Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Anak:
"Ika'y Tulang muli't muli'y binabasa ng madla,
Na 'di makalilimutan; na binabaon sa alaala
Tulang puno ng damdamin na ni nais ipabatid
At ang saknong ng pag-ibig Mo'y,
Siyang tutugma sa puso kong minsa'y naging sugatan."

Ama:
"Minsang ibinigay ko sa iyo ang pagkakataong
Unawain ang kahulugan ng kamusmusan.
Sa lupaing ugat ng iyong kaluluwa't
Siyang kanlungan ng mga pangako Ko't
Mga pangarap na laan sayo.
Bumangon ka, Anak
Ako ang Siyang sasagwan
Ako ang aabot sayo."

Anak:
"Sabay nating kinatha ang tula ng aking buhay;
Mga saknong at tugma na sarikulay,
Mga katagang baun-baon ko
Sa malayu-layong paglalakbay."

Ama:
"Pagal ka ma'y,
Nanahan pa rin sa puso ng bawat isa,
Di mo man tiyak ang katiyakan, natitiyak Ko
Na ang pag-ibig Ko'y, kailanma'y di ka iiwan.
Anak, hanggang sa huling tapon ng lupa
At huling tapon ng luha,
Hanggang sa huling liwanag
Ng itutulos **** kandila,
Hanggang sa huling pagpagpag mo
Ng sar't saring pangungulila,
Patuloy Kitang mamahalin,
Anuman ang mangyari."

Anak:
*
"Singbigat ng katotohanan
At ng pangarap na mala-kalawakan,
Ito ang huling handog ng makata **** anak:
Ang mabatid kong Ikaw ang buhay na eternal
At ako'y isang kathang Ikaw ang tinitingala --
Ikaw ang dinadakila.
Ama, ako'y malaya
Ikaw ang buhay, Ikaw ang agos
Ikaw ang tagumpay;
Gisingin Mo ang diwa
Ang bugso at alab ng damdaming hilaw
Ikaw ang masundan
Nang maihain nang patas
Ang pag-ibig **** umaapaw."

#041215 ‪
Convo namin ni Lord
Tapos na ang giyera
Tapos na ang labanan at hindi matigil na sakitan
Tapos na ang nakakatakot na digmaan sa labas ng mga tahanan
Tapos na.

Pipiliin ko nang maging masaya
Hahanap ako ng madadaluyan kung saan mabibigyan
Ako ng kalakasan
Maghahanap ako ng kapayapaan

Kapayapaan na yayakap saakin
Sa mga takot na dinanas ko
Sa mga bangungot na nagkakaron parin ako tuwing gabi
Sa mga multo na paulit-ulit na dumadalaw saakin

Kapayapaan na pupunas
Sa mga luha na di na natutuyo
Sa mga pawis na matagal nang gustong mawala
Sa mga dugo't na minsan nang nanggaling sa sarili ko

Magkakaron ako ng kapayapaan

Ngunit bakit hanggang ngayon
Na tapos na ang giyera
Ay hindi ko parin mahanap ang kalayaan na iyon?

Bakit patuloy na kumukurot ang ala-ala
Na minsan nang nagdaan at sumabit at nanatili
Hanggang sa mawala?

Bakit kahit na pilit kong kinakalimutan
Ay bumabalik parin ang sakit
Na dinanas ko habang nasa piling mo?

