Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
072124

Iduduyan Kita sa kalawakan
At aaliwin ng mga nagniningning na mga tala.
Hahayaang marahang mapagmasdan
Ang mga palamuting bunga ng Aking hininga.

Aawitan Kita ng kundiman na hehele sa’yong pagtulog.
At sa pagsilang ng panibagong Araw
Ay hahagkan ka ng mga sinag Nito
At lulusawin ang mga pangamba’t pag-aalinlangan.

Ang mga pira-pirasong liham ng kasaysayan
Ay nagmistulang mga tagubilin
At ilaw sa’yong paglalakbay.
Habang ang hantungan ng bawat Salita’y
Ang puso **** patuloy Kong sinusuyo —
Sinusuyo ng aking Katapatan at Kadakilaan.

At habang ang mga matutulis na palaso’y
Hindi magkamayaw sa pag-uunahan;
Maging ang mga payasong nakapalibot sayo’y
Nag-aabang lamang sa’yong kahinaan.
Narito Ako —
Narito, upang waksian ang bawat pagpapanggap
Nang hindi ka na mahulog pa
Sa mga patibong na iginagawad nila sa’yo
Na tila ba totoong mga parangal.

Bagamat naging isang pamilyar na tahanan
Ang mundong iyong ginagalawa’y
Hindi ito ang habambuhay na alay Ko sa’yo.
Sa piling Ko’y magiging buo ka —
At ang Aking pag-anyaya’y kusang loob.
Sa piling Ko’y dito ka na mamahinga’t
Ako ang maging Sandigan at Sandata.

Ako ang Simula at ang Katapusan;
At nasa Akin ang huling Salita.
Magbalik ka na, anak —
Magbalik sa yaman ng Pag-ibig Ko.
060624

Hindi ako nangangambang
Tabunan ng dilim ang liwanag ng araw
Na sa kanyang pagsilang ay manlalabo rin
Ang aking pananaw.

Pagkat mananatili ang Langit
Hanggang sa aking huling Lupang Hinirang.
At wala akong ibang nais na gawin
Kundi pagmasdan ito
At tingalain ang yaman nitong kagandahan.

Sa aking paggayak sa tabing dagat
Ay tatawagin din ako ng Kanyang mga alon.
At ang tanong ko’y Kanyang aakuin.

“Gaano nga ba kalawak ang Iyong pag-ibig?”
Wari ko’y ilang dipa pa ba
Hanggang sa marating ko Siya.
Ngunit ako’y aakapin ng sumisipol na hangin.
At ‘yan na marahil ang tugon Niya.

Sa aking pagsuyod
Maabot lamang ang Kalangitan,
At sa aking pagsisid
Matiyak lamang ang lalim ng Karagatan —
Walang ibang kasagutan
Kundi ang natatangi **** Ngalan.
I was driving when God whispered to write about this poem. I said, “Lord, wait lang, isusulat ko. Uuwi lang ako.” And here I am writing what God wants me to write about. Thank You, Jesus Christ. Please overflow in my life.
042624

Ang bawat buhay
Ay binubuo ng mga pahina ng mga tula
Ilang libong libro na may makakapal na kuwento
At marahil ang iba’y, sa unang pahina pa lamang
Ay maroon na rin ang kanilang dulo.

Kakatha pa rin ang Bathala
Kahit punitin man ng kadiliman.
Lilikha gamit ang Kanyang hininga,
Isang idlap, isang kurap
Patuloy ang pagbibigay buhay at katuturan.

Sunugin man ang mga pahina,
Dapuan man ng mga alikabok at mga insekto,
Mabura man ang mga letra
buhat sa mga patak ng ulan
Ay mananatili pa rin ang mensahe’t nilalaman.

