Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
Mayroong yakap na mahigpit;
mayroong yakap na magaan.
May mabigat, may parang nasa ere't
may parang walang laman.

May luhang dugo't pawis,
may luhang sampal sa nakaraan
at luhang mitsa ng pagbangon.

May ngiting tinuwid,
may ngiting dyamante sa langit
pero tinampo't itinapon ng pagkakataon.
Oo, kayhirap amuhin;
parang berdeng buhangin.

May mga katauhang iniibig,
kahit di ka perpekto't kulang din sa pag-ibig.
Piniling umibig, hindi pinihit --
Hindi pinilit na umibig.

Bagkus, Siyang katapatan ng Langit,
Siyang patas, Siya nga namang tapat.
Kaya naman katapata'y naging patas;
ni walang ganti, ni walang pag-imbot.

Dalisay ang pag-ibig,
luha'y salok sa gabi't
Siyang Perlas na pabaon sa umaga.
Pag nasaktan ka, normal yan.
Pag hindi ka nasasaktan, doon ka na magduda.
021716

Babalik akong hindi mala-dayuhan,
Pagkat ikaw ang aking Bayan.
Hindi ko titipirin ang pag-ibig
Gaya noong tila latak na lang
sa iyong pandama.

Hindi sapat ang isang araw,
Kahit tunay at tapat ang pagsuyo.
Sisikat ang araw, ako'y samid sa distansya
At tanging pangako Sayo
Siyang pabaon sa takipsilim.

Sayo ang pito kong araw;
Hayaan **** iukit ko ang sistema ng puso
Na may tema ng panahon at oras.
Hindi na ako mangingibang-bayan, Sinta.
Tahan na, ako'y palapit na sa aking Tahanan.
Para sa mahal kong Lungsod ng Puerto Princesa. Pagkat alam kong sa mga panahong ito, ako'y itinanim ng Diyos para mamunga sayo. Hindi ko na kailangang magtiis sa lingguhang pag-uwi na may kalakip na 5.5 oras buhat sa El Nido para lamang makapagserbisyo sa kanya.

Minsan, may iilan talagang magtatanong ukol sa pananampalataya ko o kung bakit ginagawa ko yung ginagawa ko. Isa lang siguro: pagkat kailanma'y hindi ko kayang ipagpalit ang pangako ko sa Kanya. Kaya kahit ano pang pagsubok, ako'y babalik at babalik pagkat ako'y tinawag Niya! Purihin si Lord! Amen!
040120

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan nga
Langhapin mo ang sariwang hanging pabaon Ko sayo,
Kasama ng mga pangakong kalasag at kalakasan mo,
Mga pangakong magsisilbihing pahingahan mo,
Mga pangakong ilaw mo sa dilim
Na mas maliwanag pa sa Buwan at mga bituin
Mas maliwanag kaysa sa mga alitaptap
Na sinusundan mo ng tingin.
Na sa tuwing tiyak ang ligaya o lungkot **** taglay
Ay napapawi nito ang sakit
Ang hikbi ng puso **** walang ginawa kundi umiyak
Ang bilis ng tibok na puso **** paulit ulit na kinakabahan —
Kinakabahan na mahuli ang iyong kamalian
At hindi tanggapin at akayin ng kahit na sinuman.
At habang pasan mo, tagumpay man o kabiguan
Ay matikman mo rin na hindi ka lang basta-basta
Hindi Basta-bastang buhay lamang
At nagtatago sa dilim.
Hindi ko hinayang madala ka ng dilim
Hindi kita dinala sa dilim para ikay maging sakim
At mapuno ng kirot ang kawalan mo ng pag-ibig.
Huminga ka na may gayak,
Huminga ka nang May pag-asa.

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan, paulit ulit hanggang sa makuha mo ang tamang tiyempo
Nang masabayan mo ang binabato kong mga ritmo
Ibuga mo ang iyong mga kamalian
Ibuga mo ang iyong mga kasalanan —
Mga kasalanang tila isang kumunoy na humahatak sayo
Pabalik sa kadiliman
Mga kasalanang minsan mo nang iniwan
Tama na ang paghinga sa walang kasiguraduhan,
Tama na ang pagsambit na kasalanan mo naman
Tama na ang paulit-ulit na bersyon mo ng “Ayoko na ng kasalanan at gusto ko na tong iwan,”
Ngunit nariyan ka pa rin,
Humihinga ka pa rin sa iskwater na minsang ika’y parang sardinas na nakasiksik
Tama na, tama na Anak.

Hinga, buga
Hinga buga,
Naghihingalo ka na
At paulit-ulit **** nasasaktan ang iyong sarili kahit Sabi Kong tama na
Naghihikahos ka na —
Ngunit wag **** isiping napapagod ako
Na sa tuwing nakikita kita sa iyong kahinaan
Ay napapagod na rin akong gamutin ka.
Pagkat hindi ako nagsasawang mahalin ka,
Na sa tuwing sinasabi ko sayong
Umuwi ka sa akin ay naghihintay ako sa pagbabalik mo
Na hindi ako nagsasawang maghintay sa pagsabi ****,
“Ama, narito na ako.”

