Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Stephanie Aug 2018
Para sa Pusong Iniwan
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Umuulan na naman pala
Basa na naman ang kalsada
Malamig na naman ang dampi ng hanging nagmumula sa bukas na bintana
Gabi na rin pala, nalipasan na nang gutom,
Nakapatay ang ilaw sa kwarto, pero maya’t mayang binibisita ng liwanag ng kidlat
ang malungkot na gabi
Ang hirap pala ngumiti kung may luhang dumadampi sa mga pisngi
Nakakatawa kasi eh. Buti pa ang kidlat bumibisita
Buti pa ang kidlat, may hatid na liwanag, tapos yayakapin ka ng kakaibang lamig ng haplos ng hanging dala nito
Mabuti pa ang ulan, bumubuhos na parang malayang-malaya
Bumubuhos kasama ng mga luha
Bumubuhos kasama ng mga sakit na iniwan
Bumubuhos kasabay ng pagluha ng pusong iniwan.

Umaga na naman pala
Buti nalang nagising ng maaga
Haharap sa mesa, at kagaya ng nakasanayan, magtitimpla ng mainit na kape
Tatangkaing gisingin ang diwa, susubukang palitan ng init ang hatid na lamig ng gabi
Iba talaga ‘pag hinahatid ka ng sariling paghikbi sa kapayapaan ng mundo ng mga panaginip
Doon kung saan walang sakit, yung bang walang imposible
Heto na naman, panibagong araw
Araw-araw kong nasisilayan ang sigla ng sikat ng araw pero bakit dama pa rin yung dilim kinagabihan
Hindi pa rin matanaw ang liwanag
Tinangay mo kasi
Sinama mo sa pag-alis
Bakit naman kasi ang bilis? Hindi man lang ako nakapagpaalam

Tanghali na pala
Oras na ng kain.
At tulad ng dati, inaaya pa rin nila ko kumain
At tulad ng dati, tumatanggi pa rin
Kasi alam ko pupuntahan mo ko tapos sabay tayong kakain
Dun sa dati, sa paborito natin
Tanghalian na pala
Pero imbis na sa pagkain ay sa telepono ako nakatingin
Hindi man aminin pero sa loob loob ko’y naghihintay pa rin
Para sa iyong “kumain ka na ba?” o “Puntahan kita, kain tayo”
Hingang malalim, yung may kasamang matinding damdamin

Ilang tanghalian pa at malilimutan rin kita

Malilimutan ko rin yung ningning sa’yong mga mata kapag kausap kita
Yung mga biro **** corny pero tatawanan ko pa rin kasi habang binabanggit mo yun, natutuwa  ako
Natutuwa ako na kasama kita
Natutuwa ako na kausap kita
Natutuwa ako kasi akin ka
Natutuwa ako kasi ang cute mo, para kang batang masayahin
Natutuwa ako kasi magkasama tayo
Natutuwa ako kasi solo natin ang bawat sandali
Natutuwa ako kasi ikaw yan at mahal kita

Yun. Tumpak! Mahal pa rin kita.


Matagal na rin pala.
At hindi na tulad ng dati
Memoryado ko na lahat ng pasikot-sikot ng pagkatao mo
Ginawa kasi kitang mundo ko
Mahirap.
Masakit.
At para lang malaman mo, hindi kita kinabisado na tila mga salita sa paborito nating kanta para lang limutin
Mahirap.
Masakit.
Hindi naman kasi kita ginawang mundo para lang lisanin
Pero hindi naman talaga kita nilisan, mahal.
Ikaw yung nang-iwan
Ikaw yung sumuko
Ikaw yung bumitaw
At matagal na rin pala
Nung sinabi mo sakin na “Malaya ka na” alalang-ala ko pa. Yun yung panahon kung kalian ayaw kong lumaya. Ayaw kong lumaya sa pag-ibig mo. Gusto ko masintensyahan ng habang-buhay na pagkakulong dyan sa puso mo, sa buhay mo.

Pinilit ko kumapit pero kinalagan mo ako, pangako, pinilit ko pero pinalaya mo ako

Matagal na rin pala
Mahirap pa rin.
Masakit pa rin.
Ako nalang ang hinihintay. Siguro’y panahon na.
Para sarili ko naman yung palayain ko
Hindi naman siguro kailangang pilitin
Hindi naman kasi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging parte na rin ng pagkatao ko
Pero para sa ikalalaya ng pusong iniwan
Para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan
Sisimulan ko na…..                makalimot.

Pero teka…


Umuulan na naman pala.
Wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala


Maaalala na naman kita.
I just have every pain and smiles enough to write this piece, not necessarily the experiences. Perhaps, with all my heart
JK Cabresos Nov 2011
Nakatindig sa harap ng mga nangagdaan;
Sa pagtunog ng batingaw, ikaw ang s'yang naaalala,
na ikaw sana'y magbalik.
Ako ngayo'y nakabinbin sa bangin ng kalungkutan:
Nasa'n ka na nga ba?
Sadyang 'di kita matanaw kahit man lang ay saglit.

Nalulunod ako sa mga luha
sa bawat oras ng pagkadapa,
Nakapako sa krus ng pag-iisa't pighati;
'Sang pinsala dulot ng pag-ibig
na nawaglit lang ng bigla
Nasa'n ka na nga ba?
Hinahanap-hanap kita sa bawat sandali.

