Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Aug 2018
Para sa Pusong Iniwan
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Umuulan na naman pala
Basa na naman ang kalsada
Malamig na naman ang dampi ng hanging nagmumula sa bukas na bintana
Gabi na rin pala, nalipasan na nang gutom,
Nakapatay ang ilaw sa kwarto, pero maya’t mayang binibisita ng liwanag ng kidlat
ang malungkot na gabi
Ang hirap pala ngumiti kung may luhang dumadampi sa mga pisngi
Nakakatawa kasi eh. Buti pa ang kidlat bumibisita
Buti pa ang kidlat, may hatid na liwanag, tapos yayakapin ka ng kakaibang lamig ng haplos ng hanging dala nito
Mabuti pa ang ulan, bumubuhos na parang malayang-malaya
Bumubuhos kasama ng mga luha
Bumubuhos kasama ng mga sakit na iniwan
Bumubuhos kasabay ng pagluha ng pusong iniwan.

Umaga na naman pala
Buti nalang nagising ng maaga
Haharap sa mesa, at kagaya ng nakasanayan, magtitimpla ng mainit na kape
Tatangkaing gisingin ang diwa, susubukang palitan ng init ang hatid na lamig ng gabi
Iba talaga ‘pag hinahatid ka ng sariling paghikbi sa kapayapaan ng mundo ng mga panaginip
Doon kung saan walang sakit, yung bang walang imposible
Heto na naman, panibagong araw
Araw-araw kong nasisilayan ang sigla ng sikat ng araw pero bakit dama pa rin yung dilim kinagabihan
Hindi pa rin matanaw ang liwanag
Tinangay mo kasi
Sinama mo sa pag-alis
Bakit naman kasi ang bilis? Hindi man lang ako nakapagpaalam

Tanghali na pala
Oras na ng kain.
At tulad ng dati, inaaya pa rin nila ko kumain
At tulad ng dati, tumatanggi pa rin
Kasi alam ko pupuntahan mo ko tapos sabay tayong kakain
Dun sa dati, sa paborito natin
Tanghalian na pala
Pero imbis na sa pagkain ay sa telepono ako nakatingin
Hindi man aminin pero sa loob loob ko’y naghihintay pa rin
Para sa iyong “kumain ka na ba?” o “Puntahan kita, kain tayo”
Hingang malalim, yung may kasamang matinding damdamin

Ilang tanghalian pa at malilimutan rin kita

Malilimutan ko rin yung ningning sa’yong mga mata kapag kausap kita
Yung mga biro **** corny pero tatawanan ko pa rin kasi habang binabanggit mo yun, natutuwa  ako
Natutuwa ako na kasama kita
Natutuwa ako na kausap kita
Natutuwa ako kasi akin ka
Natutuwa ako kasi ang cute mo, para kang batang masayahin
Natutuwa ako kasi magkasama tayo
Natutuwa ako kasi solo natin ang bawat sandali
Natutuwa ako kasi ikaw yan at mahal kita

Yun. Tumpak! Mahal pa rin kita.


Matagal na rin pala.
At hindi na tulad ng dati
Memoryado ko na lahat ng pasikot-sikot ng pagkatao mo
Ginawa kasi kitang mundo ko
Mahirap.
Masakit.
At para lang malaman mo, hindi kita kinabisado na tila mga salita sa paborito nating kanta para lang limutin
Mahirap.
Masakit.
Hindi naman kasi kita ginawang mundo para lang lisanin
Pero hindi naman talaga kita nilisan, mahal.
Ikaw yung nang-iwan
Ikaw yung sumuko
Ikaw yung bumitaw
At matagal na rin pala
Nung sinabi mo sakin na “Malaya ka na” alalang-ala ko pa. Yun yung panahon kung kalian ayaw kong lumaya. Ayaw kong lumaya sa pag-ibig mo. Gusto ko masintensyahan ng habang-buhay na pagkakulong dyan sa puso mo, sa buhay mo.

