Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia Jun 2015
ang pangalan niya ay jesus.
oo, ang pangalan mismo ng kaibigan ko ay jesus.
seryoso ako.

si jesus
ay siyang dalaga,
morena, kulot ang buhok.
ang lalim ng mga dimples at
may mga pisngi na kay sarap kurotin.

parang musika ang himig ng kanyang tawa
at hindi kumpleto ang kanyang mga bati
kung walang kasamang yakap na kay higpit.
hindi ko gets kung bakit
hindi siya kumakain ng tinapay ng walang asukal.
at nakakatawa lang kung paano
lagi siyang may baon na sachet ng bear brand
na pinapapak niya kapag siya ay naiinip.

si jesus
ay isang iskolar,
magna *** laude standing,
bise presidente ng kanilang organisasyon.
balak mag law school pero may tumanggap na
nakumpanya sa kanya sa bgc.
meron din siyang mayamang boyfriend na
hinhatid siya pauwi sa taytay, rizal gabi-gabi.

huwebes ng nakaraang linggo,
bandang alas dyis:
si jesus
ay natagpuan sa labas ng kanilang bahay
walang malay
nakahandusay sa kalye.
sinugod sa ospital para kalagayan ay masuri.
ano kaya ang nangyari kay kawawang jesus?
heat stroke, stress, fatigue, high blood, food poisoning?
kulang lang ba sa tulog o pagkain?
walang natagpuang hindi pangkaraniwan kay jesus.
normal lang daw ang kanyang kalagayan
maliban lang sa paghinga niya na
tila humihikbi pero walang luha.
ilang oras din ang nagdaan bago si jesus
ay tuluyang nagising.
ang sabi ng doktor tungkol sa kanya:
depresyon, malubhang pagkalungkot
ang tunay at nag-iisang sanhi.

dahil kay jesus,
napagtanto ko na
hindi porket nakangiti,
masaya.
hindi porket bakas ang ligaya sa kanyang labi,
wala nang lungkot at lumbay na namamayani sa kanyang mga mata.
hindi porket ang lakas humalakhak kapag nandyan ka,
hindi na siya humihikbi, humahagulgol kapag wala siyang kasama.
hindi porket parang musika ang kanyang tawa,
hindi na siya umiiiyak nang umiiyak nang paulit-ulit-ulit na parang sirang plaka.
kasi
hindi porket masigla,
hindi na napapagod.
hindi porket matapang at palaban,
hindi na nasasaktan.
hindi porket laging nagbibigay, nag-aalay,
wala nang mga sariling pangangailangan.
hindi porket matalino,
ay may alam.

dahil kay Jesus,
ako'y namulat
na ang dami palang mga walang hiyang tao sa paligid ko
na nagsusuot ng mga maskarang pantago
sa kanilang mga kahinaan, takot, at sakit.
sa kabila pala ng kanilang mga yaman, tagumpay, talino, at
kung ano-ano pa mang sukatan ng galing
kung saan kinukumpara natin ng ating sarili
may isa palang
nabubulok, naagnas
na kaluluwa.

dahil kay jesus,
ako'y nalulungkot.
mata ko ay naluluha,
puso ko ay kumikirot
na may mga tao palang katulad niyang
naglalakbay nang di alam kung saan pupunta.
nangangarap na huwag na lang magising sa umaga.
nakuntento na lang sa wala.

dahil kay jesus,
ako'y naiilang
na ang nagaganap sa aking harapan
sa loob ng paaralan, bahay, o opisina
ay hindi tama.
maling-mali na
ang mga tao sa aking paligid ay nakakulong
sa selda ng anino at lamig.
hindi ito ang kanilang nararapat na tadhana.
hindi ka ba naiinis?

dahil kay jesus,
may apoy na nagpapaalab sa aking galit
nagtutulak sa akin na tumakbo
hangga't hindi natatama ang mali.

at lahat 'yan ay
sapagkat alam ko sa aking isip at puso na
dahil kay Hesus
lahat ng kahinaan at takot ay hindi na kailangan ikubli.
ilalapag na lang sa harap Niya
ang anumang alinlangan o mabigat na karamdaman.
wala nang pagpapanggap.
buong tapang na ipagmamalaki na
ito ay ako.
kasi ano man ang mangyari at kung sino man ako maging
ang tunay na dilag, dangal, at tagumpay
ay tanging
sa Kanya nakasalalay.

