Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
JK Cabresos Jun 2015
Igapos mo ako
sa lilim na 'yong puso,
at doo'y liliwanag
ang damdaming nakatago.
Na sa gabing alitaptap lamang
ang masulyapan,
tutubuan ng pakpak
ang pag-ibig na natagpuan.

Lilipad kasabay ng mga ulap
at hindi na halos maabot,
sa kulog o kidlat ma'y
hindi natatakot.
Na handang suongin
kahit malakas na hangin,
upang pakpak nito'y nakalatag
pa rin sa papawirin.

Mapadpad man tayo
sa lawak ng dagat,
mga puso natin doo'y
maglalayag.
Na tayo'y sabay dadaong
sa ating mga pangarap,
na sa dako paroo'y
naghihintay at umaandap.
Minsa’y nadako ako sa Kalye Pag-ibig
Marahil walang karatula
Ang mayroon lamang ay iilang linyang puti
Salungat sa kalsada
Siya rin palang tulay sa’ting tagpuan.

Bawat butil ng Kanyang mukha’y
Kumakapit at humihilik sa balat
Sa’king palad, umaapaw ang mga ito
Hihinto pa ba?
Pagkat hindi handa
Ang yerong gawa sa plastik
Na syang bihis-bihis ng kabilang palad.

Maraming yapak, aking naririnig
Ngunit alam kong ang berdeng kulay
Pawang hindi para sakin at sayo.
Ang bawat kasuotan nila’y
Tila pustura lang, ako’y nanatiling walang kibo.

Unti-unti kong binagtas ang eskinita
Makitid doon ngunit alam kong ito’y tama
Tila kayrami pa ring paninda
Ngunit ang lahat, hindi naman kabili-bili
Pagkat minsanan lang ang pag-ibig na totoo
Ni hindi ito kinakalakal.

Hindi ko man mabili ang nais ko ngayon
Masilayan man kita, bagkus likod lamang
Ni hindi ko nga matanto ang itsura
Basta’t sigurado ako
Sa paglingon mo’y parehas na tayong handa.

Malayo pa ang lalakbayin
Ng pawang minanhid na mga paa
Pagkat ang direksyon nati’y
Sa ngayo’y alam kong
Hindi pa para sa isa’t isa.

Ikaw na siyang iniirog
Aking hihintayin
Hanggang ang oras ay tumiklop
At umusbong ang panibagong bulaklak
Saka natin pagmasdan
Mga paru paro’t iilang kulisap, maging alitaptap.

Tatandaan ko ang ating tagpuan
Kung saan ihihimlay natin ang kinabukasan
Buksan mo ang pusong minsang winarak
Bubuuohin muna iyan ng Nasa Itaas
At saka na natin isulat ang makabagong alamat.

Sa Kalye Pag-ibig, tandaan mo, irog
Tayo’y babalik at muling mangangarap
Bubuo na panibagong larawan
Na may tunay na ngiting
Hahalimuyak sa mas Nakatataas.

Sa Kalye Pag-ibig,
Doon tayo magkita.
Dahil kahit saan ay Kalye ng Pag-ibig.
Uanne  Feb 2019
Gusto ko sana.
Uanne Feb 2019
Gusto kong maglayag
sa lugar na kayang ipahayag
laman ng pusong lagalag.

Gusto kong abutin ang mga ulap,
lumutang sa alalapaap na parang nangangarap
hawakan ang mga butuin na parang mga alitaptap.

Gusto kong damhin patak ng ulan,
magpakabasa hanggang mahimasmasan
upang bumalik sa tamang kamalayan.

Gusto kong gumising isang araw
na may pag-asang tinatanaw
kakapit sa bukang-liwayway at di na bibitaw.
02.13.19
Umaasa na sana balang araw....
Louise  Sep 2018
hidwa/hinayang
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
kingjay Dec 2018
Lupa't langit ay nakahanay
Tila'y magkarugtong parang itong buhay
Hindi tala sa ibabaw ang magpapailaw sa gabi o ang araw sa ibayo at silangan

Dagat ng dugo, ang luha'y umaagos
ang alon at ang simoy nito ay ang siphayo
Lahat ng ito ay mukha ng buhay na nakalutang

Ang buhangin ay hindi sa bulag
Sa mga mata ito ay puwing
Mga alikabok at abo
ng pangarap na durog at pira-piraso

Iikot ang mundo sa kandilang nakasindi
Kung pagmasdan parang alitaptap
Kahulugan nito'y munti
sinag niyang katiting

Sa tag -araw ay uulan
ng mga butil na panalangin
Marami gayunpaman hindi kasangguni sa panahong yaon

Babagyo't babaha rin ang mga daanan at tulay
Hinagpis ni Inang, hagupit ng kalikasan ay katuwang
Lunurin ang pagmamahal, ang sidhi niya'y damhin

Dadalhin sa sementeryo
at ang lagusan nito ay walang himig
Awitin sa ilalim ng kabaong nakahimlay na walang tinig
psyche  May 2016
gusto ko...sana
psyche May 2016
Gusto ko sanang hilingin sa mga bituin na ibalik ka sa akin
isigaw sa buong kalangitan kung gaano ako nasasaktan
Habang ibinubulong ng mga butil ng luhang pumapatak mula sa mga mata ko
ang pait ng katotothanang patuloy pa rin akong umaasang
tulad ko’y umaasa ka pa rin
umaasang maibabalik pa natin ang dati.

