Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Mar 2018
Tag-araw na naman at tuwing sasapit ang buwan ng Marso, Abril at Mayo ay malimit pumunta sa isang hindi pamilyar na lugar ang magkakabarkadang sina Potsi, Tapsi, at Seksi.

Ang pagpunta sa baybayin o beach ay nakagawian na nilang gawin taon-taon. Ito rin ang kani-kanilang paraan upang pansamantalang makalayo sa napaka-abalang lugar sa Kamaynilaan.

"Pots, Sek, saan naman ang destinasyon natin ngayong taon? Malapit na ang holy week. Kaya dapat mayroon na tayong napagkasunduan," tanong ni Tapsi.

Tapsi ang palayaw na binigay sa kaniya ng kaniyang magulang dahil paborito niya ang pagkain ng iba't ibang uri ng tapa na may sinangag. Ang totoo niyang pangalan ay Mateo Paulo Sibucay.

Dahil dalawa lang naman silang lalaki, siya ang may pinakaguwapong mukha maliban na lamang kay Seksi na maganda dahil babae ito. Itinuturing din siyang hunk sa kanilang kompanya sa matikas na pangangatawan nito kahit hindi naman siya pumupunta sa gym.

"Perfect ang Laiya, Taps, Pots! Ano agree kayo?" namumungay ang mga mata ni Seksi nang sagutin nito ang tanong ni Tapsi.

Si Seksi, gaya ng palayaw niya ay kakikitaan naman ito ng kakaibang kaseksihan sa katawan. Malakas man itong lumamon ay hindi naman ito tumataba. Mahilig siya sa mga matatamis at paborito niya ang pagkain ng iba't ibang uri ng keyk. Ang tunay naman niyang pangalan ay Katarina Sek Javellana.

"Basta may mabibilhan ng pagkain kapag nagutom ako, okay na okay sa akin ang lugar, Taps at Sek," sagot naman ni Potsi habang may hawak-hawak na dalawang jolly hotdog sa kaniyang mga kamay.

Kulang na lamang ay mabilaukan ito dahil panay ang lamon nang lamon nito kahit may nginunguya pa sa bunganga. Siya ang mataba sa kanila pero ayaw niyang tinatawag niyang tawaging mataba. Mas gusto niya ang salitang chubby dahil cute daw ito sa pandinig niya. Ang tunay naman niyang pangalan ay Pocholo Travis Sigalado.

"Nakakahiya ka talaga, Potsi. Mabilaukan ka oy!" wika ni Tapsi.

"Heto, tissue o! Sahurin mo ang mga nahuhulog. Sayang din iyang pagkain. Alalahanin mo na maraming mga bata ang nagugutom sa kalsada," sabay abot naman ng tissue ni Seksi kay Potsi.

"Kaya nga sinisimot ko ang pagkain kasi sayang 'di ba?" ngunguso-ngusong sagot ni Potsi habang nagpapatuloy sa pagnguya sa kaniyang kinakain.

"Saan ba ang Laiya, Sek?" ani Tapsi.

"Sa Batangas lang naman siya. Mga isa't kalahati hanggang dalawang oras ang biyahe mula sa Maynila. Set na natin?" nakangiting sagot naman ni Sek habang ang dalawang hinlalaki ay naka-senyas ng aprub.

"Sa Black Saturday tayo pumunta para madami tayong makikitang mga tanawin!" gulat naman ang dalawa sa sinabi ni Potsi at pansamantala pang nagkatitigan sina Sek at Tapsi. Pagkatapos no'n ay nagsipagtawanan sila.

"Agree ako diyan sa Sabado de Gloria. Teka, 'di ba sa susunod na linggo na iyon?" ani Tapsi.

"Okay lang iyon, handa na rin naman tayo palagi e. Kaya walang problema. Sasakyan ko na lang ang gagamitin natin para makatipid tayo sa gasolina," si Potsi na ang sumagot matapos uminom ng mountain dew.

Tumango na lamang ang dalawa dahil alam naman nilang sa kanilang tatlo ay si Potsi ang laging handa. Minsan nga ay si Potsi na ang taya sa kanilang summer outing taon-taon e.

"At kung may problema kayo sa budget, ako na rin ang bahala ha? He-he," tatawa-tawang sabi ni Potsi na ikinatawa na rin naman ng dalawa.

"Maasahan ka talaga, Potsi! Gusto mo order pa kami ng pagkain sa iyo?"

Masayang nagtatawanan ang magbarkada sa Jollibee nang mga oras na iyon dahil sa kaibigan nilang si Potsi. Pare-pareho na rin naman silang may mga trabaho. Kaya wala nang problema sa kanila ang pera.

#TravelFriendsGoals ang motto nilang tatlo. Si Tapsi ay isang Real Estate Broker agent habang si Seksi naman ay isang Fashion Model at si Potsi ay isang Food Blogger. Lahat sila ay iisa ang hilig--ang maglakbay at libutin ang mga natatagong lugar sa Pilipinas.

*

Lumipas ang isang linggo, araw ng Sabado ay maagang umalis mula sa Quezon City ang magkakaibigan. Gamit ang sasakyan ni Potsi na Toyota Revo ay bumiyahe na sila. Si Potsi ang nagmamaneho, si Seksi naman ang tumitingin sa mapang dala niya habang si Tapsi ay panay ang kuha ng litrato sa sarili sa likuran ng sasakyan.