Sa huli, ang may Akda
Ang tanging may hawak ng mga kasagutan
Sa mga pahinang hindi natin alam
Kung kailan nga ba ang katapusan.
031224

Ikaw ang alaalang nais kong ibaon sa limot —
Ang kalimutan ka ay kalayaan ko.
Ikaw ang larawang sana’y kumupas na
At handa ako kung anayin na
Ang mga sandaling kasama ka.

Sa tuwing pumipikit ako’y
Dinadalaw mo pa rin ang aking isipan
At maging sa panaginip,
Ako’y tila binabangungot
At magigising nang bigla ang aking ulirat.

Ang bawat patak ng luha’y ni hindi na masukat
Gaya ng ulang walang himpil na pagbagsak.
Kung sana noong una’y binitawan ka na agad,
Sana’y hindi nagdurusa ang puso kong pagod na.
022924

Magsisimula akong muli —
Dalhin mo ang aking pangamba’t
Waksian maging mga pag-aalinlangan.

Sa’yo ko ihahain ang lahat-lahat
Kaya hindi na ako magdududa pa
Kung sakaling mag-iba ang aking landas.

Patas ang Iyong paghusga
Kung sakaling ako ang nasa kadiliman.
At Ikaw rin mismo, ang magsisilbing Ilaw.

Ikaw ang aking Daan —
Ako’y akayin Mo hanggang dulo
At ‘wag na ‘wag na bibitawan.

Aking buhay, Iyong pagharian
At wala na akong ibang nanaisin pa
Kundi Ikaw ang aking Kanlungan.
022524

Kalakip ng bawat “oo”
Ang mapapait na “hindi” ng Tadhana.
Kung sa’yong palad ko ikakahon ang sarili’y
Mauubos ako sa sarili kong lakas
Habang sumusuntok ako sa buwan.

Mananatili akong aliping
Nakagapos sa sarılı kong mga pangarap
At marahil ito ang maging mista
Ng tuluyan kong pagkabulag
Pagkat sarili ang aking naging Lupang Hinirang.

Ni hindi masasaklawan ninuman
Ang bawat sumisirit na imahe sa aking balintataw.
At walang sinuman ang makapag-papahele
Sa akin hanggang makaidlip
Pagkat iba ang ritmo ng Pagsintang aking kinapapanabikan.

Kung sarili ang magiging lason
Ng aking pagkalimot sa aking unang sinumpaan…
Ay mas nais ko nang tuldukan
Ang bawat silakbo ng damdaming
Hanggang lupa lamang ang kasarinlan.
021824

Ikaw ang Buhay, ang aking Hininga
Ang nagdudulot sa bawat pintig
Na noo’y nais nang mamahinga.

Ikaw ang Pangakong aking panghahawakan,
Ilalaan Sa’yo ang lahat
Nang walang hinihinging kapalit.

Ikaw ang Pagsinta
Sa gitna ng mga mapapait na nobela —
Nobelang akala ko’y syang bubuo sa’king pagkatao.

Ikaw ang Lunas sa bawat sakit,
Sa bawat hapding walang ibang makapagpapagaling…
Ikaw ang aking Kagalingan.

Sa libis at parang
Ako’y kusang hahakbang.
Na kahit ang dilim ay walang kapangyarihan.

Ikaw ang Aking Liwanag —
Akayin Mo ako hanggang sa huling hininga’t
Salubungin ako ng pag-ibig **** walang kapantay.
013024

Walang ibang saksi
Ng mga binhing kusang umuusbong.
At walang ibang tutugon
Sa walang katapusang paghikbi.

Daig pa ng liwanag
Ang kadilimang baluti sa’king mga mata.
Ngunit tila ba ako’y hindi pa rin handa
Sa mga balang tumatagos sa’king katauhan.

Nauuhaw pa rin ako
Sa mga salitang “Mahal kita”
Ngunit sa bawat pagtagisan ng mga salita’y
Puso ko rin ang kusang lumilisan.

