Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Jan 2020
Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..

Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,

Walang wala na kong malapitan,

Walang wala na kong makapitan,

Wala nang gustong makinig,

Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.

Ikaw lang ang natatangi.

Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.

Ganoon din ako..

Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.

Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.

Baligtad na ang mesa.

Nandito na ko.... muli.

Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel

Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita

Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.

Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.

Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan

Mapagbiro.

Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon

Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag

Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom

Hindi ako naniniwala sa swerte.

Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.

Buti na lang mayroon akong babalikan.

Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.

Matagal ang isang taon,

Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo

Binuo ko sila na parang mga bahagi ko

Akala ko ay tapos na...

Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?

O mali.. baka wala talagang paglaya

Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?

Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,

Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap

Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,

Nanaisin **** isara ang pahina..

Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...

Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.

Teka.. teka..

Buburahin ang ilang metapora.

Masyadong madrama.

Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita

Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,

Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala

Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...

Puno ng emosyon.

Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.

Hindi bale.

Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,

Hindi importante ang sukat at tugma,

Sa susunod na babasa ka ng tula,

Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.

Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,

Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
This is my another piece which is written in Filipino. And, it is a free verse poem.
Lance Cecilia Jan 2017
Kumapit ka.

'Wag kang bibitiw mula sa 'king kapit,
Kung kailanga'y dakutin mo ang aking damit.
'Wag nang mag-atubili at ika'y humawak nang mahigpit,
At makinig sa lahat ng aking mababanggit.

Hindi lahat ng pangarap ay nakakamit.
Hindi lahat ng bituin ay naaabot.
Hindi lahat ng bundok ay naaakyat,
At hindi lahat ng kapatagan ay nalilibot.

Hindi lahat ng bukang-liwayway at dapithapon ay romantiko,
Ngunit bakit kaya'y sa bawat pagsalubong ko sa araw ay ikaw lang ang laman ng isip ko?
Hindi lahat ng panahong magkasama tayo ay puno ng kilig,
Pero bakit kaya'y tila nauuwi na yata ito sa pag-ibig?

Hindi lahat ng araw ay puno ako ng tuwa,
Pero salamat nga pala sapagkat ikaw ang dahilan ng aking saya.
Hindi lahat ng tulog ko ay mahimbing at mabisa,
Ngunit dahil ikaw ang aking panaginip, salamat na rin pala.

Ikaw ang pangarap na gusto kong makamit,
Ang bituing nais maabot,
Ang bundok na iniibig kong akyatin,
Ang kapatagang gustong malibot.

Kapag kasama ka'y ang bawat takipsilim ay nagiging romantiko,
Nagiging matingkad ang kulay ng bawat bahaghari,
Nagiging sabay ang kumpas ng bawat kanta sa tibok ng aking puso,
At nagiging katotohanan ang isang pangarap na nais kong makamit

Ngunit salamat sa pagturo sa 'kin
Na hindi lahat ng nagmamahal ay minamahal din.
Hindi lahat ng ginawa ko ay kaya **** gawin.
At ang pinakamasakit sa lahat, ay 'di mo pa rin ako kayang mahalin.
Xian Obrero Mar 2020
Nakaupo't-nag-iisa, kagaya kahapon sa bintana siya'y nakadungaw
Mula sa kanyang silid, mga mata niya'y malayo ang tinatanaw
Ang palagi niyang inaabangan ay ang napakagandang paglubog ng araw
Sa paglubog nito'y siya ring pagsalubong niya sa gabing walang kasing ginaw.


Sa paglipas ng panahon ay nasanay na nga siyang palaging ganoon
Ang paglubog ng araw ay inaabangan niya pa rin maging hanggang ngayon
Hindi siya nagsasawa at napapagod sa paghihintay buong maghapon
Wari'y kakayanin niya ring mahintay ang pagtuyo ng mga dahon.



Ang wika niya, "Sa tuwing lulubog ang araw ay naaalala ko siya"
Naaalala niya raw ang kanyang sinta at ang taglay nitong yumi at ganda
Kasing liwanag rin daw ng araw ang pagkislap ng kanyang mga mata
Ngunit isang hapon raw ay bigla na lang itong kinuha sa kanya.



Sa labis niyang pagmamahal sa sinisinta niyan iyon
Nabatid kong marahil sa lungkot ay hindi siya makaahon
Kaya pala ganoon na lang ang kanyang paghihintay sa buong maghapon
Sa paglubog na araw pala na nagpapaalala sa kanyang sinta kahit papaano siya'y nakakaahon.
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
112017

Baka sabihin ****
Hindi na ako marunong magbilang
Kung magsisimula ako sa bente-singko —
Sa bente-singko kung saan sa lumipas na mga tao’y
Wala pa ang Ikaw at Ako
At marahil ang Ikaw at Ako ay pawang nasa piling pa ng iba.