Ngunit ang dating nakaraan
Ay tila gumugulo ulit saakin paulit-ulit
Bumabalik at tila nagiging kasalukuyan

Bumabalik yung nakaraan na
Nagmahalan tayo at piniling di maniwala sa katapusan
Naging matigas ang ulo't sumunod
Sa mga pusong pagal

Nasaksihan ng araw at buwan na
Ang pagiging seryoso ng bawat puso't isip
Natagpuan ang kasiguraduhan sa mundong walang katiyakan

Ngunit sa isang pikit ko
Ay nagulat ako nang magkaron ng "Siya"

Simulan natin sa "Siya"

Simula nung araw na iyon
Ang salitang "siya" ay naging panakot saakin
At tila naging digmaan sa isipan ko
Tila naging parusa sa puso ko

Ang dating "tayo"
Ay unti-unting naglaho
At nagbago
At naging "kayo"

Doon nagsimula ang digmaan
Nasakop mo ang puso kong ngayon lamang umibig
At binomba ito

Pinosas mo ito at ikinulong
Ibinilanggo sa lugar na hindi ko rin alam
Binugbog at pinarusahan para sa kasalanang hindi naman ginawa

Nagmamakaawang pakawalan

Sumulat ito ng kanta
Umawit gamit ang natitirang pintig
Sumulat gamit ang natitirang dugo

Isinigaw niya ang awitin niya ng paulit-ulit
Ngunit walang nakakarinig sakanya

Naghihingalo para sa natitirang lakas
Umawit ulit siya muli

Hanggang sa marinig siya ng Maykapal

Ang alibughang puso ay natagpuan na sa wakas

Ngayon ay dumating na ang kasalukuyan
Kasalukuyan kung saan ang dating nasasaktan ay gumagaling na

Kasalukuyan kung saan tapos na ang giyera
Possible na ang kapayapaan

Hawak ko ang sedula ng pananakop mo sa puso ko
Handa na akong kumalimot
Handa na akong tumalikod
Sa nakaraan na hindi na kasalukuyan

Magtatapos ako sa "Ikaw"

Mag-isa ka na
This piece is meant to be spoken
Jose Remillan Oct 2013
Vous manquez tellement mauvais ce soir, mon bébé!
Vous souhaiter étaient là pour me tenir la main et de dire:*
"Vous pouvez le faire, ma ... "

Pinaghiwalay tayo ng himpapawid
at ng layunin **** itawid ang kahulugan
ng iyong buhay sa ibayong kalupaan.

Dahil alam nating muling hahalik ang luha
sa ating mga pisngi sa oras na agawin ka na
ng bitbit **** mga bitbitin, saglit tayong

humimpil sa huling kumpisal ng ating
damdamin: "Hindi ito paglisan. Tayo ay
pipisan sa isang katiyakan na ang pag-ibig,

kailanman, 'di tayo iiwan." Sino nga ba sa atin
ang patungo saan, saang lupalop at hangganan?
Hangganan ngang maituturing ang sinambit ng

ating puso: "Ce n'est pas quitte. Nous allons rester
dans la certitude que l'amour, pour toujours,
ne nous quittera jamais."
Para kay KHIWAI, ang aking pinakamamahal na kakawat at kababata.
Para kay MAMA BERN at sa kanyang BEBE.
Read more poems by Filipino poets at http://www.rabernalesliterature.com/

Quezon City, Philippines
October 2, 2013
Jose Remillan Sep 2013
Minsang ibinigay sa atin ang pagkakataong
Unawain ang kahulugan ng kamusmusan.
Sa lupaing ugat ng ating kakuluwa at
Kanlungan ng mga pangako at pangarap
Sabay nating kinatha ang tula ng ating buhay;
Mga saknong at tugma na sarikulay, mga katagang
Baon natin sa malayu-layong paglalakbay.

Pagal nga tayong nanahan sa puso ng bawat isa,
Di man tiyak ang katiyakan, natitiyak natin
Na ang pag-ibig, kailanman di tayo iiwan.

Mahal ko, hanggang sa huling tapon ng lupa
At huling tapon ng luha, hanggang sa huling
Liwanag ng itutulos **** kandila, hanggang
Sa huling pagpagpag mo ng pangungulila,
Patuloy kitang mamahalin, anuman ang mangyari,
Anuman ang mangyari.