Pinilit ko kumapit pero kinalagan mo ako, pangako, pinilit ko pero pinalaya mo ako

Matagal na rin pala
Mahirap pa rin.
Masakit pa rin.
Ako nalang ang hinihintay. Siguro’y panahon na.
Para sarili ko naman yung palayain ko
Hindi naman siguro kailangang pilitin
Hindi naman kasi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging parte na rin ng pagkatao ko
Pero para sa ikalalaya ng pusong iniwan
Para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan
Sisimulan ko na…..                makalimot.

Pero teka…


Umuulan na naman pala.
Wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala


Maaalala na naman kita.
I just have every pain and smiles enough to write this piece, not necessarily the experiences. Perhaps, with all my heart
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
Marge Redelicia Jun 2015
ang pangalan niya ay jesus.
oo, ang pangalan mismo ng kaibigan ko ay jesus.
seryoso ako.

si jesus
ay siyang dalaga,
morena, kulot ang buhok.
ang lalim ng mga dimples at
may mga pisngi na kay sarap kurotin.

parang musika ang himig ng kanyang tawa
at hindi kumpleto ang kanyang mga bati
kung walang kasamang yakap na kay higpit.
hindi ko gets kung bakit
hindi siya kumakain ng tinapay ng walang asukal.
at nakakatawa lang kung paano
lagi siyang may baon na sachet ng bear brand
na pinapapak niya kapag siya ay naiinip.

si jesus
ay isang iskolar,
magna *** laude standing,
bise presidente ng kanilang organisasyon.
balak mag law school pero may tumanggap na
nakumpanya sa kanya sa bgc.
meron din siyang mayamang boyfriend na
hinhatid siya pauwi sa taytay, rizal gabi-gabi.

huwebes ng nakaraang linggo,
bandang alas dyis:
si jesus
ay natagpuan sa labas ng kanilang bahay
walang malay
nakahandusay sa kalye.
sinugod sa ospital para kalagayan ay masuri.
ano kaya ang nangyari kay kawawang jesus?
heat stroke, stress, fatigue, high blood, food poisoning?
kulang lang ba sa tulog o pagkain?
walang natagpuang hindi pangkaraniwan kay jesus.
normal lang daw ang kanyang kalagayan
maliban lang sa paghinga niya na
tila humihikbi pero walang luha.
ilang oras din ang nagdaan bago si jesus
ay tuluyang nagising.
ang sabi ng doktor tungkol sa kanya:
depresyon, malubhang pagkalungkot
ang tunay at nag-iisang sanhi.

dahil kay jesus,
napagtanto ko na
hindi porket nakangiti,
masaya.
hindi porket bakas ang ligaya sa kanyang labi,
wala nang lungkot at lumbay na namamayani sa kanyang mga mata.
hindi porket ang lakas humalakhak kapag nandyan ka,
hindi na siya humihikbi, humahagulgol kapag wala siyang kasama.
hindi porket parang musika ang kanyang tawa,
hindi na siya umiiiyak nang umiiyak nang paulit-ulit-ulit na parang sirang plaka.
kasi
hindi porket masigla,
hindi na napapagod.
hindi porket matapang at palaban,
hindi na nasasaktan.
hindi porket laging nagbibigay, nag-aalay,
wala nang mga sariling pangangailangan.
hindi porket matalino,
ay may alam.

dahil kay Jesus,
ako'y namulat
na ang dami palang mga walang hiyang tao sa paligid ko
na nagsusuot ng mga maskarang pantago
sa kanilang mga kahinaan, takot, at sakit.
sa kabila pala ng kanilang mga yaman, tagumpay, talino, at
kung ano-ano pa mang sukatan ng galing
kung saan kinukumpara natin ng ating sarili
may isa palang
nabubulok, naagnas
na kaluluwa.

dahil kay jesus,
ako'y nalulungkot.
mata ko ay naluluha,
puso ko ay kumikirot
na may mga tao palang katulad niyang
naglalakbay nang di alam kung saan pupunta.
nangangarap na huwag na lang magising sa umaga.
nakuntento na lang sa wala.