"Hindi ka ba nagsasawa sa mukha mo, Taps? Guwapong-guwapo ka sa sarili a!" tanong ni Potsi habang tumitingin-tingin sa rear-view mirror ng sasakyan. Nginitian na lamang siya ni Tapsi.

"Hayaan mo na 'yang broker nating kaibigan. Alam mo namang siya lang ang may magandang mukha sa inyong dalawa. Ha-ha," asar ni Sek kay Potsi.

"Anong guwapo? E kung pumayat ako 'di hamak na mas may hitsura ako kay Taps!" depensa naman ni Potsi.

"Oo na, Pots. Mas guwapo ka naman sa akin ng kalahating paligo lang naman kapag pumayat ka 'di ba? Bakit kasi ayaw mo akong samahan sa gym para makapag-work-out ka na rin at mabawasan ang bilbil mo?" ani Tapsi kay Potsi.

"Gusto mo ibaba kita sa gitna ng kalsada, Taps? At saka, hindi ko na kailangan mag-gym. Food is life. Enjoy life, enjoy goya sabi ng commercial ni Kim Chiu," naiinis na nagpapatwang sagot naman ni Potsi habang nakatuon pa rin ang atensiyon sa kalsada. Lihim na lamang na natawa si Seksi sa dalawang kaibigan.

"Ikaw naman, hindi na mabiro. Alam mo namang love kita e lalo na nang malaman kong love mo abs ko! Ha-ha," pang-aalaska na naman ni Tapsi.

"Mukha mo! Mas marami akong abs sa iyo, tabs nga lang at malalaki pa! Ha-ha," napuno na naman ng tawanan ang loob ng sasakyan. Asaran kung asaran. Iyan ang nakasanayan na nila.

Lumipas ang isang oras na biyahe ay nakatulog na sina Tapsi at Seksi habang si Potsi ay gising na gising ang diwa dahil habang nagmamaneho ay panay ang dukot nito sa baon niyang mga pagkain malapit sa kaniya.

Dumaan pa ang isang oras ay napansin ni Potsi na parang may mali sa direksyong tinatahak nila. Agad niyang kinuha ang mapang dala ni Seksi at tiningnan ito. Dahil hindi niya kabisado ang nakapaloob sa mapa, ginising na lamang niya si Seksi.

"Sek! Sek! SEEKKK!" tulog-mantika ang babae, kaya sumigaw na lamang si Potsi na ikinagulat din ni Tapsi sa back seat.

"Sorry. Naliligaw yata tayo. Tingnan mo ang mapa, Sek," agad namang tiningnan ni Seksi ang mapa at sinipat-sipat ang kinaroroonan nila.

"Ihinto mo nga ang sasakyan muna, Pots," sinunod naman nito si Sek at pansamantalang itinigil ang sasakyan.

"Ano, naliligaw na ba tayo, Sek?" binali-baligtad pa ni Seksi ang mapa para lang siguraduhing tama ang tinatahak nilang lugar patungo sa isang sikat na resort sa Laiya, Batangas. Ngunit, may napansin siyang kakaiba.

"Nasa Laiya na nga tayo, guys pero bakit tila napadpad tayo sa isang gubat na ito?" lahat ay napatingin sa itinuro ni Seksi sa mapa at binasa ang nakasulat doon.

"Satur-Death? Ano iyan? Hindi mo ba nakita ang lugar na iyan diyan sa mapa, Sek?" tila may kung anong kakaibang simoy ng hangin naman ang dumampi sa mga balat ng magkakaibigan ng mga oras na iyon matapos sambitin ang katagang Satur-death.

"Patingin nga? Kinilabutan ako sa pangalan e. Satur-death, tunog saturday o sabado tapos may death? Kamatayan? E 'di ba sabado ngayon? Don't tell me may mangyayaring hindi maganda sa atin?" sabay-sabay na nagkatinginan ang tatlo habang nakatigil ang sasakyan sa gitna ng kalsada na hindi pamilyar na lugar. Tahimik ang lugar na iyon at ni busina, tunog o mga sasakyan ay wala kang maririnig o makikitang napapadaan.  

"Ang mabuti pa, bumalik na lang tayo sa kung saan tayo kanina nanggagaling. Baka mali lang talaga ang napasukan natin. Baka shortcut lang ito, guys," nagtatapang-tapangang wika ni Seksi.

"Ang sabi sa pamahiin, kapag naligaw daw tayo, hubarin natin ang mga damit natin," nagpapatawang wika ni Potsi.

"Anong hubarin? Baka ang ibig **** sabihin, baligtarin!" pagkaklaro ni Tapsi.

"Pareho lang naman silang may 'rin' sa dulo e," dagdag pa ni Potsi. Napailing na lamang sina Tapsi at Seksi at naghubad na lamang upang baligtarin ang kanilang damit.

Matapos baligtarin ang damit ay pinaandar na ni Potsi ang sasakyan. Dahan-dahan na lamang niya itong minamaneho upang makabisado ang kalsadang kanilang tinatahak.

Tatlumpung minuto na ang nakalilipas nang matagpuan nila ang isang karatula sa gilid ng kalasda na nakadikit sa isang puno.

