Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Josh Wong  Sep 2015
Tahanan
Josh Wong Sep 2015
Nandito naman ulit ako.
Tumatakbo.
Humahanap ng tao,
Humahanap ng tahanan.


Ikaw.
Hindi ko inakaling ikaw,
Ikaw ang naging aking tahanan,
Isang kapalaran na walang kasinghalaga.


Ngunit isang bagay na hindi ko inasahan,
Ay na ika’y naging tahanan na hindi tumagal.
Umalis ka lang nang walang pagpipigil.
Bakit?


Ilang beses, paulit-ulit.
Ilang beses na ika’y sinubukan kong kalimutan.
Ngunit ang isang tahanan na hindi mawawala,
Ay ang tahanan na tinanim mo sa aking puso.


Nandito naman ulit ako.
Tumatakbo.
Humahanap ng tao,
Humahanap ng tahanan.
Daniella Torino  Jun 2017
Tahanan
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Reign  Feb 2016
Lihim na Tahanan
Reign Feb 2016
Kay dami nang hindi mo katulad ang sinarahan ko ng pinto
Hindi labag sa aking kalooban na mag papasok kung sino-sino
Para mag kalat, mang gulo, at bantayan ang mahalagang bagay sa akin
Dahil alam ko na ikaw ang tahanan ko
At nakalaan to para sayo

Ikaw ang banyo na binabalik balikan ko na parang balisawsaw ako

Ang kusina na nagsilbing lugar, para iluto ko ang putahe na mas matamis pa sa mga ngiti mo

Ang silid kainan, kung saan lahat ng gusto mo ay inihain, dulot ng pagmamahal ko

Ang sala, kung saan ang tinig ng halakhak at tawanan ay maingat na tinatabunan ang pintig ng puso,

Ang aparador, kung saan nakatago lahat ng liham na dapat basahin mo

At ang kwarto, kung saan bumubuhos ang luha, na naging takbuhan ko tuwing nalulungkot ako,

Sabay mahigpit na yakap sa unan nang hindi ako bitawan nito

Ikaw ang susi para mabuo ang tahanan ko,
Isang katok lang ang tunog na gusto kong marinig galing sayo
Kung pwede lang tanggalin ang pinto na nakaharang dito
Ito'y gagawin ko

Isang sulyap lang kahit may harang na matataas na bakuran na nakapaligid sakin ay masaya na ako
Ipaalam mo lang na hinahanap ako ng mga mata mo dahil para sayo ito

Gusto ko nang ipaalam sayo,
Ang mga lihim, na wala nang espasyo para ipaglagyan pa
Gusto ko nang ipaalam sayo,
Na ikaw ang gusto ko, sya lang ang kailangan ko
Gusto ko nang ipaalam sayo,
Na tunay kang mahal nito

At sana'y alam mo ang lihim ko,
Na gusto kong ako ang maging tahanan ng puso mo
first ever tagalog poem
G A Lopez  May 2020
Sa Tahanan Mo
G A Lopez May 2020
Ilang Huwebes at Linggo na ba ang nagdaan?
Ang aking mga bestida na nakalagay sa aparador ay laging pinagmamasdan.
Sa oras ng alas singko'y tumutunog na ang aking selpon
Magiinat at babangon.

Sinisikap kong laging makapunta sa kapilya
Doon sa tahanan Mo'y laging nadarama
Ang pag-ibig mo at pagyakap sa akin sa tuwina
Doon sa tahanan Mo'y naidudulog lahat ng aking nadaramang sakit at problema

Hindi na po kami makapaghintay Ama
Nais na po naming makabalik sa mahal **** Iglesia
Kung saan itinuturo sa amin ang iyong totoo at mahahalagang aral at salita
Ngunit alam kong darating ang araw, kami'y muling magsasama samang sa Iyo'y sasamba.

Nagkaroon man ng isang pandemya
Ngunit hindi nito napigil ang aking pananampalataya
Narito pa rin at masigla
Tunay na maawain at magpamahal Ka.

Kahit sa aming sambahayan ay iginagawad pa rin ang pagsamba
Sapagkat hangad naming Ika'y bigyan ng papuri at awitan ng kanta.
Ang laging panalangin ay 'wag sana kaming kalilimutan, o Mahal kong Ama
Kaming Iyong hinirang na sa Iyo'y lubos na nagtitiwala.

Nasasabik na ang puso't kaluluwa ko
Ang magpunta sa tahanan Mo
Sa madaling araw na pagsamba
Bumabangon ng maaga at mapapasabing,
"Oras na upang maghanda, hinihintay na ako ng Ama."
Erikyle Aguilar  Oct 2018
Pamilya
Erikyle Aguilar Oct 2018
Si tatay,
siya yung tipong gagawin ang lahat,
kahit buong buhay niya ibibigay,
pupunta kahit saan, kahit kailan,
masuportahan lang ang buong pamilya.