dahil kay jesus,
ako'y naiilang
na ang nagaganap sa aking harapan
sa loob ng paaralan, bahay, o opisina
ay hindi tama.
maling-mali na
ang mga tao sa aking paligid ay nakakulong
sa selda ng anino at lamig.
hindi ito ang kanilang nararapat na tadhana.
hindi ka ba naiinis?

dahil kay jesus,
may apoy na nagpapaalab sa aking galit
nagtutulak sa akin na tumakbo
hangga't hindi natatama ang mali.

at lahat 'yan ay
sapagkat alam ko sa aking isip at puso na
dahil kay Hesus
lahat ng kahinaan at takot ay hindi na kailangan ikubli.
ilalapag na lang sa harap Niya
ang anumang alinlangan o mabigat na karamdaman.
wala nang pagpapanggap.
buong tapang na ipagmamalaki na
ito ay ako.
kasi ano man ang mangyari at kung sino man ako maging
ang tunay na dilag, dangal, at tagumpay
ay tanging
sa Kanya nakasalalay.

dahil kay Hesus
may ligaya at kapayapaan na hindi kaya matalos ng isip.
banayad ang layag
anumang dumaan na bagyo.
matatag nakakatindig
kahit yumanig pa ang lupa at magunaw man ang buong mundo.
dito sa dagat na kay lawak at lalim
hindi lalangoy,
kundi maglalakad, tatakbo,
lilipad pa nga sa ibabaw ng mga alon.

kay Hesus
may liwanag na pinapanatiling dilat
ang aking mga mata.
ano mang karumaldumal na karahasan ang masilayan,
hindi ako napapagod o nawawalan ng pag-asa.
hindi makukuntento at matatahimik.
hindi tatablan ng antok.
araw-gabi,
ako ay gising.

dalangin ko na sana puso mo rin ay hindi magmamanhid
na kailanman hindi mo masisikmura at matatanggap
ang kanilang sakit.
tulad ng dalagang si jesus
gusto nila ng pampahid para maibsan ang hapdi.
pero ang mayroon tayo
ay ang lunas, ang gamot,
ang sagot mismo.
tagos sa balat, sa puso diretso.
ang gamot ay ang dugo
na dumaloy sa mga palad Niya.
ang pangalan Niya ay Hesus.
*Hesu Kristo.
a spoken word.
ZT Oct 2015
Masyado kitang minahal
AT masyado mo rin akong minahal
Dahil sa masyado nato, Masyado tayong nasaktan

Kailan nga ba nagsimulang maging lason … ang masyado nating pagmamahalan?
Sa nakaukit sa aking memora’y nahulog ako sa napaka tamis **** ngiti,
Ang mga mapang-akit **** titig at ang napaka lamig na boses na binubulong ng yong labi

Nang ako’y iyong ligawan masyadong mabilis mo akong napasagot ng oo
Kasi napaka laki naman ng amats ko sayo
Kaya nagkaroon agad ng isang “tayo”

Tayo ay nagtagal…. Masyadong nagtagal
Na tila masyado nang napuno ng “tayo”
Nakalimutan na natin ang para sakin at sayo

Masyado nang naging masikip

Bumuo tayo ng napakaraming mga pangarap
Para sa ating hinaharap
Kaya masyado nitong kinain ang ating panahon
Ang dugo at pawis nati’y nilamon

Masyado tayong naging kampante
Na palaging nariyan ang isa’t isa kahit sa oras para sa kanya’y nagkulang ka na
Masyado nang naubos ang ating lakas
Upang mabuklod ang ating bukas
At di na natin namalayan na ang ngayon pala’y naging masyado nang marupok
At ang ating tayo’y.... unti-unti nang nalulugmok

Hanggang sa naging madalas na ang paglabas ng mga salitang nakakasakit na
Ang paglakas ng mga boses na nakakabingi na
Masyado nang naging madalas ang pag-aaway sa kokonting pagkakataon na tayo’y nagkikita

