Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
John AD Feb 2019
Mari , Maaari ko bang sabihin ang aking nadarama?
Mariposa sa himpapawid na dumapo sa aking mga pluma,
Ako'y nagdurusa , Labis na kalungkutan ang nadarama
Masyado tayong nagpadalus-dalos,At di alam kung saan papunta

Nagdurugo ang aking puso,Pinapaslang ang aking utak
Kakaisip sa mga bagay na hindi matuka ng Uwak , Dahil
Pagod pa din ako kahit nakatulog na , Di nga kita makausap
Ako'y Takot pa

Na Malaman **** , kelangan ko munang magpahinga,
Hindi naman lilisan,Nais lamang ipaalam na
Pagod na pagod na ang isip ko tuwing kausap ka
Hindi parin kasi kita maipinta

Ako'y hindi sanay sa mga bagay na ika'y napapakalma
Marahil di mo ko maintindihan , Yun talaga ang totoong kulay ng aking pluma
Hindi rin kasi ako masaya tuwing nakasimangot ka
Malungkot din ako kapag malungkot ka

Pero wala naman akong magagawa ,
Tikom lang ang aking mga bibig
Limampung Beses iniisip
Ang mga bagay na makakapagpabago ng iyong mga himig

Wala akong kakayahang makipagtalakayan
Magkaiba kasi tayo ng kapaligiran
Sana'y mauwanan mo naman ang aking nararamdaman
Masakit man ang mga nasasabi ko ,Mas masakit ang magbulag-bulagan

Dahil ayaw ko ng magsinungaling sa aking mga nararamdaman
Baka humantong lamang ito sa isang malaking kasinungalingan
Hangga't maaga , nais kong ihatid ang mensaheng ito
Upang iparamdam sayo lahat ng aking nadarama

Mari,Mariin ang sakit ng bawat letra ng aking inilathala
Bagkus ito'y magiiwan ng marka at sa pag kislap ng mga tala
Nais kong dalin mo ito at magsilbing payo ko sa iyong pagkatao
Ngunit huwag mo kong kalimutan dahil naging parte ako ng buhay mo

Mari,Marilag na binibini sana ako ay mapatawad mo
Sa hakbang na ginawa ko , Sa bagay na magiging sanhi ng kalungkutan mo,
Hindi pa naman ako mawawala bilang kaibigan mo
Basta't Huwag mo rin kakalimutan kung sino ako .

(Ang nais ko'y manatili ang ating pagkakaibigan,
Ngunit kelangan ko ngayon ng oras para sa sarili ko)

(Mari,Pagod pa ang aking isip
At Patuloy paring nananaginip
Regalo sa akin ang ating pagkakakilanlan
Itinago ko nga lahat ng iyong payo dito sa aking Isipan)
Ang pag-iyak ng mga dahon  sa bukang-liwayway  ay pinapawi ng init ng pagsikat ng Araw,At maglalaho sa Dapithapon , At Maaring magiwan ng marka padating ng Takipsilim...
Ang apat na yugto ng oras ng panahon ay nagsisilbing instrumento ng aking pagkatao... at pagkatao mo..
Sundan mo ang pagsikat ng araw ! at huwag na huwag **** papakiramdaman ang presensya ng kadiliman...
Eugene Jul 2016
Pipigilan ko ba kung hindi ko na kaya?
Hahayaan ko na lang bang umagos ang mga luha?
Tatahimik na lamang ba ako at hindi magsasalita,
Kung puso ko ngayon ay mabigat na mabigat na?


Ano ba ang kasalanan ko at ako ay pinagkaitan?
Nagkamali ba ako, kaya pasan ko ang kapighatian?
May magagagawa pa ba ako kung dalawa na kayo ang nang-iwan,
At isisigaw na lamang sa hangin ang lahat ng aking pinagdaanan?


