Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
ZT Jun 2015
Puso may nasugatan, maghihilom din ito
Sugat na dala ng pait ng paghihiwalay, ibaon mo na sa limot
Ba't di nalang isipin mga maliligayang alaalang iniwan
Ng taong minsan **** minahal

Mahirap mang bumangon, kakayanin pa rin
Dahil sa bawat unos na pinagdaanan
Kalinawan ng damdamin ang nakaabang
Na siyang magbibigay lakas sa iyong muling pagbangon

Mabigat man ang mga paa, kaya pa ring igalaw
Kung may determinasyon, kaya mo rin umusad
Ito'y mahirap pero 'di imposible
Magpursige ka lang, makakaraos ka rin

Kapag ikaw ay nakabangon na,
Umusad mula sa kinatatayuan,
Pagkatapos ng mga luhang lumunod sa'yong mga mata
Bagong mundo ang iyong matatanaw.

Mas maliwanag, mas kaakit-akit, maganda
At mas nararapat sa iyo.
Nasaktan ka man, 'di titigil ang mundo upang ika'y hintayin
Kaya tahan na, dahil ang buhay ay patuloy pa rin.
kung nasaktan ka, umiyak ka... pero wag **** hayaan na hilahinka nito pababa.. Bumangon ka at matuto kang mag-move on.. dahil hindi ka hihintayin ng mundo..
jerely Jan 2016
Guni-guning nababalot ng hiwaga
sa aking utak ito'y pumipigil, gumugulo,
di maipaliwanag ang mga
nakaukit na ala-alang
Nang minsa'y ikaw ay inibig sa tuwing natatanaw ang langit na kay
tamis pa sa mga chokolateng
paborito ****
kainin tuwing ika'y nalulungkot.
Sa mga araw na nagdaan.
Sa maghapong nakaabang pa
sa pag-iintayan sa jeep
Oo parati namang naghihintay
ang puso ko sa'yo.
Di ba?

Sa traffic na nanamanhid na ang paa sa kakaabang kung kailan o saan ito patutungo
Kung may patutunguhan
pa ba na maging tayo?
O Isa na lamang ba itong
guni-guni sa aking isip.
Alam kong paasa ako. Oo paasa ako.
Asang-asa ako sa'yo na parang tanga.
Oo inaamin ko Tanga ako!
tanga ako!
tanga na kung tanga.
Pasan ko na naman lahat.
Di ba?

Nagdurugong,
Tagos. Tagos na tagos pa sa aking pusong biniyak ng mga samu't saring bakit na lang hindi naging tayo?
O mas madali pa bang patayin na lang
ang mga pusong minsa'y nasugatan na
sa hindi makatulog na gabi.
Sa mga namamagang mata sa kaiiyak
Sa kakaisip kung mahal mo ako o
kung minahal mo ba talaga ako?
O may iba na bang
nagmamay-ari ng iyong puso?

Guni-guni, ako'y litong-lito
dahil parati ****
ginugulo ang araw-araw ko
Halos mabaliw na nga ako
sa kakaisip sa'yo eh
Hindi nga ba't heto ako,
baliw na baliw sa'yo.
Di ba?
Na baka sakaling mag milagro
ang kapalaran
Na baka balang araw
baka balang araw ay
kaya mo rin akong mahalin
gaya ng pagmamahal ko
sa'yo higit pa sa buhay ko.
Higit pa sa mga luhang ibinigay ko
Higit pa sa mga salitang binitawan ko ngayon.

Oo guni-guni
parati ka namang nandyan di ba?
bumabalik. Lahat na lang. Paulit-ulit.