Singbigat ng katotohanan at pangarap na kalawakan,
Ito ang huling handog ng makata **** kababata:
Ang mabatid kong ikaw ay mabuhay na eternal at
Malaya.
"Kakawat" is a Bicol word for "playmate." This poem tackles the images of childhood love, dreams, and promises.

July  18, 2013
Bacoor City, Philippines
Louise Jul 2016
(A tagalog poem)



Tyaka na lang kita papansinin,
kapag kaya na kitang bigyan ng isang
matamis na ngiti gamit ang bibig na hindi
nangangamoy usok ng sigarilyo.
Tyaka na lang kita kikilalanin,
kapag kaya ko na ring kilalanin ang sariling tinig at hindi ang sigaw ng mga demonyong nangungupahan sa aking isip.
Tyaka na lang kita tatawagan,
kapag kaya ko nang alagaan ang aking katawan at muli na akong natutulog
bago pa magpalitan ang araw at buwan.
Tyaka na lang kita iisipin,
kapag ang tanging kinakatakutan ko na lamang ay ang pagkakawalay sayo
at hindi ang maaari kong gawin sa sarili
oras na maiwan nang mag-isa sa kwarto.
Tyaka na lang kita papakatitigan,
kapag ang aking mga mata'y hindi na pagod, namumugto, namumula.
Tyaka na lang kita kakausapin,
sa araw na pag-ibig na ang aking bukambibig,
sa oras na kasiyahan na ang nasa isip
at hindi kung paanong tali ba ang gagawin sa gagamiting "lubid".
Tyaka ko na lang hahawakan ang iyong kamay,
kapag naghilom na ang mga hiwa at sugat na ginuhit, inukit sa pulso,
kapag ang isip at kalooban ko'y
muli nang nagkasundo.
Tyaka na lang kita hahalikan,
kapag kaya ko nang talikuran ang mga bote ng alak kapalit ng dampi ng iyong labi.
Tyaka na lang kita yayakapin,
tyaka ko na lang hahayaan ang sariling
maranasan na iyong mahagkan,
kapag muli na akong nakakakain ng tama, sa tamang oras.
Kakayanin mo kaya ang maghintay kahit magpa-hanggang kailan?

At patawarin mo ako. Patawarin mo kung ano ako. Patawarin **** ito ako.
Patawarin mo ang kototohanan na
binubuo ako
ng kalungkutan at kaguluhan.
Patawarin **** kung minsan
kapag bumuhos ang luha
ko'y mas malakas pa sa ulan.
Isang araw, aawit ako
ng awit ng pananalig at katiyakan.
Susulat ng tula na naglalaman ng kasiyahan.
Ngunit sa ngayon,
dasal ko'y patawarin mo muna ako.

Giliw, tyaka na lang kita iibigin...
kapag kaya ko na ring ibigin ang aking sarili.
Susugod na sa bilang ng tatlo
Isa… Dalawa… Tatlo…
Sugod

Ang giyera ay nagsimula
Ilabas na ang mga baril at sandata
Ilabas na ang mga kanyon at bomba
Ang mga tauhan at ang mga preda

Magsisimula na ang giyera

GIYERA
Na tungkol sa pagbabalik wikang filipino
Na minsan nang ipinagmalaki ng ating bansa
At ngayon ay ikinahihiya at itinatago na lamang
Na minsan nang ipinagmaybang at itinangkilik
At ngayon ay naiwan lang at tinangay na
Ninakaw ng mga dayuhan

Nang ito ay mawala ay bigla mo na lamang pinalitan
Humanap ng iba sa paligid
At sa katiyakan ay nakahanap ka nga

Nahanap mo ang ingles
Kaya’t ikaw ay humanap ng sabon na magpapaputi
Kinuskos ng kinuskos ng matagal ngunit di gumana
Kumuha ng puting pampintura
Kinulayan ang sarili
Hindi lang ang kulay ng buhok ang nagiging artipisyal
Pati na rin ang kulay ng sariling balat