Nakakulong sa rehas ng iyong pagmamahal,
At sa pagdating ng hating-gabi,
ginagapos ng lubid ng karimlan:
Walang mahagilap na dahilan
sa paglayo mo mula sa 'king piling,
Bukod-tanging kahapon na lamang
ang aking sinusubukang gunitain.

Subalit gulo ang s'yang aking batid,
pait ang s'yang aking lasap;
Ni walang kapayapaan,
ni bigkis man lang ng galak.
Tayo sana'y ikakasal na, ba't ka pa lumisan?
Nasa'n  ka na nga ba?

At kung hindi ka pa rin darating,
sa panahong mundo na'y magdidilim,
Maghihintay pa rin ako sa 'yo
hanggang mayro'n pang akay na takipsilim.
© 2011 (Revised)
Nalugmok sa labis na kalungkutan,
ako'y namulat sa katotohanan.
Tila nagbago ang mga pananaw,
ngayo'y pangarap ay di na matanaw.*

Mabibigat na balakid, lahat ay nalampasan
ngunit bakit ang isipa'y nabagabag ng karanasan?
Muling binalikan ang masalimuot na nakaraan,
ibinaling ang tingin sa masahol na pinanggalingan.

Nalason ang isipan sa pag-apaw ng damdamin
ang hapdi at kirot, bumalik lahat sa akin
Matagal na mula nang manghilom ang mga sugat
ngunit nariyan parin bilang tanda ang mga peklat.

Hindi ko labis maunawaan ang lungkot na nadarama
Gulong gulo ang aking isip at hindi makapagpasya..
Tiyak na ang kahahantungan ko'y hindi kaaya-aya
Hanggang sa dulo pa ba ako'y magpaparaya?
Ang mala-dramatikong interprasyon ng aking nakaraan

© Cyrille Octaviano, 2015
solEmn oaSis May 2017
Intro (1st stanza)
Sa lahat ng kung sino o ano ka man,
at maging sa lahat ng di mo tunay na pagkakilanlan,
madalas nga ikaw ang sa puso ko'y nananahan,
Sa iyong balikat ako ay iyong pinapatahan,
Sa twing Ako'y nababalot nitong karimlan,
Liwanag ka sa aking nagugulohang isipan.
pagsinta mo sa aking nararamdaman,
ang siyang tangi kong tangan-tangan!

1st refrain
kapag nais kong lumuha
laging naririyan ka
Sa pighati at saya
laging naroon ka
karamay nga kita
Ano man ang aking dala
wala pa man akong problema
ako na ay iyong hila-hila
sa lugar kung saan pila-pila
ang mga nakahain na di basta-basta
pagkat ang sisidlan,laman ay sobra-sobra!

2nd stanza
hindi tulad sa liwasan na aking pinanggalingan
doon sa may gawing silanganan
na di raw kailan man lumulubog ang araw
ngunit wala naman akong liwanag na matanaw
Subalit ngayon
binago mo
aking kahapon
Sinama mo ako
Sa iyong patutunguhan
pinanatili sa 'yong kandungan
bagamat ang haring araw ay walang masikatan
at kay panglaw man nga dito sa kanluran

2nd refrain
Maliwanag kong Naaaninag
ang pinaka-marilag na sinag
na tila ba nagsasabing,,,
halika dito sa aking piling...
hawiin mo ang ulap na tabing,
at tutuparin ko ang 'yong hiling.

adlib
DAMDAMIN MO'Y 'WAG NANG IKUBLI,,
SA AWITIN KONG ITO 'WAG KANG MAG-ATUBILI,,
BASAHIN MO ANG AKING MGA LABI
TIYAK DARATAL SA IYO  MATATAMIS NA NGITI
SABAYAN MO AKO SA AKING HIMIG,
'DI BA'T ANG MUSIKA'Y ATING TINIG.
NA TILA BA DAYAMI DOON SA KAMALIG.
SA BAGYO'T SIGWA WALA ITONG LIGALIG!

3rd stanza
'pagkat alam Niya may isang Ako
na mangangalap ng Kanyang piraso
upang sa muli nga'y mabuo
ang taglay nitong komposo
hanggang sa ang naturang Ikaw ay mapagtanto
na hindi lang Sila kundi pati na rin Tayo
ang sa Kanila ay siyang dapat magpayo
"ano man ang galit Mo sa Mundo,,,
at sa Iyong buhay ay di Ka makontento
'wag na 'wag kang sa Pagsubok ay magtampo
Tandaang Ninyo na ... Nasa Puso ng Tao
masisilayan ang Ilaw na nagpapatingkad
Sa Daigdig Natin na animo'y di na sumisikad
na halos hikahos ang MARAMI sa pagtingkayad
mamataan lamang Nila ang tanglaw sa pagsayad"

repeat 1st refrain except last 5 lines

chorus one
ohh Sanlibo't Isang Awit
sayo ako'y kakapit
hawakan mo nga akong mahigpit
sa twing mensahe mo'y kinakawit
mga damdamin na hugot
sa aking pag-iisa ay sagot
napapawi mo nadaramang poot
tuwa man o isang lungkot
ang hatid na iyong dulot
mga liriko mo sa akin ay nanunuot
dagliang naiibsan itong pagkabagot

repeat adlib

chorus two
Lalo't kapag ang 'yong melodiya,
sa pusong umiibig ay kaiga-igaya,
umasa kang ang iyong ritmo ay lampas ilaya.
di man pakawalan matataas na nota... tono mo ay malaya!
At patuloy kitang pakikinggan
taimtim ko ngang susundan
mga letra mo sa Dalampasigan
kahit pa kahit na paulit-ulit mo akong talikdan,,
batid ko naman ang koro mo'y walang hanggan
tangayin ka man at mapadpad sa Laot ng tagdan
di maglalaon muli kang dadaong sa may Pantalan
para ikumpara ang luma sa bago **** kasarinlan

repeat 2nd refrain
do the bridge (3x)
repeat Intro
repeat chorus one and two
repeat bridge once again in a fading away voices

