Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
Sitan Sep 2019
bem
akoy isang lalaking hindi madasalin
hiniling sa diyos na ikay mapasakin
handa sa ano mang ating tahakin
pangako na ang lahat ay ating kakayanin

tulang puno ng pagmamahal nililikha
nagmula sa puso lahat ng mga salita
ngunit kaakibat ng salita ang gawa
kahit ano mangyari hindi magsasawa

handang magbago ang tulad kong tarantado
patunayan lang na hindi isang gago
sadyang mamahalin ka ng buong buo
mula nang ikay mahalin handang magbago

isang binibining kumbagay mala-sining
minimithing mapapunta sa aking piling
mapaano ibibigay lahat ng hiling
pangarap ikay katabi sa bawat gising

sa bawat kwento mo na puno ng pighati
gagawin ang lahat para ikay ngumiti
mga kwentuhan na umaabot ng gabi
ang pag-ibig sayo ay lalong tumitindi

marapatin na bigyan ng pagkakataon
pag-ibig sayo aabot habang panahon
akoy nagbago at handa ng patunayan
ikaw ang mahal mula noon hanggang ngayon

marami man kontra sa ating pagsasama
handa ng patunayan na ito ang tama
ang kasiyahan ay laging ipapadama
papalitan ng saya lahat ng drama

siguradong sayo ay hindi nagkamali
ikaw talaga ang minahal at pinili
mga oras na kasama ka di mapakali
akoy handang mag-antay sayo basta palli

tutuparin ang pangakong di ka sasaktan
ano man ang mangyari di kita iiwan
siguradong ikaw lang ang paglalaanan
ng tunay na pagmamahal magpakailanman

ibibigay lahat ng iyong pangangailangan
mapa gamit o prutas maliban sa pakwan
susuportahan ka kahit anong larangan
ipaparamdam tunay na pagmamahalan

pinakaminahal marahil ay ikaw
kagandahan tilay mga perlas na hikaw
pagmasdan at marahil ikay masisilaw
iyong kausapin paniguradong siya'y
sabaw

marahil ito na ang aking huling saknong
handang maghintay sa sagot mo sa aking tanong
paumanhin sa tula kong usad pagong
paninidigan ko lahat hanggang sa kabaong
Sarrah Vilar Sep 2016
Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Nagpanggap ako na hindi ko alam na sa unang sulong mo pa lang,
Balang araw ay uurong ka rin—maglalakad palabas.
Pero mali ako—mali ako sa parteng dahan-dahan kang aalis—tumakbo ka.
Parang pananahimik ng paborito kong kanta
Pero ang paborito kong kanta ay maaari kong ulitin
Kung sa unang pagkakataon ay hindi ko siya nabigyang-pansin.

Hindi mo naintindihan na hindi lahat ng pagmamahal
Ay maaari lamang patunayan sa mga salitang "mahal kita."
Mahal kita hindi man sa paraang ginusto **** marinig
Pero mahal kita sa mga lumipas na gabing hinehele tayo ng mundo
Habang nakikinig sa mga puso nating nagdadabog hindi dahil sa galit
Kundi dahil sa tindi ng hampas ng ating mga damdamin.
Mahal kita hindi sa paraang tenga mo lang ang magsasaya.
Mahal kita kahit nung panahong gininaw ka sa lamig ng damdamin ko.
Mahal kita nung isang araw na dumaan ka sa harap ko—dumaan ka lang.
At tinakasan ang titig ng aking mga mata.
Mahal kita nung sandaling 'yon na parang hindi mo na ako ginustong makita.

Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Hinawi natin ang kalawakan para pag-ibig naman natin ang mangibabaw.
Nahiya pa nga noon ang mga bituin dahil sa kinang ng ating mga damdamin—
Kinang na nagpabulag sa atin sa katotohanang
Sa dinami-dami naman ng bagay na ikagagaling ng ating pagtatapos
Ay talagang sa panggugulat pa.
Para tayong bitin na kwento—natapos na pero gusto mo pa.

