Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
w Oct 2016
16
Hindi ako magaling kumabisado
Inaamin ko, hindi ako magaling kumabisado
Higit sa lahat, ayokong pinipilit akong tandaan ang mga bagay na ayoko
Pero gusto kong makabisado ang tunog ng pagakyat mo sa hagdan
Gusto ko makabisado kung ilang kutsara ng asukal at takal ng gatas ang tinitimpla mo sa kape
Gusto ko makabisado kung anong paborito **** palaman sa tinapay at kung kailangan mo ba ng alalay
Gusto ko makabisado kung inuuna mo bang kainin ang balat ng manok o hinuhuli mo
Gusto ko makabisado kung anong timpla ang gusto **** sawsawan sa iyong ulam...matamis, mapait, maasim o maanghang.
Matamis, mapait, maasim o maanghang...

Gusto kong makabisado,
Gusto ko makibasado kung paano minumulat ang mata matapos magising sa mahabang panaginip
Gusto ko makabisado ang galaw ng iyong mga kamay sa kung paano mo inaayos ang iyong kurbata
Gusto ko makabisado kung paano mo tinatali ang sintas ng sapatos mo sayong mga paa
Hindi ako magaling kumabisado...
Inuulit ko, hindi ako magaling kumabisado
Pero gusto ko makibasado lahat ng tungkol sayo,
Sa maliit man o malaking detalye,
madami man o kaunti
Sa kung paano ka bumangon sa umaga at sa pagahon ng araw,
Lahat ng iyong ginagawa sa umpisa at ang iyong hiling kapag tapos na
Importante man o walang kahulugan,
mahalagang ito'y aking malaman.

Ang gusto ko lang makabisado
Makabisado
Makabisado
At sa huling beses, uulitin ko
Hindi ako magaling kumabisado
Pero kakabisaduhin ko ang hugis ng iyong mukha,
ang maiitim at mahahabang pilik mata,
ang ngiti sayong labi,
ang tunog ng hininga kapag ika'y katabi
Gusto ko lang makabisado
At kakabisaduhin ko
Kakabisaduhin ko kahit gaano katagal
Abutin man ng syam-syam,
buwan-buwan,
taon-taon,
Itaga mo man sa bato
Sumigaw ka man ng "darna"
Pero mahal, kakabisaduhin ko...

Kakabisaduhin ko,
Maubos man ang mga bituin na siyang nagbibigay direksyon sa kung saan patungo
Kakabisaduhin ko simula sa umpisa hanggang sa dulo
Simula sa unang letra ng pangalan mo, kasunod sa numero ng kaarawan mo hanggang sa hibla ng buhok mo
Panagako mahal, kakabisaduhin ko para sayo
Kakabisaduhin ko
At kakabisaduhin ko ang tibok ng puso mo,
Umaasang baka sakaling masabayan ko
Jor Jun 2015
I.
Naalala ko pa dati nung tayo'y musmos pa lamang
Naglalaro tayo sa labasan ng habulan at tayaan.
Hindi ka tumitigil hangga’t tayo'y mapagod,
Pareho tayong hapong-hapo at basa ating likod.

II.
Hanggang sa eskwelahan tayo'y magkasama pa rin.
Magkaklase, nagkokopyahan sa mga takdang-aralin.
Nakikinig kunyari sa ****, at nagsusulat na rin.
Sabay kumakain sa tanghalian, hatian pa sa ulam.

III.
Hanggang sa tayo ay nangako sa isa’t-isa,
Nangako tayo na walang iwanan, hindi ba?
Tinupad mo ‘yun at ganun din ako sayo.
Ako'y nagbigay ng singsing sabay sa pangako natin.

IV.
Tumagal ang panahon, tila pakikitungo mo'y nag-iba/
Ang kaibigan kong kilala, sa akin ay nanlamig na.
Hindi ko alam kung anong problema kaya kinausap kita.
Tinanong ko kung anong nangyari, tugon mo'y malamig na; “Wala.”

V.
At nalaman ko nalang na may ibang kaibigan ka na pala,
Parati kong tinatanong sarili ko kung ako ba'y may nagawa
May nagawa ba akong hindi tama? Bakit ganun?
Paano? Paano na lamang ang pangako natin noon?

