(1:30 AM/ Brownout)
Ang alab Mo’y minsang inalay sa’kin
Syang naging mitsa ng pagkandirit ng himagsikan.
Ako’y nakakapaso
Magbibigay-liwanag sa madilim na kinagisnan,
Sa apat na sulok ng silid-aralan,
Sa lipunang may mabigat na ginagampanan
Tangan ang alab na umalarma sa pagkatao.
Nilisan ko ang liwanag
Kung saan akala ko’y dapat na maging kasanayan.
Ako’y Iyong tinubos
Sa mapanghusgang lipunan
May tatak sa noo, syang bukambibig ng madla
Salamat, nang ako’y maging pag-aari Mo
Nang ako’y pagharian Mo.
Gamitin Mo ako,
Pagkat ang liwanag, ang katuturan
Kailanma’y hindi mapupunan ng anumang salita
Nang sinuman..
Kung ang alab ay hindi Ikaw ang sentro
At kung ang lakas ay hindi mula Sayo.
Sukat ang buhay ko
Bawat luha ko, akala ko’y walang silbi’t walang kwenta
Ngunit iniipon Mo pala ang bawat butil nito
Minsan pala’y nakapapaso rin ito
Isalin **** muli, buohin Mo’t ihulma ang pagkatao.
Sayang..
Kung ang ilaw ay nakakahon
Kung ang sisidlan ko’y hindi ko lilisanin
Kung ang sarili’y hindi kikitilin
Nang magkaroon ng pangalawang buhay.
May ilang gagambala
Mga insektong hindi alam kung saan nagmula
Mamumuhunan sila’t magiging igno sa liwanag
At kung di lalakas ang alab,
Ako pala’y matutupok.
At sa hanging iihip,
Kung wala ang mainit na mga kamay
Na siyang yayakap at hahagkan sa akin
Ako’y maagang mahihimlay,
Mawawalang saysay ang pagkatubos sa akin.
Ngunit ang alab na ito’y
Kitilin man: kusa man at sa walang dahilan
Maari pang mabuhay, sa ikalawang pagkakataon
Sisindihang muli,
Luluha sa hapdi’t kirot ng kahapon
Ngunit ang bukas ay may kasiguraduhan
Na ang tatahakin ay hindi na tulad nang ngayon.
Binibilang na ang oras
Bawat minuto’t segundo
Maaring mapagal at maagang tamlayin,
Kung saan saksi ang kadiliman sa liwanag na taglay.
Ngunit bago maupos,
Ako’y may aabutin
Bawat sulok ay dadampian ng buhay
At magmamarka sa bawat haligi
Na kahit sa dilim, mayroong palang pag-asa.
(5/13/14 @xirlleelang)