Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
raquezha Jul 2018
Hindi ako takot umibig pero takot ako sa’yo.
Hindi dahil sa ayoko sa’yo kun’di sa tingin ko’y hindi malabong magkagusto ako sa’yo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang gabing ito at ang magagandang kwento mo.
Hindi malabong hanap-hanapin ko ang boses mo—ang mga titig mo… baka masanay ako.

Hindi ako takot umibig pero takot makong mahulog.
Sapagkat paano mo iibigin ang taong estranghero? Kung sa unang gabi palang ng iyong pagkikita ay nahulog ka na.
Nahulog sa kwentuhang matagal, sa kanyang boses na hindi pagal.
Sa mga ngiting nang-aakit,
sa mga matang nakakahumaling,
sa kanya na hindi pa kilala pero pakiramdam ko matagal na kaming nagkita.

Takot ako sa dilim,
pero mas takot ako sa liwanag. Takot akong makita ang sarili kong kasama ka.
Baka kasi pag nasanay na ako sa liwanag ay bigla na lang itong mamatay hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid ko at baka masanay ulit ako.
Masanay ako na maglakad na para bang nakapikit. Maglakad patungo sa palaisipang lugar na paikot-ikot lang ang daan.
Baka bigla nalang akong yakapin ng dilim sabay bulong sakin ng "tumigil ka na tanga!"
Baka biglang lumabas ang mga kaibigan ko sa dilim at masanay sila sa liwanag.
Baka multohin nila ako habang tirik ang araw at habulin ako sa kung saan.
Baka habang tumatakbo ako palayo ay mabulag ako sa liwanag na dulot mo at baka mabangga ako at muling mabuhay ang mga alaga kong paru-paro.

Hindi ako takot sa patay, pero takot ako sa buhay.
Takot akong mabuhay ang mga daga sa aking dibdib na matagal nang nanginginig sa lamig.
Takot akong matunaw ang mga yelo na matagal nang nakapulopot sa puso ko.
Takot akong matunaw ang mga ito at lunurin ako sa pag aakalang tunay ang mga nararamdaman ko.
Takot ako sa majikang dulot ng pagibig na nag bibigay buhay sa mga patay na kandilang dala-dala ko.
Takot akong maging maliwanag ang paligid ko at makita ang katotohanan ng mundo.
Takot akong makita na ang mundo natin ay iisa pero mas takot akong malaman na iba pala ang gusto **** kasama.

Hindi ako takot mag-isa,
pero takot akong kasama ka.
Takot akong makasama ang mga dati **** kasama— baka kasi kung ano’ng sabihin nila.
O kaya pag kasama mo sila at kapag madami na sila maramdaman ko ulit kung pa’no ang mag-isa.

Hindi ako takot sa luma, pero takot ako sa bago.
Sana kahit may dumating na bago,
walang magbago. Sana kahit mag mukha na akong antigo, wag mo akong itago gaya ng mga nakalagay sa inyong aparador.
Hindi ako plato, kutsara o tinidor na gagamitin mo lang sa piling-piling okasyon dahil wala ka nang ibang opsyon.
Sa piling-piling araw na kung saan ipapagamit mo lang sa kung sino-sinong tao dahil yun lang ang silbi ko.
Takot ako
Takot ako
Natatakot akong mapalitan ng bago.
Takot ako
Takot ako
dahil lang meron bisitang darating kasabay ng pagtapon mo saakin.
Takot ako
Takot ako
Kasabay ng mga bago pang darating wag mo sana akong paglumain.

Hindi ako takot sa wakas pero takot ako sa simula.
Lahat kasi ng sinimulan ko parang laging may nakakapit na malas
lagi nalang gustong kumalas sa pagkakapit hanggang sa mag wakas.
Hindi kasi lahat ng wakas ay may kasunod na simula—
simula ng panibagong bukas.

Hindi ako takot sa sagot pero takot ako sa tanong.
Mahal mo na ba?
Mahal ka ba niya?
Takot akong masagot ang mga tanong ko ng "Oo" tapos sasabayan mo ng "pero" sa dulo;
ng "Oo" na may preno ang tono kaya takot sa tanong
pero mas takot ako sa sagot.
Mahal na kita mahal mo rin ba ako?

