Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AgerMCab Jan 2019
Dumating ka sa buhay ko ng hindi ako nakahanda
Ni hindi ko inaasahang  mayroon pang nakatakda
Akala kong wala na, ngunit humabol pa ang tadhana
Pag ibig mo'y wagas, ang wika mo sa harap ni bathala

Nagagalak ang aking puso na may halong pagkagulat
Ang iyong tagong pag ibig sa wakas iyong siniwalat
Pagmamahal na tila sa mundong ito hindi nagmula
Pag ibig na wari ko nga ay galing sa ibang planeta

Ang kagulat gulat, kaya ko palang magmahal higit sa akala ko
Pagmamahal na magagawa kong ihinto ang lahat, para lang sa iyo
Gusto ko sanang ipaalam, ipagsigawan at ihiyaw sa buong mundo
Na ikaw ay akin at akin lang sana, ngunit maaaring dulot ay gulo

Natuto tuloy akong sumigaw ng pabulong
Hanggang kelan ko kaya kakayaning bumulong
Ang pag ibig ko ngayon tila ay hindi makasulong
Ang katagang "mahal kita", tila presong nakakulong

Sa ngayon, ang alam ko, NGAYON ang mayroon ako
Hindi ko nga alam kung anung bukas mayroon tayo
Sa ngayon, ang ngayon lamang ang pinanghahawakan ko
Yung ngayong minamahal kita at mahal mo rin ako

Yung ngayon na naririto ka sa buhay, sa puso, at isip ko
Yung ngayon na sa iyo lamang umiikot ang buong buhay ko
Kumikislap ang mga mata at ngumingiti ang mga labi
Na para bang sa mga pangarap ay may bukas na hinahabi

Sa aking pangarap ang lahat lahat sa iyo'y akin
Mula anino, pati iyong diwa'y aking angkin
Ngunit paano kung ako'y magising na, lahat magwawakas
Ikaw rin ba'y nangarap na para bang tayo'y mayroong bukas?

Ang tunay daw na pag ibig ay hindi mapag ari
Paano ang gusto kong ika'y aking gawing hari?
Nais ko'y akin lang, ang iyong ngayo't iyong bukas
Sana'y akin ka hangga't ako'y mayroon pang lakas

Darating ang panahon, tayo'y magwawalay
Sa oras na yan mundo ko'y malulumbay
Sadyang kailangan ko nga lang tanggapin
Ika'y hindi kayang tuluyang maangkin

Ganap ang dusang nasa akin
Dahil ikaw ang aking hangin
Ang aking araw, aking langit
Aking tala at buwan sa dilim

Oo't may dahilan kung bakit ngayon tayo pinagtagpo
Kung anumang dahilan isipin pa ay nakakahapo
Ni hindi nga natin alam kung hanggang kailan ito
Ano kaya bukas? Ikaw pa kaya ay naririto?

Alam kong kahit kailan, hindi mangyayari
Na sa aking pagtanda, ikaw ang aking hari
Ikaw ang kapiling, kamay mo ang aking hawak
Aalalay s'aking tungkod, lalakad ng malawak

Pakinggan na lamang sana ang aking pangako
Kasal-kasalang pauso ay aking inako
Wala man tayong mga saksi
Basbas ng simbahan o pari

Di man nakasuot ng damit pangkasal, wala rin ako pati mga abay
Galak ay lubos parin kung ikaw ang kaagapay
Ako'y handang maging sa iyo, sa abot ng aking gunita
Maging kalaban ko man ang lahat, dahil sa aking panata

Akoy gagawa ng altar na aking sarili
Upang sa aking bibig sumpa ay mamutawi
Pangakong ikaw lang ang mahal sa habang buhay
Hanggang sa dumating aking araw ng paghimlay

At kung sakaling akoy mabigyan, ng pagkakataong muling mabuhay
Kahit sa ibang panahon, hahanapin ka ng puso ko ng walang humpay
Upang taimtim na panatang binitawan, ay maisakatuparan
Pag-ibig na walang hangganan, pagmamahal na walang katapusan
#tagalogpoetry #tagalogpoem #tulangfilipino
031117

Iniibig Kita
Gaya ng panata ko sa Pilipinas
Ipagmamalaki saanmang dako Mo ipasayad
Ang minsang nalulumpo kong pagkatao
Buhat sa minsang ding pagmamataas ko.

Mas ipagsisigawan kong
Ikaw ang kalakasan ko
Ang kalasag sa bawat oras
Na gusto ko nang huminto
Na gusto ko nang sumuko
Na gusto ko nang magpatalo.