dahil kay Hesus
may ligaya at kapayapaan na hindi kaya matalos ng isip.
banayad ang layag
anumang dumaan na bagyo.
matatag nakakatindig
kahit yumanig pa ang lupa at magunaw man ang buong mundo.
dito sa dagat na kay lawak at lalim
hindi lalangoy,
kundi maglalakad, tatakbo,
lilipad pa nga sa ibabaw ng mga alon.

kay Hesus
may liwanag na pinapanatiling dilat
ang aking mga mata.
ano mang karumaldumal na karahasan ang masilayan,
hindi ako napapagod o nawawalan ng pag-asa.
hindi makukuntento at matatahimik.
hindi tatablan ng antok.
araw-gabi,
ako ay gising.

dalangin ko na sana puso mo rin ay hindi magmamanhid
na kailanman hindi mo masisikmura at matatanggap
ang kanilang sakit.
tulad ng dalagang si jesus
gusto nila ng pampahid para maibsan ang hapdi.
pero ang mayroon tayo
ay ang lunas, ang gamot,
ang sagot mismo.
tagos sa balat, sa puso diretso.
ang gamot ay ang dugo
na dumaloy sa mga palad Niya.
ang pangalan Niya ay Hesus.
*Hesu Kristo.
a spoken word.
JOJO C PINCA Dec 2017
Walang sukat ang damdamin at wala rin itong tugma,
Ang wagas na pag-ibig o nagbabagang galit ay walang ritmo,
Lahat ng ito ay dapat na lumaya. Sumabog na tulad sa bulkan
Kung kinakailangan o di kaya ay dumaloy na tulad sa agos ng ilog.
Ganito ang malayang taludturan na aking tinatangkilik, oo alagad ako
Ni Walt Whitman at hindi ko ito ikinakahiya.

Hindi ko kinakailangan na bumilang ng mga araw, lingo at buwan,
Hindi ko kailangan na pagandahin ang mga salitang isusulat ko.
Totoo na gusto ko ring sumikat at makilala ng balana ang maging tanyag
Na tulad ng iba. Subalit wala akong balak na itakwil ang aking tunay na
Saloobin, hindi ko isasakripisyo ang aking nararamdaman para lang
Tanggapin at kilalanin ng iba.

Minsan mala-sutala pero mas madalas ay magaspang na tulad sa sako
Ang mga salitang ginagamit ko. Hindi ako nanunuyo sa halip madalas ako’ng
Nagmumura at nang-uusig. ‘Pagkat yan ang laman ng aking dibdib at hindi
Ko ito ikinakahiya. Malaya ako na tulad sa malayang tauldturan na itinataguyod ko.
Putang-ina ko man kahit hindi ako ma-publish gagawin ko parin ito.

Hindi ko pakikinisin ang magaspang na katotohanan, hindi ko pababanguhin
Ang nangangalingasaw na kaganapan ang isusulat ko ay ang tunay lamang.
Magiging tapat ako sa aking damdamin, hindi ko uulolin ang aking sarili at hindi
Ako mag-iinarte sapagkat hindi naman ako artista. Hindi ito Sunugan o Flip Top ito ang
Tunay na ako na s’yang nagsasalita. Hindi ko kailangan na magpatawa.

Ang tunay na makata ay naglalahad ng katotohanan hindi ng mga salitang
Gustong mapakinggan lamang ng mga taong bumabasa ng kanyang mga tula.
Walang sukat at walang tugma ganito ang tunay na demokrasya. Damdamin ko
Ang magdidikta, ito ang panginoon ng aking panulat.
iamtheavatar Oct 2016
Lubhang mapanganib
ang sinumang daig
ng isang dayuhan umibig
sa 'di sinilangang bayan.

