Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Taltoy Apr 2017
Aking damdamin, aking hinaing,
Dahil sa mga saloobin, mga hiling,
Bilang isang batang walang muwang,
Sa mga bagay na sa paningi'y hunghang.

Nilalaman ng aking mga tula,
Mga dinaramdam sa buhay kong payapa,
Buhay kung saan ako naging malaya,
Buhay kung saan ako ngumiti at lumuha.

Ang mga tula kong ito,
Sumasalamin sa damdamin ko,
Kaligayahan man o panibugho,
O mga nararamdaman lamang nitong puso.

Pagkat di ako sanay sa malayang taludturan,
Piniling may tugma ang hulihan,
Tugmang nagkukubli sa buong ng kwento,
Linimitahan ang mga salitang ginamit ko.

Mas gugustuhin kong itula na lamang,
'tong mga nais sabihing nakakahadlang,
Dahil sa tula, ako'y nagiging malaya,
Malayang naipabatid ang di masambit nitong dila.

Dito, puso ang pinapairal,
Paggamit ng utak matumal,
Dahil ito ang pinto ng puso ko,
Bintana ng damdamin ko,

Dito ko nalang linalabas ang gusto kong sabihin sa'yo,
Dito ko nalang linalabas pati mga pangarap ko,
Lahat ng gustong makamit at gustong maabot,
Dahil ang katotohanan, dito ko nililimot.

Ito ang mundo ko ng imahinasyon,
Salungat sa pananaw kong sa realidad sumasang-ayon,
Iniisip ang lahat ng maaaring mangyari,
Kahit na sa paningin ko, imposible.

Ito ang aking naging takbuhan,
Takbuhan sa mga panahon ng kalungkutan,
Kasama sa panahon ng kaligayahan,
At sandigan kung ako'y nag-iisa't iniwan.

Ako'y nasanay mag-isa kasama sya,
Sa lahat ng oras na walang makakasama,
Sa lahat ng oras na walang makausap na iba,
Kaming dalawa, nagbigay buhay sa isang makata.

Akin ang ideya, kanya ang paraan,
Ako'y napalapit na, kinahiligan,
Dahil dito nadama ko rin ang kaligayahan,
Sa pagsulat ng laman nitong puso't isipan.

Ito ang isa sa aking mga katauhan,
Makatang pagsusulat ay naging takbuhan,
Pagsusulat ang ginawang libangan,
Sa tula buhay ay ipinaloob, pati katapatan.
ginawa noon, ipinakita ngayon
JOJO C PINCA Nov 2017
Walang eksaktong kahulugan ang buhay, ang buhay ay buhay ganun lang kasimple yun, walang itong drama at lalong hindi kumplikado. Masdan ang galaw ng kalikasan. Sumisikat ang araw sa umaga at lumulubog ito pag hapon na. Ang buwan ganun din sumisinag ito sa pagsapit ng gabi at nagkukubli pagdating ng bukang-liwayway. Ganito rin ang mga bituin, lahat sila kumikilos nang ayon sa kanilang galaw at katalagahan. Kumbaga sa musika rock sila pero simple lang. Kalmante lang ang dagat pero minsan maligalig din s’ya kung kinakailangan. At ang hangin walang humpay sa kanyang pag-ihip.

Walang kahulugan ang buhay sapagkat tayo ang gumagawa ng kahulugan ng sarili nating buhay; tayo ang lumilikha ng sarili nating kasaysayan. Tayo ang pumipili ng sarili nating kahulugan. Doktor ka ba? Manggamot ka nang buong husay, sagipin mo ang maraming buhay. Sundalo ka ba? Makipaglaban ka nang buong giting, ialay mo ang buhay mo para sa bayan. Nagsusulat ka ba? Magsulat ka nang buong puso nang magliwanag ang isipan na malabo. Kung ano man ang napili mo’ng gawin, gawin mo ito nang buong galing. Kung umiibig ka naman, umibig ka nang buong tapat at iaalay mo sa iyong sinta ang lahat. Maging mabuti ka sa kanya, mahalin mo s’ya nang higit sa lahat.  

Walang kahulugan ang buhay, ‘wag mo itong hanapin sa relihiyon dahil wala ito roon. Panay kaulolan lang ang matutuhan mo sa mga nagbabanal-banalan at nag-aaring ganap, na kung umasta at magsalita akala mo ay kahuntahan nila ang Diyos. Wala rin ito sa pamahalaan at mga lingkod bayan kuno, lalong wala ito sa dami ng yaman.