BRIDGE:
sabihin man nila na ako sayo'y baLiw
ligaya kong natatamasa, di na magmamaLiw
wala man akong instrumentong isinasaLiw
itong Sanlibo't Isang Awit,alay ko sa'yo giLiw

Inspired By Sally Bayan
my very first particular song in its parts
that comes from the bottom of my heart

© solEmn oaSis
Hymns of my Soul is now ....
the soul of a thousand and one song
that i promised to dedicate
before the uncontrollable twilight
just like by the time i am here
sometimes, conquering the darkness of night
thru the lit of candle that brightens
the whole day of our everyday presence!
Presence which we wanna end it up yet!
Yet we prepared always to get started once we must!
Sana mapansin ang aking ngiti
Kasabay ng aking tingin
Sana makita ang aking pag-ibig
Na alay sa'yong pagkamaibigan.

Umaasa na matanaw ang iyong mata
Dahil ninanais ang iyong paningin
Umaasa, na mapansin
Dahil nandito ako nagmamasid.

Wag **** kakalimutan
Ako'y umiibig sa'yo na parang anino
Sa dilim man o liwanag ay nandiyan para sayo
Alay ang aninong pag-ibig na ito.
JK Cabresos Nov 2011
Pag-ibig na, nasa dulo nitong aking dunong
Sagutin mo na sana ang nag-iisa kong tanong:
Ikaw ang hamog sa t'wing pagbubukang-liwayway,
Tinig na nais maulinigan kapag ako'y nalulumbay.

Ika'y rosas na kaybangong samyuhin,
'Sang inaasam na panaginip na nais ulit-ulitin;
Hanging kay lamig damhin sa paglipas ng araw,
Ngunit 'sang alapaap naman na 'di ko halos matanaw.

Ika'y tulang muli't muli ay binabasa ng madla,
Na 'di makakalimutan; na 'di mabaon sa alaala
Tulang puno ng damdamin na ni 'di maipabatid,
Ngunit 'sang saknong naman na hindi magkatugma.

Mithiin ko'y mapansin mo na ang aking mga ginagawa:
Itong pag-ibig na nasa dulo ng aking ligaya,
Mithiin ko'y sagutin mo na ang tanong kong nag-iisa,
Nadarama mo rin ba ang lahat ng napaloob nitong aking tula?
© 2011
Napapagod ako.
Pagod na pagod.

Bakit ka masasawi
kung ikaw naman
ay minamahal ko
ng tangi?
Nasasabik na akong
hagkan kang muli
at sa bawat
ngiti ay ikaw
ang sanhi.

Napapagod ako.
Pagod na pagod.

Pagod na akong
matanaw kang
bumubulong sa
hangin na
para bang
hindi ko
naririnig.

Napapagod ako.
Pagod na pagod.

Pagod na itagong mahal
nga kita.
Dahil ako, mahal kita, noon,
noon,
hanggang ngayon.

Napapagod ako.
Pagod na pagod.

Pagod na akong makita
at makasama ka sa
panaginip ko lamang
at sa bawat kanta'y
ganda mo'y naaalala.

Napapagod ako.
Pagod na pagod.

Pagod na umasang
maaaring may tayo.
Pagod na baka
tanggihan mo ang
pagmamahal ko.

Napapagod ako.
Pagod na pagod.

Pagod na akong
isigaw ang ngalan
sa mga bituin.
Pagod na akong
tawagin ka
upang punan ang
pagkukulang na
nadarama.

Napapagod ako.
Pagod na pagod.

*Pagod na kung kailan, ibig
na kitang mahalin,
ang puso mo'y itinatago na sa
akin.
El Aug 2017
Minamahal kita
subalit hindi ko ito ikukumpara
sa mga tala, sa alon;
Hindi ko ito ikukumpara
sa mga bagay na karaniwang ginagamit sa tula
sa bango ng bagong pitas na rosas
sa apoy na walang tigil sa pagliyab
Minamahal kita
nang hindi ko ito ikukumpara sa mga iyon
o sa kahit ano.

Minamahal kita dahil sadyang mahal kita —
sa katwirang hindi maikukumpara ang aking nararamdaman
sa mga bagay na natatanaw, nahahawakan.
Minamahal kita dahil sadyang mahal kita
walang tulad-tulad
walang mga talang kumikinang at along humahaplos
walang rosas na kasing bango ng kawalan ng alinlangan
walang apoy kung saan ang usok ay kumakaway sa mga ulap
at hindi na matanaw.

Minamahal kita
at hindi ko ito ikukumpara sa kahit ano.  

Minamahal kita
Original poem written August 9, 2017
Karl Gerald Saul Aug 2011
Kaibigan,



Naalala mo pa ba ang masasaya nating kwentuhan?

May konting joke lang iyo mo na agad tatawanan,

Sumasabay pa ang mga laway **** nagtatalsikan,

Na nagkalat sa mukha kong iyo mo pa ngang pinupunasan.



Sa kanto,



Naalala mo pa ba ang ating istambayan?

