Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
derailed-trains Mar 2022
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Kailan ba nagsimulang mamuo ang lamat—
ang tipak sa dingding ng panahon
Na nabuo mula sa iisang hibla
Na lumawak at nagmistula nang mga sanga ng puno ngayon

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Saan ba nagsimula ang sigalot na kahit anong gawin ay hindi ko mahanapan ng kakalásan—
Hindi matakasan ilang bukas man ang daanan
Gaya ng Ang Probinsyano sa telebisyon na inabot na ng ilang taong

Naging saksi na rin sa pag-inog ng mundo
kong patuloy man sa pag-ikot ay parang hindi naman makausad sa pag-atras
Pabalik sa nakaraan nating ayaw magparaya
Ayaw magpalimot,
Ayaw magpaawat,
Ayaw magpatawad

Nasira ko yata ang pinaplano kong 𝘢𝘳𝘳𝘢𝘯𝘨𝘦𝘮𝘦𝘯𝘵 sa umpisa, mahal
Gaya ng wala naman talaga tayo sa 𝘱𝘭𝘢𝘯𝘰
Ng kahit kanino sa ating dalawa
Ngunit, heto na, nangyari na
At nagkasakitan na
Nang higit pa sa kayang pasanin ng puso
At ngayon, gusto ko lang malaman:

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Ano ba ang simula ng gulo nating parang islang lulubog-lilitaw—
Paparoon at paparito, hindi makadiretso
Gaya ng mga alon na nakikipaglaro sa dalampasigan
Masaya naman tayo... 𝘮𝘪𝘯𝘴𝘢𝘯
Masaya naman tayo minsan
Masaya naman tayo minsan
At minsan, nakakalimutan ko ring hindi mo na nga pala ako mahal

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Masyado nang matagal
Ang paghihintay ko ng sagot sa mga tanong na paulit-ulit ko mang bigkasin
Ay hindi naririnig ng utak **** ayaw umintindi
At ng puso **** ayaw magsisi
At nakakatawang isipin na ako ang naghahabol ng kaliwanagan,
Nag-aasam ng kaayusan
Kung sa ating dalawa, ikaw naman talaga ang nagkulang

Paano ko ba tatapusin ito, mahal? Sana tayo na lang ang tinapos mo matagal na.
mamatay tayong lahat sa kakornihan. i wrote this on a whim; i'm so sawry.
.
.
.
.
.
.
anyhow, sana makahanap tayo ng pagmamahal na sigurado, marunong magtimpi, marunong magpatawad, at higit sa lahat, marunong bumitaw kapag hindi na talaga kaya. because letting go is still an act of love. or, something. i don't know.
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
081721

Pikit-mata kong inaaninag ang liwanag
Na dumarampi sa aking mga pilik-mata
Habang bahagyang nagbabadya ang pagsirit
At pag-agos nang marahan
Ng pawis na pilit kong ikinukubli
Sa bawat pagtiklop ng hapon.

Walang oras o segundong hayag
Sa kung papaanong paraan ba aahon ang Araw
Na tila ba kaytagal kong hinintay na bumangong muli.
Ni hindi ko magawang lumapit
Sa mga sinag nitong hayagang yumayakap sa akin
Na para bang nais Nitong hingahang muli
Ang buo kong pagkatao.
Hinahagkan ang bawat pagbugso ng aking pulso
Buhat sa kawalang ulirat sa katotohanang
Minsang kumatok at pinagbuksan.

Nagbigkis ang lahat ng mga mandirigmang
Walang ibang hiling
Kundi sumapit ang takdang araw
Na ilang beses binuhol-buhol sa kalendaryo
Gaya ng pag-aabang sa muling pagsindi’t pag-ulan
Ng mga bulalakaw sa langit
At may iba’t ibang kapaliwanagan.

Nagliwanag naman ang kurtinang nagbibigkis
Sa hagdanang patungo sa kaluwalhatian
At sa pastulang aking minsang sinuklian
Ng Kanyang mga balak
At pinagtaniman ng mga binhing nagbunga na ngayon
At akin nang inaani nang may galak.

Dumudungaw sa lente ng aking mga mata
Ang aking pagkataong binihasan ng liwanag.
At tunay ngang ang mga luha'y papawiin
At wala nang ibang maibibigkas pa kundi
Papuri't pagsamba sa tunay na nagmamay-ari
Ng kaluwalhatiang habambuhay na aakap
Sa panibagong mundong nagtapos na ang kadiliman.

"Bubuksan Ko ang kalangitan,
Maging ang buong kalawakan,
Masilayan mo lamang ang laan Ko para sa'yo.
Tamasahin mo ang kabuuan ng Aking presensya
At ang pag-ibig Kong alay na inihanda ko para sa'yo.
Ang piging sa Aking pagsasalo'y hayag sa buong sansinukob
At ang lahat ay nais Kong makapiling sa Aking pagbabalik.
Ang hamon ng buhay ay siya ring susubok sa'yong katapatan
Kaya't wag kang matakot na waksian ang mga kamaliang
Iyong kinasanayan at ika'y magpasakop sa Aking kaluwalhatin.
Ang lahat ng Iyong mga narinig at nakita'y magliliwanag
Sa pagsapit ng itinakdang oras..
At sa iyong paghihintay ay patuloy kang lumakad
Sa landas kong laan para sa'yo.
Patuloy **** ipalaganap na ang Aking kaharian
Ay bukas para sa lahat,
At ang dugong dumanak
Buhat sa Aking bukod-tanging Anak na si Hesus
Ay siyang nakasuklob sa'yo sa iyong laban.
Tanggapin mo ang regalo Kong Banal na Ispiritong
Syang gagabay sa'yong mga pasya't
Magbibigay kaliwanagan sa mga bagay
Na tanging pang-langit lamang.
Ikaw, kayong mga tinawag Ko'y sama-samang humayo,
Ipalaganap n'yo ang liwanag sa madilim na sansinukob..
At sa Aking paghuhusga'y gagawaran Ko
Ang lahat ng aking mga anak
Na hanggang sa huli'y nanatili, nagpasakop
At kumilos ayon sa Aking mga Salita't mga utos.
Ang pag-ibig Ko'y sa iyo.."
ESP Nov 2020
Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Sa gitna ng hatinggabi at umaga