Siya rin yung kahit na may mali ka,
pilit pa ring iintindihin ka,
grabe ‘yan kung magalit,
pero pagdating sayo, may pusong mamon.

Ang haligi ng tahanan, ang tagapagbantay,
hahanapin ka pag napapahiwalay,
walang sinumang pababayaan,
hangga’t kaya, ipaglalaban,

Kahit sobrang daming problema,
kinikimkim nalang, hndi pinapaalam,
kasi ayaw niya kayong mapahamak pa.

Kaya ‘tay, kahit marami kang ginagawa,
pinararamdam mo pa ring andiyan ka,
pero ‘tay, kamusta ka na?


Si nanay,
siya ang ilaw ng tahanan, totoo nga naman,
iingatan ka, pakakainin ka, ipagluluto ka,
minamahal ka,
hindi ka niya iiwanan, kahit gusto **** makapg-isa.

Siya yung sa simula palang,
naghihirap na, nasasaktan na, nagtitiis na,
lahat ng ginagawa niya mula sa simula ay para sa’yo,
siya yung kahit madaling araw na, gigising pa rin,
makita ka lang na natutulog nang mahimbing, sapat na,
at kahit walang tulog, pagsisilbihan ka pa rin.

Kahit galit, mahal ka niyan,
“makuha ka sa tingin”, lagi niyang sinasabi,
magbibilang pa siya, kasi mahaba ang pasensya niya sa’yo,
“isa, dalawa, dalawa’t kalahati, magtatatlo na”.

Kahit madalas siyang galit, mas umaapaw pa rin ang pagmamahal niya,
hahanapin ka hanggang makauwi ka, hindi pa ‘yan makakatulog nang wala ka,
makakailang tawag pa sa’yo,
kahit puro “asan ka na?” ang naririnig mo,
mamimiss mo, at hahanap-hanapin mo pag hindi tumawag.

Kahit may pasok, kahit may sakit, kahit pagos,
hindi siya magiging tamad, nagpapahinga lang,
kaya mahal ko ang nanay ko,
kasi siya ‘yong laging nasasandalan ko.

Walang kontrata ang pagmamahal ng mga magulang,
dahil kahit matanda na tayo, tatay pa rin si tatay, at nanay pa rin si nanay.


Si kuya,
siya yung kapatid na hindi mo maintindihan kung paano magmahal,
siya yung kapatid na grabe mangasar, mangulit, at magpahiya,
ganyan naman talaga 'yang si kuya,
ganyan niya pinapakita ang pagmamahal niya sa'yo.

Hindi man siya magsabi ng "I love you",
ipakikita naman niya ito sa pamamagitan ng
pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kapatid,
ipapaubaya ang kahit ano,
kahit na mas kailangan niya pa.

Hanga ako kay kuya,
dahil hindi madali maging isang panganay,
lahat ng galit o sermon, sakaniya napupunta,
kahit madalas ang kapatid niya ang may kasalanan.

Walang papantay kay kuya,
kaya kuya.
andito lang ako kung hindi mo na kaya.


Si ate,
bibigyan ka ng atensyon kahit may ginagawa siyang iba,
madalas na nagbibigay ng payo,
mapagsasabihan mo ng mga lihim,
parang isang talaarawan.

Siya ang kanang kamay ni nanay,
kasama sa pamimili sa palengke, kasama sa kusina,
kasama sa pagluluto at pagkakain, kasama sa pagpupuyat.

Aasarin ka niyan, pero mahal ka niyan,
sasabihan ka niyang, "Uy, binata ka na".
o kaya, "Uy, dalaga ka na",
Maiiyak ka sa tuwa sa pang-aasar niya.

Siya ang unang yayakap sa'yo sa kalungkutan mo,
malambing, parang anghel ang boses, mainit ang yakap,
lahat ng init na kailangan mo sa malamig na gabi
ay mabibigay niya.

Parang mga bituin sa langit,
kaya si ate, mahal ko 'yan,
mahal na mahal ko 'yan.


Bunso,
siya yung pinakamakulit sa lahat,
kahit anumang suway mo,
sige, tuloy pa rin sa pagkakalat.

Siya yung nagpapasaya sa bahay,
ang kaniyang paglalaro
o presensya palang ay sapat na.

Siya yung nagmamakaawa,
makamit lang ang gusto niya.

Kahit na pagod na kayo,
tuloy pa rin ang pangungulit,
tuloy pa rin ang kaniyang pagpapatawa,
hanggang sa sumakit ang panga mo sa katatawa.