Tinutusok ang puso ko, nadudurog na parang yelo.
Nanghihina ako, kulang na lang ako ay mag-deliryo.
Ano ba kasi ang kasalanan ko at ako ay pinaghiwalay ninyo?
Nasaan ang pagmamahal na matagal kong hinintay na maramdaman sa tunay na ina ko?


Tatlong dekada akong nagtiis sa pag-aakalang tama kayo.
Tatlong dekada akong naghirap para maiahon ko kayo.
Tatlong dekada akong nagbigay ng purong pagmamahal para ipagmalaki ninyo ako.
Pero bakit kailangang itago ninyo ang katotohanan sa tunay na pagkatao ko?


Sinubukan kong tuklasin pero pinagbawalan niyo ako.
Tinangka kong alamin pero ayaw ninyo.
Nang tangayin ang pag-asang mayroon ako,
Hindi niyo sinabing may tunay na kapatid pala ako.


Hahalikan ko na lamang ang hangin.
Pakikinggan ko na lamang ang boses ng kalikasan.
Sasayaw sa tunog ng kalembang sa kung saan,
Hanggang sa buhay ko ay tuluyan maparam.
George Andres Jun 2016
Hindi matigas lahat ng bato
Hindi lalago ang halamang nakatago
Pero kung bubunutin din naman
Anong silbi ng pagkakakilanlan?

Itaas ang kamay kung ginawa mo ito:
Ituro sa kapatid na bakla ang tito mo,
Kung gayon, ito ay duwag at gago,
Tingnan bilang presong kulong sa kandado

At kung sapatos ni kuya, suot ng ate mo,
Walang alam ni isa, pero sa ina sinabi mo
Nasaksihan ang paglisan ng nagturong pumorma
Narinig ang galit ng ama, sigaw ay "imoral ka!"

Putang ina, lahat iyon ay narinig mo
Hindi na kaya ng sentido mo
Mali ito, mali ito ang pilit ng lipunan sayo
Iwaksi mo, iwaksi mo, at tatanggapin ka nito

Sa oras na lumabas ka, wala ka nang pangalan
At araw-araw sa buhay mo, tila umuulan
Ng husga, ng ismid, ng dura sa sahig
Tawag sainyo ng kasintahan ay bawal na pag-ibig


Tomboy, bakla, bayot, tibo
Araw na binigyan ka ng ngalan tila naglaho
Binato ng panghahamak na gusto mo nang lumisan
Kaysa tanggapin ang galit na pinagmulan ay di alam

'Mahalin mo ang 'yong kapwa'
Banggit at turo ng May Likha
Pero bakit may galit ata
Nagpahayag nito't nagsalita?

Hindi ba itinuturing na kapwa sila?
Na kasama **** lumaki, magdalaga?
Kalaro ng chinese garter baga,
Kahit alam **** lalaki naman talaga siya

Ang saya na dulot niya di mo naalala
Nang minsan sa kanto'y sutsutan siya
Sapatos lang daw at k'onting barya
Tiningnan ka niya, ikaw ay tumawa

Saan ba ang lugar sa mundo para sa kanya?
Mahirap bang sabihin, katagang, 'tanggap kita?'
Tingin mo ba'y karamdaman kanyang nadarama?
Oh bakit nakangiti ka? Nahawa ka ba?

Kaya ba't ka umiiwas nang nalaman mo na?
Bilang kaibigan, oo nabigla ka nga
Pero 'wag mo naman sanang isiping
Naisip niya minsang ika'y makasiping

Alisin na natin ang malawakang pag-iisip
Na pandirihan ang kakaiba, pero subukan **** sumilip,
Lalawak ang saradong takip
Sana isang araw ang hangin, magbago ang ihip

Maging magkasama, pantay-pantay sa ibabaw ng isang ulap
Nawa'y mga anak nati'y maranasan, ekwalidad sa hinaharap
Matapos na ang inis at galit
Pagmamahal ang pumalit
62816
Juliet Aug 2020
Hindi kailan man umiba ang pintig ng puso,
Pusong ikinabit sa mga emosyon,
Emosyon na hindi malaman kung bakit nagsimula,
Nagsimula at bumuhay sa magugulong pangarap,
Pangarap na magmamahal ngunit hindi kayang isuko,
Isuko ang puso para sa iba.