Marahil ang paghilom ay isa lamang panimula
Ngunit sa ngayo’y ang mga pahina’y
Nasa dulo na ng aking katapusan
At paano nga ba muling makasasandal?
Paano nga ba muling magsisimula?
121622

Mga pangarap ay nasa alapaap pa,
Susungkitin gamit ang pagsisikap
Pag-asa at pananampalataya.

Minsan, hinahanap ko pa rin ang sarili —
Habang sa mga mata ng iba'y
Doon pa rin pala ako nananalamin.
At baka sa paligid ay naroon ang ligaya
Kahit alam ko namang
Isa lamang itong patibong.

May mga katauhang nagpapaalala saking
Gusto ko ring marating kung nasaan man sila.
O makihati man lang sa mga bituing
Nasa kamay na nila ngayon
Habang ako’y naghihintay pa rin
Sa sarili kong panahon.

Binabalot ng dilim ang aking puso
Bagamat ako’y lumalantad sa liwanag.
Naghihikahos at nangugusap
Ang damdaming namahay na sa parang.

Nakakapagod palang mangarap
Na tila ba ako’y pinaglipasan na ng panahon.
Tila ba wala nang tala para sa’kin.
Akala mo ‘yun na,
Kaya ibibigay mo ang lahat
Ngunit uuwi ka pa ring luhaan
Pagkat paulit-ulit ka na ring nasaktan.

Saan na nga ba ibabaling ang tingin?
Kung ang lahat ng pinto ay kusang sumasara…
Kung ang lahat ng balik ay pait at hagupit…
Kanino na nga ba magtitiwala pa?
Sa sarili ba o sa kanila?

Sa kabila ng bigat ng aking mundo'y
Nariyan pa rin ang Liwanag
Ni hindi Sya natitinag
Kahit ako mismo ang mang-iwan…

At kung ang Liwanay ay walang kapaguran,
Ay baka 'yun na rin ang dahilan
Kung bakit mas nararapat ko pa ring piliin
Ang pag-usad kahit pa nasasaktan.

At baka sa dulo ng Liwanag,
Ay naroon ang gantimpala
Na kahit ang mundong ito'y
Hindi makapagbibigay.
120522

Kaba ng puso ko’y Iyong pasan
Pilit ko mang labanan
Ang mga delubyong namamasukan
Ay kusa kong ibinabaling Sa’yo ang tingin.

Pagkat kailanma’y hindi ako nag-iisa
At sa bawat giyera’y Ikaw ang aking Sandata.
Ang hiwaga ng Iyong pag-ibig
Ay higit pa sa kung anumang bala’t palaso
Na sa akin ay hinahagis upang ako’y sumuko na.

Hindi ako nagmamataas
Na kaya kong patuloy na tumayo
Sa kabila ng mga patibong
Habang ako’y nakapikit pa.

Ngunit sa aking paniniwalang
Ikaw ang aking Buhay,
Ay Ikaw rin ang magbibigay daan
Sa patuloy kong paglagay
Patungo sa aking patutunguhan.

Sa aking pagbimbing
Ay palagi Kang gising —
Nakamulat at ako’y pinagmamasdan
At patuloy na hinihingahan ng buhay.

Nang sa aking paggising
Ay hindi kung kani-kaninong tinig
Ang aking hahanapin.
Pagkat ang nais ng puso ko’y
Sa’yo ako pumisan habambuhay
At Ikaw ay makapiling at maranasan
Sa mga susunod pang bukas
Nang wala nang pangamba pa.
120522

Nanginginig ka
Tila ba ayaw mo Akong pagmasdan.
Hindi ko mawari ang nasasakupan
Ng iyong isipan.

Sa aking paglapit
Ay kusa kitang hahagkan.
O, wag ka nang mangamba pa
Pagkat kirot ay pansamantala.

Baunin mo ang aking liham
Na iniukit ko sa’yong katauhan.
At wag **** isiping
Ang pait na iyong sinapit
Ay walang mabuting kapalit.

