Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Euphoria Jan 2017
Hindi ikaw ang aking mundo.
Ikaw ay parte lamang ng aking kwento.

Hindi ikaw ang kalawakan.
Ikaw, tayo, kahit pagkakaibigan ay may hangganan.

Hindi ikaw ang buwan
Na nagbibigay liwanag sa aking karimlan

Hindi ako isang puno
Na aasa, mananatili, at maghihintay na mapansin mo.

Ang mga sugat na dulot ng ating mga sala
Ay hindi maghihilom basta- basta

...

Kaya ako na  ang hihinto, lalayo,
Ang magsasara ng pinto.
Ako na ang susunog ng tulay,
Ang puputol ng nag-uugnay.

Ako na ang bibitaw
Sa pagkakaibigang nasira ng pagmamahal na nag-uumapaw,
Ng bugso ng damdamin,
Ng tukso at mga tinagong saloobin.

Hindi naman maayos
Ang hindi sinusubukang i-ayos.

Kaya tama na nga siguro
Ito na ang dulo ng kayang tanggapin ng puso ko.

Paalam na sa mga tanong na kailanma'y hindi na masasagot,
Sa puso kong puno ng takot
Sa paglisan at pagbitaw
Hanggang sa ikaw na mismo ang umayaw.

Paalam na sa mga pangakong napako,
Sa mga katagang "walang magbabago",
Sa mga salitang binitawan
Ngunit hindi mo napanindigan.

Paalam na sa titulong "matalik na magkaibigan."

Paalam na sa lumabong pagkakaibigan,
Sa mga hinanakit at hindi pagkakaintindihan.

Paalam na sa sakit at pait
Na dala ng pag-ibig na hindi maaaring ipilit.

Paalam na sa labing-apat na taon.
Masasakit na alaala'y aking ibabaon.
Iiwan ka na sa nakaraan.
Papalayain ang sarili sa gapos ng nagdaan.

Sa pagiging estranghero nagsimula,
Estranghero rin akong lilisan.*
Ito na ang huli kong paalam.

-41-
This is the last poem I'll write for you for we will never have our goodbye. We were connected in a level unknown to us. We understood without words. Thanks for the memories.
CRESTINE CUERPO Aug 2017
Boom!  Pagsabog!
Na sa aking dibdib ay kumabog!
Ang isip at kaluluwa ko'y nabubulabog!
Ito nga ba'y himig ng kapayapaan o himig ng digmaan?

Isa akong musmos na batang---- naninirahan sa isang bayan,
Dito ako lumaki at nagkaroon ng pangalan,
Bayang Marawi ang lupang aking sinilangan,
Isang bayang tanyag sa kaunlaran,
Ngunit ngayo'y nagiging usap-usapan sa t.v, radyo at maging sa pahayagan.

Hindi ko malilimutan ang gabing nagdaan,
Gabi!--- ng ika-23 ng Mayo ang nagpinta sa aking pusong sugatan,
Isa ako sa mga nawalan ng magulang,
at saksi sa karahasan na walang katapusan,
Hudyat ng pagguho ng pag-asang aking pinanghahawakan.

at habang aking pinagmamasdan,
Isa-isang nabubulagta at dugu-an,
Ang aking mga kamag-anak at kaibigan,
at sila'y.....wala na----- wala ng malay at nakahandusay.

Wala akong magawa kundi ang tumakbo ng tumakbo,
kumarepas ako ng takbo.....ng isang napakabilis na takbo.... nanginginig sa takot...pagod na pagod...  humihingal....
Iyak ng iyak at nagsusumamo
at habang ako'y papalayo ng papalayo--------
Naisip ko:
      "Saan ako patutungo?"
       "Sa mga pangyayaring ito sino          
         ang namumuno?"
         Sila ba'y mga Muslim o
         Kristiyano?"
        Ngunit maging sino man sila----
        Sila'y hindi santo na may pusong
        bato,
        Dahil sila'y pumapatay ng kahit
        na sino,
        at ito'y hindi makatarungan at
        makatao.

       Ang sakit....Oo ang saklap...ang
       bayan na naghahatid ng
       kaunlaran,
       Ngayon ay nabubura at nag-iiwan
       ng isang malagim na ala-ala,
      Nagsisilbing aral sa tuwina at          
      nagpa-paalala,
      Na kinakailangan ng isang may      
      malinis na adhikain at tapat sa
       tungkulin ang namamahala.

    Ano nga ba ang hatid ng kaguluhang ito?
Kaginhawaan o Kahirapan?
Kabuhayan o Kamatayan?

Ang katotohanang ito'y--------
Isang malagim na karimlan!
Pagluha para sa aming mga kabataan,
Crestine Cuerpo
at pagmamaka-awa para sa darating naming kinabukasan,

Oo.....masakit ang mawalan,
Ngunit kailangan kong maging matapang,
Dahil ako'y isang Pilipinong handang lumaban,
Kaya't sigaw ko Pagbabago! Katarungan!

Sa mga kinauukulan:
   Nasaan? Nasaan? ang inyong pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan?
Kung sa isip at puso niyo'y  para lamang sa pera at kapangyarihan?