Madami man akong kinakatakutan kung anu-ano nalang gaya ng ikaw,
liwanag,
buhay,
simula,
bago
at makasama ka— lahat ng ito’y hindi mahalaga iibigin kita kahit anuman sabihin nila,
kahit hindi ako ang iyong mahal,
ang liwanag mo,
kahit iba na ang buhay mo,
kahit simula palang ng tulang ito ay takot na ako,
iibigin kita sa isip,
sa panaginip,
sa diwa,
sa mata,
sa tingin,
sa lambing,
matulog ka ng mahimbing
hanggang maubos ang kandilang minsang ikaw ang nagsindi kahit na lahat ng ito ay walang silbi.
Gagawan kita ng puntod na mag sisilbing paalala
na minsan akong nagpakatanga sa pagibig.
Gagawan kita ng puntod at doon ko ibabaon lahat ng ito sa limot.

Iibigin kita habang nililibing ang 'yong alaala. Ililibing kita habang iniibig ko ang iyong alaala.
012517

Wag mo akong sanayin
Habang hawak mo ang mga kamay ko --
Mga kamay na tila hinulma para sa isa't isa
Mga kamay na alam kong ayaw nang bumitaw sayo.

Wag mo akong sanayin
Habang yakap mo ako --
Yakap na matagal kong ipinagkait sayo --
Dahil natakot ako
Natakot akong yun na ang una't huli.
Ilang beses akong tumanggi
Kasi alam ko ring hindi ko mapipigilan
Ang pag-agos ng luha sa nga mata ko.
Ayoko kasing ikaw yung sumalo
Sa pagal kong mga matang ilang beses nang nagpatalo.

Wag mo akong sanayin
Habang sinasabi mo ang mga salitang "mahal kita."
Pagkat sa bawat sambit mo, natatakot ang puso ko
Napupuno ako ng kaba
Na baka bumitaw ka na namang bigla.

Wag mo akong sanayin
Habang sumasandig ako sayo
Ilang beses na akong nagpaalam sayo
At hindi ko rin alam kung may babalikan pa ba ako.

Wag, baka masanay na ako
Masanay na lagi kang nandyan
Masanay na hindi ka bibitaw
Masanay sa pagmamahal mo
Masanay at muling **masayang ang lahat.
Pero kahit pa, masanay man ako o hindi. Bumitaw ka man ngayon o bukas. Kahit pa at kahit na, kasi alam kong pinili kita. Alam kong mahal kita. Alam kong totoong mahal kita. Kaya kahit sinasabi kong wag, sana yung isang wag ang tandaan mo: wag ka nang bibitaw pa.
w Dec 2016
26
Ilang oras na akong nagsusulat
Ilang tinta at papel na ang nasayang
Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko malabas ang nais iparating ng puso
Wala akong magawa kung hindi titigan ang mga nasayang papel na nasa gilid ng aking mga kamay
Ilang ulit na akong nagpalit nang kulay ng tinta ng bolpen, nagbabakasaling kung kulay pula ang gamiting pangsulat, mawawala ang lungkot na nadarama na may mahal kang iba
Baka kung kulay dilaw ang bolpeng gagamitin mawawala ang sakit na nagpapaala-ala na hindi ako ang dahilan ng mga ngiti sa iyong labi
Baka kung kulay berde ang bolpeng gagamitin maglalaho ang mga luhang hindi maubos-ubos tuwing nakikita kitang kapiling siya
Ano pa ba ang dapat gawin?
Ilang papel pa ba ang masasayang para sayo?
Ilang kulay pa ba ng bolpen ang kailangan masayang para malaman ang nais sabihin
Hindi ko alam kung ano at paano
Ano ba ang dapat gawin para mawala ka sa isipan?
Paano ba kita bibitawan kung alam kong sa pagtawid sa kulay pula ramdam kong ako lang nakakapit?
Paano ko hihigpitan ang paghawak sa daming tumatawid sa dilaw na dahilan para bitawan ka kung alam kong malayo ka na para abutin pa
Paano kita hahanapin sa huling kulay berde kung alam kong wala na, tapos na
Wala ng dahilan para magpatuloy
Dahil alam kong hindi tamang ipagpatuloy itong bugso ng damdaming na kahit saang anggulo, hindi tama, hindi nararapat
Kaya hayaan mo kong sayangin ang mga papel, bahala na kung magalit ang kalikasan
Hayaan mo akong maubos ang lahat ng kulay ng ballpen dahil dito ko nalamang masasabi ang mga salitang dapat iparinig sayo
Wala na akong magagawa kung hindi hayaan ang panahon
Hayaan ang sariling humilom
Hindi ko alam kung gaano katagal
Pero hayaan mo, makakapagsulat ulit din ako gamit ang isang papel at kulay itim na bolpen balang araw para sa tunay na nakalaan nito
Pero sa ngayon hayaan mo lang muna akong titigan ka sa malayo habang nakatuon ang iyong mata sakanya
Hayaan mo lang muna akong iyakan ka habang hindi mo mapigilan ang ngiti sa iyong labi kasama siya
Hayaan mo lang akong masanay sa sakit, baka sakaling magsawa ako at hayaan ang sariling sumaya ulit...kapiling ang iba
030317