Kaya hanggang ngayon, dinadalaw pa rin ako ng patay nating relasyon.
Hindi lang sa gabi pero sa umaga, sa tanghali, sa hapon—
Sa bawat oras na 'yung paglimot natin sa isa't isa ay parang larong taya-tayaan—
Hindi mahuli taya kundi mahuli tanga.
Pero, oo, tanga na kung tangang ninanais ko pa ring higitin
'Yung damdamin mo pabalik sa 'kin.
Tanga na kung tangang na'ndito pa rin ako kung sa'n mo 'ko binitawan.
Tanga na kung tangang nagkulang ako.
Wala nga sigurong pagkakamali ang maitatama pa.
Ang tanging magagawa ko na lang ay 'wag na 'yun ulitin pa.

Kaya,
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
'Wag ka naman muna humakbang palayo.
Gumawa ULIT tayo ng panibagong alaala.
Magkasama naman nating pakalmahin 'yung bagyong idinulot natin sa isa't isa.
Samahan mo naman ULIT akong humiga sa karagatan
Habang ipinaparinig mo ULIT sa 'kin 'yung kwento kung paano ka natutong lumangoy
Sa sakit, sa hirap, sa lahat ng ibinabato ng mundo sa 'yo.
Ikwento mo naman ULIT sa 'kin. Lahat. Makikinig na ako.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
(a spoken word piece)
Mel-VS-the-World Apr 2018
“Hayaan mo na lang ako matulog.”


Eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At hindi ko maisip kung ano ba dapat ko maging.
Ano ba dapat **** gawin?
Marami nang nangyare,
At ano pa ba ang pwedeng maganap?
Magkukulong sa sulok,
At magmumukmok,
Naka-ilang hithit-buga na ng yosi,
Baka sakaling makalimot.
Naka-ilang bote na ng alak,
Pampakalma sa pusong kumakabog.
Hindi mo mapigil ang pag-tulo ng luha,
Isa-isang nawawalan ng kislap ang mga tala sa iyong mata.
Nawalan na ng liwanag ang buwan,
At ang araw ay hindi na sikat,
Naghalo ang amoy ng dagat at ulan,
Sumingaw mula sa mainit na lupa parang naagnas na katawan.
Lalabanan ba ang apoy?
O hahayaan lamunin ka at matupok?
Lalangoy ba kasabay ng mga alon?
O handa ka nang malunod at mabulok sa kailaliman?
Hanggang sa hindi na ma-iahon.
Marami ang nagtatanong,

“Mahalaga pa ba ang nakaraan?”

Kung ang hinaharap ay nagtatago sa likod ng kasalukyang puno ng kirot at hirap,
Hinagpis at galit,
Poot at pagkamuhi,
At sakit na walang lunas.

Mahalag ba ang nakaraan?
Maraming pagkakataon na ako ay lumipad,
Mula sa kalangitan, malaya ang diwang may pakpak,
Naglalangoy sa ulap ng kawalan.
Tanaw ko ang sanlibutan, nag-aaway,
Nag-papatayan, para sa ano?
Lupa? Pera? Para sa diyos na makapangyarihan?
Ngunit ang mahabaging diyos ay wala namang pakialam.
Wala naman dapat patunayan,
Wala naman dapat paglabanan.
Rinig mo ba ang ingay mula sa kabilang baryo,
Parang mga asong ulol, nagkumpulan at tumatahol.
Ako ay naglakad,
Saksi ang dalawang paa sa harapang pang-gagahasa ng mga higanteng buwaya; walang umalsa.
Natatakot sila.
Dahil sa mata ng nakararami,
Karahasan ang tama,
At hindi ang karapatan ng bawat isa.

Marami ng problema ang daigdig,
Dadagdag ka pa ba?
Iiwasan mo na ba o babalikan mo pa?
Pilit lumalayo,
Patuloy ang pagtakbo,
Ngunit hindi pa rin maabot ang dulo.
Hindi malaman kung saan patungo.
Dalhin mo ako sa lugar,
Kung saan mapayapa ang buhay,
At mayroong pag-ibig na tunay.
Dahil matagal nang may sindi ang nitsa,
Hihipan ko na ba?
O hahayaan na lang mamatay ng kusa parang paubos na kandila.

Dahil eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At pagod na’ko magising,
Gusto ko na lamang umidlip at managinip,
Patungo sa paraisong ang ihip ng hangin ay malumanay,
At ang kulay ng paligid ay pagmamahal na dalisay.

“Hayaan mo na lang akong matulog. Kung sa aking pag-gising ay meron paring sakit, hayaan mo na lang akong matulog, dahil pagod na’ko magising.”