O, anong poot at sigalot
ang kanyang itinanim
sa Kaluntiang nagbigay-lilim
sa kanyang murang katawan,
Upang silaban at yurakan
ang kabanalan ng kasarinlan

Ang magkapatid ng pisi
ay 'di dapat magtunggali,
Ngunit ang isang bayaran
ay masahol pa sa kawatan

Kaya ako'y nananawagan
sa maringal kong Haring Bayan,
O, kanyang tipunin
Mga anak ng Dakilang Lahi,
Handang paglingkuran
ang lupang kinamulatan

Pagkat ang aking lupang kinamulatan
ay isang makatang manunulat,
Siya ay bukal ng kaluwalhatian,
Angkan ng kayumangging balat

Samakatuwid, bigyang pansin
ang nagngangalit na damdamin
ng Sinaunang Mandirigma,
Sa awit ng himagsikan
dumaloy ang himig ng dangal,
At sa kalupkop ng kanyang sandata
lumigwak ang kagitingan
magpasahanggang kamatayan,
Sa ngalan ng kalayaan

**iamthe_avatar ©2016
A poem for the great Filipino people.
AnxiousOcean Mar 2018
Ngingiti ka na naman;
Lolokohin mo na naman ang buong mundo,
Paniniwalain ang lahat ng tao,
Uutuin maging ang sarili mo--
Na ayos ka lang,
Na wala kang problema,
Na patuloy kang lumalaban
Sa buhay kung sa’n
Ang sarili ang iyong kalaban.
“Ayos lang” ang iyong sagot sa tanong na “kamusta ka?”
At ngayon ko lamang napagtanto na palabiro ka pala.
Lahat nang ‘yan, iyong itatago sa iisang ngiti.
At sa iyong pagkukubli,
Lahat ay napaniwala.

Tatawa ka na naman;
Muling ipaparinig ang iyong halakhak.
‘Yung tipong mabibingi silang lahat
At masasabing ikaw ay masaya at tapat.
Pero ang bawat ritmo ay kumpas ng kasinungalingan
Na hindi namamalayan dahil sa lakas ng tawanan.
Itutuloy ang tawa hangga’t ang kasiyahan ay maisilang.
Pambihirang panlilinlang.
Daig mo pa ang hunyango pagdating sa pagtatago.
Lahat idaraan mo sa tawa, hindi dahil masaya ka,
Kundi dahil wala kang mukhang maihaharap.
At sa iyong pagpapanggap,
Lahat ay napaniwala.

Mananahimik ka na naman;
Mambibingi gamit ang saradong bibig.
Sasampalin ang buong mundo ng kantang walang ritmo,
Walang liriko, at walang nota.
Dahil hindi tengang handang makinig ang iyong kailangan,
Kundi pangunawa at ang maintindihan.
Mahirap bang gawing salita ang iyong nadarama?
Hirap ka bang magsabi ng kahit ano sa kanila?
Kaya’t mananahimik ka na lang
At paparoon sa isang sulok.
Aawit nang pabulong,
Rinig lamang ang iyong suntok.
At sa iyong pananahimik,
Lahat ay napaniwala.

Mangangamba ka na naman;
Matutulog na lang, sasaktan pa ang sarili mo.
Titingin sa paligid at magiisip nang kung anu-ano.
Kahit ano.
Kahit masakit.
Hanggang sa maaawa ka sa kalagayan mo ngayon
At Iiyakan ang sariling takot bumangon.
Malulungkot, magagalit
At mapapatanong kung bakit.
Bakit ganito? Bakit ganyan?
Bakit ang mata mo ngayo’y luhaan?
Minsan tulog na lamang iyong hiling,
Pero pagod ka pa rin maging sa paggising.
Mangangamba at iisipin ang lahat.
Lahat sila,
Lahat ng iyong napaniwala.

Pero hindi ako.
Ibahin mo ako,
Simula’t sapul, hindi mo ‘ko maloloko.
Hindi mo ‘ko mapapaniwala, hindi mauuto,
Dahil kilala kita,
At alam ko ang pinagdaraanan mo.
Alam kong hirap ka na sa pagsubok ng buhay.
Mistulang ang bawat araw ay pare-pareho na lamang,
Walang bago, puro tabang.
Maaaring tensionado ka, dulot ng paaralan.
O ‘di kaya’y dahil diyan sa mga tinatawag **** “kaibigan.”
Pwede ring dahil sa iyong tahanan.
Dahil sa sakit na dulot ng kung ano man.