Oo, totoo --
Hindi mo na kailangang ipagsigawang mahal mo ako,
Na aakyat pa sa tuktok ng bundok
Para isigaw ang pangalan ko,
At doo'y ihayag ang nilalaman
Ng damdaming nagsisidhi,
Sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan.

Mahal kita --
Sabi nila, lahat ng panimula ay may pangwakas
Pero hindi ko mahagilap sa anumang libro
Kung may katapusan nga ba ang mga salitang yan.

Sa bawat letrang namumutawi sa aking bibig,
Hindi ko alam kung matatapos ba
Ang pagkatha ng puso ng sarili nitong lenggwahe ng "mahal kita"
Pagkat hindi ito isang antigong alahas
Na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
Pagkatapos ay itatago sa kahon,
At kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon.

Sabi sa kanta,
"Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga"
Pero ang sabi ko nama'y
Tirik man ang araw sa pagtawa
O kulimlim man ang gabi sa pag-iyak,
Hindi ako mauubusan ng dahilan
Para mas mahalin ka pa.
Mahal, kaya ka pala mahalaga
At kaya pala mahalaga --
Ngayon, ngayo'y alam mo na.

Kukunin ko ang mga agiw
Sayong mga lumang gunita,
Pilit kong wawasakin ang mga pader
Na hindi akmang pumagitna sa'ting dal'wa.

Sa paulit-ulit **** pagsambit,
Noo'y natakot akong maglaho ang halaga nito
Natakot akong bawiin ng bukas ang bawat sinasambit mo
Pero ngayon, mas pinili ko nang masanay --
Masanay sa bawat pagbigkas mo
Kahit pa sabi ko noo'y ayoko
Kahit pa gusto kong itanggi
Kahit pa gusto kong limutin.

Pero oo, sapat na sakin ang tiwala mo
Sapat na sakin ang pag-intindi mo
Minsa'y di ko maintindihan sa telepono,
Minsa'y di ko malinaw sa pandinig ko
Pero alam ng puso ko:
Narinig ko.

Sa mga kamaliang pilit nating binabayo,
Mga pagkukulang na pilit nating pinupunan,
At sa mga araw na kahit luha ang nalalasap,
Doon ko nakitang kaya pala --
Kaya pala nating magpatuloy
Sa paghawak sa kamay ng bawat isa
At kahit pa malayo sa isa't isa'y
Ikaw at ikaw pa rin ang pagsinta.

Minsan di'y nagtanong ako,
Ba't hindi ka na lang naunang masilayan ang mundo?
Bakit kailangang hintayin pa kita?
Bakit kailangang masaktan muna bago matugunan ang pagmamahal?
Ba't nga ba minamahal kita?

Mapupuno ako ng bakit
Pero itatapon ko ang mga ito,
Ayoko nang malunod sa pangambang
Paggising ko'y baka muli ka na namang maglaho
O baka malimot ng isa sa atin
Ang iniingatang "mahal kita"
Tatalon ako sa walang kasiguraduhan
Tatalon ako --
Oo, alam kong nahuhulog ako
Nahuhulog sa walang katapusang
"Mahal kita."