Oo guni-guni ang hirap hirap **** matanggal
Sawang-sawa na ako sa'yo.
Pero ang tanong.
Hindi ka ba napapagod?
sana'y tirhan mo rin ako kahit konti.
Ayoko na,
tama na.
this is actually a spoken-word poem
I was inspired by this Spoken-word artist name: Juan Miguel Severo!!!
hanep lang ang mga works niya!!! tagos sa puso! chos! :)

(p.s. if i have my spare time i'll try to translate this in English but for me its so good in tagalog/tula)

jerelii
12.21.15
Copyright
O, ang daang aking tinahak ay unti-unting kumikitid,
Ang daluyan ng hangin sa paghinga ay sumisikip.
Ang paningin ay nahati sa dalawang lagusan,
Isang madilim na madali, isang mahirap na naliliwanagan.
Ano ang pipiliin? Ano ang susundin?
Ang bulong ng isip? O ang tibok ng damdamin?
  
Ang landas na inakalang magdadala sa tagumpay,
Lulan ng isang bangkang inaalon sa karimlan.
Tinahak ang karagatan ng apoy na nagliliyab,
Nagsaya, nagpakasasa, nagsilbing ulap sa kawalan.
Ang daang binalewala ay bumubulong ng salita,
"Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Pilit na sumisiksik sa masikip na lagayan,
Ang katotohanang wala kang paroroonan.
  
Ikaw na ninais ang siyang iginapos,
Ng aking katauhan sa pusong naghihikahos.
Sa pagdama ng kasiyahang ikaw lamang ang magbibigay,
Aking tinalikuran pag-asang hinihintay.
Ang lahat ay tinalikuran, itinapon sa kawalan,
Upang makapiling ka sa matatamasang kaligayahan.
Subalit matapos ang gabi ng panaginip,
Ako ay nagising ang kasuota'y lagunit.
Ang lalamunan ay wasak, ang mata ay mapula,
Sa aking paglabas, kinatatakutan nila.  
  
Sa aking paglalakad sa mundong umiikot,
Mga mata'y nagsasabi na ako ay nakalimot.
Nang mapadpad ako sa kuwadradong silid,
Ay nanlaki, nagulat, sa sarili nakatitig.
"Sino ka?" "Sino siya?"Aking pagsusumigaw,
Nilisan ng katinuan, ang kaluluwa'y inagaw.
Nagpatiluhod at doon ay nagnilay,
Ako'y patay na, sinayang ang aking buhay.
  
Isang katauhan ang nababalot sa liwanag,
Nagsasabing " Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Ang nakaabang ang kamay ako ay hinihintay,
Bago pa man mahawakan ay isang dilim ang bumalot,
Sa likod ng aking isipan, sa harap ko ay may inabot.
Supot na naglalaman ng buhanging Kristal,
Kristal na nagpapasaya at wawasak ng ligaya.
  
Kukunin ba kita at titikmang muli?
Itatapon ba kita at sa liwanag kakapit?
Ano ang gagawin ng isipang sabog,
Sa sayang dulot sa pagkain ng durog?
Sa dami ng mga trabahong tumambak dahil hindi mo pa nagagawa
Mga papeles na nagpatung-patong na
Yung lamesa **** inaagiw na dahil hindi mo alam kung saan at paano magsisimula.
At mga istoryang di mo pa maisulat dahil nangangapa ka pa.
Isama mo na rin yung katrabaho **** nakakairita na sa tenga.
Dahil crush niya daw si Justin Bieber
At paborito niyang frappe sa Starbucks ay Caramel.
Kahit mukhang ang afford niya lang ay Nescafe “Oo nga pala, French Vanilla” na iniinom ni Toni Gonzaga.
Pero wala siyang pambili ng sarili niyang tumbler.

Tangina.

Idagdag mo pa ang mga patay na oras na sunod-sunod ang mga buntong-hininga
Nahuli ka pa ng boss mo na nakatulala
Kaya hayan at napagalitan ka pa.
At dahil contractual ka, yung limang buwan na kontrata mo
Biruin mo, baka mapaaga pa ang endo.

Aminin mo na ang pagpatak ng alas-singko
Ay may kakaibang dalang saya.
Na parang sumagot na ng “oo” yung matagal mo nang nililigawan.
Nakulayan na rin yung mga pinlano niyong outing na buong akala niyo’y hanggang drawing na lang.
Parang pagbabalik sa Pilipinas ng kasintahan **** kumayod sa ibang bansa.
Parang ibinalita sa TV na hindi traffic ngayon sa EDSA.
Himala!
Kaya ang pagsapit ng alas-singko ay kakambal ng paglaya.