Kapatid... Kapuso.... Kabarkada....  at Kapamilya.......
Gumising ka ang lahat ay may-----hangganan.
JK Cabresos Nov 2011
Nakatindig sa harap ng mga nangagdaan;
Sa pagtunog ng batingaw, ikaw ang s'yang naaalala,
na ikaw sana'y magbalik.
Ako ngayo'y nakabinbin sa bangin ng kalungkutan:
Nasa'n ka na nga ba?
Sadyang 'di kita matanaw kahit man lang ay saglit.

Nalulunod ako sa mga luha
sa bawat oras ng pagkadapa,
Nakapako sa krus ng pag-iisa't pighati;
'Sang pinsala dulot ng pag-ibig
na nawaglit lang ng bigla
Nasa'n ka na nga ba?
Hinahanap-hanap kita sa bawat sandali.

Nakakulong sa rehas ng iyong pagmamahal,
At sa pagdating ng hating-gabi,
ginagapos ng lubid ng karimlan:
Walang mahagilap na dahilan
sa paglayo mo mula sa 'king piling,
Bukod-tanging kahapon na lamang
ang aking sinusubukang gunitain.

Subalit gulo ang s'yang aking batid,
pait ang s'yang aking lasap;
Ni walang kapayapaan,
ni bigkis man lang ng galak.
Tayo sana'y ikakasal na, ba't ka pa lumisan?
Nasa'n  ka na nga ba?

At kung hindi ka pa rin darating,
sa panahong mundo na'y magdidilim,
Maghihintay pa rin ako sa 'yo
hanggang mayro'n pang akay na takipsilim.
© 2011 (Revised)
poetman24 Oct 2017
Naulit na naman ang paalam
(poetman_24)

Ayaw ko mang sabihang hugot sa tulang ito
ngunit pagkatao ko'y laging ganito,
namutawi na naman ang paalam sa aking puso
bakit pag-ibig kayhirap **** matamo?

Muli na namang nagtitipon ang ulap sa taas
nagbabadya nang pagpatak na walang wakas,
wala akong magawa-gawa't hindi rin makatakas
napiit na naman ako sa lungkot nang ulit ulit na landas.

Bakit naman ganyan ang pagsubok
mga tinta'y naghihimutok,
ano ba ako sa pintig nang pagtibok
ako ba'y sawi sa bawat paglunok?

Hindi pala sapat ang likha kong tula
kaya lulukutin ko na lamang ang talata,
mauuwi na naman ang aking bigong diwa
sa 'di matatawarang luha.

Pag-aalay ko pala'y naiipon sa buhangin
nasasayang lamang ang taglay na damdamin,
nais kong isuko ang pagkatha sa hangin
sana masagot pa ang aking panalangin.

Makatang walang taglay na panulat
mga tinta'y mantsa sa'king balat,
nasasawi ako nang hindi ko alam
isa ba akong tampalasan?

Kung masasaktan ka sa aking piling
layuan mo na lamang ako giliw,
itanim mo na sa akin ang pasakit
tatanggapin ko kahit anong pait.

Isilid mo na lamang ang sandaling ala-ala
at alalahanin na ikaw ay may halaga,
kalimutan mo na lamang ako sinta
kung 'yan ang palagay **** tama.

Babalik na muna ako sa sa karimlan
itatago sa dilim ang katotohanan na ako ay luhaan,
ililibing ko na lamang sa diwang hagap
na ako ay sawi at talunang makatang hindi katanggap-tanggap.
solEmn oaSis May 2017
Intro (1st stanza)
Sa lahat ng kung sino o ano ka man,
at maging sa lahat ng di mo tunay na pagkakilanlan,
madalas nga ikaw ang sa puso ko'y nananahan,
Sa iyong balikat ako ay iyong pinapatahan,
Sa twing Ako'y nababalot nitong karimlan,
Liwanag ka sa aking nagugulohang isipan.
pagsinta mo sa aking nararamdaman,
ang siyang tangi kong tangan-tangan!

1st refrain
kapag nais kong lumuha
laging naririyan ka
Sa pighati at saya
laging naroon ka
karamay nga kita
Ano man ang aking dala
wala pa man akong problema
ako na ay iyong hila-hila
sa lugar kung saan pila-pila
ang mga nakahain na di basta-basta
pagkat ang sisidlan,laman ay sobra-sobra!

2nd stanza
hindi tulad sa liwasan na aking pinanggalingan
doon sa may gawing silanganan
na di raw kailan man lumulubog ang araw
ngunit wala naman akong liwanag na matanaw
Subalit ngayon
binago mo
aking kahapon
Sinama mo ako
Sa iyong patutunguhan
pinanatili sa 'yong kandungan
bagamat ang haring araw ay walang masikatan
at kay panglaw man nga dito sa kanluran

2nd refrain
Maliwanag kong Naaaninag
ang pinaka-marilag na sinag
na tila ba nagsasabing,,,
halika dito sa aking piling...
hawiin mo ang ulap na tabing,
at tutuparin ko ang 'yong hiling.

adlib
DAMDAMIN MO'Y 'WAG NANG IKUBLI,,
SA AWITIN KONG ITO 'WAG KANG MAG-ATUBILI,,
BASAHIN MO ANG AKING MGA LABI
TIYAK DARATAL SA IYO  MATATAMIS NA NGITI
SABAYAN MO AKO SA AKING HIMIG,
'DI BA'T ANG MUSIKA'Y ATING TINIG.
NA TILA BA DAYAMI DOON SA KAMALIG.
SA BAGYO'T SIGWA WALA ITONG LIGALIG!