Hindi ko gamay ang misteryo nito
Hindi ko mabatid ang mga nakasulat,
Mga nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
Pero ililibot kita,
Sa aking nakaraan,
Sa aking ngayon
At sa aking bukas --
Pagkat hindi tayo nabigo
Ayokong biguin ka.

Kailanman hindi mabubura,
Hindi maglalaho
Para sa nag-iisang ikaw.
Sana magkusa ang araw sa pagbangon,
At bukas makalawa'y maririnig ko na
Ang hinihintay kong "Mahal kita."
emeraldine087 Mar 2015
Minsan na rin ako’ng nadapa sa landas na mabato.
Nagalusan ang aking mga palad at mga tuhod ay nagdugo.
Nahirapan ako’ng bumangon at maglakad nang muli.
Ngunit akin pa ri’ng pinilit nang may matapang na ngiti.

Minsan ako’ng lumuha dahil sa matinding pagkabigo.
Muntik nang naudyok na tumalikod na lang at sumuko.
Subalit nakakita ng dahilan na patuloy na maniwala
Na mas matamis ang tagumpay kung may kasawian muna.

Minsan ako’ng naligaw sa pagkadilim-dilim na kawalan.
Naubos ang tinig sa pagtawag para sa kaligtasan.
Halos masanay na ang aking mga mata sa nakapopoot na dilim
Pero nakahanap pa rin ng pag-asa upang pawiin ang pininimdim.

Marami na rin ako’ng napagdaana’ng pagsubok,
Nakapaglakbay na sa pinakailalim at sa pinakarurok,
Nalasap ang pait at tamis sa masalimuot na biyahe ng buhay.
Ang akala’y nakita ko na ang lahat sa aking paglalakbay.

Ako ay nabigla dahil ako’y lubos na nagkamali
Nang isang araw na namulat na lang nang ikaw ang katabi.
Dahil dito sa buhay ay mas marami pa pala’ng kulay at hiwaga,
Mas marubdob pala ang hatid mo’ng misteryo’t talinhaga.

Minsan ako’y umibig nang hindi ko namamalayan.
Nagalusan, nakabangon, lumuha, ngumiti, nawala’t natagpuan.
Hindi ko pa mapagtanto kung ang pag-ibig na ito’y biyaya o sumpa,
Ang tanging alam ko lang: ang bawat halik mo’y buhay ang dala.
Jowlough May 2013
Dala na din ng pagod ako ay humandusay ng walang kaabog abog
Sa bangketang madumi, ang katawan ko ay pinabayaan.
Basa ng ulan, ang pag ubo'y walang alangan,
Hanggang sa muli, hanggang sa makasakay
Dala na din ng pagod sa pagkayod at hanap buhay
At pakikipagtunggali sa mundong walang tigil, puro tagay.
Ang pag aasam maging karaniwan at humanay
ay 'di mawaglit. Hindi parin labis na masanay.
Bakit nananatiling lumalaban sa tamis at pait?
Dala na din ng pagod, ay hindi man lang mkapag ahit.
Ang pagod na wari sa sabog na balbas ay di alintanang lumago,
Buhok na primitibo ay minsan 'di na mailitrato.
Sapagkat napakaraming bagay ang naikot sa isip,
Upang sarili ay ihuli at sadyang balewalain;
Dahil minsa'y di mapigil ang sariling takbo ng ideya,
Sa pagkain ng isip sa puso, minsan ikaw ay madidismaya.
Sapagkat ako ay tumatanda ng paabante
Na walang iniisip kundi ang mabilis at walang kasiguruhang bukas ,
Na walang oras man ang pwedeng malibre at mabakante.
Dala na din ng pagod ako'y biglang natuturete
sa ingay ng maduming palengke, sa mahal ng kuryente,
Sa araw araw na madugong pagbyahe, pamamasahe;
Sa mala sinaunang Kastilang amo. Mga taong may ugaling dyahe.
Ang pakikisamang hinog na alam nating importante.
Dala na din ng pagod, alam nating hindi pasko parati.
Sa ambisyon at oras, ginagawa ang lahat at pilit naghahabol,
Kapag isipan ay nalason. Bilisan at ang oras ay nagagahol.
Dala nadin ng pagod, nagiiba ang pangangailangan
bakit ang dating madali ngayon sa hirap ay saksakan?
ang maliit at lumalaki, ang punong kahoy **** matikas,
ay sadyang binabato sa tuwing ito ay namumunga ng wagas.
Sa kabilang buhay, huwag **** kalilimutan.
lahat ng paghihirap ay sadyang mawawala.
Mga maling desisyon huwag kaagad itulak,
mga iniisip huwag sadyaing ibalak.
Dala lang yan ng iyong saloobin at pagod iho,
matatapos din ang pait sa sa paglaklak ng alak
myONE Aug 2017
Pinipigilan ako ng pagprotekta sa'yo
Na lambingin ka tuwing maaalala kita
Gusto kitang kausapin sa tuwing namimiss kita
Pero hindi ko pwedeng gawin dahil baka awayin ka n'ya