Walang kahulugan ang buhay tulad sa isang tapayan na walang laman kailangan mo itong sidlan. Hindi bukas kundi ngayon ang panahon ng pagsalok ng kaalaman at karanasan kaya ‘wag mo itong sayangin. Walang kahulugan ang buhay ‘pagkat ang buhay ay isang kawalan na kailangan mo’ng punuan. Tulad ito sa blankong papel na kailangan mo’ng sulatan. Isang hiwaga na kailangan ikaw ang tumuklas. Walang kahulugan ang buhay basahin mo man ang lahat ng aklat at kahit pakinggan mo pa ang lahat ng talumpati sa mundo hindi mo ito makikita.

Walang kahulugan ang buhay ‘wag **** pagurin ang sarili mo sa paghahanap nito. Ang kahulugan ng buhay ay nand’yan sa loob ng puso mo. Kung saan ka maligaya naroon din ito. Aanhin mo ang maraming diploma at pagkilala kung hindi ka naman masaya? Ano’ng saysay ng mga palakpak kung huhupa rin pala ang mga ito? Hindi mo makikita ang kahulugan ng buhay sapagkat kailangan na ikaw mismo ang gumawa nito.
Angela Mercado Sep 2015
Tingin, tingin,
sa akin
mahal.
Hindi mo ba
tanaw?
Pagibig na
nagkukubli
sa lilim ng aking
mga mata?

Tingin, tingin,
puso,
magtigil!
Kinig, kinig,
o aking paraluman.
Hindi
mo ba kuliglig
ang tibok sa
aking dibdib?

Tingin, tingin,
hanggang tingin na lamang
ba?
Hanggang kumusta't
paalam na lang ba
ang itutura't
lalabas
mula sa 'yong labing
nais kong hagkan?

Tingin, tingin,
mahal,
ako'y
tingnan.
Pagmamahal ko'y
'di ba aninag?
Tingin, tingin,
paano nga ba?
Ngayo't puso mo'y tila
laan na para
sa iba?
iya Jun 2015
Kasiyahan na minsan hindi makita
Dahil sarili mismo ang nagkukubli
Sa tingin natin sa iba makikita
Nun pala ito'y nasa ating pagpapasya.

Kasiyahan ay isang pagpili
Sarili ang magpapasya ng nais na maramdaman
Huwag hayaan madala ng kalungkutan
Dahil ito'y isang kasinungalingan ng kaaway.

Kasiyahan ay panatilihing nasa buhay
Ito'y nakakabawas ng alalahanin sa araw-araw
At nagbibigay ng kalakasan na harapin ang buhay
Dahil ito'y bigay ng ating mahal na maylalang.
cherry blossom Jun 2017
"bakit ka ganyan mag-isip? hindi naman ako mawawala."
yan ang sabi mo sa akin noon
buti nalang hindi na ako naniwala
dahil kung sakali, hanggang ngayon ay magsisinungaling pa rin ako sa sarili ko
"patawad" lang ang naisagot ko
hindi ako perpektong tao kaya sana patawarin mo 'ko
hindi ko na binigyan ng isang segundo ang pag-iisip
dahil ang salitang ito
salitang nanghihingi ng kapatawaran mo
ay matagal-tagal nang nagkukubli sa'kin dito
ngunit bigyan mo ako ng kaunting panahon para magpaliwanag sayo
dahil sa pagkakataong ito lunod na ang sarili sa kasinungalingan
ng "patawad" noong simula palang
"patawad", dahil simula noong iniwas mo ang mga mata mo
noong akala ko ayos pa ang haligi na sinasandalan ko
hindi na ako naniwala
"patawad", dahil pagkatapos noong pagsisigawan natin
tumitig ka sa mata ko, alam kong patibong mo na naman 'to
kaya hindi na ako naniwala
"patawad", dahil sa tuwing sinasabi mo ang salitang "patawad"
halos hindi ko na maihulma sa utak ko ang ibig sabihin mo
kaya ni minsan hindi na ako naniwala sayo
at halos lahat ng salita na binibigkas ng labi mo
patawarin mo ako, dahil sa hangin ko nalang ibinabato
sa pagkakataong ito na nasabi ko na ang salitang "patawad"
sana patawarin mo ako
dahil hindi ko masabi ang lahat ng ito sayo
nais ko, pero ayokong sisihin mo ang 'yong sarili
ayokong isipin mo na ikaw ang nagkamali
pero sana pala binanggit ko nalang sa 'yo 'to
para ngayon hindi lang ako ang nahihirapan na bumitaw
dahil alam ko, matagal ka nang bumitaw
at akala mo ako ang nauna
pero hindi,
hindi, dahil hanggang ngayon nakakapit pa rin ako
alam ko ang totoo pero nakakapit pa rin ako.
naglalakbay ang utak ko, pasensya na tumigil sa harap ng ala-ala mo.j
dalampasigan08 Jun 2015
Unang Kurap

Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."
Sylvina Brave Feb 2018
Katulad ko, ang tao’y sadyang mapaglinlang kung minsan
Hindi lubos maisip na kayang gawin ng sino man
Sa mga nagtitiwala sa iyong karunungan
At ito’y maging sanhi ng sugat sa munting tahanan.

Ang mga nakapaligid ay apektado rin naman
Ngunit hindi kailanman na mas binibigyang-pansin
Ang mga mapanglait at mapanghusgang katauhan
Kaysa hinagpis ng mga nagmamahal na magulang.

Ako di’y nasasaktan sa kanilang pagdaramdam
Salitang binitiwan ng mga taong malapit man
Ang lakas ng loob ay unti-unting napapawi rin
‘Tsaka mag-isang nagkukubli sa loob ng tirahan.

Hirap mang unawain aking naging karanasan
Hirap ding tamuhin na ika’y kanilang tanggihan
Bunga ng kasalanan ay buong-pusong tanggapin
Akin ring susuurin kung ano man ang nailaan.

Natitirang lakas at tapang ay aking gagamitin
Tuloy pa rin ang laban sa likod ng kabiguan
Hanggang masalimuot na pangyayari’y maliwanagan
Namnamin pati ang nalalabi pang kasiyahan.

Taos-puso kong panalangin sa iyo, Panginoon
Na ipagkaloob ang hinihinging kapatawaran,
Ipinagdadasal ko ang minimithing kapayapaan
At ipagdiwang ang dalisay na bagong kabuhayan.
#reflection #failure #remorse #isolation #pain #pray #forgiveness #peace
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa salamin may pinapahid sa pisngi si Maya
Mga palamuting umaaliw sa paningin ng iba
Paglipas ng sandali'y anyo nga ay nag-iba
Ngunit katotohanan ay di maitatago sa likod ng maskara

May isang taong buong buhay ay naghukay
Inapakan ang lahat upang marating ang tagumpay
Ngunit hininga niya'y napagod na sa kahihintay
Sa huli, siya itong naghukay para sa sariling bangkay

Ngayong araw ay kaawaran ko na
May mga pagkatok, heto't bubuksan ko na
Pagbukas ko'y mga pagbati't regalo ang dala-dala
Sa pag talikod ko'y itak na ang naka-amba

Sino nga ba itong nagkukubli sa pangalan ng iba
At tila ba nagtatago sa mundong alam niya
May nais nga ba siyang ilihim sa paningin ng iba
At patakas na nagtatago sa larawan ng iba?

Ito'y ilang halimbawa na aking nabanggit
Tila nakamamatay na sakit, tulad ng inggit
Na anyo ng bawat isa na kanya-kanyang bit-bit
Na mga Pagkatao'ng tiyak na walang nagpapahigit.
JGA
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
Pusang Tahimik Dec 2022
Sa sigaw ng isip ay nais makalaya
Ngunit katunggali niya ay magaling na mandaraya
Hanggang kailan mo nanaisin ang lumaya?
Tanong ko habang naka ngiting masaya

Hindi nga niya kailanman maililihim
Ang totoong timpla ng damdamin
Ngunit kung ako ang papipiliin?
Hirap niya sa isang iglap ay nais ko'ng burahin

Tunay nga na siya ay magaling
Dumi ng iba ay kayang alisin
Ngunit sa sarili pag-dating
Mantsa ay hindi kayang tanggalin

Tunay na kulay nga niya'y itim
Siya'y nagkukubli sa anyong mahinhin
Siya nga ito'ng nakaharap sa akin
anyo ng lalaki sa salamin

At sa t'wing pag-bungad ng umagang maawain
Madalas siyang magtago sa lilim
At kasabay ng pag-agaw ng dilim
Sa lungkot nagdudusa ang kanyang damdamin
JGA
JOJO C PINCA Nov 2017
Hindi ako susuko
patuloy akong titindig at lalaban.
Sa kabila ng mga kabiguan
mananatili akong nakatayo,
hindi na ako muling luluhod
upang humingi ng awa sa diyos.