3rd stanza
'pagkat alam Niya may isang Ako
na mangangalap ng Kanyang piraso
upang sa muli nga'y mabuo
ang taglay nitong komposo
hanggang sa ang naturang Ikaw ay mapagtanto
na hindi lang Sila kundi pati na rin Tayo
ang sa Kanila ay siyang dapat magpayo
"ano man ang galit Mo sa Mundo,,,
at sa Iyong buhay ay di Ka makontento
'wag na 'wag kang sa Pagsubok ay magtampo
Tandaang Ninyo na ... Nasa Puso ng Tao
masisilayan ang Ilaw na nagpapatingkad
Sa Daigdig Natin na animo'y di na sumisikad
na halos hikahos ang MARAMI sa pagtingkayad
mamataan lamang Nila ang tanglaw sa pagsayad"

repeat 1st refrain except last 5 lines

chorus one
ohh Sanlibo't Isang Awit
sayo ako'y kakapit
hawakan mo nga akong mahigpit
sa twing mensahe mo'y kinakawit
mga damdamin na hugot
sa aking pag-iisa ay sagot
napapawi mo nadaramang poot
tuwa man o isang lungkot
ang hatid na iyong dulot
mga liriko mo sa akin ay nanunuot
dagliang naiibsan itong pagkabagot

repeat adlib

chorus two
Lalo't kapag ang 'yong melodiya,
sa pusong umiibig ay kaiga-igaya,
umasa kang ang iyong ritmo ay lampas ilaya.
di man pakawalan matataas na nota... tono mo ay malaya!
At patuloy kitang pakikinggan
taimtim ko ngang susundan
mga letra mo sa Dalampasigan
kahit pa kahit na paulit-ulit mo akong talikdan,,
batid ko naman ang koro mo'y walang hanggan
tangayin ka man at mapadpad sa Laot ng tagdan
di maglalaon muli kang dadaong sa may Pantalan
para ikumpara ang luma sa bago **** kasarinlan

repeat 2nd refrain
do the bridge (3x)
repeat Intro
repeat chorus one and two
repeat bridge once again in a fading away voices

BRIDGE:
sabihin man nila na ako sayo'y baLiw
ligaya kong natatamasa, di na magmamaLiw
wala man akong instrumentong isinasaLiw
itong Sanlibo't Isang Awit,alay ko sa'yo giLiw

Inspired By Sally Bayan
my very first particular song in its parts
that comes from the bottom of my heart

© solEmn oaSis
Hymns of my Soul is now ....
the soul of a thousand and one song
that i promised to dedicate
before the uncontrollable twilight
just like by the time i am here
sometimes, conquering the darkness of night
thru the lit of candle that brightens
the whole day of our everyday presence!
Presence which we wanna end it up yet!
Yet we prepared always to get started once we must!
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
kingjay Feb 2019
Ito ba'y sa tingin ng miyopia na sandangkal ang layo, gusto na kabigin?
Pananaw na malabo, di malirip?

O himig na kaagaw-agaw pandinig
Musika sa katahimikang pandaigdig
na lumilikha ng espasyo sa katotohanang di ibig?

Paraan ng pagdarama sa mga bagay na umiiba?
Pagkaganyak sa karaniwang obra maestra?

Isang sulyap sa ningning ng maririkit na bituin
na mapangrahuyo sa mga mata?

Panggagaway sa sangkatauhan
na walang makapag-aalis
Payak subalit gumaganap nang paulit-ulit?

Ito ba'y tumatawid sa dakong paglubog tungo sa pagsikat ng araw
hilaga hanggang timog?

Gumagabay sa paglikha ng sining
ng mga pantas at pintor
na inspirasyon ang guhit?

Tumatalunton sa kinabukasan,
lumalakbay sa kawalan hanggan
tila mas matayog pa sa pag-asa?

Ito ba ang matamis na kabiguan
na ninais maranasan?
Ginawang bagay na di alam ang kahihinatnan?

O piling mga salita na nasnaw sa bibig,
bulong sa hangin ng makatang nagtitiis?

Kumukurap na liwanag sa karimlan
na kung pagmasdan parang mamatay datapwat di kailanman naglalaho?

Saglit na galak tulad ng mga nasa yaong pagdiriwang
mapagbunyi ngunit di mapagmataas?
elea Oct 2016
Takot ka?
Sabihin mo sakin Takot ka ba?

Hindi tayo isang pelikula na ginawa para mag paiyak ng batang madaling mapaniwala.
Hindi tayo pag susulit sa matematika na gustong iwasan ng lahat sa takot na bumagsak sila.