VI.
Hanggang ngayon, hindi pa rin ako naliliwanagan,
Sinubukan kitang kausapin, ngunit ako'y tinatalikuran.
Ganito pala kasakit ang maiwan ng isang kaibigan.
Ganito pala kasakit ang mawalan ng matalik na kaibigan.
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
mac azanes Feb 2016
Ayun,dalawang buwan na din pala ang lumipas. Pero parang taon na ang ating pinagsamahan.
Yung mga usapan na minsan pareho din natin di inasahan pero yun din ang hantungan kaya masaya din na napagpaplanuhan.
Mga pangarap na sa balang araw ay bibigyan natin ng katuparan.
Kaya sa ngayon ang sakripisyo nang pagkakahiwalay ay abay nating nilalabanan.
Ilang milya man ang ating agwat at Sierra Madre man ay nasa gitna ng ating daan hinding hindi naman natin nakakalimutan ang isat isa sa araw araw na nagdaan. Ang mundo ko ngayon ay napapalibutan ng palayan at mga simpleng mamayan ikaw naman ay nakikipagpatentero sa ka Maynilaan.
Pero alam natin na darating araw na sabay nating pagsasaluhan ang agahan na aking pinagsikapan.
Aaminin ko na may oras na gusto kitang kapiling upang hagkan lalo na kapag sa trabaho moy nahihirapan pero ganito talaga ang buhay aking mahal sadyang kelangan natin magtiis lumaban at magtulungan.
At Sa pagsapit ng araw na tayo ay iisa na at si sinag at tala ay naglalaro na sana kasama natin sila at alala ng kanilang pagkabata.  
Dalawang buwan ay lumipas na at alam ko na mas mamahalin pa kita sa bawat araw buwan at taon na darating pa.
Kahit pa ayaw mo kumain ng ampalaya at okra ihihiwalay ko pag ang ulam ay pakbet akin ang lahat ng tira.
Sa dami ng mga trabahong tumambak dahil hindi mo pa nagagawa
Mga papeles na nagpatung-patong na
Yung lamesa **** inaagiw na dahil hindi mo alam kung saan at paano magsisimula.
At mga istoryang di mo pa maisulat dahil nangangapa ka pa.
Isama mo na rin yung katrabaho **** nakakairita na sa tenga.
Dahil crush niya daw si Justin Bieber
At paborito niyang frappe sa Starbucks ay Caramel.
Kahit mukhang ang afford niya lang ay Nescafe “Oo nga pala, French Vanilla” na iniinom ni Toni Gonzaga.
Pero wala siyang pambili ng sarili niyang tumbler.

Tangina.

Idagdag mo pa ang mga patay na oras na sunod-sunod ang mga buntong-hininga
Nahuli ka pa ng boss mo na nakatulala
Kaya hayan at napagalitan ka pa.
At dahil contractual ka, yung limang buwan na kontrata mo
Biruin mo, baka mapaaga pa ang endo.

Aminin mo na ang pagpatak ng alas-singko
Ay may kakaibang dalang saya.
Na parang sumagot na ng “oo” yung matagal mo nang nililigawan.
Nakulayan na rin yung mga pinlano niyong outing na buong akala niyo’y hanggang drawing na lang.
Parang pagbabalik sa Pilipinas ng kasintahan **** kumayod sa ibang bansa.
Parang ibinalita sa TV na hindi traffic ngayon sa EDSA.
Himala!
Kaya ang pagsapit ng alas-singko ay kakambal ng paglaya.


Wala sa’yo kung sa bus man ay tayuan
O kaya sa dyip ay makasabit man lang.
Basta makauwi ka lang.

Nakakasabik pa rin ang ideya
Na ang bawat pag-uwi
Ay kasing banayad ng mayroong sasalubong sa’yong ngiti
Mga ngiting papawi sa kangalayan ng mga binti.

Mayroong yakap na nakaabang
Ang mga bisig na nagmistulang pinakapaborito **** kulungan
Dahil doon mo nararamdaman ang tunay na kalayaan.
Mula sa pang-aalipin sa’yo ng lipunan.