Nagpapasama ka sa’kin matanaw mo lang ang crush **** dadaan,

Ngunit dedma ka, hindi ka nilingon kahit sinigaw mo na ang pangalan,

Kaya minsan umuuwi tayong ikay bigo at kung minsan ay luhaan.



Sa tabing ilog,



Iyo mo rin bang naaalala’t natatandaan?

Sa puno ng mangga doon tayo nagtayo ng bahay-bahayan,

Dun tayo nagdadala ng pagkain para sabay tayong mananghalian,

At dun ko na saksihan ang iyong kakaibang katakawan.



Pagkatapos ng bakasyon,



sabay tayong pumapasok sa eskwelahan,

Kapag break time magkasamang nakikisalo sa mga kaklase, nakikipagburautan,

Sa takdang aralin sabay tayong gumagawa at nakikipagkopyahan,

At sa pag-uwi sabay din tayong dumidiretso sa komputeran at bilyaran.



At nung nagsembreak,



Asan ka na nga ba aking kaibigan?

Hindi na kita nakita’t matagpuan sa kung saan,

Lumingon na ako sa likod, kaliwa at sa kanan,

Ngunit ang anino mo hindi ko na matagpuan.
Candice Mar 2016
nagsimula sa simpleng kamustahan,
nagkakilala't nagkamabutihan,
'di inakalang lalalim,
ang pag-iibigang akala'y tunay.

dumaan ang ilang araw,
umaga, tanghali at gabi,
ikaw ang tanging kausap,
laging sa isip kahit 'di man matanaw.

habang tumatagal ay,
palalim ng palalim ang nadarama,
puso ko'y patay na patay,
sa'yong pagkataong ubod ng ganda.

ngunit sa isang iglap,
wala pang dalawang kurap,
ako'y iyong nilisan,
at 'di na binalikan.

'yun pala ikaw ay,
may iniirog nang kay tagal,
'di mawari ang nadama,
ako'y tila nasaktan.

akala ko ay ika'y akin,
'pagkat ako'y paga-ari mo,
akala'y parehas ng nadarama,
'yun pala'y nagkamali lamang ako.

kailan kaya kita malilimutan,
at 'di na iisipin pa,
inalay na pagmamahal,
akala'y masusuklian na.
Tagalog poem.
Susulatan kita ngayon at wala kang iisipin lamang kundi ngayon
Kahit bukas ay basahin mo ito isipin **** ito'y ngayon
Kahit basahin mo ito pagkaraan ng mga linggo, buwan at taon pagkatandaang ito'y ngayon
Ngayon at walang bukas, dahil ang bukas ay ngayon
Ngayon lamang, ngayon lang, ngayon.

Ikaw ay mamahalin hanggang ngayon na lamang
Patawad aking mahal dahil mahal kita ngayon
Ako'y nalulumbay dahil ang pagmamahal mo'y hindi matanaw kahit sa bukas
Dahil ito'y pinalasap mo na at pinapalasap pa sa ibang tao sa iyong kahapon
Sa kahapon lamang, kahapon lang, kahapon.

Wag sana mahal sa aking sulat ika'y maguluhan
Dahil mahal ng isinulat ko itong damdamin para sayo'y di naguluhan
Intindihin mo na lang gaya ng pag intindi ko,
Pag intindi ko sa nararamdaman ko sayo na hanggang ngayon na lamang
Ngayon lamang, ngayon lang, ngayon.

Habang isinusulat ko ito ngayon ako'y umiiyak hindi upang iyong kaawan
Umiiyak ako dahil mahal kita ngayon
Dahil una pa lamang kitang masilayan
Sinambit na agad ng puso ko na mamahalin kiya ngayon
Ngayon lamang, ngayon lang, ngayon.

Wag sana ang sulat ko ay iyong itapon
Itapon na para bang ito'y sulat ko kahapon
Sapagkat ito'y sulat ko ngayon
Basahin kapag naiisip na pagmamahal ni isa sayo'y wala at isipin ang ngayon
Ngayon lamang, ngayon lang, ngayon.

Kailangang tapusin na ang sulat ko sayo aking sinta
Dahil ako'y hindi na makahinga
Ako'y magpapaalam na ngunit nais pang magkatha ng mga kataga
Kataga na hanggang ngayon ko na lamang kayang ikatha
Mahal na mhal kita, mahal kita, o mahal aking sinta.

Sana'y iyong tandaan na walang hangganan
Ang tanging mayroon ay ngayon lamang.
Ang pagmamahal ko sayo'y walang wakas
Dahil walang wakas kundi ngayon lamang
Paalam mahal, hanggang sa ngayon.
Kurtlopez Jan 2019
"Lihim"

Kitang-kita ang iyong mga ngiti
Malabo na ipakilala ko ang aking sarili
Ako’y ni hindi man lang makapapantay sa kung ano ka
Sa mata ng marami ika’y kakaiba
Saaki’y napakasimple **** tao
Dumaan saaking buhay at ako’y napatitig sayo
Alam kong isa kang liwanag sa gabi
Kay’hirap mapalapit sa tulad kong dyan lang sa tabi-tabi

Lihim na binabasa ka
Ngunit kailanma’y hindi makakapagsalita
Marahil hindi mo alam na ikaw ito
Ngumiti ka nga riyan ng ako’y mahanap mo
Hindi na mahalaga na iyong maramdaman
Sa isipan at salita ika’y nilalaman
Simpleng hangin mula sa iyong paggalaw
Bawat bagay saiyo’y sadyang aking pinipilit matanaw