Hayaan mo na lang akong matulog.
Baka sakaling hindi ko na maramdaman ang sakit.

Hayaan mo na lang akong matulog.
Kahit ilang oras lang, iiwan ko ang mundong mapanakit.

Hayaan mo na lang ako.
Dahil gaya ng sabi mo,

“Sa sobrang hilig mo sa sleep, pwede ng ipalit ang pangalan mo sa salitang *ogip.”

Kaya hayaan mo na lang akong matulog,
Dahil pagod na’ko magising.
At ayoko nang magising.
Robert Biene Mar 2018
Sinulat ko ito para sa babaeng inspirasyon ko
Sinulat ko to para sa babaeng gusto ko
Sinulat ko to kahit di mo gusto
Sinulat ko to sa damdaming nanawagan para sayo
Sinulat ko to kahit kupas na ang gamit na mga litanya
Sinulat ko ito sana'y dinggin at pakinggan
Sinulat ko to para sa babaeng mahal at mamahalin ko
Sinulat ko to para sayo, aking sinta.

Babaeng sinta nakita ko sa'yong matang nakasandal sa pighati hatid ay lumbay at kalungkutan
Damdamin mo'y gusot nilukot pinaikot-ikot, kirot ang naidulot
Di ka ba napapagod
Sa iyong matang luhang di mapigilan pumatak ,umaagos hanggang sa mapagod at makatulog ngunit minsan nauudlot dahil sa sakit na naidulot
Bibig at boses na ginapos ng nakaraan sa matatamis mabobolang salita lumipad sa kawalan humantong na bitiwan ka nya
Ngayon ay hikbing paudlot udlot, pwede mo na ba ihinto?
Para sa taong handa kang hintayin at mahalin ng walang halong kasinungalin at tunay.

Handa ang panyo para punasahan ang iyong luha
Handa ang tenga para dinggin ang iyong walang katapusan na drama
Handa ang mga kamay ipagluto ka punan ang iyong katakawan
Handa ang boses para ikaw kantahan kahit sa lumang paraan na tawag ay harana
Handang handa kang paglingkuran kahit labhan ang damit ng iyong mga kuya
Handa kang samahan sa iyong kasiyahan lalo na sa panahon ng iyong kalungkutan
Handang gawin ang lahat ng makakaya para ikaw mapasaya lamang
Handa iaalay ang sarili sa Diyos at hubugin ang sarili para maging karapat dapat sayo at sa pag ibig **** alay

Handa ako ipakilala ka sa aking pamilya
Handa kang hintayin kahit gano man katagal
Handa ako na patunayan ang bawat pangako na nakasulat dahil dapat ang isang lalaki ay may isang salita
Handang handa ako mahalin at ipaglaban ka sinta.

Kapal man ng mukha ang sayo'y iharap
Wag mo sana tingan sa itsura sana makita mo ang puso kong malinis ang intensyon totoong tunay
Pakiusap muling buksan ang iyong sugatan hilom na puso;
Para sa lalake di uso ang laro

Sa bawat bigkas na taludtod
Pangako sayo di mapupudpod
Puso **** naupod napagod
Di na mauulit ang pagkakataon na iyon
Sayo'y di kahit kelan mapapagod
Intidihin ka sa bawat pagkakataon
Respeto at pangunawa ang aahon
Para sa panahon sa muling pagkakataon
Andito lang ako andito ako naghihintay at maghihintay sayo
Bryant Arinos Jan 2018
Ano nga ba ang pag-ibig?
Nakakain? Naluluwa? Natututunan katulad ng aralin o nababasa katulad ng mga maiikling tula?
Nanggaling ba ito sa mga kwentong banyaga at kwentong matatanda?
Siyensya? napaliwanag na ba niyan?

sa totoo lang di mo yan napag-aaralan,
kusa mo kasi yang mararamdam.
di mo rin yan pwede ipilit,
para kasi yang tao, kusang yang pumipili.

di rin yan nakakain katulad ng paborito **** chicken
o ng paborito **** pansit bihon, miki o canton.
hindi rin mahahalintulad sa mga palabas o mga kwentong wattpad na mababasa mo sa libro.

at para sa iba, sabi, pana raw ni kupido ang dahilan
tinig ng sirena naman ang kwento ng iilan.
di naman dahil raw kasi sa naaakit sila sa panlabas na kaanyuan.
hahahaha kalokohan.