Masyado nang dumalas ang pagtatanong kung bakit pa?
Kung ipagpapatuloy ko pa ba...
Dahil masakit na

Masyado nang dumami
Ang rason ng aking pagsisisi
Hanggan nasabi ko sa aking sarili
Na tama na
Ayaw ko na
Kasi napakasakit na

Masyado kitang minahal
AT masyado mo rin akong minahal
Dahil sa masyado nato, Masyado tayong nasaktan
AT ang sakit nato’y gusto ko nang makalimutan


Kaya hanggang dito nalang ang pag-ibig na binuo ng Napaka at Masyado.
Minsan kung anong pinakamamahal mo siyang mas nakakasakit sayo
President Snow Mar 2017
Noong araw na sinabi mo saakin ang salitang “Gusto kita”, nayanig ako.
Hindi ko alam pero nayanig ng sobrang tindi ang pagkatao ko. Hindi ko alam ang isasagot kasi nga diba natulala ako. Pakiramdam ko, lumutang ako sa langit. Yung tipong ayoko na umalis. Araw araw mo saakin pinaparamdam ang mga salitang binitawan mo. Gusto kita. Araw araw **** pinaparamdam ang kasiyahan saakin.

Pero, bakit? bakit bigla ka nalang naglaho? Ewan ko ba kung may nagawa ako, pero feeling ko naman wala. Sinanay mo ako sa salitang “Gusto kita” pero bakit bigla ka nalang nawala? Hanggang isang araw, bumalik ka. Hindi ko alam pero bigla ko nalang ulit naramdaman ang pagyanig nang sa wakas, sinabi mo ulit.
Naisip ko na panahon na siguro para umamin kaya sinabi ko ang mga salitang “mahal kita”. Sinabi mo ulit ang mga salitang “Gusto kita” pero hindi lang pala yun ang gusto mo sabihin. Sa ating pag uusap biglang umulan ng sobrang lakas. Aalis na sana ako ngunit bigla mo akong hinigit at sin among “Kakausapin muna kita”. Ngumiti ako dahil alam kong ang sasabihin nya lang naman saakin ay ang mga salitang “Gusto kita” pero mali. Sa pagbuhos ng ulan naramdaman ko ang lamig.


Naramdaman ko ang lamig ngunit mas naramdaman ko ang muling pagyanig. Akala ko sasabihin nya ang salitang “gusto kita” o kaya sa wakas ay masasabi nya na ang “mahal din kita” pero hindi. Niyanig mo ako muli. Niyanig mo ako sa ilalim ng ulan dahil sa anim na salita na sinabi mo.

“Ginusto lang kita pero hindi kita minahal”.
AUGUST  Nov 2018
Puso Sa Puno
AUGUST Nov 2018
NOBYEMBRE 20, 2018
hugis pusong inukit sa munting puno
nagbunga ng matamis itong pagsuyo
sa lilim ng mga sanga, saksi sa’ting pangako
na tayo lang dalawa ang magkasundo

ito ang ating tagpuan, na tayo lang ang may alam
kaya nakalagay ang pangalan,pagkat dito ay atin lang
ang payapang tahanan, ng ating pinagsamahan
sa dahong kanlungan, na puspos ng pagmamahalan

ang dibdib kong umaawit, habang pumipintig
halina’t maging mainit ang dating lamig
oh kay sarap palang kumapit, sa gitna ng ating bisig,
(sa ilalim ng) hugis pusong inukit, simbolo ng dakilang pagibig

may hangin na dumadampi wari’y halik sa’yong pisngi
sa punong mumunti, rosas kang kasing pula ng ‘yong labi
at meron pa bang tatatamis sa iyong mga ngiti
kung tunay ngang ang ‘yong ganda’y nakakabighani

sa punong may lilim, kasama kita aking sinta
wala na kung hinihiling, kaylangan ko’y andito na
sana dito nalang tayong dalawa’y mamalagi
sayo ilalaan ang bawat sandali, at pangakong mananatili
you can also follow me on facebook with the page name August' poems
J  Aug 2016
LAMAT
J Aug 2016
Ilang buwan na ang lumipas,
Ngunit bakit ganoon ang puso ko patuloy parin kumakaripas,
Ang iyong matamis na ngiti,
Sa mga tingin mo palang alam kong hindi ako makaka-hindi.