Minsan sa gabi’y napapaisip
Buhay ko ba’y nais **** masilip
Isa ka sa kulay ng aking bahaghari
Baka nais mo akong makilala kung sakali
Subalit ang tulad ko’y tahimik lamang
Masaya at kumpleto na makita ka lang
Pag-aalala ko sa tuwing ika’y nasasaktan
Hiling huminto sa pag-iyak at ika’y pupuntahan

Tuwing pakiramdam mo’y ika’y walang halaga
Huwag kang humiling pa ng iba
Saaki’y isa kang mahalagang parte ng isang tula
Ikaw ang inspirasyon sa bawat isip ng gumagawa
Iniingatan sa bawat oras upang mapanatili sa isip
Kahit sa mga mahiwagang salita man lang ika’y mapalapit
Sa ulap boses mo ang liwanag
Malamig at malambing na tinig ay syang paliwanag

Ika’y hinahangaan sa simpleng bagay
Maaring marami nito sa iyong buhay
Hanggang sa ako’y mapaupo na sa aking upuan
Iniisip ang isang tao na labis kong hinahangaan
Sana’y huwag kang saktan ng mga taong nakapaligid
Utak kong minsa’y kumikitid
Bawat paghinga mo saaking isip ay nagpapalawak
Ikaw ma’y bumagsak, ligtas ka dahil ako’y handang humawak
Imposible mang kamay mo ay maparito saakin
Makaramdam man ng kakaiba, handa kitang mahalin
NGA Oct 2020
Umuulan na naman,
Natutuwa ba o nalulungkot ang langit?
Walang nakakaalam,
Tulad ng damdaming lihim at itinatagong sakit.

Sa bawat patak ng ulan ay pagpatak ng luha,
Pilit nanunumbalik masasayang alaala.
Ulan ang dahilan kung bakit pinagtagpo,

Sa ulan din pala magkakalayo.
Lakad at takbo sa gitna ng ulan,
Mabasa o magkaputik ay hindi alintana.
Bugso ng ulan ay biglang dumahan,

Payong ang nakita pagkatingala.
Ngiti **** nakahahalina, kislap ng iyong mga mata,
Iyan ang naaalala sa unang pagkikita.
Tila bang tayo ay nasa koreanobela,
Damang-dama ang pagiging bida.

Ngunit katulad ng mga seryeng inaabangan,
Kwento nating dalawa ay may hangganan.
Ang masayang wakas, hindi na masasaksihan,
Sapagkat ayaw mo nang makita ang dulo, nauna ka nang lumisan.

Lakad at takbo sa gitna ng ulan habang habol ka.
Basang-basa at putikan, hindi alintana.
Mga hikbi ko ay hindi mapatahan,
Kasabay nang pagbuhos ng ulan.

Payong mo'y hindi na matanaw,
Wala na, tuluyan ka nang bumitaw.
Iyan ang alaala ng huli nating pagkikita,
Ang maging kontrabida sa kwento ng bawat isa.
Michael Feb 2018
Napakahiwaga ng iyong pag-ibig
Hindi ko alam kung paano at bakit
Pero patuloy pa rin akong kinikilig
Sa iyong ngiti at titig
Mistula akong bumalik sa panahon ng aking panliligaw
Sapagkat ang puso ko'y walang ibang sinisigaw, kundi ikaw
Muntik na akong mabaliw dahil ilang kilometro ang distansya natin at hindi kita matanaw
Pero sa oras na ang iyong palad ay dumampi na sa aking balat
Alam ko sa sarili ko na totoo at tunay ang lahat
Alam kong hindi ako nabubuhay sa isang panginip
At siguradong hindi rin ako pinaglalaruan nitong maloko kong isip
Nandito ka na sa aking harapan
Ikaw ay muli kong nasilayan,nahawakan at muli kitang naramdaman

Napakahiwaga ng iyong pag-ibig
Hindi ko alam kung paano at bakit
Pero patuloy pa rin akong kinikilig
Sa iyong ngiti at titig
Sa tuwing ikaw ay nandiyan ang puso ko'y bumibilis sa pagpintig
Maraming nagdududa at nagtataka pero sa huli pagmamahal pa rin ang nanaig
Samahan na pinagtibay ng panahon at tila malabo nang madaig

At ngayon na patuloy pa rin nating isinusulat ang ating istorya
Na ngayon ay mayroon nang bagong kabanata
At tila ba lalo pang gumaganda ang tema
Asahan mo na mapupuno ng mga magagandang eksena ang bawat pahina
Ako pa rin ang iyong hari at mananatili kitang reyna
Sapagkat sobrang hiwaga ng iyong pag-ibig
At hanggang ngayon ako ay patuloy mo pa ring pinapakilig
isinulat ko para sa kasintahan ko na naiintindihan ang kabullshitan ko
Babelyn Hije Jun 2020
Tuwing sumasapit ang Setyembre,
Ako ay kinikilig.
Makikita ko na ang mga parol
At mga christmas tree.

Napakagandang masilayan.
Bumabalik ang aking pagkabata.
Ako ay natutuwa
Makita at matanaw
Ko lamang.

Nang sumapit ang bisperas,
Kinabahan na ako,
Baka hindi na dumating
Ang bukas.

Umaga, kinabukasan.
Dali-Dali akong pumunta
Sa sinabit kong medyas.

Wala ka na doon.

Sa tingin ko,
Ako ay tumanda na.
At naintindihan
Na hindi si Santa Klaus
Ang naglalagay ng mga regalo.

