Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
CRESTINE CUERPO Sep 2017
Ipinanganak na mayaman,
Kakambal niya ang kasamaan,
Tanyag sa kapangyarihan,
Ngunit ang kaluluwa'y nangungulila sa kapayapaan,
Naghahanap ng kalinga't kaginhawaan.

Di niya iniisip ang kapakanan nang karamihan,
Sariling interes lamang ang pinapahalagahan,
Nanunungkulan ngunit puso'y di para sa bayan,
Kakampi niya ang droga't magnanakaw sa kaban ng bayan.

Kung ito'y iyo ng nasaksihan,
Bakit mo pa rin pinipili ang isang utusan?
Na tayong lahat ay kanyang alipin lamang.
Gumising ka kabataan!
Ninanais mo bang matikman ang tunay na kalayaan?
Idilat mo ang iyong mga mata at tingnan ang kapaligiran.

Ano ang nangyayari sa iyong nasasakupan?
Pagmasdan mo ang naka-abang na kasalukuyan,
Tayo'y pinaiikot sa kamay ng kanyang kapalaran,
Maging isa kang huwarang mamamayan,
Upang pagbabago ay maramdaman ng sambayanan.

Iligtas mo ang iyong kapwa Pilipinong nahihirapan,
Huwag mo silang pababaya-an,
Lagi **** tandaan,
Kailangan namin ang iyong tapang at panindigan,
Huwag kang magbulag-bulagan,
Oo! Tama! sa iyo nakasalalay,
Ang tamis ng tagumpay.


Ibigay mo ang tunay na kahulugan,
Salitang-----kasarinlan,
Tiyak! Pilipinas ay di mapag-iiwanan,
Kahit sa anumang larangan,
Makakamtan nito ang inaasam-asam na pagbabago,
Laban Pinoy! Laban Pinay! Laban Pilipino!
Ibandila mo ang iyong tunay na pagkatao!
Ialay mo ang iyong buhay,
Upang tayo'y hindi bilanggo habambuhay,
Huwag mo hayaang tayo'y magiging alipin,
Sa isang taong may puso ngunit-----walang pag-ibig!!!
Bangon Pilipinas.Makiisa sa pagmulat ng katotohanan na siyang magpapalaya sa atin sa kahirapan.
Eugene Feb 2016
Lumaki akong namulat na may pagkakaisa,
Pagkakaisang hindi dapat ipinagsasawalang bahala.
Kahit mailap man noong pagbubuklurin ang kapwa,
Nananaig pa rin ito kasama ang pagkakawang-gawa.


Isang simpleng salita, malalim naman ang kahulugan.
Maihahalintulad sa bigkis ng laksa ng magigiting na sandatahan.
Sama-samang lumalaban para sa kapakanan ng bayan,
Upang maisulong ang kabutihan, hatid ay kapayapaan.


Ngunit bakit ngayon, pagkakaisa ay kay ilap?
Parang ilaw sa kabaret, bihira **** mahapuhap.
Takot na ang iba, kinalimutan pang mahagilap,
Dahil nakaharang ang mga buwaya, tinakpan ang pangarap.


Huwag nating hayaang ito ay tuluyang maglaho.
Alisin ang pangamba, buhayin ang karapatang pantao.
Magkaisa sa isang diwa ng maka-masang pagbabago,
Nang mailigtas pati ang mga inosenteng bilanggo.
KRRW Aug 2017
Batong niluluto, tinutunaw, tinuturok
Dahong sinisinghot, hinihithit, pinapausok
Dukhang nahuhumaling, hinuhuli, pinapatay
Mayamang sinungaling, tumatakas, kumakampay


#ChangeIsComing ngunit wala namang binago
Ang mahirap ay tumba, ang mayaman ay nagtago
Inosenteng nadadamay, diniktan ng karatula
Bangkay na nakahandusay, hindi na bibigyang hustisya.


Halina,
doon sa bago kong tahanan
Ang tawag ay kulungan
ngunit marami do'ng libangan.


Pinuno,
leader ako ng sindikato
Kung tawagi'y bilanggo
ngunit sinusunod ang luho.


Mga alipin ko'y parak
Mg bataan ko ay trapo
Pamilya'y bilyonaryo
Ang negosyo'y protektado.


Unlimited supply—'yan ang tunay kong pangako
Subok kong mga suki, wala pa rin namang nagbago
Tuloy lang ang bentahan, dito tayo sa taas
Ngunit tatandaan: kikitilin lahat ng Hudas.


Ako'y panginoon at walang katalo-talo
Agimat ko ay tsapa, baril ang gamit kong rosaryo
Ako ang humuhuli sa sarili kong buntot
Ang mahina **** kokote ay aking pinapaikot.
Written
27 September 2016


Genre
Rap  | Spoken Poetry | Literactivism

Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
aL Jan 2019
Bilanggo, nagiipon ng problema
Naubos sakin ang iyo sanang antukin na maghapon
Sa lait ng tadhana mukha'y hindi na maipipinta
Kung puwede lamang ito ay itatago nalang sa baon.

Laging talo, lagi nalang kasing kalaban ang isipan
Ang mga bagay na gusto ay hindi parin nalalaman
Sa buhay, napakahirap ang walang pangarap
Sa buhay, mahirap ang walang makausap.

Pati siguro multo ay papatusin
Pambawas lang ng iisipin,
Para lang may makasama
Di na takot, nasanay na ata sa kaba.