Kilala kita.
Alam ko ang nararamdaman mo.
Alam kong gusto mo nang huminto,
Gusto mo nang itigil ang laro,
Pagod ka nang bumangon,
At takot nang umahon.
Tulad ng isang dahon na kahit kalian
Ay ‘di maibabalik sa punong pinanggalingan.
At iyo na lamang inaantay ang iyong paglanta.
Sa isang lugar, inirereklamo ang tagal ng pagkawala.
Dahil ikaw ay sawang-sawa.
Paulit-ulit na lamang.
May galit, may pait pagkatapos ng hagupit.
Babangon, sasaya, at muling babalik sa sakit.
Alam kong luha ang ‘yong nais ipabatid,
At hindi ang iyong mga tawa.
Dahil dama ko ang iyong lungkot sa tuwing ika’y masaya.
Alam kong hirap ka na.
Alam ko, alam ko.

Kilala kita.
Alam ko ang pagkatao mo.
Hirap ka nang kumapit, alam ko.
Dahil mahina ka,
At ‘di mo kailangang magpanggap;
Alam ko ang iyong hanap.
Ngunit nawa'y maintindihan mo,
Tanggap kitang buo at totoo.
Pwede ka nang umiyak,
Pwede mo nang bitiwan ang 'yong sandata,
Pwede mo nang ibaba ang iyong kalasag,
Pwede ka nang maging totoo.
‘Wag nang magpanggap na malakas ka,
Pwede kang maging mahina.
Pwede mo nang burahin ang iyong ngiti.
Pwede kang umiyak,
Hayaan **** dumaloy ang mga luha.
Sige, isumbong mo lahat,
Sabihin mo ang lahat sa akin,
Akala mo ba’y ‘di ko napapansin?
Sumuko man ang araw at nagdulot ng dilim,
‘Di kita susukuan at mananatiling taimtim.
Patuloy na kumakapit,
Inaantay ang 'yong paglapit.
Alam kong mapapatanong ka na naman kung bakit.
Bakit alam ko, at bakit ganito.
Pasensiya kung may pagkukulang man ako,
Ngunit hiling ko lamang na ikaw ay magkwento.
At sabay tayong ngingiti at tatawa,
Saba’y tayong iiyak sa drama.
Yayakapin kita,at patuloy na uunawain,
Dahil 'yun lang din naman ang gusto kong gawin.

Sabi ko nga sa’yo, kilalang-kilala kita.
At ‘di tulad ng iba,
Hindi mo 'ko mapapaniwala.
Dahil siyempre, ako ang 'yong ina.
kingjay Dec 2018
Ang pasan na krus ay simbolo ng walang humpay na pagmamalupit
Nang naipako sa kahoy,
sa timog dumaloy ang aurora
Nagsilaglagan ang mataas na densidad na luha

Nalusaw na esperansa ay hindi madadampot
Nakakawala sa palad kung kuyumin
Inipon ang likido na tumilamsik
Sa bahay ay alumpihit

Sino magsasagip kung patay na
Ang kalansay ay huwag na galawin
Aabot sa kabanata na malansag maging ang luningning
at tumihaya sa burol ng pagrayos

Ang siwang ng kahon ay singawan ng hinga
Nalumbay ang pipit sa lilim ng Balete
Nahira sa musika na inawit
Hiningi na sumakabilang buhay na

Inakala na may kasagutan sa mga tanong
Sa kwentong ito ipinapakilala ang pag-ibig sa isang tao
Ibubunyag ng kwento ang walang paalam na pag-iwan
Layas na bulalakaw ay panhiling na bituin
Marge Redelicia Mar 2015
isang musmos na lahi
isang munting nasyon
parang itinanim na buto
itinakdang
sumibol at lumago
sa paglaon ng panahon

nag-aabang, naghihintay
puno nang sabik
pero kay tagal dumating
tayo ay nainip
tadhana nating tagumpay
kailan kaya makakamit
kasi

apat na raang taon
hanggang ngayon
lulong pa rin sa putik
nangangapa, nadadapa sa dilim
mga butong nanginginig sa lamig

mga isla
pitong libong isang daan at pito
ito
ang ating lupang sinilagan,
tahanan ng ating lahi
pero nga bahay ba ito o burol?