Mga alaala na bumabalik,
Sa mga yakap at halik mo ako'y nasasabik,
Nakakatawa dahil sa bawat sulok ika'y naririnig,
Boses **** nakakaakit at sobrang lamig,

Hindi ko maiwasan hindi maging malungkot,
Siguro dahil sa sakit na naidulot,
Pero okay lang, dahil tapos na akong umiyak,
Tapos na ako sayo at dito ako'y tiyak.

Salamat nga pala sa lahat ng iyong nagawa,
Siguro nga kung hindi ka nagsawa,
Nakagapos parin ako sa iyong mga pekeng pangako,
Gabi gabi parin nararamdaman na para akong nakaloob sa sako.

Grabe pala ang aking naranasan ng dahil sa pag-ibig,
Gusto ko magmura at gusto ko iyong marinig,
Puta, nag-iwan ka ng lamat sa aking mga kamay,
Gago, dahil ang puso ko muntikan mo nang mapatay.
Ken Alorro Sep 2015
Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang mga luhang nanlalamig
Luhang ikaw mismo ang nagdulot
Mga luhang ni minsa'y di inakalang manggagaling
sa pagmumukhang ito

Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang sakit na ikaw mismo ang nagdulot
Mahal, 'wag nang itanggi
Ikaw ang nagdulot nito.

Sa anim na bote ng alak, tinapos ko ang bawat sandaling kapiling ka
Sa mga sinehan na pinuntahan, sa mga kamang inilapag ang mga katawan, sa mga piling lugar o sa kahit saang sulok na ninais.

Sa anim na bote ng alak, tinapos kita.

Ang unang bote ng alak ay para sa iyong panlalamig
Totoo, nanlamig ka
Mas malamig pa sa boteng hawak-hawak
Sa bawat gabing kapiling ka, ang mga bisig mo lamang ang nagsisilbing unan
Oo mahal, nasa bisig mo ako, pero ang lamig na.

Ang pangalawang bote ng alak ay para sa'yong di pagpaparamdam
Nagdaan ang mga araw na nasanay akong wala ka
Nasanay akong mag isa sa bawat gabing ako'y may pangangailangan
Nasanay akong bigyan ng init ang sarili gamit ang mga kamay
Sinanay ko ang sarili
Pero higit sa lahat, sinanay mo ako

Ang pangatlong bote ng alak ay para sa iyong pagsisinungaling
Alam kong nagsinungaling ka na wala kang iba
Pag uwi mo sa akin, iba ang amoy, iba ang itsura
Kasi naman diba? Iba na ang nag-alaga
"I love you" sabi mo, pero sinungaling ka
Sinungaling

Ang pang-apat na bote ng alak ay para sa hindi mo pag-uwi sa akin
Mahal, ako ang iyong tahanan
Pero pinili mo ang lansangan

Ang pang-lima na bote ng alak ay para sa hindi mo pag alala
Pinili **** limutin ang ating mga sarili
Pinili **** maging bulag upang di ako makitang nasasaktan
Puta ka? Sana naging bulag ka na lang talaga

Ang pang-anim at panghuling bote ng alak ay para sa hindi mo pag-laban
Ipinaglaban kita
Ipinaglaban kita sa mga taong pilit tayong paghiwalayin
Ipinaglaban kita sa mga kaibigan ko
Ipinaglaban kita sa buong mundo
Pero please naman, ipaglaban mo rin ang sarili mo
Gawin mo para sa'yo