Wala pang nakakapagpaliwanag niyan.
siyensya? pwe, di lahat kaya niyan patunayan
basta para sa akin, isa lang ang alam ko diyan.
Ang pag-ibig ay regalo mula sa langit.

di mo na kailangan pag-aralan,
di mo na kailangan pagexperementuhan
di mo na kailangan ng kahit na anong katibayan.
tandaan mo lang. Regalo yan ng may kapal.

kaya bilang tipikal at praktikal na estudyante, wag kang magmadali,
darating rin sayo ang mga bagay na ganyan
Di mo lang alam, matagal nang nakasulat sa tadhana mo ang kwento na nakalaan sayo.

wag **** pangunahan!

imbis na pairalin ang tibok ng dibdib,
subukan paganahin ang isip.

MANGARAP! MAG-ARAL! MAGPURSIGI!

wag muna maglandi!

pag-aaral ang unahin
para makabawi sa paghihirap ng mga magulang natin.

at huling pasabi para sa lahat ng kabataan
at basta paalala sa lahat ng umiibig,
wag **** hayaang mabihag ka ng kalituhan ng mundo
protektahan mo sarili mo.
yakapin mo ang puso mo.

Regalo ng may kapal,
Pangalagaan mo.
AUGUST Oct 2018
digdi sa eskwelahan igwa nin mga pakawat
sa kada estudyante, gabos naghuhurulat
kun sain sinda pwede makaintra
para mailuwas an saindang talento asin makakaya

ano man an gibuon gabos patarabang-tabang
nagkikiwa lang, sin pensar an kapagalan
ano man an  gibuon gabos may pagkasararo
maski pa an lakawon grabe kaharayo, dai nin suko

kun paghihilingon garo man an sa tunay na buhay
kun iisipon maski pagal bawal an magpahuway
laban lang asin dai magpadaog
patunayan kun nano kita kakusog

an kawat garo an buhay sa kinab-an
kaipuhan kusogan an  boot asin dai panluyahan
girumdumon an kada hiwag laogan nin pagkamoot
magtubod tanganing an satong pangaturogan maabot

sa pagtarabangan, igwa pa da sin dai kaya?
ayaw kahadit kay uya kami, siya, ikaw asin ako,
uya KITA!
sarong boot, sarong misyon, sararo kirita
an gabos sa kinaban kakayanon ta.
ESP Nov 2014
Nakakainis kasi may bago na
akong mahal pero,
sumasagi ka pa rin
sa isip ko, walang hiya

Hindi naging tayo
Walang dapat na closure
Pero bakit kailangan ko ng
closure?

Bakit nila ako pinipilit sa'yo?
Bakit ko rin pa tinatanong
ang sarili ko?
Bakit kailangan may ganito?

Walang tayo.
Walang ikaw at ako.
Ang meron lang, ikaw
Ako

Bakit gusto kitang makita?
Anong gustong patunayan
ng puso ko?
Anong ibig sabihin n'un?

Masyado bang unfair ang
dalawang mahal?
Pero may mas mahal
Alam kong hindi ikaw ang mas
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Miru Mcfritz Jan 2019
ayoko maniwala sa pag mamahal
hindi rin ako naniniwala sa
pang matagalan
ayoko maniwala sa mga ganyan
bagay na wala naman kasiguraduhan.

hindi ako naniwala sayo,
sakanya, maski sa sarili ko
at maging sainyo
hindi mo na kailangan
mag bigay ng proweba para
utuin ako at paniwalain ako.

ayoko maniwala sa mga
nararamdaman na lalo
nagpapagulo sa isip ko
kung bakit biglang nag babago
ang lahat ng bagay sa mundo.

hindi ako maniniwala.
at mas lalong hindi ako
naniniwala na nagparamdam
ang mga ganito na hindi
maipaliwanag kung paano
sumibol ang nararamdaman
ko para sayo.

ayoko maniwala kasi
ayoko naman talaga maniwala.

hindi naman totoo to kasi
hindi naman talaga kasi totoo to.

kaya tama na ang pag uudyok
sakin na totoo ang lahat.
tama na kung pwede lang
pakiusap lang sana.
hanggat maaari
hanggat maaga pa
hanggat kaya ko pa

kung pwede lang
wag mo nalang sabihin sakin.
patunayan mo nalang
na totoo ang lahat ng hindi
lang sa salita kundi sa gawa


para maniwala ako,
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
070716 #SirFrancisHouse #ElNido

Mapalad ang nauuhaw,
Mapalad ang nagugutom,
Ngunit iba ang guhit sa'king palad.

