Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Aug 2017
"Hoy! Bata! Magpapakamatay ka ba?"

"Magpapakamatay ka nga e. Buhay nga naman o!"

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, bata? May maghahahanap ba sa iyo kapag nawala ka? May magluluksa ba sa bangkay mo kapag namatay ka?"

"Bata ka pa. Alam kong marami ka pang pangarap sa buhay mo. Kung may magulang ka pa at mga kapatid, sana naiisip mo rin sila. Sana mararamdaman mo rin ang mararamdaman nila kapag nalaman nilang magtatangka kang magpakamatay. Isipin mo bata."

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay wala ng nagmamahal sa iyo, sige.. ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Sige, bata. Mauna na ako. Advance rest in peace."

Dinig na dinig ko pa ang paghampas ng malalakas na alon sa baybayin nang mga sandaling iyon. Naalala ko pang nababasa na rin ang aking mukha sa bawat tubig-alat na dumadampi sa akin noong mga panahong tinangka kong magpakamatay.

Gusto kong wakasan ang aking buhay.
Gusto kong malunod.
Gusto kong tangayin ng mga alon ang aking katawan.
Gusto kong mapuno ng tubig-alat ang aking ilong at bunganga hanggang sa mawalan na ako ng hininga at unti-unting bumulusok pailalim sa kailaliman ng dagat.

Ngunit... ang salitang binitiwan ng isang taong iyon ang nagsilbing leksiyon sa akin na pahalagahan pa ang aking buhay at ang mga taong nagmahal sa akin.

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay walang nagmamahal sa iyo, sige, ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal."

Noon, akala ko ang pagpapakamatay ang solusyon upang takasan ko ang dagok sa aking buhay. Nawalan ako ng tunay na ina. Namatayan ako ng ama. Pinagmalupitan ako ng aking madrasta. Hindi ako minahal ng mga kapatid ko sa ama. Kaya naglayas ako at napadpad sa baybaying dagat at doon ay naisipan ko na lamang na magpatiwakal.

Nawalan man ako ng magulang pero alam kung may nagmamahal pa rin sa akin. Hindi ko sila kadugo pero lagi silang nariyan para palakasin ang loob ko. Sila ang mga tinatawag kong mga kaibigan.
Pagkatapos ng nangyari noong pagtatangka ko ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay nagtagumpay akong maging masaya.

Hindi ako nag-iisa. Tinulungan din nila akong magbalik-loob sa Diyos. Ang mga nagawa nila ay isang napakalaking biyaya sa akin.

"Kung sa tingin mo ay hindi mo na kaya, magsabi ka lang. Kaming bahala sa iyo," naalala kong sabi ni Jem.

"Kaibigan mo kami. Huwag kang mahiyang magkuwento sa amin. Promise, makikinig kami," pag-aalo sa akin noon ni Jinky.

"Hindi lang ikaw ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo, Igan. May mas mabigat pa sa pinagdaraanan mo. Tiwala lang na makakayanan mo ang lahat," kumpiyansa namang wika ni Kuya Ryan.

"Kalimutan mo ang mga bagay na nagpapadagdag lang ng kalungkutan diyan sa puso mo. Tandaan mo, ang Diyos ay laging nakaakbay sa iyo. Nandito ako. Narito kaming mga kaibigan mo. Tutulungan ka naming bumangon," nakangiting saad ni Charm.

"Huwag ka na ulit magtangkang magpakalunod sa dagat ha? Kapag ginawa mo ulit iyon, kami na ang lulunod sa iyo. Ha-ha. Biro lang. Lakasan mo ang loob mo. Hindi ka nag-iisa," ang loko-lokong wika ni Otep.

Sa tuwing maalala ko ang mga kataga at salitang galing sa mga tunay kong kaibigan, panatag palagi ang loob ko na hindi ko na uulitin ang nangyaring iyon sa buhay ko. Papahalagahan ko ang hiram na buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Gagawin ko ang lahat upang maging masaya.

Narito ako ngayon sa Manila Bay at naglalakad-lakad. Gusto ko lang sariwain ang mga alaalang naging tulay noon upang pahalagahan ang buhay ko ngayon. Hindi man lamang ako nakapagpasalamat sa taong sumaway sa akin noon. Kung may pagkakataong makita ko man siya ay taos-puso akong magpapasalamat sa kaniya.