Tinuturuan kitang kalimutan ako
Paunti-unti at nasasaktan ako
Pero paunti-unti 'ring nadudurog ang puso ko
Tuwing ginagawa kong tanggalin ako sa sistema mo

Gusto kong makalimutan mo ako
At lumayo sa'yo ng di mo nalalaman
Umalis ng walang paalam
Kahit masakit, 'pag talagang kailangan

Isipin ka sa buong magdamag
Ang tanging pwede kong gawin
Dahil hindi kita maaaring lambingin
At sabi ng konsensya ko'y huwag

Aalis ako mahal sa panahong hindi mo iisiping mawawala na ako
Sa panahong masaya ka at maayos ka
Aalis akong hindi nagpapaalam
At hindi mo nalalaman

Masanay ka ng hindi ako dumarating
Sa ating tagpuan, sa ating pinag-usapan
Hindi mo na ako dapat hintayin
Sapagkat ako nama'y aalis din

Kapag hindi na ako sumisipot
Sa tagpuang sa akin ay ipinaabot
Masanay ka na mahal
Baka saglit na lang at 'di na magtagal

Dahil ang labis na pagmamahal ko sayo'y bawal
Kahit gusto kong makasama ka ng napakatagal
Lahat ng alaala **** meron ako
Ang laging nasa puso't isip ko
'Pag nalagot na ang hininga ko
Doon magtatapos ang lahat ng ito.
082917
miss na kita mahal
pero kailangan kong magpaalam
mahal
masanay ka na
sa mga bati sa umaga,
sa kamusta,
sa nakauwi ka na ba,

sa mga tula,
sa mga tamang tugma,
at huwag kang mag-alala

hindi lang 'to sa umpisa
dahil hangga't nandiyan ka
hindi ako mauubusan ng mga salita.
Estranghero ang bawat numero
Arok kong ikaw iyon
Ang boses **** tila nasobrahan sa kape
Parang may giyera lang sa himpapawid.

"Yung katext mo kanina," yan ang sagot mo
Akala mo siguro wala akong ideya
Sa pagkatao mo.

Naisip ko rin yun
Na tawagan ka mula sa hiram na numero
Nang masanay ang pandinig
Sa boses **** walang kalambing-lambing.

Wala naman tayong listahan
"Long time, no communication," pa ang sambit mo
Bakit ba at tila ako'y miss mo na?
Wala naman akong masasabi sa kabilang linya.

Nagsinungaling ako
Nang sabihin ko ang porsyento ng baterya
Hindi sa ayaw kitang kausapin
Bagkus, wala akong maisip na tamang salita
Hindi ako makapag-isip ng tama
Sana ang diwa ko'y kasama mo na lang.

Yung pangako mo'y biglang napako
Akala ko nga malapit na
At tila binibilang ko ang nasa kalendaryo
Ako'y bigong muli.

Tatlong taong lumipas
Pero walang kupas ang kahapon
Sigurado akong tanda mo pa ang lahat
Na ang kahapon nati'y
Kailanma'y hindi pa tinutuldukan.