Nakahain na rin ang hapunan.
“Mahal, ano ba ang ulam?”
Sabayan natin ito ng mahabang kwentuhan.
Simulan natin sa simpleng kamustahan.
Dahil pagkatapos, ay aabangan mo na naman ang alas-singko kinabukasan.
Stum Casia Aug 2015
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
tatlo ang maglalakad nang napakalayo,
mula pinakamasikip na eskinita sa Valenzuela
hanggang pabrika para makatipid sa tricycle.

Sayang din kasi.

Dalawa siguro sa tatlong yun, babae,
may tig-isang anak na dumedede pa
at hindi pa talaga maiwan pero kailangan nang iwanan
kahit mahigpit ang pagkakakapit sa tuwing paalamanan
dahil mas mahigpit ang pangangailangan.

Sa sampung rin sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung nagbabaon ng kaning tinipid nung hapunan
at ulam para hindi na bumili sa kainan.
Yung isa siguro kakain na lang ng biskwit at tubig.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung hindi na magbebreaktime para magmeryenda.
Sayang ang bawat minutong titigil sa paggawa ng tsinelas,
baka hindi umabot sa quota, baka mawalan ng trabaho bukas.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
dalawa lang ang nagpapansinan sa oras ng trabaho-
yung magkaedad at magkatabi.
Sayang ang bawat minutong tatakas ang atensyon
sa ginagawa, baka mareject ang gawa, baka tuluyan nang tumunganga.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung hindi pa nakaranas ng fire drill.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung walang benepisyo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung mababa ang sweldo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung inaasahan ng pamilya.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa ang hindi mo kilala
kaya wala kang pakialam
mabigyan man sila o hindi ng hustisya.
Sadyang puno ng kabalintunaan ang mundo. Sa isang lugar na tinaguriang tirahan ng mga patay, sinong mag-aakalang doon rin nakatira ang mga buhay? Nagsimula ang aking malungkot na karanasan nang matanggal sa trabaho ang aking ama at pinaalis kami sa aming bahay. Kaya't naisipan ng aking mga magulang na manuluyan sa kanyang kumare na naninirahan sa North Cemetery. Hindi naging madali ang manirahan sa sementeryo. Sa gabi, walang ilaw. Umaasa lamang kami sa mga poste ng ilaw sa parke. Walang malinis na tubig at kailangan pa naming mag-igib sa malayo. Hindi ko magawa ang mga gusto ko. Bukod sa iniisip kong wala kaming matinong bahay. Nariyan pa ang di maintindihang takot at pangamba lalo na't sagana sa kwentong katatakutan ang mga palabas at naririnig ko sa mga tao dito. Naku, saan pa kaya maaaring magkaroon ng multi mundo sa hantungan ng mga patay. Ngi!! Pero sa awa ng Diyos, wala pa akong nakikita. Sa sobrang kahirapan, naranasan namin na hindi kumain ng isang araw o mag-ulam ng asin. Pero malakas pa rin ang pananampalataya ko sa Diyos, sa huli, muling nagkatrabaho ang aking ama at ngayon, nakalipat na kami ng bahay sa labas ng sementeryo. Ngunit hinding-hindi ko malilimutan ang aking karanasan na tumira sa sementeryo. Ito ay alaalang nagsisilbing sandata ko sa kahirapan upang magsikap at maging ganap na pari. Ating pakatandaan saan man tayo ilagak ng Diyos, magulo man o katakot-takot, hinding-hindi niya tayo pababayaan.
Allan Pangilinan Aug 2016
Lagi ka na lang
tourist spot na ayos picture-an,
handa pag may birthday lang,
extreme sport na masayang subukan,
gown pag debut, dress pag kasalan,
leap year pag pinagpala,
blue moon pag may himala,
lakad ng barkada kung tuloy ang aya.
One time, big time.