Pinagmasdan ko ang karagatan. Wala pang isang minuto akong naroon ay may nahagip ng mga mata ako ang isang babae na dumaan sa harapan ko. Patungo siya sa mabatong bahagi. Tila wala siya sa kaniyang sarili.

Nilingon ko ang paligid. Wala man lamang nakapansin sa kaniya. At wala ngang masyadong tao na naroon nang mga oras na iyon.

Mukhang magpapakamatay yata siya. Alam ko ang eksenang ito. Kung dati ako ang nasa posisyon niya, ngayon naman ay ang babaeng ito. At dahil ayokong may mangyaring masama sa kaniya, ako naman ngayon ang gagawa ng paraan para matulungan siya.

"Miss, magpapakamatay ka ba?" hindi niya ako nilingon.

"Magpapakamatay ka nga. Sigurado ka na ba sa gagawin mo?" lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang luhaan niyang mukha.

"Alam ba ng pamilya mo ang gagawin mo? Alam mo ba ang mararamdaman ng ina at ama mo kapag nawala ka? Sa tingin mo ba ay tama ang gagawin mo?" nakita kong napabuntong-hininga siya na tila nag-iisip sa mga ibinabatong tanong ko.

"Napagdaanan ko na rin iyan at diyan din mismo sa mga batong iyan ako dapat na magpapakamatay. Pero... hindi ko itinuloy. Alam mo ba kung bakit?" tumingin siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Parehong nangungusap.

"Ba-bakit?" nauutal niyang tanong sa akin.

"Bakit? Dahil wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Ang buhay natin ay mahalaga. Sana maisip mo iyon. Hindi pa huli ang lahat para itama ang mga bagay na sa tingin mo ay mali o nagawa mo. Hiram lamang ang buhay natin. Magtiwala ka, Miss. Mahal tayo ng Panginoon. Mahal niya ang buhay natin. At alam kong mahal mo rin ang buhay mo," iyon ang mga huling katagang binitiwan ko saka ako tumalikod sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig kong tinawag niya ako. At nang lumingon ako ay bigla na lamang niya akong niyakap.

**

Ang pangalan niya ay Yssa at siya lang naman ang babaeng tinulungan ko tatlong buwan na ang nakararaan. Siya lang naman ngayon ang kasintahan ko. Pareho kaming nagtangkang wakasan ang aming buhay, ngunit pareho din naming napagtantong hiram lamang ito at dapat na mahalin namin. Sinong mag-aakala na kami ang magkakatuluyan sa huli?
Wretched Jul 2015
Ang sabi sakin ni Mama, "Huwag **** ipapagalaw ang iyong katawan. Magmahal ka ng lalaki ngunit wag **** isusuko ang templong iyong inalagaan kung ayaw **** magsisi." Sabay kindat na sinundan ng kanyang mga kiliti. Kung pwede ko lang aminin kay mama na mali siya sa dalawang bagay na kanyang nabanggit (nako, baka namura niya na ko sa galit).
Una. Hindi lalaki ang aking napupusuan.
Pangalawa. Mama, patawad pero naisuko ko na.


Baka ang nais iparating sakin ng aking nanay, "kahit ikaw ay pilitin, HUWAG. At huwag na huwag mo ring ibibigay ng kusa."

Hindi ba? May punto siya. Pero mahal, naaalala mo ba ang gabing umuwi tayong magkasama? Hinawakan mo ang kamay na nanlalamig sa kaba. Pinainit mo ang pakiramdam ng akin ng nadama ang pagyapos mo ng dahan dahan sa aking katawan. Nilakbay ng iyong mga halik ang labi kong nagliliyab sa pagkasabik. Ito na ang pinakahihintay kong sandali.

Nasubok mo kung gaano kabilis kong kayang bumigay. Kasabay sa bagal ng oras habang gumagapang ang iyong mga kamay ay sumabay ang pagkatunaw ng aking mga tuhod. Mga puting kumot namantyahan ng pula. Sabihin na lang nating ito'y ating mga kaluluwa na sinakop ng kasalanang ating nagawa. Langit ay aking narating at nakita. Hindi ito isang pagkakamaling aking pagsisisihan. Hindi mo ko nun kinailangang pilitin dahil buong loob ko itong ibinigay ng kusa.