Kung ang pahinang ito'y mali sa katotohanan
Isa lang ang panalangin ko sa kanya
Na itong damdaming mahimlay na lamang
Pagkat ang lugar nito ngayo'y
Nasa tamang kondisyon pa naman.

Ramdam ko ang paghanga mo
Hindi ako manhid na minsang inisip mo
Hindi mo naman sinubukan noon,
Ba't ba pilit **** nililimot na mayroon pang ngayon?

At kung ang bukas ay wala nang araw
Sana'y ang pag-ibig ay sinimulan na noon pa man
Hindi pa man ramdam ang tunay
Bagkus sana ngayo'y kontinwasyon na lamang.

Wag nating takbuhin ang lakbaying ito
Hayaang ang layag ay dalhin ng hangin
Nang hindi makontra ang tamang ihip nito
At sa bagyong paparating
Ay maging handa na tayo.

Kung papalarin na tayo'y maparoon
Sa dakong Norte kung saan ang tama'y nakatrono
Hayaan nating ang oras ang maging saksi
Hindi ang magka-ibayong lupa ang tumuon.

(6/3/2014 @xirlleelang)
elea Sep 2016
Ano na gagawin natin?
Pagod kana ba?
Mag papahinga ba muna tayo?
O pag-ibig ang magiging pahingahan natin?

Apat na natatanging sagot na hindi ko masagot.
Ngunit kailangan ko.

"Gusto mo na ba mag pahinga?" Aniya.

Hindi ako napapagod.
Ayoko lang mapagod ng husto.

Mahal, hindi ako titigil.
Hindi naman kita kakalimutan,
Kailangan lang talaga natin mag pahinga.
Ipahinga ang mga puso nating kinatatakutan kong mapagod.

Ayokong maubos ang pagmamahal ko.
Kailangan ko lang muna maging buo.
Kailangan bumalik tayo sa dati.
Kailangan natin ulit maging bago.

Yung gaya ng tayo noon.
Walang kahit ano at sino ang nakakapag pa hinto.
Hindi na tatakot sumugal.
Hindi iniisip ang mangyayari na pano kung ganyan,
Na paano kung ganito.

Ayokong aalis ako kung kelan wala na.
Yung matapon ang dating puno.
Maging abo ang dating nag aalab.
Mag papahinga lang ako habang mahal padin kita.

Mahal, wag ka masanay na wala ako.
Wag **** kakalimutan na sayo at saiyo parin uuwi at igagapos ang mga braso.
Tanging mga labi mo padin ang hahanapin ko.

Babalik ako ng buong buo,
Handa na muli sa kahit ano.
Babalik ako ng hindi nag babago ang ritmo ng puso.
Babalik ako na Ikaw parin ang tanging kanta na aawitin nito.

Mag kikita tayong muli.
Mag hahawak ng kamay.
Ngingiti at tatawa.

Mahal, ayoko lang mapagod kung kailan malapit na tayo sa dulo.
Ayokong masayang ang lahat.
Ayokong mawala ang Ikaw at ako.

Babalik tayo.
Kasi ayun ang mangayayari.
Naka tadhana na iyon.
Tayo naman lagi.
Tayo lang palagi.
9/8/16 pbwf
- Ikaw lang palagi.
Ikaw naman lagi. -
Nanci Sep 2017
Nasanay ako sa iyong salitang kay tamis
Nasanay ako sa iyong mga yakap na kay higpit
Nasanay ako sa iyong mga kwentong kay haba
Nasanay ako sa mukhang pinagmanahan ko
Nasanay ako na laging nasa iyong tabi
Nasanay ako na di mo iniiwan
Nasanay ako na laging **** inuuna
Nasanay ako na mahal natin ang isa't-isa

Yan yung nga nakasanayan ko ngunit dahil sa isang pagkakamali lahat ng ito'y nagbago
Dahil sa isang pagkakamali mo ang lahat ng nakasanayan ko ay nag-iba
Kung noon nasanay ako, ngayon sanay na ako

Sanay na ako sa lagi **** pag-alis
Sanay na ako sa lagi **** pag-iwan
Sanay na ako sa mga pangakong di mo natutupad
Sanay na ako sa mga pangakong lagi **** binabali
Sanay na ako na laging may kulang
Sanay na ako na ako nalang ang umiibig
Sanay na ako sa mga luhang tumutulo
Sanay na ako na iba na ang mahal mo