Hinga, buga,
Hinga, buga
Malayo pa Lang ay nakikilala ko na maging ang iyong anino
Ang iyong pagsisisi buhat sa iyong paglisang makasarili
Ngunit buo ang aking pagpatawad
At ang pag-ibig ko’y dalisay at wagas
Na sa Krus ay dumanak ang dugo ng bugtong kong anak
Ang Anak ko si Hesus na nagpalaya sa iyo
At nagbigay sayo ng daan patungo sa katiyakan
Naririnig ko na
Ang mga padyak **** sabik sa aking paglambing
Ang mga pandinig **** naghihintay sa aking mga Salita
Na pinuno ko ng siksik, liglig at umaapaw kong pag-ibig
Maging ang pagtambol ng puso mo sa kaba
Nakikilala ko ang lahat sayo at sana alam ****
Sanang alam ****
Matagal nang bukas ang ating pintuan para sayo,
Oo ating pintuan at hindi pintuan Ko lamang.
Tahan na Anak, tahan na at nakauwi ka na
Nakauwi ka na sayong tahanan.

Hinga, buga,
Hinga, buga
Tayo na anak,
Sa akin ka na mamahinga.
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
Mga punong nagtataasan, mga katawang nangingitim.
Hibla dati sa kahoy ngayo'y sa bato nagbibitin.
Ang tangkad mo ay laging masarap gawing lilim.
Mula noon hanggang ngayo'y di ako makapagpasalin,
Ng mga kasalanan, kahit na iyon ang iyong kinain.
Matagal na ang huling pagsala ko sa kanyang bituin.
Baka't hindi ko na ito kailangang damdamin.
Dahil tila nagkukulang na ang iyong hangin.

Mga dahon **** lapad at kumikinang.
Nanalamin sa lahat ng aninong dumadaan.
Nagpapabahay parin sa iba't-ibang nilalang.
May mararahas. tahimik, at mapaggalang.
Parang ang nagbabagong kulay ng mga bunga **** nakahalang.
May gamot at may lason, pero mayroong pagkaing pang-ahon.
Mayroong pabaon ngunit parang ikaw na ang unti-unting lumalamon.

Umuusbong na mga panahon.
Nakita na ang bukas ay ang kahapon.
Kitang-kita ang daloy ng alon.
Nadating ika'y mahinahon.
Ngayo'y ika'y tagahamon.
Nag-iipon ng lakas at laman.
Habang nagtatapon na ng basura't mangmang.
This poem is written/typed in my native language of Tagalog which is a dialect of Filipino. But it is already the new generation of the language not the old original traditional language. Here is the translation: http://hellopoetry.com/poem/1558592/the-forest-ang-gubat/
Nangungusap ang mga mata
Kasabay ng paglagas ng mga utal-utal na salita
Walang kuwit, walang tuldok
Pilit na binubuksan ang mga pusong nililok ng galit at tampo,
Walang katapusan ang kani-kanilang mga pangungusap.

Nababalot tayo ng hiwaga
At ang ating mga puso'y napupuno ng mga lasong
Sinulsi ng kirot ng kahapon.
Lumipas na --
Nilipasan na tayo ng ilang mga umaga
Napuno na tayo ng mga agiw sa paghihintay.

Iniisip natin sa kung papaanong paraan ba
Maihahayag ang mga palamuti sa ating imahinasyon.
Paano ba natin masasabayan ang lumalagablab na galit?
Na ibinubuhos sa atin gaya ng may kumukulong tubig sa takure.
Paano nga ba tayo mananataling walang pakiramdam
Hanggang matapos ang delubyo ng poot at paghihiganti?

Umiiwas tayo sa hanging mapanakit
Ngunit tila ba hinahabol tayo kahit tayo'y nakapikit na.
Walang hikbi at walang kamalay-malay tayong minamanipula
Ng mga pagkakataong tumutukso na tayo'y talunan na.

Ngunit sa lahat-lahat ng mga ito'y
Pipiliin nating tumayo pa rin
Bitbit ang ating mga bandila
At kahit pa sa ating pananahimik
Ay kusang sisigaw ang mga tala para sa atin
At mas magliliwanag pa ang mga ito.

Ang mga makakapal na ulap
Ay makakaya na nating hawiin
At magsisilbi itong palatandaan
Na tayo'y  hindi magpapalupig
Sa dikta ng tadhana at panahon.
Pipiliin pa rin nating maging tama
At ang lahat ng mga pasakit ng nakaraan
Ay magsisilbing pabaon natin
Sa kinabukasang henerasyon.

Kaya ko, kaya mo --
Kakayanin natin,
Kaya natin, kasama ang Panginoon!
kahel Jun 2017
Napansin ko lang, parang ilang gabi nang nahihirapan matulog.
Malambot naman ang unan ko
Maluwag naman sa kamang hinihigaan
Makapal at mabango naman ang kumot
Malamig at tahimik din ang kwarto
Nasobrahan nanaman ba ko sa kape?
Hindi naman siguro pero bakit?