"THIS WAY TO LAIYA!"

Agad na nabuhayan ng loob ang magkakaibigan dahil sa nakitang sign board na nang tingnan nila sa mapa ay nakaukit naman iyon.

"Deretso na lang tayo, Potsi at mararating na natin ang mismong resort sa Laiya," iyan na lamang ang nasabi ni Seksi nang mga oras na iyon.

Nang malampasan nila ang karatula ay bigla na lang naging makulimlim ang kalangitan at biglang bumuhos ang ulan. At hindi nila inasahan ang isang palasong bumutas sa kaliwang gulong ng sinasakyan nilang Toyota Revo.

Gulat na gulat ang mukha ng magkakaibigan nang biglang gumewang-gewang ang sasakyan at nabundol ito sa isang puno. Mabuti na lamang at hindi sila napuruhan. Kaunting galos lamang ang kanilang natamo kaya agad din nilang inayos ang mga sarili.

Nang mga oras na iyon, sa side-mirror ng sasakyan ay may napansin si Seksi na papalapit sa kanilang kinaroroonan. Nang ilang metro na lamang ang layo nito sa kanilang sasakyan ay nakita niyang may hawak itong pana at palaso. Pinakawalan niya ito at tumama kaliwang bahagi ng side-mirror.

"BABA! LABAS! Takbo na tayo! May gustong pumatay sa atin. Labas na!" sa taranta ay isa-isang nagsilabasan sa loob ng sasakyan ang magkakaibigan. Napasubsob pa ang mukha ni Potsi sa damuhan pagkababa nito. Agad na inalalayan siya ni Tapsi upang makatayo habang si Seksi naman ay sumisigaw na.

"Takbo! Takbo na! Bilis!"

Walang lingon-lingon ay agad na silang nagsitakbuhan ngunit hindi pa man sila nakakahakbang ay isang palaso ang tumama sa kaliwang binti ni Potsi dahilan upang mapabitaw ito sa balikat ni Tapsi at natumba.

Napahiyaw sa sakit si Potsi. Gulantang naman ang mukha ni Seksi. Nagmadali siyang balikan ang kaibigan at tinulungang makatayo si Potsi dahil malapit na malapit na ang salarin sa kanila.

"Iwan niyo na ako, Taps, Sek!" kitang-kita na sa mga mata ni Potsi ang panghihinat at takot nang mga oras na iyon. Kahit umuulan ay pansin na pansing naluluha na ang kaibigan.

"Hindi ka namin pwedeng iwan dito, Pots! Sama-sama tayo! Sek, bilis iangat natin si Pots. Isa, dalawa, tatlo!" kahit mabigat ay nagawa pa rin nila itong itayo upang makatakbo at makalayo sa kung sino man ang gustong pumatay sa kanila.

Nang muli na silang hahakbang ay hindi nila napansin ang paglapit ng hindi pamilyar na nilalang at itinarak sa likuran ni Potsi ang matulis na palaso. Agad na lumingon sina Tapsi at Seksi sa salarin nang sumigaw nang malakas si Posti.

Doon ay mulagat silang pareho nang isa na namang palaso sana ang tatama at itatarak kay Sek. Mabuti na lamang ay maagap si Tapsi. Binitawan niya si Potsi at agad na sinugod ang salarin.

Parang torong iniuntog ni Tapsi ang ulo niya sa tiyan nito at pareho silang natumba sa magkabilang direksyon. Nang mga sandaling iyon, habang patuloy sa pagbuhos ang ulan ay naaninag ni Seksi ang mukha ng gustong pumatay sa kanila.

May suot itong maskara sa mukha na ang tanging makikita ay ang mga mata lamang niya. Ang mga balat sa leeg, kamay at paa ay parang bangkay na naagnas. Matatalim din ang mga kuko nito sa mga kamay at paa.

Itinuon ni Sek ang atensiyon sa kaibigang si Potsi na nang mga oras na iyon ay tila nawalan ng malay. Niyugyog-yugyog niya ang kaibigan. Pinakiramdaman niya rin ang pulso nito at pinakinggan ang tibok ng puso. Doon ay napagtanto niyang may pag-asa pa si Potsi.

"Taps! Buhay pa si Potsi!" sigaw niya sa kaibigan.

"Tumakas na kayo, Sek! Ako na ang bahala rito! Alis na!" agad na sinugod si Sek ng kaharap at nahagip ng tulis ng palaso ang kaniyang braso dahilan upang makaramdam siya ng hapdi.

Hinila-hila naman ni Sek si Potsi upang dalhin sa ligtas na lugar. Kahit hindi kaya ng kaniyang mga braso ay pinilit niya pa ring hilahin ito.

Samantala, dinampot ni Tapsi ang palasong nabitawan ng may sa kanibal na nilalang at pinatamaan ito sa pamamagitan ng pagtarak ng palaso. Parang gutom na gutom naman ito dahil naiilagan niya ang bawat pagtarak sa kaniya ng palaso.

Animo ay isang baliw na nakakita ng kaniyang laruan ang kaharap ni Tapsi. Hindi naman nagpatalo ang huli. Nang muling itatarak sa kaniya ang palaso ay napigilan niya ito at sinipa sa gitnang hita ang kaharap. Napahawak naman ito sa kaniyang hinaharap. Hindi na rin sinayang ni Tapsi ang pagkakataon upang makaganti.

