Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
ESP May 2015
Hindi ako marunong tumula

Hindi ako marunong tumula
Kahit tinuruan ako ng **** ko sa wika
Ng tamang pagsulat
Ng may tamang sukat
Ng may tamang sukat ng salita
Ng may tamang salita

Hindi ako marunong tumula
Dahil iniwasan kong gumawa ng isa
Dahil ayoko ng konbensyunal
Dahil ayoko ng sukat-sukat
Dahil ayoko ng bilang-bilang
Dahil ayokong nahihirapan
Kung paano ko ipapahayag ang sarili ko

Hindi ako marunong tumula
Dahil alam kong ang mga makata lamang
Ang may kakayanang makapagsulat
Silang mga nakapag-aral ng wika
Silang mga matagal nang nagsusulat
Silang walang sawang nagsusulat ng mga salitang
Kasing bango ng mga bulaklak
Kasing tingkad ng langit
Kasing linaw ng mga tubig sa dagat
Kasing sarap ng paglanghap ng sariwang hangin

Hindi ako marunong tumula
Kahit naririnig ko sa radyo
Ang mga kantang binibigkas
Ng mabibilis na mga bibig
Ng mga magagaling na mang-aawit ng tula

Hindi ko inibig ang tumula
Dahil alam ko sa aking sarili
Na marunong lang akong magsulat ng kung anu-anong kwento sa buhay
Mga kwentong binibigyan ko ng buhay
Na akala ko sa isip ko lang maninirahan

Ngunit dumating ang araw
Natulala sa isang bagong kwaderno
Blangkong kwaderno
Ni hindi ko alam
Kung ano ang isusulat
Walang maisip ni isa
Maliban sa isa
Ikaw
Ikaw lang ang laman ng isip ko

Nakapaglakbay patungo sa unang pahina
Ang salitang aking hinahanap
Hanggang sa nagtawag siya ng mga kasama
Ng ka-tropa
Ng ka-barangay
Sunod-sunod silang nagsisidatingan

Ikaw lang ang laman ng isip ko
Ikaw na lagi kong kasa-kasama
Ikaw na lagi kong gustong kasama
Ikaw lang
Pero sunod-sunod ang salitang naisulat ko
At nagulat ang nanlalabong mata ko
Tula na pala ang naisulat ko

At nagsulat ako
Nang nagsulat tungkol sa mga ngiti mo
Tungkol sa kung paano kita nagustuhan
Tungkol sa kung kelan lahat nagsimula lahat ng nararamdaman ko
Tungkol sa kung paano ko nilalabanan 'to
Tungkol sa pagkagusto na akala ko hindi dapat
Dahil magkaiba tayo ng gusto
Nagsulat ako nang nagsulat
Hanggang naisulat ko na pala
Na mahal kita

Hindi ako marunong tumula
Ayaw kong gumawa noon ng tula
Pero dahil sa'yo
Marunong na akong gumawa ng tula

Gumawa ako ng maraming tula
May maikli
May mahaba
May hindi tapos
May walang kwenta lang
Halos lahat ay patungkol sa iyo
Minsan sa buhay ko
Pero sa'yo lang umiikot ang buhay ko
Totoo

Ang sarap palang gumawa ng tula
Akala ko mahirap
Akala ko laging may batayan
Akala ko laging may sukat
Tulad ng itinuro sa akin ng **** ko sa wika
Pero hindi pala
May iba palang paraan
Basta't may emosyon kang nararamdaman
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Malungkot kasi hindi kita nakasama
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Masaya kahit na tinititigan lang kita nakikita ko na mangiyak-ngiyak ka na sa tawa
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Pagkasawi kasi alam kong walang patutunguhan 'tong lahat

Katulad mo ako
Isinusulat mo kung anong nararamdaman mo
Ang nararamdaman **** hindi katulad ng nararamdaman ko
Ikaw na siyang nagmamahal ng taong
Hindi ka gusto
Katulad mo ako na
Nagsusulat ng laman ng puso mo