Antukin akong tao pero bakit ganito
Pero sa kalagitnaan ng kalituhan,
Sa ilalim ng mga bituin sa kalangitan
Biglang sumagi sa isip ko, "Oo nga pala, wala naman ng ibang dahilan.."
Kundi Ikaw. Ang bida ng walang katapusang kwento.
Sa tuwing hihiga ako pagkatapos ng isang mahabang araw
Na nakakapagod kahit wala naman masyadong nangyari at nagawa


Muntik pang mapagalitan dahil gabi nanaman nakauwi
Nagbihis at dali-daling inayos ang higaan
Ayan na, sa wakas at dinadalaw na rin ako ng antok
Ngunit ayan ka na din bigla nalang eeksena parang sa pelikula
Bitbit ang mga pabaon **** ala-ala na nasa isang garapon
At magsisimula kang kumatok ng kumatok sa puso kong marupok
Sige na, papapasukin kita pero parang awa mo na


Bigyan mo naman ako ng isang mahimbing at mahabang tulog
Hayaan mo akong humiga, magpahinga at huminga
Ipagpatuloy ang pananaginip habang naka-nganga
Na kahit dito man lang, sa nilikhang mundo ay hindi tokis ang pag-ibig
Hihintayin kang mapagod maglakbay at magpasikot-sikot sa isipan ko.
Kahit na nakakainip. Pero wala, sanayan lang naman 'to.
Sanay ng pangarapin at mapaginipan ka,
Na hanggang pangarap lamang kita.
112622

Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan
Bagamat may iilang tekstong isinawalang-bahala na.
Mga pahinang hindi na nagawaran
Ng konkretong kalinawagan
Bunsod sa kusang pagpapasakop natin
Sa mga banyagang hayagang dumidikta
Sa ating kultura maging adhikain.

Hindi man natin nalimot
Na tayo’y minsang nakipisan sa mga bahay kubo,
Tayo pa rin ay tumawid sa lubid ng kamangmangan —
Ilang ulit na‘t tila ba hindi na tayo natuto sa mga kamalian ng nakaraan
Hindi lang tayo basta nabitag,
Bagkus rehas ay atin pang ipinagtibay.

Oo, tayo lang naman ang bumihag sa ating mga sarili
Kusang sumiping at nagpatali
Hanggang huli na nang mamalayang
Hirap na pala tayong kumawala
Sa mga buhol na tayo mismo ang may sulsi.

Iniibig natin ang Pilipinas gamit ang ating bibig
Ngunit ang bandilang ating iwinawagayway
Ay hindi na pala ang sariling atin.
Hindi masamang makisabay sa uso
Ngunit wag nating kaligtaan na tayo’y mga Anak ng Bayan.

Hindi rin mainam na tayo’y magpasakop
Sa samu’t saring ideolohiyang inihahain sa atin.
Pagkat hindi porket nasa hapag na’y
Ito’y para sa ating upang nanamnamin.
Wag kang hangal, Inang Bayan!

Isinisiwalat natin na tayo’y tunay na mga kayumanggi
Gamit ang mga sandatang hiram
Ngunit sa ating pakikibaka’y
Hindi ba sapat ang ating armas
At kailangan pang umasa sa kanilang lunas?

Pluma ang naging sandata noon
Ngunit maging ang ating Bayani’y
Hinayaan na nating maging pipi.
Mga lata’y maiingay
Sa araw-araw nating pakikipagkalakal.

Kahit saan tayo sumipat,
Tayo’y natutukso pa rin —
Bumibigay at bumibitaw, nalilimot maging tapat.
Aahon nang nakapikit,
Maging lenggwahe’y pahiram na rin.

At kung tayo ang huhusga
Sa ating walang modong mga nagawa’y
Linisin natin ang sarili nating mga dumi’t
Wag nang hayaang maging pabigat sa iba.

At Bandilang ginula-gulanit
Ay sama-sama nating susulsihing muli
Nang ang mga galos ng nakaraa’y
Maging umaapaw na pabaon sa ating mga iiwan.

Sa pamamagitan ng ating pagbubuklod,
Tayo’y magiging isang buong Pamilya.
At magbabalik ang sigla
Na minsan nating hinayaang kainin ng mga bukbok
At anay ng ating pagkawatak-watak.
Jay Victor Pablo Dec 2022
Kung umabot man sayo ang tulang isinulat ko,
pakatandaan mo sana ito.
Hindi man maipinta ng mga salita ang nadarama
o ni mabahiran ng tugma ang aking pagsinta,
huwag mo sanang isiping ako'y sumuko na
datapwat ang paghingi mo ng espasyo sa pagitan nating dal'wa
ang nagbigay linaw n dapat pang ipaglaban ka!
Pero kung masawi man sa digmaan, sinta,
Itago mo sana ang pabaon kong dugo
Patunay na inilaban kita hanggang dulo
Mae Feb 2019
siguro'y hindi ramdam
sapagkat wala na ring nararamdaman.
hindi na alam sa sarili
kung ito'y totoo o kathang isip lamang

siguro'y mag papaalam na
upang ang sakit ay mawala na.
lilikha ng panibagong mundo,
tayo'y magiging malaya na
pabaon ay ang tanging alaala.
a tagalog poetry.

— The End —