Wala sa’yo kung sa bus man ay tayuan
O kaya sa dyip ay makasabit man lang.
Basta makauwi ka lang.

Nakakasabik pa rin ang ideya
Na ang bawat pag-uwi
Ay kasing banayad ng mayroong sasalubong sa’yong ngiti
Mga ngiting papawi sa kangalayan ng mga binti.

Mayroong yakap na nakaabang
Ang mga bisig na nagmistulang pinakapaborito **** kulungan
Dahil doon mo nararamdaman ang tunay na kalayaan.
Mula sa pang-aalipin sa’yo ng lipunan.

Nakahain na rin ang hapunan.
“Mahal, ano ba ang ulam?”
Sabayan natin ito ng mahabang kwentuhan.
Simulan natin sa simpleng kamustahan.
Dahil pagkatapos, ay aabangan mo na naman ang alas-singko kinabukasan.
110315

May iilang mag-aalok sa kanya
Sa isang tila uhaw sa pag-ibig o pagkalinga.
May iilang pipila't iigib,
Pero pagod na siya sa pagbibigay,
Kaya't puros kalawang na lamang ang taglay.
Pero may iilan din namang magtitiyaga't magpapagod,
Bumalik lang sa dati ang bukal na may pag-ibig.

Pag sa hapag-kaina'y nakatambay lang siya,
Nakaabang sa hihingi't pamatid uhaw lang daw.
Pero ba't siya nananatili sa isang katauhan?
At siya mismo ang daan
Para umagos ang buhay mula sa lalamunan.

Siya'y luha ng kalangitan,
Hindi bunga ng galit o anumang pangit na nakaraan.
Natural lang na bumagsak siya,
At kahit na napakasakit nang pagkakalumpo'y
Hahalik pa rin siya sa lupa nang may pagpapakumbaba.

Wari niya'y kaylalim at kaylawak ng kanyang sinasakupan
Pagkat tila lahat ay kanyang pag-aari.
Bagkus, siya'y dinaraanan lamang ng mga sasakyan.
Binubugahan ng kung anu-anong kemikal
At ihahalo sa kanyang malabirheng katauhan.
Kahit siya'y Ina para sa napakaraming mga buhay,
Tagapangalaga ng kanyang sakop.

Minsa'y tatapunan ng dumi,
Tatabuyin niya ito bagkus di niya kaya.
Pagkat yayakain niya ang iilan,
Aakayin at magiging palutang-lutang
Hanggang sa maging saksi ang kalangitan.
Ang iba nama'y papatawarin niya't
Itutungo na lang sa kanyang kalaliman,
Hanggang sa hindi sila makalisan at doon ang kamatayan.

Pag siya'y nagbiro, doon lamang siya papansinin.
Kailangan pala siya, pero sinasayang ang tagas paminsan.
Sinasadya siyang limutin at kaligtain,
Pagkat lagi naman siyang nariyan
Kaya'g ayos lang sa ibang siya'y abusuhin.

Napapagod, nauubos, naninigas, natutunaw,
Paulit-ulit, pababalik-balik kanyang buhay.
Pero pag-ibig niya'y kumot para sa sarili.
Sa wakas tayo magsisimula
Sa wakas na ito
doon malalaman ang ating kapalaran
Ang kapalaran ng istorya nating dalawa
Kung tayong dalawa nga ba ang para sa isa't isa
O hanggang kathang isip na lamang tayo
Kahit tayo ay nag wakas
Hindi ibig sabihin na tapos na ang kuwento
Paalala, nagsisimula pa lang ang kuwento
Magsisimula pa lang ang mga nakaabang na pagsubok
Mga pagsubok na pwedeng magpapalapit
O magpapalayo sa atin
Hindi ako umaasa
Ngunit ako ay nangangarap
Na sana sa isang araw
Pagkabukas ng aking mga mata
Ikaw ang aking unang makikita
At liliwanag sa araw ko
Sarrah Vilar Sep 2016
Naaalala mo ba nung una niyang ipinakita sa'yo 'yung lugar mo sa buhay niya?
'Yung sandaling 'yon na itiniwarik niya daw ang mundo
Para hayaan na kayo lang ang nakatayo. Magkasama.
Nakita ko 'yung saya na suot ng 'yong mukha.
Nakita ko kung paano kumislap 'yung mga mata **** walang alam na daan
Kundi 'yung direksyon kung nasa'n siya.
Nakita ko kung paano mo winasak 'yung pader d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano ka muling nagtiwala.