Ngunit sa isang iglap ay ikaw ay nagsawa na
Sa mumunting kulay na lagi nang nakikita
Naisipan **** maglibot pa
At lumibot ka pa

Nahanap mo ang koreano na nagsasabi ng
“Hart Hart Saranghaeyo oppa”
Kaya’t ikaw ay kumuha ng papel
At nag-aral ng wikang banyaga
Ngayon ay napakanta ka na rin ng kantahin
Na kahit ikaw ay hindi makaintidi
Pero kinakanta mo dahil nakakatuwa
Hindi ba?

Hindi nagtagal ay nagsawa ka
Sa mga kantahang hindi mo rin maintindihan
Kaya’t naglakbay ka pa
Naglakbay ka hanggang sa wala
Naglakbay ka hanggang sa ang araw ay dumilim at unti-unting pinalitan ng tala

Napagod ka

Napagod ka sa kahahanap ng bagay na hindi naman mapapasaiyo
Nakahanap ka nga pero hindi naman ito sa dugo mo ay itinatanggap
Nabigyan ka ng sagot na ang hinahanap mo ay
Nasa’yo na mismo
Hindi mo na kailangan humanap ng iba pa
Dahil ang wikang hinahanap mo ay nakabihag lamang

Ibinihag ito ng mga espanyol sa dulo ng puso mo
Para mapigilan ang pagbabago
Pagbabago na makakasira ng kaisipang kolonyal na nagsasabing
Ako ang piliin mo dahil dayuhan ako
Itinatatak sa isip mo

Laging magiging sosyal ang banyaga
Laging magiging bulok ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang banyaga
Laging magiging bulok ang sariling wika

Nagtataka na ako sa iyo
Ang sarili **** wika ay nakabaon lamang sa puso **** nakakandado
Nasayo naman ang susi pero pilit **** isinasarado

Ano

nga ba ang pumipigil sa’yo

Handa na ako
Sa aking pagsuko

Pagsuko
Hindi dahil natalo ako
Pero dahil idinedeklara ko na ang aking pagkapanalo
Isusuko ko na ang mga sandata
Isusuko ko na ang giyera

Inaanyayaan kita
Sabay sabay tayo
Magkahawak ang kamay at hindi kakailanganing bumitaw at maghiwalay
Sama-samang baguhin ang mundo gamit ang sariling wika

Buksan ang nakakandadong puso
At doon ay makikita mo ang sedula

Hawak ko na ang sedula

Hawak ko na ang sedula
Ng pagkabilanggo ng wikang filipino
Handa na akong palayain ito at gamitin para sa pagbabago
Ang dating linya ay magbabago

Laging magiging sosyal ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang sariling wika

Susuko na sa bilang ng tatlo
Isa. Dalawa. Tatlo.
Suko

Tapos na ang giyera
Taltoy Apr 2017
Sa mundo, walang sigurado,
Hindi lahat sasang-sayon sa'yo,
Dahil di mo hawak ang 'yong kapalaran,
Nagpapahiwatig na wala kang katiyakan.

Hindi ko naman ipinagpalagay na ako,
Dahil di ko naman alam ang iniisip mo,
Ngunit nakitang matalinhaga,
Sa paningi'y kataka-taka.

Hindi naman ako ganyan ka gunggong,
Kasalanan bang magtanong?
Sa tingin ko, di naman siguro?
Hwag sanang isiping ganyan ako ka desperado.
Ewan bakit nasulat ko ito.
040120

