hindi ipagdadamot

Marahil puti na ang ating mga buhok
Matatamis na pagkain bawal na tayong makalunok
Uugod-ugod, kulubot ang balat
Ikaw pa rin ang aking prinsesa hangga’t ako’y nakadidilat
cmps
0617

Gusto kong punuin ng letra ang bawat pader ng kwarto
Yung tipong wala akong makikita na kahit maliit na espayo.
Gusto kong guhitan pati ang sahig at kisame
At dungisan ang salamin sa bintana
Hanggang sa wala na akong masambit pa.

Gusto kong kalimutan ang bawat mensahe na pilit **** pinapaalala
Sa bawat sandaling sabi mo'y hindi kukupas ang mga naipinta.
Ang makulay na pader ay pininturahan ko ng puti
Ngunit ngayon, ang bawat salita ay wala nang halaga.

At gaya ng pader na kulay puti,
Wala akong makitang dahilan para balikan ka.
Wala akong maaninag sa bintana na kahit katiting na pag-asa.
Ayoko nang bumalik pa
Kasi ilang beses na akong napuruhan.

Sa isang iglap, nakalimutan ko ang mga salitang "mahal kita."
Napuno ng masasakit na salita ang bawat pader
Na kahit sa aking pagtingala
Ay nananatili akong gising.
At sa pagpadyak ko ng mga paa ko,
Napuno ng bubog ang sahig na dating makintab.

Nagdurugo ang aking mga talampakan
At hindi ko maintindihan ba't ngayon lang ako nasaktan.
At kung bakit pa ako pilit na bumabalik
Sa alam ko namang madilim na silid-higaan.

Inisa-isa kong tupiin ang mga damit sa lapag
At pinuno ko ang aking maleta ng tanging mahahalaga lamang.
Gusto kong bumawi sa sarili ko
At ngayon, aalis na ako --
Hindi ka na mahalaga.
Louie Clamor May 2016
Napadaan ako sa isang perya
Naghahanap ng mga munting ngiti at saya
Sa mga nakakamanghang ilaw na tila mga bituin
Makaalis lamang sa paglamon ng dilim
Makaiwas sa ngiting bitin

Sa aking pagikot,
Napansin ko yung mga ngiti
Ngiti ng mga taong puti at may pulang labi
Kasiyahan dumaloy sa kanilang muka
Tunay ba kahit pagtalikod nila?

Isa’y pinagmasdan
Tinitigang mabuti ang mukang puti
Aking napansin ang isang ngiti ng muka’y nakapaskil
at isang mukang umiiyak na tila walang ****
Sa mga taong hindi nakakapansin

Munting payaso
Umiiyak nga ba o tumatawa?
Magaling magtago ng tunay na nararamdam
Na halos kaunti lang ang nakadadama
Ikaw, mapapansin mo kaya?

— The End —