Agad niyang kinuha ang palasong nabitawan niya at itinarak iyon sa leeg. Makailang beses niyang hinugot-baon ang palaso at itinarak muli sa iba pang bahagi ng katawan nito. Sa leeg, sa mata, sa butas ng tainga maging sa bunganga at ang panghuli sa puso nito.

Hingal na hingal man si Tapsi ay nagawa pa niyang tanggalin ang nakabalot na maskara sa mukha ng kaniyang kalaban at doon nakita ang inuuod-uod ng mukha. Hindi niya nasikmurang pagmasdan kaya nasuka si Tapsi. Kinalaunan ay pinuntahan na lamang niya si Sek na hindi pa rin nakakalayo sa kakahila sa kaibigang si Potsi.

Punong-puno ng dugo ang mga kamay, mukha at kasuotan ni Tapsi nang makita siya ni Sek. Nahuhugasan lamang iyon sa bawat patak at buhos ng ulan.

"Kailangan na nating makaalis dito, Taps. Kailangan maisugod si Potsi sa ospital!"

"Saan tayo hihingi ng tulong e, nakita mo namang mukhang halimaw ang nakalaban ko, Sek,"

"Si Potsi, Taps. Anong gagawin natin? Marami ng dugo ang nawala sa kaniya,"

"Hindi ko alam pero sana tumila na ang ulan nang makita na natin ang dinadaanan natin para makahingi tayo ng tulong. Tulungan mo na akong buhatin si Potsi. Siguro naman--"

Hindi pa natatapos ni Tapsi ang kaniyang sasabihin nang maramdaman niyang may matulis na bagay ang tumusok sa kaniyang batok na tumagos sa kaniyang lalamunan.

Sigaw naman nang sigaw si Sek at hindi na malaman ang gagawin. Nakita niyang may papalapit naman sa kinaroroonan nila. Kailangan na niyang iwanan ang mga kaibigan at iligtas ang kaniyang sarili para makapagtago.

Sa isang malaking puno sa 'di kalayuan ay doon nagtago si Sek. Tanging mga mata na lamang niya ang nagmamasid sa kung ano ang puwedeng gawin ng mga ito sa kaniyang mga kaibigan.

Katulad ng napatay ni Tapsi ay ganoon din ang mga hitsura ng kani-kanilang balat at mukha. Katulad sila ng mga kanibal na gustong pumatay ng tao. Isang babaeng may mahahabang buhok ang may hawak na tabak ang walang kaabog-abog na tumabas sa leeg ni Tapsi.

Gustuhin mang sumigaw ni Sek ay hindi niya magawa. Tinakpan na lamang niya ang kaniyang bunganga at parang gripong sunod-sunod naman sa pag-agos ang kaniyang mga luha nang makita ang sinapit ng kaibigang sina Tapsi at Potsi.

Gamit ang tabak ay isa-isa naman nilang pinagtataga ang katawan ni Potsi. Pinutulan nila ito ng braso at ibinigay sa isang maliit na batang sabik na sabik na kainin ito habang ang isang may katangkarang lalaki ay panay ang sipsip at dila nito sa ulong-pugot ni Tapsi.

Duwal na duwal na si Sek nang mga oras na iyon at agad na nagsuka. Sa kasamaang palad ay matalas ang pandinig nila at narinig siya ng isang matangkad na lalaki at inamoy-amoy ang paligid upang malaman ang kinaroroonan niya. Pigil-hininga naman si Sek at isiniksik ang sarili sa punong pinagtataguan niya. Takip-takip na rin niyang muli ang kaniyang bibig upang pigilan ang kaniyang paghikbi.

Nakiramdam pa si Sek sa kaniyang paligid kung naroroon pa ang mga halimaw. Tanging ang pintig na lamang ng kaniyang puso ang kaniyang narinig nang mga sandaling iyon kaya naman ay marahan siyang tumingin sa direksyon kung saan naroon ang kaniyang mga kaibigan.

Isang mata pa man lang ang kaniyang nailalabas nang biglang bumulaga sa kaniya ang isang inuuod na mala-demonyo ang mukhang nakangiti sa kaniya at hinawakan siya sa buhok.

Nagpupumiglas si Sek at pilit na tinatanggal ang kamay nito sa buho. Pero isang malakas na suntok sa sikmura ang kaniyang natikman. Agad siyang kinaladkad habang nakahawak pa rin ito sa kaniyang buhok at dinala sa kinaroroonan ng kaniyang mga patay na kaibigan.

Napatakip na lamang sa kaniyang bibig si Sek nang mapagmasdan ang sinapit ng kaniyang mga kaibigan sa kaniyang harapan.

Hawak-hawak pa rin ng lalaki ang kaniyang buhok ay agad na itinutok sa kaniyang leeg ang matulis na tabak. Pigil hininga at lunok-laway na lamang ang nagawa ni Sek nang unti-unting hinihiwa ang balat sa kaniyang leeg hanggang sa maabot ng tabak ang ugat nito. Sabay-saba
Katryna Mar 2018
Walang salitang “sayang”

Hindi tayo sayang,
Dahil may mga panahon na tayo lang ang nakakaintindi sa isat-isa.
Hindi alintana ang alingawngaw na dala ng lipunan,
Mga bibig na hindi magkamayan sa pagtutol.