Oo takot ka.
Ako din naman.

Nanginginig ang kamay ko sa takot na baka kahit piling piling mga salita ang gamitin ko ay mali parin ang aking maisambit.

Hinagpis.
Hinanakit.
Kapit.
Kaya pa ba?
Sabihin mo sakin kaya pa ba?

Ipagpapatuloy pa ba nating ang pag tupad sa mga pangako.
Pagtupad sa lahat ng mga "Itaga mo sa bato..."
O, iiwan nalang natin itong nakabinbin sa dating tayo.

Tayo.
Meron pa bang tayo?

Nasaan na yung ikaw at ako.
Nasaan na ang mga salitang "Hinding hindi ako magsasawa sa iyo".
Napagod ka na bang punan ang mga pagkukulang ko?
Kailan ka kaya makokontento.

Takot nakong tumingin sa karimlan ng langit na baka may isang bulalakaw ang mapadaan at hilingin kong tayo nalang palagi.
Hindi naman maari.
Napapagod din ang damdamin.
Hindi na alam ng tadhana ang gagawin.

Pagod ka na ba?
Sabihin mo sa akin pagod kana ba?

Kasi ako Oo.

Ayokong katakutan ang bukas.
Ayokong manghinayang sa kahapon.
Ngunit Mahal pagod na ako.
Pagod na ang puso matakot.
Nahihirapan na ako huminga sa hindi mo pag pansin sa patuloy kong pagkapit.
Gusto ko ng matapos ang pag hikbi.
Ano pa ba ang silbi.
Ako nalang ang natitirang sundalo.
Wala kahit na anong baril na dala.
Sugatan na tumatakbo.

Tama na.
Talo na.

Pagod na ako sa pagiging hindi sapat.
Hindi ko na mawari kung ano pa ba ang dapat.
Patawad mahal sa pag suko.
Pero eto na ata.
Tapos na ang gera sa isip at puso.
Tapos na tayo.
-dito ko nalang idadaan ang ninanaais kong sabihin dahil hindi ko kayang makita ang iyong mga mata na patuloy paring nagpapanatili sakin. Patawad pero tapos na ata ang kwento ng Tayo-
O, ang daang aking tinahak ay unti-unting kumikitid,
Ang daluyan ng hangin sa paghinga ay sumisikip.
Ang paningin ay nahati sa dalawang lagusan,
Isang madilim na madali, isang mahirap na naliliwanagan.
Ano ang pipiliin? Ano ang susundin?
Ang bulong ng isip? O ang tibok ng damdamin?
  
Ang landas na inakalang magdadala sa tagumpay,
Lulan ng isang bangkang inaalon sa karimlan.
Tinahak ang karagatan ng apoy na nagliliyab,
Nagsaya, nagpakasasa, nagsilbing ulap sa kawalan.
Ang daang binalewala ay bumubulong ng salita,
"Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Pilit na sumisiksik sa masikip na lagayan,
Ang katotohanang wala kang paroroonan.
  
Ikaw na ninais ang siyang iginapos,
Ng aking katauhan sa pusong naghihikahos.
Sa pagdama ng kasiyahang ikaw lamang ang magbibigay,
Aking tinalikuran pag-asang hinihintay.
Ang lahat ay tinalikuran, itinapon sa kawalan,
Upang makapiling ka sa matatamasang kaligayahan.
Subalit matapos ang gabi ng panaginip,
Ako ay nagising ang kasuota'y lagunit.
Ang lalamunan ay wasak, ang mata ay mapula,
Sa aking paglabas, kinatatakutan nila.  
  
Sa aking paglalakad sa mundong umiikot,
Mga mata'y nagsasabi na ako ay nakalimot.
Nang mapadpad ako sa kuwadradong silid,
Ay nanlaki, nagulat, sa sarili nakatitig.
"Sino ka?" "Sino siya?"Aking pagsusumigaw,
Nilisan ng katinuan, ang kaluluwa'y inagaw.
Nagpatiluhod at doon ay nagnilay,
Ako'y patay na, sinayang ang aking buhay.
  
Isang katauhan ang nababalot sa liwanag,
Nagsasabing " Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Ang nakaabang ang kamay ako ay hinihintay,
Bago pa man mahawakan ay isang dilim ang bumalot,
Sa likod ng aking isipan, sa harap ko ay may inabot.
Supot na naglalaman ng buhanging Kristal,
Kristal na nagpapasaya at wawasak ng ligaya.
  
Kukunin ba kita at titikmang muli?
Itatapon ba kita at sa liwanag kakapit?
Ano ang gagawin ng isipang sabog,
Sa sayang dulot sa pagkain ng durog?
JK Cabresos Sep 2016
Isusulat kita.
Sa huling araw na masilayan ko
ang tamis ng ‘yong mga ngiti
at sa mapang-akit
**** mga labi.

Isusulat kita.
Habang nakikita ko pa
ang aking sarili
sa kislap ng ‘yong mga mata,
bago ka lumisan,
dahil matagal pa
ang ‘yong pagpihit
mula sa ibang daigdig.