Gusto ko sanang maniwala sa mga mumunting tinig
Ng mga kulisap, sinasabing “ayos lang yan, magiging ok din ang lahat.”
Na sa bawat lipad ng mga alitaptap
Dala ay liwanag na magbubukas sa kinabukasang
Tayo pa rin hanggang sa hinaharap.

Gusto ko sanang umasa
At huwag mapagod sa mga panalanging
Bukas pag gising ko’y ikaw na ang nasa tabi
Na ang mga walang kasing tamis **** ngiti ang sasalubong
Sa akin mula sa akala kong walang katapusang bangungot
Ng sakit at pighati.

Gusto ko sana
Gusto ko
Gustong gustong gusto ko
Na sanang mawala lahat ng sakit
Lahat ng poot
Lahat ng pag aalinlangan
Lahat lahat
Pati na ang mga alalang
Pilit nagsususmiksik
Sa kaibuturan ko
Mga alaalang naging mitya ng kahapon
At naging hudyat ng ngayon
Ang bagong ikaw at ako
Na minsang naging tayo.
Mga alalang naging dahilan…

Gusto ko
Gustong gustong gusto ko ng
Kalimutan siya.

Sorry.
Pero hindi ko pa rin pala kaya.
040120

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan nga
Langhapin mo ang sariwang hanging pabaon Ko sayo,
Kasama ng mga pangakong kalasag at kalakasan mo,
Mga pangakong magsisilbihing pahingahan mo,
Mga pangakong ilaw mo sa dilim
Na mas maliwanag pa sa Buwan at mga bituin
Mas maliwanag kaysa sa mga alitaptap
Na sinusundan mo ng tingin.
Na sa tuwing tiyak ang ligaya o lungkot **** taglay
Ay napapawi nito ang sakit
Ang hikbi ng puso **** walang ginawa kundi umiyak
Ang bilis ng tibok na puso **** paulit ulit na kinakabahan —
Kinakabahan na mahuli ang iyong kamalian
At hindi tanggapin at akayin ng kahit na sinuman.
At habang pasan mo, tagumpay man o kabiguan
Ay matikman mo rin na hindi ka lang basta-basta
Hindi Basta-bastang buhay lamang
At nagtatago sa dilim.
Hindi ko hinayang madala ka ng dilim
Hindi kita dinala sa dilim para ikay maging sakim
At mapuno ng kirot ang kawalan mo ng pag-ibig.
Huminga ka na may gayak,
Huminga ka nang May pag-asa.

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan, paulit ulit hanggang sa makuha mo ang tamang tiyempo
Nang masabayan mo ang binabato kong mga ritmo
Ibuga mo ang iyong mga kamalian
Ibuga mo ang iyong mga kasalanan —
Mga kasalanang tila isang kumunoy na humahatak sayo
Pabalik sa kadiliman
Mga kasalanang minsan mo nang iniwan
Tama na ang paghinga sa walang kasiguraduhan,
Tama na ang pagsambit na kasalanan mo naman
Tama na ang paulit-ulit na bersyon mo ng “Ayoko na ng kasalanan at gusto ko na tong iwan,”
Ngunit nariyan ka pa rin,
Humihinga ka pa rin sa iskwater na minsang ika’y parang sardinas na nakasiksik
Tama na, tama na Anak.

Hinga, buga
Hinga buga,
Naghihingalo ka na
At paulit-ulit **** nasasaktan ang iyong sarili kahit Sabi Kong tama na
Naghihikahos ka na —
Ngunit wag **** isiping napapagod ako
Na sa tuwing nakikita kita sa iyong kahinaan
Ay napapagod na rin akong gamutin ka.
Pagkat hindi ako nagsasawang mahalin ka,
Na sa tuwing sinasabi ko sayong
Umuwi ka sa akin ay naghihintay ako sa pagbabalik mo
Na hindi ako nagsasawang maghintay sa pagsabi ****,
“Ama, narito na ako.”