Iba, iyan sila. At iba ka rin sakanila,
Sakanila na nagsasabing darating din ang araw na magmamahal,
Magmamahal ng buong puso at kaluluwa,
Kaluluwang hindi sigurado kung totoo nga ba,
Totoo nga bang may kahati ka,
May kahati ka, at ako nga ba?

Ngunit lumipas ang panahon,
Panahon na nasayang sa paghahanap sa tutugon,
Tutugon sa kaisipang itinatak nila sa isipan,
Sa isipan kong naguguluhan.

Ngunit aking napagtanto,
Napagtanto na hindi lahat iibig sa alam nilang paraan,
Paraan kung saan ang dalawa o higit pang tao ay pupunan ang kakulangan,
Kakulangan na sabi nila'y mabubuo lamang,
Mabubuo lamang kapag nagtagpo ang mga pusong natutong magmahalan.

Ngunit paano nga ba magmahal?
Magmahal ng isinusuko ang lahat,
Lahat na gagawin ko rin sa aking mga kaibigan,
Mga kaibigang handang pakinggan,
Pakinggan tulad ng pakikinig sa boses mo,
Sa boses mo na tila tumugon sa boses ko,
Sa boses ko na bigla nalang din natigilan.

Ngunit hindi ito para sa'yo,
Sa'yo kung saan may nagpatigil ng tinig ko,
Tinig ko na nagtatanong nanaman,
Nagtatanong nanaman kung bakit tila may mali sa sariling pagkakakilanlan,
Pagkakakilanlan sa puso at sa pagmamahal nitong alam.

Isang araw gumising nalang,
Gumising nalang at napagalaman,
Napagalaman na maraming paraan ng pagmamahal,
Pagmamahal na posible minsan,
Minsan... o siguro nga'y kadalasan,
Kadalasan ay iba ang pagkaunawa,
Pagkaunawa sa pag-ibig na pilit nilang itinatatak sa isipan.
idk migjt have broken some rules but forgive me im just trying new things out
para sa Kidapawan*

Diktador ang makinarya.
Maringal ang langit. Walang ulan para
sa pasasalamat. Ang ating tanging pagkakakilanlan
ay pumapaimbulog sa bawat sugat na nagsara.
Muli nila itong bubulatlatin.
Hindi paham ang gatilyo.

Mabilis na matutuyo ang pangako
kung pawawalan ito sa katanghaliang tapat.
Tanaw ng nakabiting ulo ng araw
ang lahat ng nangamatay. Kasabay ng hangin
ang pagpapaluka. Hudyat ng ulan galing
sa ibaba – gigibain ang makapal na barikada
  ng katawan atsaka muling uuwi sa asawa’t anak
na may bahid ng pula ang kamay. Dulo ng kuko’y
kapiraso ng mundo. Itim. Hugis buwan. Ang pagputok
    ay isang rekoridang laging gumagapang patungo sa tugatog
     ng isang alala.

Dadalhin nila sa bingit ng pagpaparam
ang babasaging boses – ang mga bubog ay
isasaboy na lamang sa lansangan.
Lumalaon ay dumidiin ang bulahaw. Inutil
lamang ang pagtatalik ng kamay at bakal.
   Umusal na lamang ng dasal sa likod
ng kakahuyan at baka dinggin ng bathala
ang panayam. Walang iisang dilang tumatabas
  sa dahas.

kung saan sisimulang hanapin
ng mga mata ang isang lugar kung saan ang lahat
ay iwinawasto ng nakaraan ay lingid
lamang sa kaalaman.

bago mangapal ang dilim ay nilusong ng mga kalalakihan
ang nalalapit na katedral. Naghahabol ang papauwing liwanag
na masaksihan ang kabalintunaan.