Baka sabihin **** mahina ako sa numero
Kung gusto kong magsimula sa bente-singko
Kung saan alam kong ang una, pangalawa
At susunod pang pagbibilang ko’y
Tanda ng pagsalubong ko sa buhay na kasama ang Ikaw.

Pero teka, ayokong magmadali
Ayokong mag-aksaya ng bukas o makalawang
Nagtatago sa mga letra ng tula —
Pero salamat, hanggang sa susunod pang mga numero.

At oo, nagsimula na akong magbilang —
Magbilang nang walang katapusan
Parang pag-ibig,
Ikaw ang Pag-Ibig.
Xian Obrero Jun 2020
Sa pagkagat ng takipsilim isa lang ang natatangi kong hiling,
nawa'y sa agad na paghiga ay siyang agad ring mahimbing.
'pagkat ako'y sabik na ng labis na muli kang makapiling—
hintayin mo aking sinta, sa tagpuan natin ako'y darating.

Sa napakalaking puno tayong dalawa'y nagtagpo
Tila nag-uusap ang ating isip at puso kahit hindi kumikibo,
hindi ako makapagsalita sa kadahilanang dinadaga ang aking puso..
Sa pagsalubong mo sa akin, niyakap kita at hinalikan sa iyong noo.

Mga luha mo'y nagsitulo mula sa'yong napakagandang mga mata,
wala akong ibang nagawa kundi titigan ang iyong napakaamong mukha..
Sadya namang hindi natin masukat ang kaligayahang nadarama,
Hiniling ko na sana ang oras na iyon ay hindi na matapos pa.

Muli sana akong lalapit para muli kang yakapin,
ngunit sa aking pagkahimbing kinailangan ko nang gumising.
Huwag mag-alala, aking sinta 'pagkat muli akong darating...
sa aking susunod na mga panaginip ang oras ay atin nang susulitin.
solEmn oaSis Jan 2022
sa paglikha ng tuwina kong katha
madama mo din sana ang kakatwa
ngunit nakasanayan ko nang pagtatwa
hinggil sa himpilan ng tagong lubha

naririnig kahit di man pakinggan
nahihilig saglit kundi man tanggihan
inaaliw pilit ang sarili sa kundiman
bumibitiw singkit kong ngiti panandalian

dahil sa dingding lang ang pagitan
hilahil ng singsing dagliang pasakitan
walang pasakalye kang papanigan
humarang pa sa kalye silang marasigan

sapagkat ang magtengang-kawali
sa pangkat ay sadyang balewala rin
kapit sa patalim talagang tatanggapin
kahit pa maitim pawang palipad-hangin

wala kasing malaking nakapupuwing
ika nga nitong napipintong
pagsalubong
niyong yaong paimbulog na daluyong
tila halinghing, pakiwaring
may naduduling

dagundong ng kulog kung maihahambing
ang gulat na sumilay sa mga mata mo
sa halip ang kalakip yaring halukipkip
namulaga't humimlay di nais matamo

yun bang sa kabila ng pagka tulog-mantika
nakuha pang magbuhat ng silya-elektrika
tagos sa buto ang hiwa ng pahiwatig
halos tanto ang tugatog na matigatig

may tainga ang lupa, may pakpak ang balita
ganyan ko maikukumpara Ang Mala - Palara
na sistema ng isang walang muwang na puwang
pag sa sandaling mag-pasaring ang ingay ng kulay

mala-abokado ang sapak' na mau-uLinigan
mansanas sa pagkapula sa kabalintunaan!
mga paksa na may pasak natutunghayan,
tuwing ang kapas ay sawing masasaksihan

" Ang dapat ay isang Wika sa Magandang ibubunga "
pambihira naman ang mga dalahira ,
wari bagang mapupunong inuugatan !
Martes pakatapos ng Lunes ! Linggo lang ba ang pahinga ?
I was suppose to say that
precious or not
misuse or important
I always neglect the fact
of those direct track
coming from the back
of my splitting spit of my pen
symbolically every now and then
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
110621

Noong bata pa ako'y
Saba-sabay kaming mag-uunahan
Sa pagsalubong kay Inay.
Yayakap at magmamano sa kanya,
Sabay uupo ang nauna sa laylayan ng kanyang palda
Habang syang namamahinga sa lumang upuang
Yari pa sa Narra.

Ni minsa'y hindi ko naisip
Na ang pagkalong ni Inay
Ay may katumbas pala sa aking paglaki.
Marahil bata pa nga talaga kami noon,
At wala kaming ibang inatupag
Kundi ang pag-aaral at paglalaro.

Ilang taon na ang lumipas
At malapit na rin ang araw
Na ako mismo'y lalayag sa sarili kong bangka.
At hindi na ito laru-laro lamang,
Pagkat sa bawat pasyang aking susuungin
Ay iba na ang aking kasama.

Sabi nya nga sa akin,
Handa na syang akayin ako.
Hindi lamang sa kanyang mga bisig
Pero maging mga responsibilidad
Na itatangan ng panahon at tadhana sa kanya.