Isusulat kita.
Sa mga titik at letrang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ko hahayaang
malusaw na lamang
sa pagtakbo ng oras,
mabaon sa limot,
patungo sa karimlan.

Isusulat kita.
Habang tanaw pa natin
ang mapula-pulang sunset
na kakulay ng puso nating dalawa
at kayakap kita.
Yayakapin kita.
Hanggang sa magbubukang-liwayway
ang tanaw nating takipsilim.
Yayakapin pa kita.
Sana.

Isusulat kita.
Sa kailaliman ng gabi,
sa dilim,
sa nagsisidhing damdamin,
kung saan sinag lang ng buwan
ang tanging namamasadan,
at ang kayakap ko na lang
ay ang mga basang unan.

Isusulat kita.
Kasabay ng pagpigil
sa pagpatak ng luha
habang nakikita
ang ‘yong mga hakbang
paakyat sa bus dahil uuwi ka na.
Habang ang sinasakyan
ko namang dyip
ay papalayo ng palayo sa ‘yo,
ihahataid na
kung saan ako ngayon
ay iniisip ka.

Isusulat kita.
Ikaw ang ipaloloob
nitong aking akda,
bawat berso, bawat tugma,
ikaw ang nasa isip,
ang iisipin ulit
hanggang sa tumunog bukas
ang naka-set kong alarm
at magising na lang
na nasa malayo ka na.
kingjay Dec 2018
Kumalat ang silahis
Aranya sa kublihan ng mga nasaktan nang labis
Sa liblib na bukirin nakatira ang anak-pawis
Ang tikap sa kapilya ay ang espasyo sa karimlan

Maringal ang alab sa dagat
Animo'y mga hiyas sa pananaw
Bermillong agwa ay nangingibabaw
nang isinaboy ang mga pilak sa Pasipiko

Anupat may respirasyon
nauudlot naman ang siklo
Sa pagbabalik-tanaw ay sumiyok
humahangos nang dumating sa koro
Tugtugin ng patibulo
Sa wakas, ilalagyan ng balsamo

Epidemya ng hapis
kahit inosente ay pintasan
Lumaylay nang mahilo
Natangay ng takot at dumapa nang napasuko

Lumaho ang pagkakataon na sana'y makakapagpasya
Kung alin ang dapat at tama
Sa sulok ay nanahimik
Umaasang mabawi ang panahon yaon
Ngayon saan pupunta
Eugene Jan 2016
Panibagong taon na naman,
Ang gugugulin ko sa kawalan,
Upang minitmihi ay makamtan,
Nang magtagumpay ako sa kasalakuyan.

Aking iiwan ang mapait na karanasan,
Aking ibabaon sa limot ang karimlan,
Aking iwawaksi sa isipan ang kalungkutan,
Nang ang puso ko ay mapuno ng kasiyahan.

Itutuwid ang bawat kamalian ko.
Hahasain ang kakayahang mayroon ako.
Isisiwalat ang kabaluktutang nasa inyo,
At bibigyang linaw ang mga tanong sa aking puso.


Kaya, hiling ko lamang na tayo'y magtulungan,
Pigilan ang anumang namumuong pagtangis at hidwaan.
Ibigin natin ang Diyos ng walang pag-aalinlangan,
Nang matutunan nating mahalin ang tao sa sanlibutan.
1.
Noong unang panahon, may isang diyosa
Ang ngalan niya’y Alunsina, marikit na dalaga
Mula sa langit na pinagmulan niya
Siya’y pumanaog sa lupa
(Once upon a time, there was a divine woman
Her name was Alunsina, the Unmarried One
From heaven above where she had gone
The earth below she landed upon)

2.
Isang araw, habang namamasyal siya
Kanyang nasilayan bayang kahali-halina
(One day, while she was roaming
Saw her a town so captivating)

3.
Ang nasabing pook, may makisig na hari
Siya ang butihin at maginoong Datu Paubari
(On that place ruled a king so handsome
He was Datu Paubari, so gentle and awesome)

4.
Sa kabila ng mga pagsubok, sila’y nagsanib
Walang nakapigil sa kanilang pag-iisang dibdib
(Despite the setbacks, they still united
They were able to marry undaunted)

5.
Sila’y biniyayaan ng magigiting na anak –
Sina Labaw Donggon, Humadapnon at Dumalapdap
(They were given courageous sons –
Labaw Donggon, Humadapnon & Dumalapdap)

6.
Si Labaw Donggon na panganay, humarap sa pagsubok
Ng mangkukulam na si Sikay Padalogdog
(Labaw Donggon, the eldest, faced all challenges
Of Sikay Padalogdog, a sorceress)

7.
Makuha lamang ang sinisinta
Na si Angoy Ginbitinan, kaakit-akit na dalaga
(In order to win her beloved one
The charming maiden, Angoy Ginbitinan)

8.
Marami pang paghamon ang kanyang nalagpasan
Upang pag-ibig sa sinisinta’y kanyang mapatunayan
(Came all other odds which he kept on surpassing
In order to prove the love for his darling)

9.
Tulad nalang ni Abyang Durunuun
Ang naging pangalawang asawa niya sa paglaon
(Just like Abyang Durunuun
Who became his second wife soon)