Kung pwedeng ako na lang na ang tinutukoy mo

Marunong akong gumawa ng tula
Ikaw ang may dahilan ng lahat
Nasabi ko na sa'yo lahat
Hindi pa pala lahat

Marunong akong gumawa ng tula
Pero hirap na hirap ako ngayon
Dahil wala na akong maramdaman
Wala na ang pinanghuhugutan
Wala na yatang dapat paglaanan
Wala na

Habang isinisulat ko ito
Wala akong emosyon
Walang emosyong nararamdaman
Sa'yo
Tapos na ata ako sa'yo
Wala na rin akong masulat para sa'yo
Pero marunong akong magsulat ng tula
Kaya
Maghahanap na lang ulit ako
Ng taong paglalaan ng mga salitang
Hindi makatotohanan sa pangdinig kapag isinambit
Hindi makatototohan habang binabasa ng mga mata
At hindi makatotohanang isinulat ng isang hamak na katulad ko
Maghahanap ako
Ng isang tulad mo

Mahaba-haba na ang aking naisulat
Napatunayan ko na atang marunong akong magsulat


Pero hindi ako marunong tumula.
Glen Castillo Jul 2018
Balang araw,
Biglang babagal ang paglakad ng oras
Bahagyang hihinto ang ilog sa kanyang pag lagaslas
Aawit ang mga langay-langayan
At luluha ang kalangitan

Luhang hatid ng matinding galak
Sa wakas ay wala ng iiyak
Dahil natapos na ang panaginip
Salamat at hindi ka nainip

Maraming istorya ang nais kong sabihin
Inipon kong lahat para sa'yong pagdating
Kulang ang magdamag kung aking isasalaysay
Kung paano kita hinintay

Sa sandaling tayo'y magtagpo
Doon lamang magiging perpekto ang mundo
Dahil sa kabila ng mga gasgas nating puso
Ay may paraisong tayo lang ang makakabuo

Sana nga bukas kapiling ko na ikaw
Sana nga bukas na ang ating ''Balang araw''.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Kapag puso ang naghintay,lahat ng sandali ay may saysay.
dannyjoe May 2019
Pagbasa at Pagsulat

Bata pa lamang ay lubos ng namulat.
Ako’y walang ibang kakayahan bukod sa pagbasa at pagsulat,
Ang aking marka sa agham at sipnayan ay maalat pa sa dagat,
Ang guhit ko naman ay tila panggatong na kalat.

Di ko naman ninais na ito lang ang kayang gawin.
Madami din akong kakayahan na nais maangkin,
Ngunit sa ibang bagay ay hindi naman nakikitaan ng galing.
Sa sarili nagtataka na rin, bakit ba pagbasa at pagsulat lang ang kayang gawin?

Naisip ko na maging mang-aawit, tinig ko naman ay pilit minsan ay pipit.
Naisip ko na maging pulitiko, ngunit ayokong mabansagang mangungupit.
Naisip kong maging ****. kaya kong magturo ngunit, ako ay masungit.
Naisip kong maging arkitekto ngunit, guhit ko naman ay walang kasing pangit.

Sa kakulangan ko ng kakayahan sa madaming bagay, ay sa sarili ay nagtataka na.
Siguro ako ay may isang malaking sumpa.
Sumpa na sa akin ay nagbibigay ng makalangit na biyaya.
Sapagkat sa pagbasa at pagsulat lamang ako lubos na lumiligaya.
Louise Jul 2016
(A tagalog poem)