Mga aninong dumaraan
Hihigupin ang kamalayan

Maiiwan ka sa dilim
Malulunod sa kawalan

Susubukang tumayo, iiwas sa demonyo ng kahapon,
ng ngayon,
at kung darating man;
ng bukas

Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Sa gitna ng hatinggabi at umaga

Basang basa sa hinagpis at pag-iiyak
sa lahat ng mga bagay na hindi tiyak

Tatakbo palayo't susubukang lumisan sa kaibuturan,
sa kalungkutan,
at sana dumating pa:
ang kaliwanagan

Balisa, sa lawa ng pag-iisa
Palagi nang inu-umaga
May pait na dulot
ang lubos na pag-iisa
From a prompt, "may pait na dulot ang lubos na pag-iisa".
Louise Sep 29
Kasabay ng iyong pagpikit
ay ang imbay ng aking katawan,
pag-alon ng mga balikat at pagkibit.
Kasabay ng iyong pagtalikod
ay akma akong aapak at papalakpak,
dahan-dahang papalapit sa entablado.
Kasabay ng iyong pagkukubli ng damdamin
ay ang pag-muwestra ng tadhana sa akin,
pag-gabay tungo sa kung ano ang tuwid.
Kasabay ng pagtago ng nadaramang totoo,
ay ang siya ring paghahanap ko ng sagot
sa wari’y hindi mo masagot na tanong.
At kasabay ng pagsasara nitong kurtina,
ay ang paghinto sa pagpatak ng luha
at ang ating maligayang paglaya.
At kasabay ng pagdidilim nitong entablado
ay ang kaliwanagan na di nahanap sa’yo
at ang aking pagsuko para sa teatro.
At kasabay ng kanilang hikbi at palakpakan
ang pinakahihintay na pag-uwi sa kawalan
at pagsalubong sa sarswela na naman.
Allan Pangilinan Oct 2018
Kailan kaya tititigil, hihinto, mawawala?
Ang mga Gabriela na ating nakikilala?
Isang ideya na kay hirap tapusin, kitilin, hawiin,
Nasa looban ay may markang nagdiin.

Nawa’y patuloy nga ating paglakas,
Nang sa susunod ay wala sa isip ang pagtakas,
Bagkus ay kapayapaan at kaliwanagan,
Ang pupuno nang higit sa kaisipan.

Kung malamig lamigin,
Kung mainit mainitan,
Basta sa susunod ay may kumot,
Pamaypay nang mahanganinan.

Magbabago rin pagkat mawawala ang mga Gabriela,
Paglahong walang pasabi ngunit may ganda,
Sa langit natin lahat ay natutuwa,
Nahanap na. Nahanap na.
Saksi ang mga mata sa pagmamahalan
sa itaas, hinahalikan ng kadiliman
ang kalangitan, kung saan naipasa
na rin ito sa aking kaulapan.
Niyayakap ng saplot ang kalupaan,
at naaakit ang mga mata sa kaputikan.
Dahil dito pinipilit ang katauhan mamalagi
sa kapaligirang punong-puno ng kagandahan.
Tinuturukan ang utak ng mga kulay
na galing sa kaitiman, habang nagsusuot
ng saya. Saya na hindi makatotohanan,
saya na pampalipas oras lamang.
Nauumay, isinusuko na ng katawan,
isinusuka na rin ng katanyagan. Ang
ninamnam na pagbabalatkayo at
ang pagiging bulag sa kasalukuyan.
Parang inaararong lupa ang tinatapakan,
may maipagmamalaki ba ang pagtakbo?
Nagising na ang diwa, ang kamalayan,
Ano kaya ang kinakailangan kong gawin?
Ibinulalas ang tikas ng pangangatawan, at
ang pamamaraan na taglay ng kaisipan,
para sana ay makaraos sa nararanasan. Pero
parang kulang, paano ko ito malalagpasan?
Ah! Oo nga pala! Bakit puro ako?
Kung mayroon namang siya, sila, kami, at
tayo? Paano ako makakatahi kung nasa
iisang butas lang ako at hindi umuusad?
Kung gusto kong gumawa ng damit,
kinakailangan ko ang mga butas para
sa aking sinulid. Sama-sama hanggang sa
makabuo ng isa. Isa't-isang humuhulma ng pag-asa.
Hanggang sila'y nagsiilawan at lumutang
paitaas, tangay-tangay ako hanggang sa
paunti-unting bumubukas ang kalangitan,
binabaha ng liwanag hanggang sa ako'y natalsikan.
Lumiwanag, kasama ko na sila, iisa na kami.
Patungo sa umusbong na daan sa kaliwanagan.
Kung saan, wala ng ako, siya, sila, kami at tayo.
Wala na, wala na, magpakailanman.

— The End —