Ganito pala ang pag-ibig,
Kung saan handa tayong humakbang nang humakbang pa.
Hindi tayo maaaring huminto dahil tayo'y pagod na.
At alam ko, sa tamang panaho'y
Handa na naming kalungin ang isa't isa.
Louise Sep 29
Kasabay ng iyong pagpikit
ay ang imbay ng aking katawan,
pag-alon ng mga balikat at pagkibit.
Kasabay ng iyong pagtalikod
ay akma akong aapak at papalakpak,
dahan-dahang papalapit sa entablado.
Kasabay ng iyong pagkukubli ng damdamin
ay ang pag-muwestra ng tadhana sa akin,
pag-gabay tungo sa kung ano ang tuwid.
Kasabay ng pagtago ng nadaramang totoo,
ay ang siya ring paghahanap ko ng sagot
sa wari’y hindi mo masagot na tanong.
At kasabay ng pagsasara nitong kurtina,
ay ang paghinto sa pagpatak ng luha
at ang ating maligayang paglaya.
At kasabay ng pagdidilim nitong entablado
ay ang kaliwanagan na di nahanap sa’yo
at ang aking pagsuko para sa teatro.
At kasabay ng kanilang hikbi at palakpakan
ang pinakahihintay na pag-uwi sa kawalan
at pagsalubong sa sarswela na naman.
Malalim na ang gabi
Habang sumisimangot ang alaala.
Ngunit magka ganoon ma’y
Kaya itong patahimikin
Ng pabulong na paghikbi
Ng ulang isinalin sa garapon.

Ang alat ng karagata’y
Syang sumalo sa mga binhing magagaspang.
At nagmistulang mga pamaypay ang mga alitaptap
Sa kanilang pagsalubong
Sa pira-pirasong bangkang nilamon ng dagat.

Ang kumot na walang hangganan
Ay nagsilbing maskara
Upang pansamantalang hilumin
Ang tinaboy at isinuka ng naglalagablab
Na hindi nakasusunog.

At ang apoy na taglay nito’y
Sya ring naging panghilamos
Ng pininta ng kidlat at kalangitan
Na syang sumuklob sa kanyang pamumuno.

Walang numerong mailimbag
Buhat sa sapilitang pagnanakaw
At pataksil na paglisan
Ng mga abong naging multo.

At doon naging pamatid-uhaw
Ang mga halik na ipinagtagpi-tagpi
Ng mga luhang maalat at walang direksyon.

Tila ito na ang pagmartsa
Ng kani-kanilang mga multo
Patungo sa libingang walang mga pangalan.
Silang mga walang mukha
At tanging abong ipinag-isa sa karagatan.
Jun Lit Nov 2018
Sa sulok ng isipang dinadaluyong
ng mga sanlibong sala-salabat na tanong
may paanyaya kang pagdamay ang layon
mula unang lagok, mainit ang pagsalubong.

Maraming katanungang pumapatak sa diwa
Tila ulang tikatik, ulang walang sawa
Hindi lang ‘ano?’, ‘sino?’, o ‘saan?’ ang humiwa
Puso’y sinugatan ng ‘paano?’, ‘bakit’ at ‘kailan kaya?’

Sa bawat pagsikat ng araw sa Malarayat sa Silangan
Lulubog din ito tan’aw ang Maculot sa kinahapunan
Tagumpay at sigla noong kapanahunan
Mga bituing nawawala, pagsapit ng sangang-daan

Kaya’t hindi dapat malasing, malango
Sa naabot na rurok o kayamanang lumago
Pagka’t batas ng Kalikasan ang siyang nagtuturo
Na lahat ng ito sa malaon o madali’y maglalaho

Pag-ibig na busilak, mananatiling buo.
My eighth in my Brewed Coffee Poems series; poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
Enero Diez y Seis, Dos mil Kinse
Lulan ng isang simpleng kotse
Unang tinungo Palasyo ng Malacañan
Pinagsabihan mga pulitiko huwag magnakaw sa bayan
Sa pagpasok ng palasyo binasbasan mga bata
Sa paglabas ng palasyo binasbasan matanda
Ikalawang tinungo Manila Cathedral
Pinangunahan pagdaos ng Misang Banal
Sa pagdating, sakay muli ng Pope Mobile
Sa pag-alis, mga umaantabay sa daan ‘di parin papigil
Huling tinungo Mall of Asia
Pinulong mga pamilya sa malaking asembleya
Sa pagsalubong may regalo mula sa may kapansanan
Sa pag-iwan may pailaw mula sa mga nagkakantahan
Ngayong araw kanyang isinulat sa talaan
Panalangin ng pag-unawa, kapayapaan at kaginhawaan.

-01/17/2015
(Dumarao)
*Pope Francis Fever Collection
My Poem No. 317

— The End —