Malungkot man ang aking pinagdaanan,
kahit hindi naging masaya ang aking kabataan
hindi ako manghihina at mawawalan ng pag-asa.

Hindi ako mayaman
hindi ako tanyag
hindi rin ako makapangyarihan
ako ay isang hamak lamang.
Subalit natuto ang puso ko na
maging matatag kaya't hindi na ito
muling susuko.

Wala na akong Bathala na sinasamba
hindi na ako malilinlang ng mga hangal na lider ng relihiyon
na nagbabanal-banalan at naglilinis-linisan.
Tangan ko sa aking mga kamay ang aking kapalaran.

Mas lalo akong hindi magpapa-uto
sa mga mapagsamantalang pulitiko
na nagsasalita ng puro katangahan
para silang mga lata ng sardinas na walang laman.

Hindi ako padadaig
ilang beses man ako bumagsak,
hindi dadaing at magpapalimos ng habag;
hanggat tumitibok ang puso ko hindi ako patatalo
sa bigwas ng malupit na buhay.

Hindi ako natatakot na sabihin
ang laman ng isipan ko,
hindi ako mangingimi na isigaw
ang nilalaman ng aking dibdib.

Pag-uusig at pagkutya
ay laging naka-abang
parang halimaw na nagkukubli sa dilim
ano mang sandali ay handang sumalakay.

Hindi n'yo man ako tanggapin
ay wala akong pakialam
ako'y ako at mananatiling ganito
hanggang sa buhay ko ay mapatid.
JOJO C PINCA Dec 2017
Ito ang kahulugan ng pangalan mo,
Ikaw ang liwanag sa madaling araw,
Ang unang kislap na pumupunit sa dilim.
Ikaw ang simula ng umagang kay ganda,
Na nagkukubli sa haba ng gabi,
Habang umaawit ang magdamag.
Sumalungat ang hangin sa sikat ng araw
Kaya’t patuloy kang nagniningning.
Tiyak na naiinggit ang mga bituin
Sapagkat higit kang marikit kung ihahambing.
Ang buong maghapon ay tila isang panaginip.
Saan ba nanggagaling ang iyong ningning?
Nagmula ka pa sa kabilang kalawakan sakay ng bulalakaw,
Tila ganyan ang iyong pagdating.
Sige lang patuloy kang magningning
Nang magliwanag ang buhay na madilim.
Pusang Tahimik Jun 2021
Ang panukala ay itinago sa lihim
Lihim na nakakubli sa isang malalim
Na talinhaga na di kayang unawain
Nang isipang tinakpan ng takip-silim

Tila yata walang naka-uunawa
Kung ano ang mga panukala
Na nagkukubli sa anyo ng Salita
Na nariya'ng kasama natin at nakatala

Sino nga ang nakakikilala ng May-akda
Na nagpapahayag at Siya ring nagtakda
Nang mga kaganapang walang patda
Na Siya'ng tumpad din ng mga Itinakda?

Sino nga ba itong Salita
Na nagkukubli sa anyo ng mga salita
Na tinatawag ding Mabuting Balita
Na inyo nga'ng ipinamamalita?

Sino nga ang marunong at nakauunawa
Ipahayag iyon sa isip, salita at gawa
Ipakita ito sa kanyang kapwa
Upang may buhay ang kanyang mga salita
Tula, talinhaga, Panukala, Mabuting Balita, Salita,
Eyji Noblesmith Dec 2019
Siyang nagsisilbing tahanan at ilaw
At buhay nitong sangkalangitang bughaw
Ay s'yang sa pag-ibig ng anak ay uhaw
'Pagkat kasaysayan ng bandila't araw
Ay 'di na singtingkad at nakasisilaw

Mayroong bayani't magiliw na supling
Mandirigmang hahayo at magigiting
Ngunit mga lilong anak ay mayr'on din
Banyaga ang dila't hindi sasambitin
Ang panata sa inang dapat mahalin

Awit ng puso ni Inang Maralita
Na mula sa luha, pag-irog, salita
Ay hindi kaylanmang dininig ng madla
Na nukal sa bayan subalit ang sutla
Ng kasuota'y kay Ina'y 'di nagmula