Hindi sayang ang mga panahong sabay nating tinahak ang mundo
imbes pakanan ang ikot ay mas pinili natin ang pakaliwa.

Hindi natin nasayang ang mga oras ng katahimikan,
dahil sabay natin itong sinalin sa musika at sabay nating sinayaw ang tugtog ng ating mga puso.

Sabay nating niyakap ang kahinaan ng bawat isa,
nagsilbi tayong lakas na kayang pumawi ng panghihinang hatid ng mga mapangahas na hamon.

Walang lakad na nasayang,
dahil sabay nating hinakbang ang ating mga paa patungo sa di malamang dito, doon, d’yan at kung saan man.

Walang takot na naramdaman dahil sabay nating sinilip ang kung anong merong hatid ang kabilang daigdig.

Walang sayang,
Kahit sabay nating kinumpas ang ating mga kamay upang magpaalam.

Walang sayang.

Dahil sa mga oras na iyon alam natin,
ang kabilang mundo ay pansamantala lamang.

Alam natin na ang mundo ay iikot muli sa atin,
at sa pangalawang pagkakataon.

Magtatagpo tayong muli,

Hanggang sa susunod nating pagkikita.

Paalam. ­­­­
2 months from now, your getting married. With this, Our time will no longer be timeless. - Kimi No Nawa
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Folah Liz May 2015
Pangako yan at totoo. Hindi ko alam kung magiging gaano kahaba o kung kasya ba sa isang piyesa,
ilang pahina, ilang minuto ang ihahaba, itatagal nito at posibleng hindi ko agad makabisado pero pangako yan,
ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.

Itaga mo to sa bato, abutin man ako ng umaga dito hindi ko ipipikit ang mga matang ito..
uubusin ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo o anumang tawag ko sayo,
mahal, sinta, irog, pangga, babe, bbq, bae, beb, asawa ko, mhine, kulet, kapal, kupal, hayop, pa, p*ng ina ka ano pa ba..wala akong pakialam kung abutin man ako ng ilang talata dito,
pero hindi ko na pwedeng patirahin lang dito sa loob ko ang mga salitang ito kaya pangako,
ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung san ako nakatira.
hindi mo nga pinansin ang mga agiw sa dingding, hindi ka nga natinag sa ipis na biglang dumating sa iyong pagbisita..
pero hindi mo rin man lang din tinignan ang mga libro na nasa tabi ng kama kong natutulog din, at tangi ko noong kapiling.

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paanong niyakap mo ako nung sabihin ko sayong "mahal kita.."
sa kung paanong hinalikan mo ako sa noo sabay sabi na "mahalaga ka.."
at ako naman tong si tanga, tuwang tuwa na hindi pa nalinaw nga na
ayaw ko na maging mahalaga, ayaw ko na maging halaga..

Hindi ako antigong salamin na matagal mo nang pag aari
na tinitignan mo lang para ipaalala sa sarili mo na maganda ka, ayaw ko na maging mahalaga..
hindi ako telepono **** dudukutin lang sa bulsa kapag kelangan mo ng solusyon sa kawalan mo ng koneksyon sa mundo **** masyado ng malawak para bigyang atensyon ka pa, ayaw ko na maging mahalaga..
hindi ako kuwintas na isusuot mo lang sa piling-piling mga okasyon
kapag meroong mga sitwasyon na pakiramdam mo ay kulang ka pa
Hindi ako para ibalik sa loob ng isang kahon kapag matutulog ka na sa gabi sa takot na masakal ka sa yakap ko kapag mahimbing ka na,
o ibalik sa loob ng isang kahon at itabi sa sulok ng isang aparador
sa takot na manakaw ako ng iba, ayaw ko na maging mahalaga..

Ang gusto ko ay mahalin, ang kelangan ko ay mahalin..
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga
tanggap ang tamis at pait, kelangan para sa init
pero hindi isinasantabi dahil lang nanlamig na..
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng sarili **** opisina
kabisado kung para saan ang ano, kabisado kung saan nakatago ang alin
kabisado ang mga tinatago kong patalim, silbi, dumi, lihim..patalim, silbi, dumi lihim...
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi, niyayakap sa ginaw, sinasandalan kahit na mainit, binubulungan ng mga pinakatatago **** panaginip
ayaw ko na maging mahalaga, ang gusto ko ay mahalin, ang kelangan ko ay mahalin..

at nagsulat ako noon para lang mahalin mo ako, kaya patawad pero magsusulat ako
hanggang sa maubos ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo
patawad pero magsusulat ako para patawarin mo ako..
dahil minsan may nakapagsabi saken na ang taong hindi raw marunong magpatawad ay hindi makapagsusulat
kaya mahal sa pagkakataong ito
sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sayo
gumawa tayo ng kasunduan, patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan at patatawarin kita sa hindi mo pagluha
Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik at patatawarin kita sa hindi mo pagsasalita
Patawarin mo ako sa hindi ko pag alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili
Patawarin mo ako sa hindi ko sayo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo saken pagpili mahal
gumawa tayo ng kasunduan patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal
Patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sayo at patatawarin kita sa hindi mo saken pagmamahal, mahal
gumawa tayo ng kasunduan patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako
para sa wakas ay matapos ko na itong tula na masyado ng matagal na nakatira dito
at patawad kung magiging masyadong mahaba at marami masyadong bulanas
pero pangako huli na to, huli na to, huli na to...

Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung san ako nakatira.
Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako
Magsisimula ako uli sa umpisa,
Magsisimula ako uli...
Magsisimula ako....

Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo, mali...
Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sayo

Iniibig kita, at ubos na ubos na ako...."
Thanks for the inspiration to this poem, isa kang makata Sir Juan Miguel Severo.
Karl Gerald Saul Aug 2011
Kaibigan,



Naalala mo pa ba ang masasaya nating kwentuhan?

May konting joke lang iyo mo na agad tatawanan,

Sumasabay pa ang mga laway **** nagtatalsikan,

Na nagkalat sa mukha kong iyo mo pa ngang pinupunasan.



Sa kanto,



Naalala mo pa ba ang ating istambayan?

Nagpapasama ka sa’kin matanaw mo lang ang crush **** dadaan,

Ngunit dedma ka, hindi ka nilingon kahit sinigaw mo na ang pangalan,

Kaya minsan umuuwi tayong ikay bigo at kung minsan ay luhaan.



Sa tabing ilog,



Iyo mo rin bang naaalala’t natatandaan?

Sa puno ng mangga doon tayo nagtayo ng bahay-bahayan,

Dun tayo nagdadala ng pagkain para sabay tayong mananghalian,

At dun ko na saksihan ang iyong kakaibang katakawan.



Pagkatapos ng bakasyon,



sabay tayong pumapasok sa eskwelahan,

Kapag break time magkasamang nakikisalo sa mga kaklase, nakikipagburautan,

Sa takdang aralin sabay tayong gumagawa at nakikipagkopyahan,

At sa pag-uwi sabay din tayong dumidiretso sa komputeran at bilyaran.



At nung nagsembreak,



Asan ka na nga ba aking kaibigan?

Hindi na kita nakita’t matagpuan sa kung saan,

Lumingon na ako sa likod, kaliwa at sa kanan,

Ngunit ang anino mo hindi ko na matagpuan.
Jenny Guevarra Mar 2018
apat na sundalo
sandata’y tambol at gitara
kakampi ang musika
sabay-sabay na nilalabanan
ang lason ng lipunan
sabay-sabay na dinadaig
ang kataksilan ng pag-ibig
sabay-sabay na pinatatahimik
ang sigaw ng mga multong
galing sa gubat ng poot at galit


/ J G /
Naaalala mo pa ba noong sabay pa tayong umuwi
Isa iyon sa mga  hindi malilimutang sandali
Naaalala mo pa ba noong inaalagaan natin ang isa't isa
Patunay iyon na hindi ko kaya nang wala ka

Naaalala mo pa ba noong sabay tayong kumakanta
Sa mga awit ba minsa'y ginagawang tula
At kapag hindi naabot ang mataas na nota
Sabay tayong tatawa pagkatapos ay kakanta ng iba

Naaalala mo pa ba noong may sumusuyo sayong ginoo
Makamit lamang ang matamis **** oo
Hindi nagkulang sa pagbibigay ng payo
Upang magandang landas ang tahakin mo

Ngayon napatunayan ko na
Damdamin lang pala talaga ang nagiiba
Ngunit mananatili pa rin ang ating mga alaala
Sa ating puso at kaluluwa

Lahat ng mga nabanggit kong alaala
Ay nagawa niyo na ding dalawa
Alam mo ba kung gaano kasakit makita na;
Mas mukha kang masaya kapag kasama mo siya.

**© Arlene Rioflorido, 2015
Isinulat ng aking kaibigan na si: Arlene
Stephanie Aug 2018
Para sa Pusong Iniwan
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Umuulan na naman pala
Basa na naman ang kalsada
Malamig na naman ang dampi ng hanging nagmumula sa bukas na bintana
Gabi na rin pala, nalipasan na nang gutom,
Nakapatay ang ilaw sa kwarto, pero maya’t mayang binibisita ng liwanag ng kidlat
ang malungkot na gabi
Ang hirap pala ngumiti kung may luhang dumadampi sa mga pisngi
Nakakatawa kasi eh. Buti pa ang kidlat bumibisita
Buti pa ang kidlat, may hatid na liwanag, tapos yayakapin ka ng kakaibang lamig ng haplos ng hanging dala nito
Mabuti pa ang ulan, bumubuhos na parang malayang-malaya
Bumubuhos kasama ng mga luha
Bumubuhos kasama ng mga sakit na iniwan
Bumubuhos kasabay ng pagluha ng pusong iniwan.