Tyaka na lang kita papansinin,
kapag kaya na kitang bigyan ng isang
matamis na ngiti gamit ang bibig na hindi
nangangamoy usok ng sigarilyo.
Tyaka na lang kita kikilalanin,
kapag kaya ko na ring kilalanin ang sariling tinig at hindi ang sigaw ng mga demonyong nangungupahan sa aking isip.
Tyaka na lang kita tatawagan,
kapag kaya ko nang alagaan ang aking katawan at muli na akong natutulog
bago pa magpalitan ang araw at buwan.
Tyaka na lang kita iisipin,
kapag ang tanging kinakatakutan ko na lamang ay ang pagkakawalay sayo
at hindi ang maaari kong gawin sa sarili
oras na maiwan nang mag-isa sa kwarto.
Tyaka na lang kita papakatitigan,
kapag ang aking mga mata'y hindi na pagod, namumugto, namumula.
Tyaka na lang kita kakausapin,
sa araw na pag-ibig na ang aking bukambibig,
sa oras na kasiyahan na ang nasa isip
at hindi kung paanong tali ba ang gagawin sa gagamiting "lubid".
Tyaka ko na lang hahawakan ang iyong kamay,
kapag naghilom na ang mga hiwa at sugat na ginuhit, inukit sa pulso,
kapag ang isip at kalooban ko'y
muli nang nagkasundo.
Tyaka na lang kita hahalikan,
kapag kaya ko nang talikuran ang mga bote ng alak kapalit ng dampi ng iyong labi.
Tyaka na lang kita yayakapin,
tyaka ko na lang hahayaan ang sariling
maranasan na iyong mahagkan,
kapag muli na akong nakakakain ng tama, sa tamang oras.
Kakayanin mo kaya ang maghintay kahit magpa-hanggang kailan?

At patawarin mo ako. Patawarin mo kung ano ako. Patawarin **** ito ako.
Patawarin mo ang kototohanan na
binubuo ako
ng kalungkutan at kaguluhan.
Patawarin **** kung minsan
kapag bumuhos ang luha
ko'y mas malakas pa sa ulan.
Isang araw, aawit ako
ng awit ng pananalig at katiyakan.
Susulat ng tula na naglalaman ng kasiyahan.
Ngunit sa ngayon,
dasal ko'y patawarin mo muna ako.

Giliw, tyaka na lang kita iibigin...
kapag kaya ko na ring ibigin ang aking sarili.
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
AnxiousOcean Mar 2018
Ngingiti ka na naman;
Lolokohin mo na naman ang buong mundo,
Paniniwalain ang lahat ng tao,
Uutuin maging ang sarili mo--
Na ayos ka lang,
Na wala kang problema,
Na patuloy kang lumalaban
Sa buhay kung sa’n
Ang sarili ang iyong kalaban.
“Ayos lang” ang iyong sagot sa tanong na “kamusta ka?”
At ngayon ko lamang napagtanto na palabiro ka pala.
Lahat nang ‘yan, iyong itatago sa iisang ngiti.
At sa iyong pagkukubli,
Lahat ay napaniwala.

Tatawa ka na naman;
Muling ipaparinig ang iyong halakhak.
‘Yung tipong mabibingi silang lahat
At masasabing ikaw ay masaya at tapat.
Pero ang bawat ritmo ay kumpas ng kasinungalingan
Na hindi namamalayan dahil sa lakas ng tawanan.
Itutuloy ang tawa hangga’t ang kasiyahan ay maisilang.
Pambihirang panlilinlang.
Daig mo pa ang hunyango pagdating sa pagtatago.
Lahat idaraan mo sa tawa, hindi dahil masaya ka,
Kundi dahil wala kang mukhang maihaharap.
At sa iyong pagpapanggap,
Lahat ay napaniwala.

Mananahimik ka na naman;
Mambibingi gamit ang saradong bibig.
Sasampalin ang buong mundo ng kantang walang ritmo,
Walang liriko, at walang nota.
Dahil hindi tengang handang makinig ang iyong kailangan,
Kundi pangunawa at ang maintindihan.
Mahirap bang gawing salita ang iyong nadarama?
Hirap ka bang magsabi ng kahit ano sa kanila?
Kaya’t mananahimik ka na lang
At paparoon sa isang sulok.
Aawit nang pabulong,
Rinig lamang ang iyong suntok.
At sa iyong pananahimik,
Lahat ay napaniwala.