Ilang beses nangyari. Isa... Dalawa... Ilang beses nasundan. Tatlo... Apat... Lima... Ilang beses nating natagpuan ang ating mga sarili sa parehong sitwasyon. Ilang ulit ng nangyari  ngunit pabago bago ng posisyon. At tulad ng magandang panahon, pagmamahal mo'y nagdilim at naglaho. Pinaglaruan, pinaikot ikot sa iyong mga palad na parang laruan. Leeg ko'y aking natagpuang may nakapilipit na kadenang nangangalawang. Kung gaano kabilis **** nahubad ang nakabalot saking damit, ganun din kabilis nagbago ang iyong isip. Saking mga mata ay hindi mo natagpuan ang langit.

Sabi mo kaya **** mabuhay na mukha ko lang ang iyong tinititigan. Kasinungalingan. Sabi mo ako lang ang iyong kailangan. Nagsisinungaling ka na naman. Ang sabi mo ako lang ang babaeng iyong mamahalin. Sana nga'y nagsisinungaling ka lang. Dahil naialay ko na ang aking kaluluwa, puso't katawan sa mga pangako **** iniwan. Templo ko'y nagiba na ng impyernong sinapit ng damdamin ko sayo. Tama nga si mama. Dapa't ito'y aking inalagaan. Akin ng ibibigay saking sarili ang kalayaang aking kailangan. Akalain ko bang lahat ng ipinangarap ko para sating dalawa hindi ko rin pala makakamtan. Hindi mo kailangang manatili. Hindi kita pipilitin. Buong loob ko itong ibibigay ng kusa. Susubukan kong burahin ang mantyang ibinahid mo sa akin. Ikaw ay aking hahayaan kahit ako'y ginawa **** saktan at iwanang duguan. Mahal, hindi ko magagawang pagsisihan ang nagawa nating kasalanan.
Hoping to perform this piece at Sev's Cafe's Open Mic Night. Looking forward to Celine's performance as well.
JOJO C PINCA Nov 2017
"hwag kang mag-alala mahal ka parin nun". ito ang sinabi mo sa akin noong nakaraang taon. hindi ko agad naintindihan palibhasa'y tuliro ang isip ko, problemado ako sa bagong trabaho na kinakaharap ko.
tapos bigla kong naalala, oo nga pala, anibersaryo nga pala ng kasal natin. Ngumite na lang ako para maikubli ang aking pagkapahiya.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong mahal mo ako noon pa man hanggang ngayon.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong lagi kang tapat sa akin.
hindi ako kailanman nag-alala pagkat batid ko na hindi mo ako iniwan, lagi kang nandyan sa tabi ko umulan ma't umaraw.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong matagal mo nang inilaan ang buhay mo't pag-ibig para sa akin.
hindi ako kailanman nag-alala sapagkat alam kong sasamahan mo ako hanggang sa ating pagtanda.
pero nalulungkot ako sa tuwing naaalala ko na maraming beses ka nang umiyak dahil sa akin.
naiinis ako pagkat hindi ko nagawang samahan ka ng mga panahon na kailangan mo ako.
nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko natapatan ang katapatan mo noong kabataan natin.
namamanglaw ako sa tuwing nakikita ko na kapos ang mga pagsisikap ko.
nalulungkot ako pag naiisip ko na baka mauna ako at hindi kita masamahan sa ating pagtanda.
ang nakaraan ay hindi ko na maibabalik, may mga pagkakamaling hindi ko na maitutuwid. pero pwede pa naman tayo makatawid dahil may ngayon at bukas pang maghahatid.
malapit na naman ang ating anibersaryo. hwag kang mag-alala pagkat hindi ako mag-aalala.
alam ko na mahal mo parin ako kahit konti lang ang iyong napapala sa gagong asawa na tulad ko.
kung sapat lang sana ang sulat at tula, kung ang mga tugma at tayutay at mga saknong nito ay magagawa kong lantay na yaman malamang hayahay ang ating buhay.
hindi ako si Perpekto at lalong hindi ako si Mr. Right
si Jojo lang ako, ganito lang ako kaliit, pero salamat at minahal mo ako.
aphotic blue Aug 2017
