Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
KLi Sep 2015
Kayraming lubak, alon ay malakas
Tatagaan ang loob, sa daa'y maraming ahas
Maraming kasama ngnit ikaw ay mag-isa
Pagtaas ng tubig sa sapa, sa'yo ay walang kakarga

Natural lang ang umiyak at magpapadayak
Pag-abot sa tuktok ay hindi basta at payak
Minsan pa nga sa'yo ay maraming tatapak
Pero ang payo ko sa'yo, sumayaw at pumalakpak

Hindi ka baliw sa iyong gagawin
Ipakita ang galing at taas ng mithiin
Daan naman talaga minsa'y mahirap tahiin
Ngunit kapag umayaw, ika'y palpak na tatawagin

Matapos ang hirap, asahan mo ang sarap
Damhin ang lasap ng natupad na pangarap
Bawat pawis at dugo, kapalit ay karanasan at kamalayan
Na sa iyo ngayon ay magsisilbing kayamanan
Eternal Envy Jul 2016
Ngayon ko nalang ulit naramdaman yung sakit
Ngayon ko nalang ulit naranasan na umiyak
Ngayon ko nalang ulit nagawa na umasa

Ngayon nalang ulit ako nag mahal ng ganito
Ngayon nalang ulit ako nag mahal ng ganito katindi
Ngayon ko nalang ulit to naramdaman

Ngayon nalang ulit ako nagpaka tanga
Ngayon nalang ulit ako nagpaka lasing
Ngayon nalang ulit ako nagpaka baliw

Ngayon nalang ulit ako sumayaw sa kanta ng pag-ibig na walang himig
Ngayon nalang nalang ulit ako nalunod sa dagat ng pag ibig na wala namang tubig
Ngayon nalang ulit ako napa hinto sa pagtakbo habang umaandar ang oras

Ngayon nalang ulit ako umasa na merong tayo
Ngayon nalang ulit ako nasaktan ng ganito
Ngayon nalang ulit....

1:23 am
07/24/16
Sunday
No need for extra notes.
Marcilyne Mar 2016
Hindi ka isang pagbibiro dala ng aking ibang katauhan
Sapagkat simula't sapul pa man,
batid kong mararamdaman ko ang ganitong halimuyak.
Nalaman kong awitin ang pinakamalungkot na sonata,
Sumayaw ako sa walang saliw at indayog na musika nang parang baliw sa kalsada.
Higit sa lahat,
nag-agahan,
nananghalian,
nagmeryenda
at naghapunan ako ng luha,
kalungkutan,
pagdadalamhati at pagsisisi.
Ikaw ang dahilan nito,
dahil sa pag-ibig na napagtanto ng hungkag na isipan.

Noong mga panahon,
wala akong pakialam kung bitayin man ako ng sarili kong kahinaan at panglilimos.
Ilang pagkakataon ba ng pagnanakaw ng kasiyahan ang ipinagkasala makasama ka lang?
Hinayaan ko ang sarili na tumalon,
mahulog,
at lumagapak mula sa mataas  na bangin gayong batid kong di mo rin naman ako kayang saluin.
Kasalanan bang magmahal? O, sadyang totoong nagmahal lamang ako tulad mo ring nagmamahal sa kanya?
Jeremiah Ramos Aug 2016
Ang posporo ay isang entabladong ginawa para masira,
Para magbigay ng panandaliang liwanag,
Para sayawan at indakan ng apoy,
At sa huli,
Lilisanin din ito,
Iiwan ang sunog at durog na entabladong isang beses niya lang sinayawan.

Tayo ay dalawang taong ginawa at itinakda ng tadhana para maintindihan natin ang pag-ibig,
Ginawa tayo para masira at maging buo muli,
Para sumayaw at umindak sa bawat kantang maririnig natin sa radyo,
Pinilas at tinapon natin ang huling yugto sa storya natin.
At lahat ng 'to,
ay isang posporong nasindihan na at nadurog,
nagngangalang sana

Eto ang posporong nagngangalang tayo
Sinindihan ito ng tadhana,
Nagliyab tayong dalawa sa kabila ng gabing malamig
Hindi nawala ang indayog ng apoy na pilit hinihipan ng hangin,
Patuloy na nagliliyab, kinakain ang kabuoan ng posporo
Hanggang sa nawala,
Hanggang sa napagtanto ko na ako pala ang posporong sinayawan mo.

Ako ang posporong hangarin ang masayawan ng apoy **** mapangsindak,
At ayaw maubos ng iyong liyab,
Ako ang entabladong pwede **** sayawan nang walang hanggan,
Sana'y hindi ka umalis nang natapos pa lamang ang isang kanta,
Ngunit
Nawala ka
Umalis,
Iniwan ang sunog at durog kong entablado

Ikaw ang apoy na pumuno at umubos sa akin,
Ako ang posporong nagsisilbing patunay ng ating munting sandali
Pinilit kong hanapin muli ang alab mo,
Ngunit napagtanto
Aanhin mo pa ang nasindihan na posporo?