At nakita ko 'yung pagsikip ng lugar
Na sinabi niyang ikaw lang 'yung may-ari.
Nakita ko 'yung muli **** pagtatayo ng harang d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano mo kinwestyon 'yung halaga mo.
Kahit na bago mo siya makilala ay sinabi mo sa sarili mo
Na hindi ka tahanan para sa mga taong naghahanap lang ng saglit na masisilungan.

Isang gabi,
Naramdaman ng hangin 'yung lungkot mo.
Agad siyang bumalot sa'yo.
Naglaglagan ang mga dahon
Kasabay ng pag-agos ng luha mo.
Ngunit wala ka pa ring kibo.

Pakiusap,
Patingin ulit ako ng dating ikaw—
Dating ikaw na isang bagong lenggwahe;
Hindi lang sinasaulo; dapat iniintindi.
Subukan mo ulit itapon sa dagat 'yung bagyong iniwan niya.
'Wag mo hayaang hampasin ka na naman ng alon ng mga alaala niyong dalawa.
Pakinggan mo ulit 'yung katahimikang nakalimutan mo na 'yung nota.
Iabot mo ulit sa mundo 'yung mga ngiti sa labi mo.
Iparinig mo ulit dito 'yung pagtibok ng puso **** hindi para sa kanya
Kundi para sayo.
At 'wag mo sanang isipin na kailangan mo ng taong bubuo sa mga pangakong winasak niya.
Hindi naman kasi sa bawat pagbitaw ay may taong nakaabang para sumalo.
Lumagapak ka.
At itayo mo 'yung sarili mo.
Kumawala ka na sa posas ng pangalan niya.
Hindi mo kailangang banggitin 'yung pangalang pinapabanggit niya na din sa iba.

Higit sa lahat, tandaan mo:
Nakapaglakad ka nang wala siya
Magagawa mo ring tumakbo nang hindi siya kasama.
(a spoken word piece)
1 Ang saranggola ng diwata
Parang ibon sa mga mata

2 Animo’y walang pisi
Malayang lumipad ganiri

3 Katawan ay talulot
Pakpak ay buntot

4 Subalit sa malayong paningin
Ay parang ibon parin

5 Paika-ika kung tumawid
Sa mga ulap ng himpapawid

6 Maya-maya’y tagibang
Sa pagsulong nakaabang

7 Sa kisap-mata’y sasalibad
Gayunpama’y sa lupa’y antad.

-07/07/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 156
Taltoy May 2017
Ang digmaang ito,
Bakit nga ba sinuong ko?
Bakit pa ba ako pumasok?
Bakit ako lumahok?

Alam kong di tiyak,
Alam kong maaari akong umiyak,
Alam kong hindi magiging madali,
Alam ko kung ano ang mga maaari.

Walang kalasag ni sandata,
Wala akong ibang dala,
Kundi sarili at sarili ko lamang,
Sariling haharap sa mga pagsubok na nakaabang.

Kahit ano man, haharapin,
Kahit anong sakit, tatanggapin,
Haharapin ng walang takot,
Sisikaping lampasan kahit sa mundo ko pa'y bumalot.