10.
Sa pangatlong pagkakataong umibig si Labaw Donggon
Kailangan niyang harapin ang pinakamabigat na paghamon
(On the time Labaw Donggon fell in love with someone
He needed to face a trial – the hardest one)

11.
Iyon ay ang talunin ang hari ng karimlan
Walang iba kundi ang demonyong si Sinagnayan
(That was to defeat the King of the Underworld
No other than Sinagnayan the demon)

12.
Sa kasamaaang palad, si Labaw Donggon ang pinatumba
Binihag at pinahirapan; gayunpaman, hindi pinaslang ang bida
(Unfortunately, Labaw Donggon was the one defeated
Was made captive and tortured; nonetheless, he wasn’t killed)

13.
Ang masamang balita’y nakarating sa kapatid na si Humadapnon
At sa mga anak niyang sina Aso Mangga at Buyung Baranugon
(The bad news reached his brother Humadapnon
And also his sons, Aso Mangga and Buyung Baranugon)

14.
Ang kadugong tatlo
Kaagad na sumaklolo
(The three kinsmen instantly
Came to set him free)

15.
Si Humadapnon ay napagtagumpayan
Na pabagsakin si Sinagnayan
(Humadapnon succeeded
Sinagnayan he defeated)

16.
Samantalang sina Buyung Baranugon at Aso Mangga
Tinanggal sa pagkakagapos ang ama
(While Buyung Baranugon and Aso Mangga proceeded
To their enchained father whom they soon liberated)

17.
Nang si Sinagnayan ay nagapi na
Si Humadapnon ay may nakilalang marikit na dalaga
(After Sinagnayan had just fallen
Humadapnon met a lovely maiden)

18.
Siya ay si Nagmalitong Yawa
Kay Humadapnon naging asawa
(Nagmalitong Yawa was her
To Humadapnon she became partner)

19.
Si Humadapnon ay may pangalawa ring kinagiliwan
Siya ay si Burigadang Bulawan
(Humadapnon also had a second one
She was Burigadang Bulawan)

20.
Samantalang si Dumalapdap, kinalaban ang halimaw
Na si Uyutang, sa apoy tumatampisaw
(While Dumalapdap fought a monster
That was Uyutang who splashes on fire)

21.
Kanya ring dinaluhong ang basang halimaw
Na si Balanakon sa tubig nakasawsaw
(He also struggled against a wet monster
That was Balanakon who soaked in water)

22.
Nang ang dalawang halimaw nagapi sa kahuli-hulihan
Napaibig ni Dumalapdap si Mahuyuk-huyukan
(In the end, when the two monsters were killed
Dumalapdap and Mahuyuk-huyukan then married)

23.
At sa pinakakahuli-hulihan,
Ang tatlong magkakapatid ay masayang nagkabalikan.
(And in the very end,
The three brothers happily met one another again.)

-03/11/2012
(Dumarao)
*for Lit. Day 2012
My Poem No. 103
solEmn oaSis Jan 2020
Kung ako ang siklab
Tiyak ikaw ang dagitab
Na buhay na buhay sa pinakamadilim na karimlan
Na siyang nag-aangat sa mga anino na kay pino at may likas na talino

Kung ako ang ningas
Nararapat lamang ikaw ang hangin at simoy
Hindi nabago at malaya na naging tanggulan...
Dinuduyan ang kasanggulan.
Para lamang malinang at kalingain
Upang sa gayon ang naturang ningas ay magliyab at maging isang apoy !

Kung ako ang pagpapalitan at pagkakaisa
At halos nga ay kapwa pawiin...
Ikaw dapat ang gabay at kamay
Na may tangan ng tiwala at paniniwala...
Naghihintay ng sandali at tiyempo
Upang maihanay ang iyong sarili sa ritmo at tono
Nang sa gayon magagawa nating...
Maipagpatuloy ang
Pagputok ng sulong sinindihan hanggang sa maging ilaw.
At muli magagawa nating...
Balikan ang sinimulang paglalakbay pasulong kalakip ang tatag at tibay

Mula sa gitna ng kadiliman
Tayo nawa ang maging malinaw
Gaya baga ng dulot ng kinabukasan.
Hawak-kamay tayo, iyan ang kailangang mangibabaw...
Sapagkat sa ating pagsusukob...
At tanging sa ating pagsusukob,

Tayo ay....

maliwanag na maliwanag .

Manigong bagong taon sa lahat!!!