Kayo pala
Inay at Itay.
cherry blossom Feb 2019
kinalimutan mo na kaya ako?
sa mga oras na nasa presensya ng bawat isa
naaalala mo rin kaya ang mga hangal na desisyong nagbuklod sating dalawa?

dahil ako, palagi.
sa tuwing nandiyan ay pinapauli-ulit
ang transisyon ng pagkawalay ng dalawang pinaglapit
sa pagkalimot ng isa
paulit-ulit nagsisimula sa umpisa
ani mo'y palabas sa sariling haraya

iniipit ako ngayon ng tahimik
ni walang imik sa pagitan nating dalawa
napagod na ang mga paang umakyat para lang matanaw
o magbigay ng senyas, nagdadasal na bigyang habag

napapangiti na lang sa mga gunita
dahil naaalala ang ilang beses na pagsuko at pagtayo namang muli
tulad ng paulit-ulit na pagtugtog
ng musikang nagpapaalala sayo
idk *** 2/4/19
lovestargirl May 2015
Kahit isang sulyap lang sa langit ay di na matanaw,
Daan-daang matatayog na konkretong kahon,
pati anino nito'y ako'y napapaligiran.

Tinatakpan ang malagintong sinag ng araw,
maging ang hanging sana'y magpapaypay sa nagiinit na siyudad ay natakpan na.

Nagbago na ang mundo.
Bago na naga ang mundo.
Pero nasaan na ang mundong kinalakihan at pinapangarap ko?

Nanabik sa malawak na langit
na noo'y tinitingala-tingala lang,
na kunwaring inaangkin ko ito, na akin ito.

Pero bago nga ngayon ang nakikita ko,
matatayog na konkretong kahon,
na humaharang sa tunay na paraiso.
Nexus Aug 2019
Pagdating ko pa lang
Akoy agad ng tinangihan
Maka ilang ulit pinagpasahan
Isa, dalawa  hangang lima
Hangang akoy nag kaisip na.

Sa aking kamusmusang balot
Ng hirap at kalungkutan,
Sa mulat kong kaisipan akoy naiwanan
Kamusmusang nawala
Napalitan ng trabahong pang matanda

Kaya kung minsann para bang may mga karayum na tumutusok saking dib dib
Mga ala alang mahirap balikan
Karanasang hindi makalimutan
At tanging alaala na lang ang natitirang katibayan sa hirap na pinagdaanan

Ang mundung ito’y malawak
Napakaraming tanong na hawak
Tanong na nagtagal na,
Tanong na wala pang kasagutan
At saan nga ba ako magsisisi
Ang hindi pag hanap sa katanungan?
O
ang hindi pag harap sa naka umang na kasagutan?

Lumalalim na ang usapan
At baka mamaya buong buhay na ni eric ang ating pag usapan.

Kaya………..

Umpisahan  natin sa simula
Sa paraan kung paano tayo  nagkaplaitan ng unang salita,
Sa lugar kung saan
Tayo unang nagkita,
At kung kelan natin natutunan pahalagahaan ang isat-isa.

Kwentuhang walang patid mula sa nakaraan at  karanasan
Mga tawanang mistulang
Walang katapusan
Kahit na abutin ng kalhating buwan ang message ko bago mo ma replyan

Sabi nila,kapag nahanap
Mo na daw ang tunay na pag-ibig
Ay nahanap mo na rin ang iyong langit dito sa lupa.
Kaya't langit din ang maghahatid sa'yo patungo sa akin Ng kusa

Minsan akoy nagtakat
Nagtanong
Saang sulok ng langit kaya ikaw naroroon?

Malapit ka kaya sa araw?
Na mahirap puntahan at matanaw?

O marahil nasa tabi ka lang ng buwan, na sa tuwing sasapit ang dilim ako ay iyong  mimasdan.

Pero maaari ding ika'y kapiling ng mga bituin na napakaraming nais mang angkin.


San kita makikita?

Sa mga panahong hindi pa
tayo muling nagtatagpo,
O
Sa mga panahong ikaw sakin ay napakalayo

Kaya kung totoong ang pag-ibig at ang langit ay may sabwatan
Sa pag iibigang ito
Matagal na pala kita dapat niligawan

Dahil Bumaliktad man ang mundo,
Mawala man ang lahat sa tabi mo, Mamamahlin kita  na kayang
Ihinto ang oras,
Para lamang maibigay sa iyo at maipamalas.

Upang sa sandaling tayo'y pagtagpuin ng tadhana
Akoy magiging mabuting kabiyak at kapag nasisilayan kay magagalak at sisikaping kayang ibigay ano mang  hilingin at kailanganin

Kayat sa wakas eto na.

Dumating na ang inaasam na pagkakataon
Puso ko'y tinatambol
At tiyan koy ina alon
at tadhana'y tila naghamon

Isang importanteng okasyon
Ang magaganap
Ngayong bakasyon
Na magiging okasyon
Ninyo taon taon
Dalawang taong nag mamahalan
Pag iisahin ng may kapal
Mag pakailanman
Isabelle May 2016
Nariyan ka pa ba?
Hindi ka na matanaw..