Mangangamba ka na naman;
Matutulog na lang, sasaktan pa ang sarili mo.
Titingin sa paligid at magiisip nang kung anu-ano.
Kahit ano.
Kahit masakit.
Hanggang sa maaawa ka sa kalagayan mo ngayon
At Iiyakan ang sariling takot bumangon.
Malulungkot, magagalit
At mapapatanong kung bakit.
Bakit ganito? Bakit ganyan?
Bakit ang mata mo ngayo’y luhaan?
Minsan tulog na lamang iyong hiling,
Pero pagod ka pa rin maging sa paggising.
Mangangamba at iisipin ang lahat.
Lahat sila,
Lahat ng iyong napaniwala.

Pero hindi ako.
Ibahin mo ako,
Simula’t sapul, hindi mo ‘ko maloloko.
Hindi mo ‘ko mapapaniwala, hindi mauuto,
Dahil kilala kita,
At alam ko ang pinagdaraanan mo.
Alam kong hirap ka na sa pagsubok ng buhay.
Mistulang ang bawat araw ay pare-pareho na lamang,
Walang bago, puro tabang.
Maaaring tensionado ka, dulot ng paaralan.
O ‘di kaya’y dahil diyan sa mga tinatawag **** “kaibigan.”
Pwede ring dahil sa iyong tahanan.
Dahil sa sakit na dulot ng kung ano man.

Kilala kita.
Alam ko ang nararamdaman mo.
Alam kong gusto mo nang huminto,
Gusto mo nang itigil ang laro,
Pagod ka nang bumangon,
At takot nang umahon.
Tulad ng isang dahon na kahit kalian
Ay ‘di maibabalik sa punong pinanggalingan.
At iyo na lamang inaantay ang iyong paglanta.
Sa isang lugar, inirereklamo ang tagal ng pagkawala.
Dahil ikaw ay sawang-sawa.
Paulit-ulit na lamang.
May galit, may pait pagkatapos ng hagupit.
Babangon, sasaya, at muling babalik sa sakit.
Alam kong luha ang ‘yong nais ipabatid,
At hindi ang iyong mga tawa.
Dahil dama ko ang iyong lungkot sa tuwing ika’y masaya.
Alam kong hirap ka na.
Alam ko, alam ko.

Kilala kita.
Alam ko ang pagkatao mo.
Hirap ka nang kumapit, alam ko.
Dahil mahina ka,
At ‘di mo kailangang magpanggap;
Alam ko ang iyong hanap.
Ngunit nawa'y maintindihan mo,
Tanggap kitang buo at totoo.
Pwede ka nang umiyak,
Pwede mo nang bitiwan ang 'yong sandata,
Pwede mo nang ibaba ang iyong kalasag,
Pwede ka nang maging totoo.
‘Wag nang magpanggap na malakas ka,
Pwede kang maging mahina.
Pwede mo nang burahin ang iyong ngiti.
Pwede kang umiyak,
Hayaan **** dumaloy ang mga luha.
Sige, isumbong mo lahat,
Sabihin mo ang lahat sa akin,
Akala mo ba’y ‘di ko napapansin?
Sumuko man ang araw at nagdulot ng dilim,
‘Di kita susukuan at mananatiling taimtim.
Patuloy na kumakapit,
Inaantay ang 'yong paglapit.
Alam kong mapapatanong ka na naman kung bakit.
Bakit alam ko, at bakit ganito.
Pasensiya kung may pagkukulang man ako,
Ngunit hiling ko lamang na ikaw ay magkwento.
At sabay tayong ngingiti at tatawa,
Saba’y tayong iiyak sa drama.
Yayakapin kita,at patuloy na uunawain,
Dahil 'yun lang din naman ang gusto kong gawin.

Sabi ko nga sa’yo, kilalang-kilala kita.
At ‘di tulad ng iba,
Hindi mo 'ko mapapaniwala.
Dahil siyempre, ako ang 'yong ina.
Crissel Famorcan Mar 2017
Sa sarili noon ay aking nasambit,
Sa pangarap ko, wala nang hihigit
Sa buhay na ito, wala na ring nais makamit
Kundi ang pangarap ko na sana'y masapit

Ngunit nang narinig ko ang tinig **** kayganda,
Ako sa iyo ay agad nahalina
Sa puso ko'y nabuhay muli ang pag - asa ,
At mula nun' ninais kong ikaw ay makita

Ang iyong kanta kung pakinggan ay anong sarap !
Mas maganda siguro kung aawit sa aking harap
Sa malamig na tinig mo,lahat ay naaakit
Sa mga larawan mo, mata ko'y tila nadikit

Oh mahabaging langit! kailan kaya makikita
Itong talentadong tao na iyong nilikha?
Autograph nya kailan ko kaya makukuha?
O masilayan man lang maganda nyang mukha?