Sanay na nga ako pero paano bang masanay na di na nasasaktan?
Paano bang masanay na wala nang pakialam?
Paano nga bang di nalang makialam?
Dahil oo kahit sanay na ako, nagtitiwala at nagmamahal pa rin ako sayo
Georgette Baya Sep 2015
Offline nanaman siya. Pwede naman kasing magsabi sya ng wait, para alam kong di ako umaasa.
Madalas kasi lagi syang bigla biglang offline, ayoko namang tanong ng tanong tapos chat ng chat sakanya kasi minsan parang feel ko nauurat na siya. Feel ko lang kasi kahit ako nauurat nadin eh, paulit ulit nalang. Pero okay lang, kailangan ko nang masanay. Sanayan lang naman to.

But he's worth it, I swear he is.

If i would compare him, to a thing..
Probably it would be a Gum.
Sa una lang sweet, sa huli nawawalan na ng lasa. Bow!

Pero mahal ko padin sya kahit ganun sya.

As a girl, marami kaming gusto sa isang lalaki.
Lalo na ang mga Sweet Conversations, that always makes our days.
At ang pinakabest part? Yung mga Long Goodnight and Goodmorning messages, yung tipong gigising kaming mga babae sa isang sweet and blissful morning messages.

Yung tipong,
"Hi alien! Good morning, sorry kung natulugan kita kagabi,
antagal mo kasi magreply eh kala ko tulog kana. Sorry kung nag antay ka man, babawi ako. I love you"

Charot lang kahit wala ng, I love you.
As long as it touches our hearts.

Kumain ka na ng tanghalian oy, wag ka magpapalipas.
Babay.

Aalis na si tatay.

Bantayan niyo ang bahay.

Abangan niyo si nanay,

may pasalubong na alay --

isang halik na may laway!

Matagal siyang nawalay.

Umalis sa'ting bahay.

Nagbago ng buhay.

Naghanap ng karamay.

Sana'y di siya masanay

sa bago niyang buhay,

at umuwi na sa atin

bago pa'ko ilamay!
English Translation:

Bilin - Counsel

Goodbye
Father is leaving.
Take care of our shelter.
Wait for your mother,
with souvenirs for thy dearest --
warm hugs and kisses.
She's long separated.
She left us dejected.
She looked for another,
one who gives laughter.
Hope she won't get use to
her new life without you.
Pray she'd come home now
before my soul flew.


Bilin sa ating mga supling na sina Vlad at Vera. :)
(Counsel to our cats -- Vlad and Vera)
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
zee Oct 2019
pilit at pilit na sinusupil
ang karasahan na kumikitil ng buhay
ng mga taong na wala namang kasalanan
ngunit tuloy pa ring pinagdidiinan
hindi dapat tayo masanay na ang trato sa bawat isa'y 'di pantay-pantay
lahat tayo ay may karapatan at dapat lang na ito ay ating ipaglaban
lalo na sa panahon ngayon na kung saan
ang hustisya'y para na lang sa iilan
imbis na paglingkuran ang samabayanan,
kinukurap ang mga pera sa kaban
ng mamayang dugo't pawis ang inilaan
nagmimistulang mga mang-mang sapagkat wala silang kaalam-alam
na ang kanilang panginoong pinaglilingkuran
ang siyang kumakamkam sa kanilang mga pinaghirapan
Inang Bayan, kailan kaya makakamtan ang kalayaang inaasam?