Ading,
salamat dahil andiyan ka,
salamat sa pangangamusta,
mahal ka naming lahat.
a collab work of Chester Cueto, Jose De Leon, Danver Marquez, Erikyle Aguilar, and Ericka Kalong
J  May 2017
ILAW NG TAHANAN
J May 2017
Nakapag sulat na ako ng maraming tula,
Tulang para sa iba ngunit para sakanya’y wala,
Ang taong ini-alay ang buhay para lang sakin,
Na minsa’y dinadaanan ko lang na parang hangin.

Nakakalimutan na siya ang dahilan kaya ako’y buhay,
Buong buhay niya ang kanyang ibinigay,
Mga panahong ako’y nagpapakasaya,
Habang siya’y nasa bahay nag-aalala.

Ang oras at panahon ay napupunta sa iba,
Ngunit sakanya ang mga ito ay para lang sa mga anak niya,
Hindi mapakali dahil iniisip ang susunod na alis,
Hindi ko namamalayan na sa aking pag-alis may isang taong nangungulila sakin ng labis.

Inaantay ang aking pag balik mula sa eskwela,
Ngunit sa aking pag dating hindi ko manlang siya makamusta,
May mga oras na hindi nagkakaintindihan,
Subalit sa huli ikaw ay kanyang pinapatahan.

Mahal kong ina gusto ko iyong madama,
Ang tulang ito ang magsisilbing paalala,
Madami mang problema at tampuhan,
Sa huli ikaw parin ang mahal kong **ilaw ng tahanan
HAPPY MOTHER'S DAY!! I love you Mommy
fallacies Aug 2018
×
narinig ko sa isang sikat na himig at tono,
'aking sinta, ikaw na ang tahanan at mundo.'
aking aaminin, ikaw ang siyang pumasok sa aking isip;
sa mga salitang kanilang sinasambi't inaawit,
na tila musika mula sa isang panaginip.

naisip ko, paano ka naging siyang tahanan ko;
bukod pa don, ikaw rin ba ang siyang aking mundo?
kung saan malaking parte ng buhay kong ito;
naroon ka; hindi ka nawala ni hindi ka lumayo.

pero ngayong walang tayo na siyang kinakapitan ko;
nawalan ba ako ng tahanan? nawalan ba ako ng mundo?
naligaw ba ang musika sa dapat niyang tono?

pero sa kabila ng lahat, naisip ko;

kailan man hindi ka naging tahanan ko,
pagkat mas higit ka sa isang lugar
na inuuwian at tinutulugan
hindi ikaw ang tahanan; ikaw ang sa loob nito
na siyang dahilan kung bakit
ako umuuwi't natutulog sa tabi mo.
dahil hindi ka rin mundo na siyang iniikutan ko,
ikaw ang siyang kasakasama ko,
kasabay sa pag-ikot nito.

kaya aking sinta,
sa tahanan at mundong ito
iisa lang ang ninanais, iisa lang ang totoo
sa lahat ng ito,
ikaw ang siyang gusto.
Sa bawat destinasyong na aking na puntahan,
Di ko pa natagpuan ang lugar na maituturing ko na tahanan.

Tahanan,
Ito ba talaga ay isang lugar na kailangang nating tunguhan?
O ito'y nasa puso lamang, na ating mararamdaman.

Pero,
noong una kitang napagmasdan,
parang di na akong magsasawang ikaw ay tingnan.
bawat ngiting aking nakikita,
ay parang himig ng musika
sa aking dalawang tenga.
Parang ayaw ko nang mawala ka sa aking paningin,
kahit saan man tayo mapadpad ng hangin,
kahit saan man tayo paparating,
ayos lang, basta ikaw ay aking kapiling.

Kaya pala ngayon ko lang to naramdaman,
Kasi ikaw pala ang maituturing kong aking tahanan.
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
zoe  May 2017
tahanan
zoe May 2017
unang latag ng lupa,
nangabubuhay dahil sa
tapak ng walang kamalay malay
sa pinagdaanan nito.
dala ang delusyon ng buhay
kapalit para sa bayan,
kapalit para sa kalayaan.
lumamin,
ay mahahayag ang
luad
tumutulad sa kulay ng
dugo.

alam ng bulaklak ito,
kung sundan ang pinanggalingan
magugulat sa makikita;
ang kababayang
kinalimutan ang kanilang madugong,
matimbang,
maalamat
na mga pangalan;
inalala ng halaman.

                 sementeryo,
bawat hakbang, walang respeto
bawat hakbang, nadudumihan
ang mga mukha ng (bayani)                   taksil
(pinaglaban)                                       trinaydor ang
kanilang, (at sa dinarami-rami pang mga
sambayanang pilipino)
tinubuang lupa

                  sementeryo,
kaya't malalim ang pananampalataya
sino bang hindi
maadwa,
maawa?
bawat segundo may dadasalan
bumagsak;
at lumalalim ang kulay ng
                                       pula.