*ryn's incandescent translated to tagalog by: solEmn oaSis
At Maligayang buwan ng mga puso
Ngayong 2020 punan ng pag-ibig ang sulo
kingjay May 2020
Malamig na ang hangin
Na dumadampi sa pisngi
Ang usok na umiimbulog
Sa langit
Ay lumalamlam na sa paningin

Ang tunog ng mga instrumentong pansaliw
Sa tula na ginawang awit
Ay di na naririnig

Ang pagkalugami sa nakaraan,
Ang bakas ng kahirapan
Ay di na nagpapaligalig,
Nagpapasimangot nang magunita sa sandali

Kung noon sa bawat araw ay masigasig,
Sa kinabukasa'y nananabik
Di na ngayon
Sapagkat sa dapithapon nahuhumaling

Ang nagpupuyos na liwanag
Sa dakong silangan
Na dati'y mainam pagmasdan
Ay nakakasilaw

Ang takipsilim sumisimbolo ng kalumbayan
Ay isa na na tanawin
Para sa kagalakan ng kaluluwa

Ang unos at karimlan
Pag nasa luklukan
Ay isa lamang pangkaraniwan
Pag may lampara
Na hindi ka iiwan
Masarap mabuhay sa saya't kapighatian
sa kasaganaan at kahirapan
sa kawalan ng pag-asa
sa hilahil
sa nakaraan
sa kinabukasan
sa hinaharap
Oh Pinakamakapangyarihang Dios Ama
Tagapaglikha ng tao, langit at lupa
Panginoon ng Silangan, Kanluran, Timog at Hilaga

Kailan Mo po diringgin
Ang sampung taon ko nang panalangin?
Pag-ahon sa karimlan ay akin nga bang sasapitin?

Kayraming tao sa mundo ang sadya **** pinagpala
Hinandugan ng kapangyarihan at limpak na pera
Subalit kanilang ginamit sa mali at masama!

Ako na itong alam Mo kung saan gagamitin
Negosyong pangtustos sa pagkaparing nais tahakin
Puhunang tutulong sa mga taong may mabuting adhikain

Bakit ipagkakait sa nais pagsilbihan Ka?
Sa may hangaring tumulong sa kapwa at sa bansa?
Dakilang Tagumpay sa Philippine Lotto sa akin po ay itadhana!

-06/27/2015
(Dumarao)
*My Prayer Poems for Ultimate Victory Collection
My Poem No. 370
solEmn oaSis Nov 2020
Nakabibingi ang tunog ng katahimikan
Katahimikang pumapaimbulog sa karimlan
BinaLi ang sungay... buntot ay nabahag....
NakasisiLaw na tila maLiyab na sunog etong Liwanag
Liwanag na magbibigay linaw sa iniwang bakas ng alingawngaw
Puwing na hinipan... Hagip pati ang tahip na tinalupan !


©Pag-ibig, Pag-asa at Pananampalataya
if we truly can see what was good in the bad,
we surely could learned our lesson behind and beyond  !
Kurtlopez Feb 2023
Sa kaibuturan ng puso
Makikita ang dulo
Dulong walang hangganan
Kung saan ikaw ang laman

Naging panatag sa karimlan
Dahil ika'y andyan
Nagsimula ang umaga
Natapos sa gabing nakatawa

Aking mukha'y nakatawa
Pag ika'y laging kausap
Kaya't sana'y wag mawala
Dahil ikaw ang aking pahinga
Raine Quirino Nov 2020
Bawat hibla ng salitang nagsisi-alpasan, ikaw ang tono, ang sentro, binabaybay bawat bituin na iyong nahawakan

Mga matang mangha ang sumasalubong
Na wari'y pinagmamasdan ang marilag na dapit-hapon

Nang isang gabi, nalupig ng madilim na kalawakan ang mga estrelyang nagniningning sa mga palad **** gasgas sa pagkakadapa
Tumakbo ang mga manonood palayo sa iyo
Ayaw nila ng dilim
Kikukutya nila ang hindi kumikinang

"Ganoon ba talaga iyon? Aakayin ka sa alapaap, ngunit kakawala sa karimlan?" sambit ko

Subalit salamat
Sa pagbitaw, nabanaag ang sinag ng yumayapos na bukang-liwayway
Naring ang umaalingawngaw na bulong, na tila humi-hele, ika'y hinihilom
Saad Niya, "Bangon. Kahit mag-isa. Mag-isa, kasama Ako."
Ronna M Tacud May 2021
Siya'y aking Ina na kung tawagin
ng iba'y 'Ilaw ng tahanan'.
Dugo't pawis ang kanyang natamo
upang kami'y maitayo.
Sa hirap nang buhay siya'y aking
tinitingala dahil siya'y dakila.
Anumang unos ang dumating
siya'y handang sumalungat.
Upang kami'y maprotektahan at pagka-ingatan.

Aking Ina, paano kami kung wala ka.
Paano ang aming kinabukasan kung
ika'y wala sa aming tabi.
Sino ang aahon at tutulong sa pagsubok na aming haharapin.
Sino ang sisindi ng ilaw kapag kami'y
pumanig sa karimlan.
Sino ang gagabay at patuloy na gumagabay
sa pamilyang binuo ng isang matapang na mandirigma.

Paano kami kung wala ka, aming Ina!
Ika'y Ilaw sa loob ng aming tahanan.
Ang siyang aming sandigan sa bawat suliranin na aming pinagdadaanan.
Mahal naming Ina, salamat!
Salamat sa lahat ng pagmamahal na ibinuhos mo bawat isa sa amin.
Ang tanging hiling ko lamang sa Dios ay kung sana'y ika'y pagpalain.
#Ilawngtahanan #mahalnamingina #Inay #salamat
wizmorrison Jul 2019
Kaygandang pagmasdan ang kalangitan,
Punong-puno ng kumikinang na yaman.
Nandito pa ang nakakabighaning sinag ng buwan,
Na siyang nagtatanglaw nitong gabi ng karimlan.