*Love, are you still there?
Why can't I see you?
Why can't I feel you?
Forever fan of Hale.. I will try to translate this song into English.
Jasmin May 2020
Sa maliit na awang na mayroon ang bintana
Tila ba naging labada ang puting kurtina
Kanina’y hinahangin pa ito nang bahagya
Ngunit nang dahil sa ulan, bahagi ng tela’y nabasa

Ampiyas lang naman kung tutuusin
Madaling matuyo, isampay lang sa mahabang salamin
Pagkatapos pagpagan maisasabit din
Balik pangharang sa malamig na hangin

Malapit na rin pala ang paglubog ng araw
Kanina lamang ang langit ay kulay bughaw
Repleksyon sa munting bintana’y nakasisilaw
Mayumi sa paningin, kay gandang matanaw

Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang paglalim ng gabi
Gayunpama’y nanatili ang awang ng bintanang katabi
Tubig ulan sa dalawang kamay ay dumadampi
Marahang sinasalo ng ilang sandali

Lumipas ang oras at ang ulan ay tumila na
Ganoon din ang pag-asang matunghayan ka
Aking bituin, nagkamali ako ng hiniling—
Hanggang sa huli, ampiyas lang ang sa’kin.
Elle Ruiz Nov 2017
Takot ang tanging bumubuhay sa isipa't pusong pagal
Saan man patungo, wala ng matanaw
Tila natapos na ang lahat
Tuluyan nang ginapos ng pasakit ng pag-asa
Saglit na iidlip
Hihintayin ang itim na usok
Mapayapang mundo’y matatanaw
Isipa’t pusong pagal muling titibok
Hangin ay yayakap
Halimuyak ng mga bulaklak dadampi
Tuluyan nang natulog ng mapayapa
nadine Sep 2019
bawat pag silip ng araw
di pa rin malunasan aking panglaw
pagka’t naglaho na ang pumukaw
ang kaisa-isang nais matanaw
ang aking hiling sa bulalakaw
ang aking irog, tanging ilaw
sadyang hindi ka na abot-tanaw
at sa panaginip nalang dadalaw
ang kaluluwa nang kinalimutang ikaw
kyleRemosil Jan 2019
Hating Gabi
Panibagong araw na nmn
Petsa sa kalendaryo ay nag iba na
Ngunit nananatiling madilim pa
Ganito talaga pag hindi ka kasama

Ang ganda pagmasdan
Ng mga bituin at ng buwan
Pero di parin sapat para pantayan
Ang liwanag na ibinibigay ng babaeng itinuturing kong araw at mamahalin ko magpakailan man

Pa usbong na ang umaga
Lumalalim na ang gabi
Ikaw lang gustong makasama
Ikaw lang ang nais makatabi
Ngunit parang di pa ipapatupad ng tadhana
At hindi pa yata pwede
Hindi pa natin pwedeng pagsaluhan Ang oras
Parang pinaghatian lang natin ang isang araw sayo ang umaga akin ang gabi

Ang makasama ka ay para bang bukang liwayway
Na ninanais ko ng matanaw at maabot
Ngunit ito’y matagal pa kaya nakakayamot
Ako ay nasa alas dose pa at hindi naman sa nag iinarte
Nakakalungkot lang na matatagalan pa ang bukang liwayway kasi nandito pa ako sa hating gabi
Donward Bughaw Apr 2019
Nalalanghap ko
ang panghi sa nadaanang
eskinita,
napapansin sa sementadong pader ang mga salitang
nakasulat sa malalaking letra,
mga simbolong nagpapabatid ng huwad na kapatiran
marka,
pinta,
guhit
na nakakaakit,
nakakaantig
ang mga pasamano at pagbabating maririnig
na pinatatamis nang labi
pasimulan ang lahat sa beynte
hanggang sa umabot ng siyento-kensi
upang maipambibili ng pulang bote
at yosi
na kukuha nang huwisyo
ng sinumang magpaka bato
at sunod na inilabas,
isang matalim na kutsilyo
na isinaksak
sa sikmura ng kapatid ni Ka Ambo.
Naroroon ako ng matanaw
ang malungkot na pangyayaring ipininta ng gabi.
Isa ang fraternity sa mga pinaka-trend sa kolehiyo. Pero, minsan ba naitanong mo ang kahalagahan ng fraternity sa iyong sarili. May mga fraternity na ang hangad ang tunay na kapatiran at pagkakakilanlan pero may iba rin na ang gusto ay gulo lang. Pero hindi layunin ng isang samahan ang gumawa ng mg kalokohan, bagkus pagkakaisa at katahimikan. Depende ito sa kung paano dalhin ng isang miyembro ng kapatiran ang dinadalang sagisag ng pagkakapatiran.
Vincent Liberato Oct 2018
Nasa daungang 'di matanaw
Walang kaibigan, kundi kalungkutan
Almusal ay iyon ang hapunan
Salapi muna bago kalusugan

May ngiti si ulilang bituin
Dahil ayaw biguin
Sa pagitan ng tubig at lupain
'Di nila alam ang lungkot mo

Dahil walang luha, kundi luho
Sa daungang 'di alam ang sasapitin.
Prince Allival Mar 2021
Nakatindig sa harap ng mga nangagdaan
Sa pagtunog ng batingaw, ikaw ang s'yang naaalala, na ikaw sana'y magbalik.
Ako ngayo'y nakabinbin sa bangin ng kalungkutan: Nasa'n ka na nga ba?
Sadyang 'di kita matanaw kahit man lang ay saglit.

Nalulunod ako sa mga luha
sa bawat oras ng pagkadapa,
Nakapako sa krus ng pag-iisa't pighati;
'Sang pinsala dulot ng pag-ibig
na nawaglit lang ng bigla
Nasa'n ka na nga ba?
Hinahanap-hanap kita sa bawat sandali.