Hanggang ngayon,
Hindi ko pa rin mawari na sa buong akala ko
Sabay nating pinilas ang huling yugto ng storyang sinulat natin,
Ngunit pagkatapos ng lahat,
Tinago mo pala 'to at idinikit muli sa kwento nating dalawa.
"Gusto ko sanang sumayaw pero ayaw ko.

Magulo. Masakit sa ulo.

Gusto kitang yayain pero ayaw ko.

Magulo. Masakit pa din sa ulo.

Gusto ko nang tumayo at lapitan ka pero ayaw ko.

Magulo. Sobrang sakit na sa ulo.

Gusto ka sanang isayaw ng puso ko pero ayaw ng utak ko.

Tangina.

Dalawang salita lang naman ang gusto kong sabihin pero hindi ko magawa.

Mahirap diba?

Sana sa susunod nating pagkikita masabi at magawa ko na. Pero...

Nakakatakot diba?

Kasi hindi ko alam kung anong bibigkasing ng bibig mo, matutuwa ba o malulungkot.

Pero ang sabi nga nila walang mawawala kung hindi susubukan. Pero masakit.

Hindi ba? Masakit.

Tangina dalawang salita lang talaga.
Sa muli nating pagkikita sasabihin ko na talaga.

Sana.

Oo na. Eto na. Sandali. Teka. Sasabihin ko na nga. Oo, GUSTO KITA. "
Haha eee kayo na bahala humusga.....  #lihim #paghanga #pagibig #sana #sayang #pagkakataon
Uanne Feb 2019
Takot ako sa katahimikan
na dati nama'y kayang sabayan.
Tara samahan akong kumanta at sumayaw,
sundan natin bawat alingawngaw.

Takot akong maiwan
na dati nama'y sanay na may lumilisan.
Tara samahan ako at hawakan aking kamay,
ako'y tanganan at sa aki'y umakbay.
02.11.19 8:11pm
JOJO C PINCA Nov 2017
kanina habang
hinihigop ko
ang kapeng mainit
at hinihithit
ang mapait
na sigarilyo
habang nakaupo
sa may beranda
ng aming opisina
napanood ko
kung paano
sumayaw
ang mga kawayan
sa saliw ng malamig
na hangan
humahapay ito at
humahalik sa beranda at
nangingiliti ang luntiang
mga dahon
dito humahapon
ang mga ibon
at dito rin gumagapang
ang dagang sugapa
sa basura at tira-tirang ulam
habang nag-aabang
ang itim na pusa
na saksakan ng tahimik
sa sayaw ng kawayan
sa awit ng hangin
sa huni ng mga ibon
sa labis na pagkadiri
sa dagang nuknukan ng dugyot
at sa tulong ng kape at sigarilyo
pinalilipas ko ang
nakakainis na pagkabagot.
M Feb 2018
Palamuti ng pasko
Pawang mga puso
Sumayaw sa alapaap
Sabay sa pag kurap
Pag-ibig sa tabi
Hawak na sandali
Huwag mawaglit
Handog na ligaya
Sa'kin ay ipaubaya✒
Sa unang pagkakataon, ako'y nakapag sulat ng munting tula sa wikang filipino. Ashira grevinda mama ajaarum!
Ang ibon na lumilipad ng mataas
Sumasabay sa ihip ng hangin
Tumatabi sa dalampasigan
Umaawit ng sariling awitin
Ipinupundar ang mga hampas ng tubig na hindi kumukupas

Minsan nang sumayaw ang ibon
Sa tabi ng dalampasigan
Natukso ng init ng hangin
At lamig ng karagatan

Sa isang sayad ng kanyang balahibo
Hinatak ng aplaya ang bisig ng mumunti
Nagsisigaw hanggang sa mawalan ng kibo
Nangamba na hindi na makakalipad muli

Ang buhay ng ibon
Tila isang kuwit
Tumigil at nanahimik
Naghihintay ng kasunod

Ngunit ang kuwit ay magpapatuloy parin
Hindi tulad ng tuldok na katapusan ang hantungan
Sa gitna ng pagbagsak at kalungkutan
Tayo, katulad ng ibon, ay makalilipad muli
Pusang Tahimik Feb 2019
Nang isilang ka'y kasama mo na ako
Kita ko ang tuwa sa mga magulang mo
Lahat ng kilos mo tinutularan ko
At kahit nasaan ka ay naroroon ako

Panahon ang nagturo sayo na mamulat
At sa unang pagkikita tiyak ang iyong gulat
Sa ilalim ng buwan sa gabing pagkagat
Naghahabulan tayo sa gitna ng gubat

May isang gabi lahat ng ilaw ay nakapatay
Ikaw'y nakipaglaro sakin ng walang humpay
Mga anyo ng hayop na likha ng iyong kamay
Sa harap ng kandila na sindi ng iyong inay

Sa gitna ng dilim ay di ka nag-iisa
Bagamat madilim hindi mo makikita
Halika sa liwanag at aking ipapakita
Ang aking anyo na dati mo nang nakita

Kahit saan ka magpunta ako ang buntot mo
Hindi mo lang pansin ako'y karugtong mo
Sumayaw ka at tutularan ko
Ngunit huwag sa dilim upang makita mo