Magbilang ka ng mga araw pa
At ang nararanasan mo ngayon
Ay kusa mo nang maiintindihan ang dahilan.
Mamuhay ka ng may galak,
Mamuhay ka pagkat ako’y lilisan na.
112622

Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan
Bagamat may iilang tekstong isinawalang-bahala na.
Mga pahinang hindi na nagawaran
Ng konkretong kalinawagan
Bunsod sa kusang pagpapasakop natin
Sa mga banyagang hayagang dumidikta
Sa ating kultura maging adhikain.

Hindi man natin nalimot
Na tayo’y minsang nakipisan sa mga bahay kubo,
Tayo pa rin ay tumawid sa lubid ng kamangmangan —
Ilang ulit na‘t tila ba hindi na tayo natuto sa mga kamalian ng nakaraan
Hindi lang tayo basta nabitag,
Bagkus rehas ay atin pang ipinagtibay.

Oo, tayo lang naman ang bumihag sa ating mga sarili
Kusang sumiping at nagpatali
Hanggang huli na nang mamalayang
Hirap na pala tayong kumawala
Sa mga buhol na tayo mismo ang may sulsi.

Iniibig natin ang Pilipinas gamit ang ating bibig
Ngunit ang bandilang ating iwinawagayway
Ay hindi na pala ang sariling atin.
Hindi masamang makisabay sa uso
Ngunit wag nating kaligtaan na tayo’y mga Anak ng Bayan.

Hindi rin mainam na tayo’y magpasakop
Sa samu’t saring ideolohiyang inihahain sa atin.
Pagkat hindi porket nasa hapag na’y
Ito’y para sa ating upang nanamnamin.
Wag kang hangal, Inang Bayan!

Isinisiwalat natin na tayo’y tunay na mga kayumanggi
Gamit ang mga sandatang hiram
Ngunit sa ating pakikibaka’y
Hindi ba sapat ang ating armas
At kailangan pang umasa sa kanilang lunas?

Pluma ang naging sandata noon
Ngunit maging ang ating Bayani’y
Hinayaan na nating maging pipi.
Mga lata’y maiingay
Sa araw-araw nating pakikipagkalakal.

Kahit saan tayo sumipat,
Tayo’y natutukso pa rin —
Bumibigay at bumibitaw, nalilimot maging tapat.
Aahon nang nakapikit,
Maging lenggwahe’y pahiram na rin.

At kung tayo ang huhusga
Sa ating walang modong mga nagawa’y
Linisin natin ang sarili nating mga dumi’t
Wag nang hayaang maging pabigat sa iba.

At Bandilang ginula-gulanit
Ay sama-sama nating susulsihing muli
Nang ang mga galos ng nakaraa’y
Maging umaapaw na pabaon sa ating mga iiwan.

Sa pamamagitan ng ating pagbubuklod,
Tayo’y magiging isang buong Pamilya.
At magbabalik ang sigla
Na minsan nating hinayaang kainin ng mga bukbok
At anay ng ating pagkawatak-watak.
041020

Malalalim ang gabi
At tinatanong ko ang langit
Kung kagaya ba nito ang Iyong mga mata.
Kung sa aking pagtulog ba'y
Ilang umaga pa ang bubungad
At aalayan ko ng pagsinta.

Sa bawat araw na lumilipas,
Ay walang kurap ang aking pagsamba
Sa ngalan ****
Hindi sa anumang papel ko lang nabasa,
Ang kaluwalhatian **** siyang himig
Sa bawat silakbo ng oras
At pintig ng segundong
Lumalamon sa aking pagkatao.

Tangay Mo ang aking pagsusumamo,
Ang bawat pantig
Ng mga sinasambit kong mga salita,
Ang bawat kuwit sa puso kong
Nalulunod sa Iyong presensya.

Ikaw ay nag-iisa —
Walang katulad ang Iyong Ngalan.
Walang ibang pupurihin,
Walang ibang sasambahin,
O Diyos, Ikaw ay sapat.
Next page