Inalok Mo sa'kin ang luha't delubyo
Hindi Ka humihinto sa pagtapon ng dalamhati.
Mistulang kupas ang kaibigang Bahaghari
Pati sa pag-asa ba'y kami ri'y may kahati?

Sumisipol ang Hangin, umiindayog
Kaya't nagtatagisan ang mga Puno't Halaman.
Matira matibay sa ganitong labanan,
May ibang yayakap sa angkan,
Ang iba'y nagsisimatay na lamang.

Gaya ng pangarap, gumuguho ang akalang matitikas.
Pag binagyo Mo'y magdudumi sa kalye't
Tangay ang tubig na tsokolate.
Walang nauuhaw kaya't walang nagwawalis,
Tila ang lahat, sumusuklob sa yerong palamuti.

Alam kong iba Ka sa kanila,
Kaya't hindi Mo na kailangang patunayan pa.
Kung ganyan Ka lumaban, buhay ng iila'y may pangwakas na.
Sapat nang nandyan Ka, kaya't lumisan Ka na.
Napakalakas ng ulan at hindi namin magawang tumungo sa site. Kahapon lang, kakaiba rin ang ihip ng hangin, siyang tila may pasabog sa lupain. Wag naman sana.
Eugene Feb 2018
Tama na! Tama na ang mga pagtangis.
Tama na ang mga pagdurusang nararamdaman ng aking puso.
Tama na ang mga pasakit na pinapasan ko sa mahabang panahon.
Tama na ang mga luhang palagi na lamang pumapatak sa tuwing naiisip kong wala akong kuwenta!

Hanggang kailan ba ako dapat na aasa sa wala kung hindi naman akong kayang mahalin ng taong mahal ko dahil ako ay iba?
Bakit ko ipagpipilitang isiksik ang sarili ko kung sa simula't sapul ay hindi nila ako maintindihan?
Dalawang beses lang ako nagkamali at sa mga pagkakamaling iyon ay humingi ako ng kapatawaran pero bakit tila hindi ako pinakinggan?
Nasaan ang kalayaan kong ako ay dapat na pakinggan sa mga isiniwalat kong pawang katotohanan lamang?

Anong pruweba ba ang dapat kong ipakita upang mapagtanto nilang karapat-dapat din akong mahalin,
at bigyan ng pagkakataong
patunayan ang sarili kong hindi ako ang taong inakala nilang katulad ng taong kinamumuhian nila ng mahabang panahon?
Pera lamang ba ang kailangang maging dahilan upang mapansin ang kahilingan kong matagal kong inasam na makamit ito?

Tao pa ba ang tingin nila sa akin o bagay na kapag nakuha na ang gusto ay itatapon nalang nang walang pasubali at hindi na kayang balikan o kamustahin?

Hindi ako nagmamalimos ng pag--ibig mula sa kanila!
Ang gusto ko lamang ay tanggapin ako sa kung sino ako at kung ano ang nakaraan ko.
Sana ay bigyan naman nila ako ng puwang sa kanilang puso pagkat ako ay sabik na sabik na sila ay mahagkan nang mahigpit.
Kung buhay pa sana ang ilaw ng aming tahanan ay hindi niya pahihintulutang magkakaganito ako.

Tama na!
Tama na ang mga baluktot na katwiran!
Tama na ang mga salitang iyong binibitawang
Hindi sumasang-ayon sa nilalaman ng iyong puso at sa sinasabi ng iyong isipan.

Ikaw na nagmamahal pa, magmamahal pa ba,
Kung kaliwa't kanan ng ipinaparamdam sa iyo na hindi ka nararapat maging bahagi ng mga puso nila?
Ikaw na nagmamahal pa, magpapatuloy ka pa rin ba
kung tahasan ka nang itinataboy sa pintuan ng kani-kanilang damdamin at isipan?