Ang inang mayaman sa ganda ng ngiti
Ay nagkukubli sa likod ng pighati
Palibhasa ay dalita sa pagbati
At pagmamahal ng anak na lumaki
Sa yakap ni Pilipinas hanggang huli
A Tagalog poem
JOJO C PINCA Nov 2017
may kaibigan akong nakaitim
parang salamin laging nakatingin
pilit ko man limutin
tila sakit s'ya na di kayang gamutin

pihitin ko man ang aking paningin
lagi itong bumabaling sa dilim
kung saan nandun ang kaibigan kong nakaitim

hindi s'ya maligno o impakto ng lagim
basta ang alam ko lang lagi s'yang nakaitim
nagkukubli s'ya sa loob ng puso kong madilim

hawak n'ya ang malungkot na nakaraan;
mga pira-pirasong bangungot at hapdi ng lumipas
malupit ang kaibigan kong nakaitim
ayaw n'ya akong patahimikin
janel aira May 2020
animo'y bulak ang pagdampi
'sing lambot ng kumot sa gabi
sa likod ng mga labi'y nagkukubli
magkasingkahulugan na ba ang iyong luha at ngiti?

nalilito ang aking mga mata
bakit nananatiling blangko ang mga pahina?
hindi ba't ang bawat pagtatapos
ay panibago ring simula?
TripleJ Sep 21
Nobita's Rainy Search for Joy

Sa isang maulang umaga, si Nobita’y nag-iisa,  
Sa madilim na kwarto, ang puso’y nagluluksa,  
"Nasaan na kaya si Joy?" tanong sa isip na tila wala nang sagot,  
Umiiyak sa alaala ng tawanan, mga araw na puno ng liwanag, ngayon ay nag-iiwan ng sakit.

"Kung may gadget si Doraemon," siya'y nag-iisip,  
"Makakapag-aral ako, at sa hirap ay magpapakatatag."  
Ngunit kahit anong gawin, tila siya'y nag-iisa,  
Sa bawat patak ng ulan, ang lungkot ay dumadaloy, tila wala nang pag-asa.

Habang naglalakad, ang ulan ay patuloy na bumuhos,  
Kumakalat ang lamig, sa bawat hakbang ay bumibigat,  
"Joy, sana’y mamiss mo rin ako," sigaw niya sa hangin,  
Ang damdamin ay tila nag-aalab, galit sa lungkot, hirap na di matanggal.

Nakita ang isang sabon, tumambad sa daan,  
"Anong ginagawa mo rito?" siya’y napatawa,  
"Parang ikaw, Joy! Laging nalilito, di ba?"  
Ngunit sa likod ng ngiti, may lungkot na nagkukubli, mga luha’y tila umuusok.

"Isang taon na tayong hindi nagkikita," aniya sa sarili,  
"Naiwan ang aking puso, tila binihag ng takot at pagdududa."  
Sa bawat alaala ng saya, ng mga tawanan at ligaya,  
Ngayon ay naging alaala ng pagdududa, hinahanap ang ngiti sa dilim.

Isang video ang naisip, tila nakakatawa,  
Nahulog sa putik, nag-aaral sa ulan ang puso’y bumibilis,  
"Maraming nanood, sana’y malaman mo,  
Sa gitna ng lahat, ikaw ang tanging hinahanap ko."

"Kapag kasama kita, parang walang hanggan,"  
Sana’y marinig mo, ang puso’y naglalakbay sa dilim,  
Ang mga kalokohan, ang mga pangarap, parang ulap na naglalaho,  
Ngunit ang sakit ay nananatili, sa bawat alaala’y may lungkot.

Tumingin siya sa langit, nagdasal ng taimtim,  
"Joy, sa susunod na ulan, sana'y maging kasama ko'y ikaw."  
Sa ilalim ng madilim na ulap, ang mga bituin ay nagniningning,  
Ngunit ang pag-asa ay di naglalaho, kahit ang simoy ng hangin, sa akin ay lumalamig.

At isang araw, sa paglalakbay, siya’y muling tatawa,  
Makakasama si Joy, sa hirap at saya.  
"Sa ilalim ng ulan, ang puso’y muling sasaya,  
Dahil ang tunay na pagmamahal, ay laging nagbabalik, kahit gaano pa kalayo ang mga alaala."

Nobita’t Joy, sa dulo ng bawat kwento,  
Sa hirap at ginhawa, walang ibang dahilan kundi ang pag-ibig na totoo.  
Kahit anong ulan, kahit anong bagyo,  
Sa bawat patak, sa bawat tawanan, ang puso’y muling magsasaya kasama si Joy, sa mga pangarap na naglalakbay, sa pag-asa at pangungulila, sa bawat patak ng ulan.
just a imaginable poem

— The End —