Nakakulong sa rehas ng iyong pagmamahal,
At sa pagdating ng hating-gabi,
ginagapos ng lubid ng karimlan:
Walang mahagilap na dahilan
sa paglayo mo mula sa 'king piling,
Bukod-tanging kahapon na lamang
ang aking sinusubukang gunitain.

Subalit gulo ang s'yang aking batid,
pait ang s'yang aking lasap;
Ni walang kapayapaan,
ni bigkis man lang ng galak.
Tayo sana'y habangbuhay na, ba't ka pa lumisan?
Nasa'n  ka na nga ba?

At kung hindi ka pa rin darating,
sa panahong mundo na'y magdidilim,
Maghihintay pa rin ako sa 'yo
hanggang mayro'n pang akay na takipsilim.
zee Oct 2019
Ninais man na ipaglaban ang ating pagmamahalan
Kumapit sa pangakong ating binitawan
Na kailanman ay hindi mag-iiwanan
Hindi na magagawa dahil ikaw na mismo ang umayaw;
Iyong nasilayan ang dulo na aking sinikap na ‘di mo matanaw
Ginawa ko naman ang lahat ngunit hindi pa rin sapat.
Umibig naman ng tapat ngunit mas piniling bigyang lamat
Ang pagsasamang maayos ngunit ito’y tuluyan **** tinapos
Tayo’y hindi na nakasabay sa agos at hinayaan na lang malunod

Ngayon, aking ibubuod at ilalahad sa ilang taludtod:
Ang nobela ng ikaw at ako--
Nangako ang bawat isa sa isa’t isa na tayong dalawa hanggang dulo
Ngunit lahat ng mga plano’y naglaho dahil heto na tayo sa huling pahina ng ating kwento
marqz Oct 2017
Tila –  simbolo ng kawalang kasiguraduhan
Tila bagyo ng pangamba’t agam-agam
Tila di na sapat
Pero tila 'di man matanaw sikat ng araw
Laging tatandaan na ang tila
Sa kabilang banda’y paghupa.
Pagtila – sa gitna ng iyak ng langit
Tila na puputol sa daluyong ng unos.

Kaya kung tila nangangamba
Asahang titila rin,
At darating pangibagong umaga
Ferllen Dungo Feb 2021
Ikaw ang isa sa pinaka makabuluhan kong sinasambit t'wing nananalangin.
Nawa'y dumating ang araw na makita kang nakangiti ng walang dinadaing na anumang hapdi.
Nawa'y mahanap mo ang lugar at panahon kung saan at kailan matatagpuan ang kaligayahan ng iyong puso.
Gusto kong manatili ka kung nasaan ka man ngayon, at ng hindi mo matanaw ang kalagayan at hindi mo marinig ang mga paghikbi tuwing gabi.
Baunin mo sa iyong paglipad at paglaya ang mga salitang ...


Minahal ka sa paraang alam ko.
kahit hindi na ko sigurado ngayon kung marunong pa ako no'n.
Flap Jun 2020
Oh buwan na ilaw sa madilim na daanan
Oh sulat at larawan na pwedeng balik balikan
Hiling ko lang na ang puso niya'y muli akong lingunan

Sana sa iyong paglingon
Hindi lang ako ang iyong matanaw
kundi  sana makita mo rin ang aking nararamdaman,
na ang pag asa ko sayo ay mas malabo pa sa patak ng ulan.

Sa bawat ihip ng hangin
Sa bawat awit ng tugtuging
Kahit hindi na ako ang iyong ninanais
Patuloy mo sanang ipakita ang pinaka matis **** ngiti

Ngiti na kahit hindi ako ang dahilan ay araw araw kong babaunin
Ipapasalamat kay Bathala na inilikha ka nya kahit hindi man para sakin
Ay nagpatanto na hindi lahat ng ikaw at ako,
ay pwedeng pagdugtungin

Oh buwan na ilaw sa madilim na daanan
Oh sulat at larawan na pwedeng balik balikan
Ang aking huling huling kahit isang segundo lang
Ay magkita ang mga mata namin sa aming huling paalam

Paalam kahit di naman talaga kailangan.
  
Pero kailangang magpaalam kasi wala namang dapat panghawakan
Salamat, Santos S.J. sa tulong at supporta sa paggagawa nito!
Virgel T Zantua Aug 2020
SANA AY MAY ISANG ARAW
NA IKA’Y AKING MATANAW
AT SA IYO’Y ISISIGAW
ANG LALIM NA SUMASAKLAW
NG DAMDAMING NATUTUNAW
AT PUSONG DI NADADALAW
NA ANG PAG-IBIG KO’Y IKAW
HANGGANG SA AKO’Y PUMANAW

KUNG AKO MAN AY NAWALAY
AT SA HANGIN AY SUMABAY
PATUNGONG KABILANG BUHAY
AKO’Y HINDI MALULUMBAY
SA LAMIG AKO’Y AAKBAY
AT SA DILIM AY HIHIMLAY
ALAALA ANG SYANG GABAY
SA AKING BIGONG TAGUMPAY

MALI MAN ANG NAGING LANDAS
NG PAG-IBIG NA TUMAKAS
SA BUHAY KONG NAKALIPAS
NAWALA MAN ANG AKING LAKAS
AT ANG KULAY AY KUMUPAS
NGUNIT ANG DAMDAMING WAGAS
KAYLAN MA’Y DI MAGWAWAKAS
KAHAPON, NGAYON AT BUKAS

— The End —