Maikli lng ito, hindi mahaba kagaya ng pasenya ko. Tamang tama lang kagaya ng pagmamahal ko sayo. Parang kape lang yung tipong kahit malamig na, wala na yung init, gusto mo paring tikman dahil gusto mo siya, masarap, matamis kahit malamig. Kaylan kaya babalik yung init na nararamdaman ko habang hinawakan ko ang iyong mga kamay? Hindi marahil sa estado ng puso ko, malalim ang determinasyon kong maghintay. Saludo ako sa katatagan kong kahit sa saya at pighati hindi ko man lang nasubukang ibigay ang puso ko sa iba. Sapagkat alam kong kahit hirap na hirap kana, alam ko na darating ang araw na tayo ay malulumbay at hahanapin ang bawat isa. Subalit habang ang oras ay dumadaan, ako'y nag-iipon ng tapang sa katawan. Iniisip na niyayakap mo ako at binulungan, hindi paaasahin gaya ng ginawa mo saakin noong nakaraan. Ngunit ano pa nga ba ang aking magaggawa, kung sa una pa lamang ng ating pagkikita ako ay nagmamahal ng isang tala. Kung pwede lang sanang bigyan moko ng isang pagkakataong baguhin ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko sa nakaraan. Ang mga pagkakamaling nananatiling nakaukit sa puso't isipan, ako'y nagdadasal na sana sa isang sandali tuluyan ko itong makalimutan. Hindi ko lubusang maisip ang sakit na dinaranas mo sa mga oras na iyon, sa mga tangang desisyon na iniwan kita para magbago ang intensyon. Intensyong akala ko ika'y nagkagusto saakin dahil ako'y naghahabol sayo, sadyang takot lang akong baka sa isang saglit ika'y biglang maglaho. Ilang beses na akong nagbuntong hininga upang mailabas ang lungkot na aking nadarama sapagkat dati ako yung pinakawalan, ikaw ang nahirapan. Tapos sa kasalukuyan, kabaliktaran ang aking nararamdaman, ako yung nasasaktan, kahit ikaw yung aking iniwan. Gusto kong lumapit sayo ngunit sa tuwing gagawin ko ramdam ko ang 'yong paglayo. Ano pa nga ba ang aking magagawa? Kung ayaw mo na saakin di na kita pipilitin. Isa lang naman akong taong mahina, ginawa para ika'y mahalin.
©aphoticblue
Crissel Famorcan Oct 2017
Lumaki ako sa paniniwalang ang buhay ay isang kompetisyon,
Na dapat angat ka sa lahat sa anumang sitwasyon  
At sa anumang pagkakataon
Pagkat yun ang sukatan ng tinatawag na tagumpay
Isang bagay na hindi naman sa iyo habangbuhay
Pinalaki ako sa paniniwalang masama ang magkamali
Sa paniniwalang Hindi lahat ng  bagay dapat minamadali
Kaya magpahanggang ngayon ang mundong ginagalawan ko
Malaki ang pagkakaiba sa mundong mayroon kayo
Pagkat nabubuhay ako sa takot
Takot sa pagkakamaling maari Kong magawa
Takot na baka isang araw, mahila ako pababa
Takot na isang araw,  lahat ng meron ako,  Bigla na lang mawala
Na baka isang araw, magising na lang akong nakatulala
Hindi ko na alam ang gagawin  
Lakbayin ko ba'y makakaya ko pang tapusin?
Sa labing anim na taon ng aking  pamumuhay
Ang pinakamahirap kong ginawa: sa mundo'y makibagay
Pagkat sa bawat pagbabagong aking  nasasaksihan  
Kaakibat ang panibagong bigat sa kalooban  
Dahil takot akong bitiwan ang nakasanayang paniniwala
At ang takot na'to ang nagsisilbi kong tanikala
Tanikalang pumipigil sa aking paglago
At sa pag-angat ko'y pilit na nagpapahinto.
Alam kong balang araw,darating ang oras Mahahanap ko ang natatanging lunas
Para sa nagtatagong takot sa loob ko
At darating ang araw na makakalag ko rin ang tanikalang 'to!
Eugene Oct 2015
Kailan mo itatama ang isang pagkakamali?
Kung ang pagkakamaling itatama ay ikinukubli?
Kung ang ikinukubling tao ay hindi katangi-tangi?
Kailan naging katangi-tangi ang isang pagkakamali?

Kailan?

Kailan mo sasabihing mali ang magmahal?
Kung ang minahal mo'y dala-dalawa't masaya?
Kung masaya ka sa piling niya, pa'no ang isa?
Kailan naging pagmamahal ang magmahal ng dalawa?