Kailan ka kaya magiging
tambayan anuman ang dahilan,
kanin sa kahit anong ulam,
basketball na laging andiyan,
t-shirt, shorts, pants na 'di pangmayaman,
a-kinse at a-trenta pag minalas,
new moon, full moon at lahat ng quarter,
fixed date.
Big time, all the time.
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
Joshua Nov 2019
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Hindi ako nakapagsalita.
Hindi nakagalaw. Natulala.
Ang bilis ng pangyayari.
Nakakatakot. Na wala man lang akong nagawa.

Gabi ng lumabas ako sa aming tahanan,
Kinailangan kong bumili ng ulam para sa hapunan,
Naglalakad ako ng isang kilometro,
Makabili lang ng pagkaing ihahain sa mga anak ko.

Madilim na. At walang ilaw ang kalye.
Mas pinili ko na rin maglakad para tipid pamasahe.
Medyo malapit lang din kasi nakasanayan ko na.
Ang maglakad ng malayo na walang saplot ang paa.

Malamang hinihintay na nila ako.
Kaya binilisan ko ang lakad ko.
Excited na rin akong makain nila ang paborito nilang ulam.
Tortang talong na masustansya para sa aming hapunan.

Ngunit nang malapit na ako sa pamilihan,
Dalawang lalaking nakamotor, ako'y nilapitan.
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Napaluhod ako sa kalsada.
Nanghinayang sa karampot na baryang aking kinita.
Buong araw ako nagtrabaho,
Holdaper lang pala ang kukuha ng pinaghirapan ko.

"Mga anak, pasensya na, wala akong nabili eh"
"Ayos lang yan Pa, may asin at toyo pa naman eh"
"Bukas babawi ako mga anak ko."
"Hindi po papa, kami po ang babawi sa inyo."

Nawalan ako ng pera sa araw na ito,
Pero salamat at ganito ang pananaw nila sa mundo,
Na ang lahat ng ginagawa para sayo,
Ay sakripisyong dapat pinagpapasalamat mo.
JOJO C PINCA Nov 2017
kanina habang
hinihigop ko
ang kapeng mainit
at hinihithit
ang mapait
na sigarilyo
habang nakaupo
sa may beranda
ng aming opisina
napanood ko
kung paano
sumayaw
ang mga kawayan
sa saliw ng malamig
na hangan
humahapay ito at
humahalik sa beranda at
nangingiliti ang luntiang
mga dahon
dito humahapon
ang mga ibon
at dito rin gumagapang
ang dagang sugapa
sa basura at tira-tirang ulam
habang nag-aabang
ang itim na pusa
na saksakan ng tahimik
sa sayaw ng kawayan
sa awit ng hangin
sa huni ng mga ibon
sa labis na pagkadiri
sa dagang nuknukan ng dugyot
at sa tulong ng kape at sigarilyo
pinalilipas ko ang
nakakainis na pagkabagot.
Ashari Ty Sep 2019
*
Ikaw ang mantika
Ako ang 'yong tubig
Yung kama ang kawali
Mabilisan lang na tula hahez
Joshua Feb 2019
Naalala ko pa yung araw na napagdesisyunan kong kumain sa McDo.
Kasi wala lang, trip ko lang.
Hindi naman ako gutom, hindi rin pagod.
Pero nag-McDo ako.

Noong panahong yun,
Saka ko lang narealize yung sinasabi nilang "Self Worth."
Pahalagahan ang sarili, mahalin.
Bagay na hindi ko nagawa sa nakaraan.
Kaya ayun, nagwakas, natuldukan.
Paano naman nga ba kasi magpapahalaga sa iba
Kung sarili ko nga di ko mapahalagahan.

Umorder na ko ng fries at Big Mac
Syempre kasama ang paborito kong McFloat.
Nasa kalagitnaan na ko ng pagnguya
Nung nagtanong ka
"May nakaupo na po ba?"
Hindi ko na tiningnan ang kanyang mukha
Umiling nalang ako.
Nagtataka rin kasi ako bat sa harap ko pa naisipan **** umupo.
Yun pala, wala na talagang pwesto sa McDo.

Binasag mo ang katahimikan sa pagpapakilala mo sa akin.
Bigla atang lumamig ng hangin
Lalo na nung nakita kong nakangiti ka sakin.

Nagkakilala tayo. Naging magkaibigan.