09.21.19
Angel Apr 2019
Di ko alam kung kaya ko pa
Crush nga lang ba o Mahal na kita
Kwento ko na ba o huwag na lang muna
Ganto kasi yan teka lang wala pa kinikilig ka na
Paano pa kaya kung maging tayo na
Ang sweet ko diba ganyan talaga masanay ka na
Kasi kapag tayo na daig mo pa nanalo sa lotto sa sobrang tuwa
Araw araw susulatan kita ng tula
Pero lahat ng ito hanggang salita ko lang pala

Ako'y biglang nagising at natulala
Nakita  kang may kasama nang iba
Pinipilit ngumiti kasi alam ko masaya ka na
Ngayong kasama mo na siya
At ako ngayon ay nagiisa
Ang swerte niya kasi ikaw ang kasama niya
Kung nasabi ko sana sayong gusto kita
Baka sakali may tayo na
Baka sakali mahal mo na pala ako sa susunod na umaga

Sana hindi lang siya puro salita
Sana magawan ka niya ng isang tula
Sana daig mo pa ang nanalo sa lotto sa sobrang tuwa
Sana sweet siya sayo hanggang sa pagtanda ninyong dalawa
Sana maiparamdam niya sayo na may kayo pa
Promise hindi ko ikwekwento sa iba
Na naging crush kita kaya sana mahalin ka niya
Di ko alam kung kaya ko pa
Pusang Tahimik Jul 2020
Nariyan ka nanaman
Parang kabuteng sumusulpot sa kawalan
Pakiwari'y sa tagal ay lumisan
Ngunit heto't muli nagpaparamdam

Mainit kung aking natatandaan
Ang pagsuyo sa aking isipan
Ano't tila naglaho sa kawalan
Ang anino mo sa aking kamalayan

Tugon niya sa akin kamakailan
Na waring mauulit ko nanaman
Sapagkat tila ba ay nakagawian
Ang lumisan ng hindi nagpaparamdam

Babalik naman ako sunod taon makalawa
At pangako, ako'y hindi nag-iiba
Masanay na lamang sa aking ginagawa
Sapagkat natural na yata sakin ang mangaluluwa
-JGA
Kurtlopez Jun 2021
Pakiramdam niya’y wala siyang halaga,
Nararamdaman niya sa mga turing ng mga nakapaligid sakanya,
Walang silbi at walang kwenta,
Maraming ginagawa ngunit hindi makita kita.

Pinipilit niyang labanan lahat ng masasakit na salita,
Hindi tinuring na kalaban ang mga taong nakapaligid sakaniya,
Malakas siya ngunit may humihila,
Ilang beses nang bumagsak ngunit muling nagsisimula.

Sana’y tingin ng tao ay huwag pagtuonan.
Ugali nang manghusga, sana’y masanay na,
Ang mahalaga, kilala mo ang sarili mo.
At humahawak ka sakanya.

Magpokus sa nakataya,
Iwasan ang walang saysay na problema,
Huwag magpapatalo,
Marami talagang gustong bumagsak ang isang tao.
English Translation:

The night has ended
But you're still not here as expected

The night has ended
But until now
You've left my lips unattended

The night has ended
But the chance is still prevented

How long will I wait
For that fate
For that day

To give you my yes

And to say I do,
In my wedding dress

---
Original Philippine Version(written on the date below):

Natapos na naman ang gabi
Na hindi parin ikaw ang katabi

Natapos na naman ang gabi
Ngunit hanggang ngayo'y ikaw parin,
Ang hanap ng aking mga labi

Natapos na naman ang gabi
Wala parin ang hiling na sandali

Hanggang kailan pa ba ako maghintay
Sa tinig na kay lamig
Sa yakap na kay higpit

Hanggang kailan pa ba ako maghintay
Pagkat ayoko nang masanay
Na maghintay sa wala
At paasahin ng tadhana

Nakakpagod at nakakainip na
Umasa na may tayo
At sagutin ka na nang --
Oo
March 27, 2017
9:06pm
Kurtlopez Jul 2023
Madalas sinasabi ng nanay ko sa'kin, "Masanay ka na lang kasi, ganoon naman talaga eh."

Pero palagi kong iniisip,  na kailangan ba talaga natin sanayin ang sarili natin sa mga bagay na hindi naman dapat natin nararanasan?

Hindi ba pwedeng tayo na mismo ang gumawa ng paraan para makalaya mula sa mga salitang paunti-unti tayong sinasakal o pinapatay sa sakit. Kasi hindi naman dapat palaging ganito, hindi ba?

Kasi minsan kahit sanayin natin ang sarili natin, may mga pagkakataon na hinihiniling natin na sana — sana kinabukasan magbago na ang lahat at hindi ko na muling maranasan ang umiyak.

— The End —