Kailan?

Kailan mo lilinisin ang mantsa sa iyong damit?
Kung ang damit mo'y gutay-gutay, punit-punit?
Kung pinunit nang iyong pag-ibig ang sakit?
Kailan nga ba naging matamis ang mapait?

Kailan?

Kailan mo babaguhin ang iyong nakasanayan?
Kung tuluyan ka nang iwan at tumira sa lansangan?
Kung lahat ng iyong minamahal ay kusa kang iwan?
Kailan mo itatama ang iyong pagkakamali?

Tanong ko sa iyo, kailan?
yndnmncnll Sep 2020
Ang kalayaang ipinagkait sa akin ng tadhana,  
ang kalayaang gumala na naglaho parang bula.  
Singlayo ng mga tala, hindi maabot,  
nawala dahil sa isang pagkakamali—  
isang pagkakamaling hindi sinasadya.  

Ngunit ang pagkakamaling iyon,  
nauwi sa paulit-ulit na pagkakasala,  
hanggang naging bahagi ng bawat araw.  
Dalawampung taon akong nabuhay  
sa mundong walang tiwala  
mula sa aking mga magulang.  

Ilang beses kong binalikan  
ang mga tanong,  
nagbabakasakaling hanapin ang sagot.  
O, kalungkutan, lubayan mo na ako!  
Naririnig ko ang ulap, umiiyak,  
pumapatak ang luha nito.  

Ang kanilang tingin sa akin—  
isang nilalang na walang halaga,  
isang pagkakamali na kailanman  
ay hindi mababawi.  
Hawak ko ang katotohanan—  
ang katotohanang natatakot akong tanggapin.  
Balang araw, tatawagin akong salot sa lipunan.  
Milyon-milyong mata, tenga, at bibig  
ang naghusga sa akin,  
tila alam ang bawat lihim ng aking pagkatao.  

Sa pagitan ng pag-alis at pagbalik,  
paaralan man o klinika ng espesyalista,  
ang paghihintay ay tila isang habambuhay.  
Limang taon kong idinalangin sa Diyos  
na tupdin ang aking hiling,  
at nangyari nga.  
Ngunit kahit nakakulong ka na,  
hindi ko magawang maging masaya.  
Pagkakamali nating dalawa ito,  
ngunit ikaw lamang ang pinarusahan.  

Ikaw ang naging katahimikan  
sa maingay kong mundo.  
Ngunit nang muli kitang makita,  
sa presinto, harap-harapan,  
tila apoy ang bumalot sa kapaligiran.  
Tanim na poot at galit  
ang bumalot sa aking puso.  

Sa pagtulog ko,  
rinig ko ang tiktak ng relo.  
Minsan, nilaro ako ng panaginip—  
kasama raw kita.  
Gising, natutulala ako,  
nalulunod sa lalim ng iniisip.  

Sa gitna ng pagbalik-tanaw,  
nananatili ako sa kama,  
hinihintay ang sagot  
sa mga tanong ng aking isipan.  
Sapagkat ang buhay,  
tulad ng gulong—  
minsan nasa itaas,  
minsan nasa ibaba.
brian bernales Aug 2016
Sa paningin ko'y ika'y parang santo
At ako nama'y parang g*go
Na palaging hinahanap ang mga ngiti sa mukha mo
Masulyapan ka lamang
Masaya na ako
Ngunit pagkatapos ay babalik din
ang sakit sa aking puso
Wala akong magawa kundi masaktan at magtiis
Kaya ako ngayo'y puno na lamang ng hinagpis
Oo late na ako, nasa piling ka na ngayon
Ng isang taong mahalaga rin sa buhay ko
Kaya kahit anong pilit ko
Hindi magkakaroon ng "tayo"

Sa simula pa lang hindi ko naman ginusto
Na muling tumibok ang aking puso
Dahil takot akong maranasan mo
Ang mga pagkukulang at sakit
Na sinapit ng taong dating minahal ko

Hindi ko naman sinasabing uulitin ko
Ang mga pagkakamaling iyon
Hindi lang mawaglit sa aking isip na
"Paano kung magkulang na naman ako?"

