Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Uanne Feb 2019
Minsan ako'y nanalangin,
diwa ko'y nag-aalanganin.
Di alam ang uunahin,
di alam ang sasambitin.

Gusto sanang alamin
ano bang plano sa akin?
Sana naman ako'y dinggin
at wag nang pagisipin.

Ang hirap kasing baybayin,
lalo na kung hihimayin.
Puso ko'y tila nakalambitin,
nakalutang sa hangin.

Pilit kong aalalahanin
mga bilin mo sa akin.
Mabigat man ang damdamin,
alam kong andyan ka para ako'y yapusin.
02.06.19
11:11pm
kingjay Dec 2018
Lupa't langit ay nakahanay
Tila'y magkarugtong parang itong buhay
Hindi tala sa ibabaw ang magpapailaw sa gabi o ang araw sa ibayo at silangan

Dagat ng dugo, ang luha'y umaagos
ang alon at ang simoy nito ay ang siphayo
Lahat ng ito ay mukha ng buhay na nakalutang

Ang buhangin ay hindi sa bulag
Sa mga mata ito ay puwing
Mga alikabok at abo
ng pangarap na durog at pira-piraso

Iikot ang mundo sa kandilang nakasindi
Kung pagmasdan parang alitaptap
Kahulugan nito'y munti
sinag niyang katiting

Sa tag -araw ay uulan
ng mga butil na panalangin
Marami gayunpaman hindi kasangguni sa panahong yaon

Babagyo't babaha rin ang mga daanan at tulay
Hinagpis ni Inang, hagupit ng kalikasan ay katuwang
Lunurin ang pagmamahal, ang sidhi niya'y damhin

Dadalhin sa sementeryo
at ang lagusan nito ay walang himig
Awitin sa ilalim ng kabaong nakahimlay na walang tinig
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
Jasmin Sep 2015
'Wag **** sabihing mahal mo ako
Kung noong mga panahong hinahanap ko ang yakap mo
Ako'y tinalikuran mo't iniwang nakalutang
Sa pag-asang ako'y iyong babalikan.

'Wag **** sabihing mahal mo ako
Kung ang pagsuyo mo ay mas malamig pa sa yelo,
Ang ulan ma'y bumubuhos
Ang damdamin ko'y nauubos.

Tama na ang paikot-ikot na laro
Wakasan na ang ugnayan na dati'y kay lago
Hiling ko lamang, nawa'y ang ating luha ay matuyo
Sa lakas ng hangin dala ng ating pagtayo.
Christien Ramos Jun 2020
patawad
patawad kung natakot ang mga balikat ko.
kung wala silang lakas ng loob upang pasanin ang bigat ng mga kwento mo.
alam nilang mangangalay sila
at baka hindi ako patulugin sa sakit,
sa pangamba,
sa pag-aalala.
nababahala ang kanan,
ang kaliwa
silang dalawa
kaya patawad;

patawad kung inalagaan ko ang lamya
hindi mo makakapitan ang mga buto
dahil sa rupok
dahil sa walang kasiguraduhan
dahil takot sila sa pusok
hindi kongkreto ang pundasyon
at inisip kong 'wag sila ialok sa'yo.
kaya patawad;

patawad kung walang tamis ang mga pangungusap.
tinanan ka ng matatabang na salita sa kawalan
at wala silang balak na bumalik.
iniwan kang nakalutang sa ere;
nag-iisip,
nanabik
sa ginhawang mailap.
kaya patawad;

takot lang ang mga balikat na ito
na maging makasarili.
ayaw lang nilang sumandig ka sa pader
na nagdadalawang-isip.

kaya kapag dumalaw muli ang gabi
na kailangan **** ihilig ang sarili mo,
handa na sila

sumandal ka't makikinig ang mga ito.
JOJO C PINCA Nov 2017
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
isang araw hahabulin mo ang 'yong hininga,
pero sa tulin nito hindi mo s'ya aabutan.
magdidilim ang iyong paligid
magsasarado ang iyong mga mata
at hindi kana kailanman gagalaw.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
mabubura ang lahat ng iyong ala-ala,
mabuti man o masama lahat mawawala.
kahit ang panaghoy ng naglalamay
na saiyo'y nagmamahal hindi mo na
madidinig lahat maglalaho.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
maganda man o panget ang iyong
mukha't katawan sa bandang huli
kakainin lang ito ng mga bulate.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
kahit nasa taas ka ay h'wag magmataas
pagkat sa huling hantungan sa lupa'ng
tapakan ka rin mababaon.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
isang singaw sa ibabaw ng lupa,
isang bulalakaw sa kalawakan
isang bula na nakalutang sa sabaw
at isang kisapmata sa libong pangitain.

— The End —