Hinga, buga,
Hinga, buga
Malayo pa Lang ay nakikilala ko na maging ang iyong anino
Ang iyong pagsisisi buhat sa iyong paglisang makasarili
Ngunit buo ang aking pagpatawad
At ang pag-ibig ko’y dalisay at wagas
Na sa Krus ay dumanak ang dugo ng bugtong kong anak
Ang Anak ko si Hesus na nagpalaya sa iyo
At nagbigay sayo ng daan patungo sa katiyakan
Naririnig ko na
Ang mga padyak **** sabik sa aking paglambing
Ang mga pandinig **** naghihintay sa aking mga Salita
Na pinuno ko ng siksik, liglig at umaapaw kong pag-ibig
Maging ang pagtambol ng puso mo sa kaba
Nakikilala ko ang lahat sayo at sana alam ****
Sanang alam ****
Matagal nang bukas ang ating pintuan para sayo,
Oo ating pintuan at hindi pintuan Ko lamang.
Tahan na Anak, tahan na at nakauwi ka na
Nakauwi ka na sayong tahanan.

Hinga, buga,
Hinga, buga
Tayo na anak,
Sa akin ka na mamahinga.
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
Nagsimula na ang bilang mo,
Isa, dalawa, tatlo,
Nagsimula na ang aking pagtakbo,
Apat, lima, anim,
Nagtago na ako mula sayo,
Pito,walo,siyam,
Napakadami na ng aking hinakbang papunta sa dilim,
Takot man ako sa mga nilalang ng kadiliman,
Handa akong tumakbo papunta rito,
Basta’t makalayo lamang sayo.

Hindi ko na narinig ang pagtatapos ng iyong pagbibilang,
Hindi ko alam kung sino na sa atin ang nagtatago’t naghahanap,
Patapos na ba ang ating laro?
Kaya’t uuwi ka na lamang, at magpapahinga sa bahay niyo?
Lumalalim na ang gabi,
Natatanglawan na tayo ng mga bituin,
At mga alitaptap na tila kumikislap ang mga pakpak,
Ikaw ba’y naglalakad palayo sa akin?
O ako ba ay tumatakbo lamang paalis?

Gabing gabi na,
Tayo pa rin ay nagtataguan sa ilalim ng buwan,
Maglalakad na ako mula dito sa aking taguan,
Papunta sa iyong tahanan,
Wala na akong pakialam,
Kung ako man ay mataya o di kaya’y madapa,
Basta’t matapos na ang ating taguan,
At pagkakita ko sayo,
Sa dati **** pwesto,
Natapos ang iyong pagbibilang,
Sampu, narito na ako, nahanap na kita,
Hindi pala ikaw ang taya,
Aking mga mata lamang pala ay dinadaya,
Natapos din ang ating taguan,
Nahanap na kita, nahanap mo na ba ako?
100121

Parang ang lahat ng ilaw ay may kakumpitensya.
Habang ang lahat ng nagliliwanag
At kumikinang sa gabing mahiwaga’y
Nagtatagisan kung sino ba ang pinaka-nakasisilaw –
Kung sino ang pinakamaganda.

Ni isa sa kanila'y ayaw matabunan,
Ni ayaw nilang sila'y mahigitan
Kaya naman maging sa kanilang pagtulog,
Ay dinadalaw pa rin sila ng kani-kanilang kagustuhan.

Ni hindi makahimbing ang mga alitaptap
Na nagpapalamon sa nanunuksong alab.
At tila ba walang katapusan ang paglikha
Pagkat sa pagsapit ng panibagong umaga'y
Iba na naman ang isasabit
At magpapakitang gilas ng kanyang ningning.

Ngunit ang lahat sa kanila’y
May mga aninong umaakap patungo sa dilim.
Nagtatago sa lilim ng kani-kanilang lihim,
Walang mukhang maiguhit
Kundi tanging pangalang minsang naiukit
Upang panandaliang magbigay-kulay at magbigay-buhay.

At sabay-sabay silang manghihina;
Maghihikahos na daig pa ang nanlilimos ng lakas –
Ng liwanag, ng kasiguraduhang maari pa silang bumangon.
At mahahandugan pa ng pangalawang pagkakataon.

Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos,
Ay kusang mamamatay ang kanilang mga apoy
Na minsang sinindihan ngunit niyurakan
Ng sarili nilang mga apoy.
Jessa Asha  May 2018
Tama na
Jessa Asha May 2018
Mali na ang ipaglalaban pa kita
Mali na ang mahalin pa kita
Mali na ang ipagsisigawan pa kita
Sa mga bituin,
sa mga alitaptap,
sa buwan,  

Gusto ko sanang ipadama sa hangin
Pero hindi
Tama na.
Dahil alam kong
Akoy di mo na kayang mahalin.
#Tama na hindi na. Kita mahal pa
Jun Lit Mar 2018
Kumukuti-kutitap
kumain-dili, al-tang-hap
lamparang maliit, apuhap
basuraha’y bubungkalin
makakai’y hanap.
Title translated: "Poor Firefly"

— The End —