Sa anim na bote ng alak
Tinapos ko ang lahat at naitanong ang sarili
Sino nga ba ang nagpapasya kung minahal kita o hindi?
Ikaw ba? Sila?
Hindi ikaw! Hindi sila! Kundi ako!
Hindi sila ang magpapasya kung inibig kitang tunay
Dahil sa huli
Ako ang nagmahal, hindi sila
Ako ang nasaktan, hindi sila

Sa anim na bote ng alak
Tatapusin na kita at patuloy pa kitang tatapusin hanggang sa hindi maghilom ang sugat sa puso na pinili **** iwaksi.
raquezha  Jul 2018
Takot Ako
raquezha Jul 2018
Hindi ako takot umibig pero takot ako sa’yo.
Hindi dahil sa ayoko sa’yo kun’di sa tingin ko’y hindi malabong magkagusto ako sa’yo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang gabing ito at ang magagandang kwento mo.
Hindi malabong hanap-hanapin ko ang boses mo—ang mga titig mo… baka masanay ako.

Hindi ako takot umibig pero takot makong mahulog.
Sapagkat paano mo iibigin ang taong estranghero? Kung sa unang gabi palang ng iyong pagkikita ay nahulog ka na.
Nahulog sa kwentuhang matagal, sa kanyang boses na hindi pagal.
Sa mga ngiting nang-aakit,
sa mga matang nakakahumaling,
sa kanya na hindi pa kilala pero pakiramdam ko matagal na kaming nagkita.

Takot ako sa dilim,
pero mas takot ako sa liwanag. Takot akong makita ang sarili kong kasama ka.
Baka kasi pag nasanay na ako sa liwanag ay bigla na lang itong mamatay hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid ko at baka masanay ulit ako.
Masanay ako na maglakad na para bang nakapikit. Maglakad patungo sa palaisipang lugar na paikot-ikot lang ang daan.
Baka bigla nalang akong yakapin ng dilim sabay bulong sakin ng "tumigil ka na tanga!"
Baka biglang lumabas ang mga kaibigan ko sa dilim at masanay sila sa liwanag.
Baka multohin nila ako habang tirik ang araw at habulin ako sa kung saan.
Baka habang tumatakbo ako palayo ay mabulag ako sa liwanag na dulot mo at baka mabangga ako at muling mabuhay ang mga alaga kong paru-paro.

Hindi ako takot sa patay, pero takot ako sa buhay.
Takot akong mabuhay ang mga daga sa aking dibdib na matagal nang nanginginig sa lamig.
Takot akong matunaw ang mga yelo na matagal nang nakapulopot sa puso ko.
Takot akong matunaw ang mga ito at lunurin ako sa pag aakalang tunay ang mga nararamdaman ko.
Takot ako sa majikang dulot ng pagibig na nag bibigay buhay sa mga patay na kandilang dala-dala ko.
Takot akong maging maliwanag ang paligid ko at makita ang katotohanan ng mundo.
Takot akong makita na ang mundo natin ay iisa pero mas takot akong malaman na iba pala ang gusto **** kasama.

Hindi ako takot mag-isa,
pero takot akong kasama ka.
Takot akong makasama ang mga dati **** kasama— baka kasi kung ano’ng sabihin nila.
O kaya pag kasama mo sila at kapag madami na sila maramdaman ko ulit kung pa’no ang mag-isa.

Hindi ako takot sa luma, pero takot ako sa bago.
Sana kahit may dumating na bago,
walang magbago. Sana kahit mag mukha na akong antigo, wag mo akong itago gaya ng mga nakalagay sa inyong aparador.
Hindi ako plato, kutsara o tinidor na gagamitin mo lang sa piling-piling okasyon dahil wala ka nang ibang opsyon.
Sa piling-piling araw na kung saan ipapagamit mo lang sa kung sino-sinong tao dahil yun lang ang silbi ko.
Takot ako
Takot ako
Natatakot akong mapalitan ng bago.
Takot ako
Takot ako
dahil lang meron bisitang darating kasabay ng pagtapon mo saakin.
Takot ako
Takot ako
Kasabay ng mga bago pang darating wag mo sana akong paglumain.