wala silang nakita,
katawan lamang sa lansangan,
tinutubos ng kasaysayan.
solEmn oaSis Nov 2015
Sa tahanang walang hagdan
sa loob ang papag ay upuan
tahasang lantad at kinalulugdan
yaring higaan na minsa'y hapag-sulatan,,,,,

sa aking paggising
tila ba ako nalasing
nang mabasa ko sa napkin
katanungan mo sa akin

halika dito sa aking upuan
at sa iyong kapaguran
sasamahan kita sayong kanlungan
habang dito ka sa aking kandungan

bagamat di kalawakan
itong aking tasalitaan
napalalim mo naman itong aking kaibuturan
bilang kaibigan sa mas mabuting pagkakakilanlan

sa iyong pagkakaupo
ako nga ay napatango
replika ng iyong damdamin
nababanaag at sumasalamin

nagkaroon man ng eksistentesya
mga rima ko sayong independensya
at kung ano man ang naging esensiya
nawa'y wag ibasura,nalamang intelehensiya

nang sa iyo ay aking ipaarok
yaong nais **** matumbok
sagot  sa  "gaano nga ba kadalas ang minsan?
BIHIRA ang siya kong naging katugunan !
a homograph whether not good but not too bad to appreciate is worth the wait somehow!, if you only try to understand it deeply and literally.
theblndskr Aug 2015
Noong bata pa ako
Nalaman ko na
Kung gaano katapat,
Gaano katiyaga
Ang puso kong marahan.

Silang mga duwag,
Sa'king mga katagang, sadya.
Agad natinag, wika pa lamang.

Siguro nga ito'y pamana
Walang bahid malas
Na ang buhay ay di para
Sa isang tao lamang.

Sa lahat ng aking napusuan
Tama na ang pangalan
Masaya siya, sapat na.
Pero ba't sa t'wing natatanto
Kanilang pagkakakilanlan
Ako'y umaatras,
Nawawalan ng gana.

Isa, dalawang taon?
Isang pitik, tumatalsik!

Kaya minsa'y nagtanong sa itaas:
                      "Asan na siya?
                    Asan na ang taong
             Pagmumulan ng mga "sana"..."


Yung,
               "Sana mas nakilala pa kita."

Eto yung "talaga".

Wala.

**WALA, PA.
At kahit "Wala na", Okay lang.
Kesa napilitan, at masabi lang.
Dahil ayoko ng akala lang.
Anong silbi ng luha?
Kung papatak lang ito gaya ng ulan,
At gaya ng baha'y pagtatampisawan.

May iilang paslit sa Kalye ni Juan,
Nagbabangka-bangkaan
Paglaki nila'y dal'wa ang sinasagwanan.

Doon sa iskinitang panay basura ang laman,
Bisita nila'y araw-araw na kagutuman.
Iwinawagayway ang sarili,
Bentahan pala'y kanilang pagkakakilanlan.

Minsa'y nasaglit ako sa tindahan
Nang may matiyagang nakipag-usigan
Banta niya'y bubuwagin ang buhay
Ang latay ng bukas ay aangkinin nang ngayon
Titila rin daw ang buhos ng ulan,
Pang-lamang tiyan lang daw,
Bagkus dahas ang kikitil sa kasaganaan.

Ganoon na nga,
May mga nauudlot na kinabukasan
Pati istoryang panay nagtititigan.