Pakiwari ko'y mahaba pa ang aking tatahakin,
Sa pera ko'y marami pa ang dapat ipunin,
Kaya't sa ngayon, ang akin nalang gagawin,
Sundan sya sa facebook twitter at ig narin!

At bago ko ito wakasan,
Isang salita ang nais kong iwanan
Di pa man kita nasisilayan,
Mamahalin ka sa tahimik na paraan.

Alam kong malabong ako ay mapansin,
Dahil marami ang mga katulad ko rin,
Ayos lang! Basta't lagi **** tatandaan
May isang CRISSEL na handa kang suportahan.

At kung loloobin man ng kapalaran,
Itong tula'y iyong mapakinggan,
Sana ikaw ay masiyahan,
Magdulot sa iyo ng konting kaligayahan.

Hindi ko alam kung may pagkakataon
Na magkatotoo ang aking mga ilusyon,
Pero tandaan mo sadyang mahal kita
Sa puso't isip ko tunay na nag - iisa !
This is dedicated to my favorite artist Kaye Cal ❤❤
HeXDee Jan 2019
Binabati ako ng umaga ng mga imaheng tila sayo lamang,
Hinehene ako ng gabi ng himig **** matamis lang.
Sa bawat oras sa bawat minuto ikay nasa isip ko
Marinig mo kaya ang harana ko sa kabila ng gulo?

Ikaw ang salamin sa mata kong malabo
Ikaw ang hanging sa buhay ko'y bumubuo
Ngunit sa kabila ng lahat wala ka paring kibo
Ano pa ba ang gagawin upang tayoy mabuo

Hawak ang mikropono akoy aawit
Para lang ang damdamin ko sayoy sumabit
Hawak ang gitara akoy kakanta
Iiyak ako para sa akin ikay mapunta

Ang sining ng araw ay tila yelo kung ikumpara sa yakap mo
Ang sanang pakiramdam na gusto kong matamo
Ang init at lambing ng ating pagmamahalan
Yun lang ang aking tanging kailangan

Ngunit ano itong pader sa pagitan natin?
Anong sigaw pa kaya ang aking gagawin?
Oh irog ko alam kong hindi ka manhid!
Sumigaw ka lang! ang pagmamahal koy ihahatid!

Katahimikan, katahimikan, katahimikan lamang
Segundo minuto oras, bilang, bilang bilang
Katahimikan katahimikan katahimikan nanaman
"Ako ba'y nagkamali at siyay nasaktan"

Tinawag ko ang kanyang ngalan "O irog O aking irog"
Katahimikan katahimikan sa tenga koy bumugbog
Sinigaw ko ang kanyang ngalan lalamunan ay nagdudugo
O irog O irog ko! isang saglit may bumungo.

O mahal ko bakit ngayon lang kita narinig
O mahal ko ako ngayon ay masaya at nanginginig
O irog ko maghintay ka lamang, ang pader ay sirain
Tatlo dalawa isa, tila nawala ang hangin

O irog ko kay tagal kong hinintay ang araw na ito
O mahal ko akoy nagsise sa ating hindi pagtanto
O irog ko ang matamis na yakap na hanap ko
O mahal ko ako narin ay tanging sayo
Louise Mar 2024
Naririnig ko na ang awit ng mga anghel
Naaaninag na ang liwanag,
sikat ng araw ay tila ginto at kahel.

Maniwala ka, babalikan kita,
katulad ng pagbalik ng alon sa baybay.
Maniwala ka, hahanapin kita,
katulad ng paru-paro sa bulaklak.

Naririnig mo na ba ang yapak ng aking paa?
Handa na bang maaninag ang aking mukha?
Masilayan ngiti kong 'singtamis ng ubas?