                 sementeryo,
kaya't pagbagsak ng
alas quatro ng umaga;
nananahimik ang bayan.
katahimikan para sa patay;
         walang sisigaw.
ginagambala ang kapayapaan.
sa ilalim ng lupa,
ang katahimikan hindi makamtan.
lahat sila'y gising,
lahat sila'y

                                                         sumisigaw.

                 sementeryo,
ang   tahanan       ko'y         sementeryo,
kaya't manahimik
at irespeto ang patay;
ang mga mamayang madamdamin
at malakas ngunit
                                                        pi­natahimik.
tayong buhay
               nananatiling patay.
silang patay
               nananatiling buhay.

isang siklo.
lalalumin lahat ng lupa
ng hindi sa tamang oras;
isisigaw ang K A R A P A T A N !
isisigaw ang M A L I !
isisigaw ang H U S T I S Y A !

H U S T I S Y A
H U S T I S Y A
H U S T ngunit walang makakarinig.

ang nakabukang bibig
mapupuno ng tinubuang lupa
na tinaksil ang lahat
ng katulad natin.

walang makakarinig
kahit buong daigdig
                                                         ­                 manahimik.
min  Oct 2014
Ang Ilaw ng Tahanan
min Oct 2014
Siya ang "Ilaw ng Tahanan"
Gagawin ang lahat upang ako'y masuportanhan.
Sa tabi ko'y laging nariyaan
Papatawanin ako upang masiyahan.

Siya ang haligi kapag walang tatay
Kanyang pawis ay hindi namamatay.
Sa gawaing bahay, siya'y sanay
Siya rin ang nagmamahal ng tunay.

Siya rin ang aking kaibigan
Hinding-hindi ako iiwanan.
Papatawarin sa mga kasalanan
At mayroon pang laruan.

Siya ang dahilan bakit ako narito
Sapagkat ako ay nabubuhay rito sa mundo.
Nagpapasalamat ako ng taos-puso
Sa inang narito sa tabi ko.
astrid Nov 2018
na ikaw ang inuna kahit ako ang iyong huli.
sinta, maaari bang masimulan nating muli?
parang tangang ikaw ang pinili
hinayaang makulong sa iyong tali

lahat ng aking alinlangan ay isinantabi
pinagkatiwala ang buong sarili
akala ko'y hindi ako nagkamali
ngunit nagsabi ka ng "sandali,"

"sandali, hindi ako lilisan
ngunit sandali, ako pala'y nalilito minsan
sandali. makinig ka muna. sandali lang.
hindi yata kita napupusuan."

hindi mo naman kasalanan
na ang sakit ay hindi man lang maibsan
hindi mo naman kasalanan
na madali akong palitan

hindi mo naman kasalanan
na hindi ako ang nakatuluyan
hinding-hindi mo rin kasalanan
na hindi ako kawalan

hindi mo kasalanan, mahal
na ang boses ko'y garalgal
at kapag ako'y hinihingal
kapag sinisigaw ang aking pagmamahal

at paghihintayin pa kita ng matagal
pahihintulutan kang maging pagal
ang usad sa akin ay laging mabagal
kaya hinding-hindi ka susugal

hindi mo kasalanan
ang aking mga kasalanan.
kaya't ako'y iyo nang iwan
sa sarili **** tahanan.
Eugene Jan 2016
Kaibig-ibig ka, katangi-tangi, at hinahangaan,
Alindog mo at kagandaha'y hindi matatanggihan,
Ng sino mang taong handing-handa kang ligawan.


Kinahuhumalingan ka ng mga lalaki sa ating pamayanan.
Kinaiinggitan ng mga babae sa iyong kaseksihan,
Bakit hindi kita magawang magustuhan?



Ilang lalaki na ang umakyat ng ligaw sa iyo,
Ni isa ay hindi mo sinipot, hindi ka kumibo o nakihalubilo.
Ang sabi ng nakararami? 'Ako' ang gusto mo.


Nang ako'y iyong lapitan sa aming tahanan,
Ang mga ngiti mo'y nag-uumapaw sa kasayahan,
Nang masilayan ka, mukha ko'y walang bakas na kaligayahan.


Ako'y iyong sinisinta, higit pa sa kaibigan.
Ika'y tahasang nagsabing, ako ang iyong napupusuan.
Sinabi **** ako'y liligawan at iyon ay iyong paninindigan.


Subalit, ayoko kong ikaw ay masaktan.
Kaibigan lang ang aking masusuklian,
Sa kaaya-aya **** ngiti at kabaitan.


Hindi ako karapat-dapat na iyong ligawan,
Hindi kita mahal, 'yan ang aking nararamdaman.
Hindi na hihigit pa ang iyong pagkakaibigan.

Kaya, pakiusap, pawiin mo ang iyong kalungkutan.
Ibaling mo sa iba ang iyong isip at damdamin,
Ako'y magpapaalam, mahal kong kaibigan.

— The End —