Ngayon kasi'y
Pakalat-kalat na lang,
Iba na pati takbo ng isip,
Nakikilimos na lang
Baka may singkong duling man lang.
sa mata ng ordinaryong nilalang:
sa kalangitan madalas kayong naghahabulan
nagtataguan, ng mga liwanag at ng mga nararamdaman.
sa malawak na daigdaig, kayo ang nagbibigay liwanag;
kayo ang hinahanap, kayo ang kailangan.
ang mga bituin
                                                          ­                ay kumikislap
    patay sindi,                   'di makapirmi
ang mga bituin ay
  madami, 'di nag-iisa,                                    
                                 kun'di nagkalat na 'isa',
                                                                ­          'di isang buo
                                                             ­                     kun'di isang
                                                                ­                          sansinukob ng:
naghalong emosyon,
'di mapiling pagkakakilanlan,
daan daang kasinungalingan
makapagtago lamang;
sa liwanag niya,                                                            ­            
                                              dahil mas importante siya
dahil siya ang iyong tinitingala,
isang malaking bolang mainit,
nag-aalab,
nakakabulag.

isa kang masokista,
pinili mo ang mapanakit niyang init.
isa kang arsonista,
pinili **** makipaglaro sa apoy.
'di ka naman nag-iisa
ngunit martyr ako,
at ikaw ang pinili ko.


siya si sol, ikaw si luna,
ako ang mga bituin,





kayo ang naghahabulan,
ako ang kumikislap/
kumukutikutitap/
kumukurap,
ako ang nagbubugulan.
                                                   ­       

                                                        ­               bituing matagal nang patay
ito na ang tuldok
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019
Christien Ramos May 2020
Isang katangian na ipinamukha sa akin ng kalungkutan ---
Madaya siya.

Madaya ang kalungkutan
Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kawangis niya ang tahimik na kalsada.
Bibigyan ka niya ng pagkakataon
upang mag-isip.
Hahayaan niyang makinig sa’yo ang buwan
Subalit hindi ka nito kakausapin; sa halip,
mas papangibabawin niya ang iyong pagkalito.
Pipigilan niya
ang pagkahol ng mga aso;
pahihintuin niya ang huni ng mga ibon.
Maging ang hangin ay pahihinain nito.
Ititikom ng mga nakatambay na pagtatanong
ang mga bibig nila.
Ngunit, ang akala **** tahimik;
Malungkot na pala.

Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kamukha niya ang payapang tahanan.
Na kahit ang bangaya’y mahihiya.
Walang mintis ang mga yakap,
ang mga tawanan
Buo sa numero
Hanggang sa dulo’t
magmula sa umpisa
Walang bahid ng pagkakawatak-watak
subalit, dama mo pa rin ang pag-iisa.
Dahil ang akala **** mapayapa;
Malungkot na pala.

Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kahawig niya ang mahinahon na ilog.
Na tanging lamig lamang ng tubig
ang kaya **** kilalanin
Bilang sa iyong mga daliri
ang mga batong natatangay nito.
Kaya niya itong gawing panatag
Subalit, hindi ang damdamin mo.
Matutuwa pa siya
Sa panghihinayang **** makasaksi
ng mabilis na pag-agos at pagbabadya.
Ang akala **** mahinahon;
Malungkot na pala.

Oo.
Mapagbalatkyo ang kalungkutan
Kaya niyang maghain
ng maraming pagkakakilanlan.
Bahagi ng kanyang iskema
ang pagkalito na siyang
sa’yo’y mananahan;

mahirap siyang maging kalaban.
Mahirap siyang maging kalaban.

Kaya't siya'y gayahin mo.
Linlangin mo rin siya
ng kakayahan **** magwangis
Ipakita mo na ikaw ang ingay
sa tahimik niyang kalsada;
Na ikaw ang bangayan
sa payapa niyang tahanan;
Na ikaw ang rumaragasang tubig
sa mahinahon niyang ilog.
Bigyan mo rin siya ng maraming mukha
na may iisang ulo ng katatagan
at paglaban.

Pero huwag sa sarili mo
Maging tapat ka rito
magiging armas mo ang pagbabalatkayo
laban sa lungkot; pero
huwag sa sarili mo.
Keep on fighting, fam!
Matias Mar 2021
Ang pagkakakilanlan ay isang masayahing bata.
maaalalahanin, magiliw ngunit may tinatagong lihim.
mapusok, matigas ang ulo pero marespetong tao.
mapagbigay, bukas palad kaya madalas nauuto ng kalaro.