Teka, bakit ba ako nag-iisip pa?
E may mahal ka na namang iba
Sige, hanggang dito na lang ako
Titigil na ako, masaya naman na kayo
Tutal bawal naman "tayo"
Uupo na lang ako
Credits sa owner ng title. Hindi ko alam kung kanino pero thank you
Virgel T Zantua Aug 2020
Sa dilim ng aking pag-iisa
Halos gumuho na ang pag-asa

Hinuhusgahan at kinukutya
Tinatawanan at minumura

Mga salitang lason ang dala
Sa pagkakamaling naging sumpa

Na kumakain sa pang-unawa
At kaisipan na nagwawala

Nanlalamig ang puso't gunita
Hindi maibigkas ang salita

Sino nga ba ang maniniwala
Sa sinasabi at ginagawa

Sa dami ng mga kumokontra
Na sa pagkatao'y sumisira

Mga pagkakamaling nagawa
Ipinipilit ko na itama

Ngunit kinukulang ng unawa
Ang damdamin nilang natutuwa

Ilaban ma'y walang magagawa
Mali pa rin ang ginawang tama

Lumalalim ang sugat na dala
Lumalatim ang sinasalita

Pinipilit nito na magiba
Ang natitirang paniniwala

Gabay ng pananampalataya
Ang nagpapatibay na gumawa

Upang pagkakamali'y itama
At maging ganap ang nakatakda

Ang pagsibol ng bagong simula
Umpisa ng isang kabanata ...
Eugene Feb 2018
Tama na! Tama na ang mga pagtangis.
Tama na ang mga pagdurusang nararamdaman ng aking puso.
Tama na ang mga pasakit na pinapasan ko sa mahabang panahon.
Tama na ang mga luhang palagi na lamang pumapatak sa tuwing naiisip kong wala akong kuwenta!

Hanggang kailan ba ako dapat na aasa sa wala kung hindi naman akong kayang mahalin ng taong mahal ko dahil ako ay iba?
Bakit ko ipagpipilitang isiksik ang sarili ko kung sa simula't sapul ay hindi nila ako maintindihan?
Dalawang beses lang ako nagkamali at sa mga pagkakamaling iyon ay humingi ako ng kapatawaran pero bakit tila hindi ako pinakinggan?
Nasaan ang kalayaan kong ako ay dapat na pakinggan sa mga isiniwalat kong pawang katotohanan lamang?

Anong pruweba ba ang dapat kong ipakita upang mapagtanto nilang karapat-dapat din akong mahalin,
at bigyan ng pagkakataong
patunayan ang sarili kong hindi ako ang taong inakala nilang katulad ng taong kinamumuhian nila ng mahabang panahon?
Pera lamang ba ang kailangang maging dahilan upang mapansin ang kahilingan kong matagal kong inasam na makamit ito?

Tao pa ba ang tingin nila sa akin o bagay na kapag nakuha na ang gusto ay itatapon nalang nang walang pasubali at hindi na kayang balikan o kamustahin?

Hindi ako nagmamalimos ng pag--ibig mula sa kanila!
Ang gusto ko lamang ay tanggapin ako sa kung sino ako at kung ano ang nakaraan ko.
Sana ay bigyan naman nila ako ng puwang sa kanilang puso pagkat ako ay sabik na sabik na sila ay mahagkan nang mahigpit.
Kung buhay pa sana ang ilaw ng aming tahanan ay hindi niya pahihintulutang magkakaganito ako.

Tama na!
Tama na ang mga baluktot na katwiran!
Tama na ang mga salitang iyong binibitawang
Hindi sumasang-ayon sa nilalaman ng iyong puso at sa sinasabi ng iyong isipan.

Ikaw na nagmamahal pa, magmamahal pa ba,
Kung kaliwa't kanan ng ipinaparamdam sa iyo na hindi ka nararapat maging bahagi ng mga puso nila?
Ikaw na nagmamahal pa, magpapatuloy ka pa rin ba
kung tahasan ka nang itinataboy sa pintuan ng kani-kanilang damdamin at isipan?

Saan ka nga ba nagkamali?
Ang mahalin sila nang buong puso, tapat, at totoo?
O ang umasa ka sa mga mabulaklakin nilang mga salita
Na kasinungalingan lang pala ang lahat at hindi ikaw ang nais nilang makasama?
Marami man akong kakulangan o pagkakamaling nagawa. Sana huwag mo akong husgahan sa mga pagkakamaling d ko rin sinasadyang maranasan.