Umaga na naman pala
Buti nalang nagising ng maaga
Haharap sa mesa, at kagaya ng nakasanayan, magtitimpla ng mainit na kape
Tatangkaing gisingin ang diwa, susubukang palitan ng init ang hatid na lamig ng gabi
Iba talaga ‘pag hinahatid ka ng sariling paghikbi sa kapayapaan ng mundo ng mga panaginip
Doon kung saan walang sakit, yung bang walang imposible
Heto na naman, panibagong araw
Araw-araw kong nasisilayan ang sigla ng sikat ng araw pero bakit dama pa rin yung dilim kinagabihan
Hindi pa rin matanaw ang liwanag
Tinangay mo kasi
Sinama mo sa pag-alis
Bakit naman kasi ang bilis? Hindi man lang ako nakapagpaalam

Tanghali na pala
Oras na ng kain.
At tulad ng dati, inaaya pa rin nila ko kumain
At tulad ng dati, tumatanggi pa rin
Kasi alam ko pupuntahan mo ko tapos sabay tayong kakain
Dun sa dati, sa paborito natin
Tanghalian na pala
Pero imbis na sa pagkain ay sa telepono ako nakatingin
Hindi man aminin pero sa loob loob ko’y naghihintay pa rin
Para sa iyong “kumain ka na ba?” o “Puntahan kita, kain tayo”
Hingang malalim, yung may kasamang matinding damdamin

Ilang tanghalian pa at malilimutan rin kita

Malilimutan ko rin yung ningning sa’yong mga mata kapag kausap kita
Yung mga biro **** corny pero tatawanan ko pa rin kasi habang binabanggit mo yun, natutuwa  ako
Natutuwa ako na kasama kita
Natutuwa ako na kausap kita
Natutuwa ako kasi akin ka
Natutuwa ako kasi ang cute mo, para kang batang masayahin
Natutuwa ako kasi magkasama tayo
Natutuwa ako kasi solo natin ang bawat sandali
Natutuwa ako kasi ikaw yan at mahal kita

Yun. Tumpak! Mahal pa rin kita.


Matagal na rin pala.
At hindi na tulad ng dati
Memoryado ko na lahat ng pasikot-sikot ng pagkatao mo
Ginawa kasi kitang mundo ko
Mahirap.
Masakit.
At para lang malaman mo, hindi kita kinabisado na tila mga salita sa paborito nating kanta para lang limutin
Mahirap.
Masakit.
Hindi naman kasi kita ginawang mundo para lang lisanin
Pero hindi naman talaga kita nilisan, mahal.
Ikaw yung nang-iwan
Ikaw yung sumuko
Ikaw yung bumitaw
At matagal na rin pala
Nung sinabi mo sakin na “Malaya ka na” alalang-ala ko pa. Yun yung panahon kung kalian ayaw kong lumaya. Ayaw kong lumaya sa pag-ibig mo. Gusto ko masintensyahan ng habang-buhay na pagkakulong dyan sa puso mo, sa buhay mo.

Pinilit ko kumapit pero kinalagan mo ako, pangako, pinilit ko pero pinalaya mo ako

Matagal na rin pala
Mahirap pa rin.
Masakit pa rin.
Ako nalang ang hinihintay. Siguro’y panahon na.
Para sarili ko naman yung palayain ko
Hindi naman siguro kailangang pilitin
Hindi naman kasi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging parte na rin ng pagkatao ko
Pero para sa ikalalaya ng pusong iniwan
Para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan
Sisimulan ko na…..                makalimot.

Pero teka…


Umuulan na naman pala.
Wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala


Maaalala na naman kita.
I just have every pain and smiles enough to write this piece, not necessarily the experiences. Perhaps, with all my heart
Jor Jun 2015
I.
Naalala ko pa dati nung tayo'y musmos pa lamang
Naglalaro tayo sa labasan ng habulan at tayaan.
Hindi ka tumitigil hangga’t tayo'y mapagod,
Pareho tayong hapong-hapo at basa ating likod.

II.
Hanggang sa eskwelahan tayo'y magkasama pa rin.
Magkaklase, nagkokopyahan sa mga takdang-aralin.
Nakikinig kunyari sa ****, at nagsusulat na rin.
Sabay kumakain sa tanghalian, hatian pa sa ulam.

III.
Hanggang sa tayo ay nangako sa isa’t-isa,
Nangako tayo na walang iwanan, hindi ba?
Tinupad mo ‘yun at ganun din ako sayo.
Ako'y nagbigay ng singsing sabay sa pangako natin.

IV.
Tumagal ang panahon, tila pakikitungo mo'y nag-iba/
Ang kaibigan kong kilala, sa akin ay nanlamig na.
Hindi ko alam kung anong problema kaya kinausap kita.
Tinanong ko kung anong nangyari, tugon mo'y malamig na; “Wala.”

V.
At nalaman ko nalang na may ibang kaibigan ka na pala,
Parati kong tinatanong sarili ko kung ako ba'y may nagawa
May nagawa ba akong hindi tama? Bakit ganun?
Paano? Paano na lamang ang pangako natin noon?

VI.
Hanggang ngayon, hindi pa rin ako naliliwanagan,
Sinubukan kitang kausapin, ngunit ako'y tinatalikuran.
Ganito pala kasakit ang maiwan ng isang kaibigan.
Ganito pala kasakit ang mawalan ng matalik na kaibigan.
AKIKO  Apr 2017
Promise ko inay
AKIKO Apr 2017
Ako'y mailap
Pag si Ina'y kapiling
Kung ako'y umasta parang
Hindi sya nakikita
Parabang sa isip ko'y ako lang
Mag-isa

Anong mali?
Tanong ko sa  sarili
Anong mali at ganito ako
Umasta,
Sa harap ni Inay na nagbigay
Buhay sa kagaya kong walang
Kwenta

Pero bakit ba?
Gusto ko ba na isilang nya ang
Kagaya kong basura na ay wala pang kwenta?

