Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
sa rimarim na ito sa’yo’y walang sasambot
siyam, sampu
pipindot na sila sa gatilyo
Naaalala ko pa noong matiwasay pa ang lahat
tahimik bukod sa sipol ng hangin na rinig na rinig
walang ingay sa paligid
puti ang sahig – linis hanggang gilid
Naalala ko pa noon,
walang pangambang tahi
sa bawat isa sa t’wing pumapatak ang gabi
Madilim ang lansangan,
ngunit may liwanag ang daan
Di mag-aalalang umuwi,
‘di magugulumihanan
Naaalala ko pa
nung una silang pumindot sa gatilyo
Nayanig ang paligid,
nagulo ang tahimik
Tintado na ang sahig na dating puti
ng dugo mula sa bago nilang kitil.
Naalala ko pa noong nagpasabog sila ng bomba
Nabingi ang lahat sa ingay na likha,
mga tarantang mukha,
mga takbong halos ikadapa
mga matang labong labo na
ng mga luha
Naalala ko pa noong kinuha nila si itay
lupa raw namin ay ayaw niyang ibigay
pinuno ng latay,
inuwing akay-akay -
muntik na siyang mamatay
- walang kamalay-malay
na kami’y unti-unting pinapatay
ni walang panahong
makinig saming salaysay
May dugo
ang bigas
na iginagatong ninyo
May bakas ng dahas
ang pagkaing hapag sa kainan ninyo
Mga sigaw
na busal ng kasadong gatilyo
May namamatay na dito
makinig naman kayo!
Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
pipindot na sila sa gatilyo
Siyam, sampu