mga pangarap na
masilayan ang mga sinag ng araw at
mahagkan ang malayang langit
mananatili lang bang panaginip dito
sa bayang natutulog
o kaya namang natutulog lang kunwari

tanggapin mo na lang na
humikbi, humagulgol,
ibuhos mo man ang iyong luha
walang darating
kumayod ka man at magdamag magsikap
diligan mo man ang lupa ng pawis
wala
pa ring mangyayari

kasi
dugo
dugo lamang na dumaloy
mula sa mga palad ni Hesukristo
kung ang Kanyang pag-ibig ay
babaha sa lupa
ng parang delubyo
ito ang nag-iisang paraan
ang nag-iisang sagot:

dugo
dugo lamang na ibinuhos
ang tanging
makakatubos
makakaahon
makakaligtas
sa atin
Performed this as spoken word in Creative Faith's Doxa.
Arya Aug 2017
Parang papatak na,
Mula sa aking mga mata,
Matang kay lungkot,
May pinipilit ilimot.

Silakbo nitong puso,
Pusong nagdurugo,
Alam ko naman ang dahilan,
Ngunit hindi alam ba't nasasaktan.

Pinukaw ng sakit,
Kalungkuta'y iginiit,
Alam ko naman kung bakit,
Kaya ganito pala ka pait.

Ang katotohanan,
Sa ating pagmamahalan
Ang tanging nagdulot,
Ng poot na sa puso ko'y nanuot.

Paano ko ba papakawalan?
Kapag wala nang maramdaman,
Huli na ba ang lahat?
Ito ba ay nararapat?

Ito ba ang mapapala ko?
May nadadama pa ba ako?
Ang sagot ay isang "Oo",
Patunay ang mga luha kong dumaloy dahil sa'yo
#collab
ESP Mar 2015
Para kang gago
Putangina mo
Para kang tanga
Ang tanga-tanga mo

Sinasaktan mo lang
Ang sarili mo
Siya
Tarantado ka

Bakit mo binibigyan ng dahilan
Ang sarili mo
Para maging malungkot
Para maging miserable

Sa isang pakiramdaman
Na di ka sigurado
Tangina mo, dinamay mo pa
Kung di ka masaya, wag kang mangdamay ng iba

‘Wag kang mainggit
Kung masaya sila
Dadating ka dyan
Wag kang tarantado

Tanga mo
May nalalaman-laman ka pa
Na tapos na
Akala mo, tapos na

Gago ka kasi
Manhid ka
Sarili mo lang
Ang iniisip mo

Magpakasaya ka na lang
Sa kung anong meron ka
Ngayon
At sa darating na bukas

Wag kang maghangad
Ng kung ano pa man ngayon
Hayaang dumaloy
Ang buhay

Wag ka ng gago
Wag ka ng siraulo
Wag ka ng tarantado
Matatapos din ‘to

Parang itong tula
Walang kwenta
Katulad ng iniyak mo
Wala na ring silbi ‘yan
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Louie Clamor May 2016
Napadaan ako sa isang perya
Naghahanap ng mga munting ngiti at saya
Sa mga nakakamanghang ilaw na tila mga bituin
Makaalis lamang sa paglamon ng dilim
Makaiwas sa ngiting bitin

Sa aking pagikot,
Napansin ko yung mga ngiti
Ngiti ng mga taong puti at may pulang labi
Kasiyahan dumaloy sa kanilang muka
Tunay ba kahit pagtalikod nila?

Isa’y pinagmasdan
Tinitigang mabuti ang mukang puti
Aking napansin ang isang ngiti ng muka’y nakapaskil
at isang mukang umiiyak na tila walang ****
Sa mga taong hindi nakakapansin

Munting payaso
Umiiyak nga ba o tumatawa?
Magaling magtago ng tunay na nararamdam
Na halos kaunti lang ang nakadadama
Ikaw, mapapansin mo kaya?
Eugene Dec 2015
Naalala ko noong tayong dalawa pa.
Ikaw at ako ay laging magkasama.
Magkahawak ang kamay at hindi nag-iisa.
Walang makakapaghiwalay dahil tayo ay iisa.