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan nga
Langhapin mo ang sariwang hanging pabaon Ko sayo,
Kasama ng mga pangakong kalasag at kalakasan mo,
Mga pangakong magsisilbihing pahingahan mo,
Mga pangakong ilaw mo sa dilim
Na mas maliwanag pa sa Buwan at mga bituin
Mas maliwanag kaysa sa mga alitaptap
Na sinusundan mo ng tingin.
Na sa tuwing tiyak ang ligaya o lungkot **** taglay
Ay napapawi nito ang sakit
Ang hikbi ng puso **** walang ginawa kundi umiyak
Ang bilis ng tibok na puso **** paulit ulit na kinakabahan —
Kinakabahan na mahuli ang iyong kamalian
At hindi tanggapin at akayin ng kahit na sinuman.
At habang pasan mo, tagumpay man o kabiguan
Ay matikman mo rin na hindi ka lang basta-basta
Hindi Basta-bastang buhay lamang
At nagtatago sa dilim.
Hindi ko hinayang madala ka ng dilim
Hindi kita dinala sa dilim para ikay maging sakim
At mapuno ng kirot ang kawalan mo ng pag-ibig.
Huminga ka na may gayak,
Huminga ka nang May pag-asa.

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan, paulit ulit hanggang sa makuha mo ang tamang tiyempo
Nang masabayan mo ang binabato kong mga ritmo
Ibuga mo ang iyong mga kamalian
Ibuga mo ang iyong mga kasalanan —
Mga kasalanang tila isang kumunoy na humahatak sayo
Pabalik sa kadiliman
Mga kasalanang minsan mo nang iniwan
Tama na ang paghinga sa walang kasiguraduhan,
Tama na ang pagsambit na kasalanan mo naman
Tama na ang paulit-ulit na bersyon mo ng “Ayoko na ng kasalanan at gusto ko na tong iwan,”
Ngunit nariyan ka pa rin,
Humihinga ka pa rin sa iskwater na minsang ika’y parang sardinas na nakasiksik
Tama na, tama na Anak.

Hinga, buga
Hinga buga,
Naghihingalo ka na
At paulit-ulit **** nasasaktan ang iyong sarili kahit Sabi Kong tama na
Naghihikahos ka na —
Ngunit wag **** isiping napapagod ako
Na sa tuwing nakikita kita sa iyong kahinaan
Ay napapagod na rin akong gamutin ka.
Pagkat hindi ako nagsasawang mahalin ka,
Na sa tuwing sinasabi ko sayong
Umuwi ka sa akin ay naghihintay ako sa pagbabalik mo
Na hindi ako nagsasawang maghintay sa pagsabi ****,
“Ama, narito na ako.”

Hinga, buga,
Hinga, buga
Malayo pa Lang ay nakikilala ko na maging ang iyong anino
Ang iyong pagsisisi buhat sa iyong paglisang makasarili
Ngunit buo ang aking pagpatawad
At ang pag-ibig ko’y dalisay at wagas
Na sa Krus ay dumanak ang dugo ng bugtong kong anak
Ang Anak ko si Hesus na nagpalaya sa iyo
At nagbigay sayo ng daan patungo sa katiyakan
Naririnig ko na
Ang mga padyak **** sabik sa aking paglambing
Ang mga pandinig **** naghihintay sa aking mga Salita
Na pinuno ko ng siksik, liglig at umaapaw kong pag-ibig
Maging ang pagtambol ng puso mo sa kaba
Nakikilala ko ang lahat sayo at sana alam ****
Sanang alam ****
Matagal nang bukas ang ating pintuan para sayo,
Oo ating pintuan at hindi pintuan Ko lamang.
Tahan na Anak, tahan na at nakauwi ka na
Nakauwi ka na sayong tahanan.

Hinga, buga,
Hinga, buga
Tayo na anak,
Sa akin ka na mamahinga.
Akala ko, di ko naman siguro ikakamatay,
Kung hindi ko mahawakan ang iyong mga kamay.

pero

Hindi ko yata tanggap ang buhay
Kung saan di man lang ako sumubok magtagumpay.