Ikaw ang nagsilbi kong Happy Meal
sa araw-araw na paggising ko.
Hindi ko na kailangan ng Happy Meal toy
Kasi makasama ka lang enjoy na ako.
Ikaw yung chicken fillet na
sa sobrang lambot ng pisngi mo nanggigigil ako.
Ikaw yung Hot Fudge na mas matamis pa
sa Dairy Milk kasi sobrang sweet mo.
At para kang gravy ng McDo
na hanggat di ubos yung ulam magrerefill ako.

Hanggang isang araw, inaya mo ko mag-McDo.
Masaya akong sumama kasi minsan lang yun.
Ako naman ililibre ng taong madalas ilibre ko.
Feeling ko tuloy sasagutin mo na ako.
Nagpresenta kang ikaw na o-order
At ako nang bahala sa uupuan.
Hindi ko alam bakit pagkaupo ko palang
Nakaramdam na ko ng kalungkutan.
Natakot ako bigla sa di malamang dahilan.

Buti dumating ka na, at
Buti nakangiti ka.
Ngunit ako ay nagtaka na
Ang pagkaing binili mo ay hindi para sa dalawa.
Agad **** sinabi saken na saglit lang,
May pupuntahan ka lang.

Pagkaalis mo, kinain ko na ang binili mo.
Pero nagulat ako
Matapos kong i-angat ang burger na inorder mo.
"Hindi pa pala ako handa."
Nakasulat sa sticky note na nilagay mo.
Di ko alam ano ibig **** sabihin
Kaya nagdecide akong ikaw ay hintayin.
Mahal, sabi mo saglit.
Pero bakit hindi ka na bumalik?
Iniwan mo na ako.
Iniwan mo gamit ang isang sticky note,
Kasama ang favorite kong McFloat.
Ayoko na lamang bilangin ang mga oras
Na nasisinagan pa tayo ng araw,
Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw
Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.

Naaalala ko pa noong elementarya'y
Sabay tayong papasok sa eskwela
Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay.
At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga
Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan
At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.

Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater,
Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase?
Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya
At magkakalat ang putik sa ating sahig
Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.

Ilang beses din tayong naligo sa dagat
Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo
Habang siya ay nasa laot pa.
Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong
Kaya muli tayong mapagagalitan
Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.

Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo?
Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako?
Hindi ko kasi makalimutan yun
Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo
Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.

At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog
Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli
Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko.
Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun
Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.

Kaya noong maggising na lamang ako'y
Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay
At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin
Kung ano ang mga nangyari
At kung saan ako pupunta.

Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras,
Pero heto pa rin ako...
At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.

Siguro nga kung hindi ako natulog agad
Ay baka may naggawa pa ako.
Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon,
Ay hindi mo ring magagawang umalis.

At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y
Wala naman talaga tayong pag-aawayan.
Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi
At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.

Siguro nga, pero huli na ang lahat eh
Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa.
Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat,
Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko,
Kasi pagod na ako...
Pagod na pagod na ako.
Jun Lit May 2018
Ang kape ay buhay

ipinantawid-gutom

kasabay, kaunabay

ng unang subo ng kanin,

sa murà kong isipan -

nilililok ng maalagang haplos

ng katam ng mga pangaral

at talim ng pait ng nakadaupang

mga dospordos ng karanasan,

bawat lagok ay nagbigay

ng iba ibang kulay,

ng alay



Alak ng paglimot ay tinagay

ng kapitbahay

na maingay

sigaw ng inipong luha’y

kakambal,

ngunit ang kape
 -
sa Pilipino'y sawsawan
ng tinapay na inaasam:
paimpit ang napilayang pag-usal

sa binging patron ng pandesal

taimtim ang piping dasal
:
“bigyan mo po kami
ng aming kanin

miski walang ulam

basta may kape
,
pero mas maigi na rin po

pag may bulanglang”

"salamat po sa kape
ngay'ong kami'y buhay
at sa burol
kung kami'y mamatay
na kalul'wa'y pasal,
tirik ang namumuting mata
Inaykupu Nanay!!!"
Part of my childhood memories in my old barrio (village) in Marauoy, Lipa City, Batangas, Philippines

— The End —