Saan ka nga ba nagkamali?
Ang mahalin sila nang buong puso, tapat, at totoo?
O ang umasa ka sa mga mabulaklakin nilang mga salita
Na kasinungalingan lang pala ang lahat at hindi ikaw ang nais nilang makasama?
Andy May 2020
Isa kang manunula na karapat-dapat
magmahal at maging masaya.
Isa kang tula
Na may angking ganda
Na minsan ay hindi maintindihan
Kung hindi nilalaan ang oras upang pag-isipan

Minsan pinupuna ng iba
Dahil hindi sila nito pinapasaya
Hindi nila alam
Paano mahalin ang tula
Tanggapin ang lahat ng tayutay at salita nito
Na hindi na kailangan ng kapalit o salitang panibago

Wag kang makinig sa kanila
Ikaw ang tula at manunula
Ikaw ang may hawak ng sarili **** istorya
Ikaw ang magdedesisyon sa bawat salita, linya o stanza
Yakapin mo ang sarili **** ganda
Hindi mo kailangang patunayan ang sarili mo sa iba

Ako’y tanging nagbabasa lamang
Nagmamahal at nagsusuporta
Kung kakailanganin **** humiram ng ilang salita mula sa akin
Wag kang magdalawang-isip na ako’y kausapin
Alam kong balang-araw, malayo ang iyong mararating
Kung hindi ka naniniwala, magtiwala ka lamang sa akin
This was a poem I wrote for a friend's 18th birthday. The original title had her name on it but I tweaked it to make it more general. :>>
Kenn Dec 2019
6:40AM...

Oras.
Oras.
Oras...

Panibagong oras ang dumating,
Ngungit di parin nagbabago ang aking hiling,
Unang sulat ng taon,
Parang tubig na umaalon.

Sa sobrang lakas nito,
Ako’y tinamaan sayo.
Tinamaan sa bawat memorya,
Na hinahanap hanap kung nasaan ka.

Mga memorya kung saan bago,
Na alam kong ako’y hindi matatalo.
Pumasok ka pa lang sa buhay ko,
Duon pa lang panalo nako.

Di alam ang mga salita na bibitawan,
Sa sobrang pagmamahal na nakasanayan.

Isa lang ang masasabi ko,

Sa’yo ko lang nakita ang tunay na pagmamahal
na punong puno ng aking dasal.
Na alam kong lahat ng ito ay hindi panaginip.

Maligayang Bagong taon aking Binibini!

Oras na para patunayan kung ano nga ba ang pagmamahal.
Notes of K (1/366)
JT Dayt Nov 2015
Ilang taon mo na ba akong ginugulo?
Ilang umaga na ba akong nagigising na litong-lito?
Ilang linggo na bang hindi na gustong dumalo?
Ilang araw na tinatanong ang sarili ko

Ano bang nawawala sa akin at hindi ko matagpuan?
Ano bang kulang at hindi ko mapunuan?
Bakit kahit ilang beses kong subukan
Ang puso ko gusto ka nang sukuan?

Hindi ko kasi kayo maintindihan
Ang daming kailangang gawin at patunayan
Hindi ko makuha ano ba ang dahilan
Kaya ang sarili ko ngayon, nahihirapan

Hindi malinaw eh,
Kasi nga Malabo
JOJO C PINCA Nov 2017
SAPAT BA ANG MGA SALITA SA SINAPUPUNAN NG IYONG GUNITA?
MERON BANG PATINIG NA MARIRINIG SA IYONG TINIG?
ANG IYONG MGA UNLAPI HINDI KAYA SILA MAPIPI?
KUNG SA TINGIN MO AY MATIBAY ANG IYONG PANULAT, SIGE MAGPATULOY KA,
PATUNAYAN MO NA IKAW AY ILOG NA HINDI RIN NAMAN NATUTUYO.

ITALA MO SA TALA ANG IYONG MGA ALA-ALA
AT HUGUTIN MO SA IYONG DIBDIB
ANG MGA LINYA NA MAPANG-ANYAYA
NANG SUMAYA NAMAN KAHIT ANG MGA NAPANGANYAYA.

HAYAAN MO NA ANG IYONG PANULAT
AY MAGSILBING PISIL SA PUSO NG LINSIL
NANG SA GAYON AY HINDI NA S’YA MAKAPANIIL.