Maniwala ka, hindi kita nilisan,
katulad ng hangin, lagi mo akong kapiling.
Maniwala ka, hindi kita lilisanin kailanman,
katulad ng oras, laging tatakbo sa iyong tabi.

Binasbasan mo ako ng haplos mo,
binasbasan din kita ng puso ko.
Ito na ang langit, ito ang paraiso.
Nandito na tayo, hindi na lalayo.

Isusulat ko at ipapahayag sa lahat,
babaguhin ang bawat aklat.
Pag-ibig ko'y ipagmalaki at iulat,
kaluwalhatian ng pag-ibig ay ibunyag.

Sa pagbalik ko
at sa pagbalik mo
sa piling ko,
at sa kaligayahan mo...
Mananatili, walang pasubali
Magwawagi, walang makakapigil

Sa muli **** pagdating
at sa pagkikitang muli
sa kaharian mo,
at sa kaluwalhatian mo...
Aawit ng papuri, mabagal at mabilis
Aawit ng himnong walang mintis
En nuestro reino, no hay dolor, lágrimas ni sangre de la historia.

En nuestro jardín y mundo, sólo hay flores, el mar y la salvación eterna.

"Semana Santa Sadgirl Series": no. 14
Eunoia Aug 2017
Igawa mo ako ng isang istorya,
Ito ang huling hiling ng babaeng iyong pinagtabuyan,
Igawa mo ako ng isang Istorya,
Wala siyang pakielam kahit siya pa ang gawin **** kontrabida,

Igawa mo ako ng isang istorya,
At hahayaan ka na niyang bumuo ng sarili **** tema,
Patayin mo man siya sa dulo,
Hindi man siya ang iyong makatuluyan,

Wala kang maririnig na anumang sumbat,
Tuparin mo lamang ang munti niyang pangarap,
Igawa mo ako ng isang Istorya,
Huwag mo lamang sana itong pagkaitan ng emosyon at oras,

Nakakaiyak, Nakakatakot, Nakakakilig, Nakatutuwa-
Hindi siya magdaramdam,
Basta't gawan mo lamang siya ng isang istoryang may wakas,

Wakas na ipinagkait mo sakaniya sa inyong realidad,
Wakas na kaniyang hinahanap upang makalaya sa hawla ng "Bakit?" at "Paano?"
Igawa mo ako ng isang istorya,
At ako nama'y aawit saiyo ng isang elehiya.
Jun Lit Mar 2021
Ang bayrus ng COVID ay tila makasalanan.
Katulad s’ya ng isang halimaw sa katahimikan,
o isang ministrong mataas ang katungkulan
na aliping tagasunod ng kanyang among si Kamatayan.
Kahit anino pa lamang n’ya’y dulot
ay lubos na takot, katulad ng pinakamadilim
sa mga gabi, o sulok ng guwang
o pinakailaliman ng karagatan.
Kumakatha sa isipan
ng mga kakila-kilabot na nilalang
at pinagagalaw sila ng sabay-sabay
nakaambang silain, lamunin
ang bawat kaluluwa, ang mga dibdib binabaklas
upang nakawin ang mga pusong malinis at wagas -
hinihigop ang lahat ng dugo, bawat patak
sinasaid ang bawat pintig ng natitirang lakas..

Malupit itong coronavirus,
isang haring espada ang batas, ang utos.
May kumakalat na ulop, ang madla’y binabalot;
walang kamalay-malay nilang nasisinghot,
orasyong buhay ka pa’y loob mabubulok.
Sa pintuan, naririnig ang katok:
isang panauhing di-kanais-nais ay gustong pumasok,
isa na namang payapang tahanan,
ang kanyang natuklasan.
Wari’y may samurai na iwinawasiwas
doon, dito, nananabas, walang habas
kapagdaka, lahat ng tila nasugatan, mga biktima
lupaypay, bagsak ay sa ospital, lugmok sa kalungkutan,
kinakapos ng hininga, unti-unting nalulunod mistula,
ng sa baga at lalamunan, ay naiipong sariling plema.