Handa akong harapin ang katutuhanan,
Kahit pa ito ay walang katiyakan,
Kahit pa may pangamba sa iyong kasagutan.
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
Jose Remillan May 2016
Kung sakaling mapadpad
Dito ang balahibo ng pakpak
Ni Icarus, huwag **** hayaang
Mawaglit sa iyong isip ang bilin

Ko ukol sa ika-10 ng Enero.
Ito ang araw kung kailan nagpasya
Ang buwan na yakapin ang araw,
Hindi dahil sa tiyak na liwanag,

Kundi dahil sa katiyakan ng hiwaga.
Kasabay ng metapisikal na pagniniig
Na ito ang huling hatol ng Daruanak
Sa Binibining nabighani sa binistay

Na luha ng makata.
Makikita pa sa panganorin ang unang
Sulyap sa huling alapaap ng dilim.
Ngunit wala na ang kulog, maging

Ang pagkahulog sa bitag ng ligalig.
Alalahanin mo na lang ang dagat at
Ang pangako nitong kapahingahan
Kung sakaling sa paghahanap natin

Sa bahag-hari ay wala na sa ating
Maiwan kundi mga guho, mga mumo
Ng mga musmos na puso. Ang
Mahalaga lahat ng ito'y nakatalá na

Sa mga tála.
jfb Jan 2017
mga inaasahan at
ang katotohanang
palaging iniiwasan
06022021

Hayaan **** ilahad ng mga pahina ang misteryo ng nakalipas,
Ang mahikang bumabalot sa guhit ng mga palad
Na hinulma sa salamin ng liwanag,
Ang dugo ng kasaysayang naging pantatak ng kahapon, bukas at ngayon.

Ang pagsirit ng kandila sa lumalalim na gabi
Ay gaya ng pakikipagbuno ng kalangitan sa lumalagablab na araw.
Hindi man lamang napagod ang lumikha ng bahaghari,
Pagkat buhat sa simula hanggang dulo'y kaya nya itong pagmasdan --
Kaya nya itong sabayan hanggang sa pagtiklop ng mga ulap.

At gaya ng mga ibong malaya na walang humpay ang pagkampay patungo sa lilim,
Ay gayundin ang mga imahe ng putik na ginawaran ng damdamin.
Ang kanilang pakikipagsapalaran sa modernong makinarya ng paglusong at pag-ahon,
Na may dalisay na pagdinig sa lilim ng kapatawaran at kaligtasan.

Walang sinuman ang kayang kumitil sa mga paupos na kandila --
Silang ang pagluhod ay simbolo ng kalakasan at pagtitiwala.
Silang may dunong at sa bukal ng buhay ay may hiram na sandali.
Maliban na lang kung sya'y magpaubaya para lumisan nang walang paalam.
Ngunit kumatok man sila,
Ang huling habilin at pagsilip sa bintana sa hapag
Ay walang katiyakan pawang sa oras at magiging tahanan.

Di hamak na may kaalaman ang sining na paghinga ang naging buhay,
Kaysa sa mga yumuyukod na mga punong
Mayroong nalalagasan na mga pakpak sa bawat dapithapon.
Di gaya ng dagat na lumulunod sa sarili
Na hayag sa kalangitan ang pagkunot at paghinahon.

Ang pawis sa mga pisngi'y gaya ng mga butil ng perlas
Na higit pa sa mga ginto't dyamanteng ibinigkis para ikalakal.
Walang humpay ang pagkapa madatnan lamang ang liwanag
Sa iskinatang walang inihain kundi pait at karamdaman.

At katulad ng pagpapagal nito sa apoy upang mailimbag ang sarili'y
Kusang babalik ang mga ito sa hiningan ng sandali.
Kung saan wala nang ni isang mananatiling "misteryo,"
Kung saan lahad at hubad na ang lahat ng pagpapanggap.

At kung saan ang huling pahina ay pupunitin,
Ang himagsikan ay makikitil hindi nang panandalian lamang.
Magiging malaya ang pagpapaubaya ng mga kamay sa hangin,
Malaya ang mga pusong walang ibang nais kundi magpuri.
mims Nov 2013
Di mawari
kung bakit
bukas pusong kumakapit
sa di kasiguraduhan
at di katiyakan.