Hindi ako takot sa wakas pero takot ako sa simula.
Lahat kasi ng sinimulan ko parang laging may nakakapit na malas
lagi nalang gustong kumalas sa pagkakapit hanggang sa mag wakas.
Hindi kasi lahat ng wakas ay may kasunod na simula—
simula ng panibagong bukas.

Hindi ako takot sa sagot pero takot ako sa tanong.
Mahal mo na ba?
Mahal ka ba niya?
Takot akong masagot ang mga tanong ko ng "Oo" tapos sasabayan mo ng "pero" sa dulo;
ng "Oo" na may preno ang tono kaya takot sa tanong
pero mas takot ako sa sagot.
Mahal na kita mahal mo rin ba ako?

Madami man akong kinakatakutan kung anu-ano nalang gaya ng ikaw,
liwanag,
buhay,
simula,
bago
at makasama ka— lahat ng ito’y hindi mahalaga iibigin kita kahit anuman sabihin nila,
kahit hindi ako ang iyong mahal,
ang liwanag mo,
kahit iba na ang buhay mo,
kahit simula palang ng tulang ito ay takot na ako,
iibigin kita sa isip,
sa panaginip,
sa diwa,
sa mata,
sa tingin,
sa lambing,
matulog ka ng mahimbing
hanggang maubos ang kandilang minsang ikaw ang nagsindi kahit na lahat ng ito ay walang silbi.
Gagawan kita ng puntod na mag sisilbing paalala
na minsan akong nagpakatanga sa pagibig.
Gagawan kita ng puntod at doon ko ibabaon lahat ng ito sa limot.

Iibigin kita habang nililibing ang 'yong alaala. Ililibing kita habang iniibig ko ang iyong alaala.
Miru Mcfritz Jan 2019
sa gabi ito nararamdaman ko
ang lamig kung saan ang katawan ko ay nanginginig
ang gabi na bilang lang
ang natatamaan ng liwanag
ng buwan sa daan


nag lakad ako sa dilim para
magpahangin at mag isip isip ng mga bagay na gumugulo at sumasagi sa utak ko
ito ba mga bituin tinitingala ko
ay totoo bang tinutupad
ang hiling ng mga tao?

o isa lang silang bagay na
palamuti sa itaas ng kalawakan
para maging matingkad
ang mga gabi at mag bigay ng
kislap sa itaas ng kalangitan
para matawag itong maganda

minsan naniwala ako sa kasabihan kapag nakita mo ito
sa kalangitan kung saan
ang pakiramdam mo ay hindi
mo maintindihan.
subukan mo ibulong sa bituin

at pagkatapos sabihin mo
dito ang mga gusto ****
mag bago sa sitwasyon na
naaayon sa kagustuhan mo
at ibibigay at magkakatotoo

sinubukan ko gawin ito ng
mataimtim. sinabi ko na lahat
ng aking hinanakit at sakit
ibinulong ko ito sa mga bituin
na may kasama pang luha
baka sakali sakin ay maawa

hiniling ko na sana ay bumalik ka.
yakapin ako muli at hindi kana aalis pa
hahawakan ang aking kamay
at sasabihin sakin hindi mo
kaya
hiniling ko rin na sana sabihin
**** mayroon tayo pa

ilang gabi pa ang mga dumaan
sinubukan ko mag lakad lakad
sa madilim na daan
at mag isip kung saan na ba
napunta ang mga hiniling

kung ito ba'y pagpapalain sakin
o ito ba ay mababaliwala
at mag lalaho lang din ng bula
kasama ng mga hiling ko
kung babalik ka pa ba

napag tanto ko kaya hindi
sinang ayunan ang aking
mga hiling ay parehas tayong
humiling sa bagay na
ginusto na mangyari para satin

ikaw na gusto **** bumalik sya
at mahalin ka ulit
ikaw na pinapangarap sya
ikaw na sana hindi na ulit kayo
maghihiwalay pa

at ako na umaasa babalik kapa
ako na nag hihintay at umaasa
ako na humihiling pa ng
pangalawang pagkatataon
para mahalin.
ako na sana ay piliin mo rin.