Kahit munting kubo lamang ang ating tahanan,
Puno naman ng pagmamahalan ang buong kabahayan.
Walang pag-iimbot, walang pinagdududahan.
Pagka't nasa gitna ang Diyos sa ating puso at isipan.

Aliw na aliw kang ako'y pagsilbihan, tinalikuran ang karangyaan,
Sumama sa akin sa kabukiran, at pinagsaluhan ang matamis na pag-iibigan.
Payapang namuhay malayo sa mapanghusgang mata at mapang-aping bayan.
Nagbungkal, nagtanim, nag-araro at nagdilig sa lupa upang gawing ating sakahan.

Ngunit malupit ang tadhana at tayo ay pinaghiwalay.
Ninakaw ang ating kabuhayan at ika'y nilapastanganan,
Ng mga hayok sa laman, pinagpiyestahan ang iyong katawan,
Hanggang sa dugo mo'y dumaloy sa tigang na lupa at ako'y iniwan.
Nyl Aug 2015
Minsan na bang naglaro sa iyong isipan
na sa bawat araw na nagdaraan
ikaw lamang ang mayroong kakayahan
na makapagpatakbo sa iyong kinabukasan?

Mula sa pagmulat ng iyong mata,
sa liwanag na iyong nakikita; ikaw ba'y nagtataka?
Na bakit ang isang katulad mo ang nabiyayaan
na makapaglakad sa mga malamig na sementadong daan?
Gayong sa iyo naman ay walang kakaiba.
Teka, wala nga ba talaga?

Sa bawat dugo na pinahintulutang sa iyo ay dumaloy
malaman mo sanang nalunasan mo ang aming panaghoy
Huwag mo sanang isipin na nawawalan ka ng karamay
sapagkat ako'y narito, handang iabot ang aking kamay

Sa iyong mga mata, nawa'y masalamin ko pa ang kinabukasan
ang ngiti sa iyong mga labi, huwag sanang lumisan
sapagkat, kaibigan
narito kami upang ikaw ay tulungan

Sabay nating hintayin ang hinaharap,
baka sakaling doon ay matapos na ang paghihirap
4J
𝙰𝚗𝚗𝚎 Feb 2018
hindi naman talaga ako marunong magsulat
pero nang dahil sa'yo
nasimulan ko

hindi ko din alam kung paano ito tatapusin
pero nang dahil sa'yo
nagawa ko

paano nga ba magsulat?
unang letra, pangalawa, pangatlo
hindi ko namalayan na sa unang pagtingin ko
sa unang paglapat ko ng papel sa lamesa
sa unang paggalaw ng panulat ko

...dumaloy na ang mga salitang
hindi ko akalaing manggagaling
sa mismong mga kamay ko

"isang araw..."
diyan din naman tayo nagsimula
diyan tayo unang nagkita, nagkausap at nagkatinginan
lahat naman nagsisimula sa isang araw hindi ba?

at magtatapos din sa "wakas"
ang wakas kung saan magiging masaya na ang lahat
ang wakas na hindi na pwedeng madugtungan pa
ng kahit anong problemang magbibigay kalungkutan

pero bakit?

kahit alam kong wakas na
kahit alam kong tapos na, tigil na, hinto na
bakit hindi ko pa din mapigilan
ang paggalaw ng kamay ko sa itaas ng papel?
ang pagagos ng mga letra sa utak ko
na para bang ako'y lalamunin na?

"nasasaktan ka na"
bulong ng utak ko sa puso ko
"kaya ko pa"
sagot naman ng puso ko pabalik
"di ka pa ba pagod?"

mga huling salita na nagsasabi sa'king tumigil na
mga salitang matagal ko ng hinihintay
mga salitang dapat matagal ko nang napagtanto
at hudyat na dapat itigil ko na

akala ko ba, nang dahil sa'yo, magiging madali na lang?
akala ko ba, nang dahil sa'yo, mahihinto ko agad?
bakit parang bumaliktad?
bakit parang, nang dahil sa'yo mas humirap

nang dahil sa'yo
humirap magsimulang muli
humirap maghanap ng panibagong papel
na pagsusulatan ko ng bagong kabanata
humirap ihinto ang mga pangungusap
na aking nasusulat nang ako'y nagsimula

kailan ba 'ko hihinto?
pati ba naman itong tula ay hindi ko matapos
dahil hanggang dito, ikaw pa din ang dahilan
ikaw ang dahilan kung bakit ko ito sinimulan sinulat, dinama, pinagisipan

alam ko...