SAKBIBI KA MAN NG LUNGKOT
NOO MO’Y WAG SANANG MANGUNOT
YAKAPIN MO ANG IYONG MGA TULA
UPANG HINDI KA MABUGNOT.

MAKABAGONG MAKATA
HANDA KA BANG MAMANATA
UPANG HINDI MAGMUKHANG DELATA?
Virgel T Zantua Aug 2020
Huwag mo ng dagdagan ang bigat
At baka hindi ko na mabuhat
Mga sinasabi mo'y salungat
Sa mga nakasulat sa aklat...

Ano ba talaga ang layunin
Walang tigil kung ako'y inisin
Nakakalito kung iisipin
Wag selos ang iyong pairalin...

At bakit ka nga ba nagagalit
Ano ba ang iyong hinanakit
Dahil ba sa hindi mo napilit
Ang pagmamahal mo sa may sabit...

Pagkatao mo'y nakakatakot
Ang kaisipan mo ay baluktot
Kahit sino ay napapaikot
Sa daldal ng dila **** kulikot...

Ano ang gusto **** patunayan?
Na ikaw ay angat sa lipunan
Ang anino mo'y may kayabangan
Ngunit natatakot sa harapan...

Ano man ang gawin kung pag-iwas
Di niya ako pinapalampas
Sa mga kwento na walang basbas
Sinisira ang isipang wagas...

Sa katotohana'y sumasabay
Upang pagbabago'y maging tunay
Ayoko na ng magulong buhay
Tumigil ka at magnilay nilay...
Pilipinas anong nangyayari sa'yo?
Ang dating bayan ng matatalino.
Bakit, lahat ata ay nawala na sa huwistyo.
Ginagawang biro pandemyang ito.

Huwag po sana tayong ningas-kugon.
Noong una lamang magaling ang pagtugon.
Ngunit naging suwail at pabibo ng naglaon.
Sige lang, hanggang lahat na tayo nakabaon.

Hindi ninyo ba talaga alintana?
Ang sa ating lahat ay nagbabadya.
Kalabang di nakikita, sakunang nakadamba.
Walang malakas, walang mayaman lahat tayo ay biktima.

Hindi ba kayo naaawa sa mga bata at matatanda.
Idagdag nyo pa ang mga may sakit na madaling mahawa.
Maaaring ilan po sa kanila ay iyong kapamilya.
Tumahan ka po sa bahay para sa kanila.

Tulungan po natin ang ating lingkod bayan.
Mapa Sundalo, Doktor, nars o basurero pa yan.
Huwag nating dagdagan hirap na kanilang pinapasan.
Huwag na nating ilagay buhay nila sa kapahamakan.

Huwag na po nating antayin lumalim.
Hanggang masaksihan ang di kakayaning lagim.
Magdadala sa ating buhay at bansa sa takipsilim.
Pakiusap, tayong lahat ay magdasal ng taimtim.

Labanan po nating lahat ito, Kapwa ko Pilipino.
Iyan ang lahi ko at lahi mo.
Diba likas sa atin ang pagiging matatalino.
Ngayon natin patunayan ito.

Sumunod na po tayo sa Gobyerno.
Simpleng utos na kayang sundin ng kahit kanino.
Wag na pong lumabas ng bahay ninyo.
Kung di man lang importante ang rason nito.

Sumunod na po tayo, Please lang
Ang makukulit ay babarilin, BANG BANG
Para kang latang nasipa, TANG TANG
Andyan na ang sundo mo, **** ****

Siguro nga kailangan na ang Kamay na bakal.
Para ang mga suwail tuluyang masakal.
Ang rason ay masarap ang bawal.
Kaya pati buhay ng iba ay isusugal.

Huwag na nating pabayaan, Inang bayan.
Matatalo lamang itong kalaban.
Kung tayong lahat ay magtutulungan.
Bagkus na magturuan at magsisihan.
Maisunshine Dec 2017
Anibersaryo ng ating mainit n pagmamahalan, kung san nagsimula ang mainit n disyembre na hindi ko malilimutan.

Kung sana nabigyan ng pagkakataon na patunayan ang nararamdam
E sana tayo ngaun ay masaya at nagdiriwang.