nabaliwala ang lahat ng hiniling para sa ating dalawa.
naisip ko na hindi naman
natin kailangan ang mga bituin
na to para hilingin ng mga bagay
na gusto natin

dahil tayo ang mga bituin
sumabog sa kalangitan pagkatapos ng ating mga hiling
para sa atin ay magpapasaya

tayo ang mga bituin tutupad
sa gusto natin mabago ang lahat
tayo ang mga bituin noon ay
nag ningning at nag sama
pero mali ang tinalikdang daan

tayo ang mga nawalang
bituin sa kalangitan at pinag
tagpo ng kapalaran at
pagkakataon para hilingin
sa bawat isa pero iba ang gustong makasama.

tayo ang mga bituin na yon
tayo ang mga bituin nag ningning noon
tayo yon
tayo ang bituin na yon.
aL Nov 2018
Maligamgam na hangin halina sa mukha ko'y magdampi,
Nag-aantay ng pagbukas ng kalawakan kasama ang pusong sawi.
Ngunit walang na bang liwanag sa aking b'wan?
Mga maswerte kong bitwin, hindi na rin mahanap kung saan.
Tinakpan na ng maiitim na kaulapan.
Nagbabadya na nga siguro ang taglamig na panahon
Nililimot ang mga bakas ng kahapon
May mga araw na dapat pa atang bilangin
Tanging kasama, natatanging maligamgam kong hangin.
George Andres Sep 2018
sumulat ako ng elehiya

ginamit ko lahat ng palasak na salita
ninais ko ang naunsiyaming kapayapaan: yaong hindi bayolente't nababahiran ng dugo't karahasan
mayroon pa naman sigurong mas malinis na paraan, 'yun, 'y-'yun bang legal at dinaraan sa reporma
'yaong tulad ng kay rizal! tama! yaong may diplomasya

tumigil ako pansamantala upang bumuklat ng pahina
napakarami nang rebolusyong hindi tulad ng inihahatag nila, katulad ng, ah! katulad ng EDSA!

nauhaw ako at tumigil pansamantala habang sa lamig ng aking kwarto'y rinig malakas na buhos ng galit ng araw
mabuti't nang buksan ko ang mga kurtina, payapang nagwawalis sa bakuran ang kapitbahay
may nagpapaligo ng aso't magagarang sasakyan
ipinagpasalamat ko ang bubong sa king ulunan. ah, payapa.

hindi rinig sa balita ang pandarahas ng militar sa kanayunan
ngunit batid ng karamihan, at ang solusyon ika nila ay armadong pakikibaka
nanlamig ako at namutla,

binaybay ko ang mga taong nakalipas bago ko marinig ang pangangalampag sa aming pintuan
pilit kaming inaakusahan, walang dokumento o anumang ebidensya

at dumaan ang mga imahe ng militar sa kanayunan:
ang daan-daang pamamaslang habang walang kalaban-laban

sa huli, wala akong armas na nilundayan

sa aking mga huling sandali, para sa sarili ko lamang,
sumulat ako ng elehiya
Sebastien Angelo Oct 2018
sobrang ginaw ba ng paligid
at pati puso mo'y nanlamig?
niyakap kita ng mahigpit, ngunit
mas nanginig nang ako'y lumapit.
sabi mo'y kailangan mo ng oras,
espasyo na saki'y malayo.
ang nais mo'y makapag-isip,
bakit ko naman ipagkakait?
binigay ko lahat ng gusto mo
pero ngayon ako ang talo.
ang panahong hiningi para
init ay manumbalik
ay ang s'yang naging mitsa
upang damdami'y tuluyang mawaglit.

sobrang lamig na ng paligid
at ang tanging lunas ay ang iyong halik.

pakiusap mahal, ika'y magbalik.

— The End —