Sa unti-unting kong tanong sa puso at sarili,
Na saan nga bang pasya ako nagkamali?
Mahirap ang walang pangarap.
Mahirap ang walang kausap.
Mahirap.
Dhaye Margaux Sep 2015
Tinukso mo ako ng iyong maskara
Ang pinto **** bakal ay nagmukhang pilak
Mga bintana mo'y tila walang sara
Ang bawat sulok mo'y humahalimuyak

Akong naghahanap ng lugar sa mundo
Namalik-mata nga't naakit mo agad
Sa mga pangako'y nadala't natukso
Naghintay ng dulot, magagarang gawad

Sa aking pagyakap sa pintong makinang
Ngiti ko'y sumilay, nag-isip, nangarap
Akala ko'y lungkot dito'y mapupunan
Saya ang papalit sa dusa at hirap

Subalit nagulat sa aking pagmulat
Ang pinto **** pilak ay puro kalawang
Mga bintana mo'y  nabuway ng lahat
Ang bawat sulok mo'y amoy basurahan

Paano pa ako ngingiti, sasaya
Kung ang pangarap ko ay biglang naglaho?
Mabubuhay ka bang kuntento't payapa
Sa lugar na itong ngayo'y gumuguho?

Nais kong tumakas, lumayo, tumakbo
Sa bilangguan kong kakila-kilabot
Subalit kadena ko'y mayroong kandado
Kasama ba akong mababaon sa limot?

Hindi! Ang sigaw ng matapang kong puso
Kadena sa paa'y aking wawakasan
Mabubuhay ako na hindi bilanggo
Ipaglalaban ko, aking kalayaan!

---Marguerite
9/18/2015
7:33 am
Will translate soon
Mga paningin nating laging nagkaka-bunggo,
pilit man itong pigilin kusa pa ring nag-tatagpo
ginagala ang mata sa bawat sulok ng kwadro,
upang ito ay itago ngunit sayo pa rin sa huli dumadapo.

Bilanggo ang aking mga salita
gawa ng paralisado kong dila
tuwing ikaw ay malapitan kong nakikita.

Bibig ko ay mga matang malaya
upang mangusap at mag-pahayag ng mga
salitang di ko kayang masambitla
sa tuwing mata nati'y nag-kakabangga,
nag-hihimutok ang damdamin kong nag-babaga.
JOJO C PINCA Dec 2017
Hindi ako kumakain ng tae o umiinom ng ihi,
Lalo namang hindi ako humahalik sa tumbong.
Lumaki ako’ng mahirap at naranasan ko’ng maapi,
Pero kahit kelan hindi sumuko ang diwa ko,
Laging nakikipaglaban ang puso’t isipan ko.
Nakabilanggo ako sa sistema na kinasusuklaman ko,
Oo bilanggo ang katawan ko ng pangangailangan para
Mabuhay pero mulat ang isipan ko. Ang hampas-lupa
Ko lang na katawan ang nakabilanggo subalit ang puso at
Isip ko kailanman hindi mapipiit.

Nakikinig ako pero hindi ibig sabihin na naniniwala ako,
Nagbabasa ako pero hindi nangangahulogan na tinatanggap ko ito.
Ang malayang isipan ang pinaka-mataas na antas ng pakikipaglaban,
Kailanman hindi ito masusupil, apoy ito ng kaluluwang hindi kailanman
Mapapatay; mananatili itong nagliliyab.

Hindi ako sumisigaw sa kalsada o nag-aarmas habang
Nakakanlong sa mga gubat pero patuloy ako’ng tumututol.
Ginagamit ko ang aking panulat sa paglaban. Rebelde ako’ng
Lagalag na hindi matatahimik. Maangas ang aking panulat at
Nagliliyab ang aking mga letra.  

Rebelde, aktibista, radikal, militante, sosyalista, komunista,
Ateista, anarkista – oo lahat ng yan ay ako. All in one ika nga,
Kung saan ang dehado dun ako pumapanig ayaw ko sa mga liyamado
Sapagkat karamihan sa kanila ay tarantado. Pro-labor, pro-masa
Pro-poor siguro nga ganyan ako. Kaya marahil pro-Bonifacio ako at
Hindi pro-Rizal. Kaya siguro idolo ko si Nelson Mandela, Gandhi,
Malcolm X, Amado V. Hernandez at iba pang radikal
kasi tulad nila meron akong Malayang Isipan.
KRRW Nov 2017
Wala na ang dati
ang natira ay pighati
mundo ay nahati
at naglaho ang buwan

Anino ay lumisan
humalo sa kadiliman
ulan ay tumahan
ngunit ‘di ang bagyo

Kulog, kidlat, alimpuyo
tangay ay laman at dugo
mga baling buto
lagusan sa hangin

Naroon ang dating
ngayo'y isang pangitain
bilanggo ng salamin
magdadalamhati

Dahil wala na ang dati
Gabi sa panghabang-panahon
Aasa sa mga bulong
Lalakad, tatalon...
Written
31 October 2017


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
O Obleng ibig, ba’t ka inusig?
Binusalang higpit iyong bibig
Mata’y hinigop na parang tubig
Tenga’y sinuntok hanggang matulig
Dinakma’t dinurog mga bisig
Ng mga buwetreng manlulupig!
Dugo’y ‘lang habas na umiilig!

O Obleng pantas, ba’t ka ginago?
Itinuring kang peste’t bilanggo
Dura’t ihi sayo’y pinaligo
Sa hanap **** mga pagbabago
Ika’y lagi nalang binibigo
Ng sayo’y namugad na mga kwago!
Tinutuka habang dumudugo!

O Obleng bituin, ba’t ka piniga?
Laman mo’y ngitim sa pamamaga
Pinipilipit ka’t inuuga
Pangalan mo’y ipinansisiga
Kaylinaw na hangad kang ihiga
Ng mga ahas **** inaruga!
Duguang Oble! Ganti’y ibuga!

-04/03/2007
(Dumarao)
*just feel
My Poem No. 27

— The End —