Nagmamahal
sa kabila ng sakit,
sa likod ng kandilang
minsang naupos...
Ngunit ngayo'y
nag-aalab sa damdamin.

Kung kaya't
narito ako,
iniaalay ang buong puso
ititigil ang mundo
makasama ka lamang.

Ilang sandali na lamang, Anne... At mayayakap ka na. :)

Iyong iyo lamang,
Mims :)
Jose Remillan May 2017
Hihilingin ko pa rin sa'yo
Na yakapin mo ako pagtila
Ng ulan. At muli akong aasa
Na ang bahaghari ay tangan

Mo pa rin sa'yong kamay, gaya
Ng krayolang hawak ng paslit,
Hulugway at sarikulay sa panahon
Ng pag-ibig at pamamaalam.

Hihilingin ko pa rin sa'yo
Ang unang halik ng katiyakan,
Sanlaksang pagluluksa man
Ang ika'y pumainlanlang, aangkinin

Ko pa rin ang mga tala.

At muli ay aawitan kita ng kundiman,
Kung hindi man ay iduduyan sa
Kalawakan, kung paanong sa
Pangako ay naging tapat, kung bakit

Ikaw ang lahat, kung bakit ikaw ay
Sapat.
corporal Dec 2019
Nakakatawa isipin na sinubukan natin mangahas sa maiksing oras,
tumaya sa natatanaw na dulo,
at maniwala sa pangitain ng bukas.
Pero, Mahal, hahayaan ko na ang mundo
at pagbibigyan itong manalo.

Bulsa ang sagot sa mga tanong na walang katiyakan kung saan aabot.
Kabilang ang mga gusot na sa panaginip na lang maitutuwid.
Sa panaginip, sa tabi mo gigising.
Sa paggising, ibubulong na lang ang hiling.

Dahil kahit ulit-ulit natin ang lahat,
baliktarin man ang aking unan,
sagutin man ang mga natitirang palaisipan,
at kahit manatili man saglit,
hindi magdadalawang-isip na dayain tayo ng langit.

Ngunit, kung sakaling malinlang ko ang taas
magsisimula muli ta'yo sa bagong espasyo na
ta'yong dalawa lamang ang huhulma ng bukas.
Kung saan walang pwersang hihila.
Kung saan, Mahal, katabi ka paggising tuwing umaga.
Ibabaon na lang ang mga natitirang labis
M e l l o Jan 2020
oras ko na inilaan
kay daling nalimutan
panahon na isinugal
sa pagmamahal na
wala palang katiyakan
ngayo'y nanagnaghoy na
sana'y wag **** iwan

oras ko na inilaan
mga bagay na
kay dali kong binitawan
na walang pag alinlangan
para mapasaya ka lang
huli na nang malaman
pinaglaruan mo lang

para sana sayo to
pero ang dali **** tumalikod
naglakbay ka sa kabilang daan
at bigla na lang naglaho
na parang bula
hindi man lang nagbabala
sana nagpasabi ka
nang ako mismo naghatid sayo

hindi na sana ako
nagbigay ng labis
ngayon ako'y naghihinagpis
sa pag ibig na ipinilit
kong ihandog
sa taong hindi naman
ako ang kailangan

sana nagpasabi ka
nang mabawasan man lang
ang pagtitiis
sa panahon na halos
buong buhay ko
akalain **** kay dali kong
ibigay para sayo
kung sana man lang
umalis ka ng mas maaga
nang hindi pa gaano kalalim
ang nadarama
nang maagapan ko pa
ang sugat na ngayo'y
hanggang buto
tagos sa kaluluwa
ang pagdurusa