Sukdulan na siguro
Ang hinanakit ni Ina sa akin
Kayat luha nya'y hindi na napigil
Ako'y sinumbatan
Lahat ng kamalian ko'y
Sinambit
Sa unang pagkakataon
Si Ina ay nagalit

Ako'y nagtaka
Sa aking nadarama
Ang puso ko'y bakit tila sasabog na
Sa nakitang luha
Na umagus pababa

Isang gaya ko
Ang nagpaluha sa Kanya
O, anung hirap at
Sakit pala
Ang makitang lumuha
Ang Ginang na nagpalaki't umaruga
Sa gaya kong walang kwenta

Ngayu'y alam kuna
Ang damdamin ni Ina
Ako ay nangakong
Magbabago na, upang damdami'y ni Ina hindi na masaktan pa
At brilyante  nyang mata'y hindi na tumangis pa

Ang mahal kong Ina nasa malayo na
Paano na ang pramis ko
Tila naging abo na

Masakit isiping
Pagmamahal ay di naipadama
Sa nag-iisa kong Reyna
Na nagpahalaga sa kagayakong basura na'y wala pang kwenta

Sumilip ang Araw
Sa mata kong nakapikit
Kahit natakluban na ng luha ang mata
Batid kong si Ina'y nasa tagiliran ko pala
Nakatayo at nakangiti,may alay na pagmamahal ang brilyante nyang mga mata

Hinagkan ko si Nanay
Tudo bigay ang dabest kong yakap
Sabay dampi ng matamis kong halik sakanyang pisngi
Batid ko si Nanay ay nagtaka
Tila nagulat pa nga sa bago kung pag-asta

Labis akong nasaktan
Sa panaginip na handa ng may kapal
Tiyak ako'y kanyang sinubok
Upang malaman ko na ang halaga ni  Nanay ay di lamang sintaas ng bundok
Kundi sinlawak din pala dagat

Ang mahagkan pala si Nanay
Ay Walang kasing sarap
Sa haba nang panahon sanay
Noon kupa nadanas
Ang mayakap si Nanay kahit gaano pa katagal
Ay hindi ako magsasawa
Ohh,kay saya maranasan ang ganito
Ang makapiling si Nanay
Buo na ang araw ko

Ang pramis ko Nay ay isa lang
Mamahalin kita higit pa sa buhay kong taglay
basta ba dito kalang at hindi lilisan
Hindi lahat ng sandali'y kapiling
Ka Nanay
AKIKO Jul 2017
Paka-isipin ang bawat salitang sasambitin
Bigyan ng pansin ang aking damdamin
Hindi mo man pansin sa isang minuto lang masaya kong araw ay natakluban na ng lumbay
Dahil sa prangka **** bibig
Na makabasag araw!

Sa buka ng bibig
Tagos sa puso't isip
Sabay sayong halakhak ang aking pagtangis
Sana'y pinag-isipan ang bawat letrang binitawan
At sana'y batid mo na ako'y nasaktan
At makulay kong araw ay
lumisan na ng tuluyan

Magandang samahan ay
Inagus na ng luha
Patungo sa pusong may patlang sa gitna
Sanhi ng iyong salita
Na tumusok sa gitna
Ng aking pusong noo'y banal
At buo pa ng pagmamahal ng isang tunay na pamilya

Ngayo'y ikaw pa ang galit
at ako pa ang sinisi
Winika mo pa na akoy sensitibo't
Madaling masaktan
Gayong ikaw ang may kasalanan
At maysanhi ng aking kalungkutan.
Samahan ng isip ang bawat salitang nais sabihin.dahil hindi lahat ng tao'y katulad **** may matigas na puso at paninindigan.
Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
Marlo Cabrera  Mar 2014
Salamat.
Marlo Cabrera Mar 2014
Salamat,

Salamat, sa napakamasayang pagsasamahan natin,

salamat,

sa pagmamahal na ipinadama niyo sa akin.

Salamat,

Ako ay nag-papasalamat sa pag gabay niyo sa akin.

Salamat, ako'y inyong sinamahan sa lahat ng beses na ako'y humaharap sa hamon ng buhay.

Salamat,

sa pag-tangap sa akin bilang kaibigan.

Salamat,

kase kayo ay para saakin di' kaibigan ang turing
kayo'y Pamilya para saakin.

Salamat,

Sa kabila ng lungkot at kaligayahan; ako'y hindi niyo kailanman iniwan.

Salamat.

Simula sa araw na ito, tayo man ay magkaibang landas ang tatahakin,
sama-sama nating haharapin ang kinabukasan na nasa harapan natin.

hawak ang kamay ng isat' isa, sabay-sabay na nag-lalakad papunta sa paraiso
na para sa atin ay naka-laan.

Salamat sa lahat.

Salamat.

Salamat, aking mga Kaibigan.
Grade 11, Sa puso koy' mananatili habang buhay.

— The End —