Ang aking tula ay pinamagatang "LALA"

Ako si Lala, yung tinatawag lang sa oras ng kagipitan
Naaalala kong hindi ka nga pala maaalalahanin,
Naaalala kong naaalala mo lang ako kapag kailangan mo ng tulong ko,
Nakikilala mo lang ako kapag ika'y nakadarama ng lungkot habang magisa,
Ako to si lala, yung kaibigan **** sasamahan ka hanggang ikay muling sumaya,
Ngunit, bakit ganun? hindi mo ako magawang maalala kapag ikaw ay masaya na?
Oo nga pala, naaalala kong naaalala mo lang ako kapag ikaw ay gipit na.
saka mo lang hahanapin at sasabihing namimiss mo ako kung kailan ikaw na lang ulit magisa,
saka mo lang ako bibigyan ng importansya kung kailan di ko na kaya.
Ako si... LALA, naaalala mo lang at kinilala nung akoy wala na.
Eugene Oct 2018
Nagsisimula nang humakbang ang aking mga paa,
Ilang sandali na lamang ay masasaksihan ko na,
Na mararamdaman ko na ang pakiramdam na tayong dalawa ay magiging isa,
At habambuhay na itatatak sa puso na tayong dalawa ay magkasama.

Sa suot kong kulay puting kasuotan ako ay nakangiti,
Habang dahan-dahang naglalakad patungo sa iyong tabi.
Hindi ko mapigilang mga luha ay umagos mula sa aking pisngi,
Ito na nga ang pinakakahihintay kong pinakamasayang sandali.

Parang kailan lang nang una kitang masilayan,
Dito sa dalampasigan ay mag-isa kang nag-aabang habang ang mga mata ay nasa karagatan.
Naka-upo sa buhanginan at pinagmamasdan ang kalangitan,
Malalim ang iniisip at hindi ko maarok ang kailalaliman.

Nang ika'y lapitan, sa mga mata mo'y pansin ko ang kalungkutan,
Ako ay natigilan pagka't hindi ko alam kong nararapat bang tuklasin ang iyong pagkakakilanlan,
O hahayaan na lamang kitang pagmasdan o basta na lamang kitang iwanan.
Ngunit nang ika'y magsalita, nangyari ang kabaligtaran at doon nagsimula ang ating mahahabang kuwentuhan.

Sinong mag-aakalang sa isang tulad ko ikaw ay pakakasal?
Konserbatibo at mahiyain na ang tanging alam ay mula sa kabihasnan?
Hindi katulad **** Inglesero, palabiro, at hindi mabilang ang kapintasan?
Pero kinalaunan, lumabas din ang natatago **** kabaitan at kasipagan.

Ilang hakbang na lamang ang lapit ko sa iyo,
Pero humahagulgol ka na, inuunahan mo na naman ako!
Magkagayunpaman, mahal ko ang isang tulad mo,
Dahil sa iyo, nabuo ang isang tulad **** ikaw at ako!
Yhinyhin Tan Aug 2022
Kung hindi mo naman pala balak mahalin siya?
Eh bakit ginulo mo pa buhay niya?

Mga tanong na hanggang ngayon tuloy pilit niyang hinahanapan ng sagot.

Mahirap pala talaga kung wala naman talagang pagkakakilanlan ang relasyon n'yong dalawa—nakakalungkot.

Kung saan siya lulugar hindi na rin  niya alam.
Kung may karapatan ba siyang magselos at magdamdam

Kung kailangan  pa ba niyang maghintay o sumuko na lang
O hingin ang oras mo, tanong niya'y siya ba'y may karapatan?

Kaya sana kung bubulabugin mo lang din naman ang kaniyang damdamin at wala kang balak na siya'y mahalin—

Pwede ba? Huwag na lang, huwag mo siyang ikulong sa isang sitwasyong kulang na lang siya ay mapraning.

Salita | Ate Yhin
08172022648am
Label #MU

— The End —