sana matapos na ang
araw gusto ko na
magpahinga
Jan. 4
Louise Mar 2019
Ang hikahos na mula sa iyong tinig
Na pilit nilulunod ng iyong isipang pawang taksil
Sa ikasasaya ng damdaming may kinukubling pag-asa
Ang siya ring hikahos na sisigaw nang malakas,
Sapat lamang upang mulatin ang diwang umidlip sa katotohanang
Ikaw ay karapat-dapat masilayan ng liwanag,
Maglakbay at sumapit sa nakukubli,
Magtangka sa walang katiyakan,
At ngumiti sa ibabaw ng kabiguan.
Triste Aug 2019
Ikaw, sa bawat pintig ng puso,
Na gumuguhit sa mga labi
At nabubuhay sa banaag ng mga ginintuang araw natin
Ako, sa bawat ragasa ng damdamin
Nangingilid na mga luha, binabaha ang isip sa gabing hindi mapayapa
Tayo, sa bawat pagkakataon
Sa gitna ng meron ay walang katiyakan
Sa buhol-buhol na mga tanong,  mga sagot ay hindi makalaya
Hanggang sa tuluyang sumuko at itanikala
Oras, sa bawat kumpas ng iyong mga kamay
Sadyang hindi nakaayon
Sa takbo ng ating panahon
Himig, sa bawat indak ay mananatili tayo,
Magpapatuloy ang awit at tula
Na humabi sa alaala ng kahapong mapangarapin
Makata, sa bawat salita ay mabubuhay ka
Nakaukit sa ningning ng mga tala
Ang pag-asang muli ay masilayan ka.
kingjay Jan 2019
Minsan ay kaalitan ang kanyang magulang
Sa sigalot ay nanggilalas
Nang tumila ay nanaig ang kapighatian sa kanyang paligid
Di hamak na bituin na nalumpasay sa langit
Naka-baklaw ang mga paa

Ang inalagaang rosas sa paso ay pawang tintang dugo
kung saan natigmak itong puso
Pag yumabong ay nahihirapan ang mga ugat sa karampot na buhangin
Ang maliit na  sisidlan ay sumawata sa pagtubo

Ilang buwan din nagtiis
abot ng tanaw ngunit sa palagay ay lalong lumalayo ang sinta
Nang isang umaga'y may kumatok sa pintuan
Babaeng nakabelo ay biglang yumapos
Bumalisbis sa pisngi niya ang luha
- nagbigay ng imbitasyon

Sa pagka-akala niya'y mahal din
Humingi ng katiyakan ang kanyang paniniwala
Sapagkat naghintay sa kanya
Nagtanong nang diretsahan,
Kung sino ang babaeng napupusuan
Sa kanya ay umiibig ba

Di naibulgar ang pagsinta
Naibalik ang tanong sa kanya
Sino ang lalaking minahal bago maghiwalay ang mga landas at magpunta sa siyudad
Ang Wall -

Sa basa-basa na ulap ang isang balabal ng pagsasara
Umuulan sa kalungkutan ng lamig ng umaga
Upang shroud sirang kaluluwa kaliwa fractured
Limbs katakut-takot sa disarray ng kamatayan

Kapag bilang mga lalaki ang kanilang tapang ay naghihintay
Takot sa papasok na kawalan ng katiyakan
Nakatago sa mga hangin ng kapalaran na mahina
Sa malungkot na gabi ng kapalaran

Gusto mo ba o hindi na ako pinili?
Upang harapin ang iyong kapalaran upang harapin ang iyong mga takot
Nakalimutan ang gayong pagkawalang sala
'til ilagay sa ilang mga pader ng luha
Luna Mar 2020
Saksi ako
Sa wagas na pagsuyo
At sa tuwing pagdating mo sinta
Panglaw sa puso’y dagling naglalaho

Wala man katiyakan,
Muling pagsasama
Natutuhan ko nang mahalin
Ang pangamba.
🤍

— The End —