alam ko darating ang araw na mararating ko din ang wakas
ang wakas kung saan wala ng "dahil sa'yo"
ang dulo kung saan mahihinto ko na ang pagsusulat ng kabanatang ito
ang kabanatang nagbigay sa akin ng ligaya, ngunit masakit na karanasan
ang kabanatang hanggang nakaraan na lang

at pag dumating ang araw na iyon
muli ko nang mararamdaman ang saya sa pagkuha ng bagong papel
ang saya sa paglinis ng aking panulat
at…
ang saya kung saan mababanggit ko na ang katagang, "sawakas"

masasabi ko na din ang pasasalamat ko sa iyo,
na nagbigay sa akin ng papel at
matitingnan ko na din ng maayos
ang panulat na ikaw mismo ang nagbigay.
Eugene Feb 2018
"KALIMUTAN MO NA ANG NAKARAAN MO! LALO  MO LAMANG SINASAKTAN ANG SARILI MO-- ANG PUSO MO!" sigaw nang sigaw ang utak sa mga katagang iyon sa kaniyang puso.


"May pag-asa pa! Umaasa pa rin ako. Aasa pa rin ako kahit matagal. ****-usap, bigyan mo ako ng pagkakataon. Nararamdaman kong darating sila," litong-lito naman ang puso at pilit na nagmamakaawa sa utak na bigyan pa siya ng pagkakataon.


"Hindi ka ba nakakaintindi? Iniwanan ka na nila. Hindi ka na nila mahal. Wala ka ng puwang sa mga puso nila. Hanggang kailan ka dapat umasa ha?" galit na galit na ang utak sa puso nang mga sandaling iyon. Nag-aalab na at kaunti na lamang ay magiging makasalanan na siya.


"AKALA MO LANG IYON! HINDI IKAW ANG NAKAKARAMDAM KUNG HINDI AKO! AKO ANG MAS NAHIHIRAPAN!"


"AKALA MO LANG IYON! AKO RIN NAHIHIRAPAN NA AT DUMUDUGO NA ANG UTAK KO SA IYO! HINDI KA  BA TITIGIL?"


"HINDI!"



"P'WES! Gagawin ko na ang nararapat upang manahimik ka!"


At hindi na napigilan ng utak ang kaniyang paninibugho. Inutusan niya ang mga paa na magtungko sa kusina. Ipinakuha niya sa kamay ang isang kulay puting bote na may nakasulat na muriatic acid. Kusang bumukas ang bunganga at ipinainom ng kamay ang lahat ng laman sa bote hanggang sa dumaloy na ito sa buong katawan.



Habol-habol ang paghinga, pinilit pa ring lumaban ng puso upang mabuhay ngunit, huli na. Huli na dahil nangisay na ang katawan, naging kulay ube na rin ito at tuluyang namaalam pareho ang utak at ang puso nang mga oras na iyon.
Taltoy May 2017
Tila papatak na,
Mula sa'king mga mata,
Matang kay lungkot,
May pinipilit ilimot.

Silakbo nitong puso,
Pusong nagdurugo,
Di alam ang dahilan,
Di alam ba't nasasaktan.

Pinukaw ng sakit,
Kalungkuta'y iginiit,
Di alam kung bakit,
Ganito pala ka pait.

Ang katotohanan,
Ang sagot sa katanungan,
Ang tanging nagdulot,
Ng poot na sa puso ko'y nanuot.

Paano ko ba papakawalan?
Kapag wala nang maramdaman,
Huli na ba ang lahat?
Ito ba ay nararapat?

Ito ba ang mapapala ko?
May nadadama pa ba ako?
Ang sagot ay isang "Oo",
Patunay ang mga luha kong dumaloy muli dahil sa'yo.
Ako lang naman yaong hamak na kapuluan
Sa kontinenteng Asya bandang timog-silangan
Na minsan mo nang dinayo at pinagkanlungan.