Magbalik tanaw sa iyong ala-ala
Tuklasin ang aking talinhaga
Paalam tapos na akong magpakilala
Narito lamang ako lagi, aking paalala

JGA
Alam ko sa sarili ko.
Sobrang taba ko.
Ayoko na malaki ang hinaharap ko,
Kasi nahihirapan na ako.
Gusto kong tumakbo at sumayaw kaso mahirap kasi ang laki ng hinaharap ko.
Hindi sa proud ako pero tanggap ko na.
Masarap kasi magluto ang buong pamilya ko.
Pero atleast balang araw papayat din ako.
Gaganda din ako.
Di tulad ng maliit ang height.
Pagdumating na ang panahon na pumayat ako.
Who you ka saken.
Bagong buhay na charott
Leslie Jade May 2021
Gusto kong gumawa ng kanta
pero hindi ko alam paano sisimulan

Gusto kong magsulat ng tula
pero hindi ko alam ang tamang salita para magsimula

Gusto kong kumanta
pero hindi ko kayang abutin ang mga gusto kong awitin

Gusto kong sumayaw
pero wala akong lakas para humataw

Gusto kong gumuhit at magpinta
ngunit hindi ako kasing galing ng iba

Ang dami kong gustong gawin at aralin
ngunit hindi ko magawa
dahil ang daming kulang sa akin

Ni hindi ko alam kung may iaangat pa ba ang talento ko
Baka hanggang dito nalang kasi talaga ang kakayahan ko
Baka nga naniwala lang ako sa ilusyon na magaling ako

Kasi ang totoo ay hindi ako mahusay
Hindi ako matalino

Sakto lang ako.
Hindi sa ayokong maging masaya
Hindi sa ayokong makaahon sa lusak
na iba ang nagdala
Guni guni, pilit pinaniniwala ang sarili
yan ang akala nila.

May mabuti kang pamilya,
ilang daang tropa
magandang suporta

Sabi ng lipunan,
madali lang sumaya,
gumalaw ka, sumayaw ka,
sumulat ka ng kanta.

Hindi nila wari lahat yan ay akin ng ginawa

Depresyon ay hindi kathang isip.
Minsan parang langgam kukurot sa iyong isipan,
madalas sya ay halimaw, lalamunin ka sa madilim **** mga araw.

paano paano yan ang tanong nila.
mukha ka namang masaya, halakhak ang dala sa tuwing kasama ka nila.

ngunit di nila alam,
sa likod ng mga biro,
ay lungkot ang pinagmulan
sa likod ng mga tawa,
ay mga sigaw "ang sakit sakit na!"
sa likod ng mga talon at palakpak  
ay mga iyak na di maikubli ng aking kasaralinlan
kung pwede lang
kung maari lang
araw araw hiling ko lang ay
makaahon sa kalungkutan

kung tatanungin ako ulit,
wala kong kasagutan.
Hindi sa ayoko ng kasagutan,
hindi sa ayoko lunasan.

Hindi ko lang talaga maahon ang sarili sa bangungot na patuloy sumisira ng aking laban.
Wag nio ko husgahan,
sinubukan ko,
binigay ko ang kaya ko
pero kapag nakikita ko na ang panalo
bigla na lang ulit  itong lalayo

ngaunit hanggang andito ako,
hanggat nakikipaglaban ako alam ko
sa sarili ko may pag asa pa ako.
at ikaw rin!
alam kong malalim ang pinanggalingan
alam kong ilang beses mo ding sinubukan
alam kong palagay mo kamatayan na lang ang huling alas mo
MALI
Hindi ito ang magpapatumba sayo.
Hindi ang halimaw na ito ang tatapos ng laban mo.
Sa bawat pagdapa, sa bawat gasgas
sa bawat pagsubok ng isa pa
lahat yun napagtagumpayan mo na.
kung hanggang kelan hindi ko alam
ang mahalaga sa bawat araw na binibgyan ka ng pag asa
andun ka buhay ka lumalaban ka.
Walang tiyak ang bukas
pero wag lang mag alala
HINDI KA NAG IISA
Ikaw ang mga pyesa,
Na syang kakabisaduhin ko sa bawat pag tipa
Para kang ang mga nota
Na kailangang tamaan sa bawat pagkanta
O kaya naman ako'y si tiempo
At ikaw nama'y si daynamiko
Pero minsan gusto ko na lang maging gitara
Pagkat kitang kita ang saya sa iyong mukha sa tuwing ito'y iyong Dala-dala
Yung tipong ang bilis kong nahulog sayo
Ngunit ika'y hindi pa pala handang sumalo kay TIEMPO
Dahil gusto **** ika'y nasa tono at ritmo Naalala kong ikaw nga pala si DAYNAMIKO
Talaga nga namang napaka husay mo sa kahit na ano
Nakakaya **** tumugtog ng gitara, Sumayaw sa harap ng madla,
May runong ka rin naman sa pagkanta,
At heto pa, isa ka ring modelo sa eskuwela
Ako'y lubos **** napapahanga
Wala na akong masasabi pa
Siguro naman alam mo na kung sino ka

— The End —