Gaya ng aking panata
Sa bansang pinagsilangan ko
Mas paninindigan na Kita
At hindi ko dudungisan ang Ngalan Mo
Pagkat Ikaw ang tanging baluti ko --
Ang panatang alam kong
*Di ko kayang talikuran pa.
Jose Remillan  Sep 2013
Panata
Jose Remillan Sep 2013
Kulang ang haba ng magdamag at lalim ng
Himbing upang lubos nating maunawaan ang
Imortal na sandaling ito. Dahil alam natin na
Wala tayong anumang panlaban sa lumbay
At pangungulila, nagkakasya na lamang tayo sa
Isang pangako at pag-ako ng damdamin.

Tahan na mahal ko...
Umasa kang saan mang lupalop tayo tangayin ng
Buhay at paghihintay, ng siklo at pagpapasya,
Ako'y mananatiling nakapako sa hiwaga ng iyong
Langit na pagsinta. Kapos man ang sandaling
Ito upang maging sandalan natin sa saglit
Na paglayo, alalahanin **** hindi lahat
Ay humahantong sa wakas dahil
Likas sa atin ang manalig sa pagsintang wagas.
Quezon City, Philippines
September 12, 2013
Eugene  Jan 2018
Saranggola
Eugene Jan 2018
Kay tuling lumipas ang isang taon at ngayon ay panibagong buwan na naman ng Enero.

Isang hamon para sa akin ang baguhin ang nakasanayan ko tatlong dekada na ang nakalilipas -- ang maging masaya para sa sarili ko.

At sisimulan ko ito sa paggawa ng saranggola. Kasama ko sa paggawa at pagpapalipad nito ay ang aking nakababatang kapatid na ngayon ay labingtatlong taong gulang na.

"Ang galing mo namang gumawa. Ang laki na nang ipinagbago mo a! Dati ang tamad mo, ngayon masipag ka na sa paggawa ng saranggola," napahagikgik pa ako nang tuksuhin ko siya.

"Kuya, ang pagbabago ay hindi lamang sa isang laruan o bagay nagsisimula. Dapat sa sarili rin. Kaya kung may mga bagay kang baguhin sa sarili mo, simulan mo sa libangan gaya nitong paggawa ng saranggola. Kung saan nais ng puso **** maging maligaya ay doon ka," malalim ang kaniyang tinuran pero natuwa ako dahil may katuturan ang kaniyang mga salita.

Nang matapos naming gawin ito ay umakyat na kami sa pinakamataas na parte ng aming bukid dahil doon ay malakas ang hangin.

"Isa. Dalawa. Tatlo. Takbo na kuya! Takbo!" ngiting-nigiti ako habang tumatakbo paakyat ng bukid upang paliparin ang saranggolang hugis bituing gawa naming. Nang nakakalipad na ito ay hindi pa rin mawala sa aking mga labi ang ngiti.

Nasabi ko na lamang sa aking sarili ang mga katagang, "Simula pa lamang ito ng pagbabago sa aking sarili. Sisikapin ko at paninindigan ko ang panata ko na maging masaya hanggang sa huling hininga ng aking buhay. Gaya ng saranggolang matayog ang lipad ay magagawa ko ring lumipad paitaas maabot lamang ang tunay na pinapangarap ko at tunay na maging maligaya habambuhay."
Jose Remillan Nov 2013
Napatag na ang hindi mapatag ng
Sanlaksang idelohiya't pananampalataya.
Panata ito ng kalawakan. Lilinisi't lilipulin
Yaong hindi umaayon sa itinakdang

Orden ng katutubong balanse ng ulan
At hangin, ng dagat at pagkamulat,
Ng  lupa at pagtatangka. Hindi sasapat
Ang libu-libong bangkay na nakahundasay

Sa mga lansanga't simbahan dahil malaon
Nang naagnas na bangkay ang ating
Kamalayan. Malaon nang umahon si
Kamatayan sa anyo ng kasakiman sa

Kayamanan, at tayo bilang mga kalakal
Na nagpapatiwakal sa ngalan ng kaligayahan
Sa anyo ng kasaganaan. Hindi sasapat ang
Mga pagtangis ng mga ama't ina, ng mga

Anak at kapatid, dahil matagal nang
Tumatangis ang Inang unang naghandog ng
Paraiso sa atin. Saan nga ba tayo patungo?
"Tayo'y mga punong matayog ang pangarap,

Ngunit sa lupa'y laging nakaugat..."
Sa ala-ala ng mga nasawi sa paghagupit ni Yolanda sa Filipinas.