España, me todavia en tu memoria?

‘Di ba’t hindi ako ang marapat na sadyain?
Ika’y nagkamali sa dinaungang lupain!
Subalit bakit ka pa nagpumilit sa akin?

España, me todavia en tu memoria?

Ano bang nasilayan at ako’y binihag mo?
Ikaw pa ang naghandog sa akin ng ngalan ko
Bininyagan na maging Romano Katoliko.

España, me todavia en tu memoria?

Langis ng Kristiyanismo ako ay binuhusan
‘Di nga lang lubos dumaloy hanggang talampakan
Na kay Allah ay tali na noon pa man.

España, me todavia en tu memoria?

Tatlong daan, tatlumpu’t taong alipin
Dugo’t laman ko’y pinagpumilitang bigkisin
Sa kultura’t kamalayang dayuhan sa akin.

España, me todavia en tu memoria?

Ano bang taglay mo’t nagtiis din sa’yo?
Mga dantao’y inabot bago napagtanto
Pag-alpas na marapat mula paniniil mo!

España, me todavia en tu memoria?

Ginang ng karagatan kung ikaw ay turingan
Ako’y isa lang pala sa’yong anak-anakan
Na sa kapangyarihan mo’y nakipagkumpulan.

España, me todavia en tu memoria?

Ngayon ay isandaan at sampung taon narin
Ang nakalipas nang ako ay iyong lisanin
Pero siguradong ikaw ay nandito parin.

España, me todavia en tu memoria?

Bayani kong si Rizal sa’yo ay nagtungo
Upang ipabatid ang aking panlulumo
Wika mo’y inaral ngunit balewala sa’yo.

España, me todavia en tu memoria?

Ngayon ako naman kung nais maunawaan
Ang tulang ito na sa’yo ang patukuyan
Ang wika kong ito naman ang ‘yong pag-aralan.

España, me todavia en tu memoria?
España, ako ba’y nasa iyo pang gunita?

-08/01/2008
(Miagao)
*for PI 100 under Sir Sansait
My Poem No. 31
Patricia Balanga Jan 2018
Kung alam mo lang
Na ikaw ang dahilan
Sa bawat ngiti
Kung alam mo lang
Ang tuwa at kulay na ibinibigay mo sa aking buhay
Kung alam mo lang
Kung gaano mo ako pinasaya
Kung alam mo lang
Kung gaano ako kasaya kapag nakikita ka
Kung alam mo lang
Kung gaano ako kasaya
Kapag kausap at kasama ka

Kung alam mo lang
Na ikaw rin ang dahilan
Kung bakit may mga luhang dumaloy
Kung alam mo lang
Kung gaano rin kalungkot
ang makita kang malungkot
Kung alam mo lang
Kung gaano kita gustong damayan
Sa bawat pagsubok na pinagdaanan mo
Kung alam mo lang
Kung gaano kita gustong puntahan
Nang sinabi **** malungkot ka

Kung alam mo lang
Ang bilang ng mga gabing sinakripisyo para makausap ka
Pero sasabihin ko sayo na hindi ko iyon pinagsisihan
Kung alam mo lang din
Kung gaano ako natataranta kapag nandiyan ka
Kung alam mo lang
Ang mga tanong na nais itanong sa’yo
“Naiisip mo ba ako?”
Kung alam mo lang
Kung gaano kakulang ang tulang ito
Para masabi sa iyo ang damdamin ko
Pero…
Gusto kong malaman mo
Kung ilang beses ka iniisip at naaalala: Palagi
Eugene Apr 2016
Tinitigan kita,
Mula ulo hanggang paa.
Sinulyapan mo ako,
Ng kakaibang pagnanasa.

Dumapo ang iyong kamay,
Sa aking katawa'y nananalaytay.
Nang labi ko'y dumantay,
Muntik ka nang mahimatay.

Mapusok, umaalab, nag-aapoy.
Bawat damdam'y hindi nagpaliguy-ligoy.
Ninamnam ang panandaliang kuryenteng dumaloy,
Hanggang sa tuluyan nang naglaro ng apoy.

— The End —