Ang pandemyang ito’y isang salaan
salamin ng lipunan,
isang digmaan, kung saan
mailap ang tagumpay at katapusan
at bawat laban, laging anong sakit, talunan.
Lahat ng uri at sinsin ng pangsala ay taglay:
pusong may kabaitan, sa walang puso’y inihihiwalay
maayos na pag-iisip, ibinubukod sa mga lutang at walwal
matatapat, angat sa mga kurakot sa mga larangan
prinsipe’t pulubi, pilosopong tunay
at mga tagasunod, makata’t mga mang-aawit.
Salaan
ng mga malubhang pagkakamali
ng nakaalpas na pagkakataon
ng mga leksyong dapat pang matutunan
ng mga landas na hindi nakita, at maling tinahak
ng daan tungo sa kaligtasan, anuman ang kanyang kahulugan,
anuman ang halagang kabayaran.

Ang pagkakaliit na bolang ito ay mamamatay na payaso
mapanghati, katulad ng isang salaming nanlalansi, nanloloko
pinag-aaway:
Hilaga laban sa Timog
Silangan laban sa Kanluran
pinakamahihirap sa mga mahihirap
itatapat sa angkan ng kamahalan
at ng mga bago’t biglang-yaman
at ang nasa gitna: Aba! Aba! Isang iglap ay sigaw
“Saan ang Hustisya?”
at hindi naambuhan ng ayuda
kayamanang munti sa panahon ng taghirap
na nang panahon ng sagana’y inismiran, sabay irap
sila umanong nagbubuwis,
bakit ngayon ay nagtitiis?
Parang sina Cain at Abel naghinagpis
Nahihiya ako. Nahihiyang labis.

Ito ang krisis. Takot ay inihahasik.
pinagsasama-sama sa iisang inayawang bayong
ang tila abuloy na pamatid-gutom
na nakamaskara bilang rilip na tulong,
lahat ng kinatatakutan -
pagkawalay,
                         pag-iisa,
kapanglawan,
                                          ­        diskriminasyon,
matinding kalungkutan,
                         pagkakasakit,
                         kamatayan . . .

Labis akong nag-aalala.
Labis akong natatakot.
Ang pagsasalin ko sa Tagalog ng aking tulang Covidophobia
[My translation into Tagalog of my poem Covidophobia] - pp. 92-94 in Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020)
spacewtchhh Feb 2021
nakilala mo na ang dilim
sa paglipad ng bawat segundo
at ng bawat minuto sa iyong puso

hindi naman dulot ng gabi ang lagim
sadyang nakakagambala lang ang kanyang ingay
sa mga tenga **** naghihintay ng walang humpay

narinig na niya lahat ng iyong lihim
sa mga paghikbi
at mga luha na bilisang pinapawi

sa bawat aliw, poot man, o panimdim,
ika'y humiga at magtimpi sapagkat ito'y hiram lang
manatili kang payapa, at ang iyong isipan.

manalangin ka na lamang ng taimtim
baka bukas aawit sayo ang mga puno't halaman
makakarating kana sa patutunguhan
It feels good writing in Filipino.
Ramdam mo kung gaano kabigat ang pasan na nais mo nang bitawan
Prince Allival Mar 2021
Balang araw,
Biglang babagal ang paglakad ng oras
Bahagyang hihinto ang ilog sa kanyang pag lagaslas
Aawit ang mga langay-langayan
At luluha ang kalangitan

Luhang hatid ng matinding galak
Sa wakas ay wala ng iiyak
Dahil natapos na ang panaginip
Salamat at hindi ka nainip

Maraming istorya ang nais kong sabihin
Inipon kong lahat para sa'yong pagdating
Kulang ang magdamag kung aking isasalaysay
Kung paano kita hinintay

Sa sandaling tayo'y magtagpo
Doon lamang magiging perpekto ang mundo
Dahil sa kabila ng mga gasgas nating puso
Ay may paraisong tayo lang ang makakabuo

Sana nga bukas kapiling ko na ikaw
Sana nga bukas na ang ating Balang araw.

— The End —