University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
November 13, 2013
Sa loob ng halos daang taon
Mula nang naparito ang ****
Ang mga Pilipinong deboto
Taunang dumaragsa sa Quiapo

Dala’y kanya-kanyang panalangin
Tiwala na hiling ay diringgin
Kaya nagmula man sa malayo
Sa Quiapo parin ay dumarayo

Lubos na pananampalataya
Puspos pananalig sa biyaya
Sa tuwing sasapit buwan ng Enero
Nandyan Panata sa Nazareno.

-01/10/2012
(Dumarao)
*Feast Day of the Black Nazarene in Quiapo
My Poem No. 90
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
solEmn oaSis Jan 2022
Sintas Man Ay Kalas
Luma Na At Pigtas
Sapatos At Medyas
Dibaleng May Pintas

Kamisetang Butas
At Maong Na Kupas
Pigtal Na Tsinelas
Hindi Pa Parehas

Tinotonong Kwerdas
karakrus ang kwintas
sa sugal ay utas
pati pato hulas

bahala na bukas
tawagin mang takas
hihiram ng lakas
tatagay ng wagas

nalango sa wakas
kamay lang may hugas
bahid, patak, tagas
palay naging bigas

kahapon ay bakas
sing-linaw ng habas
nahinog ang prutas
ngunit di pinitas

bagsak mula taas
sabik na pumatas
kahit pa lumabas
tinatagong Katas

Tinukso Ng Ahas
Yinapos Ang Angas
Kinapos Sa Alas
Nilukso Yung Dahas

Natisod, Nadulas
Kasi Nga Nangahas
Kung Dati Minalas
Nadapang May Bangas

Babangong Matikas
Sa Mali iiwas
panata kong tagos
dalangin ay lubos

payak man ang lapis
yakap Di Pa labis
sugat na may hapis
ginamot ng kapis

Tila Tala Lihis
Kutitap Sa Bilis
Araw May Silahis
kidlat ang hagibis

mukha na manipis
nagpalit ng bihis
hahakbang sa libis
Layon Ay Malinis

Patama Ay Daplis
Ngunit May Hinagpis
Pinawi Ng Haplos
Animan na agos

Timplang Nalamukos
Animo Ay Musmos
Siglang Dinaraos
Biyaya Ay Puspos !!!
Coming 🔜...
" Pakay ng Yapak "
Danica  Nov 2017
Biktima
Danica Nov 2017
Isang gabi ika'y narinig
hikbi **** ni isa'y walang nakaririnig
tila luha mo'y di nila batid
bawat pag susumamo'y tainga nila'y nakapinid

bawat umaga mo'y kawalan ng pag-asa
kitilin sariling buhay lagi mo nang panata
paanong nangyari ika'y nakaalpas
sa mga mata ng mga mapanirang nilalang

sinong lumapastangan sa bata **** isip?
sinong lumason, dahilan ng iyong paghihirap?
sinong may pakana? isigaw mo at ituro!
ilantad at iluluklok sa trono ng kamatayan!

maghanda sila sapagkat araw nila'y darating na
mapapawi na rin yaring luha sa iyong mga mata
pagbabayaran ang pagka ganid sa mura **** katawan
itatarak ang kutsilyo ng kasamaan, pabalik sa lugar
na kanilang pinagmulan.
Just want to dedicate this poem for those people who suffer trauma after being a victim of **** and any other crime, I hope and I pray that someday you'll find peace by forgiving yourself and start and get a new life.
Eyji Noblesmith Dec 2019
Siyang nagsisilbing tahanan at ilaw
At buhay nitong sangkalangitang bughaw
Ay s'yang sa pag-ibig ng anak ay uhaw
'Pagkat kasaysayan ng bandila't araw
Ay 'di na singtingkad at nakasisilaw

Mayroong bayani't magiliw na supling
Mandirigmang hahayo at magigiting
Ngunit mga lilong anak ay mayr'on din
Banyaga ang dila't hindi sasambitin
Ang panata sa inang dapat mahalin

Awit ng puso ni Inang Maralita
Na mula sa luha, pag-irog, salita
Ay hindi kaylanmang dininig ng madla
Na nukal sa bayan subalit ang sutla
Ng kasuota'y kay Ina'y 'di nagmula

Ang inang mayaman sa ganda ng ngiti
Ay nagkukubli sa likod ng pighati
Palibhasa ay dalita sa pagbati
At pagmamahal ng anak na lumaki
Sa yakap ni Pilipinas hanggang huli
A Tagalog poem

— The End —