Ilang araw ko din pinag isipan to ilang araw ko ding binabalik balikan sa isipan ko, at gabi gabi'y sinasagot ko ang sarili ko sa mga tanong na dapat ikaw ang tinatanong ko, pero kalabisan bang hangarin na makita kang masaya? Walang araw na hindi mo hinangad na maging maayos ang kalusogan ko, handa akong magdusa makita ka lang lumigaya. Pero handa ka bang magpatawad pag ika'y nasaktan na?

Sana sa bawat tipak ng mga nota sa piano sana maramdaman mo ang pagmahahal na nais kung iparating sayo. Na sa bawat lirikong sinasambit sa kanta'y, kaya mo kayang sabayan hanggang dulo?

Pero kailangan ko na din sigurong umalis na muna, kailangan ko na munang ayusin ang buhay ko, kailangan ko na munang kilalanin ang sarili ko, ituwid ang mga pagkakamali ko't itama ang landas na dapat kung tahakin. hihintayin mo ba ko? O pipigilan mo ba akong umalis? Sana sagotin mo
Hihintayin ko ang kasagotan mo, kung maari

Habang ginagawa ko ang sulat na ito ay may halong kaba at pagdududa na aking dinarama na sa bawat pag agos ng mga luha koy may panghihinayang na baka pagbalik koy wala kana't may mahal ng iba. D rin naman maiiwasan dahil ka mahal-mahal ka nga. Sa konting araw na tayo'y nag uusap/nagkikita labis na ligaya ang iyong pinadama ang dating lungkot pinalitan mo ng saya, ang dating kulang at hindi buo, pinunoan mo't kinulayan pa.hindi ko makakalimotan ang iyong ipinadama, kahit saan mapunta andito kaman o wala. Ikaw parin ang hahanap hapin ko sa tuwina.
Palubog man ang araw sa ngayon
Umaasang sana bukas nandiyan ka pa ring bubungad sa aking paggising.

Mahal na mahal kita ng sobra, pero sa totoo lang nasasaktan nadin ako sa bawat hindi mo pagkibo, na ako lang rin naman ang gumawa. Sa mga araw na wala ka, nasasaktan ako kasi hinahanap hanap ka. Pero sasanayin mo na ba akong tuloyan kang mawala? O tatanggapin ko na lang kung anoman ang magiging desisyon mo?.
Pero panghahawakan ko pa rin ang mga pangakong binitawan natin sa isa't isa. Na tayo lang hanggang finish line na. Kapit ka lang huwag kang bibitaw ah?
I lOVE YOU
Ms. QRST ADZ

This isn't goodbye, i have faith we're destined
s i r May 2019
Ulap sa lupa ang maputlang buhok
Sing kinang ng pilak, sing pilak ng usok
Isang obra maestrang handog ng Panginoon
Sagisag ng nakalipas na halos isang daang taon

Sa balat malinaw ang mga lumipas na panahon
Tigib sa pinong linya at kulubot
Sa mukha nama’y walang kolorete, alahas o pulbos
Kasing kinis ng balat ng masintahing musmos

Sa mga mata’y nakalubog ang karanasan at karunungan
Naipon ng mga pagkakamaling pinagdaanan
At ang mga tala sa langit, bumababa sa lupa
Napunta ang kinang sa mga matang minsan nang lumuha

Ang gaspang ng buhangin sa palad ay ipinasa
Marka ng walang katapusang pag-aalaga
Sa kanilang buhay ay alumpihit, pagod
Upang tayo ay mabuhay ng malugod.

Lahat ng sugat, pagod, galos, at kulubot
Ito’y pagmamahal ni inay na walang pag-iimbot
Sana’y maunawaan mo ang nakikita ko
Sa puting buhok at gaspang ng palad kagandahan ay totoo
Virgel T Zantua Aug 2020
Malalim ang sugat ng aking kahapon. Mga pagkakamaling dala ay lason. Hindi nawawala ang diskriminasyon. Humahadlang sa pagbabago't pagbangon. Dala ang sakit saan man pumaruon. Pilit ko mang labanan ang mga hamon. Pagkatao ko'y nakakulong sa kahon. Hinatulan sa pagkakamali nuon. Nananatili ang sakit hanggan ngayon. Ngunit habang ang puno'y mayroong dahon. At ang karagatan ay mayroong alon. Ang pagbabago ko'y hindi itatapon. Gagawing kong sandigan ang Panginoon.
Discrimination is one thing but my God is everything.
Angel Dec 2021
Ang aking unang pag-ibig ay tila ba perpekto,
Tila ba ito'y hindi magwawakas hanggang dulo.
Ngunit sa isang iglap ito'y nagbago,
Dating masayang relasyon biglang naglaho.