Ako nalang ang nakakaalala at binabalikan ang naudlot na pagiibigan,
Dahil itong iyong nilimot at pilit tinuldokan.
December 3 2015
Ice Oct 2018
Pag buhay ka people keep on talking how useless you are as person. They don't realize your worth unless your dead. It's funny how we live in that kind of society. Kahit anong gawin mo or ipakita mo para patunayan na "you can do it" wala rin. That's why most of the people are trying to commit suicide, suffering from a depression and they think that they are alone. Kasi sa bahay pa lang nila wala na. Kaya umabot sa punto na once na Hindi nila kaya they come up to a decision na mahirap manggawin ay ginagawa nila para makatas sa kalungkutan. That's the time where they realize your worth like "Matulungin at saka mabuti naman yung taong yan."
Michael Joseph Oct 2022
"Nak, kumusta ka na?" habang inihahain yung Cinnamon bread mula sa oven.

"Naku, Ma'am. Ito single pa rin, dami ko pa kasi need patunayan sa sarili ko."

"Gaganda na nga ng mga na-achieve mo eh kulang pa ba? Hanapin mo rin yung magpapasaya sayo, ako nga simpleng life lang pero masaya ako sa partner ko at sa work ko."

Bumulong sa katrabaho, "Siya yung sinasabi kong prof namin na life coach rin. Pinakilala niya sa akin yung the Ballad of the Lonely Masturbator ni Anne Sexton. Sobrang ganda niya pumili ng mga piyesa para sa class namin."

Ay, Ma'am, si Ara nga po pala. Katrabaho ko."

"Ay, hi po, Ma'am."

"Ikaw ba, pinopormahan ka ba nitong si Michael?" Pabirong udyok ni Ma'am Pola.

"Ingatan mo si Michael, mga sunod na faculty to ng CAL."

"Ay, Naku, Ma'am. Di po ako qualified, baka maligaw ng landas mga taga ABE. Hehe."

"Lahat naman tayo, may mga bagay na akala natin di pa tayo qualified, pero binibigay sa atin kasi may mga taong alam kung ano talaga kaya natin. Ngayon lang yung memo nagrerequire ng Masters kaya di na kayo makapasok. Tignan niyo nga kayo, ang gagaling kaya ng batch niyo."

"Oh, eto nak, mainit-init pa yung order mo, apat na boxes ng Cinnamon bread. Pasensya ka na ginabi ka na ang dami ko ring binebake, baka may pasok ka pa bukas."

"Ay, salamat po, Ma'am. Buti po at bumuti-buti na pakiramdam niyo. Solid po yung mga binabake niyo sana mabuksan niyo uli yung store niyo sa may great wall."

"Ay naku, hoping and praying anak. Sana maging masaya family mo sa binake ko."

"Naku, Ma'am, bentang benta to kasi minarket ko na sa kanila. Sana kahit papaano nakatulong po ako."

"Thank you, Mike ah. Balitaan mo ako at kumustahan tayo sa kape pag may time pa."

"Bye, Ma'am. Ingat po kayo lagi."
Alaala ka palagi, Ma'am Paula Arevalo-Destacamento .

Salamat sa literatura, sa maayos na pagtuturo, sa pagkain, sa inspirasyon, at sa iyong buhay.
Yhinyhin Tan Jul 2022
Kung sakaling bigla silang maglaho
Hindi mo na  matukoy kung saan ka patungo
Wari ba'y hindi na muling iikot ang mundo mo
Pwede ka naman panandaliang huminto
Magpahinga muna at saka ka bumwelo
Pausad sa mga pagsubok na mapaglaro
At saka mo patunayan sa kanila na hindi tayo madaling sumuko.


—Ate Yhin 807pm7142022
Okay lang yan Yhin, mawala man sayo iyon, isipin mo na lang na sa bagong mundo na papasukin mo, lalago at lalago ka rin 🙃
Ikaw ang una kong naiisip
tuwing umaga pag bumangon ako.
Ikaw ang huling naiisip ko
tuwing gabi pag pumikit ako.

Nasa bawat akala mo ako
at bawat hininga ko.
Lalong lumalakas ang aking damdamin
sa bawat galaw ko.

Gusto kong patunayan mahal kita
ngunit iyon ang pinakamahirap na bahagi.
Kaya, ibinibigay ko sa iyo ang lahat ng dapat kong ibigay
Ibibigay ko sayo ang puso ko.

— The End —