Kaygandang pagmasdan ang iyong mga mata,
Punong-puno ng pagmamahal at pag-ibig sinta,
Nandito pa ang nakakabighani **** ngiti
Na siyang nagbibigay ilaw sa puso kong ikaw lang ang minimithi.

Kaygandang pagmasdan ang kalangitan,
Punong-puno ng mamahaling kayamanan.
Nandito pa ang buwan na nagtatanglaw
Nitong gabing musika’y nag-uumapaw.

Kaygandang pakinggan ang musika ng gabi,
Kasing ganda ng busilak **** mga ngiti sa labi.
Nandito pa ang mga yakap **** nagbibigay saya
Nitong damdamin na mahal na mahal ka
Prince Allival Mar 2021
Nakatindig sa harap ng mga nangagdaan
Sa pagtunog ng batingaw, ikaw ang s'yang naaalala, na ikaw sana'y magbalik.
Ako ngayo'y nakabinbin sa bangin ng kalungkutan: Nasa'n ka na nga ba?
Sadyang 'di kita matanaw kahit man lang ay saglit.

Nalulunod ako sa mga luha
sa bawat oras ng pagkadapa,
Nakapako sa krus ng pag-iisa't pighati;
'Sang pinsala dulot ng pag-ibig
na nawaglit lang ng bigla
Nasa'n ka na nga ba?
Hinahanap-hanap kita sa bawat sandali.

Nakakulong sa rehas ng iyong pagmamahal,
At sa pagdating ng hating-gabi,
ginagapos ng lubid ng karimlan:
Walang mahagilap na dahilan
sa paglayo mo mula sa 'king piling,
Bukod-tanging kahapon na lamang
ang aking sinusubukang gunitain.

Subalit gulo ang s'yang aking batid,
pait ang s'yang aking lasap;
Ni walang kapayapaan,
ni bigkis man lang ng galak.
Tayo sana'y habangbuhay na, ba't ka pa lumisan?
Nasa'n  ka na nga ba?

At kung hindi ka pa rin darating,
sa panahong mundo na'y magdidilim,
Maghihintay pa rin ako sa 'yo
hanggang mayro'n pang akay na takipsilim.
Jun Lit Oct 2021
Malambot ang kalimbahin,
talulot ng bulaklak na rosas,
tamang-tama sa pagpapagaan
ng masakit na pakiramdam
ng puro pasâ at bugbog-saradong lila
ng sugatang puso ng isang bansa -
sinugatan ng mga taon ng panggagahasa
ng mga pulitiko, at panghahalay
sa ekonomiya at lipunan.
Nagpapagaling ang kalimbahin.

Tamang timpla ang kalimbahin
ng matingkad na pulang dugo,
inialay ng mga bayani, nag-aalab sa banal
na pag-ibig, pagnanasang lumaban
para sa kalayaang tila napakailap
sa lahing puno ng kasawian
at ng dalisay na puting diwa
ng mga duminig sa tawag ng sambayanan
di alintana ang sarili, busilak tulad ng papel
na walang sulat, na sa ibabaw n’ya
ay mahihiyang maglapat ang isang makata
ng mga talatang sambay-bakod kumbaga.
Masaklaw ang kalimbahin.

Maliwanag ang kalimbahin
litaw na litaw sa tila itim
ng gabing pinakamadilim
sa ating sinalantang kapuluan,
at sa malabo, lalong kumukupas
na pangungunyapit ng bughaw-lilang kalangitan
subalit may sumisilip na’t nagpapalakas-loob
na sinag ng dilaw na araw muli, nababanaag
ang bagong Pag-asa ay binabasag
ang nakabalot na karimlan,
nagbabadya, ibinabaybay
ang ating kaligtasan
bilang isang bayan –
At kalimbahin ang kulay
ng bukang-liwayway.
This is the Tagalog translation of the previous poem "Pink."
Minsan pang kita'y inalo
sa dusa mo't kalbaryo
"tumakas kaya tayo..
dito.. dito..  sa magulong mundo" Sabi mo.
(at tumakas ka nga.. patungong karimlan)

Hinahayaan ang mga paa'y humakbang..
na sundan yaong mga iniwang bakas
nitong mga aninong nagpumiglas
At nilamon na tayo ng kawalan.
(at hindi.. hindi ito ang alapaap)


Ngunit gigising parin tayo..sa reyalidad..
sa buhay.. at sa tunay na anyo ng mundo
"Hindi ba dapat ikaw mismo ang magbago nito,
na sa halip ay ikaw ang binago ng mundo?"
Rena Lyn Bala-oy Dec 2018
Gumising ka, Liwayway
Pag-asa ay nais masilay.
Pighati ng karimlan ay nakalulumbay,
Ako'y ilawan ng iyong sinag, bigyang buhay
Nang ang gaya kong kapos palad ay 'di mamatay.

— The End —