Nagsimula sa isang bagay na hindi napagkasunduan,
Hanggang sa dumami't hindi na mabilang,
Naghanap ng ibang tao na pwedeng mapaghingahan,
Panandaliang sarap sa iba'y kanya ring tinikman.

Kaliwa't kanan na sumbatan,
Mga pagkakamaling paulit-ulit binabalikan,
Mga salitang masakit na hindi na malimitahan,
Tila ba kami'y estranghero at walang pinagsamahan.

Ako nga ba? Ako nga ba ang dahilan tulad ng iyong tinuran?
Hindi ba't ikaw itong nangloko at ako'y pinagtaksilan?
Masaya ka ba sa iyong ginawang kasalanan?
Habang ako'y nandito at patuloy na nasasaktan.

Saksi ang lahat kung paano kita minahal,
Ipinagmalaki at ipinaglaban sa pamilya kahit sila'y hadlang.
Hindi sukat akalain na ito'y hindi magtatagal,
Relasyon na aking iningatan, ngayon ay isang kwento na lamang.
Eugene Oct 2018
Alaala mo sa Tag-araw

Kay bilis lumipas ang mga araw na nagdaan
at sumapit na naman ang buwan ng tag-araw.
Buwan kung saan ipinangako kong hindi ka iiwan,
Pero, alaala mo sa akin ay hindi ko mabitaw-bitawan.

Kay sakit alalahaning ikaw ang unang nang-iwan,
nang iyong malamang ako ay dukha lamang.
Kay hapdi sa damdamin ang mga katagang iyong binitiwan,
na magpa-hanggang ngayon ay nakamarka pa rin sa aking puso at isipan.

Ipinaintindi ko sa iyo ang aking kinalakihan
na ang buong akala ko ay iyong maiintindihan.
Ipinakita ko sa iyo kung gaano ako kasaya kahit na maralita lamang,
Subalit, pakitang tao lamang pala ang lahat ng ugali mo sa aking harapan.

Tinanggap ko ang galit ng aking magulang pagkat hindi ka nila nagustuhan.
Isinantabi ko ang pangarap ko at sinuportahan ka sa iyong kaligayahan.
Pero bakit kay dali lamang sa iyong ako noon ay pakawalan?
Sinayang mo ang limang taon na ikaw at ako ay nagmahalan.

Ngayon... tag-araw na naman; at dito sa dalampasigan
kung saan sumisikat ang araw sa silangan,
Ay binitawan mo ang mga salitang 'ang mahalin ka ay isang pagkakamaling habambuhay kong pagsisisihan'.
Ako'y iyong tinalikuran, ni hindi man lamang ako nakasagot o nakapagpaalam.

Ibubulong ko na lamang sa hangin ang aking kasagutan
na minahal kita nang buong-buo at tapat na walang pinagsisihan,
Pero kinakailangan na kitang pakawalan sa aking puso at isipan.
Ito na ang huling tag-araw na alalahanin pa kita sa dalampasigan dahil magsisimula na akong bumuo ng mga bagong alaalang wala ka na sa akin magpakailanman.
Hindi na ako makahinga,
pinipilit ang sariling bumangon.
Nasa ilalim ng mabigat na bunga,
ng aking mga pagkakamaling naglaon.

Natatakot, nangangamba,
sa pagsilang ng umaga.
Sa hudyat nitong kasama, laging dala,
ang siklo ko'y muli nang nagsimula.

Lalaban, lalarga, makikibaka,
sa alon ng buhay, mabagal, nalunod na.
Ngunit nang mata'y nagkasalubong, nagkita,
aksidente nga ba o matamis na tadhana.

Sa pagitan ng pawis at dugo at luha
ng mga tao na ngayon tayo ay nasa gitna.
Mayroon ako, ikaw, gustong ipahiwatig,
pero pareho tayo, boses, napatid.

Pagkakataon lumisan na,
ikaw ang nauna, ako'y nasakal ng pangamba.
Muling sinubukan, ipagtagpo ang mga mata,
hindi kita malilimutan.
Inspired by an Instagram post

— The End —