Kaya aking pinaghandaan,
Bago pa sumulong sa labanan,
Dahil isa lamang sa dalawa ang maaari kong makamtan,
Ang husga: tagumpay o kabiguan.
Dahil yan ang katotohanang dapat tanggapin sa kahit anong laban, kahit sa pag-ibig man.
Denise Sinahon Sep 2020
Mga bagay na gustong gawin
Mabibigyan oras upang tuparin
Ngunit wag muna itong unahin
Dahil alam **** marami ka pang gawain
Nakaabang mga takdang aralin
Naghihintay na gawin
Ikaw man ay malaya
Dapat alam mo pa rin ang kahalagahan ng iba
Iba tulad ng iyong pag aaral na nangangailangn ng pagpapahalaga
Sa pag gawa ng mga bagay na iyong ikasasaya
Wag kalimutan ang nararamdaman ng iba
Baka ikaw ay may nasasaktan na
Mas magiging masaya ka
Kung alam **** wala kang nasasaktang iba
Ang pagiging malaya
Sa paggawa ng mga bagay na iyong ikatutuwa
Ay nakapag papa aliawalas sa iyong mukha
Dahil ito ang dahilan kung bat ang ngiti mo ay masisilayan sa iyong mukha
At sa iyong mata makikita ang kinang na dulot ng kalayaang natatamasa
Pero wag kakalimutan ang pagkakaiba  Ng pagpili sa mali at tama
Ikaw man ay naturingang malaya
Dapat alam mo pa rin ang makabubuti at makasasama
Bigyan ng limitation ang sarili, tama naman dba?
Dahil baka sa sobrang saya na iyong madarama
Ikaw ay maging pabaya
Buhay moy malagay sa isang sitwasyon na ndi kaaya aya
At pagsisisi lamang ang makikita sa mukha
Freedom
markteestry Jun 2018
Time check
Anung oras na ba?
Pakshet. Nakaupo ka nanaman ba?
O nakahiga na saiyong kama
Nakatitig sa kwadradong gawa ng teknolohiya
Nakaabang, Naghihintay sa pag sapit ng umaga
Sa panibagong simula
Panibagong bukas na ibibigay ni bathala.
Pusang Tahimik May 2021
Teka ako yata ay nagkamali
Sa pag bilang ng bawat sandali
Ang pangako nga ba ay nawaksi
Sa salitang hindi ako nagmamadali?

Magandang rosas kahit matinik
Ang makita ka'y nakasasabik
Matinik man ay di iimik
Ang pusong lagi lang tahimik

Oo na, pagod na akong maghanap
Sa ibabaw ng lupa o alapaap
Na makakasama ko sa pangarap
Pwede ba'ng ikaw na lang ang pangarap?

Pero tila yata nahihibang
Kung mali nga'y nabubuang
Ngunit diwa'y gising na nakaabang
Kikitilin ang pusong nalilibang!

Untitled.
JGA
Ako ngayo'y nakatayo, naghihintay,
hindi mapakali, buong puso'y nakaantabay.
Sa pagbukas ng dalawang pinto sa dulo, sa hangganan,
lahat ng tao, nakaabang, tayong dalawa'y magkahagkan.

At sa wakas heto na nga,
sa umaalon **** belo ako'y napahanga.
Aking mga mata, patak ng luha'y di mapigilan,
ngiti at galak ko'y walang mapaglagyan.

Sa harap ng diyos, mahal, ako'y nangangako,
parehong saya at hirap, tayong dalawa ang aako.
Ikaw lamang at wala nang iba,
Hanggang ang apoy ng buhay ay hindi na maglinga.
Inspired by an Instagram post
Ikaw ba’yganado na ako’y makita?
Bawat kilos ko ba’y parating nakaabang ka?
Interesadong-interesado sa susunod kong ipapakita?
Kung gayon, ako’y sinubaybayan mo na parang pelikula!

Ikaw ba’y nababahala na ako’y magsalita?
Bawat galaw ko ba’y nag-aalinlangan ka?
Sa aking pagpapaliwanag, sarado ba ang mga tainga?
Kung gayon